Isang gabing malakas ang hangin kasabay ng bugso ng ulan. Umaalingawngaw ang hagulgol ng isang babae. Ramdam na ramdam niya ang hampas ng hangin ngunit patuloy parin siya pagbagtas ng daan habang kasama ang anak. Nanginginig man sa dalang lamig dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan, sinubukan niya pa ring ibigkis ang katawan sa anak, upang kahit na papaano ay matakpan ang nararamdang ginaw ng bata. Nasa limang-taong gulang ang anak niya, sa edad na iyon alam niyang mulat na ang bata sa kung ano ang sinapit nilang mag-ina. Gumawi ang tingin niya sa kaniyang buong katawan na may pulang likidong patuloy na umaagos. Dugo. Muling nilingon ng babae kung saan ang kaniyang pinanggalingan. 'Di kalayuan mula sa kaniya, abot-tanaw ang kaniyang asawang naliligo sa sariling dugo. Sa tabihan nito ay may dalawang sira-sirang sasakyan. "Tulong! Tulungan niyo ang asawa ko!" sigaw ng babae, umaasang kahit suntok sa buwan, may makarinig sa kaniya sa mga oras na iyon. Ngunit dahil nga malakas ang ulan at sa tingin niya ay liblib ang lugar kung nasaan sila ngayon, wala parin siyang matanaw na taong maaring makatulong sa kanila. Sa paglakas ng kaniyang boses ay kasabay din ng pagkulog at pagbuhos ng malakas na ulan. Nandilim ang kaniyang paningin, pilit niyang nilalabanan ang pagkahilo para sa kaniyang anak. Ngunit hindi na niya kinaya, nawalan siya ng balanse at natumba. *** Gumising si Jeofrey na pugtong-pugto ang mga mata. Araw-araw niyang napapanaginipan ang mga alaalang pilit niyang binabaon sa limot. Ang trahedyang para sa kaniya ay isang bangungot. Nag-inat si Jeofrey ng kaniyang katawan at binibaba ang mga paa sa maliit nilang papag, isang hudyat ng paghahanda sa panibago niyang araw. Binuksan ni Jeofrey ang bintana, nanlaki ang kaniyang mga mata nang malaman na tanghali na. First day na first day pa naman niya sa kolehiyo ngayon. Dali-dali siyang lumabas sa kaniyang kwarto. Sa pagbukas niya ng pintuan, bumungad ang kaniyang inang naglilinis ng kanilang munting bahay. Nasilayan agad niya ang nagkikinangang gintong medalya na isinabit ni Nanay Nemia, sa mga dingding ng kanilang bahay. Maliit man ang kanilang pinagtutuluyan, hindi man sila matatawag na mayaman, tanging medalya't karangalan ni Jeofrey ang tinuturing na yaman ng kaniyang ina. "Nay, Ba't di mo po ako ginising?" natatarantang tanong ni Jeofrey kay Nanay Nemia, sabay yakap ng mahigpit dito. Ito kasi ang unang araw niya sa kolehiyo, kaya nga ganun na lamang ang naging reaksyon ng malaman na mali-late na siya sa klase. "Naku Jeofrey! Kung sinunod mo ako kagabi na matulog ka nang maaga, e di sana hindi ka napuyat," sermon ni Nanay Nemia. Napabuntong hininga si Jeofrey, naawa siya sa kalagayan ng ina. Kagabi ay tinulungan niya ang kaniyang nanay sa paggawa ng sahog ng halo-halo kaya siya napuyat. Alam niya kung gaanong nahihirapan si Nanay Nemia sa pagtaguyod sa kaniya ng mag-isa. Kaya naman kahit sa anong paraan ay tinutulungan niya ito upang kahit na kaunting ginhawa ay maramdaman ni Nanay Nemia. "Nay kung hindi ko kayo tutulungan, mabilis kayong tatanda," biro ni Jeofrey. Napangiti si Nanay Nemia. "Sus! Binola mo pa ako. O, siya maligo ka na." Mas mabilis pa sa alas-kwarto ang pagligo ni Jeofrey, tatlong tabong buhos lang yata ang ginawa nito kakamadali. "Anak, kumain ka muna bago umalis. Alangan namang pumasok ka ng walang laman ang tiyan." Nilapag ni Nanay Nemia ang mga pagkain sa hapag-kainan. Sinunod ni Jeofrey ang ina. Umupo siya, amoy na amoy niya ang halimuyak ng niluto ni Nanay Nemia at ng matikman ito'y nakalimutan na niya na mahuhuli na siya sa klase. "Ang sarap talaga ng luto mong menudo 'nay," nakangiti niyang sabi. "Tatay mo ang nagturo sa akin niyan. Wag kang mag-alala, balang araw isasalin ko rin sa iyo kung paano magluto ng menudo," wika ni Nanay Nemia. "Talaga po?" Pumapalakpak ang tainga ni Jeofrey ng malaman na matutunan niya rin ng paraan ng pagluto ng masarap na menudo na gawa ng tatay niya. "Oo. Pero ngayon pumasok ka muna at late na late ka na." "Opo nga pala!" Napabalikwas sa pagkakaupo si Jeofrey. Binilisan niya ang pagsubo na parang wala ng bukas. Kinuha niya ang kaniyang lumang sapatos at pilit na isinusuot kahit hindi na magkasya sa malaki niyang paa. "Nanay alis na po ako." wika niya sa ina at kumaripas na ng takbo patungong paaralan. *** Samantala, sa St. Fatima University, halos kadarating lamang noon ng guro ng mga 1st-year college students sa culinary. "Good morning, class. Ako si Luzviminda Mariano, but you can call me Miss Mariano ako ang inyong homeroom adviser," pagpapakilala ni Miss Mariano, "let me know your name and dream," dugtong nito. Inisa-isa ni Miss Mariano ang mga estudyante upang malaman kung ano ang mga pangarap nila sa buhay. Taun-taon nito iyong ginagawa upang mahasa ang kakayahan ng kanyang mga nagiging estudyante. Kaya naman marami na itong naging mag-aaral na tagumpay ang buhay ngayon. Inikot ni Miss Mariano ang kanyang mga mata, naghahanap ng uunahing tanungin. Pumukaw sa kaniyang atensyon ang isang dalagang hindi mapakali ang mga mata. Ito ang inuna ni Miss Mariano, nais nitong malaman kung tama ba ang kaniyang hinala na ang dalaga ay kinakabahan. Lumapit si Miss Mariano sa babae at tinanong, "ikaw? Anong pangalan mo?" Lumingon sa kaliwa't kanan ang dalaga, sinisigurado kung siya nga ba ang tinanong ni Miss Mariano. "A-ako po si... May Valunzela." Pinagpapawisan si May, di rin siya makatingin ng tuwid kay Miss Mariano. Pinasundan ng tanong ni Miss Mariano si May, "May Valenzuela. What is your dream?" "Pangarap ko pong---" naudlot ang pagsagot ni May nang biglang may kumatok sa pintuan. Napalingon ang lahat ng estudyante mula likuran hanggang harap sa lakas ng katok na kanilang narinig. "Sino yan? Come in," sabi ni Miss Mariano. Sa pagbukas ng pintuan, bumungad dito si Jeofrey na pawis na pawis sa kaniyang pagmamadali. "Who are you?!" pasigaw na tanong ni Miss Mariano. Ikinagulat ito ng lahat ng kanyang estudyante, bigla na lang kasing nagbago ang mala-anghel niyang boses at napalitan ng tila-dragon na tono. Pati na si May na patuloy na nakatayo ay nagulat. Pawis na pawis si Jeofrey kakatakbo, ngunit tumindi pa ang pawis niya ng marinig ang tono ng pananalita ni Miss Mariano. "A-ako po si Jeofrey Cruz," nauutal niyang sagot. Umusok ang ilong ni Miss Mariano at tinuro ang buong klase. Huminto ang kaniyang daliri kay Jeofrey. "Kayong lahat, lalo na ikaw Jeofrey, makinig kayo sa akin. Isa sa mga pinaka-ayaw ko ay ang taong makupad, mabagal, at tamad. Sa madaling salita ayaw ko sa mga late!" Dahil sa sinabi ni Miss Mariano, bumilis ang tibok ng puso ni Jeofrey sa kaba. Nangangatog-ngatog din ang tuhod niya. 'Sana inagahan ko gising ko,' pagsisi niya sa sarili. Lumuhod si Jeofrey at nakiusap, "Ma'am promise po di na po ako mali-late ulit." "Talagang hindi na dahil sa oras na ma-late ka ulit, sa labas ka na maghihintay ng klase," banta ni Miss Mariano, "nagkakaintindihan ba tayo?" taas-kilay na tanong nito. "Opo," sagot ni Jeofrey. Tinulungan ni Miss Mariano na tumayo si Jeofrey mula sa pagkakaluhod. Namangha si May sa kaniyang natuklasan, napag-alaman niyang may puso pa rin si Miss Mariano kahit na strikto ito. "Humanap ka ng mauupuan mo Jeofrey," utos ni Miss Mariano. Sinunod ni Jeofrey si Miss Mariano, naghanap siya ng mauupuan. Napansin niya si May na nakatayo. Nang magtama ang mga mata nila hindi maipaliwanag ni Jeofrey ang nadarama. Halong kaba at tuwa ang bumalot sa puso niya. Hindi maitatangi ang kagandahan ni May. Kaya maraming lalaki ang nahuhulog sa kaniya. At isa na nga rito si Jeofrey. Sinwerte si Jeofrey nang makita na may bakanteng upuan sa tabihan ni May. Dito na niya sinadyang tumabi. "Pwede bang makiupo?" tanong ni Jeofrey. Sumang-ayon dito si May, "yeah sure." Nang malapitang nasilayan ni Jeofrey si May, lalo siyang napaibig dito. Namumula ang kaniyang mga pisngi kasabay ng pagkinang ng kaniyang mga mata. Hindi matatanggi ang kasiyahan na na kaniyang nararamdaman ngayon. *** "May, sa'n na nga ba tayo?" tanong ni Miss Mariano. Ikinatuwa ni May ang muling pagtanong sa kanya ni Miss Mariano ang akala niya kasi ay hindi na siya tatanungin. E, ang tagal na niyang nakatayo. "Ang pangarap ko po ay maging CEO ng kumpanya," sagot ni May. Umani ng iba't ibang reaksyon ang sagot ni May galing sa kaniyang mga kaklase, may ibang namangha at ang iba naman ay tinawanan lamang siya. "Why? Bakit iyan ang gusto mo?" tanong ni Miss Mariano. "Because my older brother is always telling me that I can't stand on my own. And they're also saying that I'm always on my parents' side. Gusto ko pong mapatunayan na mali sila, na kaya kong umangat ng ako lang mag-isa," sagot ni May. Kinilabutan si Jeofrey sa sinabi ni May. Pati na ang buong klase ay namangha. Nagkamali ng akala si Miss Mariano, hindi mahinang tao si May. Pinalakpakan nito si May at binigyan ng papuri, "very well said, May." Pagkaupo ni May, napabaling ang atensyon niya kay Jeofrey. Hindi kasi inaalis ni Jeofrey ang mga mata sa kaniya. Dahil dito, hindi mapigilan ni May na mag-ala kamatis ang pisngi niya. Hindi malaman kung ito ba'y nahihiya o sa pagtitig ni Jeofrey ay nahulog na rin siya. * Muling pumili ng tatanungin si Miss Mariano, itinuro nito si Jeofrey at tinanong, "Jeofrey, what is your dream?" Tumayo si Jeofrey, kampanteng sumagot kay Miss Mariano, "I want to be a millionaire po." "Really? Sana hindi ka ma-late sa pangarap mo ha," payo ni Miss Mariano. Sa pag-aakalang nagbibiro lamang si Miss Mariano, nagtawanan ang buong klase. Kumulo ang dugo ni Miss Mariano sa ipinakitang-asal ng mga estudyante nito. Isa itong seryosong tao at ni minsan 'di pumasok sa isip nito ang mag-biro. Lumapit si Miss Mariano sa isang estudyanteng nangingibabaw ang halakhak, hinampas nito ang kaniyang lamesa. Kumunot ang kaniyang noo at tinanong ang mga estudyante, "mukha ba akong nagbibiro?" Napuno ng katahimikan ang buong klase. Muling tinanong ni Miss Mariano si Jeofrey, "bakit mo gustong maging milyonaryo?" "Isa lang po ang dahilan ng lahat, ang aking ina. Bata pa lang po ako nanay ko na po ang nagsasakripisyo para mabuhay ako. Kaya ko po gustong maging milyonaryo, dahil gusto ko pong makaranas ng maginhawang buhay ang nanay ko," tugon ni Jeofrey. Ikinatuwa ni Miss Mariano ang sagot ni Jeofrey, "Jeofrey, ikaw pala ay isang scholar tama? Pagbutihin mong maigi ang pag-aaral mo para matupad mo lahat ng pangarap mo." "Opo, salamat po," wika ni Jeofrey at umupo. Namangha si May sa kaniyang narinig tungkol kay Jeofrey, hindi niya lubos akalain na ang magarang unibersidad na pinasukan niya ay natanggap ng scholar. Napakamahal ng tuition dito kaya naisip niyang napakatalino ni Jeofrey upang maging scholar. Nagustuhan din ni May ang pagmamahal ni Jeofrey sa kaniyang ina. Dahil dito nakahanap siya ng kakaibang bugso ng damdamin para kay Jeofrey. Nagkatinginan ang dalawa, tila naiilang sa isa't isa ngunit nagkikinangan ang kanilang mga mata. Agad ding nilihis ni May ang pagtitig kay Jeofrey, parang may pinipigilan siya sa di maipaliwanag na dahilan. *** Ilang oras ang makalipas natapos na ang klase ni Miss Mariano, nagpaalam na ito at umalis. Nagkasabay sa paglabas ng pintuan si May at Jeofrey. Habang naglalakad ang dalawa sa parehong ruta nagdadalawang-isip si Jeofrey na lapitan si May. Nang aakma na niyang kausapin si May, may babaeng lumapit dito. "May, tara milk tea tayo," aya ni Sarah, kaibigan ni May. 'Sayang!' nagsising sigaw ni Jeofrey sa isip. Ito na sana ang pagkakataon niya upang mapalapit kay May ngunit napurnada pa. Nilagpasan ni Jeofrey sina May at Sarah, hindi na niya tinuloy ang balak. Pinagpatuloy na lamang ni Jeofrey ang paglalakad. Hindi niya mapigilan alalahanin ang kagandahan ni May. 'May boyfriend na kaya 'yon?' tanong niya sa sarili. *** Samantala, hindi pinaunlakan ni May ang aya sa kaniya ni Sarah. "Sorry, Sarah pero hindi ako makakasama sayo," saad ni May. "Why? Sige na May, minsan na nga lang tayong magkasama dahil diyan kay Aaron," pakiusap ni Sarah. Nilapitan ni May si Sarah at nilambing ang kaibigan, "pasensya na Sarah may date kasi kami ni Aaron e." "Tse! Puro na ka na lang Aaron, kailan ba tayo magkakabonding?" Umikot ang mga ang mata ni Sarah na tila nagtatampo sa kaibigan. Hindi na nasagot ni May ang tanong sa kaniya ni Sarah nang dumating ang tinutukoy nila, si Aaron. Lulan ng isang magarang sasakyan bumaba si Aaron kasama ang dalawang lalaking nakasuot ng itim na unipormeng para sa bodyguard. Lumapit si Aaron kay May at inakbayan. "Babe, tara hatid na kita."
Thank you
Support the author to bring you wonderful stories
Cost 46 diamonds
Balance: 0 Diamond ∣ 0 Points
Book Comment (88)
MissEL
Hindi ko pa natatapos basahin until chapter two. I think marami pang nagaganap sa kwentong ito for sure. I will recommend this to my friends.
Hindi ko pa natatapos basahin until chapter two. I think marami pang nagaganap sa kwentong ito for sure. I will recommend this to my friends.
09/01/2022
0I like it
15/10
0very so much
01/05/2025
0View All