logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 2

Third-person's Point of View
Maaliwalas ang umaga nang magising si Lala kinabukasan. Napakatahimik ng paligid buong magdamag. Walang mga maingay na busina ng sasakyan o bunganga ng kapitbahay. Insekto lang ang maingay at ang huni ng mga panggabing mga hayop na malayang nakagagala sa kakahuyan.
Medyo tinanghali siya ng gising. Napahimhing kahit papaano. Bumawi ng lakas dahil hindi namuyat ang anak nila ni Raven. Di tulad noong nasa mundo sila ng mga tao. Madalas balisa, iyak nang iyak at hindi nila alam kung anong nararamdaman nito dahil hindi nila matanong at hindi pa namam din ito nakapagsasalita.
Bumangon na siya at tinungo ang bintana. Hinawi niya ang makapal na kurtina na naroon na nakakabit nang dumating sila. Inalis niya lang ang makapal na alikabok mula roon kagabi, ngunit balak niyang alisin at nang malabhan.
Malayang nakapasok ang sinag ng araw sa bintana at tumama sa mukha nang natutulog pang mister niya. Dahil nasilaw ay napatakip siya ng mga mata gamit ang kaniyang braso.
Ang kanilang anak ay mahimbing pa rin ang tulog kahit pa mataas na ang araw. Tantiya niya nga ay nasa pasado alas otso na rin nang sandaling iyon at nakapagtataka na tulog pa ang anak nila gayong magkaiba ang oras sa mundo ng mga tao sa mundo kung nasaan sila.
Medyo nangangamba, ngunit sa isip niya ay mas mainam na ganoon para makabawi ito ng pahinga. Nilingon niya ang kaniyang anak, naaliw sa itsura nito. Umbok na umbok kasi ang pisngi. Mamula-mula't bilugan na naipit sa unan dahil nakadapa itong natutulog at nakapihit lamang ang ulo sa gawi niya habang bahagyang nakaawang ang bibig.
"Ang cute talaga ng anak ko," ani Lala sa isip habang pinagmamasdan ang kaniyang anak habang may ngiti sa kaniyang labi.
Nang matuon ang tingin niya kay Raven ay nakita niyang gising na ito. Mas lumawak ang ngiti niyang iyon dahil nahuli niyang kakaiba kung nakatingin ang kaniyang asawa sa kaniya nang mga sandaling iyon.
"Magandang umaga mahal ko," may lambing na bati ni Lala kay Raven.
Mistulang namamalikmata si Raven habang nakatingin sa kaniya. Nakatayo ba naman ito sa bukas na bintana na kay liwanag habang nakasuot ng mahabang puting damit. Magulo pa ang buhok dahil kagigising niya lamang at hindi pa nagawang makapagsuklay o hilamos. Inakala niyang white lady tuloy ito na nagpakita kahit na araw Mabuti na lang at nagsalita ito baka bigla siyang napabalikwas ng bangon at inatake ang white lady gayong kagigising niya lang at medyo magulo pa ang utak.
"Magandang umaga rin sa iyo maganda kong misis," ganti niya rito at natatawa ng bahagya.
"Sinungaling," mahinang sambit ni Lala habang nakanguso. Nakita niya kasing parang natatawa ni Raven nang mabanggit ang magandang misis kaya hindi siya naniwala.
Lumipad siya sa higaan at naupo sa tabi ng kanilang anak. Nasa gitna kasi siya ng kama inilagay ni Raven nang dumating sila at hindi na nila inilipat dahil baka magising pa at hindi na sila pareho makatutulog dahil babantayan na lang nila ang bata. Kaya sa parehong gilid na lamang silang pumwesto.
"Hindi ako nagsisinungaling ano. Hindi mo lang nakikita kung gaano ka kaganda, mahal ko," pagngungumbinsi ni Raven kay Lala.
"May mata kaya ako. Paanong hindi ko kita? Alam ko itsura ko sa salamin" pamimilosopo naman nito at halatang inis.
"Hay naku! Um-oo ka na lang kasi," pilit ni Raven sa kaniya.
Madalas kasing sabihin ni Lala na tumaba na siya at nagmukhang nanay sa pagkalipas ng halos anim na taon nang magkasama sila. Isang bagay na ayaw sang-ayunan ni Raven dahil hindi naman totoong pumangit ang asawa.
Oo, baghaya itong tumaba ngunit ito'y nakadagdag lamang ng ganda ng asawa dahil nagkaroon ng laman ang katawan nito di gaya noon na balingkinitan ito't sa iba'y payat na payat siya sa mga mata nila. Higit noong ipinaglilihi nito ang panganay nilang anak dahil sa kung ano-anong mga pagkain ang hinahanap at hindi makakain nang husto.
"Ewan sa iyo! Naging mambobola ka na simula nang magkalapit kayo ni papa," Mula sa naiinis kanina at seryoso ay bigla na lamang itong tumawa. Naalala ang mga kalokohang tinuro ng kan'yang ama kay Raven na ginagawa naman ng utuuto.
"Tawa mo riyan." Nagtatakang sita ni Raven sa asawa na bahagyang nagulat sa pagtawa ng kaniyang ng misis.
"Haha! Paki mo? Basahin mo na lang nasa isip ko. Mahirap mag-explain." Sige pa rin ito sa pagtawa.
"Wala akong abilidad na kagaya ng sa tatay mo kaya huwag mo akong pag-trip-an." Bumangon na si Raven at nagtungo sa banyo. Siya na ang medyo naiinis ngayon.
"Oo nga pala, haha! May naalala lang naman ako." Narinig ni Raven ang sinabi niya bago siya makapasok sa banyo dahilan para mahinto siya sa paghakbang at balingan ito. Nagsalubong ang kilay. Na-curious sa kung anong pinatatawanan ng kaniyang misis tungkol sa kaniya.
"Ano naman ang naalala mo?" usisa niya.
"Naalala ko lang na madali kang mauto," an'ya.
Napangisi si Raven. "Parang sinabi mo na rin na inuto mo lang ako kaya naging asawa mo ako," anito bigla. Pambawi.
"Wow ha! Ako ba nang-uto sa'yo? Ikaw nga itong nang-uto sa akin!" balik ni Lala sa kaniya. Kita ang inis sa mukha.
"Haha! So, inamin mo na rin na ikaw ang utouto?" Malakas na halakhak ni Raven bigla.
Natahimik naman si Lala. Bawing-bawi kasi ang asawa niya. Naisahan nanaman siya.
"Ang ingay mo, natutulog pa si Rio," aniya na lang nang lubayan na siya nito. Epektibo naman. Tuluyan na kasi siyang pumasok sa banyo at iniwan ang naasar na si Lala.
"Siraulo," naibulong na lang niya at tinignan nang masama si Raven na nakatalikod na nang mga sandaling iyon.
NAGTUTUPI NG KUMOT si Lala nang nadinig niya ang mga pagkatok. Agad naalala na babalik ang kanilang Tatay Eros upang magdala ng agahan kagaya ng pangako nito nang nagdaang gabi.. Dali-dali niyang tinapos ang pagtutupi ng hawak na kumot bago mabilis na naglakad papunta sa harap na pinto ng bahay.
Iniwan niya muna sandali ang tulog niyang anak sa silid. Nandoon naman ang kaniyang mister na si Raven. Pagbukas niya ng pinto ay nabungaran niya nga si Eros na may bitbit na dalawang basket na halatang punong-puno ng laman pareho.
Nagningning ang mga mata niya. Napangiti nang kay lapad.
"Napakarami naman po yata niyan 'tay Eros?" aniya at ang ngiti ay hindi nabura sa kaniyang labi.
"Naku! Kaunti lang ito. Mukha lang marami," ani Eros at itinaas pa ang parehong basket na nasa magkabilang kamay niya.
"Tulungan ko na ho kayo," presinta ni Lala.
"H'wag na at medyo may kabigatan ang mga 'to," tangi ng ginoo. Hindi na namilit pa si Lala, binuksan niya na lamang nang husto ang pinto at pinasok si Eros. Dinala na niya diretso sa kusina. Ipinatong sa lamesa ang isang basket at ang isa naman ay sa lababo na niya inilagay.
Binuksan ni Lala ang basket na nasa lamesa at inusisa ang laman. Nakita ang mga sariwang prutas at luto ng mga pagkain na maayos na nakasalansan sa mga lalagyan.
"Ang sarap naman po ng mga ito Tatay Eros!" bulalas ni Lala na takam na takam na tinitignan at nasa loob at kaniya nang inilabas isa-isa. Mas lalong nagningning ang mga matang namimilog at para biglang nagutom sa amoy ng mga putaheng nakikita niya.
"Siyempre naman! Masarap talaga lahat 'yan. Sariwa ang isda, ang mga na iniluto ko. May mga prutas din akong dala. Maaga akong namitas at namingwit para makakain kayo nina Raven ng mga pagkaing galing dito. Alam kong na-miss ninyo rin ang mga luto ko kaya dinamihan ko na," nagagalak nitong saad.
Hindi lang alam ni Lala na masayang-masaya si Eros na bumalik sila sa Celestial World. Parang nabuhayan siya ng dugo at ang puso niyang nanaba sa sayang nararamdaman. Matagal din kasing siya lang doon. Abala lang sa palasyo sa kan'yang mga tungkulin.
"Tama ka r'yan Tiyo. Nakakasawa na ang mga niluluto ni Lala." Biglang sulpot ni Raven. Karga-karga na ang anak na si Rio na kagigising.
Napahinto naman sa ginagawa si Eros at mabilis na pinunasan ang kamay nang makita silang mag-ama.
"Naku! Ang apo ko!" Galak na galak makita ang bata at nilapitan niya ito at sinubukang kunin ang kay Raven. Hindi niya kasi nagawang makarga nang dumating sila dahil tulog at ngayong gising ay tuwang-tuwa siya nang magpakarga ito sa kaniya nang walang pagdadalawang isip.
Tinignan lang siya nang mabilisan at inabot din ang mga braso upang magpakuha.
"Naku! Matatanggay pala itong anak niyo. Napakabilis sumama," natatawang wika ni Eros.
"Hindi po Tatay Eros. Ngayon lang ganyan 'yan. Alam niya po siguro na mabait kang tao kaya mabilis siyang sumama," paliwanag ni Lala.
"Gano'n ba? Mabuti kung ganoon." Sinubukan niyang kilitiin ang bata at humagikgik naman ito.
Dalawang taon na ang anak nila at bibong bata. Hindi alagain. Kapag wala siyang kalaro ay naglalaro siyang mag-isa. Hindi siya gaya ng iba na madalas may tantrums, pero nitong huli ay madalas iyak nang iyak dahil may nararamdaman at sensitive masyado ang likod niya kaya maingat silang mag-asawa kapag binubuhat ang anak pero nangyong nilalaro siya ni Eros ay para bang wala na itong nararamdamang masakit sa katawan niya.l
"May dala rin akong mga sariwang isda para sa tanghalian at hapunan na rin. May karne din ng kambing na binilad. Sabihin niyo lang kung ano gusto niyo para sa tanghalian at iluluto ko ha," ani Eros sa kanila.
Agad namang tinungo ni Raven ang basket na nasa lababo at sinilip ang laman. Humihinga pa ang isdang nasa loob at muntik nang tumalon palabas.
"Ako na lang po magluluto, tiiyo. Masarap po iihaw 'to, " suhestiyon ni Raven.
"Masarap nga 'yan iihaw," segunda ni Lala.
Sabay-sabay silang nag-agahan at sa kalagitnaan ng pagkain ay nagtanong si Eros. "Anong plano niyo ngayong araw?" Nagkatinginan ang mag-asawa at parehong napaisip.
"Mag-aayos po muna kami ng bahay at mga paligid ng kabahayan," sagot ni Raven dahil 'yan ang napag-usapan nila kagabi.
"Kung may gagawin kayo, paano naman itong gwapong bata dito?" Sabay tingin sa tinutukoy niyang si Rio.
"Hahayaan na lang po siguro namin siyang maglaro sa loob ng bahay." Si Lala naman ang sumagot.
"Ako na lang muna magbabantay sa kan'ya habang nag-aayos kayo. Baka magkasakit pa sa kapal ng alikabok na kailangang alisin sa buong bahay n'yo," alok ni Eros.
Nagkatinginan ulit ang dalawa. Wala namang umangal. Mukhang ayos lang naman sa misis niya kaya siya na ang sumagot. "Salamat po kung ganoon, tiyo,"
Pagkatapos kumain ay nag-umpisa na silang maglinis. Nagpaalam si Eros na ipapasyal si Rio sa malapit. Babalik na lamang daw sila bago mananghalian at ang una nilang pinuntahan, ang kweba kung saan naroon ang mga Celestial beast.

Book Comment (10)

  • avatar
    TimbolLorna

    nice

    19/06

      0
  • avatar
    LOr Jem

    ghj

    13/06

      0
  • avatar
    SmithJin

    nice story

    19/05

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters