logo text
เพิ่มลงในห้องสมุด
logo
logo-text

ดาวน์โหลดหนังสือเล่มนี้ภายในแอพ

Kabanata 1: Sangrevida

[Julian]
Isang pambihira't napakalaking puno ang agad mamamataan sa daan. Kahit sa kalayua'y talagang mababatid ang labis nitong kataasan na para bang sadyang inaabot ang patungong kalangitan. Ang yaong puno ay mayroon ding napakatabang katawan na binabalutan ng mga mahahaba't malalaking baging, na bukod pa rito ay makikita sa itaas ang mga mahahaba't malalawak na mga sangang binubuhayan naman ng mga mabeberdeng dahon na kung titingnang maigi ay para bang isang gubat na lumulutang sa himpapawid dahil sa kakapalan at kayabungan ng mga ito.
Sa loob ng umuusad na malaking karwahe, ang malaking punong ito ang unang natanaw nang naroo't nakasakay na binata na ngayong si Julian Guevarra. Alam niyang nakarating na siya sa lugar na pupuntahan buhat makita ang napakalaking puno, ngunit sa halip na matuwa ay bumalot sa damdamin niya ang labis na pagkalumbay mulang ibinalik siya ng punong ito sa nakaraan, kung saan sumariwang muli sa puso't isipan niya ang masakit na pinagdaanan noong kanyang kabataan na may labinglimang taon din niyang pilit kinakalimutan na hindi niya napagtagumpayang kalimtan.
Ang punong nakita ni Julian ay isang uri ng puno na kung tawagin ay balete. May dalawang daang taon na itong nabubuhay na siyang katangi-tangi sa buong lugar, o maging sa buong lalawigan, at ang siyang pinakaunang bagay ring sasalubong sa mga dayong papasok sa Sangrevida, ang pangunahing ayuntamiento o gitnang bayan sa lalawigan ng Ilocandia.
Ang bayan ng kanyang kapanganakan na matagal nang gustong kalimutan ni Julian.
Sentro ng kapangyarihan at kalakalan sa buong lalawigang Ilocandia ang ayuntamiento ng Sangrevida, at ito rin ang pinakamalawak na bayan sa buong lalawigan. Natuklasan ito noong 1575 ni Jose de Polistico, isang Kastilang conquistador kung saan sa isang malawak na kapatagang ito ay naisipan niyang itatag ang kanyang economienda, na siya noong tinawag niyang Villa Sangrevida. Ipinangalan niya itong Sangrevida mula sa pinagsamang dalawang salitang Kastila; sangre o dugo at vida o buhay.
Ang dugo ay buhay.
Bago pa man naitaguyod ang Villa Sangrevida, nagkaroon muna ng mahabang digmaan ang mga Kastilang kawal ng dayuhang conquistador laban sa mga mandirigmang katutubo na pinangungunahan ni Apo Magawi na siyang pinuno ng mga katutubong Kalisga na mariing tumutuligsa sa pananakop ng mga dayuhan lalong lalo na sa pilit nitong pagpapayakap sa kanila sa isang panibagong relihiyon, ang Kristiyanismo. Naging madugo ang digmaang ito, at sa pagiging madugo, ayon sa mga kuwento, ay nabalot na diumano ang malawak na lupaing ito nang mga mapupulang dugo galing sa mga nasawi sa digmaan, mula man sa hanay ng mga dayuhang Kastila o sa mga mandirigmang katutubo ng Kalisga. Sa malagim na kwentong ito raw kinuha ni Jose de Polistico ang naging pangalan ng kanyang economienda, ang Villa Sangrevida, upang maging tumanyag at laman ng usap-usapan sa mga karatig bayan. Subalit, may nagsasabi ring kinuha rin diumano niya ang yaong pangalang ito mula sa isang tanyag na talatang makikita sa banal na kasulatang Bibliya, ang isa sa mga haligi ng relihiyong Kristyano, na talatang noo'y isinampit ng pinakaunang katutubong Kalisga na nabinyagan bilang Kristyano. At matapos ang dalawang taong pakikipagdigma laban sa mga Kastila ay sumuko rin ang mga katutubong Kalisga sa conquista ni Polistico mulang mamatay sa pagkakalason si Apo Magawi. Niyakap nila ang kapangyarihang pamumunong alinsunod sa mga batas ng kahariang Espanya at napadayig sa paniniwalang Kristyanismo na pinalaganap noon ng mga manlalakbay na misyonerong ipinadala ng Simbahang Romano Katolika. Simulang masakop na nang tuluyan ng mga Kastila ang malawak na kapatagan ay tinawag na itong Villa Sangrevida hanggang sa umunlad ito sa pagdating ng mga panahon at tuluyang naging isang ayuntamiento na ngayo'y tinatawag nang Sangrevida.
Sa pagpapatuloy ng karwahe makaraang madaanan ang punong balete ay nakitang muli ni Julian, matapos ang napakahabang panahon, ang mga nakilala pa niyang barrio na nabibilang sa Sangrevida. Sa mga maliliit na barrio na ito nakatipon ang ilan sa mga taga-roon, ang mga mamamayan niyang kapwa Pilipino. Nakita rin niyang muli ang malalawak na mga lupaing may niyugan. Nalantaw rin niyang muli matapos ang sampung taon, ang mga malalawak na taniman ng mga tabako, abaka, pinya at ilang mga gulay na pinangangalagaan ng mga magsasakang tagaroon. Dahil sa pinalibutan ng tatlong ilog ang buong Sangrevida, mataba ang mga lupaing nasasakupan nito kaya hindi maitatatwang sagana sa mga tanim at mga halaman ang buong kapatagan kung saan siyang pangunahing kalakal na nagpapayaman at nagpapaunlad sa bayan. At magmula sa ilang sandaling pagdaan sa mga barrio na iyon, mula sa malubak-lubak, maalikabok at mabatong daanan ay natunton na rin sa wakas ng karwahe ni Julian ang pinakaunang daanang tisa patungo sa pusod ng ayuntamiento o siyudad sa kanluran.
At ito ay ang tisang daan na kung tawagin ay Calle Raveles.
Ang Calle Raveles ay isang malawak na kalyeng niyari sa nilutong tisa na siyang unang palatandaan na mararating ang gitnang bahagi ng Sangrevida. Sa gilid ng kalyeng iyon makikita ang iba't ibang anyo at kagandahan ng mga nakatirik na bahay-na-bato na siyang mga tirahan ng ilan sa mga taga-bayan. Dito ay may nakita na si Julian na mga calesa, mga karitong hinihila ng kalabaw o kabayo at ilang mga taong nagtitipon o naglalakad. Sa pag-usad ng karwaheng sinasakyan niya sa Calle Raveles ay may ilan-ilang mga bahay-na-bato pa ring naroo't nakatirik ang nakilala pa ni Julian. May ilan namang mga bahay na nakatirik doon na bago sa kanyang paningin at ngayon lang niya nakita. May ilan ring mga esquinita at callejas ang nakita niyang dinadaanan, na ngayon lang niya nakita at wala noong taong 1875, ang huling taong nanatili siya sa Sangrevida bago siya tumungo sa Madrid upang mamuhay at mag-aral doon. May ilan ring mga gusaling kalakalan ang namataan niyang nakatirik na din sa gilid ng kalye na nakakapanibago sa kanyang paningin sa dating Calle Raveles na kanyang nadaanan noon. Kaya naman, nasabi ni Julian sa sarili mulang sandaling makita ang mga pagbabagong ito sa bayan na talagang malaki na ang pinag-unlad ng bayan ng Sangrevida ayon sa nga balitang narinig niya.
Lumiko sa kanan ang kabayong humihila sa karwaheng sinasakyan ni Julian sa may isang esquinita ng Calle Raveles. Ang esquinita na ito ay ang Calle Cervantes, at dito, agad niyang namataan at nakilala ang malaking mansyon na siyang ginagawang tirahan ng alcalde mayor, ang pinamakapangyarihang tao sa buong lalawigang Ilocandia. Kahit nakatirik ito sa pinakadulong bahagi ng Calle Cervantes ay mababatid pa rin ang kalakihan at kagaraan ng buong bahay. Tumitingkad pa sa sikat ng araw ang pulang bubungan nito na gawa sa maninipis na nilutong tisa. Malawak at mahaba ang yari sa mga bato't korales na mga haligi at dingdingan nito at tatlong palapag pa kaya hindi maiiwari na ganoon kalaki kung titingnan ito. May magkakatabing walong desalaming mga bintana ang makikita sa harapan nito na sa dalawang magkadulong mga bintana ay naroo't nakalitaw ang pagkilanlan ng namamamahay roon, ang dalawang malalaking watawat ng Kahariang Espanya. Sa unang palapag naman ng mansyong ito ay may anim na malalaking entrada na ang mga pintuan ay yari sa bakal na mahigpit na binabantayan ng apat na guardia civil bilang seguridad.
Ito ang isa sa pinakatanyag na tirahan sa Sangrevida, ang Casa Escarlata. Tinawag itong Casa Escarlata ng mga taga-Sangrevida dahil sa matingkad na pagkakapula ng tisang bubungan nito na talagang nakakaagaw pansin sa mga dumadaan roon.
Mula sa Calle Cervantes, ay lumikong muli ang karwahe sa kaliwa hanggang sa dinadaanan na nito ang Calle Panillo. Sa nilutong tisang kalyeng ito makikita ang ilan pang mga magagarang bahay-na-bato at ilang mga gusaling kalakalan. Sa giliran ng Calle Panillo, makikita ang lugusan ng isang tanyag na calleja o ang maliit na kalye sa gitna ng magkatapat na dingdingan ng dalawang malalaking gusali, at ito ay patungo sa lugar na kung tawagin ay Vinos Callejas. Tanyag ito at kilalang-kilala sa buong Sangrevida dahil sa magkakatabi-tabing mga taberna o mga bahay-inuman dito na walang araw na hindi nagbubukas. Dito kadalasan pumupunta at makikitang naglilibang, nagtatagpo, at nagkakayayaan ang mga dayong mangangalakal, ilang mga negosyante, at mga matataas na opisyales ng ayuntamiento at nang lalawigang Ilocandia.
Dumiretso lang ang karwahe hanggang sa nakarating ito sa dulo ng Calle Panillo. Naroon ang dalawang magkasalungat na kalye; ang Calle Abelardo at Calle Agustin. Sa kaliwa naroon ang Calle Abelardo na siyang daan patimog ng bayan. Magulo at makitid ang daanang ito dahil sa maraming tao ang dumadaan dito. May ilan-ilang mga sasakyang calesa at kariton ding makikitang dumadaan din dito. At sa lahat ng mga calle, ang Calle Abelardo ang masasabing pinakamalawak sa lahat kasi dito makikita ang malaking mercado sa Sangrevida. Dito nagtipon-tipon ang mga mercadillo at mga estante na may mga lamang mga panindang gulay, prutas, karne at iba't iba pang bilihin gaya ng mga palamuti at tela. At ang lugar na ito ang sentro ng komersyo ng bayan dahil halos lahat ng pangangailangan ay makikita dito. Sa kanan lumiko ang karwaheng sinasakyan ni Julian, at ito ang ipinangalan namang Calle Agustin na siyang daan pahilaga. Kaunti lamang ang dumadaan sa mahabang kalyeng ito na pawang mga papatungo lamang sa kasalungat na kalye. Nandito ang mga gusaling clinica, ang hospicio, gusaling patahian, mga panaderia, at mga pagawaan ng muebles. May ilang mga bahay na bato rin ang nakatirik dito. May ilan ring mga taberna dito ngunit di kasing rami at matao kagaya sa mga makikitang mga taberna ng Vinos Callejas. Sa kalagitnaan naman ng Calle Agustin, naroo't makikita ang isang malaking plaza, ang Plaza Polistico. Ang plaza na ito ay ipinangalan sa tanyag na Kastilang conquistador na si Jose de Polistico. Siya rin ang economiendero na nakatuklas at nagtatag sa Villa Sangrevida, ang ngalang ginawa niya sa kapatagang ito sa ngalan ng kahariang Espanya noong 1574. Ang Plaza Polistico ay isang maganda at patambilog na plaza na binubuhayan ng ilang mga mabeberdeng halama't mga bulalak. Sa kalagitnaan nito, makikita ang Obelisco de Polistico, na itinayo noong 1728 bilang pagkilala at pag-alala sa dayuhang conquistador na nagtatag sa Sangrevida. Gawa ang obelisco sa puting batong marmol na may taas na anim na talampakan at pinaangat pa sa banoglawing gawa sa mga bato at korales. Sa gawing kanang gilid naman ng obelisco ay naroon ang isang kakaibang bagay na pataas at may hagdanan patungo sa isang mahabang plataporma. Gawa ito sa puro't makakapal na kamagong na sinadyang ipinaangat sa parehong kahoy upang matanaw sa malayo. Naroo't nakatayo sa plataporma nito ang tatlong pinagsamang mahahabang poste ng kahoy na kinabitan ng mga debakal na rayos na niyari upang higpitan ang anumang ipapaloob sa nakakabit ding bilog nitong mala sinturong bagay. Sa likod ng kagandahan ng Plaza Polistico, dito, nakatirik ang dausan ng garrote, ang malagim na pagpaparusa sa mga taong may malalaking kasalanan sa bayan o maging sa simbahan man.
Nang makita itong muli ni Julian ay naalala niya ang mga kahindik-hindik na sinapit ng mga taong nagkasala at napurusahan ng kamatayan dito, lalong lalo na ang dalawang guardia civil na ginarote na nasaksihan niya noon. Muli na namang sumariwa sa kanya ang pagparusa sa dalawang taong pumatay sa kanyang butihing ama noon, at nadarama din niyang muli ang di maipaliwanag na galit noon na umusbong sa kanya nang masaksihan sa musmos niya mga mata ang pagbitay sa dalawang kriminal sa yaong platapormang kanyang nakita.
Nagliwanag namang muli ang kanyang paningin nang nakita ang napakataas at napakagandang catedral ng Sangrevida. Ito ay ang Catedral de San Pablo. Maliwanag tingnan sa daplis ng silahis ng araw ang yaong catedral dahil sa pintura nito. Kulay crema ito, kulay na kumakatawan sa kabanalan at kalinisan sa paniniwalang Kristiyanismo. Binatay ito sa haliging gayak na tinawag na baroque na sinadya upang maging matatag laban sa anumang malalakas na lindol. Makikita naman dito sa buong Catedral de San Pablo ang pinaghalong impluwensiya ng mga iba't ibang anyong-istrakturang gawi gaya ng makabagong Gotika, bansag-Romanesque at ilang mga gawing pang-Instik. Sa itaas sa harap ng catedral, nakatayo ang malaking estatwa ni San Pablo na siyang unang magsasalubong sa mga maninimba at debotong papasok ng catedral. Sa mga malalaking pintong yari sa molave naman , makikita ang ilang mga batong nililok na may mga hulmang hayop na leon na para bang binabantayan ang buong catedral. Sa mga leon ito makikita ang pagkakilanlan ng impluwensiyang dala ng mga nanirhang Instik sa Sangrevida.
Nagsimula ang catedral noon bilang isanv maliiti na capella pa na gawa lamang sa matitibay na mga kahoy at mga pawid. Itinayo ito noong taong 1577 ayon sa utos ni Jose de Polistico para sa pagpapalawak ng paniniwalang Kristiyano sa kanyang Villa Sangrevida. Sa taong 1641, ang capella na ito ay nawasak dahil sa malakas na bagyong nanalasa noon kaya sa sumunod ding taon, muli itong itinatag ngunit hindi na bilang isang capella kundi isa nang malaking simbahang yari sa bato at korales na ipinadirawang ang pagkahimala ng patrong santo na si San Pablo. Nang malipat ang upuan ng La Diocesis de Nueva Arana sa noo'y Villa Sangrevida mula sa bayan ng Liloan sa lalawigan ng Baraganan noong taong 1742, ang dating Simbahan ng San Pablo ay inangat ng arsobispo sa mataas na antas upang maging isang ganap na catedral at simula nito, ito ay naging gitnang-alab ng Simbahang Romano Katolika sa hilagang lupain ng Islas de las Filipinas. Ngunit noong 1799, isang malaking sunog ang nangyari at tumupok sa buong catedral na siyang pangyayaring nagwasak at nagpaabo sa dating napakagandang dambana nito. Subalit, kahit naganap ang gayong delubyo, sa sumunod na taon ay ipinatatag muli ni Gobernador-Heneral Segundo de Bartolome ang catedral. Kasama ang mga misyonaryo't paring Agustino ay naitatag muli ang unang haligi ng bagong catedral.
At ito ang mga haliging makikita ngayon sa Catedral de San Pablo.
Naalalang muli ni Julian sa mga sandaling pagkakita niya sa catedral, ang magarbong kasal noon nang kanyang tiyahing si Delfina Chavez, ang kapatid ng kanyang ina. Ikinasal ito noon sa binatang teniente de sementeras o ang tenyenteng tumatanaw sa mga lupain ng Sangrevida na nagngangalang Pedro de Pascua y Monteroso. Nagunita niya ito pagkat iyon ang masasabi niyang pinakahuling kaganapang naalala niyang dinaluhan noon na buo pa ang kanyang pamilya.
Nasa kaliwa naman makikita ang kampanaryo ng catedral. Nakatirik ito na may kalayuang walong metros at pinalilibutan ng mga damo, halaman at mga bulaklak. Ang kampanaryong ito ay nasa taas na trenta metros na ang bubungan ay gawa sa kulay pula't nilutong tisa. Ito ay nakaangat sa malalaking mga banoglawin na yari naman sa purong bato na pinalibutan ng tanso. Sa kampanaryo ding ito naroo't nakalambitin ang isang malaking kampana, ang pinakatanyag na kampana sa buong Sangrevida at siyang marahil sa buong lalawigan ng Ilocandia. Ito ang Campana de la Dignidad. Sinasabing ang malaking kampanang ito na yari sa pinaghalong pilak at tanso ay dinala ng mga Kastilang prayle sa Sangrevida noong 1782 mula pa diumano sa Acapulco, bayan sa Mehiko na sakop din ng kolonyalismo ng mga Kastila. Malaki, makintab at maganda ang yaong kampana. Malakas rin tumunog ito kung babagtingan na umaabot pa raw ang yanig sa mga huling gilid ng ayutamiento ng Sangrevida. Napagbatid pansin naman ni Julian sa tabi ng Catedral de San Pablo, ang isa pang malaking gusali. Dito naman niya nakita at naalala muli ang Palacio Obispo. Sa malawak na batong tahanang ito nakatira ang isa sa mga obispo ng Simbahang Romano Katoliko sa Islas de las Filipinas , na siya ring tahanan ng diyosesis ng obispo, ang La Diocesis de Nueva Arana. Ang diocesis na ito ay itinatag noon sa lalawigan ng Baraganan at nailipat ito nang mamatay ang tanyag na obispong si Padre Osmundo de Fuentabella, dahil ang pumalit sa kanyang bagong obispong si Padre Bolivar de Santiago ay humiling sa arsobispo ng Maynila na ilipat ang buong diyosesis sa Sangrevida kung saan siya ang naging kura paruko ng labinglimang taon. Sa loob din ng Palacio Obispo ay narito ang semanario ng diyosesis at sa gilid ng mala-palacio na tirahang ito, nakatirik naman ang gusali ng Academia de Santa Ana, ang paaralan na itinatag ng mga paring Agustino para lamang sa mga kababaihan.
Magmula sa tahanan ng obispo ay narating na nang karwahe ni Julian ang Calle Vicente. Katulad sa ilang mga calle, may makikita ring mga bahay-na-bato rito na tinatahanan ng ilang mga tagabayan. Sa malaking kalyeng ring ito, nakita muli ni Julian ang Casa Consistorial Ciudad de Sangrevida, ang bahay-panungkulan at tanggapan ng alcalde mayor at ng mga cabildo o konsehal ng bayan. Ito ang bahay kapangyarihan ng mga matataas na taong namumuno sa lalawigang Ilocandia kaya hindi maitatatwang may makikitang maraming mga kawal ang naroo't nagbabantay saanmang sulok nito. Sa tapat naman nito, makikita ang Colegio de Sangrevida, isang escuela na itinayo ng mga paring Agustino para sa mga kabataang Pilipino na nais mag-aral. Umusad pa ang karwahe niya sa daan hanggang sa may isang esquinita, at nang lumiko pakanan ay dito dinaanan na nito ang Calle Valejos. At sa pinakadulo ng calle na ito, muling nasilayan ni Julian Guevarra, matapos ang sampung taon, ang nakilala niyang malaking bahay, ang Mansion Gliriceda, ang malawak na mansion na tirahan ng pamilyang Guevarra.
Ang tirahan niya.
Wala pa ring pinagbago ang buong mansion at ganito pa rin ito ayon sa huling pagkakita ni Julian dito. Malawak ang buong lupaing palibot ng bahay na siyang nag-iisa lamang sa buong Sangrevida. Gawa sa bato, tisa at kahoy ang kabuuan ng mansion na pinalibutan ng iba't ibang uri ng mga halamang ornamental. May dalawang palapag ito na ang itaas ay gawa lahat sa iba't ibang matitibay na kahoy. Ang silong naman o ang unang palapag nito ay gawa sa nilutong tisa, bato at mga korales na animo'y kabilang sa tisang daanan ng Calle Valejos.
At sa bahay na ito, mula sa higit dalawang oras na paglalakbay mula sa pantalan ng San Bernardo, sa wakas ay huminto na rin ang sinasakyang karwahe ni Julian Guevarra.
Pagkahinto nito sa tapat ng malaking entrada ng mansion ay sinalubong siya nang isang lalaking nakasuot ng kulay itim na chachetta na may nakaloob na puting dekwelyong camisa na nakapang-ibabang kulay itim rin na mahabang pantalones at sapatos. Sa unang hagilap sa paningin niya sa lalaki ay naalalang bigla ni Julian ang kanyang yumaong ama. Halos magkasingtindig lamang kasi sila nito. Magkatulad din ang ayos at pamamaraan ng pananamit nila ngunit di kalaunan ay kaagad namang napagtanto niya ang kaibahan ng lalaki sa kanyang ama dahil sa mataas nitong bigote sa bibig at sa antipara suot nito sa mga mata. Doon ay may kagalakan na sumalubong sa kanya si Condrado Guevarra y Rosales, ang nag-iisang kinikilalang tiyuhin ni Julian, at ang matandang binatang pinsan ng kanyang yumaong ama.
"Bienvenido de regreso!" may galak na tambad pagbati ng tiyuhin ni Julian nang lumabas na siya sa kanyang karwahe.
Maligayang Pagbabalik!
Suot ang maganda at gawa sa bulak na chachetta na itim na pinalooban niya ng puting polo at kurbatang itim, ay inayos ito ni Julian sa paglabas niya ng sinakyang karwahe. Pagkalabas ay nalanghap niyang muli ang isang kilalang ihip ng malinis na hangin na siyang nakakagaan ng loob. Sa pagtapak niya sa tisang lupa ng silongan ng mansyon ay para bang bumalik si Julian sa nakalipas na sampung taon. Sumariwa sa isipan niya ang mga alaala ng kanyang kabataan, ang mga alaalang masayang balikan at ang mga alaalang nakakalungkot gunitaing muli.
Ya Volvi. Ako'y nagbalik.
Naging bulalas niya ito sa isipan nang muling makita sa kanyang harapan ang bahay. At sa pagrating niya dito, lubos batid ni Julian sa kanyang sarili ang buong katotohanan na siya na talaga ay nakabalik na nga sa Sangrevida.
Ang binalikang bayan na siyang lugar ng kapanganakan niya. Ang bayan rin na noo'y ninais niyang kalimutan sa kanyang buong buhay na gusto rin niyang hindi balikan.
Estoy de casa.
Bukas wari ni Julian ng makita ulit ang Mansion Gliriceda.
Ako ay nandito na.

หนังสือแสดงความคิดเห็น (21)

  • avatar
    Rick Balorio

    pinaka gusto ko sa LAHAT ng nabasa

    27d

      0
  • avatar
    Hans Del Valle

    5142

    18/07

      0
  • avatar
    Jus Tine

    good story

    21/06

      0
  • ดูทั้งหมด

บทที่เกี่ยวข้อง

บทล่าสุด