logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

Kabanata 3: Ang Encargador

[Andracio]
Walang mapatag na lupain sa Ilocandia ang hindi tinataniman. Ang pagsasaka at pagtatanim kasi ang pangunahing hanapbuhay ng mga Ilokano kaya naman sa mga kapatagan ng lalawigan ay may makikitang iba't ibang taniman. Subalit, sa lahat ng mga panananim na makikita sa lugar na ito ay mas pinangangahalagan ng mga magsasaka ang halamang tabako---ang halamang siyang pinagkukunan ng pangunahing kalakal kung saan kilala ang Ilocandia.
Ang mga mababangong cigarillos nito.
Ang La Guevarra Fabrica De Tabacos y Cigarillos o La Guevarra ang pinakamalaking pagawaan ng mga tabakong cigarillos sa buong Sangrevida. Unang binuksan ito noong taong 1857 at hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin sa paggawa ng mga matataas na kalidad na mga cigarillos na inaangkat sa buong Filipinas at maging sa ilang bansa sa Europa. Ang pabrika ay bunga ng pagsasama ng malalaki at malalawak na pagawaan ng cigarillos at lupaing taniman ng mga tabako na makikita sa Sangrevida noon; ang pagawaang Tabacos Guevarras at ang tanimang Sierra Ungco de Tabacos. Nagsanib ang mga ito noong ipinakasal ang binatang mestizo na anak ng isang Kastilang negosyante, si Armando Guevarra y Roquia, sa nag-iisang dalagang anak ng isang mayaman at negosyanteng sangley na si Marcela Chavez y Ungco. Ang kasalang ito ang unang haligi sa pagkakatatag ng pinagsanib na dalawang malalaking negosyo ng tabako hanggang sa naitaguyod ang pinakamalaking pabrika sa Sangrevida, ang La Guevarra Fabrica de Tabacos y Cigarillos.
At sa pabrikang ito, nagtratrabaho si Andracio de Castro y Matabat, ang dalawampu't anim na taong gulang na encargador ng La Guevarra.
Maagang nagpunta si Andracio sa pabrika. Alas-sais pa lamang ng umaga ay pumunta na siya ng La Guevarra kung saan kadalasang nagbubukas ng alas-siyete y medya. Malapit lang naman ang pabrika sa kanyang bahay kaya nilakad lamang ni Andracio ang pagpunta rito. Pagkarating niya sa pabrika ay may nakita na kaagad siyang ilang manggagawang naroon; anim na katao sa pagbilang niya at naghihintay ang mga ito sa labas at sa may harap ng isang saradong debakal na pinto na nasa pangunahing gusaling pagawaan ng La Guevarra. Pawang mga kababaihan ang mga nakikita niya dahil sa mga kasuotan nitong baro't saya na may mga pantapis, at mga matatanda na rin kung ibabatay naman sa mga pangangatawan nila.  Mga kababaihan namang talaga ang halos pumupuno sa siyamnapu't anim na manggagawang nagtratrabaho sa pagawaan ng cigarillos. Ito ay sa kadahilanan na mas malambot at mas magaan ang kanilang mga kamay kaysa sa mga lalaki na siyang katangiang mainam para makagawa ng mga dekalidad na cigarillos.
Bumati si Andracio sa mga matatandang babae. Tumugon din ng pagbati ang mga ito sa kanya bilang paggalang sa encargador o siyang taong katiwala sa pabrika bukod sa tagapamahala nito. Hindi na rin nagpatumpik pa si Andracio at kaagad na niyang binuksan ang malawak na pintuan ng La Guevarra, kung saan pagkabukas ay pumasok siya sa loob habang sumunod naman sa kanya ang mga naghihintay na kababaihan. Ang unang ginawa ni Andracio sa loob ay ang pagpunta sa tuyong bodega ng mga natapos nang cigarillos. Bilang isang encargador, trabaho niya ang tingnan at suriin ang kalagayan at inventario ng dekahon-kahong mga ikakalakal na cigarillos na siyang karaniwang ginagawa rin ng isang bodeguero. Matapos makitang maayos ang bodega ay tinunghan niyang sunod ang sotano o ang pinakailalimang imbakan ng mga binuburong dahong tabako. Ang pagbuburo ang siyang paraang ginagawa rito upang padagdagin ang lasa at amoy ng mga dahon ng tabako na tumatagal ng ilang buwan bago durugin at gawing cigarillo. Sa loob ng sotano ay sinuri niya ang mga nakaimbak roong mga dahon ng tabako. Tiningnan niya ang inventario doon kung tugma ba ang mga nakasulat ayon sa pagsusuring ginawa niya. At matapos suriin ang mga binuburong tabako sa sotano kung saan siya natagalan, pagkalabas niya'y napagbatid ni Andracio ang kalaunang pagdating ng ibang mga manggagawa sa pabrika.
Doo'y nagsimula na rin sa kani-kanilang mga trabaho ang mangagawang ito na araw-araw nilang ginagawa sa loob ng La Guevarra.
Kalakip sa trabaho ni Andracio ang usisain at suriin din ang ginagawang trabaho ng mga manggagawa ng pabrika. Mula sa pagdudurog ng mga tuyong dahon ng tabako, sa pagbuburo, sa paghuhulma sa papel, sa pagdidikit ng mga tatak hanggang sa paglalagay ng mga ito isa-isa sa mga maliliit na kahon ay kailangang tingnang mabuti ni Andracio upang panatilihin ang kaayusan sa mga ito. Binabantayan din niya ang mga pamamaraang ginagawa sa pag-iimbak at paglalabas ng mga natapos nang cigarillos na siyang itinitipon sa mga malalaking kahon na karaniwang ginagawa rin niya bago ikalakal ang mga ito palabas ng pabrika.
Ang lahat ng ito ay karaniwang ginagawa sa pabrika ni Andracio bilang isang encargador. Alam man niya ang mabigat na responsibilidad sa trabahong ito ngunit tinanggap niya itong buong buo upang panatilihin ang kalidad ng mga kilala at tanyag na cigarillos ng La Guevarra na siyang kalakal na nagpapakain sa buong pamilya niya.
Ang lamesa ng encargador ay nasa kaliwang gilid ng pabrika, malapit sa mga nanghuhulma sa mga dinurog ng dahon ng tabako sa papel. Pagkatapos ang mga pagsusuring ginawa niya ay umupo na rito si Andracio, at sa lamesang ito ay inabala na naman niya ang sarili sa pagbabasa na may dalang pananaliksik sa mga listahan ng mga inventario at mga papeles ng pabrika. Iniba niya ang mga papeles na may kinalalaman sa trabaho niya. Iniba rin niya ang mga papeles na may paukol sa pinagsisilbihang si Don Condrado Guevarra, ang tagapamahala sa buong pabrika. Itinabi niya ang mga ito para maibigay kalaunan dahil maaaring wala sa araw na iyon ang don buhat sasalubungin nito ang pagdating ng pamangkin niya mula Madrid na siyang may-ari ng buong La Guevarra. Kanyang sunod binasa ang mga ulat-kaalaman mula sa mga taniman, pati ang mga kaanib na negosyong kumukuha at nagtitinda sa mga cigarillos na gawa ng pabrika. Binabasa niyang mabuti ang nga ito hanggang sa napatigil siya noong may biglang lumapit at tumambad sa lamesa niya.
"Magandang araw po, ginoo," ang panambad na pagbating nadinig ni Andracio na nagpatigil sa kanyang pagbabasa. Paglantaw niya sa pinanggalingan ng narinig na pagbati ay nakita niya sa harapan ang isang dalagang babae. Nakasuot ito ng puting baro at pulang saya. Nakatalukbong rin ito sa ulo gamit ang isang mahaba't maitim na pantapis. "Bakit? Anong kailangan po nila?" madahan na tanong ni Andracio sa dalaga nang makita ito. Ngayon lang niya nakita ang yaong babae sa pagawaan kaya alam niyang hindi ito manggagawa sa La Guevarra. Tumugon naman sa kanya ang dalagang. "Ako po si Maring. Inutusan po ako ni Don Enrique Casimiro na magpunta rito. May ipinadala siya sa aking mahalagang mensahe para po kay Ginoong Condrado Guevarra. Nandito ho po ba siya?"
Don Casimiro? ang kaagad bulalas ng isip ni Andracio mulang marinig ang pangalan ng taong nagpadala diumano sa dalaga. Nakilala at naalala niyang agad ang don na isa mga mga kaibigan ni Don Condrado. Si Don Enrique Casimiro y Punzalan ay isang mayamang negosyanteng Pilipino na may-ari ng isang malaking bagsakan ng isda sa San Bernardo, isang pueblo sa Ilocandia kung saan makikita ang napakalaking pantalan na nasa kanlurang bahagi nito. May dalawang oras ang pagitan kung lalakbayin ang San Bernardo papunta sa Sangrevida, kaya noong marinig niya sa dalaga na ipinadala siya ng don, batid kaagad ni Andracio ang kahalagahan ng pakay ng yaong dalaga dahil lumakbay pa ito nang ganoon kahaba. At wari din niyang napakahalaga nga ang anumang pakay ito sasabihin niya dahil sa halip na idaan sa sulat, isang personahe ang ipinadala ni Don Casimiro sa Sangrevida na kadalasang ginagawa lamang upang siguruhing maihatid kaagad ang anumang mensaheng gustong iabot nito.
"Ano itong mensaheng dala mo?" siyang tanong ni Andracio sa dalaga. "Wala si Don Condrado ngayon dito. Ako ang katiwala niya kaya ano man ang mensaheng dala mo ay maaari mong sabihin sa akin at ako na ang maghahatid sa don"
"Kung ganun ikaw po si Ginoong Andracio de Castro, ang encargador ni Don Condrado?"
"Ako nga, binibini," ani Andracio.
"Maiksi po lamang ang mensaheng ipinadala sa akin ni Don Casimiro, Ginoong de Castro," tugon naman ng dalagang alila.
"Tukang Lawin," sampit niya.
"Ito lamang ang gusto niyang iparating sa don"
Hindi mapigilang magitla si Andracio sa narinig. Kaagad pumasok sa kanyang isipan ang kahulugan ng mensaheng isinampit ng dalagang alila. Ang yaong mga salita ay patungkol sa isang mahalagang bagay na may lihim na kahulugan kung saan marahil iilan lamang ang nakakaalam. At batay sa pagkakita ni Andracio sa dalaga ay ni hindi nito alam kung ano ang ibig sabihin ng mensaheng dala niya--dalang makitang may pagtataka ito sa mukha. "Maraming salamat," ang pagpasalamat ni Andracio na buong nakuha ang ibig sabihin ng mensahe. "Ako na ang magdadala ng mensaheng ito kay Don Condrado. Maraming salamat" ani muli niya sa alila na may daplis na pangiti upang maiwasan ang pagdududa nito. At pagkatapos naman nito ay nagmadali nang umalis ang alila na parang walang nangyari sa pagpunta niya sa Sangrevida na marahil ay uuwi na sa bayan ng San Bernardo.
Sa pag-alis ng dalaga ay ipinatawag kaagad ni Andracio ang bodeguero ng La Guevarra. Inutusan niya itong pumalit muna sa kanya at pumayag naman ang binatang bodeguero nang malamang pupuntahan niyang saglit si Don Condrado. Pagkalabas naman ni Andracio sa pabrika ay dali dali siyang sumakay ng calesa kung saan ang henete nito ay inutusan niyang ihatid siya sa Mansion Gliriceda kung saan naroon ang yaong don.
Tukang Lawin.
Walang ibang laman ang nasa isipan ng encargador habang siya'y nakasakay sa calesa kundi ang mga salitang natanggap niya sa dalaga. Dinig niyang napakalinaw mula sa bibig ng alila ni Don Casimiro ang pagbanggit sa mga salitang ito, na yumanig buo sa tenga niya. Sa mga nakalipas pang mga buwan nila hinihintay matanggap ang yaong mensahe, na sa katagalan ay halos nakalimutan na nga niya. Mahigpit na inibilin sa kanya ni Don Condrado noon na kailangang ipaalam kaagad sa kanya saanman man siya naroroon ang mensaheng ito kapag makakatanggap siya nito. Alam ni Andracio ang kahulugan ng mensaheng iyon dahil sinabi rin ito ng don sa kanya.
Tukang Lawin. Isa lamang ang kahulugan ng dalawang salitang ito--isang mahalagang lihim na ipinagkatiwala ni Don Condrado sa kanya.
Mula sa pabrika ng La Guevarra, sa may Calle Ponce, namataan saglit ni Andracio ang bahay na bato ng pamilyang Ortega kung saan isa ring pribadong escuela. Dito, sa pagkaaalala niya, siya unang pumasok bilang mag-aaral kung saan siya natutong magbasa at magsulat. Napag-aralan din niya rito noon ang ilang salitang Latin at mathematica--mga bagay na malaking tulong sa kanya ngayon, kung saan natutunan niya mula sa gabay ng isang mahusay na maestrong nagngangalang Graciano Ortega. Ngunit, sa kasamaang-palad, hindi niya nagawang maipagpatuloy pa ang pag-aaral kaya tumigil siya noon sa pagpasok sa escuela. Kailangan na niya kasing magtrabaho para buhayin ang sarili at ang dalawang nakababatang kapatid niya matapos masawi ang parehong mga magulang nila sa isang malaking sunog na naganap sa mercado noon. Naging mapait man ang sinapit na kapalaran ni Andracio, ay buong loob niyang hinarap ito at hindi siya nagpatinag dito, lalong lalo sa labis na kagustuhan niyang matuto. Kaya naman, mula sa mga libro at babasahing hinihiram niya noon ay naipagpatuloy niya kahit papaano ang paghahasa sa katalasan ng isipan niya sa pagbabasa at pagsusulat, kahit mag-isa lamang niyang tinututuruan ang sarili noon.
Ito ang isang bagay na ginagawa pa rin niya mahanggang ngayon.
Mula sa mangilan-ilang gusaling nadaanan ng sinasakyang calesa ay nagawang matanaw rin ni Andracio ang isang tindahan ng mga baston. Naalala muli dito ng encargador ang kabataan niya. Sa mga nakasabit na bastong nakita ay naalala niya ang kahiligan niya sa pag-uukit at paggawa ng mga ito noon na siyang mga bagay na itinuro sa kanya ng yumaong ama. Bininiyaan naman siya ng kagalingan sa paggawa ng magagandang baston kaya naman kinuha siya ng isang Tsinong negosyante noon para magtrabaho sa  pagawaan nito. At ito ang naging trabaho niya noon bilang pantawid sa buhay ng sampung taong gulang pang si Andracio de Castro kasama ang kanyang naulilang maliliit pang mga kapatid. Hindi nagtagal, sa edad na labing anim na taon, sa pamamagitan ni Don Condrado Guevarra ay nakapagtrabaho siya bilang tagalista ng mga tala at inventorio sa pagawaan ng La Guevarra. Nakita ng don ang kahusayan niya sa gawaing ito. Naging bodeguero siya kalaunan sa mga imbakan dito, hanggang sa umakyat na nga at  naging encargador ng La Guevarra.
Ang sinakyan niyang calesa ay nasa Calle Valejos na, ang huling kalyeng tatahakin para matunghan ang Mansion Gliriceda na nasa pinakadulo nito. Narating naman niyang matiwasay ang dulo ng kalye, kaagad bumaba ng calesa pagdating sa tarangkahan ng mansion at nilakad ang patungo sa silong nito kung saan niya nakita ang isang dalagitang nagdidilig sa mga halamanan doon. "Magandang araw," bungad pagbati niya sa dalagita na malalamang tagasilbi sa mansion. Agad naman siyang napansin ng dalaga mulang marinig ang pagbati niya kaya napatigil ito sa pagdidilig. "Anong maipaglilingkod ko po saiyo, ginoo?" tanong ng dalaga kay Andracio. Nakasuot ito ng puting baro at itim na sayang may pulang telang pantapis.
"Nais ko sanang makausap si Don Condrado. Ako ang encargador niya sa La Guevarra. Nandiyan ba siya?"
"Naku, ginoo," sampit bigla ng dalaga. "Nandito nga ang senyor ngunit mahigpit na ipinagbilin niya sa amin na huwag muna siyang gagambalain sa araw na ito. Kaya anuman iyang pakay mo sa kanya ay ipagpabukas mo nalang po ito,"
Bukas? Hindi maari, bigkas ng encargador sa isipan niya.
Hindi nakinig si Andracio sa dalaga.
"Kung mararapatin mo, binibini, ay nais ko siyang makausap ngayon din. Napakahalaga itong pakay ko sa kanya para ipagpabukas ko pa. Mahalaga ito dahil tungkol ito sa pabrika" pagpumilit ni Andracio sa alila.
"Subalit, ginoo. ." paputol-putol na wika ng dalaga na nagdadalawang isip gawin ang nais ni Andracio ngunit nagpumilit pa rin ang binata kaya dinugtungan ang sanang sasabihin ng dalaga.
"Sabihin mo lang sa kanya na nandito ang kanyang encargador. Alam kong inaaasahan niya ako. Salamat,"
Alam ng dalaga na hindi niya kayang pigilan si Andracio kaya napilitan din itong pumayag. Pinapasok niya si Andracio sa loob ng mansion at ipinaghintay niya ito sa maliit na salahang itinuro niya na makikita sa unang palapag ng bahay. At nang matiwasay na dalhin roon ang encargador, umakyat na rin sa balustrada ang babaeng alila para tunghan ang Don Condrado.
Sa maliit na salahang pinasukan, kahit may mga silyang yari sa kamagong at ratan ang naroon ay hindi umupo si Andracio. Ang ginawa lamang niya ay tinitingnan ang buong loob ng maliit na salahang iyon. Dahil gawa ang unang palapag ng mansion sa mga batong adobe at korales, ito rin ang pawang makikita sa salahang iyon bilang mga dingdingan nito. May nakita siyang dalawang vitrina na may ilang nakapatong na palamuting mga jarron. May nakita rin siyang mga malalaking banga na gawa sa luwad na naroo't nakalagay sa mga sulok na ginawang gayakan sa salahan. May mga nakapasong halamang ornamentales din siyang napansin na nagpapabigay luntian doon. Sa gawing kanan naman ay nabatid niya ang isang ventanilla na may bintanang yari sa kahoy at punlo ng kapis. Sa kaliwa naman nito ay naroon ang isang magandang arko na may mga ukit na mga bulaklak at ibon, na sa panig ding iyon ay may isang walang pintuang lagusan na masasabing lagusan patungo sa isang imbakan. Sa mga batong dingdingan naman ng sala ay may mga nakasabit na larawan roon na nakaloob sa ginintuang kwadrado kung saan makikita sa mga larawang ito ang mga likhang pinta ng mga bulaklak na may iba't ibang uri at matitingkad na kulay.
Sa maliit na salahan pa lamang na iyon, napatunayan ni Andracio sa kanyang sarili ang taglay na garbo ng pamilyang pinagsisilbihan niya.
"Andracio," isang pagtawag sa pangalan ni Andracio na nagpahinto sa paglalantaw niya. Tumambad sa kanya si Don Condrado na kababa lamang galing sa balustrada kung saan agad niyang nakilala dahil sa katandaan at lalong lalo na sa mahabang bigote na makikita sa taas-bibig nito. Naka chachetta ng itim at nakapantalon ang don na kagaya sa karaniwang nakikita niyang suot nito araw-araw sa pabrika. Kaya nung makita niya ang don ay kaagad lumapit siya dito. "Magandang araw po, Don Condrado," ang pagbati naman ni Andracio sa pinagsisilbihang don.  Sinalubong naman siya ng katanungan ni Don Condrado na bakas ang pagtataka sa mukha. "Bakit ka napunta rito, Andracio? May nangyari ba sa pabrika?" ang mga katanungang ipinukol sa kanya ni Don Condrado na may kalaliman ng tinig. Tiningnan muna ng encargador ang paligid na sinisiguradong walang ibang tao roon bukod sa kanila, at dito na siya sumagot sa matanda. "Maayos lamang po ang pabrika, senyor. Nandito po ako dahil sa mensaheng iyon na kakatanggap ko lamang para po sa inyo" siyang sagot ni Andracio sa senyor na may dalang tinig pagpahiwatag sa huling pangungusap. Agad nakuha ni Don Condrado ang gustong iparating ni Andracio sa kanya kaya mula sa nagtatakang mukha ay napalitan ito ng kapayakan at puno ng dilim.
"Kanino galing?" ang mahinang tanong lamang sa kanya ni Don Condrado na halos pabulong na kung pakinggan.
Sumagot naman ang binatang katiwala.
"Galing po kay Don Enrique Casimiro, senyor,"
"Kung ganoon ay nakabalik na nga siya," bulalas ni Don Condrado sa kanyang nalaman. "Nakauwi na ang Tukang Lawin," dagdag ng don na may kasiguraduhan sa iniwika.
"Tukang Lawin din po ang siyang aking natanggap na mensahe, senyor," dugtong ni Andracio.
"Nakauwi na po ang hinihintay niyo matapos ang matagal na panahon"
Ang Tukang Lawin ay ang lihim na palayaw ng isang mahalagang tao. Ang taong ito ay ang kakilalang tao na matagal nang hinihintay ni Don Condrado na bumalik sa Sangrevida.
Dumaan saglit ang katahimikan sa kanila. Nabasag lang ito buhat tampikin bigla ni Don Condrado sa kanyang kaliwang kamay ang balikat ng encargador. "Andracio," panimulang sa nang don. "Alam mo na ang gagawin," dagdag pa niya na may dalang pagpapaalala kay Andracio.
Nakuha naman kaagad ng binatang encargador  ang gustong ipunto sa kanya ni Don Condrado.
"Alam ko po, senyor," tugon ni Andracio. "Ako na po ang bahala," aniya kay Don Condrado bilang pagsunod sa matandang don.
"Pupuntahan kong una ang Tukang Lawin ngayon. Kailangan ko kaagad siyang makausap para sa isang napakahalagang bagay. Magkita na lamang tayo mamaya," wika ng matandang don sa mga balak nitong gawin.
Tumango lamang ang encargador bilang pagsang-ayon.
Matapos makapagpaalam sa kanyang pinagsisilbihang don ay umalis na kaagad ng mansion si Andracio. Sumakay ulit siya ng kalesa pagkalabas niya sa tarangkahan ng Mansion Gliriceda para gawin ang inatasan sa kanya. Sa mga oras na iyon, simula nung matanggap niya ang mensahe ng dalagang alila ay parang nakalimutan na ni Andracio ang pagiging isang encargador. Parang nawaksi sa kanyang isipan ang mga trabaho't responsibilidad niya sa pabrika ng La Guevarra, ngunit hindi niya masisising makalimtan ito dahil mas kinakailangan niyang gawin ang isang mahalagang bagay; isang napakahalagang bagay na walang iba at tanging siya lamang ang pinagkatiwalaang gumawa.
Hindi siya bumalik sa daan pabalik sa gusaling pagawaan ng La Guevarra. Sa halip, mula sa Calle Valejos, ay lumiko ang sinasakyan niyang calesa sa Calle Agustin. Mula sa kalyeng iyon ay lumiko pakanan ito sa dulong esquinita para marating ang Calle Panillo. At sa kalagitnaan ng Calle Panillo, dito niya pinahinto ang sinasakyang calesa sa may tapat ng isang maliit na lagusan, at nang huminto ay dito bumaba si Andracio.
Ang esquinita na iyon ay ang bunganga papasok sa isang kilalang lugar sa gitnang bayan, ang Vinos Callejas.
Nilakad ni Andracio ang papasok sa mabasa at mabahong calleja. Marami siyang nakitang mga taong dumadaan roon, na karamihan ay mga kalalakihan kung saan labasmasok pa sa mga taberna o bahay-inumang nandoon. Napansin rin niya sa mga sulukan ang ilang mga babaeng bayaran na kahit maaraw pa ay nakalahad na sa lansangan upang mag abang ng mga panauhin. Ang ilan sa kanila ay kinuha at sumama sa ilang kalalakihan, at ang ilan nama'y naghihintay pa rin at nang-aakit sa mga maaring pagsisilbihan. Matulin lang sa paglalakad si Andracio, hindi pinapansin ang mga bagay-bagay na nakikita. Kahit naririnig man ang mga tawag at sitsit ng mga babaeng bayaran, hindi niya pinansin ang mga ito at nagpatuloy lang sa kanyang paglalakad upang tunghan ang sinadya niya roon. Hanggang sa narating na nga sa wakas nang encargador ang lugar na ito at ito ay ang kilalang taberna sa Vino Callejas.
Ang Gintong Mariposa.
Hindi ka pa man nakakapasok ay dinig na dinig na ang iba't ibang ingay sa loob ng Gintong Mariposa. Maririnig mula roon ang nakakaluksong mga kantahan, mga naghalo-halong halakhakan at mga nagsisibagtingang mga baso. Hindi pumasok si Andracio sa nakabulwak na pangunahing entrada ng bahay-inuman, sa halip ay nagtungo siya sa nakasaradong pintuan na yari sa punong bitaog na makikita sa gilid ng Gintong Mariposa. Narito kasi ang pakay niya kaya sinadya niya ang pintuang ito. Kumatok siya rito. Tatlong beses na mabibilis na pagkatok sa pinto ang ginawa niya, tanda ng pakakakilanlan, subalit, walang sumagot o ni bumakas sa yaong pinto. Hindi tumigil si Andracio at kumatok muli sa pintuan na sa pagkakataong iyon ay may kalakasan na. At hindi siya nabigo rito dahil matapos gawing ito'y bumukas na rin ang pinto.
"Magandang araw," bungad pagbati niya sa taong tumambad sa kanya pagkabukas ng pinto. Nakilala niya kaagad ang taong ito---ang parehong taong siyang pakay niya roon.
Isang matandang binabae o lalaking nakasuot ng damit pambabae ang tumambad kay Andracio. Siya ay walang iba kundi ang matandang binabae na may-ari ng Gintong Mariposa. Nasa gulang ito na limampung taon. Nakasuot ito ng magandang baro at saya na habi sa mamahaling sutla. Marami itong gayak at alahas na suot sa katawan. Kulot ang kanyang hanggang balikat na buhok na halos buhaghag ng kung titingnan.  Payat ang pangangatawan niya at kulubutin na dala ng katandaan. Ngunit ang mas nakatawag pansin kay Andracio sa kanya ay ang makakapal na kolorete nito sa mukha na tila naging isang pintang larawan na.
Ang matandang binabaeng ito ay si Anastasio dela Cruz y Malvar o ang mas nakilala ni Andracio sa bansag na Trompetang Bulaklak.
"Tukang Lawin,"
Ito lamang ang sinabi ni Andracio sa matandang binabae. Hindi na nagtanong pa ang binabae at agad naman nitong nakuha ang ibig ipaalam ni Andracio sa kanya buhat may maiksing pagtango ng ulo ito. Pagkatapos makuha ang sinabi ni Andracio ay isinara nang muli ni Anastasio ang pintuan na tila ba walang nangyaring pag-uusap sa pagitan nila ng encargador.
Dito na lumakad muli si Andracio at nagmadaling umalis.
Mula sa Vinos Callejas ay sumakay muli ng kalesa si Andracio. Pinuntahan niya isa-isa ang mga bahay na pakay niya na dapat puntahan. Kumakatok siya,  bahay sa bahay at sa iilang mga tindahan. Dito ay iniisa-isang hinatid niya sa iilang taong sadya ang parehong mensaheng isinampit niya kay Anastasio.
"Tukang Lawin"
Ito ang dalawang salitang tanging sinasampit ni Andracio sa bawat taong nakakaharap niya. Ito kasi ang kanilang paraan ng pagbabalita para sa isang napakahalagang gawain. Ang pagbahay-bahay na ginagawa niyang ito ay ang siyang atas na ipinagkatiwala sa kanya ni Don Condrado. At ito ang napakahalaga at lihim na gawain niya bilang isang binansagang Bastong Loro sa isang lihim na kapatirang kinabibilangan niya.

หนังสือแสดงความคิดเห็น (21)

  • avatar
    Rick Balorio

    pinaka gusto ko sa LAHAT ng nabasa

    27d

      0
  • avatar
    Hans Del Valle

    5142

    18/07

      0
  • avatar
    Jus Tine

    good story

    21/06

      0
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด