logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 2

BUMAGSAK agad ang balikat ko sa nakangising bungad ni Dana pagkalingon niya sa akin. Humaba ang nguso kong tiningnan siya nang nagmamakaawa, na huwag niyang ituloy ang binabalak niya.
“Yuna, huwag mo 'tong tatanggihan,” sabi niya habang itinuturo ang phone niyang nasa kamay.
Bagsak ang balikat kong sinapo ang noo. “Alam mo namang kahit tanggihan ko iyang ipapakilala mo sa akin, sila na ang unang tumatanggi kapag nakita ako.”
Nag-angat ako ng tingin para tingnan siya sa kaniyang mga mata. Nanghihikayat ang tingin niya na may kasamang pagmamakaawa. Magaling talaga siya sa bagay na ito. Ewan ko ba sa sarili ko kung bakit napakadali kong lumambot pagdating sa kaniya.
Malalim ang pinakawalan kong buntonghininga. Ipinaparating sa kaniyang hindi ako natutuwa. Itinaas niya ang kanang palad, nangangako kahit wala naman siyang maipapangako sa akin dahil palagi na lang siyang ganito.
Iniintindi ko na lang dahil alam kong broken siya. Kung ako sa kaniya, ipinagpalit ko na agad iyong ex-boyfriend kong iyon sa mas guwapo at hindi ako masasaktan kasi hindi naman guwapo. Ang itim-itim kaya!
Ewan ko ba kung ano ang nagustuhan niya sa lalaking iyon, e, madalas pa siyang magsumbong sa akin na nag-aaway sila palagi. Mabuti nakayanan niya ang tatlong taon sa maitim na iyon.
“Iba ito, promise. Hindi siya tulad noong mga lalaking naka-blind date mo,” sabi niya at sinamahan ng kindat sa huli.
Umiling-iling ako. Mas nagiging madalas ang paghahanap niya ng ka-blind date ko. Mukhang inaaraw-araw na nga niya, hindi tulad noong sila pa noong boyfriend niya na thrice a week niya lang ako i-set up.
“Danabebs. . .” mariin kong tawag. Tumingin lang siya nang parang walang kaalam-alam at mali sa ginagawa niya.
Itinuro ko ang sarili gamit ang dalawang hinlalaking daliri. “Ako lang ito, kaya huwag kang matakot na maging single ako for the rest of my life.” Ngumiti ako sa kaniya nang mapanatag.
Alalang-alala siyang magiging mag-isa ako forever, e, dapat buhay niya ang kaniyang bigyang-pansin. Alam ko naman ang gusto ko at iyong gusto ko, hindi pa dumadating. Masaya pa naman akong mag-isa. Kung hindi na ako masayang maging single, lalapit ako sa kaniya para patulan lahat ng ipapakilala niya.
Hinawakan ko siya sa kamay. “Broken ka kaya hanapan mo iyang sarili mo nang bago. Huwag mo akong isipin kasi matagal pa ako mabubuhay kahit wala akong lalaking kasama,” mapanigurong sabi ko para mapanatag siya sa akin.
Ang mga mata niya ay hindi kumbinsido habang titig na titig sa akin. Malaki ang utang na loob ko sa kaniya—sa pamilya niya, pero ang pakialaman ang love life ko ay hindi ko papayagang maging kontrolado niya.
Ipininta ko sa labi ang nakakakumbinsing ngiti sa labi ko. Tinapik ko ang bilbil ko sa tiyan sabay sabing, “Sa fats kong 'to, napaka-sexy ko pa rin at makaka-survive pa ako.” Namaywang pa akong kumindat sa kaniya at pinisil ang taba ko pagkatapos dahilan para matawa siya nang mahina.
Iniiwas niya ang mga mata at hindi nakatakas sa paningin ko ang pagsimangot niya. “Wala akong balak maghanap ng iba.”
Hinawakan ko ang likod niya, hinaplos ito. “Sa ngayon, wala pa. Iyan ang mas tama,” pagtatama kong itinaas ang kaliwang daliri ko sa ere bilang pagdiin sa punto niya.
Lahat naman makakahanap ng someone sa tamang panahon. Kaya nga hindi ko pa agad sinasarado ang pinto kasi alam kong may darating.
Hinarap niya ako. Medyo problemado ang ekspresyon niya dahil sa pagsimangot, pero ang mata niya ay nagmamakaawang pumayag ako. Inilingan ko siya.
“Nasabi ko na sa kaniyang makikipag-meet ka kaya huwag na huwag mo akong tatanggihan. Kahit ngayon lang Yuna, please,” pamimilit niya. Ipinagdikit pa ang dalawang palad na parang nagdadasal sa harap ko at kulang na lang ay lumuhod siya.
Kinamot ko ang bangs ko at lumaki ang butas ng ilong kong nagsalita, “Ano pa nga ba magagawa ko?”
Pumalakpak siya. Tuwang-tuwa pa talaga kahit kitang-kita niyang hindi ako natutuwa sa paggamit niya sa sobrang special niyang madyik.
Binuksan nito ang kaniyang phone at nag-scroll siya nang nag-scroll. Siguraduhin lang niyang matangkad at guwapo ang ipapakita niya sa akin kahit wala iyong buong hinahanap ko sa lalaki. Dahil kung hindi, mas lalo akong mawawalan nang ganang makipagkita.
Hindi na lang sana ako pumayag na i-photoshop niya ang mukha at katawan ko. Ilang beses ko nang ibinasura ang picture ko sa gallery niya kapag nahihiram ko iyong phone niya, pero ang mala-kupido kong kaibigan ay may back-up pictures palagi.
Ibinebenta niya ako sa mga lalaki tapos kapag nakita ako nang harap-harapan—auto-reject na akala naman interesadong-interesado rin ako sa kanila.
“Sino ba iyan?” kuryuso kong tanong na binahiran ko nang kaunting inis ang boses.
“Naalala mo pa ba iyong dating nagkaka-crush sa 'yo?”
Nanliit ang mata kong tiningnan siya habang abala siya sa pag-s-scroll. “Sino-sino sila?”
Mulagat ang mata niyang tiningnan ako sandali, nakaawang pa ang bibig. Ano'ng mayroon? Seryoso akong wala akong maalalang nagkakagusto sa akin dahil sa dami nila.
“Kilala mo siya. Ito iyong lalaking hindi tumigil sa pagpapapansin sa 'yo dati.”
Dalawa sila sa pagkakantanda ko. Iyong isa medyo guwapo, pero iyong isa. . . nevermind. Ayaw ko nang dungisan ang isip ko sa panghuhusga mula sa gagawin kong pag-alala kung sino ang mga admirers ko noon.
Kinunutan ko siya ng noo, nagsalubong pa ang kilay ko. “Mag-drop name ka, Danabebs. Wala na akong maalala sa sobrang daming nagkagusto sa akin.”
Iniharang niya ang phone sa bibig para gawing pantakip. Iiling-iling niya akong tiningnan at unti-unting inilayo ang kaniyang phone.
“Wow! Tatlong lalaki lang nagkagusto sa 'yo, Yuna, simula noong tumuntong tayo sa high school hanggang sa college,” pagpapalala niya.
Tinaasan ko siya ng kanang kilay. “Marami naman iyong tatlo.”
Hindi ba marami ang sampu? Kailan pa naging maliit ang tatlo? Ang maliit iyong zero.
“Si John Carlo ang tinutukoy ko.”
Sandali akong tumigil. Inaalala ko ang pangalan na sinabi niya. Bumalik lahat sa memorya ko ang alaalang mayroon kami ni John Carlo noong high school pa lang kami.
Salubong pa rin ang kilay kong nakatingin sa kaniya. Hinihintay naman niya ang pagbuka ng bibig ko para magsabi ng kung ano tungkol sa pangalang narinig.
“Iyong mas mataba pa sa akin?” tanong ko na binigyan niya ako ng tango, pero masama ang paningin niya.
“Iyong maitim, kasingkulay ng milo, tapos may brace at makapal na salamin?” dagdag ko.
Tumango ulit siya at mas lalo pang sumama ang paningin niya. Ano'ng masama sa sinabi ko? Tama naman ako sa pagkakaalala at sinabi.
“Siya ang kikitain ko?”
Tumango-tango siya habang may napakalawak na pinta ng ngiti sa kaniyang pulang-pula niyang labi. Nalaglag ang panga ko na agad ko namang naisara.
Kumaway-kaway ako bilang pagtanggi. “Ayaw ko. Cancel mo na.” Itinulak ko palayo ang kamay niya.
“Makipagkita ka muna sa kaniya bago mo tanggihan. Mapapa-wow ka, sinasabi ko sa 'yo,” sagot niyang hindi natinag sa sagot ko. Itinaas pa ang daliri sa ere, ipinapakita kung gaano siya kasigurado sa sinasabi niya e, alam ko namang magkaiba kami ng taste.
Dalawang kilay ko na ang tumaas para tingnan siya nang humagikgik ito. Anong nakakakilig sa tinitignan niya? Hinayaan ko lang siya sa ginagawa niya at nagpatay-malisya. Ipinagdadasal ko sa hangin na sana ay magbago ang isip noong katawagan niya o kung sino man ang nauto niya sa picture ko.
Babalik na sana ako sa ginagawa ko nang bungguin niya ang balikat ko. Nilingon ko siya, ipinakita naman niya ang kaniyang phone. Kitang-kita ko ang picture ng lalaking nakakalaglag ng panga sa kaguwapuhan. Kuminang ang mata ko, nakakita ng ginto.
Hindi man siya whole package, wala iyong hinahanap kong six packs abs pero naka-topless siya. Wala siyang muscle—sakto lang ang kaniyang hulma ng katawan pero ang hot pa rin! Sa mukha naman. . . wala akong gaanong reklamo kasi ang ganda sa mata, hindi siya nakakasawang tingnan nang paulit-ulit. Iyong ilong niyang matangos ang sa tingin kong best asset niya.
Teka. . . siya si. . . Si John Carlo? Inilayo ko ang mukha ko sa pagkakatitig sa picture. Hinarap ko si Dana nang nakaawang ang bibig at tiningnan siya nang hindi naniniwala.
“Siya iyan? Poser yata,” komento ko at iniiling-ilingan siya kasabay ng pagtulak ko palayo ng kaniyang kamay.
Siya naman ang umiling-iling. “Hindi siya poser. Siya talaga ito.” Itinuro niya ang picture, inilapit pa masyado sa mukha ko dahilan para maduling ako nang ilang segundo.
Umatras ako at tumawa. “Imposible!”
Umirap siya sa kalagitnaan ng kaniyang pagbuntonghininga. “Tingnan mo nga kasi muna. Don't judge the looks by its picture, ika nga.”
Muli akong nagpakawala ng tawa sa narinig ko. Naniniwala pala siya doon? Baligtad talaga kami.
Mas tinitingnan ko ang cover ng isang libro o 'di kaya tao, kaysa sa kung ano siya. Iyon naman kasi talaga ang unang nakikita ng mata ko, kaya hindi niya ako masisisi. Ginawa nga ang mata para manghusga sa kung ano ang nakikita at ginagamit ko lang naman kung ano talaga ang gamit.
Umangat ang dulo ng labi ko, sumilay ang ngisi. “Sige, sige. Makikipagkita ako at kapag hindi talaga siya iyan, last mo na 'to,” pagbabanta ko sa kaniya na ikinatango naman niya.
Kukumpirmahin ko lang kung malinaw pa ba ang mata ko sa nakita. Feel na feel ko ang maglakad sa simpleng dress na suot ko, hindi naman siguro niya papansining pinaghandaan ko.
Gusto ko lang maging presentable kahit paano sa harap niya matapos ang ilang taon naming hindi pagkikita. High school pa iyon sa pagkakatanda ko. First hanggang second year high school siya nangulit sa akin, pero sa dalawang taong natira para sa high school life ay hindi ko na siya naging kaklase.
Hindi lang ako makapaghintay na makita kung ano na siya ngayon.
Sandali akong napakamot sa likod ng siko ko nang makalimutan kong picture-an ang sarili ko.
Gandang-ganda pa naman ako sa suot kong dilaw na medyo maiksi at fit na fit sa akin. Sa katunayan, masikip siya. Para akong iniipit sa suot ko pero komportable naman ako kahit paano kaysa sa magsuot ako nang maluwang. Mas magmumukha lang akong mataba kapag ganoon ang isusuot ko.
“Yuna, here!”
Nakuha agad ng paningin ko ang lalaking nakataas ang kamay na nakaupo, hindi kalayuan sa akin. Alam pa pala niya pangalan ko at kung ano hitsura ko. Kanina pa pala siya naghihintay. Napakaaga naman niya. Excited talaga siyang makita ulit ako.
Kung alam ko lang na ganito pala siya ka-excited, nag-ayos pa ako nang bongga para malaglag ang panga niya. Pakembot-kembot akong naglakad palapit sa kaniya. Ang paghalik ng takong ko sa mamahaling restaurant ay mas nakadagdag ng confidence ko para maglakad nang parang nagmo-model ng bag na imitation lang naman ng original Louis Vuitton.
Diretso lang ang tingin ko sa kaniya na segu-segundo akong napapatingin sa nilalakaran ko. Ngumiti ako nang malawak. Hinila ko ang upuan sa tapat niya at inilapag ang bag sa katabing upuan bago ako maupo.
“Ang cute mo pa rin sa taba mo,” nakangiting bungad niya.
Tumawa ako. Sa lahat ng magandang sabihin niya, binanggit pa ang taba sa dulo. Parang hindi siya nanggaling sa mataba noon.
Pinasadahan ko siya ng tingin ngayong magkaharap na kaming dalawa. Siya nga iyong nasa picture na ipinakita sa akin ni Dana. Ibang-iba siya sa dati. Hindi na siya nasasarapan kumain nang kumain? Masarap pa rin kayang kumain nang hindi inaalala ang weight. Ayaw na niya kaya iyon? Paano siya nakapag-diet? Mas mataba pa siya sa akin. Nakakainggit.
Napansin kong naka-contact lens siya dahil may pagkakulay deep hazel, hindi mukhang natural kasi ang kulay. Inilipat ko sa ibang parte ng mukha niya ang mata ko. Pang-artista ang mukha niya, naging kahawig niya si Dennis Trillo nang wala sa oras. Hindi ko inalis ang ngiti sa labi ko dahil napakalinaw pa rin nga ng mata ko pagdating sa ganito.
Nagparetoke yata siya para ma-achieve iyong ganitong kaguwapuhan. Fake handsomeness pala ang mayroon sa lalaking ito.
“Well, in fairness nag-glow up ka. Hindi ka na kakulay ng tinimplang milo, wala na iyong salamin mo, iyong brace mo at. . . Wow! Pumayat ka na.”
Ibinalik niya sa akin ang ngiti ko. Hinaplos niya ang kaniyang leeg at nagbaba ng tingin. “Salamat sa panlalait mo dahil natuto akong magpaguwapo,” sagot niya, hindi makatingin sa akin nang mata sa mata.
“Sa tingin mo guwapo ka na niyan? Retokado ka yata, e.”
Tumawa siya at umiling. "Hindi ako nagparetoke. Matagal nga lang ma-achieve ang ganito, pero worth it naman ang outcome." Ngumiti siya. “It’s nice to see you again, Yuna.” Inilahad niya sa akin ang kaliwang kamay dahil abala pa rin ang kanan niyang kamay sa paghaplos sa kaniyang leeg.
Tinanggap ko ang kamay niya at agad ding binawi. “Well, It doesn’t nice to see you here, again, John Carlo,” kunwaring walang interes kong sagot.
Sumimangot siya. Ibinaba nito ang mga kamay sa ibabaw ng mesa. Ang mga mata niya ay nanghihingi ng sagot kasabay ng pagbitiw niya ng tanong na, “Why do you hate me so much? Hindi pa ba ako guwapo sa paningin mo?”
Sa sinabi niya ay hindi ako nagpatay-malisya pa. Malinaw naman kung ano ang gusto niya sa mga oras na ito. Blind date nga pala ito, sa pagkakatanda kong sinabi ni Dana. Hindi ito simpleng reunion at wala akong alam kung ano ang motibo niya sa muling pakikipagkita sa akin nang wala sa inaasahan kong mangyari.
“Guwapo ka na at hindi sa ayaw ko sa 'yo,” prangka kong bitiw ng salita sa kaniya. Wala akong pakialam kong masakit o hindi maganda ang timing dahil gusto kong malaman niya agad.
Kung hindi man iyon ang gusto niya o ang balak niya, o kung ano man nasa isip niya sa sandaling ito. . . labas na ako roon. Wala akong balak alamin kung gusto pa ba niya ako o hindi na. Ang tanging alam ko sa sarili ko ay ayaw ko pa rin sa kaniya kahit malaki ang ipinagbago ng kaniyang hitsura.
“Ano?”
“You deserve someone and that is not me. Oo, guwapo ka na pero ako na ang nagsasabi, hindi tayo bagay.”
He can't be with me. Dapat nga ay kinalimutan niya na ako. Imposibleng hindi pa rin siya nakakahanap ng iba. Sobrang imposible talagang lilitaw siya bigla at sasabihing ako ang dahilan kung bakit siya nagpaguwapo.
Choice niya iyon at sinabi ko lang kung ano ang ayaw at nakita ko sa kaniya noon, pero dinibdib pala niyang mabuti.
“Oh. . . okay,” dismayado niyang sagot. “Kaibigan na lang?”
Hindi ako nagpaligoy-ligoy sa pagtango. “Mas maganda pa at ipapangako kong magiging mabait na ako sa 'yo,” sabi ko sabay taas ng palad habang hindi mapigilan ang sariling matawa.
Hindi ko inaakalang darating ako sa puntong babait ako sa kaniya. Well, I don't regret who I am long time ago when we're still classmates.
“Huwag na. Sanay naman na ako sa ganiyang pag-uugali mo. Hindi ka pa rin nagbabago.”
“Salamat sa compliment,” natatawang sagot ko.
Pagkatapos ng blind date na nauwi sa pagbabalik-tanaw sa memories namin dati ay nakaidlip ako pagkauwi ko. Ikinuwento lang niya kung ano siya noon, na puro naman pagsang-ayon ang ambag ko dahil mabuti napapansin niya ang mali sa sarili niya.
Mauulit pa raw ang pag-uusap namin dahil ako ang nagsabing aalis na ako kasi gusto kong sulitin ang pagkakataong tinablan ako ng antok para matulog. Uulitin ko pa ang pagkikita namin kung nagtagpo ulit ang aming panahon.
Umupo ako sa harap ng kulungan ng hamster. “Jeyo, good evening!” masigla kong bati, kumaway-kaway pa.
Binuksan ko ang pinto sa kulungan niya na nasa bandang itaas. Ipinasok ko ang kamay ko, inilapit ko sa kaniya. Inamoy-amoy niya ang kamay ko at lumukso ang puso ko sa tuwa nang ilagay niya ang maliit na kamay sa nakaunat kong palad.
“Jeyo na pangalan mo. Ang bait mo naman. Napaka-friendly,” masaya kong sabi. Hinayaan ko lang siya sa ganoong posisyon habang nakatitig sa akin. “Nahirapan akong paamuhin iyong dalawa kong hamster na namatay noong nakaraang linggo,” kuwento ko.
Halos isang buwan kong pinaamo ang mga alaga kong dalawang Syrian hamster. Friendly nga sila, pero depende pa rin sa personality.
“Ano kaya iyong sinasabi noong matandang nagbenta sa 'yo na may hiwaga ka?” tanong ko nang sumagi sa isip ko iyon.
Tumitig lang ako sa kaniya. Parang may sinasabi ang alaga ko sa akin mula sa titig niya, pero aware naman akong normal lang ito sa kanilang mga hamster. Pero. . . medyo weird sa pakiramdam.
Inalis nito ang kamay sa palad ko at nagtungo sa pinakasulok na bahagi ng kaniyang kulungan para maglinis ng sarili. Ang cute!

Book Comment (49)

  • avatar
    AjfaidheDkfksjf

    thank you

    14/06

      0
  • avatar
    AbdalJonan

    jonan

    22/04

      0
  • avatar
    RavinaAngelbert

    good

    03/01

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters