Summer, 2005 Mataas na ang sikat ng araw at ramdam ko na rin ang init na dulot nito sa aking balat. Hinihingal kong pinunasan ang pawis na tumutulo mula sa noo ko at agad na pinulot ang tsinelas nang makita kong natamaan nila ang lata saka mabilis na tumakbo patungo sa base. Naibalik na ng taya ang lata sa puwesto nito ngunit nasa base na kaming lahat at sa sobrang pagkainis ay sinipa niya ang lata. "Ayaw ko na! Napakadaya! Bakit palagi na lang ako ang taya?!" Siya si Matteo Sebastian, nasa ika-limang baitang na sa eskuwelahan. Malapad ang katawan niya kaya halos lahat ng bata sa compound ay takot sa kaniya. Asar-talo din siya at madaling mapikon kaya madalas walang may gustong isali siya sa mga laro. "Sige na, balik ka na doon, Teo magpapataya na lang ako," wika ni Yhann Miranda. Masasabi kong siya na ang pinakamabait sa lahat ng bata sa street namin. Nagiisa siyang anak ng Nanay niya na maaga rin namang na-byuda. Patpatin ang pangangatawan niya at madalas siyang nasa bahay lang dahil siya ang nagbabantay sa tindahan nila Kapag wala ang Nanay niya. "'wag! Kaya namimihasa yan eh!" At heto naman ako, Cance Joy Alonzo, walong taong gulang at kagaya ng dalawa ay nasa ika-limang baitang din. Masasabi kong sa aming tatlo ako na ang pinaka-maganda, pinaka-matalino at pinaka-matino sa kanila. "Hindi pa natataya si Cance. Paano ba naman kasi kung makatakbo akala mo lalaki." Pinanliitan ko ng mga mata ang iba pa naming kalaro. Tumatawa sila na animo'y may sinabing nakakatawa ang pangit na 'yon. "Manahimik ka, bansot!" Sigaw ko sa kaniya. Kinuha ko yung tsinelas na suot ko at akmang sasampalin siya gamit ito nang pigilan ako nila Teo at Yhann. "Bitiwan niyo ko! Papatikimin ko ng tsinelas yan!" "MATTEO! KAKAIN NA!" Natigilan kaming lahat nang marinig namin ang tinig ni Aling Iska, ang Nanay ni Teo. Binitiwan nila akong dalawa at tinignan ko naman ng masama yung bida-bidang bata na nagsalita kanina. "YHANN!" "Halika na, tawag na ko ni Mama." Hinawakan ni Yhann ang braso ko saka ako marahang hinigit palayo sa bansot na 'yon. "Bakit niyo ko pinigilan?" "Kung hindi ka namin pinigilan, siguradong may susugod na naman na Nanay sa harapan ng bahay ninyo." Inikot ko ang mata ko dahil sa sinabi ni Teo. Hindi ko naman kasalanan na iyakin 'yong mga anak nila. Sa una lang naman mayayabang mga 'yon pero supalpal naman sa akin. Naalala ko yung classmate ko noong grade 3. Guwapong guwapo siya sa sarili niya pero nabubulok naman halos lahat ng ngipin niya. Minsan ay pinagtabi kami ng adviser namin, nairita ako sa kahambugan niya kaya ayon, sinaksak ko ng lapis. Hindi lang naman siya ang nasaktan dahil pag-uwi ko sa bahay noong araw na 'yon ay pinalo ako ng patpat ni Mama sa binti hanggang sa pigilan siya ni Papa. Hindi naman malalim 'yon, ni hindi nga tumagos yung lapis sa palad niya. Pagdating ko sa bahay ay naghahanda pa lang ng hapag si Mama habang si Ate naman ay busy sa pagbabasa ng libro. Lumapit ako kay Mama saka hinalikan ang tiyan niya kung nasaan ang baby brother namin. Sabi ni Mama two months na lang daw bago lumabas ang baby brother namin kaya nagaaral na ako kung paano maging mabuting ate. "Cance, maghugas ka muna ng kamay doon sa CR. Saka maligo ka pagkatapos kumain ha. Tignan mo nga 'yang hitsura mo." Sinuklay ni Mama ang buhok ko na tumatakip sa mukha ko. Nakangiti akong tumango saka tumakbo patungong CR para maghugas ng kamay. Kagaya ng bilin ni Mama, naligo ako pagkatapos kumain at agad ding lumabas ng bahay. Dumiretso ako sa bahay nila Teo. Sampu silang magkakapatid, pang-anim si Teo. Sabi ni Mama nang tanungin ko siya kung bakit madami ang kapatid ni Teo samantalang kami ay tatlo lang ang sagot niya ay sundalo daw kasi ang Tatay ni Teo. Madalas madestino sa iba't ibang lugar kaya sa tuwing umuuwi ay laging game on na agad. Hindi ko na-gets pero hindi na rin naman ako nagtanong. Sabi niya kasi maiintindihan ko rin daw 'yon balang araw. Pero kailan kaya ang balang araw? Nginitian ko si Aling Iska saka siya kinawayan. "Si Teo po?" Tanong ko rito. Pinunasan niya ang pawis sa noo niya habang sa kabilang kamay ay karga-karga ang isang taong gulang na anak na si Ida. "Si Teo? Teka, nasaan ba 'yon?" Inikot niya ang tingin niya sa paligid pagkatapos ay natulala siya sandali. "Lumabas nga pala siya pagkatapos niyang kumain. Tignan mo na lang sa bakanteng lote." "Okay po, salamat po!" Umalis ako sa bahay nila Teo saka naglakad patungo sa bakanteng lote. Patalon-talon pa ako habang naglalakad at sa tuwing makakakita ng bato ay sisipain ko 'yon. Paulit-ulit lang ang ginagawa ko hanggang sa makarinig ako ng matinis na tili pagkatapos ay may umiyak. Napatingin ako sa harapan ko at nanlaki ang mata ko nang makita ko ang dalawang bata sa harapan ko. Yung isa ay matangkad pero mas maliit pa rin siya sa akin na sa tantiya ko ay hanggang sentido ko lamang. Yung isa naman ay batang babae na sa tingin ko ay nasa limang taong gulang pababa, nagdudugo ang noo nito habang patuloy na umiiyak. "What did you do?!" Sigaw ng bata sa akin. Luh? Ano raw? "Sinadya mo 'yon 'no?" Nangunot ang noo ko. "Sinadya ang ano?" "Binato mo siya!" "Hindi ah!" "Liar! I saw you!" "'wag mo 'kong mumurahin!" "Idiot." Hinubad ko ang tsinelas ko saka dinuro sa kaniya. Talagang gusto talaga nito ng away eh. "Naranasan mo nang masampal ng tsinelas?" Tanong ko sa kaniya. Inirapan niya ako saka binalingan ang kapatid niya. "Kuya! It hurts." Naiiyak na sabi noong batang babae. Tinitigan niya lang ako ng masama pagkatapos ay hinawakan na niya yung kamay ng bata. Naawa naman ako kasi ang cute niya kaso lang may dugong tumutulo sa noo niya. Kadiri, ayaw kong lumapit sa kaniya kahit cute pa siya. "Let's go Ketura." Inirapan ko siya sa huling pagkakataon bago muling sinuot ang tsinelas ko. Napakasama ng ugali, grabe. °°°°° "Ang tagal mo naman," reklamo ni Teo habang nakaupo sa putol na poste katabi si Yhann. "Nakakainis, may nakasalubong lang ako. Grabe, nagdugo yung noo niya." "Ha? Bakit? Anong ginawa mo?" Tanong ni Yhann na umiinom ng Zest-o. "Wala! Naglalakad lang ako 'no!" Depensa ko sa sarili ko. Pag may sumugod sa bahay mamaya malalaman na rin naman nila saka hindi ko naman talaga kasalanan iyon. Malay ko bang dadaan sila? Pinaningkitan nila ako ng mata at inirapan ko naman sila. "Saan tayo? Anong laro natin?" Pag-iiba ko sa usapan. "Patintero na lang tayo." "Sige! Basta ayaw kong makalaro yung bansot na 'yon." Tukoy ko sa bida-bidang bansot kanina. "Huli ka na, kasali na kami. Tayo-tayo lang naman mga bata dito choosy ka pa?" Napabuntong hininga ako nang marinig ko ang pamilyar na boses na iyon mula sa likuran ko. Yumuko ako para abutin yung tsinelas ko na hinubad ko saka hinarap siya, "tsi-tsinelasin kita!" "Hoy, pigilan ninyo!" Rinig kong sigaw ni Teo pagkatapos ay may naramdaman akong lumingkis sa mga braso ko at hinila ako papalayo doon. Sa huli ay nag-pogs na lang kaming tatlo at nang mag-sawa kami ay tumambay kami sa tulay at nagkuwentuhan ng kung ano-ano. Kagaya ng paano kapag umulan ng tae? Paano kung bigyan kita ng isang milyon pero kailangan mong kumain ng tae. Payag ka? Payag ka na. Ilang oras din kaming nag-argumento patungkol doon hanggang sa namalayan na lang namin na palubog na pala ang araw at kailangan na naming umuwi. Unang humiwalay si Teo sa amin dahil mas malapit ang bahay nila sa tulay pagkatapos ay hinatid muna ako ni Yhann sa bahay namin bago siya tuluyang umuwi. Pagkasara ko ng gate ay agad na nangunot ang noo ko nang makarinig ako ng malakas na tawa at kuwentuhan sa loob ng bahay. May bisita ba kami? Luh? Sumugod na ba yung Nanay noong batang nagdugo 'yong noo? Nakapasok na ako sa bahay pero hinawakan ko ulit 'yong doorknob para sana muling lumabas ng bahay. "Ito na pala yung anak ko. Cance! Halika rito." Namawis ang kamay ko. Sinulyapan ko yung pader namin sa sala at napahinga naman ako ng maluwag nang makita ko yung patpat na naka-display pa rin sa pader. Isa iyong senyales na hindi siya galit. Kapag 'yong patpat na 'yon nawala sa lagayan isa lang ibig sabihin noon, kailangan mo na magdasal para sa kaligtasan mo. "Mag-hi ka sa Ninang mo," pang-uudyok sa akin ni Mama. Ngumiti ako sa Ninang ko na ngayon ko lang nakita sa buong labing isang taon ng buhay ko. "Hi po, Ninang. Bless po." Binigay niya naman ang palad niya sa akin at agad akong nag-mano sa kaniya. "Napaka-gandang bata. Ang liit-liit mo pa noong huling kita ko sa 'yo." Ngumiti ako ng malapad. "Salamat po!" Na-freeze ang ngiti ko nang bumaling ako sa pintuan ng kusina at nakita kong lumabas mula roon ang magkapatid kanina. "Oh!" Sigaw niya saka ako dinuro. "Mom, that's her. Siya yung nambato kay Ketura," sumbong niya. Nanlaki ang mata ko saka napatingin kay Mama. Wala na ang ngiti sa labi niya. Nanlaki ang mga mata ko nang muli siyang ngumiti pero sa oras na iyon ay biglang tumaas ang balahibo ko. Kilala ko ang mga ngiting iyon. "Cance," nakangiti niyang tawag sa pangalan ko. "P-po?" "Mag-uusap tayo mamaya," malumanay na wika niya pero may kutob talaga ako na hindi lang usap ang gagawin namin.
bom
03/05
0high quality
23/05/2025
0Bom demais
07/02/2025
0View All