logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

KABA: SABRINA 7

Binalingan niya ang walang malay na si Nickson. Mabilis niya itong itinali bago nagsimula ng isang orasyon. Mas magiging kapanapanabik dahil natitiyak niyang tatalab agad ang gagawin niya dahil mismong si Nickson ang naroon. Inihanda niya ang mga kakailanganing gamit. Kinuha niya ang larawan nilang magkasama para makuha ang larawan nito. Gumupit siya ng ilang pirasong buhok at kinuha rin niya ang pitaka sa bulsa ng pantalon nito.
Sa pinakagitna ng sahig ay nakaguhit ang larawan ng malaking mata. Lumuhod s'ya rito at sinimulang bumulong sa wikang latin.
"Sabrina! Tama nga si Erika, kulam ang dahilan ng mga nangyayari sa kan'ya noon!" nilingon niya ang lalaki na nagkamalay na pala. Puno ng pagkapoot ang mga mata nito habang nakatitig sa kanya.
"Nickson, sana hindi mo na lang ito nadiskubre lahat. Mahal pa naman kita ngunit mas importante ang mga pangarap ko. Kaya magsama kayo ni Erika sa impyerno!" sigaw niya rito.
Humarap siya sa altar na sinasamba niya. Mahaba ang sungay ng rebultong naroon. Nakakatakot ang itsura nito pero ito ang tumupad sa mga kahilingan ni Sabrina. Lumuhod siya sa harap ng diablo at nagsimulang umusal ng orasyon. Tanging ito lamang ang tumulong sa kaniya nang mga panahong lugmok siya. Natupad niya ang pangarap na maging sikat na artista, gumaling siya sa pag-arte at kapalit nito ay ang buhay ni Erika. Siya ang kumulam dito at nagbigay ng mga halusinasyon. Nasira niya ang career nito at hindi lang doon nagtapos ang lahat. Inutusan niyang magpakamatay si Erika. Hindi siya nagsisi sa mga ginawa niya rito! Gusto pa siya nitong usigin at muntik na ring magtagumpay! Mabuti na lamang dahil mas tuso siya kumpara kay Erika.
“Kaawa-awang Erika, hanggang sa huling sandali ng buhay niya ay hindi niya nalamang ako ang kumukulam sa kanya,” nakangising sambit niya bago nagsimulang dumaloy ang mga alaala sa kanyang isipan.
“Sabrina, tulungan mo ako! Para akong nababaliw! Hindi ko na kaya!” humahagulgol na bulalas ni Erika habang kausap siya nito sa cellphone. Napangiti siya pero pinalungkot niya ang tinig nang sagutin ito.
“Erika, kung gusto mo ay sasamahan kita sa doktor. Nag-aalala rin ako sa kalagayan mo,” nilangkapan niya ng pag-aalala ang boses kahit ang totoo ay gusto niyang humagalpak ng tawa.
“Hindi ako nababaliw, Sabrina. Ang sabi ng manghuhula ay may kumukulam sa akin,” nanginginig ang boses na sambit nito. Agad siyang napairap sa sinabi ni Erika. Palibhasa ay laking probinsya kaya naniniwala sa mga hula at kulam. Sa totoo lang ay si Erika din ang nag-impluwensya sa kanya tungkol sa hula at kulam. Palagi itong nagpapahula para sa kapalaran nito at isinasama pa siya. Ayaw niyang maniwala noong una pero dahil sa kagustuhang maabot ang bituwin ay pilit niyang inaral ang lahat. Kahit ano ay kaya niyang gawin alang-alang sa pangarap. Hanggang sa napunta siya sa isang kultong sumasamba sa diablo. Doon ay mas lumawak ang kaalaman niya hanggang tuluyan na niyang kulamin ang kinaiinggitang si Erika!
“Pakawalan mo ako rito, Sabrina!” Naputop ang pagmumuni-muni niya sa malakas na sigaw ni Nickson. Bumaling siya rito at marahang naglakad palapit.
“Alam kong duda ka na sa akin noon pa. Hindi mo ako minahal kahit kailan. Akala mo siguro ay tanga ako pero nagkakamali ka! Mas tuso ako sa inaakala mo!” singhal niya bago humalakhak ng malakas.
Marami na ang nabiktima ng kaniyang pagiging bait-baitan. Ang malaanghel niyang mukha ang puhunan niya para kaawaan siya ng mga tao. Kayang-kaya niyang paikutin ang lahat.
"Baliw ka na! Pakawalan mo ako rito!" Pilit nitong kinakalas ang sarili sa pagkakatali.
"Paalam Nickson." nakangising inihulog niya sa apoy ang larawan nito.
"Aaaaahhh!!!" sigaw ng lalaki na namula bigla ang mga balat. Sunod niyang nilagay sa Apoy ang buhok na nakuha niya rito. Maya-maya lamang ay sisilab na ang katawan nito.
Huli niyang sinunog ang pitaka na may orasyon. 
Agad nagliyab ang katawan ng lalaki. Napuno ng nakakikilabot na sigaw ang silid kasabay ng malakas niyang paghalakhak. Ang gasolinang inihanda niya ay mabilis niyang ibinuhos sa paligid. Susunugin niya ang bahay at palalabasing may gustong pumatay sa kanya. Makaliligtas siya dahil tatalon siya sa bintana pero si Nickson ay palalabasin niyang hindi nakaligtas sa sunog. Kaaawaan siya ng mga tao at mas sisikat pa siya lalo. Sayang lang si Nickson, mabuti na lamang at kaunti nalang ang kailangan nilang tapusin sa taping. Magagawan na iyon ng paraan ng production team at ng direktor.
Natupok ng apoy si Nickson at umaatungal ito sa sakit. Malakas siyang napahalakhak nang magsimulang tupukin ang bahay. Natigilan lamang siya nang mag-init ang kanyang katawan. Pakiramdam niya ay nasusunog ang kanyang balat.
Nilingon niya ang nagliliyab na pitaka ni Nickson. Nakabukas ito at kitang-kita niya ang kan'yang larawan mula sa loob na tinutupok na rin ng apoy.
"Hindi!" Umalingawngaw ang sigaw niya sa apat na sulok ng silid na iyon. Mabilis siyang tumakbo paakyat habang nag-iinit ang balat niya. Para itong nalalapnos. Hindi niya alam kung paano maibsan ang init nanararamdaman niya kaya napasigaw siya ng malakas.
"Hindi ito maaari!" sigaw niya bago tinungo ang sariling kwarto sa second floor. Tatalon siya mula roon gaya ng kanyang plano.
Pagdating sa bintana ay pikit matang tumalon siya. Kapag nasaktan siya o napilayan ay mas mabuti para magmukhang makatotohanan ang palabas niya. Bumagsak siya sa lupa at napadaing sa sakit nang tumama ang katawan niya sa maliliit na bato. Patuloy pa rin sa pag-init ang katawan niya kaya. Nalalapnos ang kanyang balat kaya pagapang siyang lumayo. Hindi siya makatayo dahil sa sakit ng kanyang katawan.
“Ms. Sabrina! Ms. Sabrina!” rinig pa niya ang pagsigaw ng kanyang PA na si Yolly. Hindi niya alam na pupunta ito sa bahay niya. Gusto niyang tawagin si Yolly pero hindi niya magawa. Tinutupok na ang buong bahay at babagsak iyon kaya mabilis siyang gumapang palayo. Nag-iinit pa rin ang katawan niya. Gusto niyang lumublob sa tubig. Gumapang siya ng gumapang habang tumatagaktak ang pawis dahil sa init ng kanyang katawan. Palayo siya nang palayo sa bahay niya pero wala siyang pakealam. Gusto niyang maibsan ang hapdi ng kanyang balat hanggang sa hindi na niya kinaya ang lahat at tuluyang nawalan ng malay.
Nagkamalay siya sa piling ng isang babaeng hindi niya kilala. Napulot siya nito sa gilid ng daan. Sunog ang balat at parang nabuhusan ng kumukulong mantika. Mahirap lang ang babae pero marunong sa panggagamot.
“Ikaw si Sabrina hindi ba?” tanong ng babae habang nakatitig sa kanya. Pamilyar ang mukha nito pero hindi niya matandaan kung sino.
“Ako si Marietta, ang manghuhulang kaibigan ni Erika,” sambit nito kaya nanlaki sa gulat ang mga mata niya.
“Tignan mo nga naman ang karma, hindi ba?” nang-uuyam na sambit nito bago tumitig sa kanya. Gusto niyang sumagot pero hindi niya magawa. Punong-puno ng benda ang buo niyang katawan.
Binuksan ng babae ang telebisyon at bumungad sa kanya ang balita tungkol sa pagkasunog ng kanyang bahay. Sinasabi rin sa balita na ligtas na si Sabrina at nasa mabuti nang kalagayan. Nasunog man ang mukha nito ay sumailalim naman ito sa plastic surgery. Hindi lang makausap ng matino dahil nagkaroon ng amnesia. Pinaniniwalaang nabagsakan ang babae ng kahoy sa ulo dahilan kaya natagpuan itong walang malay sa loob ng nasusunog na bahay. Nanlaki ang mga mata niya ng ipakita sa telebisyon si Sabrina. Kamukha niya ito pero alam niyang hindi siya iyon!
“Ito na ang kabayaran sa kasalanan mo, Sabrina. Ang babaeng iyan ay si Yolly na napagkamalang ikaw!”
‘Hindi!’ gusto niyang sumigaw pero ungol lang ang lumabas sa lalamunan niya. Pinilit niyang gumalaw at magwala pero hindi niya magawa.
Humalakhak naman si Marietta habang nakikita ang paghihirap niya.
“Paalam, Sabrina. Walang-wala ka na ngayon. Iiwan ko na sa ’yo ang maliit na bahay na ito. Pasalamat ka dahil ginamot pa kita!”
Umalis ang babae at naiwan siya roon na walang magawa at nagngingitngit sa galit habang nakatingin sa maliit na telebisyon.
****
Samantala, nagkakagulo pa rin ang production team dahil sa pagkamatay ng kanilang dalawang bida.
“Kaunti na lang, matatapos na ang pelikula! Paano na ngayong patay na si Sabrina at Nickson? Masasayang ba lahat ang effort natin?”
“Akala ng mga tao, si Yolly ay si Sabrina! Tutal hindi naman nahanap ang katawan ni Sabrina sa sunog, bakit hindi na lang natin panindigan ang lahat?”
“Nahihibang na ba kayo? Hindi maaari ang ganyan! Paano kapag bumalik si Sabrina?”
“Patay na si Sabrina! Ulila na rin siya katulad ni Erika kaya sino ang maghahabol kung nanakawin natin ang pagkatao niya?”
“Yolly, maghanda ka. Mula ngayon ay mababago na ang buhay mo. Ikaw na ngayon si Sabrina!”
ABANGAN ANG KWENTO NI FREYA...

หนังสือแสดงความคิดเห็น (34)

  • avatar
    Rome Azaiah

    goods

    05/08

      0
  • avatar
    GonzalesJeffrey

    Very nice

    03/07

      0
  • avatar
    Joezah

    amazing story 😀👋🏻

    28/06

      0
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด