logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Finally Found My Match

Finally Found My Match

Thartzo9


PROLOGUE

Ngayon ang ikalabing-apat na kaarawan ni Bea Rose pero sa halip na ngumiti dahil sa masayang handaan nila sa kanilang bahay sa kanilang probinsya ay kabaliktaran ang kaniyang nararamdaman. Nakaupo lang siya sa sopa na nasa sala habang nakasimangot na pinagmamasdan ang mga bisita niyang masayang nagkukuwentuhan at pabalik-balik sa mahabang mesa sa kusina upang kumuha ng pagkain.
Ilang beses na siyang sinubukang aliwin ng matalik niyang kaibigan na si Liz pero wala pa ring pagbabago sa ekspresyon niya. Ilang linggo na kasing hindi umuuwi ang Papa Henry niya magmula nang magpaalam itong papasok sa factory na pinamamahalaan nito tatlong linggo na ang nakararaan.
Masyado siyang malapit sa kaniyang ama kaya ganoon na lang ang lungkot niya nang hindi umuwi ang ama niya kahapon para tulungan sila sa paghahanda para sa kaarawan niya. Ang mas nakakalungkot pa ay mukhang wala rin itong balak sumipot ngayon.
Nanatili lamang siyang nakaupo sa sopa habang pilit pa rin siyang inaaliw ni Liz hanggang sa sumapit ang hapon at nagsiuwian na ang mga bisita nila. Tanging si Liz na lang ang naiwan dahil nagpaalam na ang mga magulang nito na uuwi na para daw makapaghinga silang mag-anak. Hindi na isinama ng mga ito si Liz pauwi dahil nakikita nilang kailangan ni Bea ang presensya ng kanilang anak lalo pa’t tila yata maiiyak na ito anumang oras.
“Bea‚ kumain ka na muna. Kanina ka pa nakatunganga riyan e‚” puno ng pag-aalalang wika ni Liz habang marahang hinahagod ang buhok ng kaibigang si Bea upang ito’y aluin.
“Wala akong gana‚” matamlay na tugon ni Bea.
Napabuntong-hininga na lamang si Liz dahil sa katigasan ng ulo ng kaibigan. Kung hindi niya lang talaga ito kaibigan ay kanina pa niya ito inihampas sa sandalan ng kinauupuan nilang sopa para ito’y matauhan.
“Wala kang gana dahil hindi sumipot ang papa mo?” mataray na tanong ni Liz.
Mangiyak-ngiyak na napalingon si Bea kay Liz dahil sa tanong nito. Ilang minuto siyang nawalan ng imik bago siya matamlay na tumango.
“Hindi lang ako sanay na wala si papa. Nasanay kasi ako na siya ang palaging unang bumabati sa akin tuwing kaarawan ko. Siya rin ang madalas humawak ng cake para hipan ko‚” malungkot na tugon ni Bea.
Malungkot na ngumiti si Liz dahil sa narinig. “Naiintindihan kita. Daddy’s girl ka naman kasi masyado e‚” natatawang biro ni Liz sa kaibigan na hindi naman gumana dahil nanatili pa ring nakasimangot si Bea na para bang ang laki-laki ng problema nito.
“Siya nga pala‚ nakausap mo na ba si tito? Saka nasaan pala si Cassy? Bakit hindi ko makita ang kapatid mong ‘yon?” sunod-sunod na tanong ni Liz nang lumipas ang ilang minutong katahimikan sa kanilang pagitan.
“Hindi ko pa nakakausap si papa kahit sa telepono. Sabi naman ni mama ay baka raw masyado lang maraming inaasikaso si papa sa factory kaya ito natagalang umuwi. Si Cassy naman ay kanina pa hinatid ni mama sa kwarto. Napagod yatang makipaglaro kaya malamang ay nagpapahinga na ‘yon katabi ni mama‚” mahabang tugon ni Bea.
Napatango-tango na lang si Liz saka biglang sumeryoso nang may maalala ito. “Magpahinga ka na rin kaya? Samahan na kita sa kwarto mo‚” pagboluntaryo ni Liz.
“Mamaya na. Dito na muna ako. Baka kasi biglang dumating si papa. Gusto kong ako ang unang sasalubong sa kaniya‚” mariing wika ni Bea na mukhang desidido talagang maghintay sa ama niya kahit pa nga walang kasiguraduhan kung ito ba’y sisipot lalo pa’t kanina pa tapos ang pagdiriwang.
Mariing napapikit si Liz sa narinig saka hindi makapaniwalang napatingin kay Bea. “Bea‚ hindi ka guwardiya para magbantay. Saka hindi pa naman tayo sigurado kung darating nga ang papa mo kaya mabuti pa ay magpahinga ka na muna‚” pamimilit ni Liz sa kaibigan na halata na ang pagod sa mga mata nitong bahagya nang naniningkit.
“Pero—”
“Ganito na lang. Sasamahan kita sa kwarto mo at babantayan kita hanggang sa makatulog ka. Kapag tulog ka na‚ babalik ako rito sa sala at ako na ang magbabantay sa pagdating ng papa mo. At kapag dumating na siya‚ ikaw ang unang-una kong tatawagin. Ayos na ba sa iyo ‘yon?” suhestiyon ni Liz kahit ang totoo ay hindi na siya umaasa pang darating ang Papa Henry ni Bea dahil kung darating ito‚ dapat ay kanina pa lalo na at paborito nitong anak si Bea.
Malalim na napabuntong-hininga si Bea saka parang napipilitang tumango. “Sige. Basta gisingin mo ‘ko ah?”
“Oo. Kaya tara na sa kwarto mo. Magpahinga ka na‚” yaya ni Liz sa kaibigan at nauna na siyang tumayo saka inalalayan din itong tumayo at iginiya ito sa kwarto nito.
Katulad nga ng sabi ni Liz ay agad siyang bumalik sa sala nang makatulog na si Bea. Naabutan niyang nakaupo sa sopa ang ina ni Bea na parang may hinihintay dahil panay ang lingon nito sa pinto. Ni hindi nga nito napansin ang presensya niya.
Kunot ang noong naglakad siya palapit sa ginang at tumabi ng upo rito.
“Tita Joanna‚ bakit po kayo nandito sa labas? Saka sino po ang hinihintay ninyo?” magalang na tanong ni Liz sa ginang na agad nabaling ang tingin sa kaniya nang magsalita siya.
“Hinihintay ko si Henry‚” sagot ng ginang at tipid na ngumiti.
“Talaga po? Darating si Tito Henry?” tuwang-tuwang tanong ni Liz.
Nakangiting tumango ang ginang pero hindi naman umabot sa mata nito ang kaniyang ngiti sa hindi malamang dahilan.
“Mabuti naman po pala kung gano’n. Magiging masaya na rin ang kaibigan ko‚” nangingiting saad ni Liz.
“Mabuti pa ay umuwi ka na sa inyo. Maggagabi na rin‚” biglang pag-iiba ng usapan ng ginang na tila ba iniiwasan nitong mapag-usapan ang tungkol sa asawa nito.
“Pero nangako po ako kay Bea na babantayan ko ang pagdating ni Tito Henry para magising ko siya nang sa gayon ay siya ang unang sumalubong sa papa niya‚” nakangusong sagot ni Liz.
Nangingiting ginulo ng ginang ang buhok ni Liz. “Umuwi ka na. Ako na ang bahala kay Henry at kay Bea.”
“Pero—”
“Sige na. Baka gabihin ka pa sa daan‚” giit ng ginang.
Napasimangot na lang si Liz saka mabigat sa loob na nagpaalam siya sa ginang upang umuwi na sa kanila.
Nang mawala sa paningin ni Joanna si Liz ay napabuga na lamang siya ng hangin saka muling ipinagpatuloy ang matiyaga niyang paghihintay sa kaniyang asawa.
Ilang oras pa ang lumipas bago nakarinig ng mga yabag si Joanna mula sa labas ng pinto. Agad na nagsalubong ang kilay niya nang mapansing hindi lamang iisang tao ang may-ari ng yabag na kaniyang naririnig. Hinuha niya ay nasa dalawa o tatlo ang may-ari nito.
Nagtataka man ay pinili pa rin ni Joanna na tumayo at maglakad patungo sa pinto nang marinig niya ang marahang pagkatok ng kung sino kasabay ng paghinto ng mga yabag na kaniyang naririnig sa labas. Maingat niyang pinihit ang busol pabukas at halos lumuwa ang mata niya sa gulat dahil sa mga taong bumungad sa kaniya pagkabukas niya ng pinto.
“D-Dianna?” gulantang niyang sambit sa pangalan ng taong unang nahagip ng kaniyang paningin na katabi ng asawa niyang si Henry.
Wala sa sariling bumaba ang tingin ni Joanna sa malaking tiyan ni Dianna saka lumipat sa batang babaeng nasa anim na taong gulang na nakahawak sa kamay ni Dianna.
“Ako nga‚ Joanna. Ang tagal din nating hindi nagkita‚” sagot ni Dianna‚ dahilan upang mabaling dito ang atensyon ni Joanna.
“A-Anong ginagawa mo rito? Sa-Saka bakit magkasama kayo ni Henry at bakit may kasama kayong bata?” nangangatal na tanong ni Joanna habang palipat-lipat ang tingin niya sa tatlong taong nasa harapan niya.
“Pumasok na muna tayo sa loob ng bahay‚” wika ni Henry sa halip na sagutin ang tanong ni Joanna.
Hindi pa man naibubuka ni Joanna ang kaniyang bibig upang muling magsalita ay nagkusa nang pumasok sa kanilang tahanan ang mga hindi niya inaasahang bisita.
Nanatiling nakatanga sa kawalan si Joanna at hindi pa rin maproseso ang mga nangyayari hanggang sa marinig niyang tinawag ng kaniyang asawa ang pangalan niya kaya ilang beses siyang napakurap-kurap saka niya isinara ang pinto at lumapit sa sala kung saan magkatabing nakaupo sa mahabang sopa sina Henry‚ Dianna at ang batang babaeng kasama ng mga ito na hawig na hawig ni Henry.
Pasimpleng itinago ni Joanna sa kaniyang likuran ang kamay niyang nanginginig saka niya inokupa ang pang-isahang sopa na katapat ng mahabang sopa.
“Anong ibig sabihin ng pagpunta ninyo rito nang magkasama?” seryosong tanong ni Joanna sa kabila ng panlalamig ng buo niyang katawan at unti-unting paglukob ng sakit sa buo niyang pagkatao dahil aminin man niya o hindi ay alam na niya kung anong magiging takbo ng kanilang usapan.
Hindi siya bulag para hindi mapansin ang mga pagbabago sa asawa niya magmula noong bumalik sa kanilang probinsya ang matalik niyang kaibigang si Dianna. Hindi rin siya tanga para hindi mahulaan kung sino ang batang napapagitnaan nina Dianna at Henry. Mas lalong hindi siya bobo para hindi mapagtagpi-tagpi ang lahat ng mga kaganapan sa kaniyang paligid.
“Alam kong alam mo na ang sagot diyan sa tanong mo‚” makahulugang wika ni Henry habang seryosong nakatingin kay Joanna.
Nahigit ni Joanna ang kaniyang hininga dahil sa narinig na winika ng kaniyang asawa.
“Anong ibig mong sabihin?” pagmamaang-maangan pa rin ni Joanna.
Humugot ng malalim na hininga si Henry saka niya sinalubong ang tingin ni Joanna upang bigyang-kasagutan ang tanong nito. “Magsasama na kami ni Dianna‚” maikling tugon ni Henry na dumurog sa puso ni Joanna.
“P-Paano ako? Paano ang mga anak natin? Basta mo na lang ba silang kalilimutan?” nanlulumong tanong ni Joanna habang pilit na pinipigilan ang mga luha niyang nagbabadya nang tumulo.
“Paano ka? Joanna‚ alam kong alam mo kung sino talaga ang mahal ko una pa lang. Tungkol naman sa mga anak natin‚ patuloy ko pa rin silang susuportahan at patuloy pa rin akong magpapakaama sa kanila. Walang magbabago sa pakikitungo ko sa mga anak ko‚ sa mga anak natin. Makikipaghiwalay lang ako sa ‘yo pero hindi iyon nangangahulugan na tatalikuran ko na ang mga anak ko sa ‘yo. Mga anak ko pa rin sila‚” mahabang paliwanag ni Henry na halos hindi na maproseso ng utak ni Joanna dahil ang tanging tumatak lang sa isip niya ay ang pakikipaghiwalay ni Henry sa kaniya upang sumama sa iba.
Ilang minutong nawalan ng imik at kibo si Joanna hanggang sa maramdaman niya ang pamamasa ng kaniyang pisngi. Hindi niya man lang namalayan na umiiyak na pala siya. Pero wala na roon ang atensyon niya.
“Henry‚ bakit mo ba ito ginagawa? Hindi na nga ako nagsalita. Hinayaan ko na nga kayong magkamabutihang muli habang nakatalikod ako. Pero bakit makikipaghiwalay ka pa rin? Kulang pa ba? Ano pa bang gusto mong gawin ko para lang hindi ka sumama sa kaniya at hindi mo kami iwan ng mga anak mo? Gusto mo bang hayaan kitang makasama sila? Sige‚ gagawin ko. Kung iyan ang makapagpapasaya sa ‘yo‚ gagawin ko. Hahayaan kitang tumira sa iisang bubong kasama sila basta huwag ka lang makikipaghiwalay sa ‘kin. Handa akong gawin lahat huwag mo lang akong tuluyang iwan‚” mahabang wika ni Joanna na kinakain na ng kaniyang labis na pagmamahal para sa kaniyang asawa.
Ilang beses na umiling si Henry habang tahimik lamang na nakatingin si Dianna kay Joanna na punong-puno ng awa ang mga mata para dito.
“Hindi mo kailangang gawin ‘yon‚ Joanna. Wala kang kailangang gawin‚” mariing tugon ni Henry.
“Pero‚ Henry‚ hindi ko makakaya kung iiwan mo kami. Hindi ko makakaya kung mawawala ka sa ‘kin. Mababaliw ako‚” lumuluhang sambit ni Joanna na walang pakialam kahit pa nga kasama nila sa sala ang tunay na minamahal ni Henry.
“Makakaya mo‚ Joanna. Makakaya mo. Kailangan mong kayanin alang-alang sa mga anak natin‚” pangungumbinsi ni Henry kay Joanna.
Napailing-iling si Joanna sa sinabi ni Henry habang wala pa ring tigil sa pagtulo ang kaniyang mga luha. “Hindi ko kaya. Hindi ko kayang mag-isa. Kailangan kita‚ Henry. Kailangan ka ng mga anak natin.”
“Pero kailangan din ako ni Dianna‚ ng anak namin at ng magiging anak namin‚” mariing wika ni Henry na siyang naabutan at narinig ng kagigising lang na si Bea na ngayon ay nakatayo na hindi kalayuan sa kaniyang ina.
“A-Anak? M-May anak kayo sa ibang babae?” gulantang na tanong ni Bea sa kaniyang ama habang nagsisimula nang manubig ang kaniyang mga mata.
Gulat na napalingon ang lahat kay Bea dahil sa biglaan niyang pagsulpot at pagsabad sa usapan.
“Anak? Kanina ka pa ba riyan?” natatarantang tanong ni Henry na agad na tumayo mula sa kaniyang pagkakaupo at nilapitan ang anak niyang si Bea.
Tinangka ni Henry na hawakan ang kamay ng anak niyang si Bea ngunit mabilis itong umatras habang puno ng pinaghalo-halong emosyon ang luhaan nitong mga mata na nakatingin sa kaniya.
“Huwag mo ‘kong hahawakan. Sagutin ninyo ang tanong ko.” Humugot ng malalim na hininga si Bea saka matalim na tiningnan ang kaniyang ama. “Totoo ba ang narinig ko? Totoo bang may anak ka sa ibang babae?”
Muling tinangka ni Henry na hawakan ang kaniyang anak ngunit sa pangalawang pagkakataon ay umiwas na naman ito.
“Rose‚ anak‚ hayaan mo muna akong magpaliwanag. Hayaan mo kami ng Tita Dianna mo na isalaysay sa ‘yo ang mga nangyari‚” pagsusumamo ni Henry.
Lumuluhang umiling si Bea saka ilang beses na umatras palayo sa kaniyang ama. “Hindi‚ ayoko. Ayokong makinig sa mga kasinungalingan ninyo. Isa lang ang tanong ko. Totoo ba?” muling tanong ni Bea sa kaniyang ama.
Sa pagkakataong ito ay tumango na si Henry na mas lalong nagpaluha kay Bea dahil sa labis na sakit. Hindi niya lubos maisip na ang amang inakala niyang tapat sa ina niya at ang ama niyang labis-labis ang pagpapahalaga at pagmamahal sa kanila ay magagawa ang ganitong bagay. Sobrang sakit na malaman na ang taong iniidolo at tinitingala niya ay ang siya pang sisira ng kanilang pamilya na pinakatatanging yaman nilang mag-anak. Ang mas masakit pa ay sa dinami-rami ng araw‚ sa mismong kaarawan pa niya nangyari ang nakadudurog ng puso na kaganapang ito.
“At mas pinipili mo ang anak mo sa babae mo‚ tama ba?” puno ng sarkasmong tanong ni Bea sa kaniyang ama saka mapait na napangisi lalo pa’t isang tingin pa lang sa ama niya‚ alam na niya agad kung anong magiging sagot nito.
Sa halip na sumagot ay nanatiling tahimik si Henry at parang nanghihinang nagbaba ng tingin na mas lalong ikinadurog ng puso ni Bea.
“Kung nahihirapan ka‚ huwag ka nang mag-abalang sumagot. Alam ko na ang sagot mo kaya makakaalis ka na. Hindi ka namin kailangan. Kaya naming mabuhay na wala ka. Kaya sige na‚ sumama ka na sa bago mong pamilya at kalimutan mo nang may anak ka pa kay mama dahil sa oras na lumabas ka ng pamamahay na ito ay kasabay nito ang pagsuko mo sa karapatan mo bilang ama namin‚” pagtataboy ni Bea sa kaniyang ama saka marahas niyang pinahid ang kaniyang mga luha.
Gustuhin man ni Bea na manatili ang kaniyang ama at magmakaawa ritong sila ang piliin nito ay hindi niya magawa. Ayaw niyang magmakaawa sa ama niya na siyang sumira ng pamilya nila. Hindi siya magmamakaawa sa ama niyang nanloko at nanakit sa ina niya. At higit sa lahat‚ hindi niya pangungunahan ang ama niya sa desisyon nito. Kung gusto nitong iwan sila‚ sige. Malugod niya itong tatanggapin. Hindi siya ipinanganak para magmakaawa sa kahit sino. Saka kung talaga namang mahal sila ng Papa Henry niya‚ sila ang pipiliin nito. Hindi na niya kailangan pang magmakaawa.
Dahan-dahang nag-angat ng tingin si Henry at parang pinilipit ang puso ni Bea nang makita ang luhaan nitong mukha. Ngunit sa halip na ipakita ritong nasasaktan siyang makita itong luhaan ay pinatalim niya pa lalo ang kaniyang tingin at binura niya lahat ng emosyon sa kaniyang mukha.
Sinalubong ni Henry ang matalim na tinging ipinupukol sa kaniya ni Bea. Ganoon na lamang ang panlalambot ng tuhod ni Bea nang mabasa niya ang emosyon sa mga mata ng kaniyang ama. Ang mga mata nito ay parang nangungusap at humihingi ng kapatawaran.
“Patawad‚ anak. Patawad kung kailangan kong mamili. Patawad kung kailangan ko itong gawin. Patawad kung—”
“Umalis ka na. Huwag mo nang sayangin pa ang laway mo‚” malamig na wika ni Bea kahit gustong-gusto na niyang humagulhol ng iyak at yakapin nang mahigpit ang kaniyang ama.
“Rose‚ huwag mong ipagtabuyan ang ama mo‚” pigil ni Joanna sa anak niyang si Bea saka ito nilapitan at hinawakan ito sa kaliwang braso. “Kausapin mo siya nang maayos at natitiyak ko sa ‘yong tayo pa rin ang pipiliin niya‚” puno ng kumpyansang wika nito.
Hindi makapaniwalang napatingin si Bea sa kaniyang ina dahil sa sinabi nito.
“Ma‚ kung pipiliin niya tayo‚ kusa niyang gagawin ‘yon. Hindi natin siya kailangang sulsulan at pakiusapan‚” pagkausap ni Bea sa kaniyang ina na tila yata nawawala na sa tamang pag-iisip dahil sa labis na pagmamahal nito para sa asawa.
“Naguguluhan lang siya sa ngayon. Kailangan lang natin siyang intindihin at gisingin para matauhan siya at tayo ang piliin niya‚” giit ni Joanna habang panay ang iling nito.
“Ma‚ tama na!” hindi na napigilan pang sigaw ni Bea sa kaniyang ina dala ng pinaghalong sakit at awa para sa ina niya dahil sa labis nitong pagmamahal sa ama niya. “Hindi mo ba nakikita? Nakadalawa na sila.” Iminuwestra niya ang kaniyang kamay sa buntis na si Dianna at sa katabi nitong batang babae. “Iyan ba ang naguguluhan at kailangang gisingin para matauhan?” dismayadong tanong niya sa ina.
Nawalan ng imik si Joanna saka nanlulumong napaupo sa malamig na sahig.
Galit na napasabunot si Bea sa kaniyang sariling buhok dahil sa ayos ng kaniyang ina. Muli na namang nag-unahan sa pagtulo ang kaniyang mga luha habang unti-unti rin siyang napapaupo sa sahig kaharap ng kaniyang ina upang ito’y daluhan.
“Ma‚ naman! Ikaw ang kailangang gumising! Niloloko ka na’t lahat pero gusto mo pa ring magpakatanga. Ginagamit mo pa kami ni Cassy para lang hindi ka iwan ni papa. Ma‚ naman! Awat na. Mas gugustuhin ko pang maghiwalay kayo at tuluyang masira ang pamilyang ito kaysa patuloy mong ipagsiksikan ang sarili mo sa taong hindi ka naman kayang mahalin nang tapat at totoo. Ma‚ please lang‚ tama na. Hindi ko kayang makita kang nasasaktan. Hindi ko kayang makita kang nagpapakatanga at nagpapakamartir. Tanggapin na lang natin na hindi niya tayo mahal. Ngayon pa lang ay kalimutan na nating minsan sa buhay natin ay naranasan nating magkaroon ng buong pamilya‚” pagsusumamo ni Bea sa kaniyang ina.
“Hindi. Walang masisira. Hindi ako papayag‚” mariing pagtutol ni Joanna habang panay ang kaniyang pag-iling.
Bumagsak ang balikat ni Bea sa narinig na sinabi ng kaniyang ina. “Wala ka nang magagawa‚ ma. Wala na‚ sira na. Huli ka na‚” walang buhay na sabi ni Bea saka mapaklang napangisi at binalingan ng tingin ang kaniyang ama na walang imik na nakatingin sa kanila habang patuloy pa rin ito sa pagluha. “Umalis ka na. Umalis na kayo ng kabit mo sa pamamahay na ‘to. Sila ang pinili mo kaya panindigan mo ang naging pasya mo. Magmula ngayon‚ kalimutan mo na kami ni Cassy dahil ganoon din ang gagawin namin. Magmula sa araw na ito ay itatatak ko na sa utak ko na wala na akong ama‚” pagtataboy niya sa kaniyang ama.
Mas lalo pang napaluha si Henry dahil sa mga binitiwang salita ng kaniyang anak. Gustuhin niya mang ipaliwanag at ipaintindi rito ang lahat ay hindi niya magawa. Sarado ang isip at puso nito para sa paliwanag niya.
“Anak—”
“Hindi mo na ako anak kaya huwag na huwag mo na akong matatawag na anak‚” mariing wika ni Bea ma pumutol sa sana’y sasabihin ni Henry.
Akmang ibubukang muli ni Henry ang kaniyang bibig upang magsalita nang maunahan siya ni Bea.
“Umalis na kayo kung ayaw ninyong kaladkarin ko kayo palabas‚” puno ng galit na wika ni Bea habang patalim nang patalim ang tinging ipinupukol niya sa kaniyang ama.
Nang hindi kumilos si Henry ay marahas na tumayo si Bea at galit na sininghalan ito.
“Sinabi nang umalis na kayo! Alis!” Nagngingitngit sa galit na iminuwestra ni Bea ang kaniyang kamay sa nakasaradong pinto.
Dala marahil ng takot sa ginawang pagsigaw ni Bea ay napaiyak na lang ang batang si Zia na katabi ni Dianna. Agad na inalo ni Dianna ang kaniyang anak bago niya binalingan ng tingin si Henry na ngayon ay nakatungo na habang walang ingay na umiiyak.
“Henry‚ tayo na. Umalis na tayo. Makasasama kay Zia kung patuloy ka pang makikipagtalo sa anak mo sa harapan niya‚” kalmado ngunit maawtoridad na sabi ni Dianna sa lalaking ama ng kaniyang anak at magiging anak.
Dahan-dahang nag-angat ng tingin si Henry at malungkot na tumingin sa gawi ni Bea.
“Patawad‚ anak‚” huling sinabi ni Henry bago siya lumapit sa mag-ina niya na nakaupo sa sopa at iginiya ang mga ito palabas ng bahay.
Nang makalabas sina Henry at ang bago nitong pamilya ay doon na humagulhol ng iyak si Bea at nanghihinang napayakap siya sa kaniyang ina na katulad niya ay wala ring tigil sa pag-iyak.
Hindi na namalayan pa nina Bea at Joanna kung ilang minuto o oras silang magkayakap habang humagulhol ng iyak. Ramdam na nila ang pananakit at pamamaga ng kanilang mga mata. Durog na durog pa rin ang kanilang mga puso at nais pa nilang umiyak nang umiyak upang ilabas ang sakit ngunit tila hindi na kinaya ng kanilang mga mata na magpalabas pang muli ng isang baldeng luha.
Magkayakap pa rin sina Joanna at Bea habang patuloy nilang inaalo ang isa’t isa na siyang naabutang eksena ng kagigising lang na si Cassy. Ngunit sa halip na magtanong ay nakiyakap na lang din ito sa kanila at inalo silang mag-ina.
Lumipas ang gabing iyon na walang ibang ginawa ang mag-iina kundi ang magdamayan at palakasin ang kanilang mga loob upang magawa nilang harapin ang panibagong umaga na wala ang haligi ng kanilang tahanan. Kaya nga nang sumapit ang umaga ay wala ng bakas ng sakit na dulot ng kahapon ang mag-iina maliban sa maga nilang mga mata. Ngunit kung titingnang maigi ang mga mata nina Cassy at Joanna ay makikita mong naroon pa rin ang sakit at pilit lamang nagkukubli sa kailaliman ng kanilang mga mata. Samantalang si Bea ay tila ba nawalan ng sigla at buhay. Nawalan ng emosyon ang dati ay masigla nitong mga mata. Nawalan ng ngiti ang labi nitong noon ay palaging nakatawa. Ang dating palakaibigan na si Bea ay naging mataray‚ masungit at tila palaging mainit ang ulo at malaki ang galit sa mundo.
Sobrang laki ng naging epekto kay Bea ng hiwalayan nina Henry at Joanna na umabot pa sa puntong nawalan siya ng pakialam sa kaniyang paligid at napuno ng galit ang kaniyang puso. Siya’y nagtanim ng galit hindi lamang sa kaniyang ama kundi sa halos lahat ng kabaro ni Adan. Pinalibutan niya rin ng pader ang kaniyang sarili at wala siyang hinayaang makatawid sa pader na itinayo niya hanggang sa lumuwas sila ng Manila ni Liz upang doon ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.

Book Comment (45)

  • avatar
    Joahanna Pedro

    magandang ang pag kasulat ng May akdang ito at naiinganyo ang nakararami sa pagbabasa ng storyang ito!

    13/01/2022

      0
  • avatar
    John Guerrero Sena

    Ganda

    13/07

      0
  • avatar
    Ashley Nicole Bagadiong

    love this story

    27/01

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters