logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

บทที่ 3 Ang Bagong Boy

"BENTE, trenta, trenta'y singko…" Abala si Tisay sa pagbibilang ng perang naipon niya sa loob ng isa't kalahating buwang pagsama sa Nanay Mila niya sa pagtitinda ng mga rtw o iyong mga ready-to-wear clothes sa Divisoria.
Simula nang pumasok siya sa paaralan, noong grade one siya, pagkatapos ng klase ay mangunguha na siya ng sampaguita kay Aling Iska, iyong kapit-bahay nilang nagpapabenta ng mga sampaguita sa simbahan.
Kinse pesos ang ibinibigay nito sa bawat bungkos na mauubos nila. At iyon ang ipinambabaon niya. Sabi kasi ng Nanay Mila nila, 'Kung kailangan mo ng pera, pagtrabahuan mo. At kung may bagay kang gusto, dapat pagsumikapan ito'. Pero sa kaniya lang required ang pangaral na iyon. Ang Ate Anisa kasi niya kahit hindi magtrabaho binibigyan ni Nanay ng pera.
Alam naman niyang paborito ito ni Nanay at walang kaso iyon sa kaniya. Nag-e-enjoy naman kasi siya sa pagtitinda. Totoo nga na masarap sa pakiramdam ang humawak ng pera na mula sa sariling pawis.
Ang Tatay Roberto naman ay construction worker ang hanapbuhay. Lingguhan ang uwi nito. At sa t'wing uuwi ito, hindi nito kinaliligtaan ang pasalubungan siya ng nilagang mani na sasamahan nito ng bente pesos. Pero s'yempre sikreto nila iyong bente pesos dahil kapag nalaman ng Ate Anisa niya, siguradong magsusumbong iyon sa nanay nila. At kapag nalaman ng nanay, mayayari sila ng tatay niya.
Nahinto lang siya sa pagtitinda ng sampaguita nang magsimula na siyang magkaregla, eleven years old palang siya noon. Hindi na siya pinayagan ng Tatay Roberto na magpakalat-kalat siya sa kalsada dahil hindi raw ligtas.
"Five hundred twenty-five…" Singkwenta ang madalas iabot sa kaniya ni nanay. Depende iyon kung malaki ang benta nila, minsan beinte lang at kapag bawi-puhunan lang talaga, binibigyan lang siya nito ng pangmeryenda.
First year high school naman siya nang mag-umpisa siyang sumama sa Divisoria para tulungan ang Nanay Mila.
"Tisaaaaay!"
Napaangat siya ng ulo at pinanlakihan ng mga mata si Kakay na parang bulateng nagkakandirit na tumatakbo papalapit sa pwesto niya.
Napatayo tuloy siya. "May sunog? Saan? Tulungan mo 'ko, Kay!" Mabilis pa sa alas kwatrong dinampot niya ang sako bag na nasa sulok at isinilid doon ang mga damit na paninda.
"Hindi! Walang sunog, ano ba!" Awat ni Kakay sa kaniya.
Nahinto siya sa aligagang pagliligpit. Tumuwid ng tayo at pinamaywangan ito atsaka pinangunutan ito ng kilay. "O, e bakit kung makatili ka d'yan daig mo pa ang serena ng bumbero?"
Nagtatalon ito sa kinatatayuan na hindi mo mawari kung natatae o naiihi, habang panay ang turo sa labas ng kanilang pwesto.
"May- may gwapo! Tisaaaay! May gwapo doon kina Mr. Ching!" Si Mr. Ching iyong chinese na isa sa mga supplier ng rtw's. Malaki ang pwesto nito na nasa gilid ng 168 Mall na katapat lang nila.
"O, tapos?"
"Tapos, walanjo, Tisay! Noong nakita ko nalaglag yata ang panty ko!" Nagtatalon pa rin ito sa kinatatayuan at niyuyugyog ang mga balikat niya.
"Sandali nga, Kakay! Nahihilo na ako kakaalog mo sa akin. Akala ko naman kung ano nang meron. Hi, Ate! Two-fifty lang po iyan, naku, siguradong bagay na bagay `yan sa ganda ninyo." Baling niya sa babaeng tumingin-tingin ng blusa. Iniwan niya ang kaibigan para i-assist ang kustomer niya.
"Tisay, kailangan nating makilala ang gwapong iyon! Dali naaaa!"
"Bakit? Kapag nakilala ba natin iyon magkakapera ba tayo?"
"Hindi! Pero mabubusog tayo! Dahil ulam na ulam na!"
"Mabubusog ako kahit kanin at asin lang ang kainin ko. O, di kaya kanin na sinabawan ng kape. Iyon ang solb."
"Shutaa ka naman, Tisay! Minsan naman sa buhay mo lumandeh ka naman!"
"Nakakabuntis ang paglalandi. Fifteen palang ako, ayoko pang mabuntis."
Malakas na natawa si Kakay pero mabilis ding sumimangot tapos inirapan siya. Sinundan nito ang kaibigan at tumabi rito at kunwa'y inaayos ang damit.
"Magtatanghalian na. Kain tayo ng shawarma, treat ko. Binigyan ako ni nanay ng pera," patay-malisyang alok niya rito. Alam kasi niyang hindi niya mahahatak ang kaibigan kung puro kalandian din lang.
Tiningnan ni Tisay ang kaibigan mula sa gilid ng mata. Alam niyang pumaparaan lang ito para mahatak siya nito. Katabi lang kaya noong shawarma-han iyong puwesto nila Mr. Ching. Pero kung ililibre siya nito….
"Ililibre mo talaga ako?" paninigurado niya rito. Nagugutom na rin kasi siya, tapos kung ililibre pa siya nito maitatabi niya ang beinte pesos na pantanghalian niya.
"Oo nga!" Natatawang sagot ni Kakay. Basta pagkain talaga, hindi mahirap yakagin ang kaibigan.
Hinintay lang nilang maubos ang mga window shopper na nasa pwesto nila. Nang wala nang nadadako sa pwesto nila, pinagtulungan nilang dalawa ni Kakay na takluban ng trapal ang mga paninda. Inayos ni Tisay ang belt bag kung saan nakalagay ang mga kinita, atsaka nito sinilip ang tabing tindahan.
"Kuya Nato, patingin-tingin naman po ng pwesto ko, ha? Kakain lang po ako, ililibre ako ni Kakay." Nag-puppy eyes siya rito na sinamahan pa ng matamis na ngiti.
"Sige, sige. Pakabusog ka nang tumaba-taba ka naman!" sermon nito sa kaniya.
Napahagikgik si Tisay. Hindi naman niya ginugutom ang sarili. Iyon ang huling bagay na magagawa niya. Food is life kaya. Tinitipid lang niya, pero hindi niya ginugutom ang mga alaga niya sa tiyan. Kahit nga tira-tira ng tatay o nanay niya o di kaya ni Kakay basta malinis pa, kinakain niya para lang maitabi ang kinse pesos o bente na pantanghalian nang hindi siya nagugutom.
Kinawayan niya ang mabait na tindero bilang pasasalamat at patakbong sinundan si Kakay na nauuna na sa paglalakad.
"Itinatanong pala ni Mama kung magpapatahi ka ng bagong uniform. Medyo maluwag siya ngayon dahil natapos na niya iyong mga ipinagawang uniform ng St. Francis," tanong ni Kakay habang papatawid sila sa kabila kung nasaan ang 168 mall.
Mananahi ang mga magulang nito at may pwesto sa third floor ng mall. Dito siya nagpapagawa ng uniform dahil libre ang tahi at tela na lang ang kailangan niyang bayaran. Mabait ang mga magulang ni Kakay sa kaniya kaya laking pasasalamat niya dahil talagang nakatitipid siya.
Bahagya siyang napatingala at umiling. "Kasya pa naman iyong uniform ko at maayos pa. Iyong sapatos ko didikitan ko na lang ng rugby, okay na."
"Malaki naman ang naipon mo, `di ba? Nag-recycle ka ng mga lumang notebook, tapos pati uniform iri-recycle mo? Aanhin mo ipon mo?"
"Magbi-birthday kasi sila nanay at tatay. Si nanay sa 18, bibilhan ko siya ng bestida. Tapos si tatay sa 27, gusto ko siyang bilhan ng sapatos pamasok. Nagsasalita na kasi iyong sapatos niya. Tapos iyong matitira pang-project at baon ko," aniya sabay tawa. Two weeks na lang pala at magpapasukan na. Noong isang araw nakapagpa-enroll na siya.
Half day lang naman ang pasok niya at tuwing panghapong schedule ang ini-re-request niya sa teacher na mapag-e-enroll-an niya, dahil sa umaga, siya ang nag-aasikaso sa nanay at ate niya. Hindi siya makaka-sideline kaya nag-iipon siya tuwing bakasyon. Nabawasan pa iyong ipon niya dahil nag-birthday rin ang ate niya at pinera na lang nito, two hundred ang ibinigay niya rito.
"Alam mo, konti na lang! Konting-konti na lang kumbinsido na akong ampon ka, o di naman kaya anak ka ni Aling Mila sa porendyer. Kasi tingnan mo, ha? Iyong mga mata mo abuhin. Iyang buhok mo parang buhok ng mais na pina-rebond. Tapos ang puti at makinis ang balat kahit alam ko namang hindi ka nag-lo-lotion dahil nagtitipid ka. Ito pa! Ibang-iba ang turing ni Aling Mila sa `yo at sa Ate Anisa mo. Ikaw ang gumagastos sa sarili mo. Pati mga gamit mo sa school pinagtatrabahuhan mo ang pambili. Pero ang ate mo, andon lang! Sitting pretty sa bahay n'yo! Naku, Tisay, sigurado na talaga ako!" paglilitanya nito habang hinahawi ang mga taong nasasalubong. Palibhasa magpapasukan na kaya kung dagsain ngayon ang Divi, gano'n na lang. Tapos araw pa ng Sabado kaya talaga namang masikip ngayon ang daanan.
At kahit may posibilidad ang mga sinabi ni Kakay, ayaw at pilit niyang itinatanggi iyon sa sarili. Hindi lang sa kaibigan niya iyon naririnig. Sa mga kapitbahay o di naman kaya ay sa mga kapwa tindera na matagal na silang kilala. Ganoon at ganoon ang sinasabi— na anak siya sa ibang lalaki, o baka raw ampon siya.
Malaki ang posibilidad pero ayaw niyang isipin. Siguro nga hindi pareho ang pakikitungo sa kaniya ng Nanay Mila niya. Hindi naman naaalis sa isang pamilya na magkaroon ng paboritong anak. At alam niyang si Ate Anisa niya ang paborito ng nanay nila.
Kung totoo namang iba ang tatay niya, wala siyang paki. Ramdam niya ang pagmamahal ng Tatay Roberto niya. Kung ang Nanay Mila ay nagkukulang sa kaniya, hindi ang tatay niya. Ni minsan hindi nito ipinaramdam na hindi siya nito anak. Iyon lang ang mahalaga sa kaniya.
"Atoy! Dalawang large na shawarma, isang Pepsi at isang gulaman." Hindi pa man sila tuluyang nakakalapit, isinigaw na ni Kakay ang order nila. Alam ng kaibigan na hindi siya umiinom ng softdrinks kaya gulaman ang para sa kaniya.
Bigla tuloy niyang na-miss ang tatay niya. Hindi ito nakauwi kahapon dahil minamadali daw ang paggawa sa ipinatatayong bahay. Pero nangako itong makakauwi bago ang kaarawan nito, tapos hihiramin daw nito ang gitara ng kakilala nito para maturuan siya.
"Seventy-five, Kakay."
"Seventy na lang, Atoy! Parang hindi kaibigan `to!"
"Hahaha, pasalamat ka kasama mo si Tisay."
"Ayieeee! Iba na talaga ang may kaibigang maganda. Salamat, Tisay!" Hinampas siya ni Kakay at doon lang niya napansin na nasa harap na pala sila ng shawarma stall at inaasikaso na ni Atoy ang order nila.
Inilibot niya ang tingin sa karinderya na nasa likod niyon. Maraming kumakain kaya mukhang hindi sila makakapwesto.
"Puno ang kainan ni Aling Ester, dito na lang kayo umupo." Inilabas ni Berto ang dalawang upuan na upuan ng mga ito at ipinuwesto iyon sa gilid ng stall, sa bandang hindi nadadaanan ng tao.
"Salamat," nahihiya niyang sabi rito at naupo sa isa.
"Iba talaga kapag may kasamang maganda, ano? Asikasong-asikaso! Kapag ako lang, ay ewan!"
"Ang oa mo, 'Kay." Natatawang inirapan niya ito. Ang ingay talaga kahit kailan.
"Hindi ako oa, nagsasabi lang nang totoo! Tanggap ko naman talaga, at least friendship tayo!" Natawa na naman siya ulit nang bigla siya nitong halikan sa pisngi. Kung hindi nga lang niya kilala ang pagiging babaeng bakla nito, iisipin niyang tibo ito, e.
"Tol, dalawang shawarma large at 500ml na coke."
"Pogiiiii!" tili ni Kakay na ikinagulat ni Tisay.
Hindi pa ito nakuntento sa pangingisay kuno nito sa kinauupuan, hinawakan nito ang kanang braso niya at niyugyog siya nang niyugyog nito.
"And'yan siya, Tisay! Nandiyan iyong pogi!"
"O, Tisoy! Kumusta ang trabaho mo kay Mr. Ching?" tanong dito ni Berto habang inaasikaso ang order ng dumating.
"Ayos naman, tol. Nag-e-enjoy ako."
"Oo, pati nga mga tindera n'yo doon enjoy na enjoy. Putsa, wala na akong ibang narinig kundi 'Ang gwapo-gwapo talaga ni Tisoy," sabi naman ni Atoy na iniaabot na ang order nila.
Sinusubukang silipin ni Tisay ang kausap ng dalawang tindero ng shawarma-han, ang lalaking nagpapakandirit sa kaibigan niyang hindi na mapakali sa kinauupuan. Kaso dahil nasa dulong pwesto siya at iyong lalaki ay nasa kabilang side ng shawarma stall, tapos may nakaharang pang malaking jag ng gulaman, kalahati lang ng mukha nito ang natatanaw niya at nakatagilid pa.
"Atoy naman! Kilala n'yo na pala iyong bagong boy ni Mr. Ching. Ipakilala mo naman ka," kunwa'y nahihiyang sabi ni Kakay.
"Ikaw talaga! Nakakita lang ng gwapo iyang mga mata mo, ipinagpapalit mo na kami!" Naiiling na ani Berto. Lumabas ito ng stall at hinawakan ang lalaki sa magkabilang balikat mula sa likod nito at itinulak patungo kina Kakay.
Hindi naman pinansin ni Tisay ang paglapit ng dalawa. Naiilang siya at isa pa gutom na gutom na siya. Kape at isang pirasong pandesal lang kasi ang inalmusal niya.
"Tisoy, ipapakilala ko lang sa iyo ang dalawang pinakamagandang tindera dito sa Divisoria. Ito si Kakay, medyo ingat ka d'yan, babaeng bakla iyan."
"Leche ka, Berto! Hi, Pogi! Kakay at your service. Mag-la-lunch ka na? Gusto mo libre ko na iyang order mo?" Nagbu-beautiful eyes, habang iniipit sa tainga ang buhok na nakaladlad sa pisngi na paglalandi ni Kakay.
"I won't let a girl pay for me, 'Kay."
"Ay, inglisero! Berto, inglisero naman ito! Gan'on ba? Ahm, gusto mo kami na lang ang ilibre mo?"
"Kay!" Hinampas na ni Tisay sa braso ang kaibigan.
"Sure, why not. Tol, ako na—"
"Ano, hindi, 'wag na!" Pigil ni Tisay dito na noon palang tiningnan ang lalaki. "Ikaw?" Hindi siya pwedeng magkamali. Kahit isang linggo na ang lumipas, matalas ang memorya niya kaya alam niyang ito iyong lalaking nakikipagtalo sa girlfriend nito. Pero ano namang ginagawa nito dito?
"Hi, Tisay," matamis ang ngiting bati ni Ray. Inilahad nito ang kanang kamay. "Ako nga pala si Ray," pagpapakilala nito.

หนังสือแสดงความคิดเห็น (30)

  • avatar
    Marjun Masapol

    next po madam sobrang sobrang ganda po ng storys po promis

    2d

      0
  • avatar
    Sarah Eunice Solmayor

    ang ganda po

    20d

      1
  • avatar
    Flor C. Panugaling

    🥰🥰🥰

    20d

      0
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด