logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

I Hate You But I love You

I Hate You But I love You

Writer Zai


Chapter 1

"LA, ano po kaya kung lumuwas ako sa Manila? Baka sakaling mahanap ko si Inay."
"Mahihirapan ka lang apo. Magulo sa Manila."
Lumabi si Honey, "Hindi naman ho sigurado tayo Lola."
"Hindi mo ba napapanuod sa telebisyon?" pasinghal na tugon ng matanda, itinuro pa nito ang kinaroroonan ng '14 inches' na telebisyon, black and white pa iyon. "Araw-araw na lang ay may ibinabalita na mga patayan doon at may mga nari-rape pa! Gusto mo bang matulad sa kanila?"
"Eh bakit ho si Caren? Hanggang ngayon ay naroon pa rin siya at maganda pa ang kalagayan doon." muling hirit niya kasabay ang pagsampay ng tuwalya sa balikat.
"Kahit na ano pang ibinabalita ng kaibigan mo, hindi pa rin ako makakapayag." Mabagsik ang mukha ni Lola Caring na ipinagpatuloy ang naudlot na pagluluto.
Hindi na lamang sumagot si Honey, nagtuloy na siya sa banyo. Doon ay nagmuni-muni muli siya. Halos araw-araw, gabi-gabi siyang nag-iisip tungkol sa kaniyang ina. Noong musmos pa siya hindi pa siya naghahanap ngunit habang nagkaka-edad siya'y unti-unti na niyang hinahanap ang kalinga ng isang ina. Namulat siyang nasa kalinga ni Lola Caring, ina ng yumaong niyang ama. Pumanaw ang kanyang ama nang tatlong taong gulang pa lamang siya at ang kanyang ina, hindi na niya nasilayan pa. Ngayon ang ika-labing walong taong gulang niya rito sa mundong ibabaw at sa bawat araw na dumaraan ay nasasabik siyang mayakap ang ina.
Ramdam niya na may itinatago ang kanyang lola tungkol sa ina niya. Marahil ay ayaw sadya nitong ipaalam sa kanya kung nasaan ang ina niya. Nagtatanong kasi siya minsan kung saang lugar nasaan ang kaniyang ina, subalit wala raw alam si Lola Caring. Minsa'y tinutukso na nga siya ng kanyang mga kaibigan, 'putok daw sa kawayan' o isinilang ng walang ama o ina.
"Paano ako magiging tao kung wala akong ina? Mga sira-ulo ba sila? Sino ang nagluwal sa akin, si Itay?" tanong niya sa sarili, sinabayan pa ng marahang pag-iling kasunod ang pagbuhos ng tubig sa katawan. "Whoah! Grabeng lamig naman ng tubig. Dapat pala'y nag-init muna ako ng tubig. Kung bakit naman kasi, 'pag malamig ang panahon, lumalamig din ang tubig!" Minadali na niya ang ginagawa kahit pa nga nagsasalitang mag-isa, magsisimba kasi sila ng kanyang lola, isa iyon sa nakaugalian na nilang gawain at nagkataon pa na kaarawan niya nang araw na iyon.
Pagkatapos magsimba ng dalawa ay bumalik na sila kaagad sa tahanan upang mapagsaluhan ang inihandang meryenda ng matanda. Sa daan ay nakita na niya agad si Weng-weng, isa niyang kababata at matalik na kaibigan, sanggang-dikit niya kung tawagin.
"Oy bes, happy kaarawan sa iyo. Dalaga na tayo ah!" nakangiting bati nito kahit malayo-layo pa ang kanilang agwat.
"Salamat bes, sama ka sa amin. May inihandang pagkain si Lola."
"Sige ba, bibili lamang ako ng softdrink para naman may pantulak tayo sa ating kakainin."
Nqpangiti si Honey, "Huwag na," sagot agad niya. "Itutulak na lang kita!" napabungisngis na siya ng tawa.
"Baliw ka talaga!"
Nangingiti lang naman ang matanda sa biruan nilang dalawa. Masaya na ito kapag nakikitang masaya ang apo na iniwan ng yumao nitong anak. Iyon lamang ang nais nito, ang makitang palaging nakangiti si Honey.
Nauna nang nagtungo si Lola Caring sa bahay nito, ang dalawa nama'y nagpaiwan sa naraanang tindahan upang bumili ng maiinom. Napansin agad ni Weng-weng ang paglungkot ng mukha ni Honey.
"Bes, hindi kita maipinta!"
Salubong ang kilay nang tumingin ang dalaga sa kaibigan, "Ano?" kanyang tanong pa rito.
"Hindi kasi maipinta ang mukha mo. Daig mo pa ang pinagsakluban ng langit at lupa. Hindi maikakailan sa mukha mo na may pasanin kang problema."
Nagbuga muna ng hangin si Honey bago tinugon ang kaibigan.
"Si Lola kasi, ayaw akong payagang lumuwas sa Manila. Gusto ko talagang mahanap si Inay."
"Baligtad tayo, ako naman ay itinataboy ni Mama roon. Nagtitiis daw ako rito, eh subrang liit lang naman daw ng sinasahod ko. Doon daw, malaki ang kikitain ko." Lumungkot din ang anyo ni Weng-weng.
Nahabag naman si Honey sa kaibigan. Ito lang kasi ang kumakayod sa kanilang pamilya. Tatlong kapatid ang pinapaaral nito at ang ina ay sugarol pa. Nagagalit pa at minsa'y pinagbubuhatan ng kamay ang kanyang kaibigan kapag walang maiabot na pera.
Sabay silang naglakad matapos makuha ang binibili sa tindahan
"Bakit kasi kailangan mo pang hanapin ang iyong ina? Ang suwerte mo na nga sa lola mo. Tingnan mo ako, nandiyan ang aking ina pero parang wala rin naman. Simula nang makulong si Papa at unti-unting naglaho ang aming kabuhayan, nalulong na sa sugal, minsan umiinom pa."
Huminto sandali si Honey, nasa harapan na noon sila ng bahay at sumulyap sa nakabukas na pinto. Halatang ayaw iparinig sa nasa loob ang kanyang sasabihin.
"Magkaiba naman tayo bes. Simula pagkabata hindi ko pa nakita ang aking ina. Alam mo 'yong pakiramdam na parang may kulang sa buhay mo kaya kailangan mong hanapin o gawin ang isang bagay na nais mo."
"Saan mo naman hahanapin ang iyong ina? Napakalaki kaya ng Manila---"
"Kung kinakailangang suyurin ko ang buong Manila, gagawin ko, mahanap ko lamang ang aking ina." putol agad niya sa sinasabi ng kaibigan.
"Paano kung halimbawa na patay na siya?" Natutop ni Weng-weng ang sariling bibig matapos bigkasin ang tanong na iyon, "Sorry bes, wala akong intensyon na iyon ang itanong sa iyo. Ako ma'y nabigla rin."
Ngumiti naman siya sandali, "Okay lang."
"Okay lang?"
"Oo, okay lang sa akin. Ang mahalaga, nahanap ko siya. Hindi ko man malaman ang dahilan kung bakit niya ako inabandona, makakapagpasalamat pa rin ako sa kaniya dahil iniwan pa niya ako sa napakabait at maalalahanin kong lola." nangingiting tugon niya sa kaibigan.
Napagaya na rin si Weng-weng, napangiti rin ito dahil sa palagiang positibong pag-uugali ng kaibigan. Iyon ang isa sa hinahangan nito sa kaibigan. Ang hindi nawawalan ng pag-asa.
ANG lahat ng sinabing iyon ni Honey ay dinig na dinig ni Lola Caring. Bagama't naluluha ay nakangiti rin ang matanda. Pumasok siya sa silid, hinagilap ang maliit na kahon at binuksan iyon. Humantad sa mata niy ang isang lumang litrato.
"Kumusta ka na kaya ngayon, Nancy? Alam kong palagi mo ring iniisip ang iyong anak. Huwag kang mag-alala hindi ko siya pinababayaan. Inaalagaan ko siya tulad nang pag-aalaga mo sa anak ko n'ong nabubuhay pa ito. Pasensiya ka na, kailangan ninyong magkalayo ng iyong anak, mahirap lang kasi kami---" Naputol ang pagsasalita ng matanda nang biglang may kumatok. Dali-dali niyang ibinalik ang larawan ng ina ni Honey sa lalagyan.
"La, kain na po tayo."
Nagdudumali nang lumabas si Lola Caring, "Sige apo, magpapalit muna sana ako ng damit kaya ako pumasok sa kuwarto." dahilan niya.
"Ay naku Lola Caring, huwag muna ho!" si Weng-weng, lumapit pa ito sa matanda at inakbayan. "Magpi-picture pa tayo para naman ay maipost ko sa facebook." Niyakag na rin nito ang matanda sa hapag-kainan.
"Sus! Wala ka nang alam na bata ka kun'di facebook. Bawat galaw, bawat kibo facebook."
"Ganoon talaga kaming mga millennial Lola, bago na ngayon ang panahon 'di ba bes?"
"Hay naku, kumain na nga tayo. Mamaya ay magdala ka nang pagkain para sa mga kapatid mo." sabad ni Honey. Nagsimula na siyang maglagay ng pagkain sa pinggan. At bago niya simulang nguyain iyon, taimtim muna siyang nanalangin.
BAGO matulog, nagdasal muli si Honey na sana'y pumayag na ang kanyang lola na magtungo siya sa Manila. Hindi pa man lumalapat ang likod niya sa higaan ay may kumatok. Binuksan na agad niya iang pinto.
"La, bakit po?"
Pumasok muna si Lola Caring sa silid ni Honey, hawak niya ang kahon.
"Apo, kung sakali man na pumayag ako na magtungo ka sa Manila, iingatan mo ang iyong sarili ha!" Pumiyok ang matanda at nangilid ang luha.
Unti-unti ay nagliwanag ang mukha ni Honey. Kaagad niyang nayakap ang matanda.
"Ibig po bang sabihin, pumapayag na kayo?"
Tumango ang naiiyak nang matanda.
Lumaki ang pagkakangiti ng dalaga at muli ay niyakap ito. "Salamat po Lola at ipinapangako ko, mag-iingat ako roon."
Kapwa sila luhaan. Kanya-kanya nang paalaman sa isa't-isa kahit hindi pa man sumasapit ang kanyang pag-alis.
Kinabukasa'y masaya niyang ibinalita sa kaibigan ang naging desisyon ng kanyang lola. At tulad din ni Lola Caring, naiyak din si Weng-weng.
"Bakit hindi ka na lang kaya sumama? Tutal, itinataboy ka naman ng iyong mama papunta roon."
Umiling si Weng-weng, "Alam mo namang walang mag-aasikaso sa tatlo ko pang kapatid. Mabuti nga sana pero alam ko namang hindi aasikasuhin iyon ni Mama. Kawawa lamang sila kapag nagkataon. Dito na lang ako, kaya ko pa namang magtiis."
"Kung iyan ang desisyon mo, hindi na kita pipilitin. Tatawagan naman ako palagi at para makibalita na rin kay Lola."
"Oy bes, baka doon mo na mahanap ang 'the one' mo." pabirong turan ni Weng-weng.
Kaya nama'y nakatikim ito ng hampas sa balikat mula kay Honey. "Anong the one? Wala pa sa isipan ko 'yon noh! Pumasok ka na nga. Baka masisante ka pa dahil sa akin. Masisi pa ako ng iyong ina."
Hindi huminto si Weng-weng sa pang-aasar sa kaibigan. Napa-iling na lamang si Honey. Excited na siyang tumuntong sa Manila. Alam niya na hindi madali ang tatahakin niya lalo na't panibagong pakikisama ang kaniyang gagawin, subalit pasasaan ba't masasanay din siya roon.
"Inay, malapit na tayong magkita!" aniya pa na may ngiti sa labi.

หนังสือแสดงความคิดเห็น (143)

  • avatar
    LenlenRhammelen

    oiejebrhrjr

    9d

      0
  • avatar
    Alvin Redillas

    very nice

    19d

      0
  • avatar
    JM Pacyao

    500

    09/08

      0
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด