logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

Chapter 7 (Someone from the past)

SA ILANG taon nilang paninirahan sa apartment ng magkapatid na Teresa at Rubi ay minahal at nirespeto na sila ng mga kapitbahay. Ginawa rin silang tanod ng kanto nila. Kaya matiwasay ang kanilang lugar. Kung dati ay maraming siga-sigaan at halos takot na ang mga kapitbahay nilang lumabas pagpatak ng alas sais ngayon ay hindi na. Dahil siniguro nilang wala sisiga-siga roon. Kapag may nag-amok naman sila rin ang tinatawag. Isang taon pa lang kasi sila dito sa lugar nang napagtripan sila ng mga tambay. Akala ng mga ito ay mga batang matatakutin sila pero pagkalipas ng isang oras ay humihingi na ng tawad ang mga ito.
Mabilis nilang nilock ang kanilang apartment at tinungo ang talipapang ilang metro lang ang layo. Naningkit ang mga mata nina Cathy at Melody nang makitang nagkalat ang mg panindang gulay, prutas, at isda. Lalong nakapagdagdag ng inis nila ay ang ilang kapitbahay nilang dumadaing sa sakit. May mga batang umiiyak dala ng takot. May ilang kalalakihang walang paki-alam na patuloy tinatapon ang mga paninda.
Mabilis na lumapit si Cathy sa isang lalaki na akmang sasaktan ang isang tenderang buntis.
"Ayaw mo talagang magbigay?" Itinaas nito ang palad akmang sampalin ang buntis.
Agad niyang tinapik ito sa balikat dahilan para lumingon ito. Agad niya itong sinalubong ng isang malakas uppercut sa panga, at knock out! Nakita niyang nakahinga ng maluwag ang buntis.
"Ate Mayla, okey ka lang?" tanong niya rito.
"Oo, Cathy, salamat. Pero ang mga paninda namin hindi na okey," anito.
"Sino ba mga ito, ate?" tanong niya pero hinahanda niya ang sarili dahil may naramdaman siyang papalapit sa kanilang likod.
"Kami ang bagong hari ng lugar na ito. Bakit may angal ka?" Narinig niyang sagot mula sa likod.
"Ate, kami na ang bahala," napailing na lang siyang umikot para harapin ito.
"Mawalang galang na, kuya. Wala po kaming natanggap na balitang kayo ang hari ng lugar na ito. Kailan pa po? Bakit hindi kami updated?" taas kilay na tanong niya.
"Kanina lang!" anito.
"A, ganoon po ba. Bakit n'yo naman sinira ang mga paninda rito?" kalmadong wika niya.
"Ayaw nila magbigay ng lagay, e! Bakit may angal ka?" maangas na sabi nito.
"Ganoon po ba? Hindi ba bawal ang mangutong?"
"Hindi kami nangungutong, Ineng. nanghihingi lang kami ng kaunting barya. Kaso madamot sila," nakangising wika pa nito.
"Tssk! Kuya, sa laki ng katawan ninyo mga batugan kayo. Bakit hindi kayo magbanat ng buto para mapakinabangan kayo? Hindi ang mangutong," sabad ni Melody.
"Aba't ang talas ng tabas ng iyong dila, Ineng. Dahan-dahan lang sa pagsasalita baka pagsisihan mo!" wika nito sa palagay ni Cathy ito ang leader.
Ito lang ang huminto sa paninira ng mga paninda. Samantalang ang mga kasama nito ay patuloy sa paninira dahil ayaw magbigay ng mga narito.
"Boss, ang tigas ng mga baga ayaw magbigay," bulong ng isang tauhan nito.
"Teka lang, kuya. Bagong salta kayo rito, ano? Hindi n'yo ata kilala ang kinakatakutan ng mga tao rito, e. Hindi po sila magbibigay sa inyo. Dahil iyan ang mahigpit na patakaran dito. Bawal magbigay ng lagay sa mga nangungutong at batugang tulad ninyo," ani Melody.
"Aba, Ineng, namumuro ka na, a. Sino ba ang ipinagmamalaki ninyong kinakakatakutan dito? Iharap ninyo!" napipikang wika nito.
"Ulol, nasa harap na ninyo sila," sigaw ni Boy.
"Ikaw bata ka manahimik ka!" singhal ng isang tauhan ng kaharap nila.
Tumawa nang malakas ang leader ng mga ito. "Ang dalawang neneng na ito ang kinakatakutan ninyo? E, isang pitik ko lang sa mga ito, bagsak na!" nakakalokong wika nito sabay pitik sa noo ni Melody.
"Hoy! Mamang batugan. Isang pitik pa at lilipad kang walang pakpak!" asar na wika ni Melody.
"Hala, Ineng natatakot si boss sa iyo!" balik-asar ng isa kay Melody.
Lihim na napangisi si Cathy. Alam niyang kumukulo na ang dugo ng kaibigan. Kanina pa kasi ito nagtitimpi nang malaman ang tungkol kay Kate. At sa nakikita niyang blangkong mata nito ay sasabog na ang bumbunan nito sa inis at hindi sa galit.
"Lilipad ba kamo?" tanong ng lider muli nitong pinitik si Melody sa noo. Bago pa dumapo ang kamay nito sa noo ng kaibigan ay tumilapon na ito sa ere.
"Sabi sa iyo, mamang batugan, e! Hindi ka kasi nakinig," nakangising saad ni Melody.
Napailing na lang siya. Napansin niyang nakabangon na pala ang binigyan niya ng uppercut.
"Walang hiya kang bata ka! Pagbabayaran mo pagpapalipad mo kay boss!" galaiting sabi ng isa.
"Hep!" Pigil ni Cathy. "Mga kuya ayusin na lang natin ito ng maayos. Bayaran n'yo na lang ang lahat nang sinira ninyo!"
"Hoy! Bata sino ka para sabihin iyan? Sa liit n'yong iyan ang lakas ng loob ninyong sabihing kayo ang siga rito!" sawata ng isa pang bopol.
"Concern lang naman po kami sa inyo, manong bopol! Aba, e, kayo rin baka mamaya niyan, e, masakit na nga ang katawan ninyo doble pa ang babayaran ninyo rito," wika naman ni Melody.
Binalingan naman ni Cathy ang mga kapitbahay. "Mga ate at kuya, kwentahin n'yo po lahat ng damage. Kapag sila nakipaglaban pa sa amin times two po babayaran nila sa inyo."
"Nako, Cathy, gusto namin iyan. Ichecheer namin kayo," tuwang-tuwang sagot ng mga kapitbahay na walang balak tumawag ng pulis.
"Hoy bata! Ang yabang ninyo, a!" sigaw ng isang bopol.
"Tssk! Kuya, kung ako sa inyo ngayon pa lang, e, tumigil na kayo at bayaran ang mga nasira ninyo," mahinahong wika niya.
"Tssk! Ang tigas n'yo ring dalawa, e, mga nene pa kayo! Ano laban ninyo sa amin?" nakangising wika ng leader ng mga bopol na nakabawi na.
"Itumba na mga batugan na iyan!" sigaw ng mga tao.
"Kuya, nene ba kamo?" nakangising aniya.
"Huli ka!" humalakhak na wika ng isa na bigla siyang hinawakan mula sa likod niya. Naramdaman niya ang presensiya nito kanina.
"Mahal, bakit ka nagpahuli? Akala ko ba sawa ka nang ka-sparring ako?" busangot na wika niya nang makitang nahuli din si Melody.
"Mahal, ikaw nga rin akala ko ba sayted kang maglaro," balik asar nito.
Malumanay pa silang nagsasalita ng kaibigan at alam niyang naeexcite na rin ito tulad niya.
"Oo nga, mahal, e. Sayted na–"
"Dami ninyong satsat. Dalhin ang dalawang iyan. Dahil ayaw magbigay ng mga ito sila ang kabayaran!" utos ng lider ng mga bopol. "Sayang naman kung hindi natin mapapakinabangan!" Hinagod siya nito mula ulo hanggang paa.
Sumeryoso siya sa paraan ng pagtitig nito. Naalala niya ang araw na iyon. Napansin niyang ganoon din si Melody. Parang nawala bigla ang excitement nilang naramdaman at napalitan ng kung anomang emosyon na ayaw papigil na umalpas. Naramdaman niyang dinilaan siya sa leeg ng lalaking humuli sa kanya. Gumapang ang kilabot sa buo niya katawan. Nakaramdam siya ng dagliang takot at napalitan ng poot.
Nilalamon siya ng poot para sa mga taong binaboy sila noon. Biglang naging blangko ang kanyang ekspresyon kahit si Melody ay nagbago rin ng ekspresyon. Ramdam ng lahat ang nakakakilabot na awra nila ng kaibigan. Naramdaman niyang natigilan din ang mga bopol na kaharap nila pati ang may hawak sa kanya. Unti-unting nandilim ang kanyang paningin at umiba ang mga mukha ng mga batugang nagsisiga-sigahan.
Humigpit ang pagkakahawak sa kanya ng lalaki.
"Ang pinakaayoko sa lahat ay ang mga taong manyak at batugang nang-aapi ng walang kalaban-laban. Kanina pa namin kayo pinagsabihan pero ayaw ninyo makinig!" Nakakakilabot na tinig na pinakawalan ni Cathy.
Mariing binaklas niya ang kamay ng lalaking may hawak sa kanya at pabalewalang binalibag niya ito. Iyon din ang hudyat ni Melody. Sa isang iglap ay tumilapon ang lalaking nakahawak dito. Tahimik ang mga usyusero. Marahil ay natatakot sila dahil ito ang unang pagkakataong nakita silang galit na galit.
Bakas sa kalaban nila ang takot sa mga mata. Pinalibutan sila ng mga ito may hawak na mga kutsilyo at ang iba ay mga mga pamalong dos por dos. Dahan-dahang lumapit sa kanila ang mga iton
"Isa," mahinag wika ni Cathy.
"Dalawa," dugtong ni Melody. Nasa gitna na silang dalawa at magkatalikuran.
TATLO!" sabay nilang wika at tumalon nang mataas ng ilang pulgada na lang ang layo ng mga ito.
Lumapag sila sa likod ng mga ito. Tinadyakan ni Cathy ang lalaking malapit sa kanya. Mabilis niyang nahawakan sa kamay at inagaw ang hawak na dos por dos ng isang sumugod sa kanya. Pinilipit niya patalikod ang kamay nito kaya nabitiwan nito ang hawak. Mabilis niyang isinalya ang lalaki at umiwas nang may umatake sa kanya mula sa likod. Umilag siya pakanan nang may sumugod mula sa harap na nakaambang patalim. Mabilis niyang inagaw ang hawak nito at isinakbit sa kanyang bewang. Gamit ang kanyang siko ay sinikmuraan niya ito. May isa pang humahangos patungo sa kanya kaya isinalya niya dlrito ang hawak na lalaki kaya natumba ang mga ito.
Mabilis na bumangon ang mga ito at sabay siyang sinugod. Patakbong sumulong siya sa mga ito at idinipa ang dalawang kamay at lumusot sa pagitan ng dalawa. Dumadaing na natumba ang mga ito. Mabilis siyang nagpakawala ng malakas na sipa nang sinugod na naman siya ng isa pa. Sinigurado niyang tulog itong bumagsak. Naramdaman niyang bumangon ang dalawang naunang pinatumba niya. Paglingon niya sa mga ito ay may hawak na uling kutsilyo ang mga ito.
"Tssk!" Mabilis niyang hinugot ang kutsilyong isinakbit kanina sa beywang. Sinipa niya pataas ang isang balisong na namataan niya. Sinalo niya ito at mabilis na hinagis sa mga binti ng dalawa ang patalim. Sinigurado niyang malalim ang pagkabaon ng mga ito. Inagaw niya ang hawak ng mga ito at mabilis na pinatamaan sa binti ang dalawa pang sumusugod sa kanya.
Makalipas ang ilang minuto ay bulagta ang halos sampung kalalakihan. Lahat may tama sa binti.
"Mahal, boring na!" Basag ni Melody sa katahimikang dumaan. Daing na lang ng mga siga kunu ang maririnig. Pati mga usyusero kasi ay natahimik na parang nanunuod ng shooting.
"Cathy! Melody!" Hindi magkamayaw na sigaw ng mga kapitbahay. Tuwang-tuwa pa mga ito. Naiiling na napangiti silang dalawa sa mga ito.
Nilapitan ni Cathy ang pinakalider nito. At hinigit sa kwelyo ng damit. Buong lakas niya itong ibinitin.
"Itong tandaan mo manong kapag hindi ninyo nabayaran ng doble ang mga nasira ninyo sa loob ng isang linggo hindi lang ito aabutin ninyo! Maliwanag ba?" malamig at mariing banta niya sa lalaki.
Tumango ito ng marahan sa kanya.
"Ano sabi mo? Wala akong narinig?" Paninindak pa niya rito.
"O-oo. P-pangako!" utal na sagot nito.
"Ngayon sino ang siga rito?" sigaw ni Melody sa mga ulupong na tauhan ng bopol na hawak ni Cathy.
"K-kayo," nahihirapang sagot ng mga ito.
"Subukan ninyong takasan itong utang n'yo at gagalugarin namin ang bawat sulok makita lang kayo! Maliwanag ba?"
"O-oo," sabay na sagot ng mga ito.
"At isa pa nga pala. Huwag na huwag naming mabalitaang reresbakan ninyo ang isa man sa tagarito sa kanto namin kapag napadaan sa kanto ninyo dahil sasamain talaga kayo sa amin!" Dagdag ni Melody.
"M-maliwanag po," wika ng leader nito.
"Ayan. Mabuting ganyan. Binalaan na kayo kanina. Naghanap pa kayo ng sakit sa katawan," wika ni Cathy saka binitawan ang lalaki. Siya namang dating ng barangay kapitan nila.
"Chairman, pasensiya na. Napuruhan, e. Napatid po kasi ang pisi," nakangising salubong ni Melody sa kanilang kapitan.
"Nako mukhang ginalit kayo ng husto ng mga ito, a. Kami na ang bahala sa kanila. Marami namang saksi," nakangiting tugon nito. Nilapitan nito ang pinakaleader at binatukan.
"Tarantado ka talaga, Matias! Kakalabas mo lang ng kulungan kahapon, e, umariba ka na naman. Binalaan na kitang huwag kantiin ang kantong ito pero hindi ka nakinig. Kinalaban mo pa ang head ng mga tanod dito," sermon nito sa lalaki.
"Kap, huwag mo nang ipakulong. Babayaran pa ng mga iyan ang mag nasira nila. Kailangang mabayaran nila sa loob ng isang linggo. Aba, ano sila sinuswerte? Pinaghirapan ng mga kapitbahay namin dito ang kanilang mga binibenta tapos kukutungin at sisirain lang ng mga batugang ito. At hindi kami natatakot na ex-convict iyan. Believe me, kap, hindi ninyo gugustuhing mawala kami sa sarili. Pinakaayaw ko ay ang mga taong nanlalamang sa kapwa. Kaya umayos sila," seryosong wika ni Cathy.
"Mahal, tubig gusto mo?" sabad ni Melody na nang-aasar na tono sabay abot ng isang bote ng tubig.
"Tssk!? Mahal, naman hindi ka pa ba nasatisfy sa mga iyan?" singhal niya rito.
"Mahal, hindi nga ako napagod, e. Pagtyagaan na lang kitang kasparring palagi," simangot na wika nito.
"Kayong dalawa talaga. Narinig kong tinawag pa kayong nene ng mga kolokoy na ito. Hindi na ako magtaka. Para kasi kayong isip-bata ngayon," natatawang wika ng kapitan at kapitbahay nila na parang walang nangyari.
"Ilag!"
Narinig nilang sigaw pero huli na dahil naramdaman na lang ni Cathy ang malamig na bagay na dumaplis sa kanyang balikat kasabay ng isang putok mula sa baril. Natahimik ang lahat. Bagaman nabigla ay mabilis siyang nakarecover at napabaling sa salarin.
Si Matias! Hindi niya alam kung saan ito nakakuha ng baril. Lumapit siya rito at tinitigan sa mata ang lalaki. Banaag sa mata nito ang sindak.
"Kakasabi ko lang, MANONG! Binalaan na kita pero hindi ka alyata natinag," mapanganib na wika niya. Napalunok ito.
Napangisi siya nang makilala ito. Ito ang lalaking bumaboy sa kanya noon! How could she forget? Akala niya ay napuruhan ito ni Kate noon.
"Akalain mo iyon? Buhay ka pa pala! Akala ko, e, napuruhan ka ni Kate. Malas mo naman, Kuya," Nakakakilabot na tinig ang namutawi sa bibig niya
"A-ano ang sinasabi mo?" umaatras na wika nito. Pero dahil may sugat ito sa binti ay mabagal ang paggalaw nito.
"Mahal, tama na iyan," saway ni Melody.
"Hindi, mahal. Pagbabayarin ko siya sa ginawa niya sa atin noon!" matigas na wika niya.
"Anon— so nabuhay ka palang hayop ka!" gigil na wika ni Melody. Marahil ay napagtanto nito ang ibig niyang sabihin. "Akalain mo iyon hindi ka namin namukhaan!"
"H-hindi ako iyon. Maawa k-kayo. Hindi ko kayo k-kilala," nanginginig sa takot na wika nito. Naihi na rin ito sa salawal.
"Hindi mo kami kilala? Nais mo bang ipaalala namin sa 'yo?" mariing wika ni Melody.
Nakalimutan na nila ang tao sa paligid. Kinakain sila ng poot dulot ng truamang nangyari noon.
"M-maawa kayo. Matagal na i-iyon. P-pinasisihan ko na iyon," namumutlang pagmamakaawa nito pinagsalikop pa nito ang mga kamay na parang nagdarasal.
"Hindi sapat ang pagsisisi mo sa pangbabababoy mo sa amin!" malamig na turan ni Cathy.
Bigla utong napasigaw ito at mabilis na sumirit ang dugo mula rito. Hindi niya napansin ang mabilis na kilos ni Melody. Hawak nito ang isang matalim na balisong na ginamit pamputol sa dalawang gitnang daliri ni Matias. Hindi niya namalayang hinablot nito ang kanyang balisong sa bewang.
Akmang sasaksakin ito ni Melody ay may pumigil dito. Doon sila natauhang dalawa. Si Macky ang pumigil dito at marahang may tumapik sa kanyang balikat na walang sugat. Paglingon niya ay seryosong mukha ni Grando ang sumalubong sa kanya.
"Naiintindihan ko kayo pero kailangan ninyong kumalma. Kailangan niyo pang sumipot sa birthday ni Kate. At magtatatanda na mga iyan," anito.
Malalim ba napabuntong-hininga si Cathy para ikalma ang sarili. Akmang magsasalita siya ay sumigaw si Melody.
"Waah! Mahal, bakit hindi mo sinabing nandito pa si crush. Ayan tuloy turn off na siya sa akin!" ngawa nito na ikinailing niya. Sa isang mabilis na kilos ay nasa tabi na siya nito at malakas na binatukan ang kaibigan.
"Nakakahiya ka. Lalong matuturn off sa 'yo si Macky Umayos ka," walang pakundangang wika niya. Parang walang nangyaring tensyon ilang minuto lang ang nakakaraan.
"Kap, pasensiya talaga. Nabaliw lang kami saglit," baling ni Cathy sa kapitan na naiiling na lang sa bilis magpalit ng kanilang emosyon. Bagaman bakas pa rin sa mata nito ang gulat, marahil ay hindi ito makapaniwala sa nasaksihan.
"Okey lang, iha. Siya kami na bahala rito," anito.
"Salamat po."

หนังสือแสดงความคิดเห็น (21)

  • avatar
    Mauie Zyne Sanico

    hi 🥁🎸🎸🥁🤧🎸😦👍🏻🫥🫥🤖👍🏻🫨🎀🥴😫😫🎀😦😆👍🏻🫥🤧👍🏻😆👋🏻🥴😫😫😦👍🏻😐😐 rdftgjjyygffswrhhugrr?

    20/07

      0
  • avatar
    Mj Josef Mangubat

    good

    10/07

      0
  • avatar
    Arnel Dumaan

    I like this story very much

    25/06

      0
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด