logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 2 Finding Answers with Her

Nang dumating ang mga pulis at ilang mga teachers ay pinapunta nila kaming lahat sa audio visual room para doon muna magstay habang iniimbistigahan pa ang nagyaring pagpapakamatay ni Mrs. Valderama.
Habang naglalakad kami papunta sa AVR ay hindi ko mapigilang mapaisip. May mali sa mga nangyari at sigurado akong hindi ito---
"Someone forced her to kill herself," napatingin ako sa babaeng sumabay sa paglalakad ko. At sigurado ako na siya na ang nagsalita.
"Paano mo nasabi?" Pagtatanong ko sa kanya pero imbis na sagutin niya ako ay ipinasak lamang niya sa tenga niya ang earphone niya at nanguna na siya sa paglalakad.
"Pre, mukhang nireject ka ng weirdo na 'yun ah," pang aasar pa ni Henry nang sabayan nila ako ni Edwardo.
"Kasi naman pre, pipili ka lang weird pa," dagdag pa ni Edwardo.
"Umayos nga kayo. Namatay na nga si Mrs. Valderama ganyan pa ang asta ninyo," asik ko naman sa kanila.
"Ang seryoso mo naman, pre. Ayaw mo no'n? Wala muna tayong math subject ng ilang araw?" Tuwang tuwa namang sabi ni Henry. Hindi ko na lamang sila pinansin at tuloy tuloy na lang akong naglakad papunta sa AVR.
Ang buong klase ay nandito sa loob ng AVR at isa isa kaming kinukuhanan ng statement. Nakita kong paupo na si Michaella dahil kakatapos lang siyang kausapin ni Inspector Martinez, ang Daddy ni Christopher.
Sigurado akong napansin din ni Michaella ang mga bagay na kanina pa tumatakbo sa isip ko. Simula sa kakaibang kilos ni Mrs. Valderama, sa lubid na ginamit niya at sa luhang nasa mata niya, lahat ng ito ay nagsasabi na hindi ginusto ni Ma'am na magpakamatay. Isa lang ang ibig sabihin nito, may nagtulak sa kanya na gawin ang bagay na 'yon.
Pagkatapos naming kunan ng statement ay kinausap kami ni Principal Sandres na magsi-uwi na muna. Marahil ay dahil marami sa amin ang natrauma at hindi kinaya ang mga nasaksihan kanina. Mas pinili ko na lang din na umuwi dahil kahit gustuhin ko man na bumalik sa crime scene ay hindi rin pwede dahil nakabantay pa doon ang mga pulis.
Nakatanggap ako ng text na pumunta sila Henry sa arcade sa mall at sumunod na lang daw ako kung gusto ko. Hindi ako mahilig sa mga ganoong bagay kaya umuwi na lamang ako.
Mukhang isinara ng eskwelahan ang tungkol sa nangyari dahil walang binalita sa news tungkol sa pagpapakamatay ni Mrs. Valderama. Sino naman kaya ang magtutulak sa kanya para putulin na ang sariling buhay?
Kinuha ko ang laptop ko at ipinatong ko ito sa kama. Mabilis akong nagbukas ng browser at sinearch ang malagim na pagkamatay ng pamilya ni Mrs. Valderama. Ibinalita ito noon at marami ang nagimbal at naawa dahil sa sinapit ni Ma'am.
Mukhang wala pa ring balita sa kung sino man ang halang ang kaluluwa na gumawa nito. Nakasaad sa article na nilooban ang pamilya habang mahimbing na silang natutulog sa iisang kwarto. Pinasok sila sa silid at walang habas na binaril ang asawa at anak niya. Habang physical injury lamang ang natamo ni Ma'am.
Bakit kaya hindi pinatay si Ma'am ng magnanakaw? At bakit tanging physical injury lamang ang natamo niya?
Nakaramdam ako ng gutom at tumingin ako sa alarm clock ko. Mag-aalas dyis na ng gabi. Kinuha ko ang jacket ko at ang pitaka't cellphone ko. Kagaya ng dati ay maingat akong lumabas ng bahay. Hindi ko na nagawa pang ikwento sa mga magulang ko ang nangyari dahil baka kung ano pa ang isipin nila. Baka ilipat na naman nila ako ng school kapag nagkataon.
Habang naglalakad ako ay nakita ko na naman ang aso kagabi. Napatigil siya sa harap ko at nakita ko ang dugong tumutulo mula sa bibig niya. Kaagad din itong umalis nang akmang lalapitan ko siya. Tinignan ko kung saan ito nanggaling at kagaya kagabi, isang patay na pusa na wakwak ang tyan ang nakita ko sa basurahan.
Kaninong aso ba iyon at kakaiba ata ang trip sa buhay?
Magkikibit balikat na sana ako nang makita ko ang anino na pinuntahan ng aso. Kaagad din itong nawala nang mawala na rin ang aso. Yun ang totoong weird.
Pagdating ko sa convenience store ay naabutan ko si Michaella sa kaparehong lugar at may iginiguhit siya. Hindi ko na muna siya nilapitan at bumili muna ako ng makakain ko.
"Pwedeng makishare?" Tanong ko sa kanya nang lapitan ko siya.
Tinignan niya lang ako ng ilang segundo at nilibot niya ang paningin niya sa buong convenience store.
"Ang dami pang bakanteng upuan," matipid niyang sagot at ipinagpatuloy niya ang kanyang ginagawa.
Natigilan ako nang makita ko ang iginuguhit niya. Si Mrs. Valderama habang nakasabit sa lubid. Gayang gaya niya ang mga nakita namin kanina at kahit maliit na detalye ay naiguhit niya.
Tumingin siya sa akin at kagaya kanina ay wala akong makitang kahit ano sa mga mata niya. Ang hirap niyang basahin.
Umupo ako sa bakanteng pwesto malapit sa kanya. Sinimulan ko na ang pagkain kasabay naman nito ang pagsusulat ko ng mga kakaibang bagay na napansin ko kanina. Ganito ako palagi. Mahilig akong mag imbistiga lalo na kung alam ko at sigurado akong may kahina hinala.
Sa sobrang pag iisip ko ay hindi ko na namalayan ang oras. Nabaling na lang ang atensyon ko nang tumayo na si Michaella. Binitbit niya ang mga dala niya at umalis na ng convenience store. Hindi ko alam kung ano ang nagtulak sakin para sundan siya.
Nag iiwan ako ng distansya sa pagitan namin para hindi siya makahalata. Hindi pa naman kami ganoong nakakalayo sa convenience store nang pumasok siya sa isang apartment building. Hinintay ko muna siyang makaakyat sa palapag na pupuntahan niya bago ko siya sinundan.
Hinintay ko muna siyang makaakyat sa palapag na pupuntahan niya bago ko siya sinundan
Isang lasing na lalaki ang nakasalubong ko. Kung ano ano ang ibinubulong niya at may hawak pa siyang isang bote ng alak.
"Ano ba namang klasing buhay 'to?!" Muling sigaw niya habang pababa ng hagdan.
Nagpatuloy ako sa paglalakad. Hinanap ko si Michaella pero isang nakabukas na pinto lamang ang nakita ko sa palapag na iyon. Dahan dahan ko itong nilapitan at mabilis rin akong nagtago nang makita ko kung sino ang nasa loob. Si Michaella, habang ginagamot ang mga sugat ng babaeng may edad na. Napansin ko rin ang gulo gulong bahay nila.
Dito kaya nanggaling ang lalaking lasing na iyon?
"Bakit kasi hindi kayo makinig sa'kin, Ma? Hindi naman pwedeng laging ganito. Lagi niya na lang tayong sinasaktan," narinig kong sabi ni Michaella.
"Hindi natin pwedeng iwan ang tatay mo, anak. Kailangan niya tayo," narinig ko namang sagot ng babae na siyang nanay pala ni Michaella.
"Kailangan? Hindi niya tayo kailangan! Ma naman! Lahat ng kinikita niyo sa pagtitinda winawaldas lang niya sa pagsusugal at alak! Bakit ba hindi niyo makita 'yon?" Base sa tono ng pananalita ni Michaella ay umiiyak na rin 'to, "ang malala pa dito, sinasaktan na niya tayo!"
"Mahal ko ang tatay mo—"
"Tama na, Ma! Ako na mismo ang nagmamakaawa sa inyo. Tama na po!" Napapitlag ako nang biglang tumakbo palabas ng apartment nila si Michaella. Panay naman ang iyak ng nanay niya.
Dapat ko ba siyang sundan?
The f, Neil. Lalake ka. Hindi mo dapat hinahayaang umiyak ang mga babae.
Sabi ko nga, diba? Eto na. Kaagad akong tumakbo para habulin siya at sa tapat na ng apartment building ko siya naabutan. Hinablot ko ang braso niya.
"I-ikaw? Anong ginagawa mo dito?" Pagtataka niya. Basang basa na ang magkabila niyang pisngi dahil sa pag-iyak. Tinanggal niya ang pagkakahawak ko sa kanya. "Sinundan mo ba ako?" Mabilis niyang pinunasan ang pisngi niya.
Hindi ko alam kung aaminin ko ba sa kanya na sinusundan ko siya o magsisinungaling na lang ako at sasabihin kong may pinuntahan akong kakilala ko dito?
Muli siyang lumakad palayo at ayoko naman siyang iwan sa ganoon sitwasyon.
"Huwag mo kong sundan," sabi niya at naririnig ko pa rin ang pag-iyak niya. Hindi ko siya sinunod at patuloy ko lang siyang sinundan.
Nakarating kami sa malapit na park. Ilang sandali rin kaming naging tahimik bago ko siya ulit narinig na magsalita.
"Bakit ba sinundan mo pa ko ha? Ano? Gusto mo ring malaman ang pagkatao ko? Para saan? Para kutyain ako?" Ngayon ko lang nabasa ang mga mata niya. Punong puno ito ng galit.
"Nagkakamali ka, Micha—"
"Alam mo, pare-pareho lang kayong lahat. Kaya pwede ba? Hangga't maari huwag mo na akong lalapitan. Huwag mo na akong kakausapin!" Naglakad na siya palayo.
"Sinasaktan ka ba ng Tatay mo?" Pahabol kong tanong dahilan para matigilan siya.
Muli niya akong tinignan. Hindi ko na naman mabasa ang mga mata niya. "Wala kang pakialam."
Napabuntong hininga na lang ako. Bakit ba napakakomplikado ng mga babae?
Iwinakli ko na lamang sa isipan ko si Michaella. May kailangan pa akong puntahan. Isinuot ko ang hoodie ng jacket ko at maingat akong naglakad papunta sa eskwelahan. Hindi ako makakatulog nito kapag hindi ko nahanap ang kailangan ko.
Sa likod ako ng eskwelahan dumaan. May malaking puno doon na inakyat ko para makatalon sa mataas na pader. Mabilis kong binagtas ang daan patungo sa main building. Sa pagkakaalam ko ay may tatlong guard ang nakashift ngayon para siguraduhing wala nang ibang tao sa eskwelahan. Tumingin ako sa relo ko at mag aalas-dose na ng gabi.
Inabot rin ako ng labing limang minuto bago ko marating ang classroom namin
Kagaya ng inaasahan ay may nakalagay na POLICE LINE DO NOT CROSS sa may pintuan ng classroom. Mabuti na lang at naiwanan nilang nakabukas ang pinto. Maingat akong umakbang sa mga ito.
Nilibot ko ang paningin ko sa paligid. Nandito pa rin ang lubid na ginamit ni Mrs. Valderama pati na rin ang kanyang bag. Halatang hindi ito ginalaw ng mga pulis. Siguro ay hindi pa rin tapos ang pag iimbistiga dito.
Kinuha ko ang plastic gloves na dala ko at maingat akong lumapit sa bag ni Ma'am. Sinuot ko ang gloves at kinalikot ko ang bag. Puro pampaganda, ballpen at dalawang notebook ang laman nito. Kinuha ko ang dalawang notebook at nagbabakasakali akong may makikita akong clue dito.
Sa unang notebook ay puro listahan lang ito ng mga bayarin at ilang mga dapat bilhin. Wala naman akong nakitang kahina hinala sa mga listahan kaya ang ikalawang kwaderno naman ang binuklat ko. Lesson Notebook pala ito at mukhang wala rin akong mapapala dito. Ibinalik ko sa dating pwesto ang mga gamit ni ma'am at muli kong nilibot ang paningin ko sa buong classroom.
Hinawakan ko ang lubid na ginamit ni Ma'am. Halatang bagong bago pa lang ito at tila kabibili lang. Muli kong naalala ang notebook niya na may listahan ng mga bayarin at bibilhin niya. Tinignan ko ulit ito at doon ko nakita ang listahan kung saan nakasama ang lubid. Base sa nakalagay na date ay noong isang linggo pa nakaplano ang pagbili nito dahil nakasama ito sa To-Buy list niya. Hinanap ko ang pahina kung saan dapat ay makikita ko na nakalista ang lubid at nabili na niya ito pero hindi ko ito makita. Isang resibo lamang ang nakita kong nakaipit dito. Sa Orlando Hardware galing ang resibo at tanging ang lubid lang na ito ang nakalista. Kanina lang din ito binili ni Mrs. Valderama.
Mas lalo akong naguluhan dahil sa mga nakukuha kong clue. Naghanap pa ako ng ibang mga bagay na makakatulong sa akin pero wala na akong makita.
"Wala dyan ang hinahanap mo."
Halos himatayin ako dahil sa gulat nang marinig ko na may nagsalita. Kaagad kong hinanap kung kanina ito galing at nakita ko si Michaella na nakatayo sa may pinto.
"Anong ginagawa mo dito?" Asik ko at inayos ko na ulit ang bag ni Mrs. Valderama.
"Sinundan kita," matipid niyang sagot. Parang kanina lang ay galit na galit siya sa akin dahil sa pagsunod ko sa kanya pero ngayon siya naman ang sumunod sa akin.
Maingat akong lumabas ng classroom at tahimik ko siyang tinignan. " Bakit mo ako sinundan?"
"Dahil alam kong pupunta ka rito para maghanap ng clues. Simula nang mangyari ang krimen ay lagi na lang malalim ang iniisip mo," paliwanag niya at naglakad na siya palayo.
Wait, paano niya nalamang laging malalim ang iniisip ko? Lagi ba niya kong tinitignan? At teka, akala ko ba ayaw niya na kong makausap?
"Huwag kang mag isip nang kakaiba. Lahat kayo ay inoobserbahan ko. At sa pagkaka obserba ko sa'yo, puno ng kyuryosidad ang katawan mo," sabi pa niya na parang nabasa ang nasa utak ko.
Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko dahil sa mga sinabi niya. Minamatyagan niya ang bawat isa sa amin? Bakit? Para saan? Parang kahit konting pagkakamali mo lang ay kayang kaya niyang malaman.
Sinundan ko lang siya hanggang sa makarating kami sa mataas na pader na dinaanan ko kanina. Akmang aakyat na sana ako nang mapansin kong matalim siyang nakatingin sa akin.
"May problema ba?" Imbis na pansinin niya ang tanong ko ay hinawi niya ang mga halaman na halos madikit na sa pader dahil sa kapal nito at haba. Bumungad sa amin ang isang daanan papunta sa kabilang bahagi ng pader. Muli niya akong tinignan at para bang sinasabing bakit ako nagpapakahirap na umakyat ng pader gayong may daan naman pala doon.
Lumusot kami sa daang itinuro niya at muli ko na namang sinundan si Michaella.
"Paano mo nalaman ang daang iyon? Mag-aapat na taon na ako doon pero hindi ko nalaman na may daan pala sa likod ng mga halaman na 'yon," usisa ko sa kanya.
"Aksidente ko 'yung nakita noong naglilibot ako sa school," matipid niyang sagot.
Bakit parang ang dami niyang itinatago sa'kin?
"Sasakay ka ba o hindi?" Nagulat na lang ako nang makita ko na siya na nakasakay sa isang taxi. Kailan pa siya nakapara?
"Saan tayo pupunta?" Kahit puno ng tanong ang isip ko ay sumakay na rin ako sa taxi.
"Sa lugar kung saan mo mahahanap ang mga sagot sa mga tanong mo," malamig niyang sagot habang nakatingin sa bintana ng sasakyan.
Hindi ko na lamang siya muling kinausap hanggang sa makarating kami sa tapat ng isang madilim na bahay. Hindi na ako nakatanggi nang bayaran niya ang pamasahe namin dahil kulang pala ang dala kong pera.
Hindi na ako nakatanggi nang bayaran niya ang pamasahe namin dahil kulang pala ang dala kong pera
Nilibot ko ang paningin ko sa bahay na nasa harapan ko. "Valderama Residence," pagbabasa ko sa karatulang nasa harap ng gate.
"Tama ka. Nasa harap tayo ng bahay ni Mrs. Valderama," sabi naman ni Michaella nang tumabi siya sa akin.
"Anong ginagawa natin dito? At paano mo nalaman ang bahay ni Ma'am?"
"Kagaya mo, kailangan ko rin ng sagot sa mga tanong ko." Walang pakundangan niyang itinulak ang gate na para bang welcome na welcome siya dito.
"Hoy, baka makasuhan tayo ng trespassing dito," sita ko sa kanya pero tuloy tuloy pa rin siya sa pagpasok. Langya, bakit ba ako sumama sa babaeng ito? Hindi ko naman siya pwedeng iwanan lang basta basta dito. Babae pa rin siya kahit ang tapang tapang niya.
Ginamit niya ang suot suot niyang hairpin para mabuksan ang pinto. Sinundan ko lamang siya at palibot libot lang siya sa buong bahay. Binubuksan niya ang bawat drawer na makikita niya. Mga bagay na pilit na tinitignan niya ng ilang segundo.
"Wala kang mahahanap na sagot kung papanoorin mo lang ako," sabi naman niya sa akin nang matigilan siya.
Tama. Kung nandito na lang din naman ako sa bahay ni Mrs. Valderama, kailangan ko na lamang sulitin ang oras na ito. Muli akong nag isip nang malalim. Kung ako si Mrs. Valderama, saan ko ilalagay ang mga bagay na nagtutulak sa akin para magpakamatay?
Umakyat ako sa ikalawang palapag at hinanap ko ang kwarto ni Ma'am. Sarado ang ilang kwarto. Dahil hindi naman ako marunong magkatikot ng doorknob kagaya ni Michaella ay hinayaan ko na lamang ito. Isang pinto lang ang naiwang nakabukas at siguradong ito na nga ang kwarto ni Ma'am.
Isa na lang siyang namumuhay dito kaya bakit nga naman niya hahayaan pang nakabukas ang mga bakanteng kwarto? Nilibot ko ang paningin ko sa buong silid. Mukhang bagong linis lang dito. Walang kalat at nakaayos ang lahat. Sana nga lang ay hindi nila inalis dito ang mga clue na hinahanap ko.
Sinuot ko ulit ang plastic gloves na dala ko at nagsimula na akong magbukas ng mga drawer doon. Inuna ko ang cabinet, sumunod naman ang sa may tukador. And last, ang bedside table. Sa pangalawang drawer ay nakakita ako ng isa pang kahon. Kinuha ko ito at binuksan. Bumungad sa akin ang ilang mga sulat. Kinuha ko ang isa at binasa iyon.
Nakapangalan ito kay Mrs. Valderama at ipinatutungkol ng sulat kung gaano siya kamahal ng asawa at anak niya. At sobrang nalulungkot sa kabilang buhay ang kanyang pamilya dahil wala siya doon. Nagpakilala ang sumulat na nakakausap nito ang kanyang pamilya. Siguro dala na rin ng depression at pangungulila ay napaniwala ng sumulat si Ma'am.
Marami pa akong binasa na sulat at paulit ulit lamang nitong binibihag ang ulo ni Mrs. Valderama. Isa lamang ang punto ng bawat sulat na ito. At ito ang pagsunod ni ma'am sa kanyang asawa at anak.
"Naunahan mo akong mahanap iyan," sabi ni Michaella nang pumasok siya sa kwarto.
"Bago ka maghanap, isipin mo muna, kung ikaw ang nasa sitawasyon ng nagtago, saan mo ito ilalagay?" payo ko sa kanya nang hindi inaalis ang tingin ko sa mga sulat.
"Bago ka rin maghanap ng sagot, mag umpisa ka sa puno't dulo ng lahat," pambawi naman niya. Muli siyang naglibot sa kwarto. Marahil ay naghahanap pa siya ng ibang clues.
Anong dahilan ng sumusulat na ito at gusto niya ring mamatay si Mrs. Valderama? At bakit kailangan pa na sa classroom ito magpakamatay?
"Kailangan na nating umalis. Bukas na lamang natin pag-usapan ang mga nakalap natin. It's getting late," pagyaya ni Michaella sa akin na hindi ko naman tinanggihan.
Maingat naming ibinalik ang lahat sa dating pwesto nito at dahil madaling araw na rin ay wala na kaming mahanap na masasakyan. Wala kaming choice kung hindi ang maglakad hanggang sa makahanap ng taxi.
Wala kaming choice kung hindi ang maglakad hanggang sa makahanap ng taxi
Pareho lamang kaming tahimik na naglalakad. Marahil ay pareho lang din kami ng iniisip. Napatigil lamang kami nang may humintong itim na aso sa hindi kalayuan sa amin.
Ang asong palagi kong nakikita...
Napansin ko ang reaksyon ni Michaella. Gulat at pagtataka ang nakita ko sa mga mata niya pero madali rin itong bumalik sa pagiging blangko.
"Micha—"
"Palagi kong nakikita ang asong 'yan," sabi niya pa at mabilis na tumakbo palayo ang aso.
"Ikaw rin? Saan? Nakikita mo rin ba siyang may dugo sa nguso niya?" Pagtatanong ko.
"Kailangan na nating umuwi. Hindi maganda ang pakiramdam ko dito," sabi niya pa na kaagad din naming ginawa.
Anong meroon sa asong iyon?

Book Comment (30)

  • avatar
    Jocelyn Ramirez

    magad at masaya sya

    18/07

      0
  • avatar
    DagamiCharlene

    2024 na Wala pa po Yung next chapter?

    31/03

      0
  • avatar
    Chariza Caduhada

    next pls

    05/11

      1
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters