logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

Savannah

Savannah

Andrea Gale


Chapter 1

“MAMA, ayoko nang pumasok sa school,” humihikbing sumbong ni Maya sa ina. Grade six student siya sa isang pampublikong paaralan sa lugar nila.
“Bakit naman, anak?” kalmado lang na tanong ng mama niya.
“Lagi na lang nila akong inaasar. Tignan mo ang palda ko, may pintura na naman. Nilagyan nila ng pintura ang upuan ko,” aniya saka tuluyan ng umiyak nang malakas.
Dahil mahina ang tingin sa kanya ng mga kaklase ay ganoon na lang kung i-bully siya. “Bakit hindi ka lumaban?” tanong ng mama niya.
“Pero magagalit ang teacher ko,” sagot niya sa pagitan nang paghikbi.
“Oo, alam ko. Pero kailangan mong maging matapang. Kung wala kang ginagawang masama, matuto kang lumaban.”
Sa totoo lang ay sumasama na ang loob niya sa ina. Imbes na pumunta ito sa eskwelahan at ireklamo ang mga kaklase niyang masama ang ugali ay palagi lang siya nitong pinagsasabihang imbes na umiyak ay lumaban. Paano siya lalaban kung marami ang mga ito at mag-isa lang siya? Bakit ang ibang nanay naman ay nagpupunta sa eskwelahan nila para magsumbong kapag may kaklase siyang naaapi?
Kung minsan nga ay nagpupunta ang mga nanay ng mga kaklase niya sa eskwelahan kahit wala naming dahilan. Naghahatid at sumusundo sa mga anak ng mga ito kahit malalaki na naman, na kahit minsan ay hindi ginawa ng mama niya para sa kanya. Alam niyang mali ang magtampo para sa maliit na bagay na iyon ngunit hindi niya maiwasan.
“Mama…” tanging nasabi niya saka umiyak.
“Anak, sa mundong ‘to, bawal ang mahina. Kapag hindi ka lumaban, pagsasamantalahan ka. Hindi palaging may magtatanggol sa’yo kaya dapat kayanin mo kahit mag-isa ka.”
Walang nagawa si Maya kundi ang tumango. Pinadiretso siya ng mama niya sa kanyang silid para makapagpahinga. Nang makapagbihis ay lumabas din siya sa kanilang bakuran. Napakalawak niyon.
Nagtataka rin siya kung bakit malayo ang bahay nila sa karamihan. Nasa pinakaliblib na bahagi ng nayon ang bahay nila. Napapaligiran ng naglalakihang puno. Sa gabi nga ay natatakot siya dahil sa mga huni ng mga hayop na hindi niya naman alam kung ano. Ngunit nasanay na rin siya, huwag lang siyang uutusan na lumabas dahil sobrang dilim.
Walang kaibigan si Maya kaya palagi siyang mag-isang naglalaro. Walang nangangahas na tumungo sa kanila, siguro dahil malayo na iyon sa mga kabahayan. Wala pa siyang kaklaseng nadala sa kanilang bahay dahil wala ni isa ang naging malapit sa kanya. Siguro ay natatakot ang iba na pati ang mga ito ay ma-bully kapag kinaibigan siya.
Hindi niya nga maintindihan kung anong kaligayahan ang nakukuha ng mga kaklase niya sa pambu-bully sa kanya. Hindi niya alam kung bakit masaya ang mga ito na may pinahihirapan. At hindi niya alama kung ano ang nakikita ng mga ito sa kanya at lagi na lang siya ang pinagti-trip-an. Kinuha ni Maya ang itinago niyang saranggola at naglaro sa kanilang bakuran.
Nakasanayan na niya ang paglalaro nang mag-isa. Kung minsan ay naiinggit siya kapag nakikita niya ang mga kaklase niyang naglalaro nang magkakasama pero hindi na niya masyadong iniinda. Kung minsan nga ay ipinagdarasal na lang niyang huwag na lang siyang pansinin pa dahil sa tuwing papansinin siya ay napapahamak lamang siya. Kung maaari lang maging invisible sa paningin nila. Napabuntong-hininga si Maya.
Isa lang ang batang nakipaglaro sa kanya at limang taon pa lamang siya noong mangyari iyon. Naligaw lang sa bakuran nila ang batang lalaki. Kal… Iyon ang pangalan nito ayon dito. Natatandaan pa niya ang kulay ng langit nang makita si Kal, nag-aagaw na kahel at asul. Si Kal ang unang batang nagyaya sa kanyang makipaglaro ng habulan at taguan.
Ngunit hindi nagtagal ang paglalaro nila dahil kinailangan din nitong umalis agad. Pagagalitan daw ito ng mommy nito. Nangako si Kal na babalik pero hindi na nito iyon natupad. Marahil ay nakalimutan na siya nito, pitong taon na kasi ang nakakaraan.
Pero ito ay hindi niya malilimutan kahit kailan. Naaalala pa nga niya ang sinabi nito na nais nitong maging mayor ng bayan nila. Samantalang siya ay hindi niya naiisip ang mga bagay na iyon noon dahil ang gusto niya lang talaga ay maglaro. Kahit sa puntong iyon na malapit na siyang tumapak sa High School ay hindi pa rin niya naiisip kung ano ba talaga ang gusto niya.
Napahinto sa paglalaro ng saranggola si Maya nang may makita siyang mga kalalakihang pumasok sa bahay nila. Bigla ay napuno ng takot ang kanyang dibdib ngunit nilakasan niya ang kanyang loob. Pinilit niyang tumakbo palapit sa bahay para lang matigilan nang makarinig ng putok ng baril.
Nangangatog ang mga tuhod na lumapit siya sa bintana ng bahay at natulala nang makita ang mama at papa niyang nakahandusay sa sahig, duguan ang mga ito at walang malay. Hindi niya malaman kung tatakbo siya palayo o sisigaw at magwawala. Pakiramdam niya ay tinakasan siya ng kaluluwa.
Ngunit bago pa siya makagawa nang kahit na ano ay may isang taong nagtakip sa kanyang bibig. Nagpumiglas siya ngunit wala iyong masyadong puwersa dahil sa kanyang panlalambot.
“Huwag kang matakot,” bulong sa kanya ng taong nasa kanyang likuran. “Hindi ako kalaban.”
Tinig ng babae iyon, sigurado siya. Kahit papaano ay kumalma ang katawan ni Maya at doon na siya umiyak. Ang mga emosyong naipon sa kanyang dibdib ay kusa nang lumaya.
“Isasama kita pero huwag kang mag-iingay,” muli ay bulong ng babae.
Tumango si Maya. Tinanggal ng babae ang palad sa kanyang bibig at saka siya binuhat. Tila wala itong hirap na tumakbo palayo sa bahay nila kahit na buhat siya. Ibinababa lang siya nito nang marahil ay masigurado nitong walang makakakita sa kanila.
Isinakay siya nito sa isang itim na kotseng nakaparada sa hindi kalayuan. “Saan po tayo pupunta?” tanong niya.
Hindi niya makita ang mukha ng babae. Nakasuot ito ng itim na jacket na may hood at itim ring mask, idagdag pa ang malaking shades.
“Sino po kayo? Sino po iyong mga taong pumatay sa mama at papa ko?” umiiyak niyang tanong kahit hindi sumasagot ang kausap.
“Ate, sagutin mo ako!” Hindi na alam ni Maya kung ano ang gagawin. Nais niyang bumalik sa bahay nila. Ayaw niyang iwan ang kanyang mga magulang sa ganoong sitwasyon. Paano kung buhay pa ang mga ito? Pero mabilis ang pag-andar ng sasakyan at hindi niya alam kung paano siya makakabalik sa kanila.
“Hindi ko sila kilala,” sagot ng babae. “Balang-araw, masasagot mo rin ang mga tanong na iyan. Sa ngayon, magtiwala ka lang sa’kin.”
“Pero hindi ko kayo kilala!”
“Roma.”
“Po?”
“Ako si Roma. Ngayon, matatahimik ka na ba?” Nahimigan niya ang pagkawala ng pasensya sa tinig ni Roma. Medyo natakot siya kaya ikinalma niya ang sarili.
“Bakit niyo po kilala ang mga magulang ko?”
Hindi na naman ito umimik.
“Pupunta po ba tayo sa pulis?”
“Ako lang.”
“Sasama po ako!”
“Hindi puwedeng malaman ng mga pumatay sa mga magulang mo ang tungkol sa’yo.”
“Pero—”
“Huwag matigas ang ulo mo!” sigaw ni Roma.
Napipilan si Maya at tahimik na lamang na umiyak. Naguguluhan siya, natatakot, nag-aalala at nagdadalamhati nang sabay-sabay. Ano ang kasalanan ng mga magulang niya sa tao o mga taong bumaril sa mga ito? At bakit bawal ng mga itong malaman ang tungkol sa kanya?
Sa isang tahimik at walang katao-taong lugar sila nagtungo ni Roma. Para iyong ghost town. Walang kahit na anong makakapagsasabing may taong naninirahan doon. Sa harapan ng isang lumang gate ay itinigil ni Roma ang sasakyan. Kulay asul ang gate ngunit paitim na iyon dahil sa kalumaan. Nangangalawang na rin ang ibang parte niyon. Binuksan ni Roma ang gate at saka bumalik sa sasakyan at pumasok na sila.
Junkyard. Iyon ang unang pumasok sa isip ni Maya nang makarating sa loob. May isa na namang gate silang pinasok at doon na nag-iba ang lahat. Malinis na bakuran at isang bahay na simple lamang ang itsura ngunit napakalaki.
“Dito ka muna habang nag-iisip ako kung ano ang plano sa’yo. Ako na ang bahala sa kaso ng mga magulang mo. Hindi nila puwedeng malamang may anak sina Myra at Enrico.”
“Bakit ninyo po kilala ang mga magulang ko?”
“Minsan na nila akong natulungan at ibinabalik ko lang ang pabor sa pamamagitan ng pagkupkop sa’yo.”
Naghintay si Maya na alisin ni Roma ang mga nakatakip sa mukha nito ngunit hindi nito ginawa. “Ano na po ang gagawin ko ngayon? Wala na akong magulang…”
Sa pagkakaalala sa malagim na itsura ng kanyang mga magulang ay muling nanghina ang tuhod ni Maya. Litong-lito siya. Ano ba ang kasalanan ng mga magulang niya para patayin ng mga lalaking iyon? Iyon ang paulit-ulit na itinatanong ng isip niya. Masamang tao ba ang mga magulang niya kaya may kaaway ang mga ito? Ni hindi hindi nga umaalis ang ito sa bahay nila kaya paanong magkakaatraso ang mga ito kung kanino man?
“Ano po ang kasalanan nila?”
“Wala silang kasalanan. Ngayon, iiwan kita rito. Babalik ako kapag may balita na. Kumpleto ang mga gamit sa bahay na ‘to. May pagkain din. Huwag kang lalabas, naiintindihan mo?”
“Mag-isa lang po ako rito?” natatakot niyang tanong. Bigla ay nais niyang kumapit sa bisig ni Roma at huwag nang bumitaw pa. “Huwag ninyo po akong iwan.” Ayaw niyang mag-isa. Parang hindi niya kakayanin.
“Kailangan mong maging matapang. Ano nga ulit ang pangalan mo?”
“Maya po.”
“Maging matapang ka, Maya. Babalik ako.”
Matapang? Paano ang maging matapang? Iyon din ang laging sinasabi sa kanya ng kanyang ina ngunit hindi niya napagtagumpayan kahit kailan.
“Pero…”
Inabot sa kanya ni Roma ang susi ng bahay at tumalikod na ito. Hindi ito sumakay sa kotse. Ikinandado pa nito ang gate saka umakyat doon na parang sanay na sanay itong tumalon nang ganoon kataas. Napanganga si Maya sa nakita. Sino si Roma? At paano na siya?

หนังสือแสดงความคิดเห็น (37)

  • avatar
    Maxima Abana Cabasag

    Good story :)

    20d

      0
  • avatar
    SiarotJenelou

    nice gamr

    28/06

      0
  • avatar
    Harvey S Santillan

    nice story

    31/05

      0
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด