logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 5 Doubts and Faces

Iyakan, bulungan at pakikiramay ang maririnig mo sa kinaroroonan namin ngayon. Mga itim at puti ang kasuotan ng bawat isa sa amin. Kasalukuyan kasing binebendisyunan ng pari ang kabaong ni Veronica. Ngayon ang kanyang libing at mapa hanggang ngayon ay hindi pa rin nalalaman kung sino ang may gawa nito sa kanya.
"Napakawalangya ng taong gumawa nito sa anak ko! Pagsisisihan niya ang ginawa niyang 'to! Pagsisisihan niya!" Pagwawala ng ina ni Veronica habang nakayakap sa kabaong ng anak. Isa siyang artista kaya hindi nakakapagtaka at may iilang mga taga media ang pumunta rito.
Tinignan ko ang babaeng nakatayo sa tabi ko. Si Shaina, nakasuot siya ng shades at scarf na nagtatago sa mukha niya. Tinanong ko siya kung bakit ganoon ang kasuotan niya at ang tanging sinabi lang niya ay para walang makakilala sa kanya. Nararamdaman kong hindi siya ang may gawa nito kay Veronica. Dahil kung siya man, bakit niya papatayin si Veron kung alam niyang siya ang madaling ituturo ng lahat dahil sa alitan nila? Naawa lang ako sa kanya dahil wala naman siyang ginagawa pero ang tingin ng lahat sa kanya ay siya ang kriminal.
Isa isa nang lumapit at naghulog ng puting rosas ang mga kapamilya, kamag anak, kaibigan at kaklase ni Veron sa kanyang kabaong na dahan dahang bumaba papunta sa pinakailalim na bahagi ng hukay. At nang ako na ang maghuhulog ay parang muli kong narinig ang boses ni Veronica. "Michaella."
Parang tumayo ang lahat ng balahibo ko sa katawan dahil sa narinig kong iyon. Nilingon ko ito pero mukhang ako na ang huling taong maghuhulog ng rosas dahil wala ng tao sa likuran ko. Guni guni ko lang ba 'yon o sadyang si Veronica ang nagsabi sa akin noon? Pero bakit? Anong meroon kay Michaella?
Hinulog ko na ang hawak kong bulaklak at muli akong bumalik sa upuan ko. Hinanap ng mata ko ang babaeng 'yon at nakita ko siya sa pinakadulo ng tent. Kagaya ng dati ay suot suot pa rin niya ang kanyang itim na jacket at walang emosyon ang kanyang mukha. Malamig lamang itong nakatingin sa nangyayari sa harap. Ano kaya ang iniisip niya ngayon?
"Pre, tama na sight seeing. Hindi naman ganoon kaganda 'yang tinatanaw mo. Tara na at nagugutom na ko," pagyaya sa'kin ni Edwardo. Pagtingin ko sa harap ay binubuhusan na pala ng lupa ang kabaong ni Veronica. Muli kong nilingon si Michaella at naglalakad na siya palayo sa tent. Natanggal lang ang tingin ko sa kanya nang bigla akong akbayan ni Christopher.
"Hindi na ba magbabago ang taste mo sa babae, pre?" Pang aalaska pa niya. Napansin kong nakatitig din siya kay Michaella at ilang sandali lang ay muli niyang ibinalik ang tingin sa'kin.
"Malisosyo talaga kayo no?" Sabi ko na lang at nagsimula na kong maglakad papunta kila Edwardo na pasakay na ng sasakyan. Hindi rin naman nagtagal at kasabayan ko na siya.
"Hindi naman ako ganoon katutol kay Michella para sa'yo kasi hindi ka naman kagaya ng ibang mga lalake dyan," sabi pa niya sabay tapik sa balikat ko at saka siya sumakay sa sasakyan. Bakit naman niya nasabi 'yon?
Kagaya lang din naman nila Henry si Christopher. Bukod sa pagiging anak ng isang Detective, isang normal na estudyante lamang siya. May balingkinitang katawan pero hindi siya ganung katangkaran. May pagkafeminine din ang katawan niya kaya minsan naasar siya ng tropa. Wala na rin akong ibang alam tungkol sa kanya.
Sumakay na rin ako ng sasakyan at kagaya ng inaasahan ko, kay Shaina nila ako itinabi. Pero ang kakaiba lang ngayon ay ang pagiging tahimik at walang imik nito. Kung normal na araw siguro ngayon ay baka kumapit na siya sa braso ko at wagas niya akong ngingitian pero hindi. Tahimik lamang siya habang nakatitig sa kanyang mga kamay na nakalapat sa kanyang hita.
Si Shaina ay masigla at maraming arte sa katawan. Malayong malayo sa inaasta niya ngayon. Bukod sa pagiging anak ng nag mamay ari ng isang sikat na coffee shop malapit sa eskwelahan ay isa rin siyang part time model sa isang teen magazine.
Nabaling ang atensyon ko kay Jaypee na nakaupo sa tabi ng bintana at sa kanan naman niya si Shaina. Wala akong alam sa pamilya niya. Siya ang ace player ng school basketball team at ilang babae na rin ang pinaiyak at pinaasa niya. Malaki ang kanyang pangangatawan at hindi maikakaila kung bakit habulin siya ng mga babae.
"Are we going home already?" Pagtatanong ni Mitzi na nakaupo rin malapit sa bintana habang katabi ang best friend niyang si Geraldine. Wala naman akong basehan sa pagiging malapit nilang dalawa kung hindi ang palagi silang magkasama.
Kagaya rin ni Shaina, maraming arte sa katawan si Mitzi. May pagkawar freak lang talaga siya at parang kahit sino ay hindi niya uurungan. Walang may lakas na loob na kalabanin siya dahil siya lang naman ang nag iisang anak ng Mayor. Hindi ko rin alam kung bakit parang mainit ang dugo niya kay Shaina.
"Let's grab some snacks bago tayo umuwi. Nagugutom na rin ako," sagot naman ni Geraldine. She's a bookworm base na rin sa pagkaka obserba ko sa kanya. Siya rin ang laging panlaban ng school pagdating sa mga academics or quiz bees. At kahit kailan ay hindi ko nabalitaan na natalo siya. Anak rin siya ng may ari ng isang sikat na amusement park. Yun lagi ang treat niya sa amin tuwing birthday niya.
"Mag pizza na lang tayo," suhestyon naman ni Henry na siyang nagdadrive ng sasakyan namin. Ang magulang niya ay parehong sikat na surgeon at palagi kong naririnig sa kanya ang pagrereklamo ng mga magulang niya tungkol sa mga mababang grade niya.
"I prefer cheese burgers and fries," reklamo naman ni Gio, ang anak ng school principal. Nakaupo naman siya sa tabi ni Geraldine. Wala akong alam sa kanya bukod sa pagiging Mama's boy niya.
"Edi magpadeliver na lang tayo tapos tambay tayo kila Henry," sigaw ni Edwardo dahilan para mairita ang tenga naming lahat. Nakaupo siya sa passenger's seat kaya nag effort pa siyang mag head turn sa amin. Anak siya ng may ari ng pawnshop sa lugar namin pero hindi ko masasabing kasing yaman siya nila Henry pero may kaya rin naman ang pamilya niya. Sa lahat sa amin, siya ang pinakapilyo, maingay at maloko. Ni hindi mo siya makikitang malungkot o galit.
Ako? Simpleng pamilya lang ang meroon ako. Ang Papa ko ay nagtatrabaho sa isang maliit na kumpanya. Si Mama naman ay masipag na nagbebenta ng mga kakanin sa palengke para pangdagdag sa tuition ko. Ang ate ko naman ay maagang nag asawa at doon na siya nakatira sa bahay ng asawa niya kasama ang nag iisang anak nila na si Tommy. Hindi ko maipaliwanag kung anong ugali meroon ako dahil masasabi kong hindi ko pa makita kung ano ang halaga ko sa mundong 'to.
Kahit anong tingin ko sa kanila ay wala akong makita kung sino sa kanila ang may kakayahang gumawa noon kay Veronica. Lahat sila ay may mga inosenteng mukha at pawang hindi makakagawa ng isang karumal dumal na krimen.
"I can't eat with a criminal," madiin na sabi ni Mitzi. Kahit hindi niya tukuyin o tignan kung sino ang tinutukoy niya ay alam naming lahat na si Shaina 'yon.
Napahigpit ang hawak ni Shaina sa suot suot niyang white floral dress. At mukhang malapit na rin siyang maiyak. Hindi ako magaling sa pagkocomfort kaya hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin hanggang sa hawakan ni Jaypee ang kamay ni Shaina dahilan para magkatinginan sila. Teka, anong meroon?
"Stop blaming anybody, Mitzi. Lahat tayo ay hindi ginusto ang nangyari," sita sa kanya ni Gio.
"I'm not blaming ANYBODY. I'm blaming her!" Halos tumayo na si Mitzi dahil dinuro duro na niya si Shaina na nasa likuran lang niya. Dito na nagsimulang humagulgol si Shaina. "She killed Veronica!"
"Florentine!" Pagsigaw ni Geraldine dahilan para matahimik kaming lahat. Ito na ata ang pinakaunang pagkakataon na sumigaw siya nang ganoong kalakas. Walang ibang nagawa si Mitzi kung hindi ang mapaayos ng upo.
"Girls will always be girls," saad ni Edwardo.
"And boy will always be boys," ganti naman ni Geraldine. Mukhang wala talaga siya sa mood.
"Neil," pagtawag ni Christopher na nasa tabi ni Gio. "Playing safe, bro?" Tanong pa niya na ipinagtaka ko. Anong ibig niyang sabihin? Playing safe? Dahil ba sa mas pinipili kong hindi magsalita?
"Uy, bro. Parang hindi ka naman nasanay kay Neil. Matagal na 'yang ganyan," komento naman ni Edwardo. "Magpapaparty talaga ako kapag napagsalita mo 'yan ng higit sa dalawang minuto."
"Tama na. Kakalibing lang ni Veron kaya umayos kayo. Mas mabuti pa sigurong magsiuwi na lang muna tayo," suhestyon ni Jaypee at wala namang nagreklamo sa amin.
Pagkauwi ko ay napagpasyahan kong matulog muna. Ilang sandali pa ay naalimpungatan ako dahil sa pagtunog ng cellphone ko na nasa kalapit na pwesto lamang. Kaagad ko itong tinignan at isang unknown number ang nakita ko.
Si Michaella 'to. Walang nakitang fingerprint sa boteng pinaghinalaan natin.
Nagising ang diwa ko dahil sa nabasa ko. Sino nga ba namang tanga ang mag iiwan ng bakas niya sa isang bagay na maaring gawing ebidensya at pruweba laban sa kanya?
Muli akong nakatanggap ng isang text mula kay Michaella.
Magkita tayo. Same place and time.
Tumingin ako sa alarm clock ko at mag aala syete pa lang ng gabi. Minabuti ko na munang kumain ng hapunan kasama ang mga magulang ko.
"Kamusta ang libing? Hindi mo pa rin nakekwento kung ano ang ikinamatay ng kaklase mo," usisa ni Papa habang kumakain kami.
Hindi ko alam kung dapat ko bang sabihin sa kanila na sa mismong paaralan kung saan nila ako ipinagkatiwala ay pinatay ng kung sino man ang kaibigan ko. Malaki ang posibilidad na magdalawang isip na naman sila at ilipat nila ako ng eskwelahan.
"Maayos naman po siyang inilibing. Pinatay siya ng hindi pa kilalang tao. Pauwi na ata siya noon at inabangan siya," matipid kong sagot. Sana naman ay hindi na sila magtanong pa. Sa kanila pa naman ako hirap na hirap magsinungaling.
"Delikado na talaga ngayon. Kawawang bata," komento pa ni Mama sabay kuha ulit ng ulam.
Hindi na ko muling nagsalita pa. Tinapos ko na lang ang pagkain ko at nagpaalam na rin ako sa kanila na aakyat na ko sa kwarto ko. Muli akong tumingin sa alarm clock ko. May isang oras pa ko para hintayin na makatulog sila Mama.
Kinuha ko ang maliit na kwaderno sa bag ko kung saan ko isinusulat ang mga nalalaman ko. Kung totoo ngang walang nakuhang fingerprint sa boteng 'yon, wala nang ibang paraan pa kung hindi ang mag imbistiga at magtanong tanong sa mga taong nakakita sa bangkay niya.
Bukod sa babaeng nakadiskubre sa katawan ni Veron, natatandaan ko pa ang mga mukha ng ibang estudyante na nakiusosyo sa insidente. Mahihirapan nga lang akong hagilapin silang lahat.
Sa sobrang pag iisip ko ay hindi ko namalayan na alas dyis na pala ng gabi. Mabilis kong kinuha ang jacket ko sa likod ng pinto at tahimik akong lumabas ng kwarto ko. Pinakiramdaman ko kung tulog na sila Mama tsaka ako maingat na lumabas ng bahay.
Malamig na simoy ng hangin ang sumalubong sa akin. Pagdating sa kanto kung saan ko laging nakakasalubong ang itim na aso ay otomatiko akong napahinto. Hinihintay ko 'tong lumabas mula sa sulok ng mga basura pero ilang segundo na ang lumipas ay wala pa rin akong nakikitang aso.
Napagpasyahan kong sumilip. Dahan dahan akong naglakad palapit sa kanto. Bumuntong hininga muna ako bago ako tuluyang sumilip. Halos manlaki ang mga mata ko dahil sa nakikita ko. Ang aso ay kasalukuyang kinakain ang isang walang buhay na pusa. Napapitlag ako nang biglang tumunog ang cellphone ko at nakuha ng atensyon ko ang isang anino na gumalaw sa tabi ng aso.
Mabilis akong tumakbo palayo sa lugar na 'yon. Hindi ko alam kung bakit takot na takot ako na makita ng kung sino mang kasama ng aso na 'yon. Hindi ako pwedeng magkamali. May ibang kasama ang aso na iyon.
Hingal na hingal akong dumating sa convenience store. Madali kong siyang hinanap sa kanyang dating pwesto at nandoon nga siya. Malamig lang siyang nakatitig sa labas ng tindahan habang nakikinig mula sa suot suot niyang earphone. Umupo ako sa tapat niya na nakaagaw ng kanyang atensyon.
"Wala na tayong ibang pagpipilian kung hindi ang magtanong tanong," pag uumpisa ko.
Tinanggal niya ang suot suot niyang earphone. "Hindi ka ba muna kukuha ng pagkain mo?" tanong niya na ipinagtaka ko.
"Sa tuwing nagkikita tayo dito ay kumakain ka ng instant noodles," paliwanag niya.
Dahil nakaramdam na rin naman ako ng gutom ay tumayo muna ko at lumapit sa corner ng mga instant noodles. Nagbabayad na ko sa cashier nang biglang tumunog ang cellphone ko. Nang tignan ko 'to ay isang text message mula kay Geraldine ang natanggap ko.
Nabasa ko pa lang ang pangalan niya sa screen ng phone ko ay malaki na ang pagtataka ko. Hindi naman kasi siya nagtetext kagaya nila Edwardo na mangungulit at mangangamusta. Kahit kailan nga ay hindi ko siya nakikita o napapansin na humihingi ng tulong mula sa ibang tao. Isa lang ang ibig sabihin kapag nareceive mo ang text niya, wala na siyang ibang choice.
Matapos kong bayaran ang binili ko, lumapit ako sa may termos at nilagyan ito ng mainit na tubig. Habang hinihintay na maluto, binasa ko ang text message ni Geraldine.
Someone will die again, soon. Alert yourself and her.
and her... Anong alam niya? At ano ang gusto niyang sabihin?
Bumalik na ako kay Michaella dala ang mainit na instant noodles. Tahimik kong sinimulan ang pagkain ko habang siya ay malamig na nakatingin sa'kin.
"Sino 'yung nagtext sa'yo?" Usisa niya na ikinatigil ko. Tinignan ko siya at hindi nagbabago ang ekspresyon ng mukha niya. "I mean, may bago ka na bang nalalaman? You took time bago ka nakapagbayad."
"Sa tingin ko may alam ang kaibigan ko tungkol sa mga nangyayari," sagot ko at muli akong kumain.
"Kaibigan? May kaibigan ka pala."
Tinignan ko siya ng masama. "Anong ibig mong sabihin?"
Tumingin siya sa labas ng convenience store. "Base sa pag oobserba ko sa inyo, hindi ko masabing may kaibigan ka kahit na isa sa kanila."
Parang biglang nanuyo ang lalamunan ko. Hindi ko maitatanggi ang mga sinabi niya. Lagi nga kaming magkakasama pero hindi ko makita kung nasaan doon ang sinasabi nilang pagkakaibigan.
"Sa panahon ngayon, wala ka dapat pinagkakatiwalaan. Kahit ako, kahit ang mga sinasabi mong kaibigan. Maari mo kaming pakinggan pero nasa sa'yo kung maniniwala ka sa mga sinasabi, nalalaman at nakikita mo," dagdag pa niya.
Huminga ako nang malalim. "Someone will die, soon."

Book Comment (30)

  • avatar
    Jocelyn Ramirez

    magad at masaya sya

    18/07

      0
  • avatar
    DagamiCharlene

    2024 na Wala pa po Yung next chapter?

    31/03

      0
  • avatar
    Chariza Caduhada

    next pls

    05/11

      1
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters