logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 5- All the Firsts (Part 1)

"I knew I loved you before I met you
I think I dreamed you into my life
I knew I loved you before I met you
I have been waiting all my life"
―Savage Garden
Desiree’s POV
Eight years earlier...
Kakahinto ko lamang sa tapat ng bahay nina Lolit. Hindi ko pa nga nata-turn off ang makina ng motorbike na sandaling inarbor ko sa kapatid kong si Dylan nang may biglang bumundol sa likuran ng motorbike ko. Mahina lang naman iyon ngunit dahil sa hindi ko inaasahan na-out of balance ako. Bumagsak ang motorbike na kasama ako. Napamura tuloy ako.
Siyete...sino ba namang hudyong malabo ang mata ang bumundol sa'kin. Mabuti na lang at nakahinto na ako dahil kung hindi ay malamang sa sementeryo ang bagsak ko.
Agad ko namang natanaw na bumaba ng kotse ang driver. Hmp! Mabuti naman at bumaba agad siya dahil kung hindi ay talagang babalibagin ko ang kotse niya.
"Pre, okay ka lang ba? Sorry ha! Di kita napansin e. Pasensiya na talaga," saad nitong bakas naman ang pag-aalala sa tinig.
Humakbang palapit sa'kin ang lalaki at akmang tutulungan akong bumangon ngunit mabilis na akong nakatayo. Palibhasa nga bahagya lang naman ang pagkakatama ng kotse nito at na-caught off guard lang ako. Hindi ko lang talaga na-appreciate nang tawagin niya akong pre. Lalaki pala ang tingin sa'kin ng driver na ito. Bigla tuloy akong nawalan ng ganang sagutin ang tanong nito. Talaga sanang sasabihin kong ayos lamang ako e. Kaso lang nang marinig ko ang pre ay nagbago na ang isip ko. Kairita.
Sa get-up mo ba naman kasi na iyan, sino ang mag-iisip na girl ka?
Well, sobrang hahangaan ko ang taong malalaman na girl ako sa kabila ng mga kasuotan ko. Maong pants, fitted tshirt inside a cotton jacket, rubber shoes and helmet ang get-up ko.
Wala akong anumang identity problem okay. Type ko lang talaga ang mga ganitong outfit. Mas mabilis kasing isuot kaysa dress. I didn't have to spend hours staring at the mirror trying to find out if the dress suits me.
Basta isasalpak ko lang ang katawan ko, ayos na. At saka naka-motorbike ako, dapat lamang ganoon ang outfit ko. Kung hindi naman kasi ako mag-mo-motor, e baka pasko na ako makarating kina Lolit kahit na Marso pa lang ngayon. Malamang magsolian na talaga kami ng kandila ng bestfriend ko. Missing her debut would be the greatest sin I could ever commit.
Pagkatayong-pagkatayo ko ay agad kong tinanggal ang suot kong helmet. Bumagsak ang makapal, mahaba, at alon-alon kong buhok na kase-set lang. Sabay lingon sa lalaking malabo ang matang may-ari ng kotse.
I couldn't tell who was more astonished between the two of us. Makailang kurap ang ginawa ko upang masigurong ang nakikita ko ay hindi epekto lamang ng pagkabagsak ko. Sigurado naman akong hindi ako nasaktan at hindi rin naman nauntog ang ulo ko. Pero bakit mala-anghel sa kaguwapuhan ang lalaking nasa harap ko? Parang gusto kong itanong kong nasa langit na ba ako.
Halatang-halata naman ang panlalaki ng mga mata ng lalaki sanhi ng matinding pagkagulat. Sobrang tangkad niya gosh! Halos dibdib lamang ang naaabot ng paningin ko. Sa height kong five feet and two inches, kinailangan kong tumingala nang husto upang mamasdan ang mukha niya. Nang makarating ang mga mata ko sa mukha niya ay na-mesmerized naman ako. Mabuti na nga lang hindi bumuka ang panga ko. Kung hindi ay malamang isipin nitong panga ko ang tumama sa lupa kaya lumuwag haha!
Manipis na mga labi, matangos na ilong at "smiling eyes" sa ilalim ng mahahabang pilik na very rare sa mga lalaki. Tila nadikit ng glue ang mga mata ko sa kanya. Kinabog pa nang todo ang dibdib ko sapagkat matamang nakatingin din siya sa'kin. Bahagya pa ngang naka-awang ang bibig niya. Kung hindi lang in-appropriate sa mga oras na iyon, talagang hahagalpak ako ng tawa e. Katawa kaya hitsura.
"I...I'm sorry. I…I just thought you are..."
Hindi malaman kung ano ang sasabihin nito.
Buti nga sa'yo. Tawagin mo ba naman akong pre, e.
"Okay ka lang ba? Hindi ka ba nasaktan?"ang magkasunod na tanong nito. Ang magandang tinig nito ay puno ng pag-aalala. Bagaman naiinis ako ay agad naman nawala dahil sa ipinakita nitong concern.
"Okay lang ako," saad ko habang itinutulak ang motorbike sa loob ng gate upang igarahe sa gilid ng bahay nina Lolit.
"Sigurado kang okay ka lang?" muli kong narinig ang tinig ng pagkaguwapo-guwapong lalaki. Ang sarap lang sa tainga ng tinig niya.
"Promise," sabi kong walang kalingon-lingon. Tila kasi binabayo ang dibdib ko sa tuwing titingin sa mga mata niya. Bitbit ang plastic bag ng dala kong gown ay dumeretso na ako sa kusina nina Lolit. Doon ako dadaan. Baka kasi makita ako ng bestfriend ko sa get-up kong ito e himatayin pa. I have fifteen minutes to prepare myself for the occasion.
***
Tampulan ako ng tukso ng buong barkada sapagkat noon lamang nila ako nakitang naka-gown. Spaghetti-strap at aqua blue ang gown ko. Natatakpan naman ng mahabang wavy hair ko ang hubad kong mga balikat kaya hindi naman ako masyadong nailang.
Normally kasi, hindi nila ako mapapasuot ng damit na litaw ang kalahati ng kaluluwa ko pero dahil sa eighteenth birthday nga ng bestfriend ko ngayon kailangan kong kapalan ang mukha ko.
"Para ma-turn off ang mga boys," sagot ni Lolit sa tanong ng boyfriend nitong si Jerico sa kung bakit ayaw ko ng mga dress.
Naka-gown naman ang bestfriend ko ng light pink, chignon style ang mahaba rin nitong buhok. Usapan naming magkaibigan na walang magpapaputol ng buhok hangga't hindi nag-aasawa. Hindi maikakailang siya ang birthday celebrant sapagkat kami lahat ay aqua blue at siya lamang ang light pink.
"Hoy, hindi ko alam 'yang sinasabi mo, Lolit ha," nakasimangot kong sabi. Lalo lang namang pinagbuti ng mga ito ang panunukso sa'kin. Iyon kasi talaga ang libangan nila, ang asarin ako.
"Bakit nga ba hanggang ngayon ay walang magkalakas ng loob na manligaw sa'yo, Desiree. Balita ko naman maraming may crush sa'yo?" mukhang seryoso si Jerico.
"Kasi nga alam nilang maba-basted silang lahat dahil nire-reserve ni Desiree ang sarili niya para kay Mr. Scholarly. Type ni Desiree iyong mga lalaking matatalino kagaya ni Mr...aray!" Hinampas ko si Lolit ng hawak kong pamaypay.
"Lolit," sambit kong nanlalaki ang mga mata. Baka kasi madulas ang dila niya at kung ano pa ang masabi. Alam niya ang pinakasesekreto ko. Ang matinding pagka-crush ko kay Mr. Bernardino. Iyong Commandant namin sa CAT noong high school kami. As in patay na patay kasi ako sa teacher namin na iyon. Kaya nga kahit nasa college na kami ngayon ay panay pa rin ang pagdalaw namin sa high school campus para lamang masilayan ko si Mr. Bernardino. Syempre ay si Lolit lamang ang nakakaalam niyon.
Kapag nalaman iyon ng buong barkada, patay talaga ako. Hindi ako tatantanan ng mga ito. At malamang makarating pa mismo iyon kay Mr. Bernardino. Ano na lang mukhang ihaharap ko doon.
"Nakupo! Paano na'yan? Wala na agad pag-asa si Adrin," ani Jerico. Sinundan iyon ng tawanan ng lahat. Si Adrin ay bestfriend ni Jerico na balitang may crush daw sa’kin. Ito naman ang hinarap ng grupo at hindi tinantanan ng kakatukso hanggang sa mamula na nga pati ilong nito. Lakas talaga ng mga sapak sa utak. Kung hindi lang sa bestfriend ko, lalayasan ko na talaga ang mga ito eh.
"Excuse me." bilis ng paglingon ko sa pinanggalingan ng tinig na iyon na parang narinig ko na.
"James, bakit ngayon ka lang?" tanong nang agad tumayong si Lolit.
"Actually, kanina pa ako. Nakipagkuwentuhan lang muna ko kay Ninang Marita. Happy birthday ha! Dalagang-dalaga na ang kinakapatid ko," anitong ngiting-ngiti kay Lolit.
Iniabot nito kay Lolit ang dala-dalang regalo na hindi ko masyadong napansin. Shock na napako na kasi ang mga mata ko sa mukha niya. Sino ba naman ang hindi magugulat at matutulala? Ang lalaking tinawag ni Lolit na James ay walang iba kung hindi ang driver ng kotse na bumundol sa motorbike ko kanina.
"Thank you," ani Lolit pagkaabot sa regalo."Siyanga pala, James, these are my friends," isa-isa kaming ipinakilala ni Lolit dito. "Si Jerico, si Adrin, si Obet at ang bestfriend ko si Desiree. Mga friendships, ito naman ang pinakapogi kong kinakapatid, si James."
"Hello sa inyo," anang lalaki na may mala-anghel na mukha, na ang pangalan pala ay James. Pati pangalan niya ang guwapo. Siyete.
Tiyak kong para sa aming lahat ang hello niyang iyon pero bakit naman kung makatitig ito sa’kin ay tila tinubuan ako ng pangalawang mukha? Kunsabagay tiyak na natandaan niya ‘ko.
"Hi," halos sabay-sabay na sagot ng barkada. Ako naman parang namatandang nakatitig dito. Ewan ko ba naman. Para kasing may magnet ang mga mata niya e. Hindi ko mabawi ang tingin ko.
"Hindi mo nababanggit na meron ka palang magandang bestfriend Lits," anito.
Nakagat ng pusa ang dila ko ng mga oras na iyon. I couldn't utter a single word. Then I felt my cheeks burning. Siyete.
"Ngayon lang 'yan maganda. Mamaya pogi na 'yan," pang-aasar ni Obet na sinundan ng malakas na tawanan ng grupo. Nilingon ko ito saka inirapan. Kairita lang.
“Bakit parang namumula ka, Desiree?” Dinagdagan pa talaga ni Jerico.
"Huwag mong tatalunin 'yan, James. Bestfriend ko 'yan. Lagot ka sa'kin,"si Lolit iyon.
Muli iyong sinundan ng malakas na tawanan ng grupo.
Ngiti ang sagot ni James sa pang-aasar ng barkada. And omg! The cutest smile I've ever laid eyes on. And his eyes were smiling, too. Parang biglang may naglaro ng basketball sa dibdib ko at pinag-dribble nang matagal ang bola.
Mabuti na lamang at ilang saglit pa ay narinig ko na ang boses ni Adrin na siyang emcee sa napaka-espesyal na araw na iyon sa buhay ng aking bestfriend. Nasa pagho-host talaga ang talent ni Adrin kaya naman nagprisinta itong mag-emcee. Iyon daw ang regalo niya kay Lolit. Sobra namang ikinatuwa iyon ng bestfriend ko. Nagsisimula na ang programa kaya naman pumunta na sa kanya-kanyang lugar ang bawat isa.
"Maiwan ko muna kayo," ani James na sinabayan ulit ng ngiti. Pumunta ito sa grupo ng mga magulang ni Lolit. Muntik na akong himatayin sa ngiti nito.
***
Oras ng kainan, doon pa talaga sa mesang katabi ng grupo namin pumuwesto si James kasama si Kuya Efren, ang kuya ni Lolit. Nadikit na naman tuloy ang mata ko mukha niya. Guwapo talaga siya at ang best feature niya ay mga matang tila palagi nang nakangiti. Ang mukha niya ay iyong tipong kahit titigan mo nang matagal ay hindi mo pagsasawaan. Idagdag pa ang taas niya na abot yata ng anim na talampakan.
"I think the feeling is mutual," ani Lolit sa tabi ko.
"What?" gulat na bulalas ko.
"Ang sabi ko, palagay ko ay pareho kayo ng nararamdaman. Crush ka rin niya."
"Anong crush ?Ano ka ba bestfriend? Kung ano-ano'ng sinasabi mo. Wala akong crush sa kanya no!" ang napapahiyang tanggi ko.
"Naku, in denial pa. Halatang-halata naman. Kanina ka pa kaya nakatitig sa kanya. Ni hindi mo nga ako napapansin. Kanina pa kaya ako nakaupo dito."
"Sorry naman. May iniisip lang ako."
"Oo nga. May iniisip ka nga. At tulad ng sinabi ko the feeling is mutual dahil iniisip ka rin niya."
Tumawa na lang ako nang malakas para naman hindi halatang napahiya ako."At paano mo namang nalaman kung sino ang tinutukoy ko? Ang OA nito!"
"Nakasulat kaya sa mata mo ang pangalang James."
"Shh, wag kang maingay. Baka may makarinig sa’yo. G... Ganoon ba ka-obvious, bestfriend?”
"Don't worry, bukod sa'kin, isa lang ang nakakahalata. Dahil kanina pa rin siya nakatingin dito.”
Siyete. Mas mabilis pa yata sa kidlat ang naging paglingon ko sa gawi ng mesa kung saan nakaupo ang kinakapatid nito. At tulad nga ng sinabi ni Lolit, nakatingin ito sa gawi namin. Agad kong binawi ang tingin ko.
Kinawayan ito ni Lolit. Gumanti rin naman ito ng kaway. Bigla akong kinabahan sa sinabi Lolit. Totoo nga kayang nahalata niyon na kanina pa siya sinusundan ng mga mata ko? Nag-iinit ang mukhang napayuko ako upang maiwasang muling mapasulyap dito.
"Paano ka namang nakasisiguro na ako nga ang tinitingnan niya? Puwede namang ikaw."
"Hello, Des. Kung sa'kin siya interesado e bakit umalis pa siya doon sa grupo namin. Kunwari pa ay interesado siyang makakuwentuhan ang kuya ko. Asus... e, kanina pa sila magkakuwentuhan noon. Kaya siya lumipat diyan ay dahil sa mas malapit ‘yan dito sa inyo. Isa pa, kanina pa siya tanong nang tanong tungkol sa'yo. Ayaw nga akong tantanan kanina e."
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabing iyon ni Lolit. Hindi ako makapaniwala na magkaka-interes sa'kin ang sobrang guwapong kinakapatid nito.
"Ang masasabi ko lang bestfriend, ingat, ingat ka sa kanya. Kahit kinakapatid ko siya lagot talaga siya sa'kin. Alalahanin mong taga-Maynila siya. At alam ko ang mga tipo mo, iyong mga sweet, honest, faithful, one woman man. Iyong mga tipong pang-forever. Si James, sanay 'yan sa mga babaeng pang-one night stand. Hindi ko siya sinisiraan ha. Ikaw ang bestfriend ko kaya pag nasaktan ka malalagot talaga sa'kin 'yon."
Natawa naman ako sa litanya ni Lolit. Syempre alam ko naman na nasa akin ang loyalty niya. Magbestfriend kaya kami simula high school. "Ang drama nito. Wala pa naman eh, gusto mo nang giyerahin ang kinakapatid mo. Pero salamat ha. Alam mo namang palagi akong nagpapasalamat dahil ikaw ang one and only bestfriend ko," nakangiting saad ko.
"Uy kayong dalawa bakit bulungan kayo nang bulungan diyan. Ang alam ko debut party ito, hindi despedida party. Bakit parang nagpapaalaman na kayong dalawa?" si Jerico iyon. Pinagtulungan namin itong hampasin ng pamaypay. Sa kakailag nahulog ito sa mula kinauupuan. Napuno ng tawanan ang mesa namin.
*****

Book Comment (29)

  • avatar
    QuintosKyla

    sobrang gandaaa.

    15/12

      0
  • avatar
    AcobaKenneth

    oky

    09/06/2023

      0
  • avatar
    Retchan Capangpangan

    ❤️❤️❤️

    28/05/2023

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters