logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

Kabanata 2: Ang Cantar

[Julian]
Ang Mansion Gliriceda ay ang ikalawa sa pinakamalaking bahay sa buong Sangrevida. Nangangalawa ito sa pinakamalaking bahay sa bayan, ang tahanan ng alcalde mayor, ang Casa Escarlata. Ngunit mas malawak naman kung ikukumpara ang lupain ng Gliriceda kaysa sa Escarlata, na kung saan sa unahan pa ng yaong lupaing ito ay makikita ang Ilog Bantigaw, ang isa sa tatlong malalaking ilog na pumapalibot sa buong ayuntamiento. May dalawang palapag ang buong mansion. Ang unang palapag nito ay gawa sa adobe at mga korales, ang mga batong karaniwang ginagawang dingdingan at haligi ng mga bahay-na-bato. Maluwag ang buong looban ng palapag na ito na may mga ventanillas na ipinasimano sa bakal na kinabitan ng mga malinawaging bintanang niyari sa mga maninipis, makikinis at mapuputing punlong tinawag na kapis. May mga nakatayong malalaking poste namang makikita doon na mula sa mga matitigas na kahoy ng tugas na naging mga haligi para sa ikalawang palapag ng mansyon. Makikita rin sa unang palapag ang mga magaganda't nakahelerang halamang ornamentales na nakalagay sa mga mamahaling hinulmang paso. Ang sahig naman dito ay mula sa pinakintabang kulay puting tisa na may mga magagandang disenyong kulay asul at pula. Sa pangunahing entrada ay mararating din ang isang malawak na pasilyo. May munting sala sa gawing kaliwa ng pasilyong ito na siyang ginagawang tanggapan para sa ilang mga panauhin. Sa bahagi ring ito makikita ang isang malaking bodega, na may pintuang malahugis arko na may mga magagandang ukit na binubuo ng mga bulalak at mga ibon. Sa gawing kanan naman makikita ang comedor para sa mga tagasilbi ng mansyon. At sa may comedor na iyon ay mayroong maliit na pasilyo na yaong papunta naman sa malawak na cocina na siyang nasa pinakalikod.
Katapat ng pangunahing entrada na pinasukan ni Julian Guevarra ang malaking balustrada ng bahay. Ito ay may dalawang hawakan, mga balustre at mga baitang na lahat gawa sa pinakintabang kahoy na tinawag na teca at mulang makapasok ay sa magandang hagdanang ito siya umakyat, kasama ang tiyuhing si Don Condrado upang tunghan at doon magliliw sa ikalawang palapag. Pagkaakyat nila sa balustrada ay mararating naman sa itaas ang antesala ng mansyon. Ang antesala na ito ay pinapalibutan ng mga dingdingang yari sa mga matigas at pinakintabang kahoy ng molave na ginawa at ginayakan ng mga kurba at ukit na naaayon sa guhitang nouveau artes. Ang bahaging ito ang namamagitan sa sala mayor o ang pangunahing sala, sa pangunahing comedor o hapag-kainan, sa oratorio o dasalan at sa mga malalaking cuarto o silid-tulugan---ang mga mahahalagang bahagi sa buong bahay. Sa kanang gawi ng antesala ay naroon ang isang doble puerte o malalaking pintuang gawa sa pinagsamang dalawang magkasalungat na pinto, na purong gawa sa sinilakang kahoy na teca. Sa kanang giliran ng pintong ito ay naroon at nakasabit ang larawan ni Don Nicanor Guevarra y Miranda--ang unang may-ari ng mansion at ang lolo ni Julian. Sa may kaliwa ng doble puerte ay naroon naman ang pintang larawan ni Doña Gliriceda Guevarra y Roquia, ang nag-iisang maybahay ni Don Nicanor, ang butihing ina ng ama ni Julian.
Ang dalawang magagandang larawang ito ay parehong orihinal na pinta ni Ricardo Quintos y Andala, isang kilalang pintor sa Sangrevida noon na naging tanyag dahil sa matitingkad na nga larawang niya na kalauna'y itinatwa mulang napag-alamang gumagamit siya ng dugo ng tao bilang pampatingkad sa kanyang mga pintura. Nabaliw ito dahil sa labis na pagnanasa nitong maging pinakatanyag na pintor sa bansa kaya halos ginugol na niya ang buong sarili sa pagpipinta ng kung anu-anong mga larawan. At ang masamang pagnanais at kabaliwan niyang ito ang mga ugat kaya napatay niya ang kanyang asawa hanggang sa pinarusahan siya ng kamatayan sa pamamagitan ng garote, at doon namatay.
Siya rin ang kauna-unahang taong ginarote sa kalagitnaan ng Plaza Polistico.
Pumasok sa doble puerte ang dalawang ginoong Guevarra. Pagpasok nila ay bumungad roon ang sala mayor o ang pangunahing sala ng mansyon. Malaki, maluwag at maganda ang pagkagawa at pagkakaayos ng buong salahan na lahat ng mga dingdingan ay may nakasabit na mga magagandang pinta. May ilang mga batong lilokan sa bawat sulok rin nito at bukod rito ay nakakaagaw pansin rin ang isang mamahaling espejo o salamin na may kulay ginintuang mga kuwadrado. Makikita rin rito ang ilang mga mamahaling muebles gaya ng mga mesa at mga vitrina na may mga iba't ibang laki at ukit. Ang ilan sa mga vitrina na ito ay may mga nakapatong pang mga mahahaling jarron at florero na pawang yari sa mapuputing seramika at magagandang uri ng luwad. Naroon naman sa kalagitnaan ng buong salahan, ang isang malaking sofa na tinawag na mariposa, apat na mga magagandang silya at isang tumba-tumba na pawang yari naman sa kahoy ng kamagong at sa ratan. Pinagitnaan ng mga upuang ito ang isang maliit na sa kamagong ring niyari na mesa na pinailaliman ng isang kulay lilang alfombra na habi at galing pa sa Indiyano dahil sa mga nakaguhit dito. At may makikita ring nakapakong mga candelara at lampara na makikitang nakakabit sa bawat dingdingan ng sala mayor. Mararamdaman naman pagkapasok sa doble puerte ang bayo ng malinis na hanging nanggagaling sa labas na umihip mula sa apat na malalaking bintanang naroon. Pawang mga gawa ang mga bintanang ito sa kahoy na molave at sa mapuputing punlo ng kapis na ipinasimano sa bakal ang kabuoan sa nga kuwadrado. Nakasabit naman sa mga bintanang ito ang mga maninipis at yari sa puting sutlang mga kurtina. Sa may gawi ng isang bintana ay naroon din ang isang luma at magandang piano at ang nakapailalim na escabel o ang maliit at pabilog na upuan nito.
Umupo si Julian sa isa sa mga silyang dekotsong naroon. Tinungo naman ng kanyang tiyuhin ang isang vitrina na may mga nakakaob na baso at mga nakatabing ilang mga bote ng iba't ibang alak. Kumuha rito ng alak na pulang vino ang tiyuhing don at isa-isang nagbuhos ng vino sa dalawang baso; ang isa ay kanya at ang isa nama'y kanyang ibinigay kay Julian. Tinanggap ni Julian ito, pagkatapos ay umupo na ang matandang don sa isang silya at dito nagsimulang mag-usap ang magtiyuhin.
"Buti at naisip mong bumalik ng Sangrevida, Julian. Ang buong akala ko ay hindi ka na talagang babalik sa bayang ito," ani Don Condrado, ang nag-iisa't kinikilalang tiyuhin ni Julian. May natutuwa itong timbre sa kanyang pananalita at damang dama ang kagalakang makita ang pamangkin.
Sumagot naman sa kanya si Julian.
"Iyon din ang buong akala ko, Tiyong Dado," sagot ni Julian. "Ngunit, bigla kong naalala ang lugar na ito. Malamang ay nalumbay ako sa mga maluluntiang tanawin sa bayan na ito na talaga namang malayong malayo sa Madrid na mausok at matao. Hanggang sa napag-isipan ko na lamang na magsimulang uli ng panibago buhay dito at ibig ko sanang simulan ito sa pagpapatuloy ko sa mga iniwan ng aking ama," dagdag pa niya at pagkatapos ay ininom ang pulang vino na inabot sa kanya ng tiyuhin.
"Natutuwa akong marinig ang mga iyan, Julian. Tamang-tama, kailangan ko nang ipasa at ituro sa iyo ang pamamalakad sa buong fabrica. Alam mo at kita mo namang tumatanda na ako sa pagdaan ng panahon. Kaya ikaw, bilang tanging tagapagmana ng mga Guevarra, kailangan mong matutunan ang lahat-lahat tungkol sa iyong mga namanang negosyo. Ipapaalala ko lang sa iyo, Julian, ikaw, at tanging nasa iyong mga kamay lamang nakasalalay ang kinabukasan ng buong La Guevarra."
"Ang kayamanang pinaghirapang itatag noon ng iyong ama" dugtong ni Don Condrado at uminom ng vino.
Ang La Guevarra Fabrica De Tabaco y Cigarillos ay ang pangunahing negosyo ng pamilya Guevarra. Isa itong malaking pagawaan ng mga dekalidad na cigarellos at cigareras na siyang nag-iisa lamang sa buong Sangrevida.
"Alam ko, Tiyong Dado," siyang sagot naman ni Julian sa bigotelyong tiyuhin. "Isa lamang iyan sa mga dahilan kung bakit naisipan ko ang bumalik ng Sangrevida. Bukod sa mga negosyo ni ama ay naisipan ko ring magtayo ng sariling clinica dito sa bayan. Bilang isang lisensyadong doktor,  responsibilidad ko rin ang pagsilbihan ang mga kababayan ko rito hanggang sa makakaya ng aking propesyon. Alam kong ito rin ang gusto ni ama na gawin ko kung siya'y nabubuhay pa ngayon,"
Si Julian ay nag-aral sa Unibersidad Central de Madrid ng Bachelore de Ciencia sa kursong Medicina o ang larangan ng pagiging doktor. Sa edad niyang bente anyos ay nakakuha na siya ng lisencia bilang isang doktor, ang pinakabata roon. Nakapagtrabaho din siya sa iba't ibang hospicio doon kaya naman sa edad niya ngayong bente nueve ay marami nang natutunan sa panggagamot si Julian.
"Kung ganun ay maaari mong itayo ang clinica mo sa luma at abandonadong bodega ng La Guevarra sa Calle Cervantes. Malaki iyon at maluwag kaya maaring gawing isang malaking pagamutan" ani Don Condrado sa pamangkin mulang maisipan ito. Iba naman ang nasa isip ng binatang Guevarra. "Ngunit, tiyo, hindi ko balak itayo ang clinica sa gitnang bayan. Gusto ko sanang itayo ito sa isa sa mga barrio at sa labas ng mga tisang calle sa Sangrevida. Alam kong mas nangangailangan ang mga barrio ng isang clinica kaysa rito sa gitnang bayan. Gusto kong ilapit sa kanila ang pagamutan" wika ni Julian sa kanyang tiyo ukol sa balak niya na may dalang paliwanag dito.
Matagal ng pangarap ni Julian ang magtayo ng mga pagamutan sa mga baryo simula pa noong bata pa siya. Ito rin ang kagustuhan ng kanyang ama noon kaya naman nang nanirhan siya sa Madrid ay nag-aral siyang maigi at kumuha ng kursong medisina para matupad ang pangarap nilang ito.
"Kung iyan ang balak mo ay kailangan mong bisitahin ang iyong Tiya Delfina para diyan. Kailangan mo muna kasing makakuha ng pahintulot mula sa alguacil mayor bago ka makatayo ng isang clinica sa barrio. Nasa batas kasi ngayon ng Sangrevida ang reduccion at kalakip nito ang pagbabawal sa pagtatayo ng anumang mga gusali; pangkalakalan man o panilbihan, sa mga lugar na nasa labas ng mga tisang kalye," anya ni Don Condrado sa pamangkin bilang pagbibigay kaalaman.
"Ipinagbabawal na sa Sangrevida ang pagtatayo ng anumang uri ng gusali sa labas ng mga tisang kalsada. Sinadya ito upang mapilitang dumayo sa gitnang bayan ang mga manininda o mga mamimiling nakatira sa mga barrio. Ngunit, sinadya rin ito ng mga kinauukulan upang mapadali lamang ang kanilang pagbabantay at pagmamatyag sa buong bayan dahil sa mga napapadalas na pag-aalsang nangyayari laban sa pamahalaan."
"Huwag kang mag-alala," ani Don Condrado ulit. "Mapalad ka at ang bagong alguacil mayor ngayon ay si Pedro de Pascua, ang tiyuhin at asawa ng Tiyang Pinang mo. Kaya nga sinabi kong dalawin mo ang iyong tiyahin dahil alam kong tutulungan ka nila para diyan sa nais mo"
"Si Tiyong Pedro na po pala ang alguacil mayor ngayon. Ano pong nangyari sa pinalitan niya?"
"Pinatay," ang mabigat na sagot ni Don Condrado. "Ang dating alguacil mayor noon kasi ay isa sa mga utak sa likod ng monopolyo sa inuming basi sa Agracia. At isang araw sa kanyang pagpunta roon, tinambangan siya at pinatay ng ilang mga tulisang nag- aalsa laban sa monopolyong ito,"
Ang inuming tinatawag na basi ay ang alak na nagmumula sa mga halamang tubo. Ito ang pangunahing kalakal ng Agracia, isa sa mga pueblo ng Ilocandia. Karamihan sa mga taga Agracia ay sa pagtitinda ng mga kalakal mula sa tubo  ang pangunahing hanapbuhay kagaya ng inuming basi. Maraming bumibili nito dahil bukod sa masarap ay napakamura din nito at higit sa lahat nakakalasing. Hanggang sa ipinatupad na lamang bigla ng pamahalaan ng Agracia ang monopolyo sa yaong inumin. Sa monopolyo na ito, ipinagbabawal na ang paggawa, pagkalakal at pagtitinda ng mga inuming basi sa Agracia na walang pahintulot mula sa mga malalaking pagawaan na itinayo ng pamahalaan. At dahil dito, marami ang nagalit na mga manggagawa ng inuming basi, hanggang sa umalab at umabot na nga ito sa mga pag-aalsa upang iwaksi ang monopolyo. Bukod naman kasi sa kalakakan, ang inuming basi ay bahagi rin sa mga paniniwala ng mga taga Agracia. Bahagi nila ito sa kapanganakan at kamatayan, sa panliligaw at kasalan, at sa mga tagumpay o pagkatalo man. Para sa kanila, ang pagkawala ng karapatan nilang gumawa ng basi ay katulad ng pagtanggal na rin sa kanilang karapatang mabuhay. Kaya, hindi maikukubli na maraming tagaroon ang tumutol sa pagpapatupad sa monopolyo na ito.
Magsasalita na sanang muli si Julian, nang napahinto at mapalingon siya sa labas ng doble puerte . Nabatid kasi ng pansin niya ang pagrating ng isang babaeng tagasilbi. Nakasuot ito ng puting camisa, at kulay itim at mahabang saya na may puting telang nakasabit sa baywang bilang pantapis. Napansin naman ni Don Condrado ang paglingong iyon ni Julian kaya napatingin din siya sa doble puerte ng sala mayor. Pumasok at payukong lumapit sa may salahan, sa kinaroroonan nina Julian at Don Condrado, ang dalagang tagasilbi ng mansyon. Bago pa man nakalapit ay tinambad na siya kaagad ng katanungan ni Don Condrado habang hawak hawak sa kaliwang kamay ng don ang kanyang vino. "Bakit, Conchita? Anong kailangan mo?" ang tanong ng matandang don sa tagasilbi na hindi na hinintay pa ang yaong dalaga na maunang magsalita. Agad namang sumagot ang alilang may pangalang Conchita. "Ipagpaumanhin niyo po, senyor. Hindi ko po hangad ang abalahin po ang inyong pag-uusap. Ngunit nandito po ang encargador ng fabrica. Pinilit niya po akong puntahan kayo kaagad dahil sa may mahalagang bagay po raw siyang sasabihin sa inyo."
Hindi umimik at tila inaaasahan na ni Don Condrado ang pagdating ng encargador dahil wala itong pagtataka. Hindi man lang siya nagtanong sa dalagang alila kung anong kailangan nito.
"Nasaan siya?" siyang tanong lang ng matandang ginoo kay Conchita.
"Ipinaghintay ko po siya sa may salahan sa ibaba, senyor," sagot naman ng dalagang alila.
"Sige. Sabihin mo sa kanya na saglit lang at bababa na ako. Maraming salamat,"
Pagkatapos ang pagpasalamat na ito ay umalis na rin ang dalagang alila sa sala mayor at bumaba sa silong.
"Ano pong mayroon, Tiyong Dado?" ang napatanong na si Julian. Nawari niyang baka may kaganapan sa La Guevarra.
"Ah, tungkol lang marahil ito sa mga naikalakal naming mga cigarillos. Minsan may mga aberyang nagaganap kasi sa pagpapalakad ng mga papeles lalo na't iaangkat na natin ito sa Maynila. Karaniwang pangyayari lamang ito sa mga negosyo. Malalaman mo rin ang mga bagay na ito balang araw," ang nakangiting sagot ng matandang ginoo.
Nang malamang nariyan ang encargador, hindi na tinapos at inilagay ni Don Condrado ang hawak niyang baso sa lamesang malapit sa inuupuang silya kahit ito'y may laman pang pulang vino. Tumayo ito at nag-ayos sa kanyang sarili para tunghan ang panauhin sa ibaba.
"Pasenya ka na, Julian. Kailangan ko munang asikasuhin ito. Siguro ay oras na rin para makapagpahinga ka na sa iyong cuarto gayung mahaba ang nilakbay mo. Kaya maiwan muna kita rito at ituloy na lang natin ang pag-uusap na ito mamaya sa hapunan,"
Tumayo na rin mula sa pagkaupo si Julian. "Sige po, Tiyo. Mag ingat po kayo," ani niya sa tiyuhin na may buong paggalang.
Pagkatapos namang magpaalam ay lumabas na ng sala mayor  si Don Condrado at bumaba sa balustrada para salabungin ang nagpuntang encargador ng pabrika.
Sa pag-alis ng tiyuhin ay muling nakuhang batid sa paningin ni Julian ang makinis na piano sa sala mayor. Ang piano ay gawa sa makintab na kamagong Honduras na likha sa stilo na mala-Victorian. Ginawa ang disenyo at ukit ng piano na ito ayon sa parehong stilo kung saan hindi gaanong magara tingnan at makikitang malinaw ang mga pagkakalinya kaya ito'y nagmumukhang elegante at pormal. Bigay ito noon ng kaibigang visita-heneral ni Don Nicanor Guevarra bilang regalo sa kanya. May kahiligan kasi sa musika ang lolo ni Julian kaya di maitatwang mahilig din ito sa mga instrumento.  At ang kahiligang ito ang namana ng binata sa kanya.  Sa piano ding iyon palaging nakikita noon ni Julian tumutugtog ang amang si Don Armando. Dito rin, sa pagkakaalala ni Julian, namamalagi silang mag-ama at naglilibang habang siya ay tinuturuan noon sa pagtugtog ng mga sonatang lubos pinakatatangi ng kanyang yumaong ama. Dahil sa pagngilay-ngilay ay naisipang tunghan ni Julian ang yaong piano. Agad napagbatid niya ang nakukupas nang kulay nito dahil marahil sa kalumaan, at sa paglapit ay binuksan niya ang kahoy na takip nito at dito'y nakita niyang muli ang mga mapuputi at mga maiitim na piyesang bahagi ng malaking instrumento na minsang nahaplos ng kanyang mga daliri. Umupo siya sa maliit na escabel nito pagkatapos buksan ang takip kung saan muling bumalik kay Julian sa pagkakaupo niya ang alaala ng nakaraan--isang nakaraang hindi niya kailanman makakalimutan sa tanang buhay niya.
Ibinalik siya ng alaala isang araw matapos mangyari ang malagim na pananambang sa kanilang mag-ama kung saan si Julian ay mapalad at nakaligtas sa kamatayan. Nagising na lamang siya noon sa isang hospicio kung saan siya dinala at ginagamot. Ang laking pinagtatakhan lamang niya pagkagising ay wala siyang natamong niisang tama ng bala sa katawan, na talagang malayong malayo sa naalala niyang mga malulubhang tama sa binti at tagiliran buhat pagbabarilin ng isang lalaki na nakalauna'y nalamang isang guardia civil. Halos inakala na niyang isang bangungot lamang ang pangyayari sa gabing iyon, ngunit nagbago ito matapos siyang makatanggap ng isang masaklap na balita; at ito na nga ay ang pagkamatay ng kanyang ama. Sa pagkamatay ni Don Armando, si Don Condrado Guevarra ang hinabiling maging tagabantay at tagagabay ni Julian. Dahil walang asawa at anak, iginugol ng don ang tanang oras nito sa kanya kaya itinuri na siyang parang anak nito. Si Don Condrado ang naging karamay niya sa mga nakakangulilang panahon niya sa ama. Ang don din ang nagpapaliwanag sa kanya noon, malimtan lamang ang karimlang pangyayari na nagpawala sa kamusmusan niya. Subalit, bukod sa pinsan ng kanyang ama ay may isang tao pang naging karamay ni Julian sa madilim na panahong tinamasa niya noon.
At ang taong ito ang higit na mas naalala niya sa piano na kinaroroonan niya.
Sa paglipas ng mga araw matapos ang pagpaslang sa butihing Don Armando, ang pagtugtog sa piano ang naging napagkaabalahan noon ni Julian. Ang piano kasi ang siyang pinakamalapit na bagay sa ama niya kaya naman sa tuwing nangungulila o nalulungkot ay lagi niyang tinutunghan ang instrumento na ito upang tumugtog. Isang sonata lamang ang laging itinutugtog niya rito na hindi pa niya matapos tapos dahil sa hindi niya na alam kung papaano ang kasunod. Walang hangad noon si Julian kaya siya namamalagi sa piano kundi ang mabuo ang nag iisang cantar  na ito; ang El Cantar Luz de Luna o Ang Kanta sa Silaw ng Buwan.
Ang huling sonata na bigong iturong buo sa kanya ng yumaong ama.
Araw-araw sinusubukan niyang buuin noon ang cantar na ito. Mariin niyang inaral ang pagtugtog ngunit lagi siyang bigong matapos ito. Hindi na siya halos kumakain noon dahil sa matinding pagnanais niyang tapusin ang sonata. Hanggang sa dumating ang isang dapithapon, anim na araw matapos mailibing si Don Armando Guevarra taong 1873.
Habang desperado na't abalang abala sa pagbuo sa cantar, isang pagbati ang biglang tumambad kay Julian mula sa doble puerte ng sala mayor. "Magandang hapon," ang pagbating narinig niya mula sa isang malalim na tinig. Kaagad nagpahid ng mga luha si Julian nang marinig niya ang pagbati na ito at paglingon niya sa may doble puerte, naroon at nakatayo ang isang ginoong naka chachetta na itim, nakaitim na pantalones at nakasuot ng pang-itaas na sumbrero. Isang don, wari ni Julian nang makita niya ang isang ginayaka't mahabang bastong hawak na hawak nito--- isang kilalang bagay na madalas makikitang ginagamit ng mga mayayamang don. Hindi man inanyayahan ay kusang pumasok na lamang sa sala mayor ang lalaki na may pagtungo sa bata noong si Julian.
"Ang musika ay isang paraan ng pagpapakita sa damdamin ng puso," panimula ng don.
"Ang El Cantar Luz de Luna ay isang madamdaming tugtugin tungkol sa lihim na pag-ibig. Ngunit, bakit ganoon? Hindi ko madama ang pag-ibig sa tugtugin mo, hijo?" wika nang di kilalang ginoo kay Julian, lumapit ito sa may piano at sumandal pa sa yaong instrumento. Nagpakita ito ng paksi ng ngiti na tila may gustong ipuna sa kanya. Dito na nakita ni Julian sa malapitan ang mukha ng lalaki. Hindi ito matanda batay sa unang akala niya nung makita ito sa doble puerte. Nasa mga gulang na tatlumpu't mahigit na ito kung titingnang maigi; may kakisigan ang pangangatawan ngunit kagalang-galang itong tingnan dahil sa malinis na kasuotan. Matangkad, kulay gatas ang pamamalat at kapansin-pansin ang katangusan ng ilong na siyang mga bagay na mapapagtanto na may lahing dayuhan ito.
Hindi tumugon si Julian sa dayuhan. Wala siyang balak sagutin ang lumapit na don. Sa katunayan, sa simulang mailibing ang kanyang ama ay wala siyang kinausap niisa man, kahit ang kanyang tiyuhing si Don Condrado. Kahit walang pagtugong nakuha, patuloy pa rin siyang kinausap ng don. "Kung ganoon ay tugma nga siyang napagwari ko. Batay sa mga nota sa pagtugtog mo sa piano, sa halip na kasayihan sa unang pag-ibig ay kalungkutan at pangungulila ang madadarama ko. Para nang iyong malaman, hindi mo talaga magagawang mabuo ang pagtugtog sa El Cantar Luz de Luna dahil punong puno ng kalungkutan at paghihinagpis ang iyong puso," wika niya kay Julian. Wala pa ring pag-imik si Julian. Tinitigan lamang niya ang piano na para bang walang naririnig na taong naroo't kumakausap sa kanya.Ganunpaman ay nadinig niya ang mga sinabi ng di kilalang ginoo
"Huminga ka ng malalim," biglang sabi sa kanya ng nakabastong ginoo. Ginawa naman ito ni Julian. "Ngayon ay ipikit mo ang iyong mga mata. Damhin mo ang bawat piyesa ng piano sa iyong mga daliri," wika ulit ng don. Di alam ni Julian kung bakit sumusunod siya sa mga sinabi ng ginoo. Pumikit siya at inilagay ang mga daliri sa mga piyesa ng piano. Hindi niya rin alam kung papaano pero naghintay siya sa susunod na ipapagawa ng ginoo sa kanya.
"Ayan," bulalas ng ginoo buhat natuwa nung sumunod ang batang Julian Guevarra. "Ngayon, isipin mo ang mga masasayang alaala na kasama mo ang mga taong pinakamamahal mo. Hugutin mo ang mga alaalang ito mula sa iyong puso. Gawin mo itong mga nota. Damhin mo ito na parang bumalik kang muli sa mga alaalang iyon,"
Sumunod si Julian. Muli niyang inalagay sa isipan ang mga masasayang alaalang nakakubli roon. Ito ang mga alaalang buo pa ang kanyang pamilya at kasama pa niya ang kanyang mga magulang. Dinama niya ito mula't galing sa kaloob-looban ng puso niya na para bang naaasam muli ang mga masasayang sandaling iyon. "Kung nadadama mo na ang mga masasayang alaalang ito, ngayon, ay ituon mo ang mga nararamdaman mo sa iyong mga kamay papunta sa mga piyesa ng piano. Gawin mong musika ang mga damdaming ito ayon sa masayang tugtugin ng El Cantar Luz de Luna,"
Sinimulang muli ni Julian ang pagtugtog ng El Cantar Luz de Luna. Dinama niya ang alaala sa bawat pagkumpas ng kanyang mga daliri sa mga piyesa habang nakapikit ang mga mata. Hinugot niya sa kasulukan ng puso ang lahat ng masasayang alaala niya kung saan tila gumagaan naman ang kanyang pakiramdam nang marinig ang itinugtog niyang musika.
At sa unang pagkakataon ay nagawa ngang matapos ni Julian ang yaong sonata.
Lumikha ito ng kasiyahan sa kanya. Mula sa pagkalugmok ay parang biglang nawaksi ang kalungkutan sa kanya mulang magawang buuin ang kantang bigong maituro sa kanya ng ama.
"Oh, ayan! Dinig mo, hindi ba? Nagawa mo nang buuin ang cantar! Magaling! Magnifico! Napakagaling!" may pagpupuring sabi ng ginoo sa tugtugin ni Julian. May pagpalakpak pa ito sa kamay. "Ipapaalala ko lang, Julian, na ang musika ay mga hindi maisalitang damdamin. Sa puso dapat hinuhugot ang mga tamang tono para makatugtog ng isang magandang awitin,"
"Kilala mo po ako, ginoo?" ang napabulalas ni Julian nang magitla mulang marinig ang pagwika ng lalaki sa kanyang pangalan. Ang katanungang ito ang unang pangungusap na naisalita niya matapos ang anim na araw. Tumugon naman sa kanya ang yaong don. "Kilala kita, Julian," ani nito. "Kilalang-kilala kita ngunit alam kong hindi mo ako nakikilala,"  tugon lamang nito na nakangiti pa.
"Papaano po ninyo ako nakilala? Maaari ko po bang malaman ang pangalan mo, ginoo?"
"Hindi na mahalaga kung papaano o saan kita nakilala, Julian. Ngunit ikinatutuwa ko ang makita kang muli sa ikalawang pagkakataong ito" siyang sagot lamang ng ginoo na may pagkamatalinhaga ang timbre ng boses.
"Ang pangalan ko ay Calisto---Juan Calisto de San Gabriel,"
At mula noon ay hindi na niya nagawang kalimutan pa ang pangalang iyon. Sa mismong kinauupuan niyang escabel sa may piano, unang nakilala ni Julian ang ginoong nagpabago sa tanang paniniwala niya sa buhay.

หนังสือแสดงความคิดเห็น (21)

  • avatar
    Rick Balorio

    pinaka gusto ko sa LAHAT ng nabasa

    27d

      0
  • avatar
    Hans Del Valle

    5142

    18/07

      0
  • avatar
    Jus Tine

    good story

    21/06

      0
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด