logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 4

If any of you lacks wisdom, let him ask of God, who gives to all liberally and without reproach, and will be given to him.
But let him ask in faith, with no doubting, for he who doubts is like a wave of the sea driven and tossed by the wind.
For let not that man suppose that he will receive anything from the Lord. He is a double-minded man, unstable in all his ways.
Let the lowly brother glory in his exaltation, but the rich in his humiliation, because as a flower of the field he will pass away.
For no sooner has the sun risen with a burning heat than it withers the grass; its flower falls, and its beautiful appearance perishes. So the rich man also will fade away in his pursuits.
James 1:5-11
~
Apat na buwan at mahigit na nang huling umuwi si Papa. Palagi siyang humahayo sa iba't ibang lugar para maibahagi ang Mabuting Balita. Kasa-kasama niya noon ang isa ko pang kuya na si Kuya Richard.
Pero namatay si Kuya nang minsan silang napunta sa lugar ng mga native. Sila 'yong kumakain ng kapuwa tao at nag-aalay sa mga diyos-diyosan. Nakatakas si Papa pero nawalan na siya ng isang daliri sa kanang kamay.
Naalala ko pa kung paano umiyak si Mama habang pinapatahan ni Papa. Ilang araw kaming nagdasal at inalala ang mga pangako ng Diyos. At dahil Siya'y tapat, binigyan Niya kami ng bagong pag-asa.
Doon ko naramdaman ang presensiya Niya. Doon ko nakita kung paano Siya gumamot ng mga puso. Simula noon, naniwala na ako sa Kaniya hindi dahil 'yon ang dapat at palaging bukambibig ng mga magulang ko, kung hindi ako mismo ang nakasaksi kung paano Niya kami minamahal at iniingatan.
Marahan akong ngumiti. "Ayos ka na ba, Kuya?"
Tumaas lang ang sulok ng labi niya at hindi umimik. Nakapikit lang siya at marahan niyang pinisil ang kamay kong hawak niya. Napabuntong-hinga ako at tinanaw ang labas ng bintana. Malakas ang buhos ng ulan. Narinig ko sa radyo na may paparating na bagyo. Mabuti na lang at mahina lang ang hangin kaya hinayaan kong nakabukas ang bintana.
"Ange?"
Nilingon ko si Mama. May dala siyang sopas at inilapag niya iyon sa mesa sa may tabi ng kama ni Kuya. "Nanginginig pa rin ba?"
Umiling ako. "Mukhang bumababa na ang temperatura niya, Ma."
"Heto." Inabot niya sa akin ang thermometer. "Check mo siya at pakainin mo na rin ng sopas," dagdag niya bago lumabas ng kuwarto.
Pasimple kong inangat ang shirt ni Kuya at pinasok sa kili-kili ang thermometer. Muli akong bumaling sa labas ng bintana at napansin ko ang ilang ilaw sa labas. Nangunot ang noo ko at umalis sa kama. Dumungaw ako sa bintana at nakita ko ang ilang police cars na mabagal ang takbo sa kalsada. Dahil malakas ang ulan, hindi ko masyadong maaninag kong anong disenyo ng sasakyan basta 'yong ilaw na kulay asul at pula ang una kong napansin.
Tama nga si Sean na magroronda ang police at militar. Lumapit ulit ako kay Kuya nang tumunog ang thermometer. Tiningnan ko 'yon at napangiti nang makitang bumaba ng 6 degrees ang taas ng temperatura niya.
Napaangat ako ng tingin sa pinto nang humahangos na tumakbo at humawak sa pinto si Mama. "Ayos na ba ang kuya mo?"
"Malapit nang mawala ang lagnat niya, Ma. May problema ba?"
Nagpalipat-lipat ang tingin siya sa aming dalawa. Hindi ko malaman kung nag-alalala siya o hindi sa inasta niya. "M-May kumakatok sa pinto. Ang sabing itsi-check daw nila ang buong bahay."
Natahimik ako at napalunok. Nagbaba ako ng tingin kay Kuya na balot na balot ang buong katawan. Alam ko na kung bakit parang natatakot si Mama na pagbuksan ang kumakatok. Isa sa mga sintomas ng virus ang lagnat. At kahit walang ubo si Kuya ay natitiyak kong kukunin siya ng Bureau para i-quarantine.
"Ma," sambit ko.
Nakita kong pumikit siya at huminga nang malalim. Lumapit siya kay Kuya at inilapat ang likod ng palad sa noo nito. "Malapit na... malapit nang mawala ang lagnat niya."
"Ma."
Napatingin siya sa akin. "Kailangan lang natin ng kaunting oras para tuluyang bumaba ang lagnat niya."
Bumuntong-hinga ako. Dahil medyo humihina na ang ulan, naririnig ko na ang ilang usapan sa ibaba ng bahay, sa may labas ng pintuan. Naririnig ko rin ang ilang katok sa pinto ng bahay.
"Marami ba sila, Ma?"
Tumango siya at tumingala. "Hindi ko alam kung anong gagawin ko, Ange. H-Hindi ko alam."
Humigpit ang pagkakuyom ko sa laylayan ng T-shirt ko at tumayo. Tumingin ako nang diretso sa mga mata ni Mama. "Papasukin natin sila, Ma."
Napalunok siya at makailang ulit na huminga nang malalim bago tumango. 'T-Tama... tama ka."
Hinawakan ko ang kamay niya at sabay kaming lumabas ng kuwarto ni Kuya. Humigpit ang hawak ko sa kamay ni Mama habang pababa kami ng munting hagdanan. Lumunok ako at umusal ng mabilis na panalangin bago tuluyang binuksan ang pinto.
Napatingala ako sa isang lalaking nakasuot ng raincoat. Kunot ang noo niya at may suot na surgical mask sa mukha.
"Good evening," bati niya sa malakas na boses. Nahimigan ko ang pagkairita sa boses niya. "Ako si Jario, miyembro ng Bureau of Quarantine. Inatasan ako at ang kasamahan ko na mag-raid sa buong Dalaguete. May dala akong search warrant para makapasok sa bahay niyo at halughugin sa mga posibleng apektado ng virus."
Napatingin ako sa mga kasamahan niyang nag-uusap sa likuran niya. Humigpit ang hawak ni Mama sa kamay ko at sinuklian ko 'yon ng marahang pisil.
"Kayong lahat ang papasok?" tanong ko.
Nagkamot ng batok ang lalaki. "Kahit hindi na. Kahit dalawa na lang kami, kung gusto niyo."
Tumango ako. "Sige, dalawa lang ang papasok."
Sumenyas ang lalaki sa kasama niya. Niluwagan ko ang pagkabukas ng pinto at pinagmasdan ko kung paano tumulo ang tubig-ulan mula sa mga raincoat nila.
"Pwede niyo bang hubarin ang suot niyong raincoat at ilagay sa lanai?" pakiusap ko.
Agad naman nilang sinunod ang sinabi ko. Sinara ko ang pinto nang makapasok na sila sa loob. Naupo si Mama sa upuan sa may sala at inaya niya ang dalawa na maupo muna.
"Anong gusto niyo, kape o juice?" tanong ni Mama. Mukhang nawala na ang takot niya. Marahan akong napangiti.
"Wag na, Misis. Marami pa kaming kailangang gawin." Nilibot ng unang lalaki ang tingin sa loob ng sala. "Ilan kayong nandito, Misis?"
"Apat."
"Apat." Tumango-tango ang lalaki at sinenyasan ang kasama na isulat.
"Pangalan?"
"Thalia Babia."
"Nasa'n ang asawa mo, Misis?"
"Nasa ibang bansa."
"Sino ang mga kasama mo, Misis?"
"Anak ko, dalawa. Babae at lalaki. Saka biyenan ko."
"Mga pangalan?"
"Angela Babia, Arnel Babia, Luzviminda Babia."
Tumingin sa gawi ko ang lalaki. "Ito siguro si Angela, Misis?"
Tumango si Mama.
"Nasa'n ang lalaki at biyenan, Misis?"
Napatingin sa akin si Mama bago sumagot. "Nasa kuwarto si Arnel, nagpapahinga. Si Mama naman ay sa kuwarto na rin at natutulog."
"Wala naman kayong ubo, Misis, ano? Saka itong anak mo?"
Umiling si Mama. "Wala."
May inilabas ang kasamahan ng lalaki na isang laser. "Tumayo muna kayo, Misis. Scan ko muna kayo," sabi nito.
Sumunod si Mama at nag-negative siya. Pinatayo rin ako at nag-negative rin ako. Naalerto ako nang tumayo ang lalaki.
"Pwede niyo ba kaming gabayan papunta sa kuwarto ng dalawa mo pang kasama, Misis?"
"O-Oo. Sige."
Tahimik akong sumunod sa kanila sa itaas. Unang pinuntahan ni Mama ang kuwarto ni Lola. In-scan ng lalaki si Lola pero lumabas na nag-negative ito.
"Sa anak mong lalaki, Misis?"
Wala kaming nagawa kung hindi magpunta sa kuwarto ni kuya. Bawat hakbang papunta sa kuwarto ni Kuya ay parang may nakakabit na kadena sa mga paa ko, at habang papalapit kami nang papalapit ay humihigpit at bumibigat iyon.
"Ito ang kuwarto niya." Lumunok si Mama bago pinihit ang seradura.
Tahimik na kaming pumasok sa loob at nakita ko si Kuya na mahimbing na natutulog sa kama. Balot ng kumot ang buong katawan niya at sa isang tingin pa lang ay malalaman nang may lagnat siya. Napansin kong nagtinginan ang dalawang lalaki.
"Kailan pa siya natutulog dito, Misis?" tanong ng lalaki.
"Bumangon siya kanina," sagot ni Mama.
"May lagnat ba siya?" Nakita kong kumuha ng disposable gloves ang lalaki mula sa bulsa niya at sinuot sa kamay.
Napalunok si Mama. "Oo."
"Kailan nagsimula ang lagnat?"
"Kahapon."
"Nagpunta ba siya sa Lapu-Lapu nitong nakaraang dalawang linggo?"
"Hindi."
Tumango-tango ang lalaki pero alam kong hindi siya naniniwala sa sinabi ni Mama. Lumapit siya kay Kuya at sinipat ang ilong. Alam kong sinisiguro niya kung may sipon.
"Brad," tawag niya sa kasamahan. "Akina na ang thermo."
Inabot ng kasamahan ang isang scanner. In-scan niya si Kuya mula ulo hanggang paa at nakita kong limang degree na lang at tuluyan nang maging normal ang temperatura niya. Tumango-tango ang lalaki. In-scan na naman niya si Kuya gamit ang scanner para sa virus at negative ang resulta.
Ilang procedures pa ang ginawa niya bago natapos ang pagtsi-check sa lagay ni Kuya. Mabuti na lang at hindi siya nagising kung hindi magwawala 'yon. Inaya ni Mama ang dalawang lalaki sa sala at naupo kami sa mga upuan doon. Magkatabi kami ni Mama at nasa tapat namin ang dalawang lalaking panay ang sulat ng kung anu-ano sa dalang checklist.
"Hindi naman mataas ang lagnat ng lalaki. Walang sipon. Negative sa scanner." Tumango ang lalaki na parang may naintindihan tapos nag-angat ng tingin sa amin. "Misis, kailangan namin siyang dalhin sa ospital para makasiguro. Isa ito sa patakaran ng DOH para maiwasan ang pagkalat ng virus."
"Pero malapit namang mawala ang lagnat niya," protesta ni Mama.
Nagbaba ako ng tingin at sinambit ang pangalan Niya sa isip ko.
Umiling ang lalaki at binigay sa kasama ang checklist. "Mas mabuti nang makasiguro, Misis. Madaling makahawa ang virus. At baka isang asymptomatic carrier ng Viana ang anak mong lalaki."
Lumunok ako at umikhim. Napatingin silang tatlo sa akin. Huminga ako nang malalim at kinuyom ang kamao. "Kung asymptomatic carrier si Kuya, sana sinipon at inubo siya bago nilagnat. Hindi dumidiretso ang virus sa baga. Nagkukumpulan muna ang mga ito sa pharynx bago bumababa sa pamamagitan ng sipon. At kapag nagkaroon ng Viana ang pasyente, mataas dapat ang temperatura ng lagnat. Ilang baba lang at magiging normal na ang body temperature ni Kuya. Saka, imposibleng maging carrier si Kuya dahil nandito siya sa Dalaguete sa nakalipas na dalawang buwan. Hindi siya pumunta sa Lapu-Lapu kung saan nakompirma ang unang kaso ng Viana. Isa pa, nitong umaga lang kinompirma ng gobyerno na nakapasok na ang Viana sa bansa. Kahapon nilagnat si Kuya. Paanong nahawa siya? May advance thinking ba ang virus?"
"Ange," saway ni Mama sa pagkapilosopo ko. Humingi naman ako ng pasensya sa inasta.
Nagkatinginan naman ang dalawang lalaki at nag-usap nang sila lang ang nagkakaintindihan.
Umikhim ulit ako at nagsalita para matapos na ito.Β  "Mabilis ang pag-aksyon ng gobyerno. Lockdown agad sa lahat ng munisipalidad at travel ban sa lahat ng means of transportation. Hindi agad-agad kakalat ang virus dahil sabi nga ng DOH, imposibleng magkaroon ng Viana ang mga taong wala namang direktang contact sa infected patients. Hindi airborne ang virus dahil thru droplets ang paghawa. Kaya imposibleng mahawa si Kuya dahil wala naman siyang direktang contact sa mga apektado nito." Huminga ako nang malalim. "At kung ipapasok niyo siya sa isang pasilidad kung nasaan naka-quarantine ang confirmed patients, malaki ang posibilidad na talagang mahahawa siya. Lalo na ngayong pababa pa lang ang lagnat niya."
Umikhim ang lalaki at seryosong tumitig sa akin. "Sabihin mo nga sa akin... Angela, oo, Angela Babia, anong trabaho mo?"
Kumuyom lalo ang kamao ko. "Nag-aaral pa ako."
Tumango ang lalaki. "Nag-aaral. Oo, nag-aaral ka pa lang. Wala ka pang lisensya para sabihin sa amin kung anong dapat gawin."
Nangunot naman ang noo ko. "Wala naman akong sinabing ganiyan. Sinabi ko lang naman ang mga sintomas at posibilidad na mahawa siya kung ikukulong niyo siya ---"
"Ange," putol ni Mama. Natahimik naman ako. Bumaling si Mama sa lalaki. "Pasensya na sa inasta ng anak ko. Pero kung tama nga ang sinabi niya ay hindi ko ibibigay si Arnel sa Bureau. Dito lang siya sa bahay at ako na ang magmo-monitor sa lagay niya."
Nagkatinginan ang dalawang lalaki.
"Magbibigay ako ng update sa Bureau tungkol sa lagay niya," dagdag ni Mama.
Lihim akong napangiti. "Tama si Mama. Isa pa, mga taong may sintomas at may direct contact lang ang ipapa-quarantine para makasigurong hindi sila nahawa. Walang direct contact si Kuya sa cofirmed cases, kaya hindi niyo siya pwedeng kunin."
Nangunot ang noo ng lalaking nagsalita kanina. Siguro ay hindi niya nagustuhan kung paano ako makisawsaw sa usapan pero hindi ko gustong manahimik na lang. Alam ko kung sino-sino ang dapat kunin ng Bureau at hindi sila pwedeng umaksyon na labag sa pinalabas na utos ng DOH.
Tumayo ang dalawang lalaki kaya napatayo na rin kami ni Mama. Umikhim ang lalaki. "Sige, Misis. Aasahan namin ang pakikipag-ugnayan mo sa Bureau. Ito ang calling card. Tawagan mo lang kami."
Tumingin pa ang lalaki sa akin bago naiiling na lumabas sa bahay. Humabol ako sa kaniya at humingi ulit ng pasensya sa inasta ko. Tinaas lang ng lalaki ang kamay at hindi na lumingon sa akin. Diretso silang bumaba ng lanai. Nakita kong pumunta sila sa kapitbahay namin at kumatok sa pinto. Napabuga ako ng hangin at napangiti. Sinara ko na ang pinto.
"Thank you, Lord," bulong ko saka patakbong tinungo ang kuwarto ni Kuya.

Book Comment (11)

  • avatar
    montereyAshanty

    goods but long

    26/02

    Β Β 0
  • avatar
    Daniela Sebusa Recto

    Napaka ganda po talaga superπŸ‘πŸ‘πŸ˜πŸ˜

    23/02

    Β Β 1
  • avatar
    Mea Hutalla Santelices Xll

    love it 😍

    29/10

    Β Β 0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters