Still summer, 2005 "Ayoko pa rin sa kaniya," napapailing ako habang sinasabi iyon. Ang mga mata ay nakatuon lamang sa batang lalaki na nasa harapan ko. Hindi pa rin nawawala ang latay sa binti ko bunga ng patpat na pinampalo sa akin ni Mama noong isang araw. Kaya naman sa tuwing nakikita ko ang pagmumukha ng lalaking ito ay automatic na umiirap ang mga mata ko. "Huwag ka ngang ganiyan Cance. Mabait naman si Keene ah," sabi pa ni Teo na inirapan ko lang. Mabait daw, sampalin ko pa ng tsinelas 'yan sa mukha. "Ang pangit ng pangalan mo, Keene, ang corny." Inirapan ako noong bata pagkatapos ay humalukipkip siya. "Mas pangit pangalan mo, Cance, pwe!" sagot niya. Nag-isang linya ang labi ko, pinipigilan ang sarili na hubarin ang tsinelas at isampal sa mukha niya. "Ang pangit ng mukha mo," hindi papatalong wika ko. "Kung hindi ka lang nagsasalita aakalain kong Siopao ka." Narinig ko ang pag-'ooohhh' ng mga bata sa likod. Tumayo ako mula sa pagkakaupo saka dinuro siya. "Mukha kang naglalakad na kahoy," sabi ko habang naka-taas ang noo. "Baboy." "Unggoy!" Nginisian niya ako. "Teka lang. Kanina pa ko nakatingin sa mukha mo pero hindi ko pa rin talaga makita 'yong ilong mo." Binato ko yung hawak ko na bimpo sa lupa saka akmang pupulutin ko yung tsinelas ko pero agad akong pinigilan ni Yhann at Teo. "Tama na 'yan. Ano lalaruin natin para ngayong araw?" Tanong ni Yhann sa kanila habang ako naman ay pilit na kumakawala kay Teo. Ni hindi ako makasigaw dahil tinatakpan ni Teo ang bibig ko. "Aray!" Sigaw niya nang kagatin ko ang kamay niya pero agad din namang dumura. "Peste, Teo, ano ba 'yang kamay mo, waterfalls?!" Hindi niya ako sinagot, pinunas niya lang yung namamawis niyang kamay sa gilid ng short niya bago kami bumaling kay Yhann na siyang nagsasalita. Masama pa rin ang tingin ko sa bata na hindi man lang ako tinapunan ng tingin. Sa kasamaang palad, kasa-kasama na rin namin siya sa lahat ng laro namin. Isang linggo na ang nakalilipas nang simulan nilang ilipat ang mga gamit nila sa bahay na katabi lamang ng bahay namin. Dati iyong pagmamay-ari ng Tita ko pero napagdesisyunan nitong manirahan na lang sa States kasama ang asawa niya kaya naman naisipan nilang ibenta ito. Simula ng araw na iyon, nagulo na ang dating payapa kong mundo. Ang kuwarto ko ay nasa harap lang rin ng kuwarto niya. Yung favorite spot ko na bintana ay kinasusuklaman ko na rin dahil palagi kong nakikita ang mukha niya kapag sumusulyap ako roon. Mayabang siya, English nang English akala mo naman matalino. Demanding din, kung makautos wagas at ang pinakanakakairita sa lahat, hindi na ako ang palaging nananalo sa mga laro namin dahil lahat na lang ay pina-papel-an niya. Nakakairita! "Bakit ako taya eh hindi mo nga ako nahawakan!" Sigaw ko sa kaniya. "Nahawakan kita sa braso," sagot niya. "Hindi ko nga naramdaman!" "Nahawakan ka niya, Cance. Nakita ko." Tinignan ko ng masama si Teo nang sumabat siya sa usapan. Ibinaba niya yung tingin niya saka binatukan si Bansot na nasa tabi niya lang. "Sabi niya sabihin ko daw!" "Ayoko na!" Umupo ako sa lupa saka siya inirapan. "Si Keene lang pala makaka-ano sa 'yo--" hindi naituloy ni bansot ang sinasabi niya nang makasalubong ng mga mata niya ang matalim kong tingin. "Ano bansot? Ha?! Ano?! Ituloy mo yan!" sabi ko habang mahigpit na hawak ang tsinelas ko.. Kinamot niya lang yung ulo niya at hindi ako sinagot. Inirapan ko siya. Nagsiupuan kaming lahat sa lupa habang hinahabol ang hininga namin sa paglalaro ng tumbang preso. "Si Tiger ba 'yon?" Tanong ng isa sa mga barkada ni Bansot habang nginangatngat ang straw ng zest-o. Nagsitinginan kami sa nginuso niya pagkatapos ay nagkatitigan. Si Tiger yung masungit naming kapit-bahay na nambubuhos ng tubig sa harapan ng bahay nila para hindi kami makapaglaro. Sa kasamaang palad, ang harapan ng bahay niya ang pinakamagandang spot para laruan ng tumbang preso. Nagsitayuan kami mula sa pagkakaupo nang makita naming naglabas siya ng isang timbang may lamang tubig at nagsitakbo nang bigla niya itong ibuhos sa direksyon namin. "Tama na laro, mga bata. Tanghaling tapat napaka-ingay niyo!" Reklamo niya saka pagalit na isinara ang gate. "Nakakainis! Bakit ba bumalik pa 'yong matandang iyon?" Ipinadyak ko ang mga paa ko saka iritadong kinamot ang ulo ko. "Ayos lang 'yan. Punta na lang tayong labasan," sabi ni Yhann. Tumango kaming lahat saka pinagsusuot na ang mga tsinelas namin. "Where is labasan?" Tanong ng rich kid na gunggong. Pinaningkitan ko siya ng mata saka umakbay sa kaniya. "Sa isang malayong lugar na tinitirhan ng isang unggoy na nagngangalang Keene Alfonso Madrigal." Nakita kong umirap siya saka inalis ang pagkakaakbay ko sa kaniya. "Ha! Funny," sarkastiko niyang saad. Inambahan ko siya ng suntok pero tinignan niya naman ako na para bang nanghahamon. "Tama na 'yan. Ano ba naman kayong dalawa," singit ni Yhann habang kinakamot ang batok niya. "Malapit lang 'yon Keene, wag kang mag-alala." Nagsimula kaming maglakad pero bago iyon ay inirapan ko muna siya saka sumabay kila bansot dahil nakadikit si Teo at Yhann kay Keene. Napapa-iling na lang ako habang pinapanuod ang mga dugyot na magpalobo ng laway. Palakihan daw sila. Tumawid kami ng tulay saka nagdire-diretso papunta sa tindahan ni Ate Juday, hindi kalayuan doon ay matatagpuan ang isang bike rental shop na pagmamay-ari ni Manong. Manong tawag namin sa kaniya dahil hindi namin alam 'yong pangalan niya. "Magkano dala niyo?" Kinapa ko ang bulsa ko at nakakuha ako ng limang piso. Kagaya ko ay nagsikapaan din sila sa mga bulsa nila. Ang iba ay walang nakuha samantalang ang iba ay may sobra-sobra. Tinignan namin si Keene na nag-iisang hindi kumuha ng pera. Para namang na-realize niya ang ginagawa namin at kinuha ang dalawang piraso ng perang papel sa bulsa niya. Literal na napasinghap ako saka hinablot iyon sa kamay niya. "Grabe! Binibigyan ka ni Ninang ng ganito kalaking pera?" wika ko habang ang tingin ay nakatuon sa forty pesos na nasa palad ko. 'yong baon ko sa school hindi bababa sa sampung piso, na tinatago ko pa sa mga teacher namin kasi pag nakita nilang may baon ako ay pipilitin nila akong bumili ng soup. "Palit tayo Nanay." Nangunot ang noo niya saka muling hinablot ang pera sa kamay ko. "Ano nang gagawin natin?" "Magb-bike tayo," saad ni Toto saka kinindatan ako. Inaambahan ko siya ng suntok at agad naman siyang tumakbo papalayo sa akin. Kadalasan umaangkas lang ako dahil hindi ako marunong mag-bike at hinding hindi na ako umulit mag-bike simula nang sumemplang ako noong sinubukan akong turuan nila Yhann. Grabe! Kalagim-lagim ang pangyayari na iyon at ayaw ko na alalahanin. Maulan kasi noong araw na iyon. Pinilit ko sila Teo na turuan akong mag-bike ang kaso masyadong madulas ang lupa. Kitang-kita ko kung paano ako tignan ng matandang nakatambay sa harapan ng tindahan ni Ate Juday habang nagi-slide ako hanggang sa gutter ng gilid ng kalsada tinanong niya pa ako noon; "Sumemplang ka be?" Kung hindi lang masakit yung tuhod ko baka nasampal ko na siya ng tsinelas. Obvious ba?! Gusto mo part two?! Pinalo pa ako ni Mama noong araw na iyon dahil hindi niya raw ako mahagilap. May limitasyon ang mga lugar na dapat kong puntahan at ang rental shop na ito ay isa sa mga lugar na hindi ako maaaring pumunta. Basta lumampas sa tulay bawal ako doon. "Ang bigat mo, Cance!" Reklamo ni Teo saka siya nag-preno. "Doon ka na muna kay Yhann umangkas. Nagpapaunahan kami ni Toto, pag ako natalo itutulak kita sa ilog." "Mas mabigat ka, tanga." Binatukan ko siya bago bumaba. "Huwag mo kong kakausapin, ang taba mo gunggong!" Nag-marcha ako patungo kay Yhann. Sakto namang nagkasalubong kami pero sa kasamaang palad ay na-flat pala ang gulong ng bike niya kaya tinuro niya si Keene na payapang nagb-bike. Tumanggi ako dahil pinangako ko sa sarili ko na hinding hindi ako lalapit sa gunggong na iyon. Hindi talaga! "Dalian mo namang mag-pedal!" Sigaw ko. "Ikaw kaya dito, akala mo napaka-gaang mo 'no?" Sa sobrang inis ko ay pinaghahampas ko ang likuran ni Keene kaya gumewang ang bike. Napasigaw ako at biglang napayakap sa bewang niya. "Tsansing ka rin 'e." "Tanga! Anong tsansing? Para nga lang akong yumakap sa poste!" Bumitaw ako sa bewang niya saka hinampas ang likod niya ng isang beses pa bago humawak sa balikat niya. Ipinikit ko ang mga mata ko saka dinama ang hangin habang humahampas ito sa mukha ko. Nang iminulat ko ang mata ko ay nahagip nito ang pamilyar na bahay ni Tiger. Hinampas ko ang likod niya ulit at sinabihan siyang huminto. "Pagkapindot ko, takbo tayo papunta sa bike. Huwag tatanga-tanga ha?" Tinanguan niya ako. Sabay kaming napalunok nang sunod-sunod kong pindutin ang doorbell ng sampung beses hanggang sa marinig ko ang pagbukas ng front door ng bahay ni Tiger. "Sino ba 'yang pu**** ***ng 'yan na ngayon lang nakapindot ng pu**** ***ng doorbell?!" Bumukas ang gate at sabay kaming tumakbo papalayo. "Cance! Sinasabi ko na nga ba na ikaw na namang pu**** ***ng bata ka ang pasimuno! Humanda ka sa akin ngayon!" "Ayan na siya! Dali! Dalian mo!" Buong pagmamadali akong tumakbo pero nahuhuli pa rin ako. Hanggang sa matalisod ako sa kung ano at sumubsob ang mukha ko sa lupa. Napahinto siya sa pagtakbo at napalingon sa kinasasadlakan ko. Nanlalaki ang mga mata niya habang nakatingin sa akin. "Bakit? Bakit ganiyan ka makatingin?!" Tinuro niya ang ilong ko na agad ko namang kinapa at pagtingin ko ay nakita ko ang pulang likido mula rito. "Dugo... Dugo!" Sigaw ko. "Ewww! Kadiri! Mama!!!" Mangiyak-ngiyak ako at ni hindi ako makagalaw sa kaalamang may tumutulonh dugo sa mukha ko. Ayoko sa dugo! °°° Sininghot ko ang sipon tumulo mula sa ilong ko dahil sa kakaiyak kanina habang kumakain ng hapunan. "'yan! 'yan ang napapala ng mga batang gala. Kung nanatili ka na lang sa bahay edi sana hindi magdudugo 'yang ilong mo. Dinamay mo pa si Keene, ang tino tinong bata no'n!" Nagbuntong hininga si Mama saka ako hinilingan. "Ma," sabat ni Papa. "Hayaan mo na, bata 'e." Sinamaan siya ng tingin ni Mama at parang bata naman niyang iniyuko ang ulo niya. "Hayaan, hayaan. Palagi na lang hinahayaan, tignan mo nga hitsura niyang anak mo! Parang walang magulang! Maghapong naglalaro sa labas, nagmumukha na tuloy dugyot." Hindi ko pinansin ang sermon ni Mama at pinagtuunan na lang ng pansin ang pagkaing nasa harapan ko. "Nakikinig ka ba?" "Opo," sagot ko sa tanong niya. Lahat kami ay tumingin sa pintuan nang bigla na lang bumukas iyon at iniluwan si Ninang kasama si Ketura. "Naku, kumakain pala kayo. Pasensya na, babalik na lang ako mamaya." "Hay naku hindi na! Tapos na rin kaming lahat 'no, sandali lang." Kinuha ni Mama ang plato ko na naglalaman pa ng isang buong hotdog saka ipinatong iyon sa plato niyang wala ng laman. "Ma--" pinanlakihan niya ako ng mga mata kaya nanahimik na lang ako. Si Ate naman ay umakyat na sa kuwarto niya dala ang mga libro. "Cance, nasa labas si Keene. Maglaro muna kayo doon," malumanay na wika ni Ninang. Tumayo ako mula sa pagkakaupo para magmano sa kaniya. "Sige po, Tita." Kagaya ng sinabi niya ay lumabas ako ng bahay. Sigurado namang magch-chismis-an lang sila. Kapag naman namalagi ako sa kuwarto ay tutulala lang naman ako doon. Nakita ko si Keene na nakaupo sa mahabang kahoy na upuan na nasa harapan lang ng bahay namin. Nakita niya ako pero hindi siya nagsalita hanggang sa makaupo ako sa kabilang side ng bangko. Ilang minuto kaming walang imik hanggang sa magsalita siya, "Masakit?" Umirap ako sa ere. "Hindi, masarap. Gusto mo part 2? Mukha mo naman ang isusubsob ko sa lupa." "Tss. No thanks." "Tss. No thanks." Panggagaya ko sa kaniya. Muli kaming natahimik pero napatalon ako nang makaramdam ako ng malamig na bagay sa pisngi ko. "Ano 'to?" "Ice cream 'yan. Ipukpok mo sa ulo mo." "Haha, funny ka. Naranasan mo na masampal ng tsinelas?" Pagalit kong hinablot yung ice cream sa kaniya saka binuksan iyon. Ilang saglit pa ay narinig ko siyang tumatawa. "Nababaliw ka na?" "Kanina kasi, hindi ako makatawa pero ngayong ayos ka na..." Tinignan niya ang mukha ko saka tumawa ng malakas. "Nakakatawa yung hitsura mo kanina. Kung nakita mo lang yung hitsura mo noong makita mo 'yong dugo sa kamay mo." Tumawa siya ng malakas. Tumayo ako saka hinampas ang balikat niya. "Tumahimik ka! Huwag kang tumawa!" Sigaw ko pero hindi siya nakinig. "Sabi nang huwag kang tumawa 'e!" Sinabunutan ko siya pero tawa pa rin siya nang tawa. "Aray! HAHAHAHAHAH." "SABI NANG TUMAHIMIK KA! HAYST!"
bom
03/05
0high quality
23/05/2025
0Bom demais
07/02/2025
0View All