logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 2

“Dad, I’m sorry na-late ako. May tinatapos po kasi akong activity, hindi ko po namalayan ang oras.” Pilit niyang inabandona ang kaba na tumatakbo sa sistema niya.
Agad siyang humalik sa pisngi ng kaniyang Daddy. Halos mapunit na ang kaniyang labi sa kakangiti upang hindi mahalata na halos isandaan ang kabayo na tumatakbo sa puso niya ngayon. Kung sa pagsisinungaling makukuha ang lahat upang hindi siya mapagalitan ay kayang-kaya niya.
Nag-effort siyang magpabango, halos iligo na nga niya ang pabangong binigay sa kaniya ng nobyo. Natatakot siyang baka pati amoy ni Jude ay umabot sa katawan niya at maamoy iyon ng kaniyang Daddy lalo na ang Mommy niya. Grabe pa naman ang pang-amoy ng dalawa. Daig pa ang aso na on duty.
Ayaw niyang mahalata siya. Ayaw niyang malaman ng mga magulang niya na may karelasiyon na siya. Malimit pa naman nitong sabihin sa kaniya ng Daddy niya na kung maaari ay hindi muna siya pumasok sa ganoong bagay. Iba ang mga ito kung magalit, daig pa ang leon na gutom na gutom at handa nang kumagat sa kakainin nito.
“See? I told you, she has her reason, Mateo.”
Dumako ang tingin niya sa kaniyang Mommy na matamis siyang nginitian. Sa ngiti palang ay tinubuan siya ng kaba at paulit-ulit na nagpaalala ang kaniyang mga brain cells na ‘warning, warning’.
Doon lang din napansin ni Georgie na kumpleto na pala ang hapag at siya na lang talaga ang kulang, siya na lang ang hinihintay. Pilit siyang ginantihan ng matamis na ngiti ang kaniyang Mommy at lumapit siya upang humalik sa pisngi nito.
Patay, sobrang late pala talaga siya.
“Sorry I’m late, Mom.”
“Have a seat, sweetie.” Tinuro ng Mommy niya ang upuan na roon siya madalas umupo pero bago siya tuluyang nakaupo ay nakita niya ang lalaking kaharap ng kaniyang puwesto.
Natigilan siya at hindi niya agad nagawang magbaba ng tingin.
Sino kaya ang lalaking ito? Tanong niya agad sa sarili. Hindi naman siguro niya kamag-anak ang lalaki dahil imposible naman kung ngayon lang ito nagpakita sa kanila.
Imposible talaga. Dahil halos lahat ng mga kapamilya niya ay palagi silang dinadalaw — dinadalaw upang humingi sa kanila ng pera.
Gano’n naman talaga. Gano’n ang takbo ng buhay. At kung hindi nila pagbibigyan ang mga ito, sila ang magiging masama sa mga mata ng tao. Wala eh, likas talaga siguro sa mga Pilipino ang gano’n. At dahil likas, likas din ang katamaran.
“Oh! Goodness, sweetheart. Nakalimutan nating ipakilala ang ating bisita.” Mahinang tumawa ang kaniyang Mommy at nilingon siya. “By the way, sweetie.” Humawak ito sa kaniyang braso samantalang ang isa nitong kamay ay itinuro ang lalaki na hindi man lang ngumiti. “He’s the one I am talking about last time we talked, remember Mister Axel?”
Axel…
Tumango na lamang siya at umupo na. Ano pa nga bang magagawa niya? Sino bang makakalimot sa pangalan ng lalaki kung paulit-ulit na binabanggit ng ina niya ang lalaki.
“Yaya, my bag,” mahina niyang tawag sa kaniyang yaya upang kunin ang bag niya.
“So, she’s Georgie,” malamig at kaswal na tanong ni Axel sa kaniyang Daddy.
Hindi siya pumayag na masulyapan ang lalaki. Akala niya kung sinong bisita ang tinutukoy ng kaniyang Mommy kanina na makakasama nila sa hapunan. Akala niya ay mga kaibigan lang nito o kasamahan sa negosyo ng Daddy niya. Hindi kailanman sumagi sa isip niya na si Axel pala.
“Yeah, my beautiful daughter.” Humagikhik ang Mommy niya.
Hindi ko akalain na iba kung tumawa si Mommy kapag binata ang kaharap, bulong niya at sinulyapan ang Daddy niya.
Sino kaya ang lalaking ‘to? Isa sa uutang o uutangan ni Dad?
Kahit pinilit niyang huwag tingnan ang lalaki ay ang mata naman niya ang hindi nagpapigil. Nakita na lamang niyang sinusulyapan ang lalaki habang kausap nito ang kaniyang Daddy.
Ni para ngang wala siyang narinig sa pag-uusap ng dalawa. Tanging galaw lamang ng labi ni Axel ang napapansin niya. Bawat galaw ng adams apple nito ang pinagtutuunan niya ng pansin, ang bawat paglunok nito ng laway.
May lalaki pa lang ang guwapo kung lumunok, bulong niya sa sarili pero agad din siyang umiling. Goodness! Ano itong pumapasok sa utak niya?
“Let’s eat.”
“DAD, ayoko nga po. Bakit ba pati iyon ay pinapangunahan niyo?” matigas na tanong ni Georgie sa kaniyang Daddy na pati sa silid niya ay sinundan siya nito. Hinayaan talaga nitong iwanan ang kanilang bisita na nasa sala at tanging ang Mommy lang niya ang kasama para lamang ipagpilitan sa kaniya ang nais nitong mangyari.
Akala niya ay makikinig ito sa kaniya pero isang malutong at malakas na sampal ang kaniyang natamo na may kasama pang malagkit na mura.
Ramdam niya ang pagtulo ng mainit na tubig mula sa kaniyang mga mata. Umabot sa kasulok-sulokan ng kaniyang pisngi ang init bunga sa natamo niyang sampal. Pakiramdam niya’y pati ngipin niya ay natanggal sa kaniyang gilagid.
“Daddy,” humihikbi niyang tawag sa kaniyang ama.
“Hindi kita pinapangunahan. Gusto ko lang na nasa tamang kamay ka.”
“Tamang kamay?” Halos hindi niya magawang tumawa kahit gusto niyang magtunog sarcastic. “Daddy, kinabukasan ko ang pinag-uusapan natin dito. Hindi po gano’n kadali ‘yon. Bakit parang—”
“Walang patutunguhan ang pag-uusap nating ito, Georgie. Gawin mo ang gusto ko.”
“Pero, Daddy.” Huminga siya nang malalim kasabay ng pagtulo ng kaniyang luha. “Lahat naman po ng gusto niyo sinusunod ko, diba? Wala naman po siguro akong sinuway. Pero ngayon po, hindi ko kayang sundin ang gusto niyo. Hindi ko kayang pakasalan si Axel dahil lang sa inutos niyo sa akin ‘yon. Dad, buhay ko po ang kapalit sa gusto niyo. Hahayaan niyo bang magdusa ako? May mahal po akong—”
“At sinong mahal mo?” tanong ng Daddy niya at sinamahan ng pagtawa. “Iyong Jude Mendoza na bokalista? Nagpapatawa ka ba?”
Mas lalong kumunot ang noo niya. Paano nalaman ng Daddy niya ang tungkol kay Jude? Naging maingat naman siya at bago pa nga lang sila ng nobyo. Bakit nalaman ito agad ng Daddy niya?
Nangako rin naman si Foina na hindi nito sasabihin kahit kanino na may relasiyon siya kay Jude. Imposible!
“Hindi ka magaling magtago dahil magaling pa rin ako.” Tumawa ang Daddy niya na bumalot sa buong silid.
Pinilit niyang tumayo kahit nilulukob siya ng takot. Iba ang Daddy niya, hindi ito pumapayag na hindi niya gagawin ang nais nito. Hindi ito papayag kahit anong mangyari.
“Dad, please.”
“What, honey? Pumapayag ka na?”
Kinagat niya ang ibabang labi. Hindi! Hindi siya papayag. Hindi niya kilala ang lalaking iyon. Ni ngayon pa nga lang niya nakita iyon eh, tapos sasabihin ng Daddy niya na kailangan niyang pakasalan si Axel.
“Kahit ngayon lang, Dad, payagan niyo ako sa gusto ko. Ayoko pong—”
“I will give you ten days.” Tinalikuran siya ng Daddy niya at iniwan siyang sawi.
***
“Georgie Salcedo! Are you with us?”
Nabitawan niya ang hawak niyang bobbin case upang sana ay ilalagay niya sa loob ng makina nang masimulan na ang activity nila sa major. Iyon na yata ang tanong na nagpagulo sa kaniya sa araw na ito. Napayuko siya at hindi alam kung anong dapat na gawin at anong unang gagawin. Kung lilingon ba siya sa instructor niya o kukunin ang nabitawang bobbin case.
Pinili niya ang una. Lumingon siya sa instructor niya na nasa likuran at hindi pinansin ang mga tingin ng kaniyang kaklase sa major. Halos lahat ay nagtataka sa inaakto niya at ang iba ay nagtatanong ang mga mata. Kinagat na lang niya ang pang-ibabang labi at pinilit na huwag umiyak kahit gustong-gusto nang lumabas ng kaniyang mga luha.
Punong-puno ang utak niya. Punong-puno ng mga katanungan na wala siyang makuha kahit isang kasagutan. Punong-puno ng pagkabanas na nadarama at kahit anong pilit niya ay hindi niya talaga maintindihan. Halos hindi nga niya napansin ang mabilis na pagtakbo ng oras at Lunes na pala. Na kailangan na pala niyang bumyahe upang makahabol sa first class niya ngayon.
Hindi talaga nagpapigil ang kaniyang Daddy, sabagay, kailan ba niya napigil ito? Buo na talaga ang desisyon nito na pahirapan siya at bigyan lamang ng sampung araw upang makapag-isip. Sampung araw upang makapagdesisyon para sa kinabukasan niya. Sampung araw lang kapalit ng kaniyang buong buhay. Hindi siya robot at ang hirap ng pinapagawa nito. Hindi sapat ang sampung araw!
“Miss Salcedo,” tawag muli ng kaniyang instructor. “Are you okay?”
Wala siyang ibang ginawa maliban sa tumango kahit ang nais niyang gawin ay ang umiling. Hindi siya okay! Sinong tangang magiging okay sa gitna ng lahat ng paghihirap niya? Alam naman niyang kung iiling siya ay dadami lang ang ibabatong tanong nito at magiging hot seat lang siya. Ang dapat niyang gawin sa ngayon ay sarilinin lang muna ang problema, tutal may natitira pa siyang pitong araw.
Ngunit ang hindi lang niya alam ay kaya na niya kayang makapagdesisyon kapag dumating na ang araw na iyon?
Alam niya sa sariling ayaw niya. Maliban doon sa hindi niya ito kilala ay tila nahuhulog na rin siya kay Jude. Hindi naman talaga ito masama base sa pagkilala niya rito kahit ilang araw pa lamang sila. Mabait ang lalaki at mahirap itong iwanan kung sakaling pipiliin niya ang Axel na iyon.
Pero bakit niya pipiliin si Axel? Ni para nga itong kabute na bigla na lamang sumulpot sa buhay niya? At ang mas malala, gusto pa ng Daddy niya na pakasalan niya! What a joke!
“Okay, if you say so. Then continue,” bulong ng instructor niya at ito ang naging hudyat sa kaniya upang pulutin ang nahulog na bobbin case at ilagay na ito sa kung saan dapat ito ilagay sa loob ng makinang pantahi.
Gaya ng sinabi ng guro niya. ‘Continue’. Tama, dapat siyang magpatuloy.
“ANO? Alam na ni Tito ang relasiyon niyo ni Jude?” Muli na naman siyang napatakip sa tainga niya. “Eh, paano ‘yan ngayon?”
Naisip niyang dapat niyang sabihan si Foina. Baka bigla na lang siyang pumutok kung sasarilinin lang niya ang lahat. Hindi niya kaya, dapat ay may mapagsabihan siya at tanging si Foina lang ang malalapitan niya.
“Hindi ko nga alam eh. Naguguluhan ako.” Napayuko na lang siya at hinilot ang sintido. Hindi niya talaga alam kung anong dapat niyang gawin.
“Wait, kuha lang kita ng tubig.”
Tumayo si Foina upang ikuha siya ng tubig. Sumandig siya sa sofa upang magpahinga. Kailangan niyang ipahinga ang utak niya. Halos naubos ang buong umaga niya kaiisip kung anong dapat na gawin. Mabuti na lang talaga at hindi niya kaklase si Jude sa major dahil kung nagkataon baka pati ito ay makaalam na parang wala siya sa sarili kanina.
“Bumili na pala ako ng ulam natin kanina. Gusto mo na bang kumain? Ipaghahanda kita.”
“Bakit ako lang? Ikaw? Hindi ka kakain?” takang tanong niya sa kaibigan.
“Hindi ako kakain dito,” sagot nito at napakamot pa ito sa leeg. “Nag-aya kasi si Roderick eh.”
Napanguso siya. “Roderick na naman?” Nagkibit-balikat siya at umiwas ng tingin kay Foina. “Pinapaalala ko lang iyang pinapasok mo, Foina. Hindi mo pa kilala ang lalaking iyan. Alam mo na kahit sa major natin ay hindi maganda ang baho niya. Bakit mo ba gustong-gusto na pasukin ang mundo ng lalaking iyan?”
“Pag-aawayan ba natin ‘to?”
“Hindi sa gano’n, nagpapaalala lang naman ako. Baka kasi nakakali—”
“Hindi ko ‘yon nakakalimutan. Don’t worry about me. Ang dapat mong alalahanin kung paano mo lulusutan ang problema mo.” Muling tumayo si Foina at pumasok sa kusina. “Kasi alam kong mahihirapan ka. At isa pa, matanda na ‘ko, halos alam ko na ang mga pasikot-sikot.”
Sabagay, mas marami ng alam ang kaibigan niya kung pakikipagrelasyon ang pag-uusapan. Hindi na nga siguro nito kayang bilangin ang mga lalaking dumaan sa buhay nito. Maaga kasi nitong pinasok ang mundo na hindi niya kayang galawan noon.
“Sige, sabagay.” Hindi na siya muling nagsalita pa hanggang sa bumalik na ang kaibigan niya at dala na ang pagkain niya.
“Hindi ka naman siguro allergy sa hipon, ‘no? Nakalimutan ko na kasi. Parang hindi pa naman natin ito nasubukan,” nag-aalalang tanong nito sa kaniya matapos ilapag sa mesa ang pagkain niya.
“Hipon?”
Tumango ito. “May allergy ka ba sa hipon?” Muli itong napakamot sa ulo nang tumango siya. “Nako, paano ‘yan? Hipon lang kasi ang nabili ko kanina kasi akala ko ayos lang sa’yo.”
“It’s okay. Ako na lang ang bibili.” Tumayo na siya pagkatapos makuha ang wallet niya sa bag. “Maghanda ka na lang sa lakad mo.”
“Ay hindi, ganito na lang. Tatawagan ko na lang si Jude upang bilhan ka ng pagkain. Sasabihan ko na rin ang landlady na papasukin ang boyfriend mo,” bawi nito agad.
“Hindi nagpapapasok ni Manang ng lalaki. Nakalimutan mo na ba?”
“Papayag ‘yon, akong bahala. At isa pa, you need to talk to him tungkol sa sitwasiyon niyo. Pahirapan mo rin ang nobyo mo, puro na lang ‘yon lakwatsa.”
“Nagsalita ang makikipagkita sa playboy.” Inikutan niya ito ng mata. “Medyo matino na si Jude ngayon.”
“Edi wow.” Pinulot ni Foina ang susi sa kuwarto nito at hindi na nag-abalang magbihis. Lumabas na agad ito sa boarding house nila. “Tatawagan ko na si Jude. Anong ulam ang gusto mo?”
Humiga siya sa sofa at muling pumikit. Hihintayin na lang niya si Jude gaya ng sinabi ni Foina. Ito yata ang unang beses na pupuntahan siya ng nobyo sa boarding house niya. Sobrang higpit kasi ng landlady nila na kahit siguro anino ng lalaki ay bawal papasukin. Pero ewan kung anong gagawin ng kaibigan niya upang mapapayag ang strikta nilang landlady.
Hindi rin naman nagtagal ay narinig niyang bumukas ang pinto ng boarding house. Siguro si Jude na iyon. Hindi siya nag-abalang magdilat upang tingnan kung sino ang pumasok. Alam naman niyang si Jude iyon dahil ito naman ang tinawagan ng kaibigan niya.
Hinihila na rin naman siya ng antok kaya hindi na niya nagawang magdilat. Bunga rin siguro sa halos wala siyang matinong tulog kakaisip kung anong ang dapat niyang gawin. Nahihirapan talaga siya at damay pati ang pagtulog niya.
“Is that how you welcome your visitor, young lady?”

Book Comment (56)

  • avatar
    AbuhanAzil

    Congrats li'l sis for your new masterpiece! Keep it up! For me you are an inspiration, keep inspiring others by your wonderful stories.

    27/04/2022

      0
  • avatar
    DimasangkayHalim

    yes

    10d

      0
  • avatar
    Jess Zer Jagorin

    nice

    17d

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters