logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 3

June, 2005
Hindi pa man sumisikat ang araw ay gising na gising na ang diwa ko dahil sobra akong excited para sa araw na ito. Ang unang araw ng klase. Kung ang iba ay tinatamad pumasok sa eskuwelahan puwes ibahin ninyo ako. Gustong gusto ko na pumasok para maipagmayabang yung pencil case ko na may pantasa!
"Cance!" Agad akong bumangon at saka tumakbo patungo sa damitan kung nasaan ang nakahandang sando at shorts na susuotin ko para sa araw na ito.
"Gising na!" Sigaw ko pabalik. Pumasok ako sa CR pero agad ding lumabas nang maalala kong hindi pa nga pala nakapag-painit ng tubig si Mama. Sa halip ay pumunta na lang ako sa kusina para kumain ng agahan habang hinihintay na kumulo ang iniinit na tubig.
"Good morning 'pa!" Masaya kong bati kay Papa na tuwang tuwa sa bago naming kapatid. Si Cloud Jay Alonzo. "Good morning pinaka-guwapong baby," kiniliti ko yung leeg niya at gumalaw naman siya na tila ba naalimpungatan sa pagkakatulog.
"Huwag mong galawin 'yan at iiyak na naman 'yan pag nagising," saway ni Mama sa akin. "Umupo ka na tapos kumain, naisalang ko na yung mainit na tubig mo." Tinanguan ko siya saka inakyat ang upuan at nagsandok ng sinangag.
"Nga pala Cance, hindi na kita maihahatid sa school mula ngayon." Napaangat ang tingin ko kay Papa nang mag-salita siya.
"Hala! Bakit?!"
"Naiba ang schedule ni Papa, anak. Kailangan kong maunang umalis." Sumimangot ako saka humalukipkip.
"Hindi na lang ako papasok."
"Cance!" May halong pagbabantang saad ni Mama. "Tumigil ka, unang araw hindi ka papasok?! Isasabay ka naman sa service nila Keene, huwag mo kong artehan diyan." Hindi ako sumagot pero tinignan ko siya ng masama habang nangingilid ang mga luha sa sulok ng mata. "Ibaba mo 'yang tingin mo." Padabog niyang inilapag ang kutsara sa lamesa saka ako pinanlisikan ng mata kaya wala akong nagawa kung hindi ang umiyak na lang ng tahimik.
Panay ang singhot ko habang sumasakay sa van kasabay ni ate. Umalis na si Papa pagkatapos niyang kumain ng agahan habang si Mama naman ay sinamahan kami papunta sa labas ng bahay kung saan naka-abang ang van na siyang magigung service namin araw-araw. Hindi ako nagsalita pero gaya ng nakagawian ay humalik ako sa pisngi niya bago tuluyang umalis.
Humiwalay ako kay ate at tumabi kila Teo, Yhann at Keene pagkapasok ko sa van. Umupo ako sa gitna ni Yhann at Teo habang si Keene ay naka-upo sa may tabi ng bintana.
"Umiyak ka?" Tanong ni Teo na inirapan ko lang. Naiinis ako, hindi matatanggal ng pencil case ko na may pantasa ang nararamdaman kong inis ngayon.
"Nga pala, anong seksyon niyo? Ako five," proud na sabi ni Toto na sumilip pa mula sa likuran ng kinauupuan namin.
"Three," sagot ko, nagkatinginan kami ni Keene nang magsabay kami sa pananalita saka ko siya inirapan. Sa dalawang buwang paninirahan namin sa iisang Street ay ayaw ko pa rin talaga sa kaniya.
Natuwa naman si Teo dahil parehas daw kaming tatlo ng section. Tinignan namin si Yhann at nginitian niya lang kami ng matamis dahilan upang magsipag-reklamo kami. Ibig sabihin ng ngiting iyon ay nasa section one na naman siya.
"Ang ingay! Magsipagtahimik nga kayo!" Napaigtad kami nang biglang sumigaw si ate mula sa front seat. "Araw-araw niyo nang nakikita ang isa't isa kung makapag-usap kayo parang ten years kayong nagkita."
"Psh, wala ka lang kaibigan," bulong ko pero natigilan ako nang magbuntong hininga siya saka ibinaba ang librong binabasa niya.
"Hoy, may sinasabi ka?" Tanong niya habang matalim ang pagkakatingin sa akin. Napalunok ako saka umiling pero hindi niya pinalampas iyon dahil lumuhod siya sa upuan niya saka hinablot yung buhok ko.
Nagkagulo sa loob ng van, lahat pilit na ina-alis ang pagkakahawak ni Ate sa buhok ko at ako na umiiyak na at tinatawag si Mama dahil feeling ko ay makukuha niya na lahat ng buhok ko.
"Tama na! Cance mag-sorry ka," rinig kong sabi ni Yhann.
"Bakit ako mags-sorry eh wala naman akong ginagawang masa-- aray! Mama!!!"
"Gusto mo talagang makalbo eh 'no?"
"Cance dali mag-sorry ka na!"
"Ayaw ko!"
Natapos ang biyahe papuntang school na pilit nilang inaawat si Ate pero hindi niya talaga binitiwan ang buhok ko hanggang mangalay siya pagkatapos ay parang wala lang na bumalik siya sa pagbabasa ng libro. Pakiramdam ko, kaunting hila na lang ay malalagas na lahat ng buhok sa ulo ko.
Namamaga ang mga mata habang pasinghot-singhot habang naglalakad ako papuntang classroom kasabay sina Yhann, Teo at Keene na tahimik lang sa tabi ko.
"Ayos lang 'yan, Cance," hindi ako nagsalita. Alam kong mabait si Yhann pero paanong magiging maayos ang pakiramdam ko kung ang sakit-sakit ng anit ko? Saang paarte ang maayos lang doon.
"Dapat kasi nag-sorry ka na lang." Tinignan ko ng masama si Keene.
"WALA NGA AKONG GINAGAWANG MASAMA!" Napahawak siya sa tenga niya saka nakipagtagisan ng masamang tingin sa akin.
"Bakit ka sumisigaw?!"
"Ang kulit mo kasi! Hindi ako mags-sorry kasi wala akong ginagawang masama!"
"Meron!"
"Wala nga!"
"Tama na 'yan," awat ni Yhann.
"Pinagtitinginan na tayo oh," sabat naman ni Teo.
Inirapan ko siya saka humalukipkip. Una naming madadaanan ang classroom namin dahil nasa pinakadulo pa ang classroom nila Yhann.
"Dito na kami," paalam ni Teo kay Yhann. Tinanguan lang ng huli si Teo saka ako binalingan ng tingin at nakangiting ginulo ang magulo ko ng buhok.
"May extra akong zest-o na dinala. 'wag ka na malungkot." Nagbuntong hininga ako sa pilit na ngumiti.
Noong una kong narinig ang salitang 'crush' ay si Yhann agad ang unang pumasok sa isip ko. Sino ba namang hindi magkaka-crush sa kaniya. Mabait, matalino, may hitsura kaso nga lang kinulang sa pagkain pero kahit na ganoon ay marami pa rin sa mga kaklase ko noon ang madalas siyang hiraman ng lapis makausap lang. Kaya naman iba ang trato ko sa kaniya kaysa ibang kaibigan kong lalaki, kasi nga crush ko siya.
Nagpaalam na kaming tatlo sa kaniya saka pumasok sa classroom. Umupo kami sa pinakadulong row, si Yhann ang nakaupo sa tabi ng bintana katabi ako, Si Teo naman ay nasa ibang column pero ka-row pa rin namin.
Inilabas ko ang salamin at suklay sa bag ko saka naiiyak na tinanggal ang panali sa buhok ko. Yung ponytail ko, ilang linggo ko pa namang pinag-practice-ang gawin 'to. Nakakainis talaga!
Ipinadyak ko ang mga paa ko sa sobrang inis habang mangiyak-ngiyak pa rin. Narinig kong nagbuntong hininga si Keene sa tabi ko bago ako binalingan ng tingin.
"Amin na nga," nangunot ang noo ko nang ilahad niya ang mga kamay niya sa harapan ko.
"Ano 'yan?" Umirap siya saka hinablot sa kamay ko 'yong suklay.
"Talikod," hindi ako gumalaw kaya naman siya na mismo ang nagtulak sa akin para tumalikod.
Naramdaman kong sinuklay niya ang buhok ko saka itinali iyon.
"Aray!" Reklamo ko nang mapahigpit ang pagkakatali niya.
"Napaka-arte," saad niya saka lalo pang hinigpitan ang pagkakatali.
"Aray ko naman!" Hinarap ko siya saka hinampas gamit ang kamay ko. Feeling ko mabubunot na lahat ng buhok ko sa sobrang higpit ng pagkakatali niya.
Kinuha ko yung salamin saka tinignan ang sarili ko at hindi naman masama ang naging resulta dahil malinis ang pagkakatali niya.
Pinaningkitan ko siya ng mata. "Bakla ka 'no?" Umirap siya pero hindi niya ako sinagot. Ngumiti ako ng nakakaloko saka sinundot-sundot ang tagiliran niya. "Umamin ka na, tayong dalawa lang naman ang makakaalam. Hindi ko ipagsasabi, promise." Inangat ko pa ang pinky finger ko para patunayang seryoso ako sa sinasabi ko.
Nag-tss lang siya pero hindi pa rin ako sinagot kaya pinagpatuloy ko ang pag-sundot sa tagiliran niya hanggang sa mainis siya sa akin.
"Ano ba!"
"Tanggap pa rin kita, sissy. Huwag kang mag-alala." Pinikit niya ang mga mata niya na para bang kinakalma ang sarili bago tinawag si Teo na agad namang nagbaling ng tingin sa amin.
"May nakaupo diyan sa harapan mo?" Nang umiling si Teo ay kinuha niya ang bag niya at umupo sa upuan na nasa harap ni Teo.
Nakangiti lang ako habang sinusundan siya ng tingin. Ipapagpalagay ko na lang na ngayong araw na ito ay natuklasan ko ang pinakatatagong lihim ni Keene Alfonso Madrigal.
Hindi rin naman nagtagal ay dumating na ang adviser namin kaya nagsi-ayos na kami. Pinakilala niya ang sarili niya bilang Evelyn Borabo at siya rin daw ang English teacher namin. Kasunod noon ay pinatayo niya kami para sa seating arrangement.
Sa kasamaang palad, dahil nagsisimula sa letter A ang apelyido ko ay nasa pangalawang row ako mula sa harapan. Malalim akong nagbuntong hininga saka labag sa loob na tinungo ang upuang itinuro sa akin ng teacher. Alternate ang ayos kaya naman lalaki ang katabi ko, sa harapan ko naman ay babae na tinapunan lang ako ng tingin, ni hindi siya ngumiti. Sabagay, hindi naman kami close bakit niya ako ngingitian?
Pagkatapos ng seating arrangement ay bumalik siya sa pago-orient. Kung anong kulay ng notebook, kung ano ang mga ayaw niya sa estudyante at kung ano-ano pang wala naman kaming pakialam.
Pumangalumbaba ako sa lamesa saka sinulyapan si Teo na nasa dulo at kumakain na ng chippy at si Keene -- na hindi pala nakalista ang pangalan kaya sa dulo siya nakaupo sa likuran ni Teo, na humihingi ng chippy.
Nagbuntong hininga ako, gusto ko rin umupo sa dulo. Muli akong nagbuntong hininga, "Ang tagal naman ng break."
Natigilan ako dahil hindi lang ako ang nagsabi noon dahil sabay namin sinabi ang eksaktong pangungusap ng babae na nasa harapan ko. Nilingon niya ako, nginitian ko siya at nginitian niya rin naman ako ng nakakaloko.
Nang oras na iyon alam ko na, alam ko na na itinadhana kami para maging mag-best friends forever.

Book Comment (106)

  • avatar
    Jose SalesOtacilio

    bom

    03/05

      0
  • avatar
    John Talisic

    high quality

    23/05/2025

      0
  • avatar
    LucasGabriel

    Bom demais

    07/02/2025

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters