logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

Chapter 4

Humahangos na itinulak ni Ashley ang kalawanging pinto ng rooftop. Tumambad sa kaniya ang imahe ng binata na nakatayo sa batong railings habang nakabukas ang mga braso.
"Lenon!" nahintatakutan niyang tawag sa kaibigan.
Nakangiting humarap sa kaniya si Lenon. Pagkatapos no'n, hinayaan ng binata ang sarili na mahulog.
Marahas na iniling ni Ashley ang kaniyang ulo upang alisin ang nakakatakot na senaryong iyon sa kaniyang isipan.
"Manong, pwede po bang pakibilisan pa?" mahina niyang bulong na puno ng pangamba.
Huminga siya nang malalim at itinuon ang pansin sa labas ng bintana upang pakalmahin ang nagririgodon niyang puso.
Alas diyes na ng gabi, buhay na buhay ang siyudad. Ilang oras ng tulog si haring araw ngunit walang pinagbago ang bilang ng mga sasakyan. Sa pagmamadali ni Ashley, hindi na siya nakapagpalit. Tanging manipis na pantulog lamang ang kaniyang suot. 'Ni ang humablot ng jacket, hindi na niya naisip.
Nang marating ang kaniyang destinasyon, agad niyang inabot ang bayad sa taxi driver at hindi na hinintay pa ang kaniyang sukli. Agad siyang bumaba at kumaripas ng takbo papasok ng hotel. Tinahak niya ang daan patungong elevator, ngunit nahuli siya, dahan-dahang sumara ang pinto subalit hindi nakatakas sa mata niya ang itsura ng dalawang taong nakatayo sa harap.
"John? Maia?" mahina niyang bulong. Iwinaklit niya iyon sa kaniyang isipan at tarantang pinindot ang button ng magkatabing elevator.
Sinuklay niya paitaas ang kaniyang buhok gamit ang kaniyang kamay habang naglalakad ng pabalik-balik. Huminga siya nang malalim at kinagat-kagat ang kuko ng kaniyang hinlalaki.
"Bilis. Bilis. Bilis. Bilis. Bilis. Bilis. Bilis," hindi mapakali niyang bulong. Nang bumukas ang pinto ng elevator, masayang umawang ang mga labi ni Ashley. Agad siyang pumasok at pinindot ang numerong kinse.
Halos liparin niya ang dalawampung baitang ng hagdan papuntang rooftop, hapo niyang itinulak ang pinto. Nanlaki ang kaniyang mga mata at siya'y napasinghap. Trumiple ang bilis ng tibok ng kaniyang puso.
'Huwag naman sana,' usal niya sa kaniyang isipan.
Gaya ng senaryo sa kaniyang imahinasyon, nakatayo si Lenon sa batong railings ng rooftop, nakabukas ang mga braso, sinasalubong ang ihip ng malamig na hangin, hinahayaan itong maglakbay mula sa kaniyang ilong patungo sa kaniyang baga.
"Lenon," mahina niyang tawag sa ngalan ng binata.
Dahan-dahang iminulat ni Lenon ang kaniyang mga mata at ibinaba ang kanyang mga braso. Maingat siyang umikot paharap kay Ashley na may ngiti sa labi subalit walang bahid ng 'ni katiting na kasiyahan at luhaang mga mata na patunay ng kaniyang pagdurusa.
"Ash," rumagasa ang mga luha sa kaniyang mga pisngi. Agad siyang tumalon at tumakbo palapit sa dalaga. Yinakap niya ito ng mahigpit na ginantihan naman ni Ashley. Sunod-sunod ang pagtakas ng hikbi sa mga labi ni Lenon.
"Muntik ko ng gawin, Ash. Muntik na akong tumalon."
Natigilan si Ashley. Namalayan na lamang niyang tumutulo na ang kaniyang mga luha. Muntik na siyang mawalan ng isang malapit na kaibigan.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagtangka si Lenon na wakasan ang sarili niyang buhay. Subalit, 'ni minsan hindi niya sinubukang totohanin iyon. Maghihintay siya sa isang tabi hanggang dumating si Ashley. Sa mga pagkakataong iyon kung kailan magulo ang kaniyang isip, ang dalaga ang palaging tinatawagan niya. Si Ashley ang nagbibigay liwanag sa kadilimang kaniyang kinasasadlakan.
Ang tanging kailangan lamang ni Lenon ay isang taong handang makinig at makisampatya sa kaniya. Taong pipiliting intindihin ang kaniyang pinagdaraanan at ang sakit na kaniyang nararamdaman. Taong magpaparamdam sa kaniyang mahalaga siya. Na may puwang siya sa sanlibutan.
Umupo sila sa sahig at sumandal sa pinto, magkahawak ang mga kamay habang nakamasid sa madilim na kalangitang binibigyan liwanag ng sandamakmak ng mga bituin at maliwanag na buwan.
Nagsimulang mag-kwento si Lenon. Damang-dama ni Ashley ang sakit sa bawat katagang sinasambit ng binata. Dinig na dinig niya ang pagkadurog ng kaniyang puso. Tanging hikbi nilang dalawa ang maririnig sa buong paligid. Naintindihan ni Ashley kung bakit sa pagkakataong ito sinubukan ng binata na totohanin ang pagkitil sa sarili niya.
Alam ni Ashley ang paghihirap na pinagdaanan ni Lenon upang matupad lamang ang pangakong binitawan niya sa dalawang matanda. Bata pa lamang walang patid na ang pagbabanat ng buto ni Lenon, ang malaking porsyento ng kakarampot na kinikita niya sa pangangalakal at pagtatrabaho ng kung ano-ano ay ipinapadala niya sa probinsiya, buwan-buwan, walang palya.
Palaging naike-kwento ni Lenon ang lolo't lola niya sa kanila, na pakiramdam nilang tatlo, kilalang-kilala na nila ang dalawang matanda, na kahit hindi pa nila nakakadaupang palad ang mga ito, malapit na ang loob nila sa kanila.
Saksi silang tatlo kung gaano kasaya si Lenon sa tuwing binibilang ang perang ipapadala niya sa dalawang matanda. Kung gaano niya ipinagmamalaki ang sarili sa tuwing naiisip niya kung gaano kalawak ang kanilang mga ngiti kapag nahahawakan nila ang perang bunga ng dugo't pawis niya.
Alam niyang dismayado si Lenon. Pagkadismayang hindi masusukat nino man. Walang salitang makakapagpaliwanag at mga numerong makakapagrerepresenta.
Ikinulong niya si Lenon sa kaniyang mga bisig. Umaasang maitatawid ng isang mainit na yakap ang mga katagang hindi mabigkas ng kaniyang labi.
Nagdurugo ang puso ni Lenon. Malalim ang sugat na dulot ng katotohanang iyon, katotohanang habang buhay niyang bibitbitin. Araw-araw siyang mumultuhin. Oras-oras niyang pagdurusahan.
"Thank you," bulong ni Lenon.
Umiling si Ashley.
"No, thank you for not giving up your life."
Dahan-dahan silang humiwalay sa isa't isa. Doon lamang napansin ni Lenon ang suot ni Ashley. Nakonsensiya siya. Agad niyang hinubad ang jacket na parte ng kaniyang uniporme.
"Anong ginagawa mo?" nabiglang wika ng dalaga at tinakpan ang kaniyang mukha.
"Ikaw, ang dumi ng isip mo. Pinagnanasaan mo ba ang katawan ko?"
Itinakip ni Lenon ang jacket sa mukha ni Ashley.
"Isuot mo 'yan. Ang lamig-lamig ang nipis-nipis ng suot mo."
"Ang bango nito. Anong perfume mo?" bulalas ni Ashley habang isinusuot ang jacket ng binata.
"Pawis ko."
Sinamaan siya ng tingin ng dalaga.
"Non," seryosong wika ni Ashley, "kapag pakiramdam mo kamatayan na lang ang tanging solusyon, mag-isip ka ng kahit isang rason, isang rason lang para mabuhay at kaming tatlo na ang bahala sa isang daan. Ayaw kong mawala ka sa ganitong paraan. That would be so painful."
Binalot sila ng nakabibinging katahimikan. Kinuha ni Ashley ang phone niya at tinawagan sina Maia at John upang ipaalam ang nangyari.
"Nakapagtataka, ba't hindi sila makontak?" bulong ni Ashley na hindi nakatakas si tainga ni Lenon.
"Ash?"
"Hm?"
Tumingin si Ashley diretso sa mata ni Lenon.
"Si John—"
Hindi nagawang tapusin ni Lenon ang kaniyang nais sabihin dahil sa pagtunog ng cellphone ni Ashley. May natanggap na mensahe ang dalaga.
Walang pag-aatubili niya itong binuksan. Laman no'n ay isang link. Pinindot niya iyon at dinala siya sa isang facebook live ng isang engagement party.
Nang makita ni Lenon ang ayos ng paligid sa video, umawang ang kaniyang mga labi.
"Ash—"
"John? Maia?"
Mabilis na nagbalik sa alaala ng dalaga ang tagpo kanina sa elevator. Bumalik siya sa wisyo ng muling makatanggap ng mensahe mula sa parehong sender. Sa pagkakataong iyon, address ang laman ng mensahe, address ng mismong hotel kung nasaan siya.
Agad siyang tumayo at tumakbo pababa ng rooftop. Nasa ikalimang palapag ang event hall ng hotel. Sigurado siyang doon idinadaos ang engagement party ng dalawa.
"Ashley!" tawag ni Lenon subalit hindi siya pinagtuunan ng pansin ng dalaga. Agad siyang sumunod sa kaibigan.
Nakita niyang sumakay ng elevator si Ashley at hindi na siya aabot. Napahinga siya ng malalim at tumakbo papunta ng hagdan. Sumakay siya sa elevator pagdating niya ng 12th floor. Nang bumukas ang pinto ng elevator sa ikalimang palapag, agad siyang tumakbo palabas at tinahak ang direksyon ng event hall.
Nakita niya si Ashley na nakatayo malayo sa kumpol ng mga tao pero sapat upang masaksihan ng dalaga ang lahat ng nangyayari sa entablado. Kita niya ang paulit-ulit na pagtataas-baba ng balikat ng dalaga. Hinabol niya ang kaniyang hininga at dahan-dahang naglakad palapit sa dalaga.
"Kiss!"
"Kiss!"
"Kiss!"
"Kiss!"
Bago pa man magtagpo ang mga labi nina Maia at John, tinakpan niya ang mga mata ni Ashley gamit ang palad ng kaniyang kaliwang kamay. Hinuli niya ang palapulsuhan ng dalaga at pinaharap ito sa kaniya. Yinakap niya siya nang mahigpit at hinayaan siyang ibuhos ang lahat ng sakit na kaniyang nadarama.
"I'm sorry."
Hindi alam ni Lenon kung para saan ang kapatawarang hinihingi niya. Kung para ba sa katotohanang hindi niya sinabi ang tungkol sa engagement, o dahil sa kabila ng nangyayari ay masaya siya sapagkat batid niyang maari itong maging daan upang mapagtanto ni Ashley na siya ang karapatdapat para sa pagmamahal niya.
"Lenon, nakikiusap ako sa'yo, ilayo mo ako dito. Hindi ko na kaya. Please."
Humiwalay sila sa isa't isa. Inabot ni Lenon ang palad ni Ashley at mahigpit itong hinawakan. Puno ng pag-iingat niyang hinila si Ashley paalis sa lugar na tanging walang humpay na pasakit lamang ang hatid sa dalaga.
Lumingon si Ashley sa kinatatayuan ng dalawa. Hindi sinasadyang nagtagpo ang mga mata nila ni John. Kasabay ng pagpatak ng butil ng luha sa kaniyang mata ay ang pag-iwas niya ng tingin sa binata.
"Ashley..." bulong ni John na hindi nakatakas sa tenga ni Maia. Sinundan niya ang mga tingin ng kaniyang fiancee at nakita ang pamilyar na pigura ng dalawang taong nagmamadaling umalis. Hinigpitan niya ang pagkakakapit sa braso ng binata subalit ito'y walang silbi sa lakas nito. Napadaing siya ng sapilitang tinanggal ni John ang kaniyang braso at kumaripas ng takbo sa direksyong tinahak ng dalawa.
"John!"
"John!" malakas na hiyaw ni Maia.
Subalit, bingi sa kaniyang mga pagtawag ang binata na ang tanging laman lamang ng isipan ay ang mahabol ang babaeng pinakakamahal niya.
"Ashley!" lumuluha niyang sigaw sa pangalan ng kasintahan subalit walang ginawa ang dalaga upang pigilan ang papasarang pintuan ng elevator. Kitang-kita niya ang sakit na dulot niya sa mga mata ng dalaga.
"Ash! I'm sorry."
Napaluhod siya at humagulhol. Mahal niya si Ashley subalit kailangan niyang pakasalan si Maia.
Pinahid niya ang kaniyang mga luha at tumakbo papunta sa hagdan.
"Non, gusto kong mapag-isa. Hayaan mo na muna ako," humihikbing wika ni Ashley. Mag-isang sumakay sa taxi ang dalaga at walang nagawa si Lenon kun'di panoorin ang pag-alis ng sasakyan.
"Haist! Bahala na!"
Dahil labis na nag-aalala, pumara siya ng taxi upang sundan si Ashley. Subalit, bago pa man siya makasakay, may kamay na humawak sa kaniyang balikat at sapilitan siyang pinaharap. Si John. Isang malakas na suntok ang tumama sa kaniyang mukha dahilan para sumalampak siya sa lupa.
Agad na tiningnan ni John ang loob ng sasakyan umaasang makikita doon ang kasintahan, ngunit bigo siya.
Napatawa si Lenon dahil sa pagkadismayang bumalot sa mukha ni John. Dahil dito, galit na galit siyang kinwelyuhan ng huli.
"Nasa'n si Ashley? Nasaan siya?"
To be continued...
Memory Box: Rooftop ng hotel. Bago tawagan ni Lenon si Ashley.
Handa na si Lenong tumalon. Handa na siyang wakasan ang lahat. Dahan-dahan niyang itinaas ang mga braso at tumingala.
"La, Lo, Ma, nandiyan na ako," naka-ngiti niyang bulong habang ang kaniyang mga mata'y puno ng luha. Ipinikit niya ang mga mata at isinuko na ang kaniyang buhay kay kamatayan. Subalit, biglang lumitaw ang imahe ni Ashley sa kaniyang isipan. Agad niyang pinigilan ang sariling katawan na mahulog.
Humagulhol si Lenon.
"I'm sorry. Hindi ko kaya. Hindi pa ako pwedeng umalis lalo na ngayon na kailangan na kailangan ako ni Ashley. Ma, La, Lo, sana maintindihan niyo."
Napapikit siya ng maramdaman ang isang pamilyar na init at maglakbay sa kaniyang ilong ang isang pamilyar na amoy. Amoy na amoy na hinding-hindi niya malilimutan. Ang amoy ng kaniyang namayapang lolo't lola. Gabi-gabi, bago matulog may ipinapahid sila sa kanilang kasu-kasuan, sa sobrang tapang ng amoy tumatak iyon sa kaniyang isipan.
Napangiti siya nang malapad sa pagitan ng mga kaniyang mga hikbi. Tila ba muli niyang naramdaman ang mainit nilang yakap. Sigurado siyang sila iyon.
Mas lalo siyang humagulhol.
Dinukot niya ang kaniyang cellphone at pinindot ng ilang segundo ang numerong uno. Ilang saglit pa'y kusang natawagan ang numero ni Ashley.
"Ash, kailangan kita. Kailangan ko ng taong magpapaniwala sa aking may silbi pa ako sa mundo. Kailangan ko ng taong magbibigay sa akin ng lakas para ipaglaban itong walang kwenta kong buhay. Ash, hindi ko na kaya. Pagod na pagod na ako."

หนังสือแสดงความคิดเห็น (1)

  • avatar
    Johara Eve Villaverde

    nice

    21/01

      0
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด