logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 2

Malaking pera ang nakuha niya humigit-kumulang ay isan-daan libong piso. Ginamit niya ang pera sa pagpapagamot sa kanyang ina at pagpapalibing ng pumanaw ito.
"Paano, alis na ako Carmella. Sabihan mo nalang ako kung nakauwi na ang Tiya mo." Paalam ni Aling Cita. Hinawakan nito ang kamay ng dalaga at may ibinigay. "Kaunting halaga lang ito. Ikaw na ang bahala kung saan mo gagamitin ang pera. Basta kapag kailangan mo ng tulong huwag ka mahihiyang lumapit sa akin."
"Naku Aling Cita, maraming salamat po pero hindi ko matatanggap ang perang ito." Ibinalik niya ang pera sa ginang pero tumanggi ito. Dalawang libong peso iyon at malaking halaga na iyon para sa kanya.
"Tanggapin mo na iyan," sabi nito. "Sige aalis na ako,"
Mahigpit na hinawakan niya ang pera. Nahihiya man siyang tanggapin iyon pero itinago na din niya ang pera sa bulsa ng bestida niya.
"Maraming salamat po, Aling Cita!" pahabol niyang sabi. Lumingon sa kanya ang ginang at ngumiti.
Tuluyan na ngang lumabas ng bakuran ang ginang. Muli niyang kinuha ang walis at pandakot upang ituloy ang paglilinis sa bakuran.
KINAGABIHAN kinausap si Carmella ng kanyang Tiya. Hindi na niya nagawang umupo sa sofa dahil matalim ang tingin sa kanya ng dalawa niyang pinsan.
"O pirmahan mo ito," sabi ng Tiya Matilda niya. May ipinakita ito sa kanya na papel.
"Ano po ito?" nagtatakang tanong ni Carmella. Mga numero ang nakita niyang nakasulat sa papel.
"Ayan ang kabuuan ng pera na inutang mo sa akin,"
Napatitig siya sa hawak na papel. Binasa niya ang halaga ng pera na babayaran niya.
"Tatlong daang libong piso?!" gulat na bulalas niya. Parang nalula siya sa halaga ng perang babayaran niya. "P-paano po nangyaring naging ganito kalaki ang pera na inutang ko sa inyo?"
Nagalit agad si Matilda. "Bakit nagtataka ka pa?"
"Isang daang-libong piso lang ang inutang ko na pera sa iyo, tiyang. Tatlong taon na din akong naninilbihan bilang katulong n'yo para mabawasan ang pagkakautang ko, pero bakit hindi man lang po nabawasan, lumaki pa nga?"
"Natural na lumaki ang iyong utang sa akin dahil kada buwan ay may tubo. Hindi libre ang pagkain mo dito sa bahay kaya kinakaltas ko iyon sa pera na dapat ibabayad ko sa'yo sa pagiging alila mo."
"Pero wala naman po akong nahahawakan na pera galing sa iyo tiyang, sa paninilbihan ko kaya inaasahan ko na nababawasan ang utang ko sa iyo."
"Aba't, nagrereklamo ka?" galit na ang ekspresyon ng mukha ng Tiya niya. Nanlalaki ang mga mata nito na tinitigan siya sa mga mata. "Anong gusto mo, ipakulong ulit kita dahil hindi mo mabayaran ang inutang mo sa akin?"
"H-hindi po, Tiyang," takot na sagot niya. Ayaw na niyang bumalik sa loob ng kulungan. "N-naisip ko lang po na paano pa ako makakatapos sa pagbabayad ng utang ko kung ganoon na kalaking halaga ang babayaran ko."
Ngumisi lang sa kanya ang Tiya Matilda niya.
"Huwag ka na umasa. Puputi na lang ang buhok mo sa pagsisilbi sa akin at sa mga anak ko, hindi ka pa din makakabayad ng utang mo." Sigaw ni Matilda at idinuldol sa pamangkin ang ballpen. "Pumirma ka na!"
Labag man sa kalooban ni Carmella ay pumirma siya. Natatakot siyang makipagtalo sa Tiya Matilda niya at masasaktan lang siya.
"Kahit saang Barangay o presinto tayo makarating, maliwanag pa sa sikat ng araw na may pagkakautang ka!"
"Pero Tiyang, gusto ko na po matapos ang bayarin ko sa iyo."
Pagak na tumawa si Matilda.
"Paano, ha?" pasuya na tanong ng tiya niya. "Lubog ka nga sa utang. Paano ka matatapos sa pagbabayad sa pagsisilbi lang sa akin?"
Napahikbi si Carmella dahil sa sama ng loob. Ibinigay niya sa tiya niya ang papel na may pirma niya.
"Mom, may kasalanan pa sa'yo si Carmella." Sabat ni Malou sa usapan. "Dumaan dito si Albert 'yong anak ni Aling Pering, nakita ko na abot-tenga ang ngiti ng babaeng 'yan habang nakikipaglandian kay Albert. Siguro boyfriend niya 'yon,"
"Hindi ko boyfriend si Albert," mabilis niyang sagot. "Kaibigan ko lang si Albert, nagmagandang loob lang siya na tulungan ako sa pagbubuhat ng mga pinamili ko sa palengke kanina."
"Boyfriend mo 'yon, ayaw mo pa umamin halata naman!" singit naman ni Ester. Pasimple itong kumindat sa nakatatandang kapatid. "Akala mo hindi namin kayo nakita ni Ate Malou, habang nag-uusap. Ang sweet n'yo pa nga panay ang bulungan n'yo at kurutan. Kaya walang laman ang utak mo kasi puro kalandian ang inaatupag mo."
Gumagawa na naman ng kuwento ang magkapatid para masaktan na naman ng kanilang ina si Carmella.
"Aha! Kaya malakas na ang loob ng luka-lokang ito dahil may nobyo na. Sumasagot-sagot na nga e,"
"Tama ka Mom," sansala ni Malou. "Nasulsulan siguro ng lalaki kaya malakas na ang loob."
"Kung ako sa iyo Mom, pagbabawalan ko ang babaeng ito makipag-usap kahit kanino. Baka hindi natin alam ay sinisiraan na niya pala tayo sa mga kapit-bahay natin."
"Talagang hindi na!" Sabi ng tiya niya. "Kaya siguro ako minamalas sa mga pautang ko dahil tsinitsismis ako ng babaeng ito!" Pinanggigilan ng Tiya Matilda niya ang kanyang singit.
"A-aray ko po! Huwag po, Tiyang!" napapikit siya sa sobrang sakit, tila mapapaknit ang balat niya.
"Kapag napatunayan ko na nobyo mo 'yang si Albert, mapapahiya ka talagang babae ka. Huhubaran kita at ipaparada sa kalsada!"
Naghagikgikan naman ang mga pinsan niya. Natutuwa sila sa tuwing nakikita siyang sinasaktan ng tiya niya.
"Umalis ka na sa harapan ko," taboy sa kanya ng Tiya niya. "Ipagtimpla mo ako ng kape. Hindi ka pa nga natatapos sa obligasyon mo sa akin, gusto mo na kumarengkeng."
Umiiyak na tumalima si Carmella. Kinamot niya ang singit niyang nasaktan.
"Buti nga sa'yo, malandi ka kasi!" lumabi sa kanya si Ester.
"Malandi!" Sabi naman ni Malou. Hindi pa ito nakontento pinatid pa siya at nang mabuwal siya ay sinabunutan siya sa buhok at hinila patungo sa kusina.
KINABUKASAN ay naiwan mag-isa sa bahay si Carmella. Abala siya sa paglalaba nang marinig niyang ang tunog ng doorbell.
"Sandali!" sigaw niya. Gamit ang suot niyang bestida ay pinunasan niya ang basa niyang mga kamay.
Nahagip ng kanyang paningin ang kanyang maliit na salamin na nakapatong sa ibabaw ng washing machine. Kinuha niya ito at tinignan ang kanyang mukha.
Nagmarka sa kanyang pisngi ang sampal ng tiya niya. May sugat din siya sa kanyang leeg na nahagip ng kuko ng tiya niya nang sabunutan ang kanyang buhok. Kaninang umaga ay napagalitan na naman kasi siya ni Tiyang Matilda niya dahil hindi natuyo ang paborito nitong damit pang-simba.
Aktibo sa simbahan ang mag-iina. Mabait sila sa harap ng ibang tao, pero kapag siya na ang kaharap kumukulo na agad ang mga dugo nila sa kanya. Nagtataka nga siya kung bakit hindi sila nasusunog kapag pumapasok sa loob ng simbahan.
Ding dong! Ding dong!
"Nariyan na po!" nagmamadali siyang lumabas sa laundry room. Si Aling Cita ang nakita niya, napansin niya ang dala nitong kulay brown na paper bag. "Kayo po pala, Aling Cita."
Mabilis niyang binuksan ang gate upang patuluyin ang ginang, ngunit tumanggi ito.
"Namumula na naman ang pisngi mo. Sinaktan ka na naman ng tiya mo?"
Tumango siya.
"Hay, naku, Carmella! Hindi na natapos ang kalbaryo mo sa mag-iina na 'yan." Naaawang turan ni Aling Cita. "Huwag ka na manilbihan sa kanila. Wala naman nakukulong dahil sa utang. Iyon lang naman ang dahilan mo kaya ka hindi makaalis sa poder ng tiya mo."
"Lagi ko po naiisip iyon Aling Cita," malumanay niyang sagot. "Wala po akong pera dahil hindi naman ako pinapasahod ni tiyang. Hindi ko rin po alam kung saan ako pupunta, wala naman po akong ibang kakilala na kamag-anak ni Inay maliban kay Tiya Matilda."
"Kung pera ay madali lang, Carmella. May savings ako na puwede ko ipahiram sayo, bayaran mo nalang kapag nakaluwag-luwag ka na."
Tinignan niya si Aling Cita. Nakakaawa naman kung tatanggapin niya ang tulong na inaalok nito. Matanda na si Aling Cita at umaasa lang ito sa pension niya bilang senior citizen.
"Salamat po, Aling Cita. Gagawa nalang po ako ng paraan para magkaroon ng pera at makatakas sa kanila." Sabi niya.
Tumango si Aling Cita.
"Tanggapin mo ito," ibinigay sa kanya ni Aling Pacing ang paper bag na dala nito.
"Ano po ito?" tanong niya ng tanggapin iyon.
"Bumili kasi ako ng tinapay diyan sa bakery sa kanto. Ibinili na din kita at baka hindi ka pa nakakapag-almusal."
"Naku, Aling Cita, nag-abala pa kayo. Iuwi mo nalang po ang tinapay na ito dahil higit na kailangan mo ng pagkain. May utang pa nga po ako na dalawang libong piso sa'yo."
"Hindi utang iyon, Carmella. Bigay ko sayo ang pera na iyon." Nakangiting sabi ng matanda. "Huwag mo akong alalahanin dahil nakakaraos naman ako."
Napahigpit ang hawak niya sa paper bag. Kanina pa nga kumakalam ang kanyang sikmura dahil hindi siya pinakain ng kanyang tiya dahil nagalit ito sa kanya.
"Maraming salamat po, Aling Cita. Napakabuti mo po sa akin kahit hindi mo naman ako kadugo," parang gusto niyang umiyak ngunit pinigil n'ya ang sarili baka lalong maawa pa sa kanya ang matanda. "Tatanggapin ko po itong tinapay. Huwag po kayo mag-alala, darating din ang panahon na makakaganti ako sa kabutihan mo sa akin."

Book Comment (1091)

  • avatar
    Vy My

    Thật tuyệt vời tôi cảm thấy vui sướng và hạnh phúc khi biết nó và tôi xem đọc suốt ngày mà không thấy chán

    27/12/2021

      1
  • avatar
    VillaflorCeline

    I've read alot of fiction books before but this one hits different. Fantastic work,author! Keep up the good work!

    21/12/2021

      1
  • avatar
    BALILIMAYLYN

    IM AM A FAN OF LOCAL PILIPINOS WRITERS...AND THANK U MISS CORA VARGAS IM REALLY ENJOY READING THIS"UNCONDITIONAL LOVE" talaga namang langit at lupa Ang pagitan at Ang daming hadlang ,kapag love Ang PAG.uusapan talagang gawin Ang lahat Makita at makasama lang Ang minanahal..♥️♥️ thumps up sayo writers👍👍 nabitin ako sa love story ni Kristine and Ely sa Isang island at nandon Ang kontrabidang si Raphael Sana mabasa ko Sila sa susunod na mga book story mo at isa ako na mag,aabang sa mga rules nla

    20/12/2021

      3
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters