logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 2 I. Portalia

Nagsasawa na ang nag-iisang Archein sa pagparoon at parito niya sa tahanan ng kaniyang mga magulang. 'Aba! Ang hirap kaya maging kalahating Mallacor at kalahating Hariaq!' aniya sa kaniyang isipan.
Hindi niya gustong mamirmihan sa Hardivez na siyang tahanan ng kaniyang ama. Ano ang dahilan? Masyado itong mainit para sa kaniya na isang half-blooded. Iyon lang ang pinakamalaking dahilan niya kung bakit ayaw niya sa lugar na iyon, dahil hindi naman niya alintana ang mga Hariaq na tila diring-diri at nangungutya sa kaniya na mayroong dugo ng isang Mallacor. Malakas ang personalidad niya na marahil ay bunga ng kaniyang pagiging Hariaq.
Sa kabilang banda, hindi rin siya komportable sa tahanan ng kaniyang ina, sa Mallachra. Masyadong tahimik ang lugar na iyon para sa kaniya. Ang mga Mallacor na nakasasalamuha niya roon ay masyadong mga mahihinhin at boring, ayon sa kaniyang pananaw. Ngunit hindi maipagkakailang ang mga Mallacor ay tunay na may payak at malinis na pag-iisip, dahil ni minsan ay hindi siya hinusgahan ng mga ito sa kabila ng kaniyang pagiging kalahating Hariaq. Kahit na may mga pagkakataong nadidistorbo niya ang katahimikan at kapayapaan ng mga ito kapag hindi na niya mapigilan ang sarili na mag-ingay sa tuwing naroroon siya. Siya ang madalas na dahilan ng ingay sa Mallachra dahil pakiramdam niya ay mabibingi na siya sa sobrang katahimikan sa lugar na iyon.
"Aella! Hindi ka ba titigil?! Pumaroon ka nga sa iyong Victo at nabubulahaw mo ang mga Mallacor!" Ang kaniyang ina ang kaisa-isang Mallacor na sumisigaw paminsan-minsan sa Mallarcha nang dahil sa kaniya. Hindi niya gustong suwayin ang ina, ngunit may mga pagkakataon talagang hindi niya mapigilan ang sariling tugtugin ang gitarang handog sa kaniya ng ama.
Kinagagalitan siya ng babae sa kaniyang harapan ngunit ang hitsura nito ay mas maamo at elegante pa rin kung ikukumpara sa mga Hariaq na nakasasalubong niya sa Hardivez. Ang isang pangkaraniwang Hariaq ay may matatalas na mga tingin samantalang ang mga Mallacor ay tila hindi man lamang marunong magalit sa hilatsa ng mukha.
"Forci, mainit sa Hardivez," aniyang reklamo sa ina. Palihim niya itong inirapan at nagmamaktol na napanguso.
"Kailangan mong tiisin, Cin. Nagagambala mo ang mga Mallacor kaya doon ka muna mamalagi. Madali!" Labag man sa kalooban ay sinunod niya ang kaniyang ina. Ito ang parusa niya nang madatnan siya nito na tinitipa ang kaniyang gitara. Minsan nang kinumpiska ng kaniyang ina ang luma niyang gitara, ngunit bilang mayroon siyang kunsintidor na ama ay muli siya nitong hinandogan ng panibago.
"Nakakainis na Hardivez. Ang init, init, init!" paulit-ulit niyang turan habang naglalakad sa kahabaan ng magulong pasilyo ng Hardivez.
Gaya ng nais ng kaniyang ina ay dito muna siya sa tahanan ng ama. Sa tuwing sinusuway niya kasi ito ay ipinagagawa nito sa kaniya ang mga bagay na hindi niya gusto. Tulad na lamang ng pamamalagi sa lugar na ito, ang Hardivez. Kung ang Mallachra ay sobrang tahimik at boring para sa kaniya, gayon namang kabaligtaran ng Hardivez. Bukod kasi sa napaka init na temperatura sa lugar na ito ay masyado rin itong maingay, at ayaw niya noon. Halos hindi na niya marinig ang sariling musika na nililikha niya sa kaniyang gitara.
"Ang init! Napaka init! Gah! Mainit!" Sa kaniyang pagrereklamo sa mataas na temperatura ng lugar ay hindi niya namalayang napadpad na siya sa ipinagbabawal na lugar ng kaniyang ama.
Kasalukuyan siyang naririto sa matayog na gusaling nakatayo sa pinakaliblib na parte ng Vandeshna. Nasa gitna ito ng kaharian ng Mallachra at kaharian ng Hardivez ngunit malayo sa bukana ng dalawang kaharian. Tanging ang mga tagapagbantay at mga may matataas na katungkulan lamang sa parehong kaharian ang maaaring tumuntong sa lugar na ito.
Magkahalong gulat, pagkamangha, at pagiging sabik na sumuway sa utos ang kaniyang nararamdaman sa mga sandaling iyon. May dugong Hariaq na nananalaytay sa kaniya kaya't hindi maiaalis sa kaniyang sistema ang ganitong mga pag-uugali— ang pagiging mapangahas at paminsan-minsan ay pagiging suwail.
Nasa harapan siya ngayon ng isang malaking pinto na kung susumahin ay mas malaki ng limampung ulit kumpara sa pangkaraniwang sukat nito. Ang isa pang nakapaggatong sa kaniyang kapangahasan at kyuryosidad ay ang maliit na siwang sa pintuan at ang mahina at kakaibang tunog na nagmumula sa kabila nito. Tunog na tila musikang nang-aanyaya at nanghahalina sa kaniya. Musikang para bang bumubuhay sa kaniyang pagiging Archein.
'Ano kaya iyon?'
'Saan kaya nagmumula ang tunog na iyon?'
Hindi mapigilan ni Aella ang mag-isip ukol sa naririnig na kahali-halinang ingay.
Dahil sa di maampat na kyuryosidad ay dahan-dahan at buong lakas niyang itinulak ang higanteng pinto. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang matuklasan ang nasa kabila ng malaking pinto na iyon.
"Portalia."
Isa itong portal. Dali-dali siyang tumakbo pabalik sa labas ng pintuan at sinuri itong mabuti. Hindi siya tumigil hanggang sa makumpirma kung tama nga ba ang kaniyang hinala.
"Mhortaeo," bigkas niya sa nakaukit sa pinakaibabang kanang bahagi ng pinto. Hindi nga siya nagkamali. Napangisi ang Archein at muling pumasok sa kabila ng malaking bagay na iyon. Isa itong napakalawak na silid na ang tanging laman ay isang portal. Portal na sa pag-aakala ng Archein ay makapagdadala sa kaniya sa katahimikang nais niya. Hindi masyadong tahimik, hindi masyadong maingay. Katamtaman lamang, tulad ng ingay na kaniyang naririnig mula sa portal.
Napangiti siyang muli nang maisip ang kaniyang gitara, ngunit mabilis din itong naglaho nang maalalang iniwan niya ito sa tahanan ng ama. Masyadong malayo ang lugar na iyon sa kaniyang kinaroroonan ngayon. Kung kukunin niya pa iyon ay baka maabutan niya nang sarado ang malaking silid pagbalik niya rito. Isa pa, wala na siyang panahon upang balikan pa iyon dahil ano mang oras ay maaaring may makapansin na sa silid na naiwang nakabukas at sa kaniyang pagkawala. Marahil nga ay hinahanap na siya ng kaniyang ama sa mga sandaling ito.
'Sayang, mukhang masaya pa naman sanang magpatugtog ng musika at tumipa ng gitara sa Mhortaeo.' Panghihinayang sa pagkakataong tugtugin ang gitara sa lugar na kaniyang pupuntahan ang kasalukuyang tumatakbo sa isipan nito.
'Hindi na bali, marahil ay may mga gitara rin sa lugar ng mga Mortal.'

Book Comment (68)

  • avatar
    Eos Protacio Sauvettre

    Very interesting! Blurb pa lang nakakaenganyo na basahin, good job author!

    26/06/2022

      1
  • avatar
    Joyz Alido

    beautiful and spiring

    28/03

      0
  • avatar
    CortezAngelica Ann

    Shshsjjd

    06/02

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters