logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

CHAPTER 2

"N-nagresearch lang po talaga ako, Ma'am!" Pilit kong pagtatanggol sa sarili dahil anang Librarian ay kasali daw ako sa habulan ng dalawa!
Tumaas ang kilay nito at nanatiling nakaungos ang labi nitong may kulay ng lumang shade ng lipstick na avon pa yata noong araw.
Nakahinga ako nang maluwag nang malipat ang mata niya sa dalawa na ngayo'y isang metro ang layo sa isa't isang nakaupo. Si Diana'y hindi nawawala ang malaking ngisi habang nakamasid kay Lomeo Alfanta na nakapikit at mukhang nagdadasal ng ama namin.
Kumunot ang noo ko dahil ang OA naman yata niya na kailangan pang magdasal. Wala namang gagawin sa kaniya si Diana! Eh ang bata lang nito at kami ay Grade 10 na.
"And you? Bakit nagsisisigaw ka kanina? Gusto niyo bang ipatawag ko ang mga adviser niyo? Na nagcacut kayo para maglaro sa library?"
Napalunok ako at gusto na talagang makaalis. Sumulyap ako sa orasan at nakitang 5 minutes na lang ay next subject na namin! At English iyon! Hindi pwedeng nalelate sa subject na iyon kahit ilang segundo pa!
Gamit ang hintuturo ay tatlong beses kong tinapik ang librarian. Masungit ako nitong nilingon at tinaasan ng kilay. Umawang naman ang labi ko at ilang beses pang napakurap bago magsalita.
"Ma'am, promise po talaga, nagresearch lang po ako! Para po sa English namin ngayon..." Pamimilit ko na paalisin na ako dahil tumatakbo ang oras!
Sumulyap ako sa orasan at 4 minutes na lang!
"How about these two? Hindi ba't lagi mong kasama itong grade 7 na'to?"
Nilingon ko si Diana na napakurap at nilingon ako. Alam niyang bawal na bawal akong maguidance dahil madalas kong masabi sa kaniya na scholar lang ako at talaga iniingatan ko iyon.
Kinagat ko ang labi at nagpaawa rito. Mayaman sila Diana at kahit maguidance pa o mapatawag ang magulang, kaya naman nitong mag-aral pa. Alam ko ring mali ang gusto kong ipagawa sa kaniya na akuin ang pagkakamali ko rin pero iyon lang ang paraan para makaalis ako!
"Madalas ko pong makita si Ate Leticia dito na nagrereview o research, Ma'am. Ako po, naglalaro" anito na para bang napakasimple lang ng kaniyang sinabi at hindi mag-uusok ang ilong ng librarian.
"Laro? And who told you to install a game on the computers?" Ang masungit na librarian.
"Si Ate Leticia po"
Pakiramdam ko'y bigla kong narinig ang mga umaawit na ang mga anghel at sinasalubong na ako ng lahat ng santo at nangunguna roon si San Pedro.
Anong gagawin ko?! Totoo iyon! At hindi ko na kayang i-deny dahil testigo si Diana!
Hindi pinapansin ang tawag ng librarian, kumaripas ako ng takbo paalis ng library at halos madulas pa ako dahil sa basahan.
Kasing bilis ng takbo ko ang takbo ng puso ko. Mabilis na umiiwas sa mga nakakasalubong kahit na halos magkabanggan kami ng mga ito.
Hindi ako lumingon sa likod. Hindi ako tanga! Kasi sa mga nakikita ko, kapag hinahabol ang bida, tumitingin sa likod kaya nababangga! Kahit na ba'y wala ako sa isang pelikula.
Hingal ako nang makaakyat sa ikalawang palapag ng building na katapat ng library. Ngayon ko lang naramdaman ang pagkainis sa layo ng room namin sa library. Nakakapagod!
May lumabas na janitor sa isang room at gulat pa siya nang makita ang lagay ko. Hindi ko naman ito pinansin at nanlalambot na tinahak ang kalayuan ng room namin. Mabuti at nakarating ako sa tamang oras at may naiwan pang isang minuto.
"Leticia! Anyare?" Natatawang bungad sa akin ng isang kaklase.
Hindi na ako nakasagot at humimlay sa aking upuan. Hingal na humihinga ngunit mabilis na nahigit nang maramdaman ko ang katigasan ng likod ng aking upuan.
Putangina.
Napabalikwas ako ng upo at nanlalaking nilingon ang likod para tignan kung naroon ang aking bag. Malakas akong napaungol dahil naiwan ko iyon sa library!
Ang malas ko naman ngayong araw!
"Bag mo? Naiwan mo? Napano ka ba?" Sunod-sunod na tanong ni Shane na katabi ko.
Gusto ko maiyak pero hindi ko naituloy dahil dumating na ang teacher namin. Paano kong babalikan ang bag ko? Ayoko nang makita ang matandang librarian!
Mabuti na lang at discussion lamang ang nangyari sa subject na iyon. Nagsagot ng maikling activity at pasalamat na rin dahil mabait na kaklase itong si Shane na nagpahiram ng gamit.
Hindi ko na kaya pang bumalik sa library. Hindi na rin talaga ako maglalaro! Ang ang batang iyon! Madalas ko pa nga siyang ilibre tapos nilaglag ako nang ganoon!
Kaya ngayon, naiwan ako kay Lina na hindi ko hinahayaang makauwi dahil kailangan ko pang magmakaawa.
"Please! Nando'n lang 'yun sa unang upuan! Lina!" Pamimilit kong siya na ang kumuha ng aking bag.
Tamad niya akong tinignan at inayos ang salamin. "Ano ba kasing ginawa mo at naiwan mo?"
Ngumuso ako. "Nahuli ako ng librarian..."
She smirked and shook her head, refusing to do my favor. Lalo akong napaungol at naglambitin pa sa kamay niya.
"Sige na! Ako na ang gagawa sa last page ng CRR mo!" Sabi ko at doon ko nakuha ang interes niya.
Tumaas ang isa niyang kilay. "Walang bawian?"
Mabilis akong tumango at lalong nagpacute sa kaniya. Umismid siya at tinanggal ang kamay ko sa kaniya. "Kadiri ka. 'Wag mo'kong tinitignan nang ganiyan"
Mabilis na lumandas ang ngisi sa aking labi at gusto pa siyang yakapin kung hindi niya lang ako tinabig. Napahinga ako nang maluwag at nakangiting tinuloy ang kaniyang nililinis para naman lalo pa akong bumait sa kaniyang paningin.
I was humming happily while putting the broom in its place when someone stood before me. Inangatan ko ito ng tingin at nakita ang masungit na tingin ni Maria Ayessa. May hawak na walis tambo.
"Why po?" Tanong ko rito na ikinataas lang ng isa niyang kilay.
Umabante ako habang nasa kaniya pa rin ang tingin. Siya naman ay inilagay ang tambo sa lalagyan at walang imik na umalis sa harap ko.
I blinked 4 times. Ang sungit naman! Siya lang itong hindi ko pa nakakausap sa classroom at siya lang din ang may ganang magtaray!
Inayos ko ang sarili at lumabas ng room para maabangan si Lina. Marami na ring paalis na mga estudyante kaya naman medyo nahirapan pa akong hanapin si Lina. Bahagya akong tumingkad at napunta sa tatlong lalaking iba ang uniform na alam kong special section. Mga may kakaibang ngisi na suot at mga naglolokohan pa.
Hindi ko maiwasang magpigil ng ngiti dahil nababasalan ang aking dalawang mata ngayon. Kahit na madalas ang pagrereklamo ko sa mga special section, karamihan naman ng mga gwapo't magaganda ay nasa kanila!
Pamilyar ngunit hindi ko alam ang mga pangalan ng mga lalaking pinagmamasdan ko ngayon. Papalapit sa aking gawi kaya naman tinignan ko ang sarili at hinawi pa ang ilang buhok na nakatabon sa aking mukha.
Sakto namang pagkaangat ng ulo ko ay nagtama ang tingin namin ng lalaking hindi ko napansing kasama rin pala nila. His doe eyes blinked. Pursing his lips, his walk slows down until he stops 3 meters away from me. Hindi ko rin alam kung bakit gano'n siya makatingin sa akin kaya naman nang ibaba ko ang tingin sa kaniyang hawak ay napaawang ang labi ko.
May kumurot sa akin, dahilan ng pagtingin ko dito. Si Lina iyon na nakataas na ang isang kilay sa akin at tinuro si Lomeo Alfanta na hawak ang bag ko.
"Siya ang nagtabi ng bag mo" ani Lina na akma akong iiwan nang hawakan ko ang braso niya. Tamad niya akong tinignan.
Napakagat ako ng labi at sumulyap sa apat na kalalakihan sa harap namin. Hindi ko rin naiwasang mamula dahil sa pagkindat sa akin ng pinakamatangkad sa kanila.
Ito lang yata ang kilala ko dahil captain ng varsity ng school. Lance Ortiz.
"B-bakit hindi pa ikaw ang kumuha? Sabi ko ikaw!" Bulong ko kay Lina.
"Siya nga ang nakapagtabi. Ayan na. Kunin mo na at magpasalamat ka na lang" aniya bago ako iwan.
Napapikit naman ako sa ginawa sa akin ni Lina. Parang hindi kaklase!
Hindi naman sa takot ako sa mga ito pero baka kasi nakakarating sa kanila ang paninira namin sa section nila! Baka nakakarating sa kanila na inis ang section namin sa kanila.
"Miss, kunin mo na dahil may gagawin pa kami. 'Wag ka nang pabebe pa" anang lalaking katabi nitong may dimples. Kunot noo ko itong tinignan. Ang yabang nito ah! Hindi naman ako nagpapabebe!
He gave me an innocent look that made me roll my eyes at him. Nilapitan ko ang lalaking may hawak ng bag ko na halos yakapin pa yata ang bag ko.
"Salamat" sabi ko rito na ikinatitig niya lang sa akin. At dahil hindi naman ako bastos, hinintay ko itong magsalita.
Pamilyar si Lomeo Alfanta. Para bang nakita ko na ito dati dahil sa kaniyang bilugang mata at malambot ng pisngi. Kilala rin siya dito sa aming school at ang ilan niyang mga pinsan sa ibang campus. Mga Alfanta. Rinig ko lagi ang apelyidong iyan lalo na tuwing may program sa school.
Kumurap si Lomeo Alfanta dahil sa pananatili ko sa kaniyang harap. Tumagilid ang aking ulo at tinaasan siya ng dalawang kilay para tanongin kung ano pang hinihintay niya.
Tumawa ang mga kasama niya; sanhi ng paglingon ko sa mga ito. Inaasar na ako ng tingin nitong lalaking pinakamatangkad.
"Hindi ka tipo niyan, Miss. 'Wag ka nang magpacute"
Aba't nang-asar pa talaga! Feeling close!
Kumunot ang noo ko at nilapitan ito. "Anong nagpapacute? Hindi ako nagpapacute!" Bulyaw ko rito.
Natatawa itong mga natakot. Ang lalaking matangkad ay umakbay sa may dimples at bahagyang yumuko sa akin. "Ano bang pangalan mo..." Anito at sumulyap sa dibdib ko kung nasaan ang I.D. ko. He smirked. "Leticia. Leticia, kung tipo mo si Lomi, hindi ka tipo niyan" lalo nitong pang-aasar na ikinainit ng mukha ko sa inis.
Ang kapal ng mukhang akusain akong may gusto kay Lomeo!
"Lance, tigilan mo na nga" biglang sumingit si Lomeo Alfanta sa amin at nahihiyang hinarap ako. Namumula ang pisngi at kinagat ang pang-ibabang labi.
Sandali akong napatitig sa kaniya at tinangala ito dahil matangkad din. Nagsalita siya. "S-sorry sa kanila. Mauna na kami" anito bago tumalikod at pinagtutulak na paalis ang kaniyang mga kasama.
Sinundan ko lang sila ng tingin. Nakangisi pang sumulyap ang lalaking kanina pa nang-aasar sa akin at kinindatan ako. Kumunot lang ang noo ko at padabog na tinahak ang kabilang daan ng kanilang tinunguhan.
Mga gwapo pa naman sana! Si Lomeo Alfanta lang ang mukhang mabait!
Simula noong araw na iyon, natrauma na ako sa library. Hindi ko rin alam kung anong gagawin ko kapag napaguidance! Mamaya, isipin nila mama ay nagloloko ako sa pag-aaral.
Hindi naman din ako bobo. Tinatamad lang ako mag-aral dahil walang inspirasyon!
Hindi rin sapat 'yung mga crush ko. Agad nawawala ang nararamdaman ko sa kanila. Dahil na rin siguro sa mababaw kong dahilan para gustuhin sila. Kung hindi gwapo at matangkad ay gwapo na maputi.
Sa classroom naman, wala talaga akong permanenteng kaibigan. Gusto ko rin masali sa circle of friends, noh! Pero mukhang wala namang swak sa akin. Siguro na rin dahil puro pangmamayaman ang mga gusto nilang laging ginagawa.
Kaya naman ang tahimik ni Maria Ayessa ang madalas kong asarin. Ako na nga itong nagpapapansin at nagvovolunteer na maging kaibigan siya, ang sungit pa rin!
Wala man lang kasi siyang kaibigan. Hindi naman sa naaawa ako pero parang ganoon na nga. Kapag nagsasalita rin ay limitado lang. Kun'di sa recitation ay sa attendance lang magsasalita!
"Tigilan mo na pamwimisit, Leticia" natatawang bati sa akin ni Shane nang magkalat na ang papel na nilamukos ko at binabato kay Maria Ayessa.
Halos apat na araw na ako sa kaniya ah! Ayaw niya talaga akong pansinin.
Tsaka hindi rin talaga ako nakagawa ng assignment dahil Linggo kahapon at may handaan kila Kyron, ang pinsan ko. Syempre, napagod kami dahil si Mama ang naging cook at tumulong ako. Nawala sa aking isipan na may assignment nga pala ako.
Malaki ang ngisi ko nang damputin na ni Maria Ayessa ang pangkinse kong papel na binato sa kaniya. Luminga siya sa paligid at sakto siyang natingin sa akin. Iminwestra kong buksan niya iyon dahil sa tingin niya pa lang, balak niya yatang ibalibag pabalik sa akin iyon.
Ganoon na lang din ang panlalaki ng mata ko nang tumayo siya at itapon iyon sa basurahan. Ang sama ah!
Huling beses, binato ko siya at hindi ko inasahan ang kaniyang naging reaksyon. Nanlilisik ang mga mata, minura niya ako.
Kaya naman pala wala siyang kaibigan! Ang sungit at nangmumura pa!
Nagpigil na lang ako ng ngisi dahil natawag pa siya ng teacher. Pinagsagot at hindi ko na rin maiwasang mamangha kahit sanay na ako na tuwing tinatawag siya ay nakakasagot siya. Hindi ko kaya 'yun, noh!
Syempre, dahil mabait naman akong kaklase, sinubukan ko pa ring kaibiganin siya. Kailangan ko ring kumopya ng assignment! Ayaw pa akong pakopyahin ng mga kaklase dahil Monday na Monday daw, kokopya ako. Hmp.
Pero may mga pinanganak nga sigurong masusungit. Ayaw na nga akong pansinin, ayaw pa akong kausapin!
Dahil desperadong makakopya, pumunta ako sa bag niya at kinuha ang notebook niya sa ARPAN. Para akong kawatan na nagtungo sa dulong sulok na upuan at mabilisang kinopya ang assignment niya.
Nakakainis din kasi itong teacher namin sa ARPAN. Laging copy and answer ang pinapagawa! Akala mo talagang babasahin niya pati 'yung mga question eh!
Payapa kong kinokopya ang huling bahagi ng 2nd page nang may maramdaman akong nakatayo sa gilid ko. Kahit na alam kong si Maria Ayessa iyon, hindi ako nagpatinag at huling salita na lang ay matatapos na ako--
"I pity your parents working their ass out just to pay your tuition, Leticia, yet there's you, copying someone's hard work."
Nanigas ako sa kinauupuan at natigil sa pagsusulat.
Sa tanang buhay ko, sa mga kinokopyahan ko, hindi pa nila ako napagsalitaan nang masama. Na akala mo'y napakalaking krimen ng ginawa ko.
Humapdi ang puso ko sa kaniyang sinabi. Hindi ba siya marunong pumreno sa pagsasalita o kaya'y isipin muna kung makakasakit ng damdamin ang sinabi niya?
Lagi akong tumutulong kina mama sa trabaho dahil alam kong mahirap lang kami. Tinupad nilang makapag-aral ako dito sa pangarap kong eskwelahan kahit na wala naman talaga kaming pangbayad ng tuition. Scholar man, kalahati lang ang bayad dahil hindi naman talaga ako matalino.
Kaya sino siya para sabihan na wala akong tulong sa paghihirap ng magulang ko para makapag-aral ako?
Napahiya pa ako sa klase. Tahimik kong niligpit ang gamit, binigay sa kaniya ang kaniyang notebook, at naiiyak na bumalik sa upuan. Kinuha ko ang libro ko at sinagutan ang natitirang hindi ko nakopya.
Pero may parte sa akin na sobrang naapektuhan. Na paghihirap nga naman ng iba, kinukuha ko.
Hindi naman talaga iyong mismong sagot ang kinokopya lalo na kapag essay! Binabago ko naman words...
Wala sa sarili akong nakauwi sa amin. Binagsak ang sarili sa aming upuang kahoy at humiga. Napatitig ako sa kisame.
Alam kong mali ang ginawa ko. Kinuha ko rin ang gamit niya nang walang permisyo kaya deserve ko rin naman siguro 'yung sinabi niya sa akin.
Pero ang sakit niya naman kasi magsalita at tumagos pa sa puso ko.
Dumating si Mama at sa hindi malamang dahilan, bumigat ang damdamin ko sa kaniyang ayos. Kitang-kita ang pagod sa kaniyang mukha at lalong dumami ang piraso ng puting buhok.
Ayaw na ayaw ni Mama na kinaawaan siya dahil hindi naman daw talaga kaawa-awa ang lagay niya. Pero hindi ko kasi mapigilang isipin na kailangan ba talagang magpakapagod nang ganito ni Mama? Hindi man niya madalas ipakita na napapagod siya, alam kong patago siyang nahihirapan.
"Kamusta, Ma?" Salubong ko rito at kinuha ang mga gamit. Nagulat pa siya sa ginawa ko at natawa sa aking inasta.
"Oh, napano ka?" Anito habang nagpupunas pa rin ng pawis sa mukha.
Nag-init ang mata ko at kinuha sa kaniya ang bimpo. Ako na mismo ang nagpunas ng pawis niya. Si Mama naman sa kabilang banda, ay pinipigilang matawa sa aking ginagawa.
"Ano bang nakain mong bata ka?" Natatawa nitong turan na ikinasimangot ko at niyakap siya. Niyakap ko siya nang mahigpit at hindi na pinigilan ang mga luha na rumagasa.
"Anak, may problema ba? Cia..." Nag-aalala nitong tanong.
Umiling ako. "Wala, Ma. Nagpapakapagod ka na naman kasi... Nagiging haggard ka na..." Pagbibiro ko sa kabila ng sakit na nararamdaman para sa ina.
Humiwalay ako at sinalubong ang nakangiting si Mama. Hinawakan niya ang pisngi ko at pinanggigilan. "Ikaw talaga. Ang iyakin mo pa rin. Manang-mana ka sa nanay mo..."
Kumunot ang noo ko. "Hindi ka naman iyakin..." Sabi ko at suminghot.
Napakurap naman siya at para bang may napagtanto ngunit idinaan na lang sa tawa. "Iyakin ako noon. Lagi akong pinapaiyak ng Papa mo. Inaaway ako lagi kapag nagtatanim kami sa duluhan..."
Umismid na lamang ako at dinala sa kusina ang uwing pangluto ng ulam ni Mama. Sumunod naman si Mama na kumuha ng isang basong tubig at ininom iyon. Nangiti na lamang ako at sinimulan na ang paglilinis sa lulutuin.
Uunahin ko ang pangarap na makaahon tayo sa hirap, Ma.

หนังสือแสดงความคิดเห็น (96)

  • avatar
    Chelse Monterde Jayme

    keep it going 😇

    8d

      0
  • avatar
    Rechelle Santa Maria

    Good

    23/08

      0
  • avatar
    Jems Arayas

    salamat

    20/08

      0
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด