Nang makita ni Sarah si Aaron na nakaakbay kay May, pilit nitong nilalabanan ang pagluha. Kahit na siya'y nakangiti at masaya e halata sa kaniyang mga mata ang nagbabadyang pag-iyak. "Sarah, sama ka sa amin," yakag ni May kay Sarah. "Babe, date natin 'tong dalawa diba," saad ni Aaron. "Ano ka ba May? Date niyo 'yun, para naman akong ewan kung sasama ako sa inyo atsaka may lakad din ako." Iniwan ni Sarah si May at Aaron. Pagkatalikod nito, dito na bumuhos ang patak ng luha mula sa kaniyang mga mata. Kababata ni Sarah si Aaron. At meron itong lihim na pagtingin kay Aaron. Ngunit nang magkakilala sina Aaron at May tila nakalimutan na ni Aaron ang pagkakaibigan nilang dalawa. Kahit na magalit si Sarah kay May ay wala naman siyang karapatan sapagkat hindi naman naging sila ni Aaron. Bagkus, nakipagkaibigan ito kay May sa di maipaliwanag na dahilan. * Samantala, nang matapos ang date nila May at Aaron, agad na hinatid ni Aaron si May sa kanilang bahay. Habang nasa loob ng sasakyan, pinasalamatan ni May si Aaron, "thank you, Aaron." Hinawakan ni Aaron ang mukha ni May at dahan-dahang inilapit ang kaniyang labi sa dalaga. Pilit itong iniiwasan ni May, iniilag niya sarili mula kay Aaron. Tinanggal ni May ang kamay ni Aaron mula sa kaniyang pisngi, inilayo din niya ang nakangusong labi ni Aaron. "I'm so sorry," wika ni May sabay baba sa sasakyan. Kumulo ang dugo ni Aaron sa ginawa sa kaniya ni May, kaya't hinampas nito ang busina ng kaniyang sasakyan at sumigaw, "bwisit!" *** Kinabukasan, alas-tres palang ng madaling araw ay gising na si Jeofrey. Bago pa man magising si Nanay Nemia, nakapaggawa na siya ng sahog ng halo-halo. Natapos na rin ni Jeofrey ang gawain pang-bahay. Nang magising si Nanay Nemia, laking gulat nito na wala na siyang kailangan gawin sa bahay, "aba! Ang aga mo namang gumising." "Good morning 'nay," bati ni Jeofrey at yakap sa kaniyang ina. "Jeofrey, mahihilo ka niyan," wika ni Nanay Nemia. Hinawakan ni Jeofrey ang kamay ni Nanay Nemia. "Pinapangako ko po sayo 'Nay, hindi ka po mapapagod hangga't nandito ako." "Jeofrey, anak, salamat ha. Alam kong marami akong pagkukulang sayo, salamat anak sa pagtulong sa akin." "Nay, halika kain po na tayo." "Wow! Nagluto ka?" Nanlaki ang mga mata ni Nanay Nemia ng malaman na nagluto si Jeofrey. Alam ni Nanay Nemia na masipag na tao si Jeofrey ngunit pagdating sa pagluluto ay hindi ito maaasahan. Napangisi si Jeofrey sa reaksyon ng kaniyang ina. "Grabe 'nay, gulat na gulat." Inihain ni Jeofrey ang mga pagkain sa kanilang lamesa. Matapos ay nilapitan ni Jeofrey si Nanay Nemia at tinulungan na umupo. "Ang bait talaga nang anak ko." Dahan-dahang binuksan ni Jeofrey ang nakatakip na ulam. "Nay, ang ating special menu ay... pritong itlog!" Napahalakhak si Nanay Nemia. "Jeofrey, naturingan pa namang culinary ang kurso mo pero hindi ka marunong magluto." Ngumisi si Jeofrey sabay kamot sa ulo. "E, 'nay diba po 'di naman Culinary ang gusto ko." Biglang napalitan ng malungkot na klima ang buong bahay. Humingang malalim si Nanay Nemia. "Anak, pasensya ka na, alam ko rin naman na hindi culinary ang gusto mo. Pero iyan lang kasi ang binigay ni Chairman Cuevas." "Nay, hindi naman po ako nagrereklamo. Nagpapasalamat nga po ako kay Chairman Cuevas na tinutulungan niya ako. Kahit ni minsan, hindi ko pa siya nakikita." "Wag kang mag-alala anak balang-araw makikita mo rin siya. At ipangako mo sa akin tutulungan mo ang mga taong tumulong sayo ngayon pagdating ng panahon." "Opo 'nay." "O, siya Jeofrey kumain na tayo." Matapos kumain ni Jeofrey agad siyang nagpaalam sa kaniyang ina upang hindi na muling mahuli sa klase. Alas-singko y media pa lamang ng madaling araw kaya ang dilim pa ng tinatahak ni Jeofrey. Sinasabayan pa ito ng lamig ng simoy ng hangin. Ayaw ni Jeofrey na biguin si Miss Mariano sa binitawan niyang pangako na hindi na siya muling mali-late kaya inaagahan niya ang gising. Upang hindi na muling mahuli sa klase, binilisan ni Jeofrey ang paglalakad. Pero sino ba namang mali-late sa ganitong oras ng paggising? Nang makarating si Jeofrey sa unibersidad halos wala pa siyang makitang estudyante at puro guro pa lamang ang nasisilayan niya. Kinapa niya ang kaniyang dibdib at napansin na hindi niya suot ang kaniyang ID. 'Hala! Yung ID ko!' Dali-daling umalis si Jeofrey upang kunin ang kaniyang ID. * Pawisan at hinihingal si Jeofrey ng makarating sa kanilang bahay. "Nay! Nakita niyo po ba yung ID ko?" tanong ni Jeofrey kay Nanay Nemia. "Oo anak andito," sagot ni Nanay Nemia sabay abot ng ID kay Jeofrey. "Salamat 'nay," wika ni Jeofrey sabay harurot ng mga paa paalis. Maliwanag na ang daan habang naglalakad si Jeofrey, wala siyang dalang relo kaya walang siyang malay kung anong oras na. Ang tanging hinihiling lang ni Jeofrey sa mga oras na ito ay sana hindi siya ma-late. Papasok na dapat si Jeofrey nang biglang may tinig siyang narinig na nagpapukaw ng kaniyang atensyon. "Pakiusap patawarin niyo na ako." Hindi maipaliwanag ni Jeofrey ang nadarama, parang may nag-uudyok sa kaniya na hanapin kung saan nagmula ang boses na iyon. Upang mawala ang pangamba minabuti niyang hanapin ang boses na narinig niya. Nakarinig muli si Jeofrey ng mga tawanan kaya tinunton niya ang pinagmumulan nito. At napag-alaman niyang nasa likod-bakod ng unibersidad nagmumula ang ingay. Sinilip niya ito at laking-gulat sa kaniyang nakita. Tatlong lalaki ang bumubogbog sa isang lalaki. Tinalon ni Jeofrey ang mataas na bakod upang pahintuin ang mga ito. Hiningal man si Jeofrey sa ginawang pagtalon itinodo niya pa rin ang pagsigaw, "tigilan niyo siya!" Binitawan ng lider ng grupo na si Aaron ang hawak hawak niyang lalaki. Tinitigan nito si Jeofrey at kinilatis ang itsura. Bigla na lamang siyang humalakhak nang napakalakas. "Sino ka naman para utusan ako?" Nanggilalas si Jeofrey sa galit. "Hindi importante kung sino ako. Ang issue rito ay kayo!" Bumulong ang isang lalaking kasama ni Aaron. Umiling si Aaron na tila bang hindi sinang-ayunan ang kung ano mang binulong sa kanya ng lalaki. "Anong issue?" pang-aasar na tanong ni Aaron kay Jeofrey. "Dahil mali ang ginagawa niyo!" sigaw ni Jeofrey. Muling ngumiti at tumawa si Aaron. "Ha? At sino namang tama, ikaw?" Lumapit ang sugatang lalaki kay Aaron. Halos gumagapang na lang ito dahil nanghihina dala ng mga natamo niyang bugbog. Lumuhod ang lalaki at nakiusap kay Aaron, "Aaron, tigilan niyo na ako. Ano bang nagawa kong kasalanan sayo?" Awang-awa si Jeofrey sa lalaki. Tumahimik muna siya sa pag-aakalang pakikinggan ni Aaron ang sinabi niya. Ngunit pumantig ang kaniyang tainga ng marinig ng mga katagang iwinika ni Aaron. "Titigilan lang kita sa oras na naliligo ka na sa sarili mong dugo," saad ni Aaron. Muling pinagsisipa at pinagsusuntok ni Aaron at ng mga kasama nito ang lalaki. Hindi na matiis ni Jeofrey ang sarili, bumwelo siya at biglang sipa sa mukha ni Aaron. Napakalas ng pagsipa ni Jeofrey dahil black belter ito sa taekwondo. Napatumba si Aaron at dumugo ang ilong nito. Naglakihan ang mga mata ng kasama ni Aaron. Dahil sa takot sa kung ano pang maaring magawa sa kanila ni Jeofrey agad nilang tinayo si Aaron at tinakbo. Hiyang-hiya si Aaron sa sarili, kaya sinigawan nito si Jeofrey, "maghanda ka sa akin!" Agad namang nilapitan ni Jeofrey ang lalaki dito na tumambad ng malapitan sa kaniyang mga mata ang sugat at pasa sa buong katawan ng lalaki. Iniabot ni Jeofrey ang kaniyang kamay sa lalaki upang tulungang tumayo. "Halika itatakbo kita sa ospital," Tinapik ng lalaki ang kamay ni Jeofrey at tumayo ng mag-isa. "Kaya ko ang sarili ko." "Bakit ka nila binubugbog?" tanong ni Jeofrey. "Wala ka nang pakialam dun. At saka bakit mo ko tinulungan? Babalikan din nila ako at pati na ikaw." "Hindi na 'yun babalik, atsaka kapag bumalik sila sabihin mo sa akin." "Hindi mo na ako kailangang tulungan," wika ng lalaki sabay alis. Ikinagulat ni Jeofrey ang naging asal ng lalaki. Tatanungin niya pa sana kung anong pangalan ng lalaking iyon ngunit biglang dumapo sa isipan niya na mali-late na siya. Tumakbo na si Jeofrey upang hindi na mahuli sa klase. *** Nang malapit na sa gate ng unibersidad si Jeofrey nakita niya si May na papasok na rin. Nilapitan niya si May upang kausapin. "Good morning!" bati ni Jeofrey kay May. "Jeofrey, hindi ka na late a," nakatawang saad ni May. Walang nang maisip si Jeofrey na sasabihin kay May kaya sinabayan na lang ang dalaga. Nang makarating si Jeofrey at May sa kanilang room ay wala pa si Miss Mariano. Kakaibang galak ang nararamdaman ni Jeofrey. Kasama na niya sa paglalakad si May tapos ay hindi pa siya late. Ilang oras ang makalipas nakarating na rin si Miss Mariano. Laking tuwa nito ng makita si Jeofrey sa wastong oras. "Very good, Jeofrey!" nakatawang sabi ni Miss Mariano. Magsisimula na dapat si Miss Mariano ng pagtuturo nang biglang may tumawag sa kaniya sa telepono. Matapos nitong makausap ang nasa kabilang linya nag-iba ang postura ng kaniyang itsura. Kumunot ang noo ni Miss Mariano at tinawag si Jeofrey. "Jeofrey, sumama ka sa akin," tawag ni Miss Mariano kay Jeofrey. Agad na sumama si Jeofrey kay Miss Mariano. Dinala si Jeofrey ni Miss Mariano sa Guidance Office. Hindi nakararamdam ng pangamba si Jeofrey sapagkat alam niya sa sarili niya na wala siyang ginawang masama. Sa mga oras na pumasok sila sa guidance office walang maisip si Jeofrey na dahilan nang pagsama aa kaniya ni Miss Mariano dito. Nadatnan ni Jeofrey na kausap ng Principal ng school si Aaron. Dito na lumakas ang kaniyang kutob na tungkol ito sa tinulungan niyang lalaki. Ang nasa isip niya ay siguro tatanungin siya tungkol sa masamang gawain ni Aaron. "Maraming salamat, Aaron," wika ng Principal. Pagkapasok ni Jeofrey ay siya ding labas ni Aaron. Nang magkatapat silang dalawa may sinabi si Aaron sa kaniya. "Good luck," nakangising sabi nito sabay alis. 'Anong good luck? E siya nga ang may kasalanan,' saad ni Jeofrey sa isip.
Thank you
Support the author to bring you wonderful stories
Cost 37 diamonds
Balance: 0 Diamond ∣ 0 Points
Book Comment (88)
MissEL
Hindi ko pa natatapos basahin until chapter two. I think marami pang nagaganap sa kwentong ito for sure. I will recommend this to my friends.
Hindi ko pa natatapos basahin until chapter two. I think marami pang nagaganap sa kwentong ito for sure. I will recommend this to my friends.
09/01/2022
0I like it
15/10
0very so much
01/05/2025
0View All