logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

BH: Amira 4

Sukbit ang backpack niya ay bumaba siya ng bus. Ibinaba siya sa tapat ng isang tindahan na may katabing inn. Mula doon ay matatanaw ang pamosong St. Mary the Virgin Church kung saan kinuhanan ang larawan niya noong sanggol pa siya. Hindi niya alam kung bakit nakadama siya ng excitement na makita iyon.
Pero bago iyon ay kailangan muna niyang hanapin ang susundo sa kanya. Dahil sa pag-oobserba sa nadadaanan niya ay nawala sa isip niya na i-text si Estephanie. Isang text message ang natanggap niya mula dito.
Nanjan n u? W8 lng. May susundo s u. Nasa radio station p. Ready n ang lunch u. Etag & pinikpikan.
K, sagot niya at ipinamulsa ang cellphone.
She was a vegan for two months now. Hangga’t maari ay di siya kumakain ng karne ng hayop. Puro gulay at prutas lang. Pero dahil traditional food ng Sagada ang etag o pinatuyong karne at ang pinikpikan na manok ay kakain siya para sa mainit ng pagtanggap sa kanya ng kaibigan.
“Miss Amira Catindig?” anang lalaki na nakatayo sa tabi niya.
“Yes?” tanong niya at nilingon ito.
Medyo sumakit ang leeg niya nang tingalain ang lalaki. Nasa limang talampakan at apat na pulgada lang ang tangkad ni Amira. Habang ang lalaki naman ay halos kasingtangkad ng post eng kuryente. Marahil ay nasa anim na talampakan ang tangkad ng lalaki. Humagod ang mata niya sa matipuno nitong pangangatawan, mula sa pantalong maong paakyat sa checkered polo nito na red at black. Particular na nagtagal ang paningin niya sa dibdib nito na sumisilip sa polo nito na may tatlong butones na nakabukas. Then she was asserted by his face. THE FACE!
Nakapunta na siya sa iba’t ibang bansa sa mundo at marami na rin siyang nakitang mga guwapo pero ngayon lang siya natulala ng ganito. He had a squared jaw. Makinis iyon na parang masarap haplusin. Matangos ang ilong nito at maganda ang hugis ng nakangiting labi. He wore his hair long, almost brushing his shoulders. Pero pinakamaganda yata ay ang mga mata nito na kulay abuhin at may mahahabang pilik-mata.
“S-Sino?” naitanong niya.
“Ikaw ba si Miss Amira Catindig?” nakangiti nitong tanong.
Amira Catindig? Amira Catindig? Sino iyon?
Kinailangan pa niya ng ilang segundo bago nag-sink in sa utak niya na siya pangalan pala niya iyon. Siya nga pala si Amira Catindig. Ano bang nangyayari sa kanya? Twenty-three years na niyang pangalan iyon pero ngayon lang niya nakalimutan. Di naman nabagok ang ulo niya sa mahigit dose oras na biyahe. Nakakita lang siya ng guwapo ay nakalimutan na niya ang pangalan niya.
“A-Ako nga,” aniya sa pormal na boses nang makabawi.
“Ako ang sundo mo,” sabi nito. “Tutulungan na kita sa bag mo.”
Bago pa siya makahuma ay dinampot na nito ang malaking backpack niya na nakasandig sa dingding ng tindahan. At tuloy-tuloy na ito sa paglalakad.
Humabol siya dito. “Sandali. Saan tayo pupunta?” tanong niya nang tatawid ito ng kalsada.
“Nandito ang sasakyan,” sabi nito at lumapit sa nakaabang na Land Rover.
“Okay. Salamat,” nausal na lang niya at sumunod dito kahit pakiramdam niya ay may mali.
Mali? Anong mali? The man has a nice butt. Perfect!
At di maiwasang tumutok ang mata niya sa pang-upo ng lalaki na nakahulma sa pantalon nito. Hindi niya alam na may ganoon pala kaguwapong lalaki na kakilala si Estephanie. He was hot! Kung may responsable siguro sa pag-init ng Sagada, di na niya sisisihin ang minahan o ang pagdagsa ng turista at forest denudation. Ang lalaking ito ang salarin. He was hot enough that she could also blame him for global warming.
Bigla niyang naipaypay ang palad sa sarili. Ano bang nangyayari sa kanya? Di naman siya apektado ng mga lalaki dati. Ngayon lang at di man lang niya alam kung anong pangalan ng lalaking ito. Hindi siya makapaniwala na sasama siya sa kung saan sa lalaking hindi niya kilala. Nagnanasa siya sa lalaking di niya kilala. Sana man lang bago niya pagnasaan ay nagtanong muna siya. Hindi siya makapaniwala na napo-pollute ang utak niya sa sariwang hangin ng Sagada.
Nakangiti nitong binuksan ang pinto ng passenger’s seat. “Pasok ka na.”
Pinigilan niya ang sarili na tuluyang pumasok sa sasakyan. “Sorry. How rude of me. Hindi ko naitanong ang pangalan mo.”
“Francois. Francois Mosqueda. Pero pwede mo akong tawaging Aklay.”
“Bakit?” tanong niya. Parang mas bagay dito ang Francois. French. Bagay sa mga mata nito na kulay pilak.
“Aklay is my Igorot name.”
“Igorot ka?” tanong niya.
Tumango ito. “Oo. Ang tatay ko.”
“Pero ang mata mo…”
“Yes. It is from my French mom. Bless her. Pumasok ka na sa loob. Mas maganda kung doon na tayo magkwentuhan para makapagpahinga ka na rin. Kanina ka pa nila hinihintay.”
Pumasok siya sa loob habang pilit inaalala kung mayroong mali. Francois. Aklay. Doesn’t ring a bell.
Parang hindi naman iyon ang binanggit ni Estephanie na susundo sa kanya. Pero ano na nga ba ang pangalan ng sundo niya?
Napansin niya na palayo sila sa bayan at natanaw na niya ang Poblacion mula sa hilera ng mga pine trees sa gilid ng nadadaanan nila. “Akala ko sabi ni Estephanie pwedeng lakarin lang ang bahay nila mula sa Poblacion.”
“Miss, pwede akong mag-trek ng isang oras at sabihin na malapit lang ang nilalakad ko dahil sanay kami sa lakaran dito. Kaya kailangan na may sasakyan ka lalo na’t mabigat ang bitbit mo.”
Nahigit niya ang hininga. “Ganoon? Ibig sabihin malayo pa talaga ang bahay nila Estephanie?” bulalas niya. Ang bruhang babaeng iyon. Di man lang sinabi na malayo pa pala ang lalakarin niya.
“Magpahinga ka muna. Baka di ka nakatulog na mabuti sa biyahe. Gigisingin na lang kita kapag nandoon na tayo.”
“Salamat, Francois,” sabi niya.
Patatawarin na lang niya si Estephanie kung muntik na siyang mag-alay lakad para dito. Bawi naman ito dahil may guwapo siyang sundo. Hindi siya mahilig sa mga guwapo. Hindi nga siya mahilig sa mga lalaki. Isang mapait na leksiyon ang itinuro ng ama niya sa kanyang ina. Di dapat nagpapadala sa panlabas na anyo ng isang lalaki o sa mabulaklak na salita nito. Maraming lalaki ang mapanlinlang. Oras na makuha ang gusto ay maglalaho na lang basta. Hindi ba’t may agam-agam siya kay Francois kanina?
E ano naman ang dapat kong ipag-alala kay Francois? Na kikidnapin niya ako? Wala namang nakakaalam na isa siyang Banal o may dugo siyang Banal. Hindi naman siya mayaman. At si Estephanie lang naman ang nagpasundo sa kanya. Kahit ang mga Banal ay di alam na dadating siya doon.
Praning lang siya. Kung kakampi ni Estephanie si Francois at pinagkakatiwalaan, ibig sabihin ay mabuti itong tao.
Pumikit siya nang maramdaman niya ang malamig na hangin at naidlip. Ito na ang lamig ng Sagada na hinahanap niya. She felt welcome and safe here. Si Francois na ang bahala sa kanya.
NAGISING si Amira sa mabining haplos ng mainit na palad sa pisngi niya. “Amira, nandito na tayo. Miss, gising na.”
Unti-unti siyang dumilat nang marinig ang boses ni Francois. “Hey!” aniya nang makita itong nakangiti sa kanya. “Nandito na ba tayo?”
Tumango ito. “Oo. Mas makakapagpahinga ka sa loob,” sabi nito at inalalayan siyang bumaba ng sasakyan. She felt that tingling sensation when their hands touched. Teenager lang? Kinikilig?
Pinagbigyan lang niya ang sarili dahil di naman siya nakakaramdam ng ganoon noong teenager niya. There was no harm in “kilig”. Kailangan lang siguro niyang tanungin si Estephanie kung may girlfriend o asawa na si Francois. Nang tingnan naman niya ang kamay nito ay walang singsing sa ring finger nito.
Subalit nawala ang ngiti niya nang sa halip na si Estephanie ang bumungad sa kanya ay isang malaking mansion ang nasa harapan niya. Nnang iikot pa niya ang paningin ay nakita niya ang malawak na taniman ng mga citrus fruit at pine forest. The road where they came from seemed to go on and on and on. At wala siyang makitang ibang bahayan. She had a bad feeling about this. Natitiyak niyang di ito ang bahay ni Estephanie.
“S-Saan mo ako idinala?” Galit niyang hinarap si Francois na nakasukbit ang bag sa likuran nito. “Nasaan ako? Hindi ito ang bahay ng kaibigan ko.”
“Bakit naman doon ka tutuloy sa bahay ng kaibigan mo? May bahay naman ang pamilya mo dito. Welcome to Banal Mansion.”
Nanlaki ang ulo ni Amira habang humahakbang paurong. Nasa lupain siya ng mga Banal. Nasa teritoryo siya ng kalaban. “No! No! I shouldn’t be here.”
Inilabas niya ang cellphone para tawagan si Estephanie. Dapat ay tinawagan niya ang kaibigan niya para tiyakin kung sino ang sundo niya at kung mapagkakatiwalaan.
Nahigit niya ang hininga nang makitang walang signal ang mobile network niya. Paano na ito? Paano niya sasabihin kay Estephanie kung nasaan siya? Nasa gitna siya ng kawalan, walang signal at napapalibutan ng kalaban. Paano siya makakalabas dito?
“Miss, nandito ka na. Bakit di ka muna pumasok at magpahinga?” malumanay na tanong ni Francois.
“No. Ayoko dito. This is kidnapping! Pwede kitang idemanda. Alam mo ba na lifetime imprisonment ang parusa doon?” tanong niya at namaywang.
“Kusa kang sumama sa akin,” amused na sabi ng lalaki na parang di man lang nababahala sa banta niya.
“Dahil akala ko ikaw ang sundo ko. Niloko mo ako.”
“Ako naman talaga ang sundo mo. Di mo naman ako tinanong kung si Estephanie ang nagpadala sa akin. Hindi kita niloko. Hindi ko na kasalanan iyon. Malay ko ba namang ayaw mong pumunta dito? Ang utos lang naman sa akin ay sunduin ka,” kaswal na sabi nito.
And he was right. Nag-assume lang siya na ipinadala ito ni Estephanie. How could she be stupid? Sa loob ng dalawampu’t tatlong taon niya sa mundo ay walang ginawa ang nanay niya kundi pagbilinan siya kung paanong huwag magpapadala sa simbuyo ng damdamin niya. Unang beses lang niyang nakakita ng guwapo at nag-evaporate agad ang common sense niya. Heto ngayon siya sa pugad ng mga Banal. Nasa pugad siya ng mga kaaway. Di man lang siya lumaban. She fell right into their trap.
“Ibalik mo ako sa bayan kung ayaw mong idemanda kita,” utos niya sa matalim na boses.
Subalit ikiniling lang ni Francois ang ulo. “I am sorry. Inutusan lang ako na ihatid ka dito. Walang utos sa akin na ihatid ka pabalik sa bayan kapag ayaw mo.” Inilahad nito ang palad sa direksiyon ng rough road. “Anyway, you are free to go if you want to.”
Naningkit ang mata niya. The nerve of this man. Tama nga ang intuition niya kanina. Hindi niya ito dapat pagkatiwalaan basta-basta. At talagang paglalakarin siya nito sa kilo-kilometrong kalsada palabas. Impakto!
She would love to wipe off that smug look on his handsome face. Kinuha niya ang malaking backpack niya mula dito at isinukbit sa balikat niya. “Sabihin mo sa amo mo, mali ka ng nasundong tao.”
“Aklay, nandiyan na ba ang apo ko?” anang boses ng matandang lalaki.

Book Comment (48)

  • avatar
    juquianacristina

    hooked,,i like the twist and turns,,ngyn lng ult ako nhook s isng story,sna mrmi png gnto

    13/03/2022

      1
  • avatar
    Marenel Labarrete Puebla

    💛💛i love it

    24/07

      0
  • avatar
    John Niethan Davo

    tinanong kung nasan ung anak

    12/07

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters