logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 5- Danag (Act 3)

Naiiyak na lumapit sa akin si Quillia. Bakas pa rin sa kanyang mukha ang takot. Sino bang mag-aakala na ang paglabas mo sa gabi ang magiging mitsa pa ng kamatayan mo?
"Tulungan mo ako! Hindi ko ginustong mamatay! Dapat talaga nakinig na lang ako kay Calla!" ang sabi ni Quillia.
"Teka sino ba si Calla?" ang tanong ko.
Napatingin naman sa akin si Quillia. Lumingon-lingon ako sa paligid dahil baka mapagkamalan akong baliw at isiping bagong takas ako sa mental hospital.
"Ang mabuti pa ay bumalik tayo sa lumang building. Huwag kang mag-aalala ligtas ka sa amin. Isa kami sa nagsosolve ng kaso tungkol sa pagkamatay mo," ang sabi ko sa kanya.
Nakita ko ang ka-aliwalasan sa kanyang mukha at agad siyang lumapit sa akin.
"Talaga? Tutulungan mo ako?" ang tanong ni Quillia sa akin.
Tumungo naman ako. Napalingon naman ako sa aking likuran at nakita ko ang lalaking nakabunggo ko kanina. 
"Pasensya ka na. Nagulat ba kita?" ang tanong nito.
Nagtago naman sa likuran ko si Quillia. Alam kong may mali sa kinikilos nila. 
"Anong ginagawa mo dito?" ang tanong ko.
Lumapit ito sa akin at kinuha ang hibla ng aking buhok. Nakaramdam ako ng kilabot ng amuyin niya ito. 
"Sing tamis ng halimuyak ng bulaklak ng Dama de Noche. Sabihin mo, anong ginagawa mo dito?" ang tanong ko.
Gusto ko na lang masuka sa ugaling pinapakita ng manyak na ito. Sinipa ko ang kanyang kaligayahan. Mabaog sana ang hayop na ito. Nakita ko naman kung gaano namilipit sa sakit ang manyak na ito. Iniwan namin siya ni Quillia at saka bumalik kami ni Quillia sa lumang building kung saan iniwan ko yung dalawa. Napabusangot naman ako nang makita kong walang natira sa pagkain na dala ko.
"Saan ka ba nagpunta?" ang tanong ni Gray.
Nanlaki naman ang mata ni Arius nang makita niya si Quillia sa tabi ko.
"Hindi ba si Quillia yan? Anong ginagawa niya dito?" ang tanong ni Arius.
Napahalukipkip naman ako at saka umupo sa tabi nila. Inilabas ko naman ang isang baunan na na naglalaman ng pagkain. Akmang kukuha ang dalawa nang sinamaan ko sila ng tingin. Agad namang binawi nina Arius ang kanilang mga kamay. Agad kong iniabot ang isang thermos ng kape sa kanilang dalawa. Hindi naman mapakali si Quillia kaya naman nagsalita ito.
"Teka, paano niyo ako nakikita? At saka sino kayo? Bakit niyo ako kilala?" ang tanong ni Quillia.
Nagkatinginan naman kami nina Arius at Gray. Dahil sa totoo lang ay hindi ko alam ang isasagot. Tumingin naman ng seryoso si Arius at saka bumuntung hininga. Ayaw na ayaw talaga ni Arius ng mahabang paliwanagan.
"Alam mo, may mga bagay talaga na mahirap ipaliwanag. Kaya isipin mo na ang abilidad namin ang tulay upang mahanap kung sino talaga ang totoong pumatay sa iyo," ang paliwanag ni Arius.
Naikuyom naman ni Quillia ang kanyang kamao. Umupo siya sa tabi namin. 
"Pumunta lang naman ako sa bahay ng kaklase ko para manghiram sana ng libro para masagutan ko ang activity namin. Pero habang naglalakad ako sa eskinita, may isang taong tumakip sa bibig at ilong ko. Ang sunod ko na lamang na naalala ay nasa campus na ako," ang kwento sa amin ni Quillia.
Nakita ko na isinusulat ni Arius ang mga detalye. Nakatingin naman sa amin ang mga multo na pinakain namin ng pagakain kanina. Nagpatuloy naman sa pagtatanong si Arius.
"Wala ka bang napansin na sumusunod sa'yo? O 'di kaya ay napansin mo ba ang umatake sa iyo?" ang tanong ni Gray.
"Ang naalala ko lang ay may suot na singsing yung lalaking umatake sa akin at saka noong mga oras na iyon ay kumulo ang lana na hawak ko," ang kwento ni Quillia.
Nagpatingin naman ako kay Arius. Bakit naman kukulo ang lana? Hindi naman aswang ang kalaban namin.
"Teka, Arius. Akala ko ba, Danag ang kalaban natin. Bakit kumulo ang lana kung hindi naman aswang ang kalaban natin?" ang tanong ko kay Arius.
Napaisip naman si Arius. Base sa kwento ni Quillia, ay hindi basta basta ang Danag na kalaban namin.
"Alam mo, Ada. Hindi lang iisa ang uri ng aswang sa Pilipinas. Madaming uri sila. Kaya hindi na ako nagulat kung kumulo man ang lana na dala ni Quillia. Pero bakit ka nga ba may dalang lana?" ang tanong ni Arius.
"Sabi kasi ni Mama noong nabubuhay pa siya, lagi daw akong magdala ng lana. Mababalaan daw ako nitong lumayo sa mga hindi tao na mga nilalang. Ang kaso kahit may lana akong dala ay hindi ko naman nagawang protektahan ang sarili ko," ang kwento ni Quillia.
Napatingin naman ako sa aking relo at pasado alas singko bente singko na ng hapon. Alas siete naman ang sunod naming klase ngunit tinatamad naman akong pumasok. Naalala ko na naman na kailangan kong magsipag. Hindi biro ang paaralin ang sarili. Ayoko naman na ma-disappoint sina Sister.
"Teka, ano nga bang hitsura ng singsing?" ang tanong ni Gray.
Napaisip naman si Quillia at pumikit pa ito. Nakaramdam naman ako ng paninindig ng balahibo kaya naman napatayo ako.
"Sinong nariyan?" ang sigaw ko.
Napatingin naman si Arius sa akin. Ilang minuto na ang lumipas ngunit walang lumalabas. Huminga ako nang malalim at saka sinipa ang kumpulan ng mga gamit na hindi na mapapakinabangan. Kita ko ang natulalang si Meredith.
"You witch!" ang sigaw ni Meredith.
Napatampal naman ako ng mukha. Sa dinami-raming makakakita sa amin dito ay si Meredith pa na isang inggiterang usbaw. 
"Kaya pala kinilabutan ako. At anong ginagawa mo dito?" ang tanong ko.
"Papatunayan ko sa lahat na ikaw ang pumapatay! Ikaw ang pumatay sa kaibigan ko!" ang sigaw ni Meredith.
Napatawa naman ako. Ano na naman ito? Joke ba ito? Gusto ko man suntukin sa mukha si Meredith ay hindi ko magawa dahil sabi nga nina Sister Kat ay be kind to animal.
"Alam mo, Meredith. Kaysa mag-aksaya ka ng panahon at oras mo sa akin bakit hindi mo lamnan ang utak mo? Ikaw nga itong mukhang mangkukulam ako pa ang sasabihan mo ng witch? Sana nasa tamang pag-iisip ka pa!" ang singhal ko.
Tumayo si Meredith at saka pinagpagan ang sarili niya. Napatingin naman siya sa lumang building na kinaroroonan namin. Hindi na ito ginagamit at subject for demolition na ang kinaroroonan namin.
"Peace of mind ko ang hinahanap ko dito, Adamantine. At wala akong ibang maisip na gagawa n'on sa kaibigan ko kundi ikaw lamang dahil isa kang freak! Mga bata pa lamang tayo sa ampunan ay ikaw ang pinakamaganda sa lahat ng bata d'on! Kaya naman siniraan kita sa lahat ng mga balak mag-ampon sa'yo! Isa kang halimaw, Ada!" ang sigaw ni Meredith.
Napatawa naman ako. All these years kaya pala naranasan ko ang lahat ng iyon dahil kay Meredith. Father Juan, paano ko mapapatawad ang isang taong nagdulot ng paghihirap ko simula bata pa ako? 
"Sino kaya ang halimaw sa atin ngayon, Meredith? Hindi ba ikaw? Inalisan mo lang naman ako ng karapatan magkaroon ng sariling pamilya. Sa tingin mo ba kaya kong pumatay ng tao? Mag-isip ka naman! O baka isinisisi mo sa akin yung mga bagay na hindi ko naman ginawa kasi natatakot ka na malaman ng lahat ang sikreto mo?" ang galit na sigaw ko kay Meredith.
Natahimik naman si Meredith. Akala niya ba ay hindi ko napapansin ang pagsunod niya kanina? Hindi ako manhid para hindi malaman iyon. 
"Sabihin mo? Ikaw ang nagpahamak kay Quillia kaya naman ikaw ang nagtulak sa kanyang kapahamakan? Ikaw yung sinasabi niyang kaibigan na hihiraman niya ng libro ng gabing pinatay si Quillia?" ang tanong ko.
Natahimik naman si Meredith. Dahil sa galit ko, bigla ko tuloy napagdugsong-dugsong ang mga detalye. Inalala ko tuloy yung lalaking nakabangga ko kanina. Naalala ko ang itim niyang singsing sa palasingsingan nito sa kaliwang kamay nito.
"Arius, may itatanong ako. Anong ibig sabihin kapag nakabaligtad ka sa mata ng taong kaharap mo?" ang tanong ko.
"Hindi sila tao, Ada. Bakit mo naitanong?" ang matipid na sagot ni Arius.
"May nakasalubong akong lalaki kanina at baliktad ako sa kanyang mga mata. Kung hindi ko pa sinipa ay hindi ako makakaalis doon," ang sagot ko kay Arius.
Nakita ko ang takot sa mukha ni Meredith. Mukhang may alam siya na hindi namin alam. Napatawa naman siya sa sinabi ni Arius.
"Nababaliw na kayo. Hindi na kayo nakakatuwa," ang sabi ni Meredith.
"Bakit natuwa ba kami sa ugali mo? 'Di ba hindi? Kaya wag kang mag-aastang gusto ng lahat dahil sa totoo lang ay hindi ka perpekto. Matanong nga kita, Meredith. Kilala mo ang Danag 'no? ang tanong ni Gray.
Halos maistatwa naman si Meredith sa kanyang pwesto. Bingo! Alam niya nga kung sino ang Danag. Isang hipokrito ang aking nakasalamuha ngayon. Great! Bravo!
"Huwag mong hintayin na may sunod na maging biktima ang Danag. Hindi ka ba nadadala sa nangyayari. Namatayan ka ng kaibigan dahil sa pagprotekta mo sa Danag. Hanggang kailan ka magbibingi-bingihan, Meredith?" ang tanong ni Arius.
Humarap sa amin si Meredith. Kita ko sa mga mata niya ang pangingilid ng kanyang mga luha. Kita ko kung gaano siya nasasaktan sa nangyayari. Ngayon naiintindihan ko na kung bakit masama ang tingin ni Quillia kanina sa lalaking nakabangga ko. Ito ang Danag.
"Sabihin mo sa amin, Meredith? Kilala mo ba yung lalaking nakabangga ko sa labas kanina?' ang tanong ko.
Lumingon sa ibang direksyon si Meredith. Kinagat niya ang labi niya na tila nag-aalangan siya kung sasabihin niya ba o hindi.
"Hindi ko siya kilala. Wala akong alam," ang mahinang sambit ni Meredith. 
Napabuntung-hininga na lang ako sa kanyang sinasabi. Imposibleng hindi niya kilala ito. Kung ibunton niya nga sa akin ang kasalanan ay para siyang makikipagpatayan eh?
"Sinungaling," ang walang gana kong sagot.
Ilang minuto ako sa kanya nakipagtitigan kaya naman wala siyang nagawa kundi ang isigaw ang kanyang frustration.
"Oo na! Kilala ko ang Danag o halimaw na tinutukoy niyo. Siya si Xander yung boyfriend ko. Siya ang pumatay kay Quillia. Sa sobrang takot ko na baka pati ako patayin ni Xander inilihim ko ang ginawa niyang pagpatay sa ibang tao," ang sabi ni Meredith at tumulo ang luha sa kanyang mga mata.
Napahalukipkip naman ako at saka pinagmasdan si Quillia. Umiiyak ito at walang magawa kundi ang maawa sa kanyang kaibigan. Hinaplos niya ang likod ni Meredith at saka niyakap ang kanyang kaibigan. Hanga ako sa tulad ni Quillia. Mabilis lumambot ang puso niya sa babaeng nagdala sa kanya sa kanyang sariling kamatayan.
"Kailan mo pa nalaman na Danag si Xander?" ang tanong ni Gray.
"Noong binigyan ako ni Quillia ng lana. Isinabit ko kasi sa bag ko iyon. At noong gabing sinundo ako ni Xander ay biglang kumulo ang lana. Binalewala ko iyon at hindi ko ipinasok sa kokote ko ang babala ni Quillia tungkol sa pagkulo ng lana. Kaya naman ng gabing papunta sa bahay namin si Quillia, pinatay siya ni Xander. Naiiyak na lang ako dahil pinagbantaan ako ni Xander na pamilya ko naman ang susunod niyang papatayin sa oras na nagsumbong ako," ang kwento ni Meredith. 
Nakarinig ako ng yabag hudyat na may pumasok sa lumang building. Nanlaki ang mata ko nang makita ko ang lalaking nakabangga ko kanina.
"Nagsumbong ka sa kanila, Meredith? Hindi mo na ba ako mahal?" ang tanong nito kay Meredith.
Nakaramdam ako ng kaba. Eto na ang simula sa paghabol namin sa hustisya para kay Quillia. 

Book Comment (57)

  • avatar
    MagsayoJoyann

    wow sana mkakuha ng pera

    6d

      0
  • avatar
    GutlayKyle

    good

    22d

      0
  • avatar
    Aj Bantog

    6y89

    29/07

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters