logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 1

Enero noong nakaraang taon nang biglang tumahimik ang maingay at magulong kalye ng Colon. Maraming tao ang napatingin sa kalangitang parang binihisan ng dugo sa tingkad ng kulay, at nagmula iyon sa mapulang sinag ng araw. Napahinto rin ako sa pagbibisikleta at matamang tiningnan ang mapulang kalangitan. Ngayon ko lang ulit nakita ang pagdurugo ng langit. Una noong isang buwan.
"Ange!"
Napatingin ako sa mga batang papalapit sa puwesto ko. May dala silang mga basket na puno ng mga bulaklak. Ngumiti ako at kinaway ang kamay.
"Ingat sa paglalako! 'Wag kalimutang magdasal!" masigla kong bati at muling nagpedal.
"Ingat din sa pagbiyahe, Ate Ange! Ipagdadasal ka namin!"
Marahan akong ngumiti. Nadaanan ko ang malaking convenient store na puno ng mga tao, ang mga istante ng finger foods, at ang bilihan ng isda at ng gulay. Kanina lang ay halos hindi magkamayaw ang lahat sa pagbili. Maraming sigawan at tawanan pero ngayon ay halos marinig ko na ang sariling hininga.
Pinagmasdan ko ang mga tao. Patuloy lang sila sa kanilang ginagawa pero tila nahulog ang lahat sa malalim na pag-iisip. Tumuturo ang bumibili at ilalagay naman ng nagtitinda ang produktong tinuro sa supot na paper bag. Nagsusukli sila at naglalakad paalis nang hindi kumikibo.
Napadaan ako sa isang kalinderya na may nakabukas na telebisyon. Isang Live Report ang nasa screen.
"Kapapasok lang ng balita na pumasok na sa bansa ang Viana Virus na galing sa Venansala. Dalawang kompirmadong kaso ng VV ang nasa isolated area ng San Antonio General Hospital sa Malate. Hindi malaman ng awtoridad kung saan at kailan nakapasok sa bansa ang foreign couple na nagbakasyon umano sa Venansala noong nakaraang anim na buwan. Inaalam pa ng DOH ang posibilidad ng pagkalat ng virus sa mga napasyalang tourist spots ng isolated patients. Nakikipag-ugnayan na rin ang departamento sa Presidente para sa isang malawakang lock down na ipapatupad kapag nakompirmang kumalat na nga sa bansa ang naturang virus. Sa ngayon, wala pang lunas ang Viana Virus at inaalam pa ng World Health Organization ang posibleng pinagmulan nito. Ito si Lala Fera, magandang araw."
Unti-unting nabuhay ang ingay sa kalye. Tahimik lang akong dumaan sa mga estudyanteng nagkukwentuhan tungkol sa virus. Dumaan ako sa entrance ng dry market at lumusot sa exit sa kabila. Binitbit ko ang bike sa hagdan at muling sumakay para tumungo sa terminal ng bus.
"Kuya, kuya!" hingal kong tawag sa konduktor. Napalingon siya sa akin. Huminga ako nang malalim at nagsalita. "Sa Mantalongon?"
"O, tena!"
"Thanks God," bulong ko. Binitbit ko na naman ang bike papasok sa storage area sa ilalim ng bus at nagbayad ng 30 pesos sa konduktor bago umakyat sa bus. Iilan pa ang nandoon sa loob. Nakabukas ang aircon pati na ang maliit na telebisyon sa uluhan malapit sa drayber. Pinili ko ang upuan sa likod kung saan pwede akong matulog.
Kababalik lang ng klase namin mula Christmas vacation. Bukas ay Sabado kaya nagdesisyon akong umuwi muna sa Dalaguete kahit pa halos puno ang schedule ko sa weekend. 26 units ang kailangan kong ipasa ngayong 2nd semester at halos lahat ay major subjects. Dalawa lang ang hindi.
"Miss, may nakaupo ba riyan?" tanong ko sa isang babaeng may takip na surgical mask sa bibig. Nakaupo siya sa pinakadulong upuan habang nakatanaw sa labas ng bintana.
Dahan-dahan siyang tumingin sa gawi ko at tumango. Napatitig pa ako sa kaniya bago naupo sa tabi niya. Nilagay ko ang shoulder bag sa bakanteng upuan sa kanan at napabuntonghinga. Sumandal ako sa sandalan at pinikit ang mga mata. Narinig ko na naman ang balita mula sa Live Report sa telebisyon bago ako nahila ng antok.
"Pinatupad na ang kauna-unahang lock down sa bansa. Wala nang maaaring lumabas o bumiyahe sa kani-kaniyang probinsiya pagtapak ng ika-siyam ng umaga. Matapos ang tatlumpung minuto ay hindi na rin papayagang bumiyahe ang mga sasakyan papasok at palabas ng kani-kaniyang munisipalidad. Inaabisuhan ang lahat na maghanda ng mga tubig at pagkaing maaaring tumagal ng dalawang linggo. Panatilihing nakabukas ang mga linya ng telepono. Ito na ang pinakamalaking kaganapan na masusulat sa kasaysayan ng bansa. Mag-ingat ang lahat."
NAALIMPUNGATAN ako sa pakiramdam na may nakatitig. Dahan-dahan kong minulat ang mga mata at isang taong may suot na N95 mask ang nakita ko. Balot na balot din ang katawan niya ng puting kasuotan at may suot siyang gloves.
"Miss," tawag niya sa akin.
Umupo ako nang tuwid at nilibot ang tingin. Nandito pa rin ako sa bus at napansin kong may nakaupo na sa tabi ko, kung saan ko nilagay ang shoulder bag.
"Bakit?" paos kong tanong.
"Ako si 45. Isa ako sa mga inatasan ng gobyernong siguraduhin ang kaligtasan ng mamamayan. Tumayo ka at titingnan natin sa scanner kung positive ka sa virus."
Kahit naguguluhan ay dahan-dahan akong tumayo. Humawak ako sa isang hawakan na nakakabit sa bubungan ng bus. May inilabas ang lalaki na parang laser. Tinutok niya iyon sa noo ko pababa sa talampakan ko. Maya-maya pa'y tumango-tango siya habang pinapasok ulit ang scanner sa maliit na bag na hawak.
"Swerte. Hindi ka positive. Mabuti na lang at hindi ka masyadong dumikit sa babaeng katabi mo kanina," aniya bago tumalikod at nakipag-usap sa kasamahan nitong balot din ang katawan.
Nangunot ang noo ko at dahan-dahang naupo ulit. Tumingin ako sa labas ng bintana at napansin kong nakahinto ang bus sa poblacion ng Argao.
"Bag mo."
Nilingon ko ang nagsalita. Nakaupo siya sa upuang pinaglagyan ko ng shoulder bag. Lalaki. May suot din siyang surgical mask at matamang nakatitig sa akin. Kinuha ko 'yon at muling bumaling sa labas ng bintana.
Nakita ko ang rumurondang mga pulis at sundalo sa paligid. May suot-suot silang mask at gloves. Nangunot ang noo ko at tumingin sa nakabukas na telebisyon. Kanina pa nagla-live coverage ang reporters gamit ang drone na lumilibot sa kalakhang Manila at iba't ibang sentro na lugar sa Visayas at Mindanao gaya ng Cebu at Davao. Halos wala nang mga taong naglilibot sa Divisoria, maging sa Colon kung saan ako nanggaling kanina.
"Iba talaga ang ganti ng kalikasan," bulong ng katabi ko. Napatingin ako sa lalaki. Nakatitig siya sa telebisyon. Maya-maya pa'y napailing. "Ito na nga ang magiging kinabukasan ng Pinas," dagdag niya.
Umiwas ako ng tingin. "God... please guide us," bulong ko.
Umandar ang makina ng bus at muling nagpatuloy sa pagbiyahe papunta sa Mantalongon. Sumaludo ang mga sundalo sa mga pasahero ng bus at may nakasulat pa sa tag na nakasabit sa katawan nila, God is good all the time. Repent before it's too late. God protect the country.
Naging tahimik ang biyahe papunta sa kinalakhan kong munisipalidad. Ramdam ko ang tensiyon sa paligid, at ang takot ng mga tao, lalo na at nabawasan ang populasiyon sa loob. Iyon kasing mga positive sa virus ay pinababa at inilayo sa mga tao. Ang sabi ng mga taong balot na balot ay ikwa-quarantine ang mga nag-positive sa Viana hangga't hindi pa nakahanap ng lunas.
Lumusot ang bus sa huling baranggay ng Argao hanggang niliko ng driver ang bus sa isang malaking kalsada. Napangiti ako nang makita ko ang arkong nagsasabi na nasa Dalaguete na kami, pero napalis iyon nang makita ko ang laksa-laksang batalyon ng mga sundalo na nag-aabang sa bungad ng Munisipalidad.
Pinatigil ng isang sundalo ang bus at naramdaman ko ang paghinto ng sinasakyan namin. Ilang sundalo ang pumasok sa loob na may suot-suot na mask at gloves. Isa-isa nilang ini-inspeksyon ang mga gamit ng pasahero at gaya ng mga taong balot na balot sa poblacion ng Argao, isa-isa nila kaming pinatayo upang i-scan. Matapos ang inspeksyon ay bumaba na sila sa bus at may babala pa ang isang sundalo bago tuluyang umalis.
"Hindi na kayo maaaring bumiyahe palabas ng Dalaguete. Kung sino ang hindi susunod, may parusa mula sa amin."
Hinayaan kami ng sundalong lumampas sa border ng Dalaguete at Argao. Naging mas tahimik ang loob ng bus habang bumibiyahe ito papunta sa sentro, kung saan ako bababa para bumiyahe papunta sa Mantalongon. Mukhang nagigising na ang mga pasahero sa kung anong nangyayari sa paligid. Para bang unti-unti na nilang namamalayang hindi biro ang pagkalat ng virus sa bansa.
Binaling ko ang tingin sa labas ng bintana. Maging ang hangin ay hindi nakakahalina. Parang nagbabala sa mga mangyayari pa. Humigpit ang hawak ko sa shoulder bag at tahimik na nagdasal... para sa kinabukasan ng bansa.

Book Comment (11)

  • avatar
    montereyAshanty

    goods but long

    26/02

    Β Β 0
  • avatar
    Daniela Sebusa Recto

    Napaka ganda po talaga superπŸ‘πŸ‘πŸ˜πŸ˜

    23/02

    Β Β 1
  • avatar
    Mea Hutalla Santelices Xll

    love it 😍

    29/10

    Β Β 0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters