logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Kabanata 5

"Anong balita? Kamusta ang pagpunta niyo do'n? Naging okay na ba? "
Pinagbuksan ko ng pinto sila Mama, Papa at kuya nang makarating sila sa bahay. Tulog na si Mago kanina pa bago pa ako umalis para umiyak sa labas. Hindi nila ako sinagot dumiretso lang sila sa lababo habang sinusundan nila mama at papa si kuya sa paghuhugas ng kamay. Mugtong-mugto ang mata ni Mama kakaiyak kanina.
Lalapit sana ako kay Kuya nang mapatigil ako. Nanlaki ang mga mata ko ng makitang may dugo pala ang kaniyang kamao. Bigla akong nataranta!
"A-Anong nangyari sa kamay mo, kuya?! Nakipagsuntukan ka ba?!" nag-aalalang tanong ko sa kaniya saka lumapit na.
"Megan, 'wag mo muna kausapin ang kuya mo.." pigil ni Mama sakin, hinawakan niya ang braso ko at hinila palayo kay kuya. Pati ang kamay ni Mama ay nanginginig na.
Nilingon ko ulit si kuya ng nag-aalala, sumunod ako kay Mama dahil hinila na niya ako patungong higaan namin. Ang higaan namin ay hinaharangan lang ng kurtina upang maging kwarto. Wala ito kahit isang plywood.
"Dito ka lang, anak.. huwag ka makikisali do'n---" naputol ang sinasabi ni Mama nang biglang sumigaw si kuya. Narinig ko ang pag-iyak niya at napasakit nito para saming lahat. Doon ko lang nakita at narinig kung paano siya umiyak. Nakakaiyak pala na kapag ang lalaki ang umiiyak.. sobrang nakakahawa, nakakadurog ng puso.
"Putanginang kaibigan mo na 'yon, papa! Yare talaga sa'kin ang lalaking 'yon! Kapag nakita ko siya bubugbugin ko siya! Hinding hindi ko mapapatawad ang katarantaduhan niya!" galit na galit na sigaw ni Kuya. Napapasabunot siya ng buhok.
Napalingon tuloy ako kay Mago na mahimbing pa rin ang tulog. Hinaplos ko ang buhok niya at nilingon ulit si Kuya Mateo na galit na galit pa rin hanggang ngayon.
Lumabas si Mama, para lapitan si Kuya at papa. Pumagitna pa siya sa dalawa.
"Mateo, anak... huminahon ka natutulog na ang kapatid mo.." pagpapakalma ni Mama kay kuya, hinahawakan pa niya iyon sa balikat at braso pero lumalayo si Kuya sa kaniya.
Napahawak si Kuya sa kaniyang bewang at suminghap sa ere. Tumingala siya. Alam kong sa ganoong paraan alam kong pilit niyang pinipigilan ang rumaragasang luha niya. Pilit kinakalma ang sarili.
"Ma, paano ako hihinahon ng ganito? Napakasakit sakin na malaman ang ganung pangyayari. Hindi ko masikmura! Gusto kong pumatay, gusto kong mambugbog.. pero hindi ko magawa dahil takot akong makagawa ng mabigat na kasalanan sa Diyos!" umiiyak niyang sabi. Pinunasan niya ang luha niya at tiningnan si Mama. Walang katapusan ang pagluha ni Mama."Nagmukhang pulubi si papa sa Maynila dahil sa tarantadong lalaking iyon. Kinailangan pa niyang magmakaawa sa ibang tao para tulungan siyang makauwe dito sa Bulacan!"
Hindi kaagad nakasagot sila Mama at Papa. Napayuko nalang sila.
"Patawad, anak.." humahagulgol na wika ni mama. "Kahit ako.. sobrang nasaktan sa ginawa ni jun, pero wala akong magawa.." pinunasan niya ang luha niya. "Masakit din sakin malaman ang nangyari, parang dinudurog ang buong pagkatao ko.."
Alas-dose na ng madaling araw at sa pagkakaalam ko may exam si Kuya Mateo ng umaga. Mukhang hindi pa yata siya nakakapagreview, nag-aalala tuloy ako para sa kaniya.
"So, pano na ngayon? Anong gagawin natin?" malamig na tanong ni kuya, mukhang kinalma na ang sarili. "Ipablotter natin ang lalaking yan. Tangina niya. Malalagot siya sa batas."
"Mateo.."
Nakita ko ang pagtayo ni Papa sa kaniyang upuan. Kitang-kita ko ang pagod sa kaniyang itsura at sa kaniyang pangangatawan. Nangayayat na siya ng tuluyan. Ang malaki niyang tiyan ay lumiit na ngayon.
"Kasalanan ko ang lahat ng ito. Hindi ko alam na magagawa niya sakin 'yon, kahit na alam kong manloloko siya noon pa man. Masyado ko siyang pinagkatiwalaan dahil matalik ko siyang kaibigan. Akala ko kasi nagbago na siya.. nung panahong sinabi niyang nagbago na siya para sa pamilya niya. Hindi ko inaasahan ang pagsisinungaling niya sakin. Gusto ko lang naman siyang tulungan para maipagamot ang anak niyang may sakit.. kaya sinama ko siya sa Maynila.. " ani papa. "Problema ko ito.. kaya ako na ang gagawa ng paraan para mahanap si Jun," sabi ni papa, kalmado. "Hihingin ko ang pera."
Nagulat si Mama kaya napalapit siya kay Papa. "A-anong ikaw na gagawa ng paraan? At anong ikaw maghahanap sa kaniya? Mahal ko! Pamilya tayo kaya dapat nagtutulungan tayo!" ani Mama, nag-aalala. Nawala na ang galit kanina. "Baka kung ano pa ang gawin niya sayo!"
"Basta," desididong saad ni Papa. "Hahanapin ko siya at sisingilin ko ang kinuhang pera niya sakin."
"Hindi na."
Napahinto ang dalawa nang kumalma na si Kuya. Napakaseryoso ng kaniyang mukha. Napatayo ako at sumilip sa kurtina para mapakinggan ang sasabihin niya.
"Hayaan niyo na sa kaniya ang perang 'yon. Isaksak niya sa baga niya kung gusto niya," saad ni Kuya. "Maghahanap ako ng trabaho bukas. Kahit anong trabaho papasukin ko basta maiahon ko lang kayo sa kahirapan na 'to," matapang niyang wika saka nilingon ang magulang ko. "Kahit ano naman ang sabihin natin kay jun, ni lumuhod man tayo sa harapan niya malabo nang maibalik niya ang pera natin," aniya. "Hayaan niyo.. sa susunod na makaahon tayo sa kahirapan na ito hindi na ako papayag na maliitin, asarin o lokohin tayo ng kahit na sino."
Napakagat ako ng ibabang labi ko. Bahagya akong napangiti sa sinabi ni kuya.
"Mateo.." hinawakan ni Mama ulit si kuya, naiiyak nanaman siya. "Paano naman ang pag-aaral mo, anak? Hihinto ka ba?"
Hindi nakasagot si Kuya.
"Ayokong ihinto mo ang pag-aaral mo, anak. Mag-aral ka pakiusap. Iyon ang mas gusto namin ng papa mo noon pa man. Ayaw namin ni isa sa inyong magkakapatid ang hindi makapagtapos ng pag-aaral. Okay lang samin kung gumapang kami sa hirap o magtanim kami sa gitna ng init.. basta pakiusap, huwag kayo tumigil. Sundin niyo ang pangarap niyo para sa sarili niyo. Tanging pagpapalaki ng maayos at makatapos lang ng pag-aaral masayang masaya na kami ng papa niyo.. dahil iyon lang ang kaya naming ipamana sa inyo.."
Hindi nakasagot si Kuya. Napabuntong hininga nalang siya saka nilapitan si Mama at Papa. Hinalikan ni kuya sa pisngi si mama, at tinapik naman ni kuya sa balikat si papa saka bahagyang nginitian.
"Matutulog na ko, masyado akong napagod dahil sa nangyari. Magpahinga na din kayo." aniya saka niya nilagpasan sila mama at papa.
Nagmamadali naman akong humiga sa tabi ni Mago at nagkunwareng tulog na.
Kinabukasan alas kwatro palang gumising na ako para magluto. Alam kong pagod silang lahat kaya ako muna ang kumilos dito sa kusina. Naghanap ako ng makakaen sa kusina. Napabuntong ako ng wala man lang akong makitang pwedeng maiulam. Lumabas ako para tumungo sa bakuran namin at naghanap ng kahit na anong bunga. Napangiti naman ako ng bahagya nang makita ang bunga ng papaya.
Hinugot ko kaagad ang kutsilyong dala ko para putulin ang ilang bunga. Bumalik na ako sa bahay dala ang bunga ng papaya. Naghanap ako ng sibuyas, bawang at ipa ba. Napangiti ulit ako nang makitang meron kami. Niluto ko na ang papaya kahit walang gaanong sahog, pwede na iyon para may maiulam.
Tumilaok na ang manok kaya alam kong gigising na si Kuya para magluto. Napahinto siya ng makita ako, naghihintay maluto ang sinaing.
"Ang aga mo nanaman ngayon? Palaging ikaw nalang nga nagluluto dyan, megs.." ani kuya sakin, umupo siya sa isang upuan at sumandal sa kahoy na dingding.
"Okay lang yun, kuya. Maliit na bagay lang 'to.."
"Anong niluluto mo?"
"Ginisang papaya," nakangiting sagot ko. Bahagya pa akong napakamot ng ulo dahil nakatingin lang sakin si kuya. "Ayun lang kasi ang nakita ko sa bakuran kaya pwede na iulam 'yon," dagdag na sagot ko. "Okay na 'yon 'di ba?" nakangiting tanong ko pa sa kaniya.
Tumango siya saka pumikit. Mukhang inaantok pa siya. "Oo naman."
Tumayo na ako para kuhanin na sa kalan-de-uling ang kaldero namin at maingat na inilatag sa mesa namin. Luto na ang ginagawa ko.
Ganun pa rin posisyon niya, nakapikit. Ngumiti ako ng pilit saka inayos ang buhok ko.
"Kuya.." mahinang tawag ko sa kapatid ko.
"Mm?"
"Sorry nga pala.."
Dahan-dahan niyang idinilat ang mata niya. "Bakit ka humihingi ng sorry? Wala ka namang ginagawang mali, ah?"
"Kasi.. wala man lang ako maitulong. Wala man lang akong nagawa nung nagkaproblema tayong lahat.."
"Hindi mo naman obligasyon tumulong sa ganun, megan. Bata ka pa para makisali sa problemang iyon," aniya. "'Wag mo na isipin iyon. Tapos na ang problemang iyon," kalmadong saad niya. "Kumaen ka na dyan."
"Pero.. okay ka na ba, kuya?"
"Maayos naman na... kumpara kagabi." sagot niya.
"Eh.. magpapatuloy ka parin naman sa pag-aaral 'di ba?"
Napatigil siya saka dahan-dahang tumingin kung saan. Palitaw na ang araw at tumitilaok na ang mga manok sa labas.
"H-hindi ko alam, e.." malungkot niyang sabi. Umupo ako sa tabi niya. "Hindi ko alam kung ipagpapatuloy ko pa ang pag-aaral ko. Alam mo bang hirap na hirap na ako sa ganitong buhay?" nilingon niya ako. "Ang hirap pumasok sa eskwelahan na mukha kang basahan, pagtatawanan ng mga estudyante dahil naglalakad ka lang papasok tapos ang hirap ng wala ka man lang kahit pisong duling na perang dala. Wala kang pambayad para sa school, kelangan mo pang umutang sa kaklase. Tch."
Nakita ko ang lungkot at hirap niya. Parehas lang naman kami. Pero mas mahirap ang sa kaniha dahil sa pagkakaalam ko kapag college ka marami kang gastusin. Bahagya siyang ngumiti at hinawakan ang tuktok ng ulo ko para haplusin ang buhok ko.
"Pero dahil sa nakikita at nararanasan kong paghihirap na 'to, feeling ko.. hindi nga dapat ako huminto sa pag-aaral," aniya. "Kapag kasi huminto ako sa pag-aaral baka hindi lang ganito ang abutin natin. Ako ang panganay kaya dapat ako ang pag-asa ng pamilyang ito. Nangako rin ako sa sarili ko na.. dapat makakapagtapos ako ng pag-aaral kahit na mahirap ang buhay. Maliitin man o lokohin tayo ng ibang tao.. hinding-hindi mababago ang desisyon ko. At para sa pamilyang ito handa akong isugal ang lahat."
Naging tahimik ang pagkaen namin. Hindi nagsasalita ang kahit na sino. Sabay na kaming pumasok ni Kuya sa eskwelahan.
"Oh my gosh! Malapit na tayong maging fourth-year high school! Aaaaahhh! Konting araw nalang talaga! Pagkatapos no'n ay magcocollege na tayoooo! Aaaaahhh! Sobrang excited na tuloy akoooo!" masayang sabi ni Vien at jia habang magkakahawak kamay kaming tatlo.
Narito nanaman kami sa canteen. Pinilit nanaman ako ng dalawang kumaen kahit na ayoko, wala na akong nagawa dahil hinatak na nila ako patungo rito.
"Kayong dalawa, ano bang kurso ang kukunin niyo kapag nagcollege tayo?" nakangiting tanong niya samin ni Jia.
Napaisip si Jia.
"Ako, educ!" sagot ko agad sa kaniya.
Nanlaki ang mata ni Vien. "Oh?! Oh my! Parehas tayoooo! Eh ikaw ba jia? Educ ka rin?!"
"Hindi," nag-iisip na sabi ni jia habang nakatingi kung saan. "Uhmm.. actually gusto kong.. mag-asawa at makahanap ng the one! Kyaaaah!"
Nasamid ako sa sinabi niya. Kaagad akong inabutan ni Vien ng tubig. Kahit si Vien ay nagulat rin kaya nabatukan siya ng mahina.
Nagtawanan kami.
"Joke lang! Eto naman makabatok kang bwiset ka!" binatukan din niya si Vien. "Eto na nga, gusto ko nga mag-agriculture! " nakangiting sagot niya.
Kumunot ang noo namin ni vien. Nagulat at nagtakha.
"Akala ko ba educ ka rin? Ngek! Tokshit!"
"Sira! Pangarap ko kasi yon bata palang ako, noh!" natatawang sabi ni Jia. "Ang astig kaya parang challenging sakin hehe!"
"Bruha ka! Baka naman kapag ayan ang kinuha mo e magugulat nalang kami isang araw kinakausap mo na yung mga hayop o yung mga damo at halaman?!" pang-aasar niya. "Ang baduy naman!"
"Hindi, noh! Nako! Ewan ko sayo, vien!" pikon na sabi ni jia.
Lalo siyang pinagtawanan ni vien.
"Teka, bakit naman kasi agri?" takhang tanong ko kay jia. Nilingon niya ako. "Yung kuya ko BS Agriculture ang kinukuha niya ngayon. At ang sabi niya sakin, mahirap daw talaga ang agriculture. Marami ka pang dapat pag-aralan," sabi ko sa kaniya. "'Yan ba talaga ang gusto mo, jia?"
"Oo," nakangiting sagot niya.
Biglang ngumisi si Vien at inakbayan ako bigla. Nagulat ako sa kaniya kaya nilingon ko siya. Kinindatan niya ako.
"Alam mo, ang straightforward mo talaga. Anong pangalan ng kuya mo? Jojowain ko. Kaso may jowa na ba kuya mo, meggy?" nakangising tanong niya.
Natawa ako at tinanggal ang kamay niya. "Sira, wala s'yempre. Puro aral at bahay lang yon. Ang sabi din niya sakin ayaw daw nya maggirlfriend dahil distracted lang daw yon sa pangarap niya," saad ko. "'Wag ka na umasa, masasaktan ka lang."
"Aray! Sakit mo magsalita!" ngumiwi siya at umirap sa kawalan. "Kaasar naman. Balak ko na sana mag-agriculture, e.. kaso 'wag na lang pala, educ nalang pala."
Natawa kami ni jia sa kaniya. Napailing nalang ako at uminom ng juice habang nakatingin sa dalawang aso't-pusa. Isa lang ang masasabi ko.. ang swerte ko talaga sa mga kaibigan kong ito kahit ganito sila.

Book Comment (33)

  • avatar
    Tranh Mai

    xxx

    28/08

      0
  • avatar
    Mikko Belgera

    bvnhhkv

    27/08

      0
  • avatar
    Zain Il

    ktil

    27/07

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters