logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

Kabanata 2

NAPAHINGA NG MALALIM si Cassius nang marinig niya ang sunod-sunod na pagkatok mula sa pintuan ng kaniyang silid. Rinig ang pagmamadali rito na makapasok at tila alam na niya kung sino ang nagnanais na istorbohin ang kaniyang pagpapahinga.
            Tamad niyang binuksang ang pinto. Tama siya ng kaniyang hinala. Ang kaniyang ina ang tila may pagmamadali na makapasok sa kaniyang silid. Bitbit nito ang mabigat niyang kasuotan habang nagmamadaling makapasok sa loob.
            "Ano itong kumakalat sa bayan ng Grebanio, Cassius Flair?! Ano itong nakarating sa amin ng iyong ama na mayroon ka ng kasintahan?!" kahit wala namang makakarinig sa kanilang pinag-uusapan, hindi pa rin naiwasan ng reyna ng Grebanio na si Fabiana na hinaan ang kaniyang boses habang may panggigigil dito.
            Napakamot ng ulo si Cassius at pabagsak na nahiga sa kaniyang malawak na higaan, "Ina, hindi ka pa nasanay sa bayan ng Grebanio. Alam niyo namang tampulan ng tsismis ang lugar na iyon."
            Parating iyon ang palusot ni Cassius sa tuwing masasangkot siya sa tsismis sa kanilang lugar. Totoo namang tampulan ng tsismis ang bayan ng Grebanio. Iyon ang sentro ng kanilang bansa kaya naman hindi malabong doon parati nagsisimula ang mga walang saysay na usapin.
            Hindi rin naman maiwasan na maging tampulan sila ng usapin. Sila ay pamilya ng maharlika. Imposibleng hindi magkainteres ang mga nasasakupan nila sa kanilang mga buhay. Kaya pati ang buhay pag-ibig ni Cassius ay madalas ay siyang tampulan ng usapan. Lahat ay nag-aambang kung sino ang makakapukaw ng atensyon ng binatang prinsipe lalo pa't nasa edad na rin ito upang mag-asawa at hanapan ng reyna ang kaniyang pag-upo sa nalalapit na pagsasalin sa kaniya ng titulo bilang hari ng Grebanio.
            "Kahit na! May isang binibini ang nagpapatunay na sinabi mo iyon! Anong kapangahasan iyon, Cassius?!" muling sabi nito.
            "Sinabi ko lamang iyon para lubayan ako. Hindi ako tatantanan ng binibini na iyon sa pagbibigay ng regalo," tila nauubusang pasensiya niyang paliwanag.
            "Sana ay tinanggap mo na lamang ang regalo! Kung may susunod ay kuhanin mo na lang din! Puwera na lamang kung totoo ang sinasabi ng binibini na iyon na mayroon ka ng kasintanan!"
            Ipinikit na lamang ni Cassius ang kaniyang mga mata upang tapusin ang pag-uusap nilang mag-ina. Hindi na niya balak pang makipagtalo. Baka madulas siya sa katotohanan. Hindi niya ibig na ipahamak ang kaniyang kasintahan. Matagal niyang itinago ang babaeng mahal niya upang protektahan hindi para mapahamak lamang sa kaniyang pamilya at sa mga taong hindi makakaintindi ng kanilang nararamdaman.
            "Umayos ka, Cassius! Mayroong plano ang ama mo para sa iyo at huwag mong sirain nang dahil lang d'yan sa ibinubulalas ng iyong bibig! Mag-ingat ka sa iyong mga nais sabihin!"
            Mga mabibigat na yabag na lamang ng paa ng kaniyang ina ang sunod na kaniyang narinig at ang paglapat ng pintuan ng kaniyang silid. Idinilat niya ang kaniyang mga mata at sinilip ang pintuan na nakasara. Napabuntong hininga na lamang siya at muling pumikit. Hinayaang lumipad sa hangin ang mga salitang binitawan ng kaniyang ina.
            BUMUKAS ANG MALAKING pinto ng silid-aklatan upang papasukin si Emira roon. Batid niyang gusto siyang makausap nito dahil pinatawag siya nito kahit pa wala naman siyang maalala na kailangan nilang mag-usap sa araw na ito.
            Madalas ay pinapatawag siya ng kaniyang ama upang kausapin kapag may pagpupulong ang konseho at pagsabihan siya sa kaniyang dapat iakto at sabihin sa harap ng mga ito. Hindi rin naman niya sinusunod at tahasang sinasabi ang nais sabihin ng kaniyang isip.
            Naabutan niya ang kaniyang ama na nakatayo sa harap ng malaking bintana habang tinatanaw ang mga bagong kasapi ng hukbo na nagsasanay ng kanilang paglalakad kapag nasa paligid ng palasyo. Nasa likod ang mga kamay, nakasuot ng kulay asul na parang langit. Mahaba ito abot hanggang paa na nakayapak. Hindi rin nito suot ang korona na madalas na nakaputong sa ulo nito sa tuwing makikita niya ito sa labas.
            "Ama," tawag pansin niya rito. Hindi pa rin humarap ang matandang hari. Patuloy na nakamasid sa malaki nitong bintana.
            "Pinapatawag daw ho ninyo ako," pagpapatuloy niya.
            Hindi kalayuan ang pagitan nila. Sapat upang mapagmasdan niya ang kaniyang ama. Matanda na ito at bokal parati sa kaniya na hangga't maaga ay mailuklok siyang bilang bagong punong-estado ng kanilang bansa. Handa na siya. Tila ang kaniyang pagsasanay na nagsimula apat na taon ang nakakalipas ay higit pa sa sapat para masabi niyang kaya na niyang hawakan ang kanilang bansa. Nagsanay siyang mabuti. Nag-aral siyang maigi. Ngunit kalakip ng kaniyang naaning mga karunungan at kagalingan ay ang katotohanan na hindi pa handa ang mga mamamayan ng Aldepania na babae ang mamumuno sa kanila.
            "Maagang nagpunta rito ang punong konseho kanina," panimula nito. Ngayon ay siya na ang umiwas at itinapon sa bintana ang tingin ng salubungin ng kaniyang ama ang kaniyang tingin. "Matagal-tagal kaming nagkuwentuhan. Mayroon din ilang pinagdiskusyunan at ..."
            "Hindi pa rin sila handa sa akin," putol niya sa kaniyang ama.
            Ang punong konseho ang naatasan na alamin ang pulso ng mamamayan sa tuwing pagkatapos ng apat na buwan upang malaman kung mayroon bang pagbabago sa pagtanggap ng mga ito sa ipapalit na punong-estado ng ng kanilang bansa.
            Ito na ang ikalawang balita at mukhang wala pa ring pagbabago sa kanilang opinyon. Ang susunod na apat na buwan ay pang-isang taon na mula ng inanunsyo ng hari ang pagbaba nito sa puwesto at ang balak na ipasa ito sa kaniyang anak na babae. Kung sa ikatlong pangkahalatang pananaw (survey) ay hindi magbabago ang pulso ng mamamayan ng Aldepania, mapipilitan ang hari na ipasa kay Zacharias, ang panganay na anak ng kaniyang kapatid na si Ino, ang pagiging punong-estado niya. Hindi niya magawang isalin kay Silas sa kadahilanan na ring nagsumite na ito ng sulat kung saan ang pormal na paraan para sabihin ang kaniyang pagtanggi sa korona.
            "Hindi madaling kuhanin ang loob ng mamamayan," anito. Kaniyang binalingan ang kaniyang ama na naglalakad patungo sa lamesa nito. "Lahat ay dumadaan sa ganitong klase ng proseso."
            "Ako lamang ang dumaan sa proseso na ito," mababa ang kaniyang boses dala na rin ng nararamdaman niyang pagkadismaya. "Dahil ako ang kauna-unahang babae na iluluklok bilang punong-estado."
            Pinagmasdan ni haring Edgar ang anak na babae na muling ibaling ang tingin sa bintana. Punong-puno ang mga mata nito ng pagkadismaya pati na rin ng kalungkutan. Ang tila pagkasabik na kaniyang nakita noong ipabatid sa anak ang pagsasalin nito ng pinakamataas na posisyon ng kanilang bansa ay hindi na niya makita pa.
            Tila sa paglipas ng mga araw, ganoon din ang paglipas ng pagkasabik at pagkagalak nito. Tila tuluyan ng rumehistro sa kaniyang anak ang tunay na hirap at kaakibat ng pagiging pinuno ng isang bansa.
            Hindi man siya nakikita ng kaniyang anak, ngunit madalas ay nakamasid siya sa naging proseso nito at sa kung paano ito natuto sa pagdaan ng mga araw. Naniniwala siyang kayang mamuno ng kaniyang anak dahil tilas mas lumakas at mas tumalas ang pag-iisip nito. Ang kaniyang mga naiaambag sa mga pagpupulong ay naging malaking bagay upang tignan ang ilang suluranin ng bansa at mabigyan ng mas maayos na solusyon.
            "Sisiguraduhin nating sa susunod na resulta ay makukuha na natin ang loob ng mga mamamayan ng ating bansa."
            Wala sa sariling napatango si Emira. Magulo ang kaniyang isip. Hindi na niya maisip kung sa paanong paraan sisiguraduhin ng kaniyang ama na makuha ang loob ng mga Aldepanio. Sa ngayon ay tila gusto niyang magpahinga. Magpahinga sa mga responsibilidad, sa mga utos sa kaniya, pati na rin sa mga ekspektasyon ng nakapaligid sa kaniya.
            TAHIMIK NA NAPALINGON ang ulo ni Alessandro habang naglalakad at pinagmasdan ang kaibigan na diretso ang tingin at patuloy ring naglalakad. Sa paligid ng Kastilyo ng Aldepania sila naglalakad. Nais man niyang makapasok doon upang masilayan ang tinatawag na Paraiso ni Gani, hindi maaari dahil ipinagbabawal na pasukin ang lugar na 'yon. Naniniwala ang mga nakakatanda na roon naninirahan ang mga diyos-diyosan kaya naman noong panahon ni Haring Edgar I ay ipinag-utos niyang bawal pumasok doon.
            "Sayang. Gusto ko pa namang makita ang batis sa likod ng malaking bato," aniya habang nakatanaw roon. Hindi naman naiwasang tignan iyon ni Emira.
            Ang batis na iyon ang isa sa pinakamagandang tanawin ng Aldepania. Tinuturing itong pinakamalinis na tubig sa kanilang bansa dahil naniniwala ang mga tao roon na sa burol na iyon nakatira ang diyos ng tubig at apoy. Kaya naman walang nagtatangkang dumihan iyon. Sa linis ng tubig ay puwede itong inumin.
            "Kay buti ng diyos Isagani. Patuloy tayong binibigyan ng malinis na tubig," mahina niyang sabi habang nakantingin sa kaniyang repleksiyon sa tubig. "Kay suwerte din niya. Naniniwala at nagtitiwala sa kaniya ang mga tao kahit pa wala pang nakakakita sa kaniya." Napapikit ng mata si Alessandro sa narinig at mahinang napabuntong hininga.
            Si Alessandro ay parte ng konseho ng Aldepania. Siya ay punong kagawaran ng pagsasaka. Siya rin ang pinakabata sa mga konseho na siyang matanda lamang ng tatlong taon kay Emira.
            Nasisiguro niya na nakarating na kay Emira ang balita tungkol sa resulta ng pangkalahatang pananaw na isinagawa noong isang linggo. Ang totoo ay kahapon pa naibalita ng punong konseho iyon sa kanila at sa hari. Dala na rin sa pakiusap ng hari na huwag muna sanang makalabas ang resulta maski sa ilang nasa palasyo lalong-lalo na kay Emira. Nais ng hari na siya ang magsabi nito. Wala ring katotohanan na maagang dumating ang punong konseho kanina sa kanilang palasyo.
            "Ganoon ba kahirap magtiwala sa pamumuno ng isang babae? Ganoon ba kaliit ang tingin ng mga tao rito sa kababaihan?"
            Dismayado ang mga mata ni Emira. Sa tagal na niyang namulat sa paligid, masasabi niyang hindi nga patas ang trato sa kababaihan kaysa sa kalalakihan. Wala namang nakasulat sa kanilang batas na ang mga ipinagbabawal para sa mga kababaihan ngunit dahil na rin sa nakalakihan at naipasang mga paniniwala ng mga matatanda, mayroong mga oportunidad na hindi naibibigay para sa mga kababaihan na tanging mga kalalakihan lamang ang maaaring makaranas.
            "Sabihin mo sa akin, punong kagawaran ng pagsasaka.” Kumunot ang noo ni Alessandro. Humarap ito sa kaniya na taas noo. Sa tono at sa kung paano siya kinilala ng kaniyang kaibigan ngayon, hinihingi nito na sa perspektibo bilang isang nasa posisyon ang maging sagot niya. Nagtatanong ito bilang isang mas mataas na tao ngayon sa kaniya. Bilang prinsesa ng Aldepania. Katulad na lamang kung paano niya mapanuod ito kapag nasa pagpupulong ng mga konseho.
            "Masasabi mo ba kung mayroon ng babae na naging parte ng konseho?" Lalong lumalim ang pagkakakunot ng kaniyang noo. Gumalaw ang kaniyang mata upang tumingin sa lupa upang mag-isip, ngunit agad din niyang ibinalik ng magsalita muli ang prinsesa. "Ang dating punong kagawaran ng edukasyon, hindi ba?"
            Naalala ni Alessandro ang babaeng tinutukoy nito. Kalunos-lunos ang sinapit ng dating punong kagawaran. Natagpuan ang katawan nito na nakasabit sa isang puno. Ani ng imbestigasyon, nagpakamatay ang punong kagawaran dahil sa problema sa pamilya. Ngunit lingid sa kaalaman ng lahat, madilim ang kuwento ng babaeng iyon dahil sa gustong pagbabagong mangyari nito.
            "Ang kamatayan ng babaeng iyon ang naging dahilan kung bakit ni isang babae ay hindi na muling tinanggap ng konseho, Emira," ani Alessandro. "Dahil makasarili ang ginawa ng babaeng iyon. Parte siya ng konseho, ngunit sarili lamang niya ang kaniyang inisip bago lisanin ang mundo."
            "Sino ba ang mas makasarili, Alessandro? Ang sinasabi ninyong nilisan niya ang responsibilidad bilang isang punong kagawaran, o ang mga taong gusto ay sila lamang ang nasa kapangyarihan?
            "May mga taong namatay dahil tapos na ang kanilang dadaanan, ngunit may mga tao ring namatay dahil sa kaniyang ipinaglalaban."
            Tila kinilabutan si Alessandro sa paraan ng tingin na iginawad sa kaniya ni Emira. Puno iyon ng pagsusumamo ng katarungan. Pati ay hindi niya alam kung bakit ito nasasabi ngayon ng kaibigan.
            "Ang pantay na karapatan para sa mga kababaihan."
            Muling humarap sa tubig si Emira. Ito ang madilim na katotohanan sa isang pamayanan. Sino ba ang babae para sa kanila? Walang konkretong depinisyon kung sino ba sila. Dahil sila'y pilit na pinipintahan sa paraan na gusto ng mga mamamayan. Walang layang puminta sa paraan na gusto nila. Tila isa na itong kadiliman sa kaniyang nakikita.
            Ang kamatayan ng kauna-unahang babaeng konseho ang patunay na ang awtoridad ay para lamang sa mga kalalakihan.
            "Maraming katotohanan ang hindi nasasambit ng ating mga bibig. Pilit na ikinukubli upang hindi umalingasaw ang amoy," aniya habang nakatingin sa malayo.
--

หนังสือแสดงความคิดเห็น (31)

  • avatar
    NicaFarah

    for just an money

    7d

      0
  • avatar
    Harry Velasco

    ang Ganda ng kwento

    24d

      0
  • avatar
    Vianne Mae Provido Calauod

    nice story and i like it

    08/07

      0
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด