KABANATA 2 Pakurap-kurap pa ako bago ko tuluyang idinilat ang aking mga mata. Iginiya ko pa ang aking paningin at mukhang nasa klinika ako ng iskuwelahan. "Salamat naman at nagising ka rin, pinag-alala mo 'ko ng husto," ani Jeorgie habang nakapamaywang sa aking harapan. Tipid akong ngumiti. Umupo naman ito sa may paanan ko at bahagyang pinisil ang aking kanang braso. "Ano ba talaga ang nangyari sa iyo, Yana?" Napahugot ako ng malalim na hininga at napabangon. Inalalayan naman niya akong makaupo ng maayos. Nahilot ko ang aking sinitido at mariing napakapit ang aking kaliwang kamay sa kama. Nagdadalawang-isip ako kung sasagutin ko ba siya o hindi. "Oy Yana..." pukaw nito sa akin. Nag-angat ako ng aking ulo. "Sa bodega," panimula ko at bahagyang napalunok dahil sa nanunuyot kong lalamunan. "O? Ano namang mayroon doon?" Halata sa mukha nito ang pagkabitin. "Kas—aray!" daing ko at napahimas sa aking balikat na hinampas nito. "Dami mo pang arte, dali na!" Napaismid ako. "May multo sa bodega..." "Ha? Huwag ka nga magbiro riyan. Ni kahit katiting na ganyang tsismis ay wala pa akong narinig na ganyan dito sa lugar na ito Yana," aniya. Malalim akong napahugot ng hininga. "Kung ganoon ay ano iyong nangyari sa akin sa bodega? Alam mo bang hinalikan pa ako ng multong 'yon!" nandidiri ko pang dagdag. Napahagalpak naman nang tawa itong si Jeorgie. "Wow? Nanghahalik na pala ang mga multo ngayon?" Para na siyang mamamatay sa katatawa at napapahawak pa sa tiyan niya. Tinulak ko siya sa sobrang pagkasuya kaya't napatigil ito sa pagtawa. "Patawad naman," aniya at umayos sa pag-upo. "Hindi kasi kapani-paniwala iyang kuwento mo Yana. At saka, baka masesante tayo dahil diyan sa kuwento mo. Alam mo namang bawal 'yan dito," aniya. Napakamot ako sa aking ulo. Oo nga naman, masiyadong napakarelihiyoso ng iskwelahang ito at imposible nga talagang multo iyon. Sa tagal ko nang naninilbihan dito ay ngayon lang naman iyon nangyari sa akin. Nakapagtataka talaga! "Oy..." pukaw ni Jeorgie sa akin. "Oh? Oo na, baka nalipasan lang ako ng gutom. Kape lang kasi ang naging tanghalian ko kanina," sagot ko na lamang. Ayaw ko na ang ipilit pa ang nangyari sa akin kanina sa bodega. Magmumukha lamang akong katawa-tawa kapag ipinilit ko pa. "Mabuti pa nga't magmeryenda muna tayo. Halika na," gayak pa nito sa akin. Bumaba na ako sa kama at tinungo ang opisina ni doktora upang magpasalamat. Matapos ay lumabas na ako ng klinika. Naabutan ko si Jeorgie na kinakausap ang ibang dyanitor. "Jeorgie..." tawag ko rito. Agad naman siyang lumapit sa akin at iniingkis ang kanyang braso sa akin. "Ano na naman ang pinagsasabi mo ro'n sa iba?" usisa ko. "Nako, iyon ba? Siniguro ko lang talaga na walang nakakita sa iyo nang mahimatay ka. Baka kasi mang-usisa na naman ang mga iyon," paliwanag niya. Kinurot ko ang pisngi nito. "Bait talaga nito," ani ko. Ngumuso lang siya at kinabig na ako papunta sa kantina. Habang abala si Jeorgie sa pagbili ay hindi ko maiwasang mapasulyap sa palapag kung saan naroon ang bodega. Namamalik-mata nga lang siguro ako ng mga oras na iyon. Sa pagpaling ko paharap ay may nabunggo ako. Muntik pa akong matumba ngunit wala man lang akong nakuhang paumanhin mula sa nakabunggo sa akin. Nang mag-angat ako ng aking ulo ay laking pagtataka ko't wala namang taong nagawi sa puwesto ko. Napalunok ako at tila kumakabog na naman ng mabilis ang aking puso. "Hoy!" Napaatras ako ng hakbang. "Jeorgie," tanging sambit ko. May bitbit na itong pagkain at bakas sa mukha nito ang pagtataka sa akin. "Ayos ka lang ba?" anito. "Ha? O-oo naman," nag-aalangan ko pang sagot. "Sige," sang-ayon din naman nito at umuna na sa paglakad papunta sa paboritong puwesto namin. Napabuga ako ng hangin. Ano ba talaga ang nabangga ko kanina? Multo? Ngunit wala namang kakayahan ang mga nilalang na iyon na mahawakan ang mga bagay dito sa mundo. Kinikilabutan na ako sa aking mga kuro-kuro. "Yana!" tawag pa sa akin ni Jeorgie at may kasama pa itong pagsenyas sa akin. Lumaki ang pulgada ng bawat hakbang ko upang mabilis akong makalapit sa puwesto niya. Nang umabot ako'y umupo ako sa tabi nito at nagsimula nang kumain. "Balisa ka yata Yana," biglang ani niya. "Dala lang ito ng pagod Jeorgie," sagot ko. "Pagod ka nga ba talaga o sadyang inaalala mo pa rin ang iyong amain." Natigilan ako sa pagsubo at sinulyapan siya ng konti. Bumalik sa akin ang matinding lungkot. Mag-aasawang muli ang aking amain at sa susunod na linggo na darating ang bagong pamilya nito. "Nahihirapan pa rin akong tanggapin ang katotohanang may bagong pamilya na ang itay Jeorgie," wika ko at pinahiran ang nangingilid kong mga luha sa mata. Naramdaman ko ang paglapat ng palad niya sa aking likuran at ang marahang paghagod nito. "Paano ka na niyan Yana? Siguradong problema iyan para sa iyo. Ang balita ko pa nga'y mga sutil daw ang mga anak ng magiging madrasta mo," ani Jeorgie na ikinatango ko rin naman. Hindi naman lingid sa aking kaalaman ang ugali ng mga anak ng madrasta ko. Kahit hindi ko pa man nakikilala ng personal ang mga ito'y marami ng tsismis ang nakarating sa akin. 'Ika nga nila'y may pakpak ang balita. "Mapipilitan akong bumukod Jeorgie. Ayaw ko rin naman ng gulo kaya hangga't maaari ay ako ang iiwas," wika kong muli at mapait na napangiti. "Tutulungan kitang makahanap ng bagong mauupahan Yana," ani Jeorgie. Nginitian ko lamang siya at tahimik na kaming kumain muli ng aming meryenda. Masaya ako't may kaibigan pa rin akong makakapitan. Simula elementarya ay kaibigan ko na si Jeorgie. Kahit na minsan ay kalog ito ngunit lagi ko namang maaasahan sa maraming bagay. Sana nga lang ay huwag masamain ng aking amain ang desisyon kong bumukod.
Thank you
Support the author to bring you wonderful stories
Cost 21 diamonds
Balance: 0 Diamond ∣ 0 Points
Book Comment (22)
Jessica P. Adlaon
ang ganda. mukhang may part 2 ano po kayang title?
ang ganda. mukhang may part 2 ano po kayang title?
13/05/2025
0cause I want to many money
13/05/2025
0sobrang ganda ng kanilang kwento nakakamangha
08/03/2025
0View All