logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Altamirano's Love Contract

Altamirano's Love Contract

DonyaLoryanna


Kabanata 1

 “NAKU, manong!”
Iyon na lang ang nasabi ni Sunny habang bumababa ng jeep. Nakita niya pa ang pagkadismaya ng mga kasabay niyang pasahero habang bumababa. Hindi lang siya ang nairita sa desisyon ng driver na ibaba sila sa tapat ng Marikina Sports Center kahit na sa may palengke pa dapat sila nito ibababa. Dahilan nito, malapit na lang naman daw ang lalakarin nila. Gustong-gusto niyang hatawin ng sapatos ang kaskaserong driver na ‘yon na makailang beses pang nag-swerve sa kalsada.
Mag-a-alas kwatro na ng hapon ngunit tirik na tirik pa rin ang araw. Halos hindi na nga nakakatulong sa pagsala ng init ang payong na dala niya dahil sa tindi noon. Hindi na rin maipinta ang mukha niya dahil sa gutom.
Wala siyang choice kundi magpalamig ng ulo sa freedom park na pinakalamapit sa lugar na iyon bago pa siya bumuga ng apoy.
“Salamat sa Diyos.”
Kasabay ng pag-upo niya ay ang paghampas ng hangin na nagpabawas ng nararamdaman niyang pagkairita. Tinanggal niya ang sapatos na hiniram niya sa best friend niyang si Jekka dahil kanina pa kumikirot ang sakong niya at hindi nga siya nagkamaling nagkaroon na ng paltos ang mga iyon dahil sa tagal niyang suot. Hindi naman talaga siya fan ng pagsusuot ng tatlong pulgadang sapatos na tulad nito. Ngayon lang na nag-apply siya ng trabaho.
Alas siete nang umalis siya ng bahay dahil sa dalawang kumpanyang naipasa niya ang phone interview. Ngunit ngayong umabot siya sa final interview, sinabihan siya ng mga ito na tatawagan na lang.
Hindi naman siya pinanganak kahapon lang para malaman niya kung ano ang ibig sabihin noon dahil matapos niyang magtapos ng kolehiyo, naghanap agad siya ng trabaho upang makatulong sa pamilya. Nahanap naman siya kahit papaano pero ang lahat ng pinasukan niya ay contractual jobs. Mabuti na lang at nahanap siya ng mga magulang ni Jun sa isang job hunting site dahil naghahanap ang mga ito ng magtu-tutor sa bata.
Awa ng Diyos, malaki naman ang kinikita niya sa dalawang oras niyang pagtulong sa mga assignment, project, pati pag-re-review kapag nalalapit ang mga exam. Ang problema niya nga lang ay wala siyang nakukuhang benefits kahit na tiba-tiba siya sa 13 month pay at bonus.
Pero ngayong nagkasakit ang kanyang ama, hindi na sasapat iyon sa kanila. Halos isang linggo‘t kalahati na rin na hindi pumapasok ang kanyang ama na si Melvin sa pagko-construction dahil sa tuloy-tuloy na pag-ubo nito. Kung magtutuloy-tuloy na ganoon matapos niya itong ipa-check up, paniguradong kailangan niya talagang maghanap ng stable job.
Mas nagalit ang Haring Araw. Mas lalong tumagaktak ang pawis niya. Ramdam niya na rin na basa ang likod niya dahil sa suot na long sleeve polo na hiniram niya rin kay Jekka. Nakatupi na ito hanggang siko pero kung kaya sanang hanggang kilikili niya aabot ang pagtupi ay mas maganda sana.
Kahit ang kulay itim na paldang hapit sa kanyang hita ay nagpapadagdag ng pagkairita niya. Ramdam niyang nagpapawis na ang mga singit niya dahil sa sikip noon. Kung hindi lang sa pag-a-apply ay hindi talaga siya magsusuot ng ganoong damit.
Nag-vibrate ang kanyang tiyan. Kanina pa ‘yon sa byahe at sumasabay pa nga sa beat ng malakas na tugtog ng sasakyan. Napahawak pa siya roon nang maramdaman ang paghilab ng kanyang sikmura. Dumagdag pa ang pagbabalat ng kanyang labi at pagtuyo ng kanyang lalamunan. Kanina pa siya nagugutom at nauuhaw.
Naubos na rin ang biskwit at tubig na kanina niya pa tinitipid. Kaunti lang din ang nakain niya kaninang tanghalian dahil sa oras na naka-schedule ng interview niya.
Napasandal siya sa bakal at natulala. Mayamaya pa‘y narinig niya ang pagtunog ng kanyang cellphone. Si Jekka ang tumatawag kaya agad niya iyong sinagot.
“Wala, hindi ako nakapasa” bungad niya.
“Alam mo, grabe ka. Hindi ko pa tinatanong, may sagot ka na agad,” natatawang sabi nito sa kabilang linya.
“Alam ko naman na ‘yon ang una mong itatanong kaya inunahan na kita.”
“Ano bang nangyari?”
“Non-voice account ang in-apply-an ko pero sa voice account nila ako nilagay. 'Yon, eh 'di nag-panic ako sa mock call. Bagsak. Tatawagan daw nila ako,” kwento niya.
“Baka naman kasi hindi ka talaga para sa pagka-call center. Malay mo naman sa sales ka naman pala magaling.”
“Naku, Jek. Tigilan mo na ako. Naalala mo ba ‘yong pinapabenta ni Aling Mameng noong nakaraang linggo? Halos maging promodizer ako ng cellphone na gusto niyang ibenta pero walang bumili—”
“Eh, galing naman kasi sa nakaw ‘yon!”
“Kahit na. Mag-usap tayo mamaya. Alas siete y media ang uwi ko galing kina Jun. Maghahanap na muna ako ng kakaininan ko dahil kanina pa ako nagugutom, okay? See you later!”
Inunahan niya ito sa pagputol ng tawag.
Luminga-linga siya sa paligid. Dumarami na ang tao sa park kaya tumayo na siya. Napansin niya ang isang convenience store sa kabilang kalye at napangiti siya. Sa wakas, hindi ganoon kalayo ang lalakarin niya para marating ‘yon.
Agad niyang inayos ang mga gamit na inilapag niya sa kanyang tabi. Tinupi niya na rin ang envelop na puno ng resume at inilagay ‘yon sa loob ng bag bago tumayo.
Dire-diretso siyang naglakad. Wala na siyang pakialam kung may mabunggo man siya dahil para siyang hinihipnotismo ng tindahan na ‘yon para magmadali siya.
Nahinto lang siya sa paglalakad nang marinig niya ang matinis na tunog na nanggagaling sa pagpreno ng isang kotseng ilang pulgada lang ang layo sa kanya. Nasa gitna siya ngayon ng pedestrian lane at nakatingin lang sa itim na kotseng nasa harapan niya.
Naghalo ang pagsakit ng sintido niya sa nerbyos at init ng ulo. Naibsan na ang pagiging dragon niya kanina dahil sa init pero mukhang bumabalik na naman ito. Kinuha niya ang sapatos na suot at pinalo ang unahan ng sasakyan.
“Hayop ka! Mapapatay mo pa ako ng wala sa oras! Lintik ‘to! Hindi ka ba marunong huminto kapag may taong naglalakad sa pedestrian lane?!” ubod ng lakas na sigaw nito with matching pamewang pa.
Iniluwa ng isang Bugatii La Voiture Noire ang isang lalaking mahahalata ang matipunong katawan sa kulay puting v-neck shirt na suot nito. Bagay na bagay rin sa lalaki ang suot nitong shades.
Huminto ito sa harap niya at itukod nito ang isang kamay sa harap ng sasakyan malapit sa pinalo niya.
“What the hell did you do?” tanong nito.
Hindi lang pala ito matipuno sa malayuan, napakabago rin nito sa malapitan. Mapanga pa at mapula ang labi—napailing siya.
*Gutom lang ‘yan, Sunny. Gutom lang.*
“Mister, paano ka nagkaroon ng lisensya kung hindi mo alam ang rule kapag may dumadaan sa pedestrian lane?”
Tinaasan niya ito ng kilay kahit na dumudoble na ang paningin niya kasabay ang panginginig ng kanyang mga tuhod.
“Ano, aaminin mo bang mali ka? Halos mapatay mo na ako sa nerbyos! Hindi mo ba alam na—”
Nagtataka na siya kung bakit may nakikita na siyang twinkling stars sa mukha ng lalaki habang kausap niya ito.
“B-bakit...”
Naasar siya sa hindi pag-imik nito kaya naman akma niya sanang lalapitan pa ito pero unti-unti nang binalot ng dilim ang kanyang paningin. Parang nag-shut down ang buong sistema niya at wala siyang magawa roon. 
Bago pa man dumampi ang balat ni Sunny sa napakainit sa kalsada, agad umaksyon ang lalaking kabangayan at sinalo ang lupaypay na katawan nito. Tumingin pa ang lalaki sa paligid bago kinuha ang mga gamit ng babae at sinakay ito sa passenger's seat ng kanyang kotse. Pagpasok niya sa driver’s seat ay hinila niya ang seat belt na nasa kanang bahagi ng babae at kinabit ‘yon.
Napasandal siya habang itinataas ang bintana. Huminga siya nang malalim at tinanggal ang shades. Hindi niya alam kung matutuwa ba siya o kakabahan ngayong kamukha ng babaeng ‘to ang kaklase niya noong high school. Ilang beses niya pa itong pinagkatitigan bago dumapo ang kanyang mga mata sa bag nito.
“Sorry but I am really dead curious about you...”
Dahan-dahan niyang binuksan ang bag nito. Mabuti na lamang at nasa unahan lang ang wallet nito. Binuksan niya iyon at nakita niya ang isang valid ID nito:
Gallardo, Sunny Pelajo
Kahit ang address na nakalagay roon ay alam na alam niya pa rin hanggang ngayon. Tuwang-tuwa siya. Pero bago pa man magising ang babae ay inayos niya na ang gamit nito at nagmaneho na tungo sa pinakamalapit na ospital.
Halos walong taon din silang hindi nagkita nito kaya naiintindihan niya kung hindi siya nito makilala lalo na‘t nakasuot siya ng salamin kanina. Kahit naman siya ay hindi niya nakilala si Sunny kung hindi lang dahil sa palatandaan niyang nunal nito sa labi.
“Hindi ka pa rin nagbabago. Hanggang ngayon, naghahanap ka pa rin ng away,” nakangiting saad niya pa habang pinahaharurot ng sasakyan.
Agad niyang binuhat patungo sa emergency room ang babae. Mabuti na lamang at mayroong bakanteng kama na naroon.
“Ano‘ng nangyari?” tanong ng doktor na lumapit sa kanya.
“Bigla na lang po siyang hinimatay. Maputla din siya kaya pakitingnan, doc.”
Tumango ang doktor at pinalabas na muna siya upang masuri si Sunny. Naupo siya sa waiting area habang nagdadalawang-isip kung tatawagan niya ba si Jekka upang sabihin kung nasaan ito. Ayaw niya pa sanang magpakita kahit na kanino ngayon.
Nakita niyang online ito sa Message Box kaya hindi na siya nag-atubili na tawagan ito.
Mabilis ang kabog ng dibdib niya habang hinihintay niya itong sumagot pero walang sumasagot kahit na nakatatlong subok na siya.
Isang nurse ang lumapit sa kanya na may hawak na clip board.
“Sir, good afternoon po. Kaano-ano po kayo ng pasyente na nasa emergency room?”
“K-kaibigan pero tumatawag na ako sa kanila para sabihin ang nangyari.”
“Okay, sir. Ano po palang pangalan n‘yo?”
Nag-a-alangan siyang ibigay ang pangalan niya dahil ayaw niyang malaman pa ni Sunny ang tungkol sa kanya.
“Pwede bang huwag n’yo nang sabihin sa kanya ang pangalan ko kung sakali na magtanong siya pagkagising?”
“S-sige po...”
“Ako na rin ang magbabayad ng hospital charges niya.” Ibinigay niya ang calling card. “Ako si Rallion...Rallion Altamirano.”

Book Comment (52)

  • avatar
    NesnihanAnnanesnihan Lawan

    hindi nakakasawa basahin

    18d

      0
  • avatar
    Lawrence Maravillia

    good

    10/08

      0
  • avatar
    MacaurogJasmine

    nice story 💓

    05/08

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters