logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 4 BALBAL

BALBAL
"Ate, maraming salamat dito sa pera na ipinahiram mo sa 'kin. Malaking tulong na ito pambili ng gamot ni Nanay." Kinuha ko ang pera na ipinahiram ni Ate sa 'kin at isinilid ko sa 'king bulsa. Si Ate Jenny ang kapatid ng Nanay ko.
Dumaan muna ako sa parmasya at binili ang gamot ni Nanay. Isang buwan na siyang nakaratay sa sahig simula no'ng inatake siya sa sakit sa puso. Hindi pa rin siya makapagsalita hanggang ngayon.
Tatlo kaming magkakapatid at ako ang bunso na tanging naiwan sa bahay at nag-aalaga kay Nanay dahil may sarili ng pamilya ang mga kapatid ko. Sa edad kong disisyete ay alam ko na ang lahat ng gawain.
Nakatira kami sa bayan ng San Francisco Isabela—lugar na kinatatakutan ng lahat, lalo na kapag may namatay.
Hindi naman kami mayaman. Sapat lang na makakain kami ng tatlong beses sa isang araw. Masyadong mahirap ang aming buhay dito sa probinsya.
Tanging mga pananim lang sa bukid ang aming hanapbuhay. Ang bahay namin ay malapit sa paanan ng bundok. May mga kapitbahay naman kami pero k'unti lang.
Kapag sumapit na ang gabi ay wala ng masyadong naglalakad sa daan dahil sa takot na mabiktima ng halimaw na gumagala.
Malapit na ako sa aming bahay nang makita kong maraming tao ang labas ng bahay nila ni Waldo–kapitbahay namin. Binilisan ko ang aking mga hakbang at tinanong si Tatay na kakalabas lang ng bahay.
"Tay! Ano'ng nangyari? Bakit may maraming tao ang nasa labas ng bahay nila ni Waldo?" Kinuha ko ang kamay ni Tatay sabay mano.
Nabigla ako nang sabihin ni Tatay sa 'kin na namatay daw ang asawa ni Waldo dahil sa sakit nitong kanser. Pagkatapos mag-usap namin ni Tatay, pumasok na ako sa loob ng bahay at nakita kong mahimbing na natutulog si Nanay sa papag.
Lumapit ako sa kaniya at hinalikan ko siya sa kaniyang noo. Habang pinagmamasdan ko si Nanay, hindi ko mapigilang mapaluha.
Nasasaktan at naaawa ako sa kalagayan ng Nanay ko. Hinayaan ko na lang muna si Nanay at pumasok na ako sa loob ng aking k'warto upang magbihis.
ALAS SAIS pa lang ng gabi ay tapos na kaming kumain ng aming hapunan. Inasikaso ko muna si Nanay at pagkatapos ay nagpaalam ako sa kanila na makikilamay lang ako kina Waldo.
Pagkalabas ko ng bahay, bumungad sa akin ang madilim na kapaligiran at ang malamig na hangin na nanonoot sa aking balat. Binuhay ko ang flashlight at nagsimula na akong maglakad patungo sa kanila.
Habang naglalakad ako, naglalaro sa isipan ko ang mga pangyayaring magaganap lalo na gayong may patay na naman. Ilang minuto lang ang aking nilakbay ay nandito na ako sa bahay nila.
Mabilis lumipas ang oras at alas onse na ng gabi, maliwanag na ang paligid dahil sa liwanag na nagmumula sa buwan. K'unti na lang din ang mga tao dahil nagsiuwian na ang iba.
Habang naglalakad ako pauwi sa bahay namin, may naaamoy akong nakakasulasok at sumasakit ang ilong ko dahil sa tapang ng amoy, para bang isang bangkay na matagal ng patay. Ginapangan ako ng takot sa katawan at kumabog nang malakas ang aking dibdib.
Nagpalinga-linga ako sa paligid at hinanap kung saan nanggaling ang napakabahong amoy. Dinala ako ng mga paa ko sa sagingan, trenta metro ang layo mula sa bahay nila ni Waldo.
Habang papalapit ako nang papalapit ay mas lalong tumapang ang amoy dahilan ng pagbaliktad ng aking sikmura.
Nanlalaki ang aking mga mata at napatutop ako sa 'king bibig habang titig na titig sa isang nilalang na sampong metro ang layo mula sa 'kin.
Kitang-kita ng dalawang mata ko kung papaano hiwain ang tiyan ng walang-buhay na babae at inilabas ang mainit init pa nitong mga laman-loob.
Isinubo niya ito sa kanyang bibig na para bang isang gutom na halimaw. Hayok nitong ipinagsasalpak sa kanyang bibig ang bawat hibla ng lamang-loob na nagbigay hilakbot sa bawat himaymay ng aking katawan.
Nang titigan ko ang bangkay, doon ko lang napagtanto na ang asawa ni Waldo ang bangkay na nasa 'king harapan. Marami akong katanungan kung bakit at papaano napunta ang bangkay dito ngunit wala akong makuhang sagot.
Nakakadiring tingnan ang nilalang na patuloy pinagkakagat ang kawawang bangkay mabigyan lamang ng katiwasayan sa pakiramdam ang gutom na iniinda.
Parang bang kanibal ang nilalang na nasa 'king harapan. Hindi niya pa rin ako napapansin dahil abala ito sa pagpapapak sa katawan ng bangkay.
Gusto nang bumaliktad ng sikmura ko ngunit matinding pagpipigil ang aking ginawa na hindi makalikha ng anumang ingay ngunit sa kasamaang palad ay naapakan ko ang tuyong dahon at lumikha ito ng ingay. Halos panawan na ako ng ulirat nang lumingon sa direksyon ko ang halimaw.
Pinilit kong ihakbang ang aking mga paa subalit ayaw makisama ng aking katawan. Parang minamag-net ang mga paa ko.
Sinubukan kong sumigaw ngunit walang boses na lumalabas sa aking bibig. Lahat ng santo tinawag ko na. Rinig na rinig ko ang kabog ng aking dibdib na para bang gusto ng sumabog dahil sa lakas ng kabog.
Tumayo ang halimaw at nagsimulang ihakbang ang kaniyang mga paa patungo sa 'kin. Nangangatog ang aking tuhod at nanginginig ang buo kong katawan.
Doon lang ako natauhan at bumalik sa aking katinuan nang marinig ko ang boses ni Tatay na tinatawag ang pangalan ko.
Siguro sinundo na niya ako roon sa bahay nila ni Waldo. Naigalaw ko na ang aking katawan kaya kumaripas ako ng takbo nang hindi lumilingon.
Pagkarating ko sa harapan ni Tatay, kumunot ang kaniyang noo habang pinagmamasdan ako. Hindi ako nagsalita at dumeritso lang ako pauwi sa bahay namin.
Tinanong ako ni Tatay kung ano'ng nangyari sa 'kin habang nakasunod siya sa 'king likuran. Pagdating namin sa bahay, pasalampak akong napaupo sa sahig at doon lang bumuhos ang aking luha dahil sa matinding takot at hilakbot na namayani sa aking kalooban.
Nanginginig pa rin ang buo kong katawan dahil sa nasaksihan ko kanina lang. Pinainom muna ako ni Tatay ng tubig at hinagod ang likod ko para kumalma.
Nang medyo umayos na ang pakiramdam ko, ikinuwento ko kay Tatay ang lahat ng nangyari at katulad ko, nagulat at bakas ko rin sa kanyang mukha ang takot at kilabot.
Ang sabi ni Tatay sa 'kin na isang BALBAL daw 'yong nakita ko. Ayon daw sa Lolo niya ang Balbal ay isang nilalang na pinaniniwalaang kadalasang kumakain ng karne ng patay na tao.
Ang Balbal ay pinaniniwalaang nagnanakaw ng patay na tao sa isang burol o di kaya'y sa pagkalibing nito. Kung nanakawin ng "Balbal" ang isang patay, pinapalitan niya ito kadalasan ng puno ng saging.
Ang puno ng saging ay pinaniniwalaang nagmimistulang tunay na katawan ng patay sa mga mata ng tao ngunit puno ng saging lamang ito.
Ang Balbal daw ay isang halimaw na nangunguha ng mga bangkay maging mula sa lamay o sa libingan at kinakain nito. Malakas ang pang-amoy nito sa bangkay na tila pabango para sa kanila.
Dahil sa kinakain nito, sadyang mabaho ang kanilang hininga at amoy. Sa oras na makakuha ito ng bangkay, mag-iiwan ito ng katawan ng puno ng saging.
Ang kanilang mahahabang kuko ay ginagamit upang matanggal agad ang mga damit ng bangkay. Maihalintulad ang Balbal sa isang aswang, 'yon nga lang bangkay na ang kinakain ng Balbal.
Habang nakikinig ako kay Tatay, kita ko sa kanyang mukha ang takot habang nagkukuwento.
KINABUKASAN, pumunta kami sa bahay ni Waldo at tiningnan ang kanyang asawa sa loob ng kabaong at tama nga si Tatay, walang pinagbago sa itsura ng bangkay.
Tao pa rin ito kung ito'y iyong pagmasdan. Maya-maya pa'y nagsidatingan ang iba pa naming mga kapitbahay dahil ngayong araw na 'to ililibing ang patay.
Sinabi ko kay Waldo ang nangyari sa katawan ng asawa niya ngunit hindi niya ako pinakinggan. Napagkamalan pa niya akong nababaliw dahil kitang-kita raw niya na asawa niya ang nasa loob ng kabaong.
Hindi ko na lang siya pinilit na paniwalaan ako, ang importante nasabi ko sa kanya ang lahat.
LUMIPAS ang isang buwan ay tuluyan ng pumanaw si Nanay dahil hindi na kinaya pa ng kanyang katawan. Masakit sa isang anak ang mawalan ng ilaw ng tahanan.
Dahil sa nangyaring kababalaghan sa asawa ni Waldo noon, binantayan ko nang maigi ang katawang lupa ni Nanay. Hindi ko iniwan kahit saglit lang si Nanay.
Habang pinagmamasdan ko ang kabaong ni Nanay may naaamoy akong para bang amoy ng isang bangkay na matagal ng patay.
Bumalik sa alaala ko ang amoy ng halimaw na kumain sa bangkay ng asawa ni Waldo. Kinabahan ako bigla sa naisip ko na baka nakawin ang bangkay ni Nanay.
Kinausap ko si Tatay sa aking tabi at pati rin siya ay naamoy din niya ang naaamoy ko. Kinausap namin ni Tatay sila Ate na bantayan si Nanay at 'wag iiwan kahit na ano'ng mangyari.
Naguguluhan sila sa mga nangyayari ngunit sinabi na lang namin sa kanila na mamaya na namin ipapaliwanag dahil patapang nang patapang ang nakakasulasok na amoy.
Hindi na namin pa sinagot ang mga tanong ni Ate at nagmamadali kaming lumabas ng bahay ni Tatay at nilibot namin ang labas ng bahay.
Habang palapit kami nang palapit sa likurang bahagi ng bahay kung saan doon namin inilalagay ang aming mga panggatong ay mas lalong nanoot sa aking ilong ang napakatapang nitong amoy.
Pinigilan kung hindi maduwal sa sobrang baho. Pagsilip ko sa pagitan ng mga panggatong na nakahilera ay nakita ko ang Balbal na sinasabi nila na sumilip sa kawayan naming dingding.
Sinenyasan ko si Tatay na nakita ko ang Balbal. Umalis saglit si Tatay at pagbalik niya ay may dala na itong dalawang matutulis na buho.
Kinuha ko ang isa at itinuon ang atensyon ko sa direksyon ng Balbal. Bago pa man sumugod ang Balbal sa 'min ay isinaksak ko na sa kanyang dibdib ang matulis na buho.
Sumingasing ito sa galit at pilit na sumugod sa 'kin. Bago pa man ito makalapit sa 'kin nang tuluyan ay mabilis tinaga ni Tatay ang leeg nito. Nagpagulong-gulong ang pugot na ulo ng Balbal sa damuhan.
Dahil sa ingay na nagmula sa 'min ay nagsilabasan ang aming mga kapitbahay at nakita nila ang sinapit ng Balbal. Ang iba ay hindi na napigilan ang sarili nilang mandiri at maduwal.
Bakas naman sa mga mukha nila ang takot at hilakbot nang makita nila ang nilalang. Napakapangit nito at may mahahabang mga kuko. Maihahalintulad ang Balbal sa itsura ng zombie.
Nakita kong nilagyan nila ng maraming patay na dahon ng saging at pagkatapos ay sinindihan. Nagliliyab ang katawan ng Balbal at ilang minuto lang ang lumipas ay tuluyan na itong naging abo.
KINABUKASAN, inilibing na namin nang matiwasay si Nanay. Panalangin ko na lang na sana'y magkaroon ng katahimikan ang mga kaluluwa ng mga bangkay dahil sa sinapit ng kanilang katawang lupa sa mga kamay ng Balbal.
Wakas.

Book Comment (375)

  • avatar
    Heidee_

    Ang ganda ng book na ito! Ang dami ko nalaman tungkol sa mga aswang tsaka favorite ko yung chapter na may Dinuguan😍💙

    26/08/2022

      0
  • avatar
    Nicachan

    Di ako nag sising basahin tong story na to. Nakakatindig balahibo sa bawat chapter. Keep up the good work author (^∇^)ノ♪

    24/08/2022

      0
  • avatar
    rhee027

    Speechless ako sa galing sa narration ni Author! Unang kwento pa lang, ramdam mo na hindi lang yung kilabot kung hindi pati yung linaw ng pagkakalarawan sa komunidad kung saan nagaganap ang mga hiwaga.

    09/08/2022

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters