logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 4 The Actress' Daughter

Hindi nga ako nagkakamali. Si Veronica ang babaeng nakahandusay sa sahig at naliligo sa sarili niyang dugo. Suot suot pa rin niya ang kanyang uniform at mukhang basang basa siya base na rin sa naghalong dugo at tubig sa sahig.
"Miss, anong nangyari?" Usisa ko sa babaeng tuloy tuloy pa rin sa pag iyak.
"I was about to get my things tapos napansin kong basang basa ang sahig. Mukha kakong galing sa dulo na locker kaya binuksan ko. Pagbukas ko, ya-yan na ang nakita ko," nanginginig niyang paliwanag.
Muli kong tinignan ang katawan ni Veronica at ang kalapit na paligid nito. Mukhang kalalagay lang ng bangkay niya dito. Sinipat ko ang leeg niya at mainit pa siya pero wala na siyang pulso.
"Wala bang nakapansin sa inyo kung sino ang may kagagawan nito?" Tanong ko sa lahat ng taong nandoon pero nagtinginan lamang sila. Imposibleng walang nakakita dahil public area ito lalo na sana mga babae.
"Oh my God! Veronica!" Mabilis na humagugol si Geraldine nang dumating siya kasama ang buong barkada.
"Neil! Anong nangyari kay Veron?" Usisa ni Mitzi habang inaalo si Geraldine.
"Natagpuan siya ng isang estudyante sa locker room. Someone killed her," malungkot kong sagot.
"Pare, sino naman ang gagawa ng ganyang kabrutalan sa kanya?" Tanong naman ni Gio habang nakatingin sa bangkay ni Veronica.
"Hindi ko alam," sagot ko.
"W-wala siyang dila!" Sigaw naman ni Edwardo dahilan para muling magpanic ang lahat.
Walang dila? Kaagad ko itong tinignan at tama nga si Edwardo. Pinutol ang dila ni Veronica. Mulat ang kanyang mga mata at may marka siya sa leeg tanda na sinakal siya gamit ang isang bagay.
"Sino ba ang may kakayahang gumawa niyan sa kanya?" Tanong ni Christopher habang nakatingin din sa bangkay.
"Sino pa ba? Sino ba ang may malaking galit sa kanya?" Seryosong sabi ni Mitzi sabay tingin kay Shaina.
Lahat ay natahimik at nakatuon ang pansin kay Shaina na ngayon ay nanginginig at nanlalaki ang mga mata. Ilang sandali lang at marami na ang luhang tumutulo mula sa mata niya.
"Oo. Diba, muntik pa niyang saksakin ng tinidor si Veronica?" Sabi namang ng isang babae mula sa mga nakikiusosyo.
"Ay oo. Nakita ko rin siya. Gigil na gigil siya habang hawak yung tinidor," dagdag pa ng iba.
"Hi-hindi. Hindi ako. Hindi ako ang pumatay sa kanya," sabi ni Shaina sabay takip sa tenga niya.
"Umamin ka na, Shaina. Ikaw lang naman 'tong galit na galit sa kanya, diba? Kung hindi ikaw, sino pa ba ang gagawa sa kanya nito?" Pagdidiin pa ni Mitzi.
"Tama na nga 'yan. Hindi magagawa ni Shaina 'yon," pagpigil sa kanila ni Jaypee. Namumutla siya at hindi inaalis ang tingin sa katawan ni Veron.
"Walang mangyayari kung magsisisihan tayo. Ipaubaya na lang natin sa mga pulis ang pag iimbistiga," sabi naman ni Henry.
"Wala, wala akong ginawa. Nagkakamali kayo," patuloy na bulong ni Shaina pero wala pa ring tigil si Mitzi sa paninisi sa kanya. "I hate her. I... didn't kill her!" Mabilis siyang tumakbo palayo sa amin.
"Shaina!" Pagtawag sa kanya ni Christopher at kaagad niya itong hinabol.
"See? Guilty siya," wika pa ni Mitzi habang nakakunot ang magkabilang kilay nito.
"Kung ako man si Shaina, tatakbo rin ako palayo sa'yo sa sobrang paninisi mo," saad naman ni Edwardo. Hindi ako sanay kapag ganito ang aura niya. Seryoso siya ngayon habang nakamasid sa bangkay ni Veronica.
Ngayon ko lang napagtanto na hindi pa pala matibay ang pagkakaibigan namin kahit mag aapat na taon na kaming magkakasama. Parang puro kaplastikan at kasinungalingan lang ang bumubuo sa pagkakaibigan namin.
Gusto ko pa sanang pag aralan ang katawan ng kaibigan namin at ang lugar ng pinangyarihan pero dumating na ang mga pulis at ilang school administrator para kontrolin ang lahat. Wala kaming ibang nagawa kung hindi ang bumalik sa kaniya kaniya naming classroom.
Naabutan ko lamang si Michaella na gumuguhit sa sketchbook niya at nang silipin ko ito ay ang walang buhay na katawan ni Veronica ang kanyang iginuguhit. Teka, nandoon ba siya?
"What? I was there pero saglit lang ako," paliwanag niya. Napansin niya siguro na nagulat ako dahil sa drawing niya. Ganoon na ba kalalim ang pag iisip ko kanina kaya hindi ko siya napansin? At paano niya natandaan ang bawat detalye ng katawan ni Veronica kung sasaglit lang siya sa pinangyarihan?
"I have a photographic memory," wika niya na parang nabasa niya kung ano ang iniisip ko. "Don't be stupid. Halata sa mukha mo kung ano ang iniisip mo. Masyado kang transparent," dagdag pa niya tsaka siya bumalik sa pagguguhit.
"Woah. Yun na ata ang pinakamahabang narinig ko mula sa'yo, weirdo," pang aasar pa ni Edwardo nang maupo siya sa harap ko. Mukhang bumalik na ang kasiglahan niya.
Nakita kong malamig lang siyang tinignan ni Michaella at kaagad din itong bumalik sa pagguguhit.
"Pare, hindi ko talaga gets kung anong nagustuhan mo dyan," sabi pa ni Edwardo. Pumunit ako sa notebook ko ng isang piraso ng papel. Nilamukos ko ito at tsaka ko pinatama sa mukha niya.
"Ouch. It hurts," pag arte pa niya tsaka siya lumapit kila Henry.
Ibinaling ko ang tingin ko kay Geraldine na patuloy pa rin sa pag iyak. Inaalo pa rin siya ni Mitzi na parang naiinis na rin sa sobrang pag iyak ng kaibigan. Si Henry naman ay seryosong nakikipag usap sa isa pa naming kaklase kasama si Edwardo. Mukhang ang pagkamatay ni Veronica ang pinag uusapan nila. Hindi lang pala sila, kung hindi buong eskwelahan ang nag uusap usap tungkol dito.
Muli akong napaisip. Paano naging basang basa si Veronica kung wala namang ano mang water source sa locker area? Malayo rin mula doon ang comfort rooms at pool area. Paanong nangyaring basang basa pa rin ito at wala man lang bakas ng tubig sa corridor o saan mang pwedeng pagpasukan ng bangkay niya?
"Hey," napatingin ako sa katabi ko nang marinig ko siyang nagsalita. "Sino si Veronica Romualdez?"
"Bakit mo naman natanong?" Pagtataka ko.
"Sagutin mo na lang," pagtataray pa niya habang patuloy siya sa pagguguhit.
"Isa sa pinakakilalang estudyante dito. Anak siya ng isang kilalang artista," panimula ko at bigla rin akong natigilan dahil wala na kong maisip na pwede pang sabihin.
"What now? Wala ka nang masabi tungkol sa kanya?"
Tumango ako dahil wala na talaga akong maisip na pwedeng sabihin tungkol kay Veronica. Gusto kong matawa dahil ilang taon na kaming magkakasama pero wala akong alam tungkol sa namatay kong kaibigan. Hindi naman kasi siya palakwento at madaldal. Pili lang din ang mga sinasabi nito. Hindi kagaya nila Mitzi at Shaina. Sa tutuusin ay mas madaldal pa sila Edwardo sa kanya.
"Hindi natin matatapos ang kasong 'to kung wala tayong kaalam alam sa kanya," sabi pa ni Michaella. Interesado din pala siya sa kasong 'to. Tama siya. Malaki ang posibilidad na malaman namin ang totoong nangyari kapag nagkaroon kami ng sapat na impormasyon tungkol sa pagkatao ni Veronica pero naalala ko ang sinabi ni manong na may ari ng hardware. Dapat ko pa bang pagkatiwalaan si Michaella?
"Lutang ka na naman. Iniisip mo ba kung ano pa ang alam mo tungkol sa kaibigan mo?" Tanong niya na ikinabalik ko sa realidad.
"Wala na talaga akong maisip," palusot ko. Hindi siya dapat magkaroon ng ideya tungkol sa nalaman ko.
"Pagkaalis ni Mrs. Valderama sa tindahan ko, napansin kong may nakasunod sa kanya. Hindi ko malaman kung babae ba o lalake pero isa lang ang sigurado ako, nakaitim siya na jacket na kagayang kagaya ng suot ng kasama mo."
Anong ginagawa niya sa lugar na 'yon? Siya nga ba talaga ang nakita ni manong o kamukha niya lang? Pero wala akong sapat na ebidensya para masabing totoo ang sinabi ni manong. Ganoon pa man, kailangan ko pa ring mag ingat.
Pero sino nga ba ang gagawa noon kay Veronica? Sa loob ng halos apat na taon naming pagkakaibigan ay parang wala akong kilala na may malalim na galit sa kanya maliban na lang kay Shaina. Baka dahil sa sobrang galit nito sa kanya ay nagawa nito siyang patayin sa ganoong paraan. Lalo na't tinanggal ang dila niya na parang ang pahiwatig ay ang katahimikan nito.
Bago muling magsimula ang klase ay pinaalalahanan ang lahat na huwag mabahala sa nangyaring insidente. At hiniling ng admin ng eskwelahan na sana ay hindi na makarating sa iba ang nangyari. Mukhang isinasara nila sa publiko ang mga nangyayari sa paaralang ito.
Natapos ang buong araw nang wala pa ring nakakaalam kung sino ang gumawa ng ganoong kabrutal kay Veronica. Kahit ang mga pulis ay napilitang ipagpabukas na lamang ang pag iimbistiga.
Kagaya ng dati, umuwi lamang ko at nagpalipas ng oras. Pagpatak ng alas dyis ay tahimik na naman akong lumabas ng bahay namin. Paglabas ko ng tarangkahan ay bumungad sa akin si Michaella. Suot suot pa rin ang kanyang itim na jacket.
"Anong ginagawa mo dito?" Malamig lang na tingin ang ipinukaw niya sa akin kaya nauna na akong nagtanong.
"Alam ko ang binabalak mo. Pupunta ka ng school, diba?" Diretsahan niyang sagot.
Luminga linga ako sa paligid at tinignan ko ang bahay. Mahirap na baka may nakarinig pa sa sinabi niya. "Tapos? Bakit ka nandito? Gabing gabi na. Tsaka paano mo nalaman kung nasaan ang bahay ko?"
"Pinagtanong ko. Sasama ako sayo sa school. Gusto ko ring imbistigahan ang nangyari sa kaibigan ninyo. Mukhang ayaw mo kasing makipagtulungan sakin," sagot niya na ikinagulat ko. Ang ibig ba niyang sabihin ay nahalata niya ako na ayokong sabihin sa kanya ang lahat?
Kinuha ko na ang bisikleta ko at agad din akong sumakay. "Angkas na," sabi ko pa na kaagad niya rin namang ginawa.
Tahimik lamang kami habang tinatahak namin ang daan papunta sa school. Pagdating namin doon ay sa dating daan kung saan kami huling dumaan kami pumasok. Maingat kaming pumunta sa main building.
Kung iisipin, kung si Michaella nga ang may pakana ng lahat ng insidenteng ito, bakit pa siya magpapakahirap at magsasayang ng oras para lang pumunta dito sa school at mag imbistiga? O posible din naman na nagkukunwari lang siya at isa lamang itong paraan nya para hindi namin siya paghinalaan.
Nagbalik lamang ako sa realidad nang mabunggo ako dahil biglang huminto si Michaella na siyang nasa harap ko.
"Bakit ba bigla bigla ka na lang humihinto?" Iritable kong tanong.
Tinignan nya ko gamit ang malalamig at walang emosyon nyang mga mata. "Hindi ko alam kung anong kinalulutang mo dyan pero muntik na tayong mahuli ng guard. Mabuti na lang at alerto ako," sabi pa niya na parang ang dating sakin ay maging alerto naman ako kung ayaw kong mahuli kami.
Nagpatuloy kami sa paglalakad hanggang sa makarating kami sa Girl's Locker Room. Kagaya ng inaasahan ay may nakalagay dito na POLICE LINE DO NOT CROSS. Wala na rin doon ang bangkay ni Veronica pero ginuhitan ng mga pulis ang lugar kung saan ito nakita.
"Sino sa tingin mo ang kayang gumawa nito sa kanya?" Pagtatanong ni Michaella habang nakatingin sa ginuhit ng mga pulis.
"Bukod kay Shaina, wala na akong ibang kilala na posibleng gumawa nito sa kanya. Wala akong mapagbasehan dahil hindi naman siya palakwento," sagot ko.
Naglibot ako sa locker area. Paano kaya ang ginawa ng salarin para maperpekto ang ganitong krimen? Wala akong maisip na insidente na pwede niyang gamitin para madala niya dito ang bangkay ni Veronica nang wala man lang nakakakita.
Tumingin ako sa bintana at puro halaman at basketball court lang naman ang katapat ng locker area na 'to. Mas lalo akong pinapahanga ng killer. Wala man lang akong maisip na butas. Kung sana nandito pa ang bangkay ni Veron, marahil may makita akong flaws.
"Dito siya pinatay." Napalingon ako kay Michaella nang bigla siyang magsalita. Hawak niya ang pinto ng locker kung saan inilagay ang bangkay na para bang hindi siya natatakot na maiwan ang finger prints niya dito.
"Anong sinabi mo?" Paninigurado ko.
"Dito pinatay ang kaibigan niyo."
"Paano mo nasabing dito siya pinatay?" Tinignan ko ang locker na tinitignan niya. Bakit wala akong makitang kahit anong clue?
"Veronica, right?"
Tumango ako. May nalaman na kaagad siya?
"Swimmer si Veronica. Kagagaling lang niya sa training the same morning bago siya pinatay," sabi niya sabay lapit sa isa pang locker sa kabilang aisle. Nakalagay sa pinto ng locker ang pangalan ng kaibigan ko.
"Swimmer?" Hindi ko alam 'yon. Sabagay, hindi nga talaga siya nagkekwento. "Paano mo nalaman 'yon?"
"Nag isip ako ng iba pang posibilidad para mabasa siya bukod sa binuhusan siya ng tubig. Tinignan ko ang list ng mga athlete ng school at nandoon nga ang pangalan niya." Bubuksan na sana niya ulit ang locker pero kaagad kong hinablot ang kamay niya. "Ano ba?"
Kinuha ko ang panyo mula sa pants ko at inilagay ko 'to sa kamay niya. "Mag iingat ka sa paghawak ng kung ano ano kapag nasa crime scene ka. Pwede ka nilang mapagbintangan kapag nakita nila na may finger prints ka dito." Malamig na tingin lamang ang ipinukaw niya sa'kin at tuluyan na niyang binuksan ang locker ni Veron.
"See?" Sabi pa niya nang ipakita niya sa'kin ang laman ng locker.
Tinignan ko ang laman ng locker. Isang malaking bag, isang kahon na may laman na personal hygiene, nakasabit na twalya at isang nakatiklop na swimsuit. Tama nga si Michaella.
"Pagkatapos niyang maligo ay kaagad siyang dumiretso dito. Hindi na siya nakapagpatuyo pa ng buhok niya dahil sa hindi ko siguradong dahilan. Una, marahil ay nagmamadali siya dahil baka abutan siya ng oras ng klase o pangalawa, dumating na ang killer at doon na nangyari ang insidente," paliwanag niya at dahil sa sinabi niyang 'to ay may napagtanto ako.
Lumakad ako papunta sa locker na pinaglagyan ng bangkay. "May nangyari pang pagtatalo bago siya mamatay."
"Sinubukan niyang takasan ang killer kaso naabutan siya. Kaagad siyang sinakal nito gamit ang kung ano mang bagay at nang mawalan siya ng malay, saka siya nito pinagpapalo sa ulo. Paniguradong may dalang bagay ang killer na pamalo sa kanya."
"At doon na rin siya tinanggalan ng dila?" Dagdag ko pa. "Pero paano nangyaring basang basa ang buong katawan niya?"
Muli niyang tinitigan ang locker pati na rin ang paligid. "Marahil ginawa 'yon ng killer para guluhin tayo. Base sa pagkaka obserba ko sa bangkay, ang buhok at ang damit lamang niya ang binasa. Sapat na tubig lamang ang ibinuhos niya sa katawan nito para masabing basa siya. Binuhusan niya ang kaibigan niyo sa loob ng locker," sabay tingin niya sa loob ng locker at doon kami nakakita ng isang bote na pang isang litro.
Nag iwan ang killer ng isang malaking pagkakamali. "Nasa boteng 'yan ang ebidensya at makapagtuturo kung sino ang killer."
"Sana nga," sabi niya at naglakad na siya palabas ng locker area.
"Saan ka pupunta?" Tanong ko na ikinatigil niya.
"Uuwi na. Wala ka pa bang balak umuwi?" Sagot niya at maingat siyang umakbang sa nakaharang sa pinto.
Kaagad na rin akong sumunod sa kanya. "Tapos na ba tayo dito? Hindi pa natin alam kung sino ang killer."
Muli siyang tumigil sa paglalakad. "Wala naman tayong paraan para malaman kung sino ang killer. Wala tayong device para madetect kung kaninong finger prints ang nasa bote."
"Edi sabihin natin sa mga pulis kung ano ang mga nalaman natin." Nagpatuloy na kami sa paglalakad.
"Nag iisip ka ba talaga? Sige, sabihin mo. Para malaman din nila na nagtrespass tayo dito at nangialam tayo sa kasong 'to," sita naman niya sa'kin dahilan para manahimik ako. Wala talaga akong laban sa kanya.
Tahimik kaming nakabalik sa daan kung saan kami pumasok kanina. Paghawi ni Michaella ng harang ay nakita namin ang itim na aso na pareho naming madalas makita. Nakaupo siya at nakaharap sa amin na para bang inaabangan niya kami. Kagaya ng dati ay may tumutulo na namang dugo mula sa bibig niya.
Anong ginagawa niya rito?
At bakit sa tuwing kasama ko si Michaella, lagi siyang nagpapakita?

Book Comment (30)

  • avatar
    Jocelyn Ramirez

    magad at masaya sya

    18/07

      0
  • avatar
    DagamiCharlene

    2024 na Wala pa po Yung next chapter?

    31/03

      0
  • avatar
    Chariza Caduhada

    next pls

    05/11

      1
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters