Dahil sa mga balitang natanggap namin kagabi ay hindi ako gaanong nakatulog. Ang daming bagay ang bumabagabag sa akin, magmula kay Paubari hanggang sa mga kababaihan na bihag. Mabuti na lamang ay masarap ang tulog ni Suklang Malayon kung kaya't hindi niya pansin ang pagka-aligaga ko. Tatayo, hihiga at muling tatayo. Hindi ko alam ang pakiramdam, nais kong may gawin. Ayokong maiwan dito sa loob habang ang ibang kababaihan ay tumatangis sa lugar na kanilang kinaroroonan ngayon. Sa huling pagtayo ko ay hindi na ako muking bumalik sa paghinga. Kumuha ako ng tela upang isaklob sa aking ulo. Pasikat pa lamang ang haring araw kung kaya't alam kong wala pang gaanong tao sa labas. Maingay akong bumaba mula sa bintana na walang iniiwang bakas. Malakas ang pakiramdam at pandinig ni ama kung kaya't maling hakbang o tunog lamang ay mahuhuli niya ako. Kusang katawan ko na ang nagdidikta ng nais kong gawin. Hindi ko man ugali ang pagtakas ngunit kailangan ko itong gawin upang makatulong. Kailangan kong maging bihasa sa pakikipaglaban upang sa oras na kailangan ay handa ako. Handa akong ipaglaban ang sarili ko at ang mga taong nasa paligid ko. Naging matagumpay ang pagtakas ko ng hindi nalalaman ni ama o nino man. Madilim pa kung kaya't mas madali akong makapagtago sa mga puno mula sa mga naggagalang bantay. Kumawala ako ng isang malalim na paghinga matapos muntikang mahuli ng ilang mga bagani. Dumungaw ako upang tingnan ang kanilang ginagawa. May mga dala silang sulo at sibat. Kaya pala ganoon kadaling makatakas sa aming tahanan ay wala si ama. Kasama niya ang ibang mga bagani kasama nito maging si Paubari na maganda ang tindig. Muli ko na namang naalala ang usapan ng mga bagani na nasa balangay. Hindi rin siya nagpakita sa akin kahapon. Marahil ay hindi na nga siya sabik sa akin at sa iba na tumitibok ang kaniyang puso. Iniisip ko pa lamang kung paano siya ngumiti at tumingin sa babaeng iyon ay galit ang nadarama ko. Naiisip ko rin ang mga maaring pangako na kaniyang ibinibigay roon. Lahat ng kaniyang pangako, marahil sa babaeng iyon na niya tutuparin. Tumalikod ako at napasandal sa puno. Piniil ko ang aking ulo doon habang nakapikit. Naninibigho ang damdamin ko ngayon, alam ko sa sarili ko na kapag ang galit na ito ay hindi ko nailabas ay tuluyan akong nasisiraan ng bait. Agad akong tumakbo patungo sa kakahuyan papunta sa ilog kung saan ko itinago ang pana. Kasabay ng hangin na sumasalubong sa mukha ko ang mga luhang tumutulo pababa sa pisngi ko. Ang pagtangis na ito ay may halong galit, lungkot at pagkalito. Hindi ko man batid kung ano ang mas malakas pero lahat pa rin ito ay ng dahil kay Paubari. Kung kailan alam ko sa sarili kong mahal na mahal ko na siya ay saka niya naisip na iwan ako. Hingal akong napahinto at napasandal sa malaking puno. Nakasandal ako habang paupo at pilit hinahabol ang hangin. Nagpunas muna ako ng luha at kinapa ang pana. Isinukbit ko ito bago tumayo. Mabigat ang paghinga ko at rinig ito sa paligid. Handa na akong lumakad palayo ng makarinig ako ng ingay na nagmula sa tubig. Hindi lamang ito basta ingay mula sa hayop, mabigat ang bawat yapak kung kaya't alam kong tao iyon. Nanatili akong nakatayo habang pinapakiramdaman ang paligid. Hindi lamang siya isa, sa bigat ng pakiramdam ng paligid ay nasa higit lima sila. Iginala ko ang aking paningin sa magkabila kong gilid kahit hindi gumagalaw ang ulo. Nawala ang ingay mula sa tubig na pinalitan naman ng ingay na mula sa mga tuyong dahon. Napangiwi ang labi ko dahil sa puntong ito ay alam ko kung nasaan ang mga ito. Ang hangin ang mismong nagturo kung nasaan sila, sa bawat ingay na ginagawa ng mga punong nasa paligid ay alam ko kung saan banda ang mga ito. Marahan kong kimuha ang tela na nakapatong sa ulo ko at pinunit ito na nagbigay ingay sa paligid. Habang hindi umaalis sa kinatatayuan ko ay itinali ko ito sa aking ulo gaya ng mga nasa bagani at kay ama. Pakiwari ko ay nag-aabang lamang sila ng isa kong galaw upang umatake. Ang kaninang galit ko ay tila pinapalakas ang higpit ng hawak ko sa palaso. Kasabay ng unti-unting pagliwanag ng paligid ay sinubukan kong ihakbang ang isa kong paa, mula roon ay naramdaman ako ang paglakad ng ilan sa kanila. Muli kong inayos ang hawak sa pana. Mas magaan na itong hilahin kumpara sa pagsasanay ko kahapon at tila sanay na ang kamay at katawan kong gumamit nito. Mabilis akong humakbang at mula sa ikalawang hakbang ay tumalikod ako. Itinaas ko ang pana at pinaliit ang mata. Bago pa siya tuluyang makalabas at binitawan ko na ito dahilan ng pagtama ng ulo ng palaso sa kaniyang leeg. Hindi man ganoon kaliwanag ang paligid ay nakita ko ang pagbagsak nito. Mabilis kong kinuha ang isa pang palaso at agad na binitawan sa gawing kanan. Narinig ko rin ang pagdaing nito. Inilihis ko ang isa kong binti at iniluhod ang isang tuhod at muling pinakawalan ang pana na tumama sa dibdib ng nasa gawing kaliwa. Sunod-sunod ang pakawala ko ng pana na wala ni isa ang pinakawalan sa kanila. Alam na alam ng katawan ko kung saan ko dapat ito pakawalan. Kasabay ng bawat pagsayaw ng hangin sa buhok ko ang tila pagsayaw ko sa mga bitaw ng panang tumatama sa kanila. Iba ang pakiramdam na ito. Tila ang mga palaso ay kaugnay ng aking buhay, damang-dama ito ng katawan ko at parang may sariling buhay sa kung paano ko nais itama sa mga kalaban. Natutuwa ako sa bawat pag-ikot ko at pagbitaw ng palaso, lalo na sa mga pagdaing nila. Ano ang pakiramdam na ito? Ganito pala talaga kasarap maging isang malakas. Ngayon alam ko na ang nararamdaman ni ama sa tuwing nakikipag laban siya. Ngayong nasubukan ko na. Alam kong hindi ko na kailan man kayang bitawan ito lalo na't karugtong na ito ng aking kaluluwa. Mabilis akong umikot matapos ang lahat. Habol man ang paghinga ay natuwa akong makita ang mga walang buhay na kalaban. Paikot sila sa akin ngunit wala ni isa sa kanila ang nakalapit dahil sa kinatatayuan pa lamang nila ay tinapos ko na ang kanilang buhay. Lumapit ako sa kanila isa-isa upang bunutin ang mga palaso. Ramdam ko ang mga lamang nilamon ng makamandag na palaso sa tuwing hihilahin ko ito sa kanilang katawan. Sa isang lalaking nakadapa ay inuluhod ko ang isa kong tuhod upang iharap ito ng higa ngunit sa pagbagsak ng kaniyang katawan ang isang ingay na gawa ng tila may nahulog sa puno. Mabilis akong napatayo at kumuha ng palaso. Palapit pa lamang ako rito ng marinig ko ang pagtakbo nito na parang nadarapa pa. Kaya ko siyang patayin kaagad upang hindi na makaalis ngunit hinayaan ko siya upang maihatid ang balita ng pagtapos ng isang babae sa higit limang kalaban. Aalis na sana ako ngunit naisipan kong dalhin sila kay ama upang ipagmalaki ang aking nagawa. Gamit ang natirang tela ay tinali ko sila upang mabilis kong mahila. Wala na silang buhay kung kaya't hindi na nila ramdam ang hapdi ng pagkaladkad ko sa kanila palabas. Rinig ko ang kaluskos na dulot ng paghila ko sa kanila, ang pagtama nila sa mga ugat ng puno. Tama lang ito sa kanila, masyado nilang minaliit ang kaya kong gawin. Mabuti na lamang at dito ko naibuhos ang lahat ng galit ko kay Paubari. Maliwanag na ang paligid at may iilang tao na ang nasa labas. Tanaw ko ang gulat sa kanilang mga mata habang nakikitang papalapit ako. Ang ilan ay napapatakip pa ng kanilang bibig sa kanilang natutunghayan. May ilang talsik ng dugo ang balat ko buhat ng pagkuha ng mga palaso sa kanilang katawan. Kusang humahawi sila sa aking dinaraanan hanggang makarating ako sa sentro ng aming balwarte kung saan may kausap si ama at tila abala sila sa pag-iisip ng paraan kung paano nila malalaman kung sino ang mga patagong sumasalakay. Napahinto ako ng tuluyan akong makarating sa likod ni ama. Nakita ko rin ang gulat ng mga bagani na titig sa mga dala ko. Kahit si Paubari ay may halong gulat at pag-aalala. Ilang saglit pa ay humarap na rin si ama nang lahat na ng mga bagani ay halos magtulakan upang makita lamang ito. Nagsimula ang bulungan sa paligid ang ilan ay galit, pagtataka ang ilan ay pinag-uusapan ang tungkol sa akin at sa hula ng punong babaylan noon. "Ama, nawa'y tanggapin mo ang alay ko upang iyo lamang akong pahintulutan na maging bihasa sa paggamit ng pana." Lumihis ako upang tuluyan niyang makita ang mga kalaban, na kung alam lamang niya ay wala akong kahirap-hirap tapusin. Minasdan ko ang mukha ni ama na hindi manlang nabigla sa kaniyang natunghayan at tila alam pa niyang mangyayari ang bagay na ito. "Galing nga sila sa ibang balwarte mahal na Datu." Panunuri ni Mabu. "Ikaw ba ang tumapos sa lahat ng iyan?" Pamamangha ni Lumad, hinarap ko siya at tumango. "May sugat ka ba? Nais mo ba na–" Hindi na siya natapos sa pagsasalita matapos siyang hawiin ni Paubari. Hinawakan niya ako sa magkabilang balikat upang maiharap sa kaniya. "May masakit ba sa iyo?" Pag-aalalang tanong nito habang sinusuri ang bawat parteng kaniyang nakikita. Matapos nito ay muli niyang ibinaling ang tingin sa akin mga mata. Narito na naman ang kaniyang mata na tila inaakit ako. Bakas man ang pag-aalala ngunit mas nangingibabaw ang pagsusumamo. "Huwag kang umakto na tila may pakialam ka sa akin," saad ko rito na pilit tinatanggal ang kamay niyang nakakapit sa akin, ngunit mas lalo niya itong hinigit. "Ano ba ang iyong sinasabi?" Bakit ganiyan ka, Paubari? Bakit parang wala kang alam? Ilang beses mo bang balak na magpanggap na ako pa rin? Kung maaari ko lang iyang sabihin sa kaniya ngayon ay tiyak idinuldol ko pa sa kaniya ngunit hindi ito ang tamang lugar para dito. "Ano bang problema, Alunsina?" Inilihis ko ang mga mata ko upang huwag siyang makita. "Alunsina!" Pagpupumilit nitong tingnan ko siya sa mata ngunit hindi ko ginawa. "Hindi rito ang tamang lugar." Matapos ko itong sabihin ay hindi pa rin ako makatingin sa kaniya at sa wakas ay bumitaw na rin siya sa mahigpit na pagkakahawak sa aking magkabilang balikat. Tumalikod ako sa kaniya at muling ibinaling ang tingin kay ama na sinusuri ang bawat isa sa mga napatay ko. "Kung gayoon, kailangan nating bumuo ng isang pangkat upang magbantay sa ating balwarte mula pagsikat, paglubog at muling pagsikat ng araw sa silangan,” panimula ni ama. "Nais kong maging kabilang sa mga iyon ama." Napatingin ang lahat sa akin matapos ko itong sabihin. Muling tumingin sa akin si ama at tumagos ang tingin sa panang nakasukbit sa aking likuran. "Kung iyan ang iyong nais." Halos walang pagsidlan ang tuwa ko ng marinig ito. Walang tanong o kahit anong pag-aalala ang nanggaling kay ama. Marahil ay sa kaniyang nakita na kaya kong gawin ito. Tumingin ako kay Paubari na mukhang hindi payag sa nais ni ama. Tinaasan ko siya ng kilay bilang tanda na kahit masaya ako ngayon ay galit pa rin ako sa kaniya. Pinabalik ako ni ama sa aming tahanan upang magpalit ng kasuotan, hindi naman makasunod si Paubari dahil may iniutos si ama sa kaniya na dapat nilang gawin sa mga napaslang ko. Sadyang nakikiayon na ang tadhana sa akin. Galak na galak akong nagtungo sa aming tahanan at masayang ibinalita kay Suklang Malayon ang ginawa ko. "Talaga? Ngunit bakit ganoon? Kahapon lamang ay hindi mo magawang itama ang bawat palaso?" Pagtatakang tanong nito. "Iyon nga rin ang aking ipinagtataka." Sa pagkakaalam ko ay kusang katawan ko na ang gumagalaw at ako ang kusang pinapasunod ng palaso. "Kung ganoong pumayag na si ama, maaari na natin siyang gawin ngayon sa ating bakuran," saad nitong may mahinang pagtalon. Tama siya, maaari na namin itong gawin sa likod ng aming tahanan at hindi na namin kailangan pang magtago. Agad kaming nagtungo sa likod ng aming tahanan, nais daw niyang makita kung paano ko ito ginawa. Muling naglagay si Suklang Malayon ng iilang mga bunga ng prutas sa itaas ng kahoy na nakatayo roon. Inayos ko ang aking tindig, itinaas ko sa hangin ang pana at huminga ng malalim. Niliitan ko ang aking mga mata at pinakawalan ang palaso. Napakunot ang noo ko ng hindi ito tumama. Napaharap ako kay Suklang Malayon na tila dismayado sa kaniyang nakita. "Ano ba iyan? Akala ko ba'y walang sablay?" Napakibit-balikat na lamang ako sa kaniyang tanong at muling nagpakawala ng sunod-sunod na pagbitaw ngunit kahit isa ay wala akong natamaan. "Anong nangyayari?" Laglag balikat kong tanong sa kawalan. Bakit ganito? Samantalang kanina lamang ay walang pinalampas kahit isang palaso, ngayon naman wala ni isa ang tumama? "Hindi kaya't inakala mo lamang na ikaw ang gumawa noon?" Pag-iling ni Suklang Malayon habang tinutulungan akong pulutin ang mga palaso. "Alam ko talaga na ako ang gumawa noon." Pagpupumilit ko sa kaniya dahil halata sa kaniyang mukha ang pagdududa. "Wala ka bang naalala kung ano ang iyong ginawa?" tanong niya sa mababang tono ng boses. "Ang naalala ko lang ay nagtungo ako roon dahil galit ako kay Paubari." "Baka marahil kapag naiinis ka ay doon lumalabas ang iyong galing?" Napaisip ako sa kaniyang sinabi. Marahil iyon ang dahilan kung kaya't mabilis kong naubos ang mga kalaban. "Isipin mong galit ka ngayon kay Paubari–" Hindi niya natapos ang kaniyang sasabihin ng biglang dumating si Paubari sa aming gilid. "Alunsina, maari ba tayong mag-usap?" Pagpilit nito. Umikot ako upang magpanggap na hindi ko siya nakikita. Gustuhin ko mang pansinin siya ay naiisip ko ang kaniyang ginagawang pakikipag mabutihan sa iba. "Ano ba ang mali?" Muling harang niya sa akin. Hinawakan niya ako sa balikat upang iharap sa kaniya, pinilit kong ihawi ang aking ulo ngunit hindi niya ito pinayagan. Hinawakan niya ako sa magkabilang pisngi upang maiharap sa kaniya. Mapilit siya ngunit hindi pa rin ako tumitingin sa mga mapang-akit niyang mata. Alam kong sa oras na magtama ang aming mga mata ay hindi na ako magagalit sa kaniya. "Ano ba ang nais mong gawin ko upang pakinggan mo ako?" "Nag-aaral sa paggamit ng pana si Alunsina. Sa aking palagay, upang makausap ka niya ay maari mo bang hawakan ang isang prutas at ilagay sa iyong ulo?" Parehas pa kaming napatingin kay Suklang Malayon na walang muwang sa kaniyang sinasabi. "Ano ka ba? Hindi pa ako ganoong sanay sa–“ "Gagawin ko. Basta't ipangako mong kakausapin mo na ako matapos nito?" Pipigilan ko pa sana siya ngunit mabilis siyang nagtungo sa malayo upang gawin ang nais ni Suklang Malayon. "Gawin mo na!" sigaw na utos nito. Napalunok ako dahil sa pakiramdam ng panunuyo ng aking lalamunan. Humarap ako kay Suklang Malayon na pakiwari ay kayang-kaya kong gawin iyon. "Ano pang hinihintay mo?" tanong nito na ngayon ay sa akin na ang tingin. "Hindi ko ito kaya." May pag-aalinlangan akong tumingin kay Paubari na tila hindi mababakas ang pag-aalala o takot manlang para sa kaniyang buhay. "Isipin mo na lang kung anong ginawa sa iyo ni Paubari. Sa aking nalaman, sadyang maganda ang babaeng iyon dahil nagmula rin siya sa maharlikang pamilya. Sa tingin ko'y hindi na sa iyo tutok ang mga mata ni Paubari." Agad na nanikip ang aking dibdib natapos itong marinig mula kay Suklang Malayon at tila nagliliyab rin ang aking tainga. "Ayos lamang ba sa iyo? Alam kong mahal mo siya ngunit paano kung hindi na ikaw ang nais niya? Kawawa ka naman aking kapatid, ang lalaking mahal mo magmula ng tayo ay mga bata pa, ay may minamahal ng iba." Nangingit ang aking mga ngipit at mabilis na itinaas sa aking harapan ang pana at itinutok kay Paubari. Nanginginig ang mga kamay ko. Tagaktak ang pawis at nanunuyong lalamunan. Matilim ang mga mata kong nakatingin kay Paubari. "Paano kung iyong bago na ang nais niyang makasama hanggang sa dulo ng kaniyang buhay? Paano ka na Alunsina?" bulong nito sa akin na lalong nagpaalab ng damdamin ko. "Magiging isa ka na lamang parte ng nakaraan niya, isang babaeng hindi pinili." Lumunok pa ako bago tuluyang binitawan ang palaso. Bumagal ang galaw ng paligid habang tutok akong nakatingin kay Paubari. Nakita ko ang pagtakip ng bibig ni Suklang Malayon habang tutok ang tingin sa harap. Patuloy ang paglagablab ng inis ko sa mga narinig ko kung kaya't halos mabali ang palaso sa higpit ng hawak ko. Napapikit pa si Paubari sa malakas na hangin na dumampi sa kaniyang mukha dala ng palasong tumama sa prutas at agad na dumikit sa punong nasa likod niya. Hinangin rin ang kaniyang mahabang buhok. "Nagawa mo!" Masayang saad ni Suklang Malayon na mahina ang pagtalon. Nanatili ang talim ng tingin ko kay Paubari habang dahan-dahan ang pagdilat nito. Nais kong umiwas sa mga mata nitong mapang-akit ngunit huli na ang lahat, muli akong nakulong nito. Ang alab ng galit ko sa kaniya ay tila pinapahupa nito. Dahan-dahan siyang papalapit sa akin habang ang kaniyang mahabang buhok ay hinagangin patalikod. "Kailangan ko na atang umalis," saad ni Suklang Malayon at naramdaman kong mabilis siyang tumakbo palayo. Nanatili ang mga mata namin ni Paubari na magkatinginan at tila wala ni isa sa amin ang gustong kumawala. Hindi ito tama. Dapat ay galit ako sa kaniyang mga ginawa, ngunit bakit tila ayaw magalit ng puso ko? Ilang beses ang pagkurap na aking ginawa, noong sa aking harap ay siya ng nakalapit. May kung anong pagwawala na ang nararamdaman ko sa aking tiyan. "Maaari na ba kitang makausap?" Mahinahong tanong nito na ang mga mata niya ay ayaw akong pakawalan. "Bakit hindi ka umalis kaagad? Gayoong alam mong hindi ako ganoon kabihasa sa paggamit ng pana?" Ang akala ko kaniya ay aalis siya sa oras na bumitaw ako sa palaso ngunit hindi niya ito ginawa. Ni hindi ko siya nakitaan ng pag-aalala na hindi ko magagawa. "Dahil may tiwala ako sa iyo." Mabilis na sagot nito. "May tiwala akong kahit anong mangyari ay hindi mo ako hahayaang masaktan. Ganoon kita kamahal, kahit ang buhay ko ay kaya kong ipagkatiwala sa iyong mga kamay." Agad na namuo ang mga luha sa aking mga mata dahil sa aking mga narinig. Bakit nga ba ako nagduda sa kaniya sa mga sabi-sabi ng iba? Hindi ba sapat ang pagmamahal ko sa kaniya upang hindi siya pagkatiwalaan? "Patawad kung ako ang unang nagduda sa iyo." Suminghap ko dahil sa ilang luha na ang bumagsak sa aking mga mata. "Ano pa ba ang kailangan kong patunayan sa iyo upang maniwala ka na kahit anong mangyari ay ikaw lamang ang minamahal ko?" "Bakit hindi mo ako pinuntahan kahapon at sino ang babaeng naririnig ko sa mga bagani?" "Ang babaeng iyon ay wala lamang. Sumaglit lamang sila at hindi ako ang kaniyang pakay, kung hindi si Ama. Nagtungo ako rito ngunit nabalita kong nasa pulo ka nina Datu Mangal. Labis ang pananabik ko sa iyo kung kaya't naghintay ako hanggang sa ikaw ay dumating, ngunit nabulabog ako ni Mayari. Kasama ako sa mga nagtungo ng batis at nagbakasakali na maabutan namin ang mga sumalakay." Mahabang paliwanag nito habang ang mga mata niya ay nagsusumamo. Kumawala ako ng malalim na paghinga bago inayos ang tindig at inayos ang aking buhok. "Hindi pa rin ba buo ang tiwala mo sa akin? Ano bang nais mo upang maniwala ka na kahit anong mangyari ay ikaw lamang ang pipiliin ko?" Napapikit ako dahil hindi ko nais makita ang pagsusumamo ng mga mata niya. "May tiwala ako sa iyo ngunit nasasaktan ako sa mga maaaring mangyari. Paano kung mas maganda siya sa akin? Paano kung ang lahat ng hindi mo makita sa akin ay nasa kaniya? Paano ako?" Ngayon ay siya naman ang kumawala ng malalim na paghinga. Bumitaw siya ng hawak sa aking mukha ay hinawakan ako sa kamay. "Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na walang sino man ang kaya kang higitan? Walang mali o walang kulang akong nakikita sa iyo. Huwag mong isipin na papalitan kita at pipili ng iba," saad nito mula sa kaniyang malumanay na boses. Tama siya, dapat akong magtiwala sa pagmamahal niya katulad ng kung paano siya nagtitiwala sa akin. Dapat ay mas higit ang pagkakakilala ko sa kaniya kumpara sa kung ano ang mga naririnig ko. Mahal ko siya at alam kong mahal niya ako. Dapat akong maniwala na hindi ganoon kabilis magbabago ang tibok ng kaniyang puso. Matapos ang aming pag-uusap ay nagpasya kaming siya na ang magturo sa akin upang maging mas bihasa pa sa paggamit ng pana. Sa ngayon ay may iilan na ang natatamaan ko. Hindi na rin bumalik si Suklang Malayon, sa pakiwari ko ay magkasama na sila ngayon ni Mabu. "Sa iyong palagay, saan natin maaaring makita ang mga bihag?" tanong ko sa kaniya habang tutok ang mata sa prutas na aking puntirya. "Sa pakiwari namin ay maaring ipangangalakal sila upang gawing alipin. Gumagawa kami ng ilang hakbang upang alamin kung saan sila maaring dalhin." Matapos kong bitawan ang palaso ay humarap ako sa kaniya. "Nais kong sumama sa hakbang na inyong gagawin." "Nais ko mang tumanggi, ngunit ang mahal na Datu na ang nagpasyang payagan ka." Marahan akong natawa sa kaniyang sinabi. Alam nga talaga niyang kahit anong sabihin niya ay susuwayin ko ito lalo na kung sa ganitong bagay. "Basta't lagi akong nasa tabi mo, kailangan muna nila akong mapaslang bago ka nila masaktan." Ito na naman ang kaniyang mga tingin at ngiti na akala mo'y palaging nagbibiro. "Tulungan mo na lang kaya akong maging bihasa upang walang kayang manakit sa akin at makaya kong ipagtanggol ka." Paghahamon ko rito at muling itinaas ang pana. Nawala ang ngiti sa mga labi ko matapos nitong hawakan ang magkabilang kamay ko upang ituro ang tamang paghawak ng pana. Napalunok pa ako ng magdikit ang aming pisngi, nais kong lumayo sa kaniya ngunit nakulong na ako ng mga braso niya. "Dapat lamang ay alam mo kung saan mo nais ipatama ang palaso, pakiramdaman mo ang bawat galaw ng paligid. Pakinggan mo ang sinasabi ng hangin upang sa pagbitaw mo ay magkasundo kayo." Matapos niya itong sabihin ay binitawan ko ang palaso. Napalunok pa ako dahil sa panunuyo ng lalamunan ko, mabilis rin ang tibok ng puso ko at tila pati ang mga palad ko ay nagpapawis. "Sapul!" Masiglang saad nito. Nilingon ko siya at ganoon din naman ang ginawa niya. Tila isang tulak lamang ng hangin ay magdidikit na ang aming mga labi. Nawala ang ngiti sa kaniyang mga labi at tila sinuri ang buo kong mukha papunta sa tila nanginginig kong labi. Muli akong napalunok ng bumaling ang mapang-akit nitong mata sa mga mata ko. Ramdam ko ang unti-unti niyang paglapit sa akin. Marahan akong pumikit upang damahin ang kaniyang labing malapit na sa aking labi ngunit naputol ito dahil sa isang boses na aming narinig. "Naging maayos ba ang pagsasanay?" Agad kaming kumawala sa isa't isa matapos marinig ang boses ni ama na nasa aming likuran lang pala. Umayos kami ng tindig at muli kong sinubukan kumawala ng pana ngunit nanginginig ang aking mga kamay ko, kung kaya't nagpageywang-geywang ito sa hangin at kung saan na lamang tumama. Dalawang beses ko itong ginawa ngunit ganoon pa rin ang nangyari. Hindi ako mapakali dahil sa kaba. Marahil ay ganoon rin si Paubari dahil tila naging bato siya sa aking tabi lalo na nang tumabi sa amin si ama. "Mukhang pagod ka na, ipahinga mo muna ang iyong sarili sapagkat hindi mo iyan maipipilit,” utos ni ama ng tila mapansin niya ang pagpalya ng ginagawa ko. "Papasok muna ako sa loob, ama," paalam ko sa kaniya na saglit lang ding tumingin sa mga mapanuring mata nito. Tumagos ang tingin ko kay Paubari na tila takot rin. Matapos kong yumuko ay nagmadali akong tumakbo papasok sa aming silid. Wala roon si Suklang Malayon kung kaya't walang panunuring tanong ang sumalubong. Agad akong humiga at piniig ang aking ulo. Sana'y hindi maging masama ang tingin ni ama sa kaniyang nasilayan kanina. Ano na kaya ang pinag-uusapan nila ama at Paubari ngayon? Kahiya-hiya ang aking ginawa, ngunit may panghihinayang dahil sa pag-udlot ng bagay na iyon.
diamond 1000 uquwqu
17/05/2025
0maganda Ang is turya Ng kuwen to
12/12/2024
05000
30/05/2024
0View All