logo
logo-text

Download this book within the app

The Transfer Student from Public High

The Transfer Student from Public High

Blindcloud


01: First Day 01

"Cloud, Gising na!" marahan ang pagtapik sa akin ni Lola habang ginigising ako, mabigat pa ang aking mga mata dahil inaantok pa at tinatamad pa akong bumangon. Malalim na buntong-hininga lang ginawa ko bilang sagot sa paggising niya sa akin, narinig ko na lang na binuksan na niya ang pinto sa kwarto saka siya naglakad palabas. Isa sa house rule ni Lola na kahit pa may kwarto ka na ay ang hindi pag lo-lock ng pinto lalo na kung wala pa raw 18. Parang sa Amerika lang.
Unang araw ko ngayon sa bagong school na papasukan ko, galing akong public school sa Samar at ngayong taon ay grade 9 na ako, kung pagbabasehan ang mga dating estilo ng high school ay nasa third year na ako. Dahil talagang tinatamad pa akong bumangon ay nagtakip akong muli ng kumot sa ulo ko upang ituloy sana ang pagtulog ko ngunit isang malakas na kalabog sa pinto ang aking narinig na siyang nagpabalikwas sa akin mula sa pagkakahiga.
"Patrick!!!" isang malakas na boses ang bumati sa akin at hindi na iyon ang boses ni Lola.
"Tita Lo-" hindi ko na naituloy ang sasabihin ko dahil hinila na niya ang buhok ko palayo sa kamang kinahihigaan ko.
"Aray, aray, teka Tita! Heto na, heto na babangon na!" daing ko sa tiyahin ko ngunit tuloy pa rin siya sa paghatak sa buhok ko, nasa pinto na kami ng kwarto ay hindi pa rin niya binibitawan ang buhok ko mula sa kanyang pagkakahatak.
"Talagang babangon ka dahil hila-hila ko buhok mo." Sagot niya, ang bilis pa niyang maglakad habang hila niya ang buhok ko pababa ng hagdan. Binitiwan niya lang ito nang makarating kami sa mesa sa kusina. "Safe delivery Ma. Ayan na ang apo mo." Iyon lang ang sinabi ng magaling kong tiyahin bago tumalikod at bumalik sa kwarto niya sa itaas.
"Kumain ka na baka ma-late ka pa, tandaan mong nangako ka na sa Tita mo." pagpapa-alala ni Lola habang inihahanda ang almusal ko, habang ako naman ay kinakamot ang ulo ko sa pag ka-asar sa tiyahin ko dahil parang tinanggal ang ulo ko sa pagkakasabunot n'ya.
"Bakit pa kasi 'yon ang nanggising sa'kin, nasira na ang umaga k- Aray!" isang malakas na kutos naman ang sumunod mula sa likuran ko, bumalik pala ang mangkukulam.
"Sirain ko kaya 'yang mukha mo, gusto mo? Bilisan mo kumain at maligo ihahatid kit-" naputol din ang sasabihin niya dahil ako naman ang nagsalita.
"Kaya ko nang pumasok mag-isa hindi ko kai-" pinutol na naman ng tiyahin ko ang sasabihin ko gamit ang kamao niya sa mukha ko.
"Huwag mong puputulin ang sasabihin ko, hindi pa ako tapos magsalita, matuto kang gumalang." saway sa akin ni Tita Los, parang may dugong tumulo sa ilong ko.
"Tama na nga iyang sakitan ninyo kumain na kayo, Celeste para kang bata palagi mo na lang binubugbog ang pamangkin mo." malumanay ang pagsaway ni Lola at medyo nakangiti pa nga na parang natutuwa pa sa sitwasyon namin.
"Ang apo n'yo eh, pasaway." umamba pa ulit sa akin ang tyahin ko at kaagad naman akong naghanda, sasalagin ko sana ngunit hindi naman niya itinuloy, sa halip ay kumuha lang siya ng tinapay saka tumalikod, babalik na ulit siguro sa kweba niya.
"Bilisan mo ha!" utos sa akin ng mangkukulam. Nagmadali na akong kumain at maligo dahil ito ang first day ko sa Sacred Morning High School at hindi ako excited na pumasok dahil private school daw iyon at si Lola pa ang nag-asikaso ng pag-transfer ko.
Kahit pa ayaw ko sa ganoong klaseng school ay wala akong magagawa, dahil dito na ako sa kanya nakatira. Hindi ko alam kung paano ako nakapasok sa Sacred Morning High dahil ang balita ay bago lang ang school na iyon, five years pa lang nang magbukas sila. Ang nakapagtataka, puro daw top students ang naroon, s'yempre para sa akin imposible ang ganoon dahil kahit saang eskwelahan mayroon at mayroong mahina, pero walang bobo.
"Aalis na po ako 'La." kaagad akong nagmano sabay takbo palabas habang naliligo ang tiyahin kong losyang. Nasa 25 years old na kasi at sa pagkaka-alam ko ay wala pa siyang naging boyfriend since birth at madalas siyang nakakulong sa kanyang kwarto. Sabog-sabog ang buhok, at laging nangingitim ang makapal na eyebag, idagdag pa ang maputla niyang balat. Iyon ang lagi n'yang itsura sa pagkaka-alala ko.
Simula pa nang nakarating ako rito at tumira sa poder ni Lola noong March at hanggang ngayon na nasa katapusan na ng June ay puro pambubugbog ang inaabot ko kay Tita Los. Ngunit ang pambubugbog n'ya sa akin ay hindi na bago dahil tuwing magbabakasyon s'ya kada taon sa probinsya namin kung saan nakakatikim na ako ng kamao niya ay nagsimula pa noong bata pa ako kahit pa sa harap ng magulang ko at ako rin ang ginagawa niyang libangan. Katwiran n'ya sa mga parents ko, the more you hurt the more you love... Binago niya ang kasabihan para sa sarili niyang kagustuhan.
"PATRICK!!!" isang malakas na sigaw ni Tita Los ang aking narinig nang isara ko ang gate namin, nagmamadali akong tumakbo palayo sa bahay, ang laki-laki ko na ihahatid pa ako para lang masigurong papasok ako.
Tsh.
"Lagot ka, iniwan mo si Tita Los." isang tinig ang nagsalita mula sa likuran ko na siyang naging dahilan upang lingunin at alamin ko kung sino ang nagsalita, isang batang babae...
"Maglalakad ka lang?" tanong ko sa kanya.
"Para maiba naman, hihi." natatawang sagot niya, habang nagpatuloy lang kami sa paglalakad papunta sa sakayan ng jeep. May sasakyan naman sa bahay, ang problema, ang magaling kong tiyahin lang ang pwedeng magmaneho. Under-age pa kasi ako. Isa pa, ayaw ko na makasama siya sa paghatid sa akin sa school.
"Exciting, gusto ko nang makita ang bago mong school." turan niya habang nakasunod sa akin.
"Alam mo na naman siguro ang bawal." baling ko sa batang kasama ko."Huwag kang makulit, huwag mo akong kakausapin."
"Opo!" ganadong sagot niya, pero sa excited na ekspresyon ng kanyang mukha nasisiguro kong malilimutan niya ang mga bilin ko. Napabuntong hininga na lamang ako at eksakto naman ang paghinto ng jeep sa harapan ko. Sumakay na ako at saka naupo sa bandang dulo ng sasakyan.
Fifteen minutes lang ang byahe sa jeep kung walang traffic, mabuti na lang at medyo maaga pa, hindi masyadong apektado ng rush hour ang kalsada. Pagbaba ko sa jeep, isang mataas at kulay gintong gate ang kaagad na bumungad sa akin. Heto na ang unang araw ko sa private school na ito, one of the newest school at pili lang ang mga estudyanteng nakakapasok...
"Sacred Morning..." kakaiba talaga ang pangalan ng eskwelahan na ito. Lame. Pumasok na ako sa entrance ng gate kung saan kinuha ng guard ang ID ko.
"Transfer student, Cloud Patrick Alegre." sabi pa ng guard habang chine-check ang ID ko sa monitor ng computer nila. "Welcome to Sacred Morning Sir." bati ng guwardiya pagkabalik sa akin ng ID, tumango lang ako bago pumasok sa loob. Hindi pa pala ang gintong gate na iyon ang mismong gate ng school, kailangan ko pang maglakad papasok nang halos five minutes din, ang gara ah... tagong-tago kahit pa nasa siyudad. Nakaabot na ako sa main gate ng school at ganoon din ang kulay ng gate na ito ngunit mas maliit kumpara sa nauna, may mga kotseng pumapasok akong napansin at parang ako lang ang naglakad papasok. Ibinigay ko ulit ang Id ko bago ako pinayagang pumasok sa loob ng ikalawang gate. Heto na ang simula ng unang araw ko dito sa Sacred Morning bilang isang transfer student.
**********************
"Section Earth."
Ito ang bago kong section, ngayong year. Isa akong transferee mula sa isang probinsya at napunta rito sa maynila upang mag-aral ng high school at ang masaklap pa, private ang school na ito. Wala akong magagawa kahit ayaw ko sa ganitong klaseng eskwelahan, ito kasi ang gusto ng Lola ko.
"Grade 9 Section Earth, nakalagay dito na top section ang Earth." wika ng kasama kong batang babae habang binabasa ang pangalan ko sa list of students sa bulletin. Hindi ito ang first day of class, two weeks ago pa nang nagsimula ang klase at tinamad lang talaga akong pumasok, kung hindi lang ako ginulpi ng tiyahin kong losyang sigurado one month pa bago ako pumasok dito.
Tumalikod lang ako at naglakad na upang hanapin kung nasaan ang room ko nang hindi sinasagot ang kasama ko.
"Kakaiba 'tong school na 'to, kakaunti lang ang estudyante at mas maganda ang uniform nila kumpara sa dati mong school na black pants at white shirt lang ok na." komento niyang muli habang sinusundan ako sa paglalakad. Tama naman siya, iba-iba ang kulay ng kwelyo at laylayan ng mga manggas sa bawat grade upang madaling malaman kung anong grade nabibilang ang isang estudyante. Kahit ang mga palda ng mga babae na two inches above the knee ay may kanya-kanya ring kulay.
Grade 7 Green.
Grade 8 Yellow.
Grade 9 Red.
Grade 10 Blue.
Napansin kong nagtitinginan ang ilang estudyante sa akin habang naglalakad ako, ano bang meron at napapatingin sila sa akin? Hindi ko na lang sila pinansin at nagtuloy ako sa paglalakad.
"Grade 7 hanggang Grade 10 lang ang meron dito at wala pang senior high..." dagdag pa ulit ng kasama ko, alam ko na 'yan bago pa n'ya sabihin. Sadyang madaldal lang talaga ang kasama ko at hindi siya titigil sa sasabihin niya basta ang importante makapagsalita siya. "...Grade 7, mga bayani, Grade 8 mga mamahaling bato habang ang Grade 9 naman..." tuloy lang siya sa pagsasalita, nakakarindi na, hindi naman importante ang mga sinasabi n'ya.
Nahanap ko na rin ang room ko, Room 01. Tsh, top section nga, kaya doon din sila nailagay. Special privilage raw ang nakukuha ng mga top section na tulad ng Section Earth. Aircon ang room, pero may bintana naman na sliding glass para hindi makalabas ang malamig na hangin. May sariling computer laboratory room, locker at iba pa. Sila raw ang mga pambato ng school sa mga competition from academics and sports, sila-sila lang. Sila lang daw ang nabiyayaan ng regalo ng talino at lakas.
Talaga lang ha.
Hindi ko gusto ang section na ito. Ito kaagad ang nasa isip ko nang umupo ako sa isa sa mga upuan dito. Twenty students lang ang estudyante sa section at pang twenty one ako. Out of place agad? Tumahimik ang buong klase nang umupo ako sa dulong dulo ng room at doon pa sa may tabi ng bintana. Nakikita ko ang ilang bubong sa mga kalapit na bahay at building na malapit dito sa eswelahan, ang pangit ng view pero ok na rin basta nasa dulo.
"Ehem..." tikhim ng isa sa estudyante na lumapit sa akin. Napatingin ako sa kanya. Halatang mayaman, maputi at medyo matangkad. Ibinalik ko ang tingin ko sa labas. Sa pangit na view sa labas.
"Ehem..." malakas na tikhim ulit ng lalake na lumapit sa akin, halatang nainis nang hindi ko siya pinansin. Sa pagkakataong ito may dalawa na siyang alalay sa likuran, sina B1 at si B2. Lumingon ulit ako sa kanya na mayroong blangkong ekspresyon sa aking mukha at nakita ko na nakatingin ang lahat ng mga bago kong classmates sa amin, tumingin ulit ako sa labas.
Pakialam ko sa kanila.
"Aba't. Hoy!" galit na bulyaw ng isa sa alalay, hindi ko alam kung si B1 o si B2 basta may nagsalita. Lumingon ulit ako sa kanila. Tahimik ang buong class. Ang tagal naman ng titser.
"Lagot ka, ginalit mo." nakangiting sagot ng babaeng kasama ko na nakaupo lang sa likuran ko sa isang mesa kung saan may teachers table.
"Ehem..." tikhim na naman ng lalake, ng leader nila, pangatlo na iyon ah. mukhang bumubwelo.
"Wala akong gamot sa ubo." Inunahan ko na siya bago pa niya ibuka ang bibig niya.
"H-ha?" Takang tanong ng lalake.
"Kanina ka pa ehem ng ehem d'yan, doon ka sa clinic pumunta." dagdag ko pa. Unang araw ko pa lang sa eskwela may nang-aabala na kaagad sa'kin.
"Aba't bastos 'tong baguhan na 'to." sagot ng isa pang alalay. Si B1 na lang para madaling maalala.
"Hayaan n'yo na." putol ng leader nila nang itinaas ang kamay niya upang patigilin si B1. Mukhang may authority si leader sa klaseng ito.
"Ako nga pala si Angelo, Angelo Gabriel Morgan..." pagpapakila n'ya sa akin, hindi pa rin mawala sa pakiramdam ko ang tono ng kayabangan niya sa pagsasalita. "I'm the class president dito. Sila naman sina Alfred at Ronn." saka niya itinuro ang kasama niyang sina B1 at B2.
"Ok." Iyon lang ang sagot ko, saka bumalik ako sa pagtingin sa bintana.
"Hoy! wag kang bastos magpakilala ka rin!" saway sa akin ng kasama ko. Tsh. Lumingon ulit ako sa tatlong itlog.
"Emrys... Emrys Ambrose."
sagot ko sa kanila.
"'Yun naman pala eh." sagot ng kasama ko na ngumingiti-ngiti na parang ewan saka bumalik sa pagkakaupo sa teachers table.
"Sounds like a foreigners name... So, you're from what school Emrys?" tanong ng leader nila.
"Public School sa Batanes." maikling sagot ko.
"Batanes?" tanong ni B1 na si Alfred.
"'Diba malayo yun?" sabat naman ni B2, si Ronn.
Narinig kong nagbulong-bulungan ang mga classmate ko. Anong meron? Ngayon lang ba sila nakarinig ng Batanes.
"Sinungaling! Hindi ka taga Batanes!" nakapangalumbabang singit ng kasama ko. Epal talaga ang isang 'to.
"Oi wag ka ngang magsinungaling, hindi ka taga Batanes." nakasimangot na sabi ni B1 na si Alfred pala.
Tumingin ako sa likuran ko kung saan nakaupo ang batang babaeng kasama ko, nakangiti lang siya at halatang nang-iinis.
"Kapal nito ah... kabago-bago nagsisinungaling na kaagad." Si Ronn naman ang nagsalita. Magsasalita pa sana si Angelo nang biglang magbell at saktong pumasok ang teacher.
"Good morning class." Estrikto ang tono ng pananalita ng teacher namin na kaagad naman nakuha ang atensyon ng lahat. Binati siya ng buong klase kung saan nalaman ko ang pangalan ng teacher namin. Si Sir John Bulan.
First Subject: Araling Panlipunan. Inaantok na kaagad ako. Kagaya ng mga nakagawian, kailangang magpakilala ng baguhan, hindi lang sa teacher pati na rin sa mga classmate. Sa pagkakataong ito wala akong ligtas, ang problema walo ang subject ko, ibig sabihin walong beses kong uulit-ulitin ang introduction ko sa sarili ko sa bawat teacher. Tsh. Kung pwede lang mag cutting sana ginawa ko na.
"Good morning." walang kalatoy-latoy kong bati. Lahat ng mata sa room sa akin nakatingin. "I'm Cloud Patrick Alegre... and I'm from Samar and-" naputol ang sasabihin ko nang biglang may tumayo sa kina-uupuan niya.
"Ang sabi mo Emrys Ambrose ang pangalan mo?" si Alfred ang nagsalita at halos malukot ang mukha niya. Here it comes.
Inilibot ko sa buong room ang paningin ko at maging si Sir Bulan ay nagtaka. Tumikhim ako at inayos ang sarili ko bago muling magsalita.
"May Emrys Emrys ka pang nalalaman." Si Ronn naman ang sumegunda, pabulong lang ang pagkakasabi niya pero malakas na iyon upang marinig ng lahat, kaya naman hindi na s'ya bulong.
"So, Mister Emrys... You're from Samar... ang lahi ng matatapang?" nanunuyang singit ni Angelo, halata sa mukha ang pagka-asar.
"Yes." kalmado kong sagot kay Angelo.
"Teka, akala ko ikaw si Cloud Patrick?" singit naman ni Sir Bulan.
"Sir, Emrys po pakilala n'ya kanina sa amin." sagot ng isang classmate naming babae na nasa harapan. Tumingin lang sa akin si Sir, bakas sa mukha n'ya na kailangan n'ya ng paliwanag. Nagbuntong hininga lamang ako bago magsalita.
"Cloud Patrick is my real name..."
"Oh, kita n'yo na sinungaling s'ya Sir, hindi Emrys pangalan nya." singit ni Alfred.
"Pwede patapusin mo muna ako?" hindi iyon pakiusap, utos iyon at sa tono ng pagsasalita ko mukhang nakinig naman sila. "Emrys Ambrose is not my real name, sorry. Iyon lang kasi ang unang pangalan na pumasok sa utak ko nang kausapin ako kanina." paliwanag ko pero galing sa ilong ang pag so-sorry ko. Masama pa din ang tingin sa akin ng tatlong itlog. (Angelo, Alfred at Ronn.)
"You said earlier that you're from public school in Batanes. Which of that was true? the school or the province?" tanong naman ulit ni Angelo.
Lumingon ako kay Sir na nakatayo sa gilid ng room. May binabasa siyang papel at sumulyap sa akin. Tumango lang siya, ibig sabihin... tuloy ang tanungan.
"The school part." tipid kong sagot.
"Then you're from Samar?"
"Yes."
"Tell us something about yourself." nakangising singit ni Alfred.
"Oo nga." sulsol naman ni Ronn.
Sinang-ayonan naman ito ng lahat. Napabuntong-hininga na lamang ako bago muling magsalita. "I prefer to be alone and to be left alone. I like reading books, I can cook, I can't swim, I dont play any sports, I can't play any instruments, I hate outdoors... ano pa ba? ah... and I can see what you normally can't see."
Sa huling salita ko natahimik ang lahat maging si Sir Bulan ay napatingin sa akin.
"You mean?" tanong ng isa sa mga kaklase 'ko.
"You know what I mean." sagot ko sa kanila. Wala nang nagtanong pa ulit pagkatapos kong sabihin ang salitang iyon. Pinabalik na ako ni Sir Bulan sa upuan ko upang simulan ang klase. Just as I planned. Hindi ko napigilan na mapangiti habang naglalakad ako pabalik sa upuan ko.
"Do you really think we'll buy that?" Napatigil ako, sa tapat mismo ng upuan ko. "What? You can see dead people? tingin mo maniniwala kami pagkatapos mong magsinungaling sa harapan ko pa mismo?" may awtoridad sa tinig ni Angelo, nakade kwatro pa talaga para kunwari astig.
"Tama si Angelo, hindi kami naniniwala sa sinasabi mo."
Heto na naman si Alfred as B1 sigurado susunod si B2.
"Oo nga. Akala mo ba matatakot kami kapag sinabi mong nakakakita ka ng multo?" hindi nga ako nagkamali, si B2 ang sumunod.
"I'm not asking you to believe, I told you what you asked me. Say something about myself. That's not my problem." sagot ko sa tatlo saka ako umupo.
Tila napanganga ang karamihan sa kanila nang sagutin ko ang tatlo maging si Sir Bulan ay parang nabigla sa pagsagot ko sa kanila. Anong problema ng mga 'to?
"Do you know who I am?" tumayo si Angelo sa upuan at hindi man lang siya pinigilan ni Sir Bulan.
"Pakialam ko sa'yo. Wag kang bastos, may teacher sa harap kung pwede mamaya na lang." pambabara ko sa kanya, kung away gusto niya bakit hindi? Nakinig naman si Angelo at bumalik ito sa kanyang pagkaka-upo nang nakakunot ang noo at hindi maipinta ang mukha. Sa totoo lang, alam kong hindi sila maniniwala sa sasabihin ko.
Kapag ang taong sinungaling, nabuking, sa unang pagkakataon na mahuli kang hindi nagsasabi ng totoo ay hindi ka na basta paniniwalaan ng mga ito kahit pa totoo na ang ibang sasabihin mo, at sa sitwasyon ko kanina sinadya ko na mahuli ako ni Angelo sa sinasabi ko tungkol sa school.
Sabi nga ni Popoy kay Basya; 'Kung magsisinungaling ka galing galingan mo naman.'
Napangiti ako sa sarili ko.
Nagsimula na ang discussion sa lesson pero ang mata ko ay sa labas lang nakatingin.
"Ang sama ng tingin nila sa'yo para kang papatayin." bulong sa'kin ng kasama ko na nakatayo na sa likod ng upuan ko, nakalimutan ko na narito pa pala ang isang 'to, bigla siyang nawala kanina nang mag-intro ako.
Sumulyap ako sa gilid ng mga mata ko, masama nga talaga ang tingin nilang tatlo. Hindi ko pa rin iyon pinansin, basta sa labas lang ang atensyon ko.
Ano naman kaya ang mangyayari sa akin sa bagong school na'to?
Basta ang alam ko, hindi ko ito gusto, lalo na ang mga classmates ko.
★★★★★ITUTULOY★★★★

Book Comment (238)

  • avatar
    Li Liah

    I really enjoy reading your story, I found myself laughing all the way through it. The story was very enjoyable to read. I don't remember the last time I read something as good as your story, No words can describe this story another then great. My words won't be enough

    18/02/2022

      9
  • avatar
    Jol Cyndrelle Quiñones Bajenting

    hi po, gusto ko lang po sabihin na ang ganda po ng story sobrang nagustohhan ko po , sana po marelease na po sunud na chapter po, 💙💙

    08/02/2022

      0
  • avatar
    JU DY

    Hello po, I really love your story kaya po sinundan na kita dito kasi dalawang pasko na ako naghihintay sa update ng story na to.

    08/01/2022

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters