logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 3

“Sino—” Napabangon agad si Georgie pagkatapos dumaan sa kaniyang tainga ang malamig na tanong na iyon. Tila bumigat ang simple na tanong na iyon sa kaniyang pandinig. Daig pa niya ang pusa na nahuling nagnanakaw ng isda. Wala naman sana siyang ninakaw pero daig pa niya ang taong huhulihin at ikukulong ng isang dekada.
“Ganiyan ka ba mag-welcome ng bisita? How sweet.” Tumaas pa ang pang-itaas nitong labi para ipahiya siya. Lecheng lalaking ‘to!
“Axel?” nauutal niyang tawag sa pangalan ng binata. Nasa bulsa ng suot nitong pantalon ang dalawa nitong kamay at titig na titig sa kaniya ang maiitim nitong mga mata. “Paano—” Umiling siya. “Paano mo nahanap ang boarding house ko?”
“Hindi ka naman nag-aaaral sa ibang planeta. Bakit nagtataka ka kung bakit nahanap kita?”
Inikutan niya ito ng mata. “Sarcastic.” Inayos niya ang suot na uniform. “Bakit ka nandito?”
“May inaasahan ka bang dadalaw?”
At ano naman dito kung may inaasahan nga siyang dumalaw? Sino ba ‘to maliban sa ito ang lalaking nais ng Daddy niya na pakasalan niya? Ano bang problema nito at pinuntahan pa talaga siya pati rito sa boarding house niya? Hindi ba talaga siya nito patatahimikin? Wala na nga siyang maayos na tulog eh!
“Ang tanong ko ang sagutin mo. Bakit ka nandito? Huwag mong sabihin sa akin na kasama mo si Daddy?” Nanatili siyang kalmado habang nagsasalita siya. Ayaw niyang makita nito na kinakabahan siya. Kahit ayaw niya rin na pakitaan ito ng masama niyang ugali dahil baka itakwil na talaga siya ng magulang niya pero hindi niya matiis ang kapreskuhan nito.
At sa lahat ng ayaw niya? Ayaw niyang makita na pumunta ang Daddy niya rito. Baka kapag makita nito ang sitwasiyon niya ay pauuwiin siya nito agad sa kanila. Dehado na naman pati ang pag-aaral niya.
“Dinalhan kita ng pagkain. Sabi kasi ng Daddy mo na hindi ka man lang humingi sa kaniya ng allowance.” Kaswal lang ito kung magsalita pero dumaan talaga sa kaniyang tainga ang kahambogan nito.
Ito ba talaga ang gusto ng Daddy niya? Ang ipamukha sa kaniya kung gaano kayaman ang lalaking ‘to? Pakialam ba niya? Kahit pa anak ito ng President ng Pilipinas o kahit ito pa mismo ang President, ayaw niya! Kapag ayaw niya, ayaw niya talaga!
Umikot na naman ang mata niya at tinalikuran ang binata. Dinalhan siya ng pagkain dahil sinabi ng Daddy niya na hindi siya humingi ng allowance? Umismid si Georgie. Bakit para yatang iba ang sinabi ng Daddy niya?
Humingi siya, ito ang hindi nagbigay.
“Hindi ka man lang magpapasalamat?”
“Why should I? Hindi naman kita sinabihan na magdala ka. Umalis ka na. Hindi ka welcome rito. Kapag nakita ka pa ng boyfriend ko, lagot ka,” pananakot niya at pumasok sa kuwarto upang magtago.
Hindi niya ito lubusang kilala. Wala siyang alam kung ano talaga ang pakay nito sa kaniya. Hindi lang talaga niya maiwasang kabahan lalo na at wala si Foina ngayon, sila lang dalawa ng lalaki. Hindi ito mahihirapan na gawan siya ng masama.
Hindi naman mukhang rapist ang mokong na ‘yon, guwapo nga eh. Naka-polo pa, bulong niya sa sarili at kinagat ang ibabang labi. Dios ko, mali na yata ‘to.
“Ang ganda pala ng ugali mo. Nagmamagandang loob na nga ang tao, ganiyan pa ang iaakto mo.”
Agad niyang hinawakan ang door knob ng kuwarto. Aba, narinig niya ‘yon ah! Sino ba naman kasing nagsabi na pumunta ito sa lungga niya? Ngayon ay kasalanan pa niya kung bakit ganito siya kung umakto? Hindi yata lahat ng ipinapakita ng tao ay totoo. Paano na lang kung masama pala ang pakay nito sa kaniya?
Pero… Guwapo siya, bulong niya.
Binuksan niya ang pinto at sumalubong sa kaniya ang lalaki. Nakalapat ang isang kamay nito sa dingding na malapit sa pinto na tila hinihintay talaga siya na pagbuksan ito. Nakaharap ang mukha nito sa mukha niya at ilang pulgada na lang ang kulang ay maglalapat na ang kanilang mga labi.
Dala ng gulat at malakas na pagkabog ng dibdib niya ay muli niyang isinara ang pinto ng kuwarto.
Patawarin niyo po ako, Dios ko!
“Damn! What the hell are you thinking, young lady!” sigaw nito sa labas ng kuwarto.
Napaupo siya sa sahig at sapo ang mukha. Kahit hindi niya nakita ay alam niyang sapol na sapol ang mukha nito sa pinto.
Panigurado, nabura ang ngiti nito kanina na kitang-kita niya nang pagbuksan niya ito ng pinto.
Ang presko kasi, mabuti nga at iyon lang ang ginawa ko.
Sunod-sunod na ungol ang ginawa ng binata kaya doon siya naalarma. Alam niyang malakas ang pagsara niya sa pinto dahil sa gulat. Sino ba naman kasing hindi magugulat kung hindi mo inaasahan na magandang mukha ang mabubuksan mo ng pinto?
“Fuck! My nose!”
Awtomatik siyang napatayo. Anong nangyari sa ilong nito? Dumugo kaya dahil sa paghampas niya? Agad na nakita niya sa kaniyang balintataw ang matangos nitong ilong. Hindi niya yata mapapatawad ang sarili kung nabali niya ang ilong ng binata.
Hindi talaga mapatawad, Georgie? Tukso ng utak niya.
Okay, fine! Concerned lang ako, bulong niya.
Hinarap niya ang pinto at nagtatalo ang dalawang bahagi ng utak niya kung bubuksan niya ba ang pinto o hindi.
Pero nanaig ang konsensiya niya. Puwede naman sigurong kahit isang beses lang ay maging malambot ang puso niya. Kung sakaling dumugo man, gagamutin lang niya at paaalisin na ang lalaki.
Malakas ang tunog na nagawa dahil lang sa pagpihit niya ng door knob. Walang tanging ingay kun’di ang puso lang niya na mabilis ang pagpintig ang tanging naririnig niya. Kahit nanginginig ang mga daliri niya ay binuksan niya ang pinto. Mas natatakot siya sa magiging reaksiyon ng Daddy niya kung malaman nito ang ginawa niya sa paborito nitong nilalang.
“May kabaitan ka pa naman pala. Mabuti’t naisipan mong buksan pa ang pinto ng kuwarto mo?” nakaangat ang kilay nitong sabi.
Pinasadahan niya ito ng tingin. Wala namang dugo na siyang inaasahan niya.
Siya yata ang naisahan!
“Galing mo rin pa lang umakting ‘no? Artista ka?” nang-uuyam niyang tanong.
“Writer.”
“Writer?” ulit niya. “Sa lagay mo na ‘yan, writer ka?”
“Insulto ba ‘yan?”
“Halata ba?”
“Hindi, akala ko compliment.” Humalakhak pa ito na mas lalo niyang ikinainis. Buwesit! Ang galing talagang magpainit ng ulo eh!
Lumapit siya sa lalaki at itinulak ito sa likod. Hindi niya kaya kung magtatagal pa ito sa boarding house nila. Sa amoy pa nga lang nito ay nakahahalina na. Kapag nagtagal ito ay baka pumayag na siya sa alok ng Daddy niya.
Never!
Kahit gaano pa ito kabango, ayaw niya. Period!
“Alam mo, umuwi ka na sa inyo! Baka kapag nahuli ka ng landlady namin, ako pa ang dehado. Daig pa no’n ang dinosaur kung magalit, bumubuga pa ‘yon ng apoy,” pananakot niya rito at patuloy pa rin siya sa pagtulak.
“Do you want me to believe that? Tinatakot mo ako sa sarili kong Tita?” natatawa nitong tanong at tumigil sa paghakbang kaya nahirapan siyang itulak ito.
“Tita?”
“Yeah, Tita ko ang landlady niyo, pamangkin niya ‘ko. Dinosaur pala ha? Lagot ka!” Hinarap siya nito at isinadig niya sa dingding.
Gulat niya itong itinulak pero agad nitong nahawakan ang dalawa niyang kamay kaya hindi siya makapalag.
“Ano ba! Hindi ako takot kahit Mama mo pa ang landlady namin. As if I care!” sigaw niya. “Pakawalan mo ‘ko!”
“Kanina pa ‘ko nag-iisip kung anong lasa ng mga labi mo,” bulong nito at sinakop ang mga labi niya.
****
“Oh God!”
Napalingon si Georgie nang bigla niyang narinig na may nalaglag hindi kalayuan sa kaniyang puwesto. Nadaanan ng kaniyang mata ang kaniyang kaibigan na wala sa sariling pinagmasdan ang mga kalat niya.
Nakanganga pa ito na pinagmasdan ang buong bahay. Hindi yata ito makapaniwala na sinira niya ang boarding house nila sa isang araw lang.
“Nadaanan ba tayo ng magnanakaw, Georgie?” nag-aalalang tanong nito habang hindi pa rin naihakbang ang mga paa.
Bumuntonghininga si Georgie. Sana talaga magnanakaw lang ang dumaan. Sana talaga bagay na lang ang nanakaw. Pero… Inis niyang sinabunutan ang sarili.
“Hoy!” Dali-dali naman siyang nilapitan ng kaibigan at pinigilan siya. “Ano bang nangyayari sa’yo? Kingina! Nababaliw ka na ba?” Pinamaywangan pa siya ni Georgie at tinabihan siya sa sofa. “Ano bang nangyari?” Pinalibot nito ang paningin sa buong bahay at napailing pagkatapos.
Hindi niya sinagot si Foina at nag-iwas siya ng tingin. Sumisikip pa rin ang dibdib niya dahil sa nangyari. Bakit kasi bigla na lang dumating ang hudyong iyon at ginulo ang buhay niya? Bakit kasi nakilala pa ‘yon ng Daddy niya at pinipilit siyang pakasalan ito? Bakit? Saang lupalop ba ‘yon galing?
Hinawakan niya ang buhok na tumatabing sa kaniyang mukha at isinabit iyon sa kaniyang tainga. Mas gugustuhin na lang niya na magnanakaw ang pumasok kanina dahil baka puwede pang makausap ng matino. Hindi iyong basta-basta na lang humahalik!
Hindi niya inaasahan na magiging ganoon ang eksena. Hindi niya inaasahan na hahalikan siya ng lalaking ‘yon! At ang mas masakit, bakit tila nagustuhan niya?
Pilit siyang pinaharap ni Foina. “Hoy, ano bang nangyari? Nag-away ba kayo ni Jude kaya nagkaganito ang boarding house?”
Inis niyang tiningnan ang kaibigan nang bigla itong nagpigil ng hagikhik. Ano na naman kayang storyang tumatakbo sa utak ng kaibigan niya?
“Sorry na.” Nag-peace sign ito habang nakangiti pa rin sa kaniya. “Kasi naman, daig niyo pa ang mag-asawa kung mag-away eh.”
Tinaasan niya ito ng kilay? Bakit nito naisip na nag-away sila ni Jude? Eh hindi naman pumunta si Jude sa boarding house nila?
Teka… Oo nga pala, pinapunta niya si Jude rito sa boarding house tapos si Axel ang dumating, bulong niya.
“Hindi si Jude ang kaaway ko,” mahina niyang bulong pero narinig ng katabi niya.
Nagtataka itong tumingin sa kaniya at magkasalubong ang mga kilay. “Kung hindi si Jude? Sino? May iba bang pumunta rito?” tanong nito sa kaniya. Tumayo ito at kumuha ng isang bagay na nagkalat sa sahig bago nagwika, “Si Jude lang naman ang pinapunta ko, ah?”
“Hindi dumating si Jude.”
Mas lalong kumunot ang noo nito. “Paano? Eh nakita kong papunta si Jude rito bago ako umalis.”
“Bago ka umalis? Akala ko ba kasama mo si Roderick?”
Natigilan ito. Tumikhim pa ito bago siya sinagot, “`Yon nga, papunta pa kasi ako kay Roderick no’n, inuna ko munang puntahan ang boyfriend mo.”
Sabay silang natahimik ni Foina. Hindi niya alam kung anong tumatakbo sa isipan nito. Kung nagtataka rin ba ito tulad niya o hindi. O may ideya na ba ito kung sino ang tinutukoy niyang kaaway niya kanina nang umalis ito.
“Kung,” wika nito pero agad namang tumahimik. Lumapit ito sa kaniya at dala ang isang supot na binigay sa kaniya ni Axel. “Kung hindi si Jude ang pumunta rito kanina, eh sino?”
Nanatiling nakatingin lang sa kaniya ang kaibigan at tila hinihintay ang isasagot niya.
“At kanino galing ang paper bag na ‘to?” tukoy nito sa supot na hawak nito. Agad nitong binuksan ang supot at nanlaki ang mga mata. “Jollibee? Kanino ito galing?”
“Sa kaniya.” Tumayo siya at tinalikuran si Foina. Papunta siya sa kuwarto at napahawak sa labi niya.
Halos hindi pa rin kayang intindihin ng utak niya ang lahat. Hindi niya pa rin kayang tanggapin na hinalikan siya ni Alex dahil gusto nitong malaman kung anong lasa ng labi niya.
Kainis! Dahil lang sa gusto nitong malaman ang lasa ay basta na lang akong hahalikan! Eh kung hampasin ko kaya siya ng dos por dos dahil gusto kong malaman kung masasaktan ba siya?
“Sino nga?”
Huminga siya nang malalim at nilingon si Foina. Hawak pa rin nito ang paper bag na bigay ni Axel kaya dumako ang tingin niya roon. Muli na namang umakyat sa kaniyang ulo ang lahat ng hinanakit niya sa lalaking iyon.
Simula ng dumating ito sa buhay niya ay puro na lang pighati ang nakuha niya. Pighati dahil maiiwan niya si Jude. Pighati dahil nasampal siya ng Daddy niya dahil hindi siya pumayag na pakasalan ang lalaki. Pighati dahil halos wala siyang maayos na tulog. Pighati dahil napahiya siya kanina sa major. Pighati dahil nahalikan siya nito.
Wala talaga itong naibigay na maganda!
“Hoy! Tinatanong kita. Hindi naman siguro ito dumating ng walang nagbigay, ‘di ba? O baka…” Napahawak pa ito sa labi at nanlaki ang matang tiningnan siya. “Girl! Alam kong hindi ka binigyan ng allowance ni Tito pero huwag ka naman umabot sa ganitong punto na magnanakaw ka na lang ng pagkain. Nagsabi ka na lang sana kanina na gusto mong kumain ng Jollibee. Bibilhan naman—”
Hindi nito natapos ang litanya nito nang binatukan niya ito sa ulo.
“Aray naman! Concerned lang naman ako sa’yo eh! Mambatok ba naman!”
“Hindi ko ‘yan ninakaw. Anong akala mo sa’kin? Porque gutom na—”
“Pa-mysterious ka pa kasi. Kanino nga galing ‘to?”
Nilampasan niya ito at bumalik sa kusina. Nagkalat pa rin ang mga gamit na kinalat niya. Bunga ng galit niya kanina ay lahat ng mga bagay na mahawakan niya ay binato niya kung saan-saan. Umakyat kasi sa ulo ang lahat ng dugo niya dahil sa paghalik ng hudyong iyon!
Ayaw nga niyang pakasalan ito kahit hindi niya alam ang rason. Halik pa kaya?
Ewan ba. Kahit guwapo ang lalaki ay umiinit ang dugo niya rito. Hindi na yata siya katulad noon na kapag may makitang pogi ay kinikilig pa siya.
Matured na ‘ko eh, alangan namang kekerengkeng pa, bulong niya sabay kuha ng plato.
“Kainin na lang natin ‘yan. Hindi pa ‘ko kumakain ng tanghalian eh,” saad niya na tinutukoy ang hawak na supot ni Foina.
“Ayoko nga, baka kung kanino galing ‘yan at may lason pa,” pag-iinarte nito.
“Kay Daddy ‘yan galing. Walang lason kahit kainin mo pa agad,” pagsisinungaling niya kahit kay Axel naman talaga galing. Hindi naman siguro sila lalasunin ng lalaki.
Sa porma no’n, lalasunin sila?
Edi, si Axel na ang guwapo. Kairita!
“Kay Tito naman pala, ‘di na lang sinabi agad. Akin na nga ang plato at kakain na ‘ko.”
Tingnan mo nga naman. Pagkain lang pala ang katapat ng kaibigan niya upang tumigil sa katatanong.
Napailing na lang siya at kinuha ang cellphone na nag-vibrate. Nakita niya ang pangalan ni Jude sa screen kaya agad niyang sinagot ang tawag.
“Hello, babe?” Ngumiti pa siya na para bang nasa harapan lang niya ang lalaki.
“Babe, puntahan mo ‘ko sa bahay. Emergency!”

Book Comment (56)

  • avatar
    AbuhanAzil

    Congrats li'l sis for your new masterpiece! Keep it up! For me you are an inspiration, keep inspiring others by your wonderful stories.

    27/04/2022

      0
  • avatar
    DimasangkayHalim

    yes

    11d

      0
  • avatar
    Jess Zer Jagorin

    nice

    17d

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters