logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

CHAPTER 1: LET GO

"Ate!" masiglang salubong ng kapatid kong bunso pagdating ko sa bahay.
"Hello Sonson. Kumusta schooling mo?" tanong ko at ginulo ang kanyang buhok.
"Binigyan ako ni teacher ng stars!" buong pagmamalaki niyang ipinakita sa akin ang mga tatak niyang stars sa braso.
"Wow! Ang galing naman ng baby ni ate. Pa-kiss nga ako," hila ko sa kanya at pinupog naman siya ng halik sa kanyang pisngi.
"Iw, Ate. Tama na. Big boy na 'ko eh," layo niya at pinunasan ng manggas ang kanyang pisngi.
"Arte mo. Oh, pasalubong," abot ko sa kanya ng burger na tuwang - tuwa namang niyang kinuha.
"Buti naman nandito ka na."
Agad akong napalingon sa pinanggalingan ng boses. Mukhang bad mood si Mama. Ano kayang nangyari?
"Ma, may problema po ba?" tanong ko at akmang magmamano pero agad niya ring inilayo ang kamay niya.
"Magbihis ka na. May pag-uusapan tayo. Pierson, mamaya mo na kainin ang pasalubong ng ate mo pagkatapos kumain. Pumunta ka muna sa papa."
Agad naman sumunod ang kapatid ko at naglaho na sa paningin namin.
"Ma—"
"Hindi ka daw pumasok sabi ng propesor mo," malamig niyang pahayag at pinagkrus ang kanyang mga braso. Agad akong napalunok ng laway at yumuko.
"Sorry po, Ma," bulong ko.
"Saan ka nagpunta?" tanong niya. Alam kong alam na niya kung saan ako nagpunta base sa tono ng pananalita niya. Mukhang hinihintay niya lang na ako ang magsabi.
"Ma... Nag—" huminga muna ako ng malalim bago ko itinuloy ang sasabihin ko. "Nag audition po ako sa talent camp—"
Isang malakas na sampal ang natanggap ko mula kay Mama. Wala akong nagawa kundi hawakan ang pisngi kong tila ay inaapuyan sa lakas ng pagkakasampal ni Mama. Kagat ang labi ay tahimik kong pinipigilan ang paghikbi ko.
"Hindi ka ba nadadala? Ilang beses ko ba sasabihin sa'yo? Hindi ka para sa mundong 'yan!" sigaw niya at sinimulan akong paluin ng tambo. Agad akong napasigaw nang lumapat ang hawakan ng tambo sab inti ko.
"Ma! Tama na 'yan!" sigaw ni Kuya Janus na kagagaling lang sa trabaho. Pilit niyang inaagaw kay Mama ang tambo pero maging siya ay hinahambalos ni Mama. Napahagulhol na lang ako. Akala ko sa pagdaan ng panahon, masasanay at masasanay na ako sa ganitong eksena sa buhay ko. Mali pala; kahit kailan pala, hindi masasanay ang puso mo sa sakit. Liban na lang siguro kung tuluyan nang mamatay ang pangarap mo, ang pagmamahal mo sa pangarap mo.
'Ma, dito ako masaya. Ito ang gusto ko. Kailan mo ba ako maiintindihan?' ito ang gusto kong sabihin sa kanya, pero hindi ko magawa.
"Mama... tama na po..." hagulhol ko.
"Mama, mama! Pinipilit ka naming igapang sa pag-aaral tapos hindi ka papasok! Akala mo ba nagtatae kami ng papa mo ng pera?! Hindi ko na alam ang gagawin ko sa'yo!" sigaw niya at muli akong hinampas ng tambo.
"Ma, tama na, tama na!" sigaw ni Kuya Janus at humarang na sa pagitan namin.
"Umalis ka diyan, Janus!" sigaw ni Mama at hinambalos si Kuya Janus.
"Mama sorry po. Hindi na mauulit. Hindi na po," pagmamakaawa ko.
"Hindi ko na alam kung maniniwala pa ako sa'yo, anak!" sigaw niya at naiyak na nga ng tuluyan. Lalo akong napahagulhol nang makita siyang umiiyak. "Ilang ulit mo nang sinira 'yang pangakong 'yan, Jayda. Nasasaktan ako sa tuwing ginagawa mo 'yon."
'Ako din naman ma, nasasaktan din ako.'
"Mama tama na 'yan. Nasasaktan na si Jayda. Tama na 'yan. Halika na kumain na lang tayo," malumanay na awat ni Papa kay Mama at kinuha ang tambo.
"Kaya lumaking ganyan ang anak mo! Napakakunsintidor mo!"
Padabog na umakyat sa kwarto si mama. Bago sumunod si Papa sa taas ay binato muna niya 'ko nang naaawang tingin at nginitian na para bang sinasabi niya na magiging ayos lang ang lahat.
Ako nama'y nasa sulok, nakaupo at yakap ang mga tuhod. Naramdaman ko na lang ang maliliit na kamay ni Sonson sa pisngi ko. Napansin ko naman na nagpipigil rin siya ng iyak.
"Ate, huwag ka na umiyak... sa'yo na lang 'tong burger mo, oh," alok niya sa'kin ng burger at bigla na lang din tumakbo palapit kay Kuya Janus at sa kanya umiyak.
"Sonson, kain ka muna. Baka paluin ka rin ni Mama, iniwan mo 'yong pagkain mo doon. Go," malumanay na utos ni Kuya. Bago umalis ay nilapitan ako muli ni Sonson.
"Ate kakain muna ako dun ah. Baka paluin ako ni Mama e. Basta huwag nang iiyak ha. Magagalit ako," pinahid niya ang luha ko at suminghot bago nagtatakbo papunta sa kusina.
Nang makaalis si Pierson ay natahimik na nga ang lugar. Tanging ang paghinga ko lang at sinok ang naririnig.
"Sorry, Kuya, nadamay ka pa," paghingi ko ng paumanhin at suminghot.
"Jayda kailan ka titigil?"
Tiningala ko si Kuya na ngayon ay nakaluhod na sa harap ko. Bakas sa mukha niya ang lungkot at awa sa'kin.
"Kuya. Pati ba naman ikaw? Akala ko ba suportado mo ako sa mga gusto ko?" tanong ko.
"No, you're not understanding me. Ang ibig kong sabihin— argh!" inis niyang sinabunutan ang sarili niya at umupo na lang sa tabi ko. "Sorry. I'm not really good with words," bulong niya at bumuntung-hininga. "How do I explain it? Suportado naman kita sa pangarap mo eh. But this? Jayda paulit-ulit na lang kasi. Nag-aaway kayo ni mama kasi nag - audition ka na naman sa mga talent search na hindi mo naman ipinapasa. Hindi ka ba napapagod o nagsasawa? Napapagod na rin ako na pinagtatawanan ka ng ibang tao at hinahamak dahil sa samu't saring auditions mo na kahit isa wala ka namang pinasa."
Magsasalita na sana ako pero muli siyang nagsalita.
"Hindi ko sinasabi 'to dahil naiinggit ako or what. Kuya mo kasi ako," pagpapatuloy niya. Napansin ko naman ang pangingilid ng luha niya. "Kahit hindi mo sabihin, alam kong nasasaktan ka sa naririnig mo mula sa ibang mga tao. Isa pa, kagaya ng sinasabi ko, ayoko na kasing magkasakitan kayo ni Mama. Ang sakit din kaya sa part ko na nakikita kayong ganoon. Ito ba 'yong gusto mong environment na kalakihan ni Sonson?"
Nakagat ko ang labi ko. May tiwala si Kuya sa kakayahan ko kaya naman alam kong pinag-isipan niya nang mabuti ang mga sinasabi niya. Gusto niya lang ako mapabuti. Hinarap niya 'ko sa kanya, madilim ang mukha niya at para bang hirap na hirap siyang magsalita.
"Ever since na nag-13 ka, palagi ninyo nang pinag-aawayan 'yan ni Mama. 20 ka na, baka naman pwedeng sukuan mo na. Kahit para lang kay Mama. Maniwala ka, gusto niya lang na mapabuti ka," bulong niya.
Hindi na ako kumain. Nawalan na ako ng gana pagkatapos ng mga nangyari. Dumiretso ako sa kwarto ko at humiga. Bakit nga kaya? Bakit all this time, hinahabol ko pa rin 'yong pangarap ko na ayaw naman yata magpahuli. Sabi nila, matatapang lang ang humahabol sa pangarap ang nakakakuha sa kanya. All these years, hindi pa ba katapangan ang tawag dito? Bakit ganito pa rin ang resulta? Paulit-ulit na lang. Sinasabi na ng isip ko na bitawan ko na pero ang puso ko? Heto, nagpapakatanga pa rin. Totoo nga rin kaya na mahirap makilala ang katapangan sa katangahan?
"Jayda, anak? Pwede ba ako pumasok?" katok ng aking ama.
"Opo, Pa. Pasok ka."
Agad na lumapit sa kama ko si Papa nang makapasok ako at niyakap ako. Naramdaman ko rin na hinalikan niya ang gilid ng noo ko.
"Kumusta naman ang dalaga ko?" tanong niya na agad naman nagpaiyak sa'kin.
"Hindi... Hindi ako okay, Papa. Hindi ako okay," hikbi ko.
"Bakit? Sabihin mo kay papa."
"Papa bakit ganun si Mama? Bakit ayaw niya 'ko suportahan sa gusto ko? Ginagawa ko naman lahat 'di ba. Hindi ba sapat 'yon? Kulang pa ba? Gagalingan ko pa. Gusto ko lang naman maging masaya siya sa gusto ko. Gusto ko lang naman na... Na maramdamang proud si Mama. Puro na lang kasi si Kuya at Sonson. Paano naman ako? Hindi niya ba ako mahal? Ikaw ba Papa? Bakit ayaw mo rin ako suportahan? Bakit 'yong ibang mga magulang, okay naman sa kanila. Masaya pa nga sila na kapag nagiging artista 'yong mga anak nila. Bakit pilit ninyo 'ko nilalayo dito? Hindi ninyo ba ako mahal?"
Humiwalay ako para matingnan si Papa. May kislap ang mata niya at malungkot ang boses.
"Hindi totoo 'yan. Mahal ka namin. Mahal na mahal ka namin kaya nga ginagawa namin 'to. At alam mo ba, sobrang proud sa'yo si Mama mo. Hindi niya 'yon naipapakita sa'yo pero alam ko, siya ang pinaka-proud. Ikaw lang naman kasi 'yong nakamana sa talents ng mama mo e hahaha!" tawa niya pero agad din naman natigil. "Sa tuwing umiiyak ka kapag natatalo ka sa contests, siya 'yong pinaka-nasasaktan. Hindi niya lang pinapakita kasi alam niyang sa kanya ka pa rin huhugot ng lakas. Jayda anak... Pinoprotektahan ka lang namin. Unawain mo lang sana kami."
"Hindi kita maintindihan Papa..."
"Hindi mo naman kailangan maintindihan lahat ngayon e... Hinihiling ko lang na bitawan mo na."
Bitaw... Isang salita na lahat sila hinihiling na sa'kin. Bakit parang ang dali sa kanila na sabihin ang katagang 'yan? Para daw sa ikabubuti ng pamilya. Para matapos na. Para daw protektahan ako... Pero saan? Hindi ko maintindihan.
• • •
Nagising ako sa amoy ng niluluto ni mama. Sinangang ala Reina with pritong talong. Agad akong naligo at inayos ang kama ko at bumaba na. Nalimutan kong hindi nga pala ako naghapunan kagabi kaya nag-aalburoto na ang magaling kong sikmura.
"Morning Ate. Okay ka na ba?" tanong ni Sonson.
"Yup. Thank you Sonson," ngiti ko.
"May ipapangit ka pa pala, Jayda," tukso sa'kin ni kuya dahil haggard na haggard ang pagmumukha ko dahil wala akong tulog at namumugto pa ang mata ko.
"Magkamuha tayo, remember?" biro ko.
"Gunggong," sagot niya at pinitikan ako ng isang pirasong kanin.
"Kuya!" saway ko na tinawanan lang nila ni Sonson. "Si Papa pala? Hindi pa ba siya mag-aalmusal?" tanong ko.
"Tulog pa siya," sagot ni Sonson at nilalaro na ang aso namin.
Napatingin ako sa likod ng Mama ko na tahimik na nagluluto. Ganito siya sa tuwing nag-aaway kami. Hindi niya ako pinapansin. Para bang hindi niya ako nakikita. Tumayo ako nilapitan siya.
"Ma..."
"Kumain ka lang dun. Mahuhuli ka na sa klase."
"Wala talaga akong maintindihan kung bakit ayaw mo..."
Agad niya ‘kong hinarap.
"Pagtatalunan na naman ba nat— ano 'yan?" tanong niya sa hawak ko. Labag man sa loob ko ay inabot ko ang susi ng music studio ko na ilang taon namin pinundar ni Papa.
"Ikaw na magtago nitong susi Ma... Hindi ko naman na gagamitin 'yan. Wala na rin... wala na rin akong balak... buksan pa ang studio," ngiti ko sa kanya at pilit pinipigilan ang pagtulo ng luha. Sandali niya 'kong tinitigan.
"Wala akong sinabing talikuran mo ang musika. Ang sa'kin lang, huwag ka nang pumasok sa industriyang 'yon. Oh, itabi mo," abot niya sa'kin ng susi.
"No," nakabungisngis kong pagtanggi. "I'm fine," hindi ko na nga naiwasan at pumiyok. Namayani ang katahimikan. Pinahid ko kaagad ang luhang nangingilid sa mata ko. "Proud ka na ba sa'kin?" tanong ko.
Agad isinara ni mama ang gasul at niyakap ako.
"Palagi naman akong proud sa'yo, eh. Palagi... Pinoprotektahan lang kita kasi mahal kita."
'Masakit ma. Sobrang sakit. Bakit kailangang ikaw pa ang maging dahilan ng pag-alis ko? Hindi ko mapigilan ang sakit na nararamdaman ko sa dibdib ko. Bakit ang sakit bumitaw sa pangarap ko?'
Niyakap ko siya pabalik at sa kanya umiyak. Hindi ko magawang magalit sa kanya pero nasasaktan ako sa gusto niya.
***

Book Comment (46)

  • avatar
    BarazonJezcil Mae

    Nice

    28d

      0
  • avatar
    CunciaReynald

    nice

    24/08

      0
  • avatar
    Ginalyn Villalon

    hi thanks for you

    29/07

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters