logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

CHAPTER 3

|| CIELO LOCKHEART ||
Dahil si Yujin palang ang kilala ko ngayon at magkaibigan na "daw" kami, siya na ang nagpresintang ipakita sa akin ang daan papunta sa Girl's Dormitory. Habang naglalakad kami, napadaan kami sa isang garden. Ang sabi ni Yujin, isa daw itong Magical Garden. Tumutubo raw dito ang mga bulaklak na may iba't-ibang kapangyarihan depende kung paano mo ito gagamitin.
May nakita naman akong isang bulaklak. Para itong rosas ngunit may kakaiba dito. Para itong rosas na gawa sa salamin. Kapag nasisinagan ito ng sinag nang araw, nagmimistulang prism ang rosas at nakakagawa ito ng maliit na bahaghari.
"Ang ganda naman!" bulalas ko.
Akmang hahawakan ko palang ang rosas ng biglang nagkaroon ng hindi nakikitang barrier sa paligid ng bulaklak. Nang tignan ko ang paligid upang malaman kung sino ang gumawa nito ay nakita ko ang isang lalaking naglalakad palapit sa amin. Tinignan ko ang mukha niya. Medyo nakangiti ito ng kaunti at mukha siyang mabait.
"Ikasisira ng bulaklak ang paghawak dito ng basta-basta. Sana ay huwag mo na muling gawin iyon." malumanay nitong sabi sa akin ngunit kapansin-pansin ang matatalim niyang babala.
"Ah, o-oo. Pasensiya na." nasabi ko na lamang bigla at hinila ko ang aking kamay.
"Huwag ka nang magalit kay Cielo, Vincent!" sabi ni Yujin ng bigla itong sumulpot sa likuran ko. "Bagong estudyante lang siya dito."
"Hindi naman ako galit. Pinapaalalahanan ko lamang siya." sabi niya kay Yujin at binigyan niya ako ng isang mabilis na tingin. Nagkibit-balikat naman si Yujin.
"Cielo, siya nga pala si Vincent Oereal." pagpapakilala ni Yujin sa kanya. "Vincent, siya naman si Cielo Lockheart. Siya ang bagong estudyante dito."
"Pasensiya na ulit sa nagawa ko." sabi ko kay Vincent. Ngumiti naman siya sa akin.
"Ayos lang 'yon." sabi niya sa akin at kasabay nito ay inilahad niya ang kanyang kamay. "Ikinagagalak kitang makilala."
Tinanggap ko naman iyon at nakipag-kamay ako sa kanya. Sa hindi maipaliwanag na pangyayari ay may kakaiba akong nararamdaman.
"Interesante..." dinig kong bulong ni Vincent. Nang tignan ko naman siya ay nakangiti pa rin ito ngunit ang kamay niya....
 Para bang....
Lumapit sa amin si Yujin at pinaghiwalay ang mga kamay namin. Bumaling naman ngayon sa akin si Yujin.
"Pasensiya na, Cielo. Nakalimutan kong sabihin ang kakayahan ni Vincent." paghingi ng paumanhin ni Yujin sa akin.
"Huh?"
"Dapat pala ay hindi ko muna kita hinayaang makipagkamay kay Vincent." dagdag pang sabi ni Yujin.
"Huwag mo naman sanang palabasin na isa akong masamang tao, Yujin." nakangiting sambit ni Vincent. "Hindi ko naman kasalanan kung natural na sa akin ang kakayahang ito."
"Hindi naman kita sinisisi."
Mas lalo akong naguluhan sa mga pinag-uusapan nila. Nang balingan ako ng tingin ni Vincent ay ngumiti itong muli sa akin.
"Pasensiya na. Hindi ko pa tuluyang nakokontrol ang kakayahan ko kaya may mga bagay akong nakita sa iyong memorya." Paghingi ng paumanhin ni Vincent sa akin. Dahil mukhang nakita ni Yujin na naguguluhan pa rin ako ay siya na ang nagpaliwanag ng lahat.
"May kakayahan si Vincent na basahin ang isip ng sinuman na mahawakan niya. Kaya nang makipagkamay ka sa kanya, sa tingin ko ay may mga nakita siya sa iyong isip."
Gulat ko namang tinignan si Vincent. Hindi ko alam kung ano ang mga nakita niya sa akin isip. Sana lang ay hindi nakakahiyang mga bagay ang nakita niya.
"Huwag kang mag-alala. Ang pakikipag-usap mo lamang sa de susing manika lang ang nakita ko sa iyong isip." sabi ni Vincent na para bang nahulaan niya kung ano ang aking iniisip. Nakahinga naman ako ng maluwag sa sinabi niyang iyon.
"Ayos lang. Naiintindihan ko naman."
"Mabuti pa, ihatid na talaga kita sa dorm ng mga babae!" masiglang sabi ni Yujin. "Maiwan ka na namin, Vincent."
Tango nalang ang ginawa ni Vincent at tuluyan na kaming umalis sa magical garden. Tinignan ko pa siya ng isang beses ngunit nakita kong naglalakad na rin siya palayo. Bawat daanan namin ni Yujin ay tinatandaan ko para naman alam ko na sa susunod kung saan ako dadaan makarating lang sa dorm ng mga babae. Saglit pa kaming naglakad bago kami huminto ni Yujin sa harap ng isang malaking mansiyon.
Sobrang laki ng mansiyon ang nasa harap namin. Mayroon itong apat na palapag. Hindi lang din ito basta-bastang mansiyon dahil sa istruktura nito. Mula sa panlabas na hitsura ng mansiyon, makikita mo ang pillars nito na yari sa pilak at ginto.
"Nandito na tayo sa Girl's dormitory."
Mabilis akong napalingon kay Yujin.
"Ha? Ito na ang Girl's dormitory? Sigurado ka?" hindi makapaniwalang tanong ko.
"Oo naman. Narito tayo sa Right Wing ng buong eskwelahan. Nasa Left Wing naman ang dormitoryo ng mga lalaki."
"Pero kasi...." ibinalik ko ang tingin ko sa mansiyon. "....Hindi ito mukhang dormitory. Isa itong mansiyon! Isang malaking mansiyon!"
"Maliit nga lang ang dormitory dito, eh. Pero ang balita ko, palalakihan pa daw ng Headmaster ang dormitory ng mga babae at lalaki."
"Lalakihan pa niya ito?!" bulalas ko.
Sobrang laki na nga ng mansiyon na nasa harapan ko tapos may balak pa silang lakihan ito? Mukhang kailangan ko nang pag-aralan kung paano huwag magulat sa mga puwede ko pang madiskubre sa buong Gelomiah. Bigla namang tumawa si Yujin.
"Nakakatuwa ka naman, Cielo. Ang dami-dami mong expressions na ginagawa. Payakap nga!"
Hindi na ako kaagad nakapag-react dahil binigyan na ako kaagad ni Yujin ng isang mahigpit na bear hug. Nang magsawa siya, binitawan na niya ako. Mukhang isa sa dapat kong kasanayan ay ang ugali ni Yujin na bigla-bigla nalang nangyayakap.
"Sige na, Cielo. Pumasok ka na sa loob para makapagpahinga ka na. Kita nalang ulit tayo bukas!" Masayang sabi niya sa akin.
"Sige. Salamat nga pala ulit sa pagsama sa akin."
"Wala iyon. Magkaibigan na tayo, hindi ba? Natural lang na magtulungan ang magkakaibigan. Bye, Cielo!" iyon lang ang sinabi niya bago ito tumakbo palayo sa akin habang kumakaway. Huminga muna ako ng malalim bago kumatok sa mansiyon. Okay! Ito na!
Nakaka-isang katok palang ako ay may bumukas na kaagad ng pinto. Isang babae na sa tingin ko ay nasa trenta na ang edad ang nagbukas ng pinto para sa akin. Ngumiti ito ng makita niya ako.
"Ikaw na ba ang bagong estudyante ng Gelomiah?" tanong nito.
"Opo. Cielo Lockheart po ang pangalan ko."
"Naabisuhan na nga ako ni Ms. Lianne kanina na may bagong estudyante ang darating ngayon. Ako nga pala si Grethen. Ako ang namamahala sa Girl's Dormitory. Halika, ituturo ko na sa'yo ang magiging kuwarto mo."
Nang tuluyan na akong makapasok sa mansiyon na tinatawag lang nila na dormitory, mas lalo akong namangha. Kung maganda na ang labas ng dormitory, mas maganda naman ang nasa loob nito. Habang naglalakad kami ni Ms. Grethen ay nililibot ko ang buo kong paningin sa paligid. Talagang nakakamangha ang lugar na ito.
Huminto kami sa tapat ng isang kuwarto, sa Room 1228. Ang sabi din ni Ms. Grethen bago niya ako iwan ay may makakasama daw ako sa magiging kuwarto ko. Nakalagay na rin daw sa ibabaw ng aking mesa ang booklet ng rules at regulations ng school. Basahin ko nalang daw iyon para wala akong maging problema. Huminga muna ako ng malalim bago ko katukin ang pinto.
"Bukas iyan!" dinig kong sabi ng magiging dormmate ko. Hinawakan ko na ang doorknob at pinihit iyon. Pagbukas ko sa pinto ay inilibot ko muna ang paningin ko sa loob. Napansin ko kaagad ang dalawang queen-sized bed sa loob. Doon sa kama na malapit sa bintana ay may babaeng nakahiga doon at may binabasa na kung ano. Agad akong nagpakilala sa kanya.
"Hello! Ako si Cielo Lockheart. Ako ang magiging dormmate mo simula ngayon."
"Alam ko." sabi niya. Tumayo siya mula sa pagkakahiga at itinabi na muna niya ang librong binabasa niya. "Ako naman si Alisa Button."
"Hi, Alisa! Sana maging magkaibigan tayo!" masayang sabi ko.
"Tignan natin." sabi nalang niya.
Masaya akong pumasok sa loob ng kuwarto. Inilapag ko na muna ang dala kong bag dahil ako na rin ang nagsara ng pinto. Ang kaso, nang maisara ko na ang pinto ay natapilok ako sa bag na inilapag ko kaya mabilis akong nadapa. Muntikan pang mauna sa pagbagsak ang mukha ko pero mabilis kong naitukod ang kamay ko.
"Tsk, tsk, tsk."
Nang tignan ko si Alisa, nakita kong nailing siya.
"Ang tanga. Napaka-tanga." komento niya at talagang tinignan niya lang ako.
"Hindi mo man lang ba ako tutulungan?"
"Bakit pa? Hindi naman kritikal ang nangyari sa'yo. Mag-ingat ka nalang sa susunod." sabi niya sabay kibit-balikat.
Ay grabe na talaga. Hindi ko tuloy masabi kung mabait ba o hindi itong si Alisa. Mukhang malalaman ko pa ang sagot sa mga susunod na araw.
•••
Muli kong tinignan ang sarili ko sa harap ng salamin. Suot-suot ko na muli ang unipormeng binigay sa akin ni Lianne kahapon, ang official uniform ng Gelomiah. Hanggang ngayon ay iniisip kong baka nananaginip lang ako. Kahit kasi sa panaginip ay hindi ko inaasahang mangyayari ito sa akin.
Hinanda ko na ang mga gamit ko. Paggising ko kanina ay nakita kong wala na si Alisa sa kama niya. Siguro ay maaga siyang nagising dahil may gagawin pa ito. Huminga ako ng malalim. Ngayon na magsisimula ang unang araw ko sa eskwelahang ito.
Tinignan ko mula sa schedule na ibinigay sa akin ni Ms. Grethen ang magiging unang klase ko. Healing Class. Mukhang madali ang isang 'to para sa unang araw ng klase ko. Masaya akong naglalakad sa school grounds habang papunta ako sa school ng bigla nalang ay may nakabunggo sa akin na estudyante.
"Naku, sorryㅡ Oh! Ikaw pala 'yan, Cielo!"
Nang tignan ko kung sino ang nagsalita, nakita ko si Lianne. Mabilis itong tumayo at tinulungan niya rin ako na makatayo.
"Nakarating ka ba ng maayos sa Girl's Dormitory kahapon? Pasensiya na kung iniwan nalang kita basta ha? May emergency lang kasi na nangyari."
"Ayos lang iyon. Tsaka huwag kang mag-alala, nahanap ko naman ang dormitory kahapon sa tulong ng isang kaibigan."
"Talaga? Mabuti iyan at may kaibigan ka na dito!" masaya niyang sabi. Tinignan naman niya ako mula ulo hanggang paa. "Bagay naman pala sa'yo ang uniporme. Buti na lamang at tamang sukat rin ang naibigay ko sa'yo."
"Ah, oo nga pala! Salamat sa pagbigay ng uniporme sa akin kahapon."
"Hindi mo na kailangan magpasalamat sa akin. Trabaho ko talaga iyon." Nakangiti niyang sabi sa akin.
"At sana, gawin mo rin ang ibang trabaho na palagi mo nalang iniiwan sa mesa mo!"
Medyo natigilan si Rhianne. Pagkatapos ay unti-unti pa siyang lumingon kaya pati ako ay tinignan ko kung sino ang nasa likuran niya. Nakatayo doon ang isang matangkad na lalaki at blangko lang ang tingin nito kay Rhianne. Napansin ko rin na mayroon din crest ang lalaking ito na katulad ng kay Rhianne. Saglit akong tinignan ng lalaking iyon bago nito ibalik ang tingin niya kay Rhianne.
"Chandler, ikaw pala! Uhm, magandang umaga?" alanganing bati ni Lianne doon sa lalaki. Hindi naman ito sumagot at tinignan niya lamang si Rhianne.
"Alam mo, ang gwapo mo ngayon. Parang gusto ko tuloy kunan ka ng litrato. Uhm... kukunin ko muna ang camera ko sa kuwarto koㅡ"
"Pumunta ka sa opisina mo at tapusin mo ang lahat ng pinapagawa ko sa'yo!"
"Eh?! Mamaya nalang, Chandler! Gagawan nalang kita ng almusal, gusto mo? Alam mo namang masarap akong mag-luto, hindi ba?"
"Ang gusto ko, tapusin mo ang trabaho mo ngayon din!"
Walang sabi-sabi ay hinawakan nung Chandler si Lianne sa braso at hinila ito palayo. Nakita kong gumagawa ng effort si Lianne para makawala sa kapit nung Chandler pero hindi siya makawala. Ganoon lang ang nakita ko hanggang sa mawala sila sa paningin ko. Bigla-bigla nalang ay nakaramdam ako na may tumabi sa akin. Nang tignan ko kung sino iyon, nakita ko si Yujin.
"Kung ako sa'yo, huwag kang magtatangkang kausapin si Chandler lalo na kung napapansin mong masama ang mood niya. Nakakatakot ang isang 'yon, eh."
"Sino ba 'yong Chandler na 'yon?" tanong ko.
"Ah. Siya si Chandler Dreste. Isa siya sa Infinita Magia. Kung minsan, tinatawag din siyang Emperor dahil bawat sabihin nito ay ma-otoridad. Sadyang si Lianne lang ang kayang gumawa ng kalokohan kay Chandler."
"Ano iyong Infinita Magia?" tanong kong muli. Ang dami ko talagang hindi pa nalalaman dito sa loob ng Gelomiah.
"Isa iyong special case para sa mga taong nabigyan ng mge espesyal na responsibilidad sa buong Gelomiah. Ang magpapatunay nito ay ang crest na makikita mo sa mga uniporme nila."
"Crest? Iyon ba iyong may disenyo ng buwan at araw na nakalagay sa uniporme nila?" tanong ko. Isang tungo naman ang isinagot ni Yujin sa akin. "Ang ibig sabihin ay kasama din si Rhianne sa Infinita Magia?"
"Sa katunayan, dalawa lang silang kasali ng Infinita Magia. Pero ang alam ko, tatlo talaga ang orihinal na kasapi ng Infinita Magia."
"Ano ba ang ginagawa ng Infinita Magia?" tanong kong muli.
"Sila ang katuwang ng mga professors dito sa Gelomiah. Sila rin ang umaasikaso sa sandamakmak na papeles na dumarating sa Gelomiah. Katumbas ng trabaho nila ang posisyon ng Headmaster. Kung hindi mo pa nababalitaan, palaging wala ang Headmaster natin dahil naglalakbay ito parati. Dahil doon, ang Infinita Magia na ang minsan nagdedesisyon sa mga nangyayari sa Gelomiah."
"Ang galing naman. Pero ang bigat pala ng responsibilidad nila." komento ko.
"Ang alam ko, tatlo talaga ang orihinal na miyembro ng Infinita Magia. Pero ayon sa sabi-sabi, dahil daw sa dami ng trabaho at sa bigat ng responsibilidad ay mukhang hindi kinaya ng pangatlong miyembro ng Infinita Magia ang lahat ng mga trabaho kaya nagkusa na itong umalis. May ilang estudyante ang sumubok makuha ang bakanteng posisyon sa Infinita Magia ngunit sobrang hirap daw ng mga pagsubok para lang maging kaisa ka nila. Pero susubukan kong sumali sa kanila!"
"Huh?"
"Susubukan kong makasali sa kanila para maging bahagi din ako ng Inifinita Magia!!" buong determinasyong sabi ni Yujin. Sumuntok pa nga ito sa ere na nagpapakita na determinado talaga siya sa desisyon niya.
"Bakit gusto mo namang sumali sa kanila? Gusto mo rin bang mabigyan ng espesyal na responsibilidad?" tanong ko.
"Hindi. Gustong-gusto ko kasi iyong crest na nakalagay sa uniporme nila! Ang cool tignan! Ang sabi pa nga, gawa daw sa espesyal na metal ang crest na iyon at disenyo ng buwan sa crest ay yari mismo sa tipak ng totoong buwan! Siguro kung magkakaroon ako ng ganoon, mas lalo akong magiging cool sa paningin ng ibang estudyante!!"
Akala ko pa naman determinadong makasali si Yujin sa kanila dahil mayroon siyang sense of responsibility. Iyon pala.... ay ewan. Hayaan na nga lang natin siya. Iyon naman ang kagustuhan niya.
"Oo nga pala, Cielo." sabi ni Yujin na para bang may naalala ito bigla.
"Ano iyon?"
"Good morning!" late nitong bati sa akin sabay yakap na naman sa akin ng mahigpit. Medyo naiilang pa rin ako pero mukhang nasasanay na rin ako sa kanya. Siya na rin ang unang bumitaw. Mabuti naman kung ganoon.
Habang naglalakad kami, napag-alaman kong magkaklase pala kami sa first class. Sa katunayan, kaklase ko siya sa lahat ng magiging klase ko. Dahil doon, sabay na kaming nagpunta sa classroom. Pagkarating namin doon, nagpaalam si Yujin sa akin dahil may nakalimutan daw siya at kukunin niya lang iyon. Mahalagang makuha daw niya iyon kung gusto pa daw niyang mabuhay. Hindi ko masyadong maintindihan ang mga sinabi niya ngunit tumango na lamang ako. Sumilip muna ako sa buong classroom bago ako humanap ng bakanteng upuan.
Nakakita naman ako ng bakanteng upuan malapit sa bintana. Sa tabi nito ay may nakaupong babae na nakapalumbaba at nakatingin lang sa bintana na para bang ang lalim ng kanyang iniisip. Dahan-dahan naman akong lumapit sa kanya.
"Uhm, excuse me? Miss, may nakaupo ba dito?" turo ko sa bakanteng upuan sa tabi niya.
"....."
Hindi man lang ako nilingon o kaya sinagot ng babaeng tinanong ko. Baka naman hindi niya ako narinig? Tumikhim muna ako bago magsalita ulit.
"Excuse me, miss. May nakaupo ba dito?"
Sa pagkakataong ito, nilingon na niya ako. Blangko lang ang expression niya. Saglit pa kaming nagkatitigan hanggang sa magsalita ito.
"Nagugutom na ako."
"Huh?"
"Alam mo bang masarap kumain ngayon ng toast na may palaman na ham ang cheese? Masarap din kumain ng cake na ubod ng tamis para mawala ang pagod na nararamdaman mo. Samahan mo na rin ng mainit na kape para maging kumpleto na ang lahat."
Tinignan ko naman siya nang may halong pagtataka. Bakit niya sinasabi ang lahat ng iyon sa akin? Magtatanong sana ulit ako sa kanya pero hindi ko na iyon naituloy dahil may lumapit sa kanya. Si Yujin.
"Oh." sabi nito sabay abot ng isang sandwich na halatang may kalakihan ang laki. "Sinabi ko naman kasi sa'yong huwag kang nagpapagutom. Pero kung iisipin kong mabuti, palagi ka nga palang gutom!"
"Heh! Paanong hindi ako magugutom samantalang pinagpuyatan ko iyong project ko kagabi! Nakalimutan ko na ngang kumain ng agahan, eh."
"Akalaing mong nagagawa mong kalimutan ang nag-iisang bagay na pinakamamahal mo? Kawawa ka naman. Yayakapin na nga lang kita." sabi nito sabay yakap doon sa babae. Agad namang pumalag ang babae at kumawala sa yakap ni Yujin.
"Uhm.... excuse me?" sabi ko nang mahina.
"Ay oo nga pala! Sorry. Cielo, gusto kong makilala mo ang kapatid ko. Siya si Blaire Crue. Siya ang ate kong mas matanda sa akin ng sampung taon at ilang beses ng bumagsak sa klase."
"Ang kapal ng mukha mo, kuya!" bulalas ni Blaire at hinampas niya si Yujin. Humarap naman siya sa akin pagkatapos. "Huwag kang maniwala sa kanya. Ako ang bunso sa aming dalawa. Sa kasamaang-palad, kuya ko ang abnormal na 'to at mas matanda siya sa akin ng isang taon."
Tango na lamang ang isinagot ko sa kanya. Inabot naman ni Blaire ang kamay niya sa akin.
"Nice to meet you. Ako nga pala si Blaire." masayang sabi ni Blaire sa akin.
"Ako naman si Cielo Lockheart." nakangiti kong sagot. Tinanggap ko naman ang kamay niya at nakipag-kamay ako sa kanya.

Book Comment (192)

  • avatar
    Unabia Ryan

    thank you 😊

    2d

      0
  • avatar
    John Bensi

    the story is very beautiful

    3d

      0
  • avatar
    FernandezJay-ar Estrada

    the best of all

    10d

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters