logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 6 When "How" and "What" Eats You

Sa lahat ata ng umaga, ito ang pinakabago sa'kin. Mas maaga akong nagising kaya mas maaga rin ang pagpasok ko sa school. Hindi ko alam pero mabilis kong pinatakbo ang bisikleta ko papunta sa eskwelahan.
Isang kumpulan ng mga estudyante ang naabutan ko sa may quadrangle na siyang nasa harap din mismo ng school. Mabilis kong pinark ang aking bisikleta at kaagad ko ring binalikan ang mga kumpol na estudyante.
Napansin ko ang isang mahabang tali na nakasabit sa pinakakamay ng monumento ng dating may ari ng eskwelahan. May taas ito na 10ft. Sinundan ko ng tingin ang lubid at sa bandang dulo nito ay may nakita akong ulo. Ulo ng tao.
"Excuse me," sabi ko nang makipagsiksikan ako sa mga kapwa ko estudyante para makarating ako sa harap.
Pakiramdam ko ay nawalan ng kapit ang aking tuhod sa sobrang panghihina dahil sa nakita ko.
Si Manong Bert, nakatali ang leeg nya sa lubid. Puno ng dugo ang kanyang uniporme at wala na rin siyang mga kamay. Sinong may gawa nito sa kanya? Bakit pati siya nadamay dito? Bakit pati si Manong Bert na masayang masaya akong sinasalubong sa gate?
Hindi ko mapigilan na maiyak sa sitwasyong 'to. Itinuring ko na na kaibigan si Manong Bert at kung papipiliin ako ng mga tao na gusto kong maligtas? Isa si Manong Bert sa nga taong 'yon.
Someone will die again, soon.
Kaagad kong hinanap ang babaeng 'yon. Mukhang wala siya sa kumpulan ng mga estudyanteng nakakayanang titigan ang katawan ni Manong Bert. Kaagad kong tinakbo ang daan papunta sa classroom namin. Ilang estudyante na rin ang nababangga ko at iisa lang ang pinag uusapan nila, ang karumal dumal na nangyari sa pinakamabuting gwardya sa eskwelahan namin.
Pagbukas ko ng pinto ng classroom ay nakatingin na sa'kin ang ilan sa mga kaklase ko pero isa lang ang hinanap ko, si Geraldine. Nilapitan ko siya at hindi ko pinansin ang pagtawag sakin nila Edwardo. Kaagad ko siyang hinatak sa braso at lumayo kami sa lugar na 'yon. Natigilan ako sa paglalakad nang bigla siyang magsalita.
"Nasasaktan ako."
Napansin ko na lang na nasa may hagdan na kami. Bumuntong hininga ako at inaya ko siya sa may ilalim ng hagdan kung saan malayo sa lahat.
"Anong alam mo?" Diretso kong tanong.
Minasahe niya ang kanyang pulso kung saan ko siya hinawakan. "Wala akong alam."
Hindi ko alam pero sobrang bigat ng pakiramdam ko ngayon. Hindi ko alam kung galit ba 'to o kalungkutan. Pero isa lang ang malinaw sa'kin, ayoko nang may mamatay pa.
"Kung wala kang alam, anong ibig sabihin ng text mo?" Muli kong tanong. Imposibleng wala siyang alam. Sigurado akong may alam ang babaeng 'to base na rin sa mga sinabi niya at mukhang may alam din siya kay Michaella.
"Himala. Ngayon lang kita nakausap nang ganito katagal. May idadaldal ka rin pala," nakangisi niyang sabi.
"Huwag mong ibahin ang usapan. Nakita mo ba 'yung nangyari kay Manong? Ha? Sinabi mo kagabi na may susunod at may sumunod nga. At si Manong Bert yon. Paano mo nalaman na may susunod?" Napakuyom na ko dahil sa sobrang gigil. Si Manong Bert, bakit kailangan niyang mamatay? Hindi ko na rin napigilan ang pagtulo ng luha ko.
"Naiintindihan ko kung ano ang nararamdaman mo ngayon pero huwag kang magpakabulag sa nakikita mo," sabi niya na ikinatigil ko. Kitang kita ko ang pagiging malamig ng titig niya.
"Anong ibig mong sabihin? Mabuting tao si Mang Bert kaya bakit niya kailangan mamatay sa ganoong paraan? Ano bang nalalaman mo?"
Inayos niya ang suot niyang uniporme. "Uulitin ko, hindi lahat ng nakikita mo ay totoo. Sa tingin mo ba, namatay sila ng walang dahilan? Palaging may dahilan ang lahat, Neil. Lagi mo 'yang tatandaan."
Iniwan niya akong nakatulala. May dahilan kung bakit sila pinatay, ganoon ba? Kung ganoon, anong dahilan? Anong ginawa nila para mamatay sila ng ganoon?
Hindi ako makapagfocus sa dinidiscuss ng teacher namin dahil sa mga nangyari kanina. Pagkatapos naming mag usap ni Geraldine ay saktong dating ng ambulansya at ilang mga pulis. Kasalukuyang iniimbistigahan ang nangyari kay Manong Bert.
Pagtingin ko kay Michaella ay kasalukuyan siyang nagguguhit sa sketchbook niya. Hindi na ko magtataka kung si Manong Bert ang ginuguhit niya. Hindi ko lang alam kung bakit kailangan niya pang gawin ang bagay na 'yan. Napatingin siya sa'kin kaya kaagad akong umiwas ng tingin.
"Malapit ka kay Manong, hindi ba?" Tanong niya dahilan para muli akong mapatingin sa kanya. Patuloy lang siya sa pagguguhit. "Mabuting tao rin ang tingin niya sa'yo," dagdag pa niya na ipinagtaka ko.
Uusisain ko pa sana siya kaso biglang tumunog ang school bell hudyat na lunch break na. Kagaya kanina ay pinag uusapan pa rin ng lahat ang pagkamatay ni Manong Bert at mapa hanggang ngayon ay iniisip ko pa rin ang mga posibleng dahilan kung bakit sila namatay at kung kontektado ba ang pagkamatay nila Mrs. Valderama, ni Veronica at ni Mang Bert. Posible kayang isang tao lang ang may pakana ng lahat ng 'to?
"Parang wala akong ganang kumain dahil sa nakita ko kanina. Grrr!" Sabi ni Edwardo habang kumukuha kami ng makakain.
"Edi dapat hindi mo na tinignan," sagot naman ni Mitzi.
Pagkatapos naming kumuha ng pagkain ay umupo na kami sa dati naming pwesto. Hindi rin nagtagal at nakisabay na rin sa amin sila Christopher. Kagaya ng dati ay masaya pa rin silang nagkekwentuhan habang kumakain. Nanlalait kapag may nakitang kalait lait. Pilit na lamang akong nakikisabay sa kanila para hindi na rin ako makarinig ng reklamo na maisusumbat nila. Napansin ko na wala si Shaina at sinabi lang nila na masama ang pakiramdam nito at mas piniling manatili muna sa infirmary.
Isang ham and egg sandwich lang ang kinuha ko at isang coke in can pero parang hindi ko pa rin 'to magawang maubos. Habang pilit akong kumakain ay bigla kaming nakarinig ng isang malakas na sigaw hindi kalayuan sa kinaroroonan namin.
Mabilis kong tinunguhan ang pinanggalingan ng sigaw at isang nakahandusay at nanginginig na katawan ng isang lalaking estudyante ang aking naabutan. Nakahawak ang kanyang magkaparehong kamay sa kanyang leeg na para bang sinasakal ang sarili niya. Maraming bula at usok ang lumalabas mula sa kanyang bibig na unti unti sumusunog sa kanyang balat at laman na ikinatakot ng mga nakiusosyo.
"Tang ina, ano na naman 'yan?" Rinig kong reaksyon ni Edwardo nang dumating na sila.
"Chris, mukhang kailangan na naman ang Daddy mo dito ah," sabi naman ni Mitzi. Narinig ko naman na humingi ng tulong ang iba.
"Anong nangyari sa kanya?" pagtatanong ko sa babaeng nanginginig sa takot. Sigurado rin ako na siya ang sumigaw kanina.
"H-hindi ko alam. Kumakain lang kami tapos bigla na lang siyang natumba at nagkaganyan," sagot nito.
"Nasaan ang kinain niya?" Muli kong usisa.
"Eto," itinuro ng babae ang isang mangkok ng sopas na mukhang hindi rin masyadong nagalaw. Nilapitan ko 'to at inamoy.
"May asido ang pagkain niya. Saan niya nakuha ang sopas na 'to?"
"Dala dala na niya 'yan simula ng pumasok siya. Nakalagay sa paper bag at humingi lang siya ng mangkok dito para makain niya," sagot naman ng kasamahan niyang babae.
"Kung hindi ako nagkakamali, siya yung naging top 1 sa last Over All Exam, diba?" Narinig ko namang sabi ng isang lalake mula sa mga nakikiusosyo.
"Ay oo nga. Siya 'yon," pag sang-ayon naman ni Henry na nasa likod ko. "Kawawa naman."
Wala kaming nagawa kung hindi ang tumabi nang dumating ang school staff at ilang mga nurse para asikasuhin ang lalaking nangingisay pa rin. Halos masunog na ang kalahati ng mukha niya pababa sa kanyang leeg dahil sa epekto ng asido.
Nagkatinginan kami ni Geraldine at iling lamang ang ibinigay niya sa akin bago siya bumalik sa table namin. Susunod na sana ako sa kanila nang mapansin ko si Michaella na nanonood pa rin sa ginagawa sa lalaki. Ilang sandali pa ay inanunsyo na ng isa sa mga nurse ang time of death ng kaawa awang estudyante.
"Oras na rin ng klase, magsibalik na kayo sa mga classroom ninyo," anunsyo ng isa sa mga school admin na si Mr. Alvarez.
Dalawang bangkay sa loob lang ng isang araw...
Natanaw ko na papalabas na rin ng cafeteria si Michaella kaya kaagad ko siyang sinundan. "Anong naiisip mo sa mga nangyayari?" Pagtatanong ko nang maabutan ko siya.
Tinignan niya lang ako at nagpatuloy sa paglalakad. "Naiisip ko? Gusto mo ba talagang malaman?"
Hindi ako sumagot at hinintay ko na lamang na muli siyang magsalita. "Naiisip ko na may susunod pa. Na marami pa ang susunod kila Mrs. Valderama, Veronica, Manong Bert at sa lalaking 'yon hangga't hindi nahuhuli ang killer."
"Paano natin malalaman kung sino ang killer?" Muli kong tanong.
"Sa totoo lang hindi ko alam. Iba iba ang paraan niya ng pagpatay at halos magkakalayo ang mga taong pinapatay niya. Tanging ang lugar lang ang pinagkapareho nilang lahat at ito ang school na 'to. Anong motibo niya?" Sagot niya na ikinaisip ko.
Tumingin ako sa paligid. Maraming estudyante, staff at teachers ang nasa lugar na 'to. Isa kaya sa kanila ang killer? Pero sino sa kanila? Sino ang may kayang gumawa ng karumal dumal na pagpatay na 'yon? Sino ang may halang na kaluluwa dito?
Hindi na natapos ang sumunod na subject namin nang ipatawag ang lahat sa auditorium. Hindi na ko magtataka kung may ganitong magaganap. Maayos kaming pinaupo at nang makumpleto na ang lahat ay isa isa nang nag akyatan sa stage ang lahat ng myembro ng administration. Lumapit sa mikropono ang isa sa kanila at bumati sa amin.
"Alam kong nagugulantang kayo sa mga nangyayari at ganoon din kami. Hindi namin alam kung sino ang may pakana ng lahat ng nangyayaring pagpatay sa ating mahal na eskwelahan at ang tanging hiling namin sa inyo ay maging kalmado lamang kayo at pilit naming sosolusyunan ang mga nangyayari," pakiusap niya sa aming lahat.
"Mawalang galang na po, sir. Paano ho kami kakalma kung maaring nasa paligid lang namin ang may gawa noon? Mamaya isa na naman sa amin ang patayin niya," sabi naman ng isa sa mga lalaking estudyante na tumayo.
"Pinag iisipan naming mabuti kung paano namin masisigurado ang seguridad ninyo at iimbistigahan namin kung sino ang puno't dulo ng lahat ng 'to. Sa ngayon, maging alerto kayo at ingatan ninyo ang inyong mga sarili," sagot ulit ng lalaki na nasa stage. Bulungan mula sa lahat ang aking narinig.
"Wala talaga sila kakwenta kwenta," sabi naman ni Henry na siyang katabi ko sa upuan. "Mga mapagpanggap."
Hindi ko siya maintindihan pero sigurado kong may alam siya. May alam din si Henry kagaya ni Geraldine. Pero ano nga bang alam nila? At bakit ako walang kaalam alam?
Umuwi akong malalim ang iniisip. Paano ko malalaman kung sino ang killer? Kahit isang ideya wala akong alam bukod sa pamamaraan ng pagpatay at ang pinangyarihan ng krimen.
Biglang tumunog ang cellphone ko at isang text message mula kay Michaella ang aking natanggap. Gusto na naman niyang makipagkita mamaya sa convenience store. Pagdating ko doon ay nagulat ako dahil kasama niya si Geraldine.
"Seems surprise?" Pagbungad niya sa'kin nang umupo ako sa tabi ni Michaella.
"Anong meroon sa inyo? Bakit kayo magkasama?" Usisa ko nang tignan ko sila.
Tumingin lang sa bintana si Michaella habang si Geraldine ay nginisihan lang ako. Ano bang pinaplano ng dalawang 'to?
"Huwag mo nang idamay si Michaella dito," sabi ko kay Geraldine dahilan para makuha ko ang atensyon nila.
"Over protective?" Pambabara naman niya sa'kin. Hindi ko akalain na may ganitong attitude siya.
"Hindi natin kilala kung sino ang may kagagawan nito. At base na rin sa pagpatay niya, delikado siyang tao. Kaya kung ano man ang pinaplano niyo, huwag niyo nang umpisahan," pagpigil ko sa kanila. Kailan pa sila naging close?
"Ako ang nagpresinta dito. Hindi mo kailangan sisihin ang kaklase mo," madiin namang sabi ni Michaella.
Bumuntong hininga si Geraldine tsaka niya ako muling matiim na tinignan. "Look, Neil. Kahit saan mo anggulo tignan, nasa delikadong sitwasyon na tayo. Hindi tayo magiging ligtas hangga't pagala gala ang killer. Sa tingin mo ba may ginagawa talagang hakbang ang admin ng school para malutas ang krimen na 'to? Wala, Neil. Dahil mas mahalaga ang repotasyon para sa kanila. Kung gusto nilang malutas 'to, sana may nakikita tayong mga pulis at imbestigador sa school pero wala, diba? Pagkatapos makuha ang bangkay at magpanggap na nag iimbistiga, hindi na sila bumabalik."
"May mali sa mga nangyayari at hindi ko naisip na hindi mo iyon mapapansin," dagdag pa ni Michaella.
Bakit nga ba hindi ko naisip iyon? Masyado na ba akong nilalamon ng presensya ng killer at hindi ko na nagawa pang pansinin ang mga maliliit na detalye?
"The way I look at you, alam kong gusto mo na ring tuldukan ang kahayupan ng killer na 'yon. At kung hindi pa tayo kikilos, sino pa?" Sabi pa ni Geraldine habang malalim na nakatingin sakin.
Ano pa nga ba ang laban ko sa dalawang babaeng 'to? Bakit ba hindi na lang naging abugada ang lahat ng babae tutal magaling naman kayong lahat sa diskusyon? Hays.
"Sige. Sabihin na nating tama kayo, pero bakit kami ang gusto mong sumama dyan sa plano mo?" Pag uusisa ko pa. Pwede naman kasing sila Christopher na lang.
"Dahil alam kong kayong dalawa lang ang may kakayahan na makalutas ng mga ganitong bagay. Alam kong matagal na kayong nag iimbistiga simula pa kay Mrs. Valderama. I even saw you both sneaking inside the school in the middle of the night," paliwanag niya dahilan para magkatinginan kami ni Michaella.
"Aside from that alam kong higit pa kayo sa inaasahan ko," dagdag pa niya.
"Ano pa ang motibo mo sa paglutas ng kasong 'to?" Tanong naman ni Michaella. Marahil ay naghihinala na rin siya sa ano pang dahilan ni Geraldine at umabot pa sa puntong nadamay siya dito.
Muling napabuntong hininga si Geraldine na para bang sumuko na sa kung ano man ang tinatago niya. "Okay, fine. Gusto kong ipaghiganti si Veronica," sabay tingin niya sa'kin, "sa lahat sa atin, siya lang ang natatanging kaibigan na naging totoo sa'kin."
Parang naguluhan ako sa sinabi niya. "Anong ibig mong sabihin? Si Mitzi? Hindi ba siya ang best friend mo?"
Bigla siyang natawa na para bang isang malaking kalokohan ang sinabi ko. "Si Mitzi? She's one of the best actresses of all time. Alam kong kaya lang siya laging nasa tabi ko at nagpapanggap na matalik kong kaibigan ay para lang mapalapit siya kay Chris."
"Christopher?" Paglilinaw ko.
Tumango siya. "1st year pa lang tayo nagtapat sa akin si Chris na nagugustuhan niya ko pero ipinagsawalang bahala ko lang. Nang naikwento ko 'to kay Mitzi, doon na siya nagsimulang dumikit dikit sa'kin para magpapansin kay Chris."
Napansin ko ang pag ngisi ng katabi ko. Hindi ko alam na may ganoon na pa lang nangyayari sa samahan namin. Ngayon ko lang nakikita na totoo ang mga sinabi ni Michaella. Na hindi bagay sa'min ang salitang magkakaibigan.
"So, anong desisyon niyo? Makikipagtulungan ba kayo o hindi?" Tanong niya sa amin.
Bumuntong hininga ako at tumingin kay Michaella na hindi rin nagtagal at napatingin din siya sa akin.

Book Comment (30)

  • avatar
    Jocelyn Ramirez

    magad at masaya sya

    18/07

      0
  • avatar
    DagamiCharlene

    2024 na Wala pa po Yung next chapter?

    31/03

      0
  • avatar
    Chariza Caduhada

    next pls

    05/11

      1
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters