ILUMINA (POV) Unti-unti kong idinilat ang aking mga mata dahil sa nakakasilaw na liwanag na tumama sa aking mukha. Tumingin ako sa orasan na nakasabit sa dingding ng aking silid — alas-otso na pala ng umaga. Kaya naman nag-inat muna ako bago tumungo sa paliguan. Hinubad ko ang aking hanggang-tuhod na kasuotan at dahan-dahang lumubog sa paliguan na may halong gatas at mga rosas. Simula pagkabata, ganito na ang paliligo ko — itinuro ito sa akin ni Ina, at hanggang ngayon ay dala-dala ko pa rin ang lahat ng turo niya. Marami siyang iniwang paalala, pero may isang laging tumatatak sa isip ko: "Kailangang manatiling dalisay ang puso at katawan hanggang sa dumating ang itinakda sa'yo ng Dyosa ng Kalangitan." Isa rin 'yon sa mga dahilan kung bakit gusto kong bumaba mula sa toreng ito. Gusto kong ako mismo ang humanap sa lalaking nakatakda para sa akin. Habang nakababad pa ang katawan ko sa tubig, napaisip akong umawit. Simula pagkabata, sinanay na ni Ina ang tinig ko. Sabi niya, isa raw itong makapangyarihang sandata — isang biyaya na iilan lang ang taglay. Hindi ko na tinapos ang kanta ko. Tumayo na ako upang magbanlaw at maghanda ng pagkain. Pagkatapos kong magbihis, dumiretso ako sa lutuan at nagluto ng espesyal na putahe — ang paboritong niluluto noon ni Ina noong siya'y nabubuhay pa. "Hays... Ina, naaalala na naman kita." Mahinang sabi ko sa hangin habang napabuntong-hininga. "Bakit naman ang bilis mong nawala sa akin, Ina?" tanong ko pa. Hindi ko namalayang may mainit nang likidong dumaloy mula sa aking mga mata. Mabilis ko itong pinahid at ipinagpatuloy ang aking ginagawa. --- FAST-FORWARD Kanina pa ako paikot-ikot sa paligid, hinahanap ang alaga kong kuneho. "Nasaan na ba ‘yon? Hindi pa kaya siya nakakauwi?" tanong ko sa sarili habang naglalakad. Alam ko namang mahilig siyang bumaba sa tore at makipaglaro sa mga hayop sa kagubatan, pero ngayon ay medyo kinakabahan ako. Kaya, imbes na patuloy na maghanap, nagtungo na lang ako sa aking silid-aklatan at nagbasa buong araw. Ang napili kong libro ay pinamagatang: ANG UNANG KASAYSAYAN NG MUNDO Napakunot-noo ako. Kasaysayan? Parang pamilyar sa akin ang salitang ‘yon... Maingat kong binuklat ang unang pahina at sinimulang basahin: (1) "Noong unang panahon, isang babaeng pinagpala ni Bathala ang ipinababa sa lupa upang gampanan ang isang misyon — ang hanapin ang makapangyarihang ibon sa mundo ng mahika. Ngunit sa halip na kapangyarihan, pag-ibig ang kanyang natagpuan. Nang malaman ito ni Bathala, iniutos niyang paslangin ng babae ang tagalupang kanyang minahal at tuparin ang kanyang misyon. Ngunit sinuway ng babae ang utos. Sa kauna-unahang pagkakataon, may nilalang na hindi sumunod sa utos ni Bathala. Galit na galit si Bathala kaya siya mismo ang bumaba sa lupa at pinaslang ang tagalupa. Dahil sa matinding galit at pighati, ang babaeng pinagpala ay pinatay si Bathala. Mula noon, siya ang kinilalang Dyosa ng Kalangitan." Hindi ako makapaniwala sa nabasa ko. Kung ganoon, ang Dyosa ng Kalangitan ay minsang naging babae ring inutusan — pinagpala, pero nasaktan. Isang babaeng umibig... at nawalan. Ramdam ko ang bigat sa kanyang kwento. Pero higit doon, hinahangaan ko siya — dahil kahit wala na ang kanyang minamahal, pinili pa rin niyang buuin ang nasirang mundo. At ngayon… ako na ang magiging instrumento niya. Nangangako ako — hinding-hindi ko siya bibiguin. Bigla akong nakarinig ng kalabog sa labas ng silid-aklatan. Mabilis akong lumabas para tignan — at laking tuwa ko nang makita ko ang alaga kong kuneho! "Clover!" masaya kong tawag. Masaya siyang umikot sa aking paanan kaya umupo ako at binuhat siya. "Saan ka na naman galing, ha? Pasaway ka talaga!" saway ko habang nakikiliti nang dilaan niya ang aking mukha. "Clover, ano ba!" tawa kong sabing may halong kiliti. Hindi niya ako tinigilan kaya wala na akong nagawa kundi gamitin ang aking kapangyarihan. Winagayway ko ang kaliwang kamay ko at pinalutang si Clover sa isang bubble cage. Napatawa ako sa itsura niya — parang batang nagmamakaawang ilabas. "Sa susunod kasi, huwag kang makulit. Maliwanag?" Tango lang siya nang tango kaya winagayway ko ulit ang kamay ko para tanggalin ang bula. "Halika na, Clover. Kumain ka na." Sabi ko habang magkasabay kaming nagtungo sa kainan. Nang ako'y maupo, bigla kong naramdaman ang kakaibang presensya mula sa ibaba ng tore. Mabilis pa sa kidlat akong tumayo at naghanda. Nag-usal ako ng dasal, isang proteksiyon spell para sa aking tahanan. Rinig na rinig ko ang boses ng mga tagalupa sa ibaba. "Sigurado akong maraming kayamanan sa loob," sabi ng isa. "Oo, tiyak ‘yan!" sang-ayon ng isa pa. Umiling ako. Alam kong ito na ang huling araw na masasaksihan nila ang mundo ng lupa. Dahil sa kasamaan nilang dala, sila’y itatapon sa nag-aapoy na daigdig bilang kaparusahan. Sa pagtatapos ng aking dasal, sumabay rin ang pagtatapos ng kanilang buhay. Pumikit ako at taimtim na nanalangin "Dyosa ng Kalangitan, linisin mo po ang aking kalooban sa nagawa ko. Ginawa ko lang ito upang protektahan ang aking sarili at ang tahanang nagpapaalala sa akin ng mahahalagang alaala namin ni Ina." Pagkatapos noon, isang kakaibang enerhiya ang dumapo sa katawan ko. Dahan-dahan kong idinilat ang mga mata, tumingala sa langit at nagbigay galang. "Maraming salamat, mahal na Dyosa."
Nice story
08/09/2023
0Ken
01/11/2024
0ang ganda ng kwento
23/10/2024
0ดูทั้งหมด