logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Level 6

Kaunti lang ang pumasok sa diyunyor at sinyor class kahit unang araw ngayon ng klase. Sanay na si Saga. Taon-taon ganoon ang nangyayari sa departamento nila. Alam naman kasi nilang walang propesor na pumapasok. Lalo na sa mga major subject. Sa susunod na linggo pa talaga ang simula ng totoong klase. Maliban na lang kung may minor subject sila.
 
Ang magaling na limang binata ay wala rin ng araw na iyon. Hindi na nakapagtataka kung nagtatago sila sa W.
 
Alam niyang walang pasok si Chanise ngayon. Pero hindi niya sigurado kung nasa W ang mga kaklase nito.
 
“Sadge.”
 
Napalingon siya sa kaklaseng si Aurora. Pababa sila ng gusali.
 
“Hindi pa ba magsisimula ang klase?”
 
“Mamayang alas dose pa raw papasok si Sir. Magla-lunch muna kami. Sama ka?”
 
Mas magandang kumain nang maaga kaysa malipasan ng gutom ulit.
 
“Sige. Kunin ko lang iyong bag ko sa loob.” Pumasok siya sa room at kinuha ang gamit.
 
“Tara.”
 
Napansin niyang abala si Cosima sa kung ano sa aparatong hawak nito.
 
“Anong pinapanuod mo?”
 
“Stream.”
 
“Ng ano?”
 
“Ni Shannon.”
 
Kumunot ang noo niya sa narinig na pangalan. Kaya bumagal ang paglalakad niya. Nakasunod lang siya sa likuran ng dalawang babae.
 
“Iyong fourth year student na nanalo ng Mr. CEAFA?”
 
“Oo. Grabe sobrang guwapo talaga niya at ang galing niyang maglaro.”
 
Napatango-tango siya. Ah. Nag-e-streaming sila ng game. Ibig sabihin nasa W sila ngayon.
Nakarating sila sa cafeteria na hindi inaalis ni Cosima ang mga mata sa screen ng phone. Hindi man lang ito nababangga. Matatawag na espisyal na talento iyon.
“Mauna na muna kayong um-order. Hanap lang ako ng table natin.”
 
Hindi pa sila nakasagot ay umalis na si Cosima sa harapan nila. Ewan na lang kung makahanap ito ng mesa nang hindi inaalis ang atensyon sa pinapanuod.
 
“Anong bibilhin mo?” Tiningnan ni Aurora ang mga pagkain na nakahain.
 
Kasamaang-palad, magpa-pasta na lang siya ngayong araw. Puro karne at mamantika kasi iyong karamihan sa menu. Hindi puwede sa kanya.
 
“Piesto pasta lang.”
 
“Masarap ba iyon?”
 
Sino ba ang nasasarapan sa mga kakaibang herbs at spices tulad ng oregano o mint? Si Saga lang yata.
 
“Depende sa kakain. Pero masarap naman siya para sa akin.”
 
“Sige mag-try ako niyan saka rice meal.”
 
Dalawang order ng pasta ang binili niya. Nang matapos sila, hinanap nila kung saan nakaupo si Cosima.
 
“Bili ka na ng pagkain mo,” ani Aurora kay Cosima.
 
“Sandali lang.”
 
Alas diyes pa lang naman. Pero pagdating ng alas onse, siguradong dadami na ang estudyante sa cafeteria.
 
Kung maraming pumasok ngayon sa departamento nila, mas lalo sa ibang kolehiyo. Sa ibang kurso kasi normal na may klase araw-araw. Sa kanila, normal ang walang klase sa araw-araw.
 
Ganoon talaga sa kanila. Nasanay na lang din sila sa ganoong routine. Pumapasok lang sila at nagbabakasakaling may dumating na propesor. Na madalas hindi rin nangyayari. Kaya iyong sinabi ni Aurora na alas dose darating ang propesor nila, baka hindi na mangyari iyon.
 
Hindi nakapagtataka kung kalahati na lang ang maabutan nilang kaklase pagbalik.
 
“May quest ba sila?”
 
“Oo. Thirty minutes lang ito.”
 
“Naglalaro ka rin ba ng mga ganyan, Aurora?” tanong niya bago magsimulang kumain.
 
“Oo. Pero iba-ibang games. Mahilig din kasi sa mmorpg boyfriend ko.”
 
Inilabas niya ang sariling cell phone. “Saan 'yang stream?”
 
Interesado siyang makita kung ano ba ang nilalaro ni Shannon.
 
“YT.”
 
Nagbukas siya ng internet. “Anong channel?”
 
“Shannon Monterozo.”
 
Agad na lumabas ang channel ni Shannon nang i-search niya. May mga lumabas ding recommended video. Nasa pinaka taas ang live streaming nito ngayon. 
 
Iyon ang una niyang tiningnan. Napansin niyang iba ang background sa video nito. Hindi iyon ang pang-apat na palapag ng W.
 
Nasa mahigit dalawampung libo ang nanunuod ng video ngayon. Tapos nasa labing limang libo ang likes. Kung may dislike, iilan lang. Tatlong oras na ang lumipas simula nag mag-stream si Shannon.
 
Grabe, ganito siya kasikat?
 
Ngayon alam na niya kung bakit ang daming tumitingin sa kanila noong papunta sila sa W.
 
Maraming nagkokomento sa live chat. Pero ang pinaka nakakuha ng atensyon niya ay iyong may screen name na Mrs. Soul Monterozo. Halos ito ang sumasagot ng direktang tanong kay Shannon.
 
Monterozo. Hindi naman siguro ito ang mother niya?
 
Ibinaba niya sa mesa ang aparato at nagpatuloy sa pagkain.
 
“Ikaw ba, Sadge, 'di ka naglalaro ng mga mobile games?”
 
Umiling siya kay Aurora. Bihira siyang maglaro, at kung mayroon man, mga offline na stimulation o puzzle. Isa pa, mas madalas na libro ang hawak niya.
 
“Try mo minsan.”
 
Tinapik ni Aurora si Cosima. “'Wag mong turuan. Mamaya magaya pa sa iyo at maadik din. Saka um-order ka na. Matatapos na lang ang klase natin, nagla-live stream pa rin 'yang si Shannon.”
 
Napakurap siya. Alas singko matatapos ang klase nila. Kung may darating na propesor. Pero kung wala, mga alas dos, puwede na silang umuwi.
 
“Ilang oras nag-e-stream si Shannon?”
 
“Walang baba sa five hours.”
 
5 hours? Halos malaglag ang panga niya pero pinigilan niya. Anong napapala niya sa pag-e-stream nang ganoon katagal?
 
Para sa isang tulad ni Saga na hindi naiintindihan ang mundo ng mga online game, hindi niya makita ang importansya noon.
 
Napangiwi siya. Huwag lang din sabihing iyong mga nanunuod ay limang oras ding manunuod. Walang kain, tulog, isama na rin pati ligo. Hindi niya lubos maisip iyon.
 
Naliligo pa nga ba si Shannon? Ah. Pakialam naman ni Saga kung naliligo ito o hindi.
—•—
Naupo sa bangko si Saga. May iilang presman din siyang kasama roon. Nasa tapat siya ngayon ng NSTP Office. Sa pangalawang palapag noon ay ang P.E. Office.
 
Nag-text siya kay Ramsey kung papasok ba ito ngayon. Ilang araw pa lang niyang nakakasama ang limang binata. Medyo nasasanay na siyang kasama ang mga ito sa pagiging irregular student.
 
“Sadge.”
 
Umangat ang tingin niya mula sa aparatong hawak. Si Devlin ang tumawag sa kanya. Nakasuot ito ng gray shirt at jeans. Dahil Sabado ngayon kaya okay lang na naka-civilian.
 
Pinigilan niyang umirap nang tumabi ito sa kanya. Nararamdam na naman niya ang tingin ng mga estudyante sa kanila. Parang magnet ito na laging sinusundan ng tingin.
 
“Hindi ka na namamansin.”
 
“Huh?”
 
“Tinawag kita.”
 
“Talaga? Baka 'di ko lang narinig.” Hindi siya nagsisinungaling. Wala siyang narinig na tumatawag sa kanya.
 
“Nandoon lang ako.” Tinuro pa ang pinanggalingan.
 
Napatango siya. “Ah. Hindi kita napansin.”
 
Nahaharangan ang dating puwesto nito ng ibang kaklase nila. Kaya hindi rin niya ito lalapitan kahit na narinig niya ito.
 
“Snob ka lang talaga.”
 
“Hindi lang talaga kita nakita.”
 
Bakit sa dami ng puwedeng backloads niya, P.E. I rin ang bagsak niya?
 
“Sino pang may  backload na P.E?”
 
“Sina Ram, Moon, Don, at Westin.”
 
Napangiwi siya. Kompleto ang lima. Ang bait naman talaga ng langit sa kanya.
 
“Papasok din ba sila ngayon?”
 
“Oo. Magkasama na iyong tatlo. Nagyoyosi lang si Ram sa back gate.”
 
Yosi?
 
Hindi niya alam na naninigarilyo pala si Ramsey. Hindi naman niya napansin noong magkasama sila.
 
“Oh, ayan na pala sila.”
 
Napatingin siya sa bandang kanan. At parang may live fashion show sa hallway.
  
“Grabe, lahat ba ng irregular students puro guwapo?”
 
Napayuko siya at mariing napapikit ng mga mata. Hinihiling niyang sana hinaan naman nila ang mga boses nila. Iyong sila-sila lang sana ang nakaririnig ng mga sinasabi nila.
 
Isang oras ang dumaan at hindi dumating ang propesor nila. Kaya naman inaya na siya ng lima. Saan pa ba sila pupunta? Sa W.
 
Palabas na sana sila nang campus nang makasalubong nila sina Kieron.
 
“May klase kayo?” tanong ni Devlin.
 
“Wala. Sinamahan lang namin si Aubrey mag-enroll. Na-late na naman.”
 
Lumipad ang tingin niya kay Aubrey Lam. Pamilyar sa kanya ang binata nang minsang nagpasa siya ng plates sa Faculty room. Nabasa niya ang pangalan nito sa plate sa mesa ng propesor nila. At ang pangit ng sulat nito. Iyon ang unang napansin niya. Dahil mahigpit ang propesor sa subject na iyon.
 
Nahuli siya nitong nakatingin. “Maglalaro ka rin?”
 
“Huh?” Wala sa sariling napadikit siya kay Ramsey.
 
“Hindi. Sama lang namin, may klase pa kami mamaya,” sagot ni Ramsey.
 
Tumango si Aubrey.
 
“Sadge.”
 
“Huh?” Takang napatingin siya kay Ramsey.
 
“Tara na.”
 
Hindi siya humiwalay kay Ramsey. Mas lalong maraming nakatingin sa kanila dahil dumami ang kasama niyang binata.
 
Sino pa kaya ang game streamer dito sa mga kasama ko? Siguro si Kieron. Ano nga ulit iyong buong pangalan niya?
 
Ilang beses na niyang nakasama ang mga ito pero hindi man lang niya matandaan ang mga palangan nila. Pati si Skip. May kasama pa silang lalaki na sobrang tangkad. Hindi rin niya ito kilala.
 
“Napanuod n'yo ba iyong live ni Shannon noong nakaraan. Ang gwapo talaga ng master ko at galing talaga niyang maglaro,” anang isang estudyante na nadaanan nila.
 
“Kaya nga, eh. Ang swerte ng partner niya sa game.”
 
Partner? Iyong Soul kaya ang tinutukoy nila.
 
Marami pa ring tao sa W kahit na Sabado ngayon.
 
“Sa Top kami, Kuya,” sabi ni Kieron.
 
“Uy! May kasama pala kayo.” Sa halip na sagutin si Kieron, kay Saga nakatutok ang mga mata ni Shennon.
 
“Ah, oo. May klase pa raw kasi sila mamaya.”
 
Napakamot siya sa likod ng tainga. Nakaiilang ang tingin nito sa kanya. Parang may kakaibang kislap doon. At hindi niya nagugustuhan iyon.
 
“Sige, akyat na kayo.” Ang laki ng ngiti nito saka tumingin sa monitor.
 
“Hagdan 'yong iba, ah.” Nagmamadaling pumasok ng elebeytor si Skip.
 
“Uy! Pasok ka na, Sadge.” Marahan siyang hinila ni Kieron papasok.
 
Saka lang niya napansin kung sino-sino ang kasama niya sa elebeytor.
 
Nasaan iyong limang classmate ko?
Kinabahan siya nang magpalipat-lipat ang tingin niya sa mga ito. Dahan-dahan siyang ngumiti. Isinisiksik niya sa likod ng isip na wala silang gagawing masama sa kanya.
 
“Boyfriend mo si Ram?” tanong ni Skip.
 
“Huh?” Napasandal siya sa pinto.
 
Unti-unti silang lumapit. Balak siyang i-corner.
 
“Kayo ni Ramsey?” Nagsalubong ang kilay ni Kieron.
 
Ano bang pinagsasabi nila? Mas lalo siyang nagtaka.
 
“Noong nakaraan sabay kayong umalis at bumalik. Saan kayo pumunta?” dagdag pa ni Skip.
 
Ang buong akala niya, sina Damion lamang ang nakapansin noon. At heto, mayroon pang iba. Pero ano naman sa kanila kung magkasama silang lumabas noon.
 
“Bumili lang kami ng lunch ko.”
 
Gusto niyang tingnan kung anong palapag na sila. Pakiramdam kasi niya ang bagal noong umakyat sa pinaka huling palapag. Parang ang lakas din ng air con. Nanlalamig na kasi ang mga kamay niya kahit hindi pa siya nagtatagal doon ng kalahating oras.
 
“So, girlfriend ka nga ni Ramsey.” Lumipad ang tingin niya kay Aubrey. “Kaya mas okay maging single, eh. Walang bantay kapag naglalaro.”
 
Nang maramdaman niyang bumukas ang dalawang pinto ay awtomatikong napaatras siya.
 
“Wala akong boyfriend.” Nanliit ang mga mata niya.
 
“Kie?”
 
Pumihit siya paharap sa pinanggalingan ng boses. Si Shannon Monterozo iyon. Prenteng nakasandal sa tabi ng pintuan ng lounge room.
 
Nandito rin siya!? Narinig niya iyong sinabi ko. Baka... Baka... Ano nga ba ang dapat niyang idugtong sa naisip niya?
 
“Anong ginagawa n'yo?”
 
Hindi nakatakas sa mga mata niya ang pagkibot ng kanang kilay ni Shannon.
 
“Wala. Tinatanong lang namin si Sadge.” Lumaki ang ngiti ng binata. Nagtatanong nga lang naman talaga sila.
Bakit ang tagal nina Devlin? Parang feeling ko ang next question ni Shannon ay kung bakit kasama ko ang mga classmate niya.
 
“Bakit kasama n'yo siya?”
 
Coincidence?
 
“Paakyat pa lang sila. May klase pa raw kasi sila. Alam mo naman sa department natin, walang tao kapag Sabado,” sagot ni Kieron.
 
Tumango lang si Shannon. “Five versus five pala tayo.” Umupo ito sa isang kompyuter. Sa paborito nitong spot.
 
“Upo ka lang kahit saan mo gusto, Saga. Gusto mo rin bang maglaro.”
 
“Hindi ako marunong.”
 
Upo siya sa pinaka malapit na upuan. Pero hindi nagbukas ng kompyuter. Baka kasi makalimutan na naman niyang mag-log out kapag aalis na siya.
 
“Magpaturo ka kay Shannon. Magaling 'yan.” Tumabi sa kanya si Skip.
 
“Ah...” Napangiti lang siya.
 
Pakiramdam niya nakatatakot kausap si Shannon. Lalo pang mukhang hindi maganda ang mood nito ngayon.
 
“Taga buhat namin 'yan.” Tumawa pa nang malakas ang lalaking matangkad.
“Tapos 'kaw 'yong malaking pabuhat,” komento ni Aubrey.
“Baka ikaw 'yon.”
 
Napahawak siya sa kanang bahagi ng leeg.
Iniwanan na ba ako noong lima? Para siyang kaluluwa roon na hindi nag-e-exist.
 
Nakahinga lang siya nang maluwag nang marinig ang boses nina Devlin.
Nakahihiyang maging sabit.

Book Comment (19)

  • avatar
    Darell Mallari Teofilo

    👏👏👏👏

    01/06

      0
  • avatar
    Hershey Martelino

    Sobrang ganda tlga

    08/04

      0
  • avatar
    BiboBob

    love it

    22/01

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters