logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 2 ABWAK

ABWAK
PATUNGO kami ngayon ni Alex sa bayan ng San Diego upang bisitahin si Alyana, ang kaibigan namin. Nabalitaan kasi namin sa kaklase niya na mayroon siyang sakit kaya napagkasunduan naming dalawa ni Alex na dalawin siya.
Ang bayan ng San Diego ay malayo sa kabihasnan. Isa itong tagong bayan at hindi rin dinadayo ng mga tao. May bali-balitang marami na raw ang nawawala sa lugar na 'yon at hindi na natagpuan pa.
Ngunit kahit na gano'n ay tumuloy pa rin kami ni Alex sa kagustuhan na madalaw at makita namin si Alyana. Parang kapatid na rin ang turing ko sa kanya. Ito pa lang ang unang pagkakataon na magawi kami sa lugar nila.
Habang nasa byahe kami ni Alex ay pinag-usapan namin kung ano ang p'wede naming gawing libangan doon pagdating namin. Ilang minuto ang lumipas napansin kong wala na kaming bahay na nadadaanan.
Tiningnan ko ang mapa sa phone ko kung tama ba ang daan na binaybay namin. Sa nakikita ko sa mapa ay tama naman. Pasikip nang pasikip ang daan na binaybay namin. Ibinaling ko na lang ang aking atensyon sa bintana at sinamyo ang preskong hangin. Iba talaga kapag probinsya kaysa sa syudad na puro usok.
Patuloy ko lang pinagmamasdan ang luntiang kapaligiran nang maramdaman kong huminto ang kotseng sinakyan namin. Napakunot ang noo ko habang nakatingin kay Alex na nagmamaneho.
"Tol, ba't mo inihinto?" kunot noong tanong ko sa kanya.
Lumingon siya sa 'kin at sinabing hanggang dito na lang ang sasakyan namin. Wala ng daan pa sa unahan—dead end na. Tiningnan ko ang harapan namin at tama nga si Alex wala ng kalsada sa unahan maliban do'n sa maliit na daan na may "WELCOME TO SAN DIEGO" na nakasulat sa signboard. Bumaba kami ng kotse at napagdesisyunan namin na iwanan na lang ang kotse sa gilid ng daan.
Tinahak namin ang maliit na daan na napapalibutan ng mga nagtataasang mga puno. Kinuha ko ang phone ko sa aking bulsa at tiningnan kong anong oras na. Alas dos na pala ng hapon at 'pag minamalas ka nga naman, walang signal sa lugar nila.
Habang patuloy kaming naglalakad, naramdaman kong may nakatingin sa 'min. Inilibot ko ang aking paningin sa kabuuan ng kakahuyan ngunit wala akong nakitang tao maliban na lang sa isang bayawak na isang metro ang layo mula sa amin. Nakatingin ito sa aming dalawa ni Alex.
"Alex, sandali lang. Wala ka bang napansing kakaiba sa bayawak na 'yan?" tanong ko sa kanya.
Tiningnan niya ang bayawak at pinagmamasdang mabuti. Sabi niya sa 'kin na wala naman daw siyang nakitang kakaiba sa bayawak. Baka raw napagod na ako kaya kung anu-ano na lang daw ang nakikita ko. Pati bayawak daw ay pinaghihinalaan ko. Hindi ko na lang ito pinansin at binilisan ang aming mga hakbang.
Tumingala ako para sana tingnan kung gaano kataas ang puno na nandito pero nahagip ng mga mata ko ang isang itim na uwak na nakadapo sa sanga ng puno. Para bang pinagmamasdan kami.
Nang wala akong makitang kakaiba sa uwak ay ibinaling ko na lang ang paningin ko sa likuran at tinapunan ko saglit ng tingin ang bayawak sa kinaroroonan nito kanina ngunit laking gulat ko dahil wala na ito sa lugar kung saan ko ito nakita. Inisip ko na lang na baka umalis na.
Malapit na kami sa labasan nitong kakahuyan at may nakita na rin kaming mga kabahayan sa may unahan nang maramdaman ko na naman ulit na para bang yumanig ang lupa malapit sa inaapakan namin.
Pagtingin ko sa lupa ay normal naman pero may napansin akong kakaiba. May nakaumbok sa lupa pero hindi ko mawari kung ano ito.
Tumigil na rin si Alex sa paglalakad at lumapit sa 'kin. Tinanong niya ako kung ano ang problema ngunit hindi ko siya sinagot sa halip ay itinuro ko na lang ang nakaumbok na lupa sa dinadaanan namin.
Sinubukan kong maglakad ng paatras habang nakatingin sa nakaumbok na lupa at doon mas lalong kumabog ang aking dibdib nang makita kong gumalaw ang nakaumbok na lupa patungo sa 'min.
Sinusundan ang bawat hakbang namin. Pati si Alex ay kinakabahan na rin. Tatakbo na sana kami nang may mga kamay na biglang lumabas sa lupa at nahawakan nito ang isa kong paa. Sinipa ko ang kamay na nakahawak sa isa kong paa ngunit mahigpit itong nakahawak at hinihila ang paa ko sa ilalim ng lupa.
"Tol! Tulungan mo ako!"
Humawak ako sa puno na malapit sa 'kin upang hindi ako mahila ng tuluyan sa ilalim ng lupa. Ramdam ko ang sakit ng bumaon sa binti ko ang kuko ng humila sa 'kin. Sinipa ng maraming beses ni Alex ang kamay na nakahawak sa aking binti dahilan upang mabitawan ako.
Tinulungan ako ni Alex na makatayo at mabilis kaming tumakbo palabas ng kakahuyan. Lumingon ako sa 'ming likuran at nakita kong mabilis itong gumapang sa ilalim ng lupa patungo sa 'min at ang uwak na nakita ko kanina ay mabilis din itong lumipad patungo sa aming dalawa ni Alex.
Binilisan pa namin ang aming pagtakbo patungo sa isang bahay na nakita ko paglabas namin sa kakahuyan.
"Tulong! Tulungan n'yo kami!" sigaw ko nang malapit na kami sa bahay.
Nakita kong bumukas ang pintuan ng bahay at may isang matandang lalaking lumabas.
"Dito! Bilis! Pumasok na kayo!" rinig kong sigaw ng matanda.
Mabilis kaming pumasok sa loob ng kanyang bahay at pasalampak na napaupo sa sahig. Isineguro muna ng matanda na nakasara nang maigi ang pintuan bago kami binalingan.
Habol-habol naming dalawa ni Alex ang aming hininga. Napapikit pa ako dahil sa pagod at takot na naramdaman ko.
Narinig ko ang ingay na nagmula sa kusina kaya idinilat ko ang aking mga mata at nakita ko ang matandang lalaki na kumuha ng baso at pitsel na may lamang tubig at lumapit siya sa 'min.
Uminom muna kami ng tubig at pinakalma ang aming sarili. Maya-maya pa'y nagpakilala siya sa 'min. Lolo Pablo na lang daw ang itawag namin sa kanya. Tinanong niya kami kung taga-saan kami at ano raw ang ginagawa namin sa lugar nila kaya sinabi ko sa kanya ang dahilan.
Nang marinig niya ang pangalan ni Alyana ay nagulat siya at binalaan niya kami na 'wag pumunta sa kanila. Hindi ko siya naintindihan kung bakit hindi kami p'wedeng pumunta kaya tinanong ko si Lolo Pablo kung bakit.
Umupo na rin siya sa sahig at nagsimulang magkuwento. Dati raw na payapa ang kanilang lugar noon pero simula no'ng dumating ang pamilya nila Alyana sa lugar nila ay marami ng mga taong nawawala at namamatay.
Isa na raw doon ang asawa niya na nabiktima ng mga abwak. Kaya mula noon ay hindi na raw sila basta-basta lumalabas sa kanilang bahay dahil sa takot na mabiktima ng mga abwak. Ang pamilya raw nila Alyana ay mga abwak.
"Abwak po Lolo? Ano 'yon?" tanong ko sa kanya.
Huminga muna nang malalim si Lolo Pablo bago ipinagpatuloy ang pagkukuwento. Ayon raw sa Papa niya noon, ang abwak ay isang uri ng aswang-lupa. Ang lalaking abwak ay may kakayahang magpalit anyo bilang bayawak, naghuhukay sa ilalim ng lupa upang mag-abang ng mabibiktima. Ang babaeng abwak naman ay may kakayahang magpalit anyo bilang uwak.
Pagkatapos magkuwento ni Lolo ay sinabi ko agad sa kanya ang nakita at nangyari sa 'min kanina sa kakahuyan. At ang sabi niya na baka raw mga magulang ni Alyana 'yong humabol sa amin.
Mabuti na lang daw at sumigaw kami dahil kung hindi pa kami nakapasok sa bahay niya, baka raw kami na ang susunod na mabiktima. Sinabi ni Lolo na kailangan naming makaalis sa lugar nila sa lalong madaling panahon.
KINABUKASAN bago kami tuluyang umalis sa bahay ni Lolo Pablo ay binigyan niya kami ng mga baril kasama ang pilak na mga bala. Sabi ni Lolo, manghihina ang aswang kapag matamaan nito pero kailangan pa rin naming mag-ingat at maging alerto dahil malakas at mabibilis sila. Kahit umaga ay kaya nilang magpalit ng anyo. Nagpapasalamat kami kay Lolo at tuluyang nagpaalam.
Tumakbo kami nang mabilis ni Alex papalabas ng kakahuyan patungo sa kotse na iniwan namin sa gilid ng daan bago kami pumasok sa lugar na 'to. Nasa kalagitnaan na kami ng kakahuyan nang mapansin ko ang isang uwak na lumilipad sa ibabaw namin.
"Tol, bilisan natin ang pagtakbo! Nandiyan na sila!" sigaw ko kay Alex.
Mas binilisan pa namin ang aming pagtakbo dahil sa takot na baka abutan kami ng abwak. Lumingon ako sa likuran namin at nanghilakbot ako nang makita kong may nakasunod din sa 'ming abwak na dumaan sa ilalim ng lupa.
"Tol! Bilis! Malapit na tayo sa kalsada!" sigaw ko ulit sa kanya nang matanaw ko sa may unahan ang kotse namin.
Halos magkandarapa na kami sa kakatakbo. Wala na kaming pakialam sa mga sanga ng puno na dumaplis sa 'ming braso dahil sa pagmamadali.
Hindi ko namalayan ang isang bato na nakausli sa lupa dahilan upang ako'y bumagsak. Namilipit ako sa sakit nang magkaroon ng sugat ang aking tuhod nang tumama ito sa matulis na bato. Napahinto si Alex at tinulungan akong makatayo.
Hindi pa man ako gaanong nakatayo nang lumabas mula sa lupa ang abwak na sinasabi ni Lolo. Napakapangit ng kanyang itsura, malaki ang kanyang mga matang mapupula at matutulis ang kanyang mga ngipin. May mahaba rin itong mga kuko.
Mabilis na kinuha ni Alex ang kanyang baril at pinaputukan ang abwak ng maraming beses. Natamaan naman niya ito sa dibdib at nawalan ng balanse kaya natumba ito sa lupa.
Hindi namin sinayang ang pagkakataon, mabilis kaming tumakbo patungo sa kotse namin. Hindi ko ininda ang sugat sa 'king tuhod dahil mas inaalala ko ang aming kaligtasan.
Limang metro na lang ang layo namin sa kotse nang bumulaga sa aming harapan ang isa pang abwak at mabilis na sinunggaban si Alex. Nabitawan ni Alex ang kanyang baril at nakita kong nahihirapan siyang makatakas sa abwak na pumaibabaw sa kanya.
Ikinasa ko ang aking baril at pinaputukan ang babaeng abwak ng tatlong beses sa ulo nito. Nangingisay ang katawan nitong bumagsak sa lupa. Paglingon ko sa aking likuran ay nakita kong unti-unting tumayo ang lalaking abwak. Bago pa man ito tuluyang makatayo ay pinaputukan ko na ito ng maraming beses hanggang sa duguan itong bumagsak sa lupa.
Napaluhod ako sa lupa matapos kong mapatay ang dalawang abwak. Pinagpapawisan ako dahil sa sobrang kaba ko kanina, akala ko mamamatay na kami. Lumapit sa 'kin si Alex at tinulungan akong makatayo.
Nagpapasalamat siya sa 'kin dahil iniligtas ko ang buhay niya. Paika-ika akong naglakad patungo sa kotse namin habang inalalayan ako ni Alex. Hindi pa man kami tuluyang nakakalayo nang marinig namin ang boses ng isang babae.
Napahinto kami sa paglalakad at sabay kaming lumingon at nakita namin si Alyana na galit na galit itong nakatingin sa 'min habang yakap ang katawan ng kanyang ina. Napansin kong may benda ang kanyang kanang braso. Sinigawan niya kaming dalawa ni Alex, bakit daw pinatay namin ang magulang niya.
Nakita kong unti-unting nagbago ang anyo ni Alyana.
"Patawarin mo kami Alyana ngunit kailangan ko itong gawin." Babarilin ko na sana siya ngunit natigilan ako nang mapagtantong wala ng bala ang baril ko.
Ang baril naman ni Alex ay tumilapon sa kung saan. Dahil sa takot namin, nagmamadali kaming tumakbo patungo sa kotse.
Habang tumatakbo kami, rinig na rinig ko ang sinabi ni Alyana na maghihiganti siya at papatayin niya kami dahil sa pagpatay namin sa magulang niya.
Dahil sa takot at kaba mas dinoble pa namin ang bilis ng aming pagtakbo hanggang sa marating na namin ang kotse. Nagmamadali kaming pumasok sa loob at mabilis na pinaharurot ni Alex ang kotse.
Halos paliparin na niya ang kotse makalayo lang sa lugar na 'yon. Muntikan pa kaming mabangga dahil sa sobrang bilis ng pagmamaneho niya.
Sobrang lakas pa rin ng kabog ng aking dibdib kahit nakalayo na kami sa lugar ng San Diego—lugar kung saan may abwak. Nang nasa highway na kami at marami ng sasakyan ang dumaan, doon pa lang binagalan ni Alex ang pagmamaneho.
Ngayon pa lang kami nakahinga ng maluwag. Hindi namin inaakala na ang itinuturing kong kapatid at kaibigan ay isa pa lang abwak. Kaya pala kapag pinag-usapan namin ang tungkol sa aswang ay mailap siya at hindi sumasabay sa usapan namin dahil isa pala siyang abwak.
Nang makarating na kami sa bahay ay hindi na lang namin sinabi sa aming mga magulang ang lahat ng nangyari dahil ayaw namin na mag-alala sila.
Tatlong araw na ang lumipas simula no'ng mangyari ang lahat ay hindi pa nagpapakita sa amin si Alyana. At sa bawat araw na darating ako'y kinakabahan para sa aking kaligtasan. Paulit-ulit na bumabalik sa aking isipan ang mga katagang binitawan ni Alyana.
"Magbabayad kayo sa ginawa ninyo sa mga magulang ko! Maghihiganti ako at papatayin ko kayong lahat!"
Patuloy pa ring gumugulo sa aking isipan ang mga katagang binitawan ni Alyana sa 'min na maghihiganti siya sa pagkamatay ng kanyang mga magulang.
Nandito kami ngayon ni Alex sa tambayan naming tatlo ni Alyana.
"Tol, sa tingin mo ano na kaya ang nangyari kay Alyana ngayon? Itutuloy kaya niya ang paghihiganti niya sa 'tin?" tanong ko kay Alex habang patuloy na pinagmamasdan ang mga batang naglalaro sa kampay.
Humarap siya sa 'kin at sinabing...maari raw na ituloy ni Alyana ang paghihiganti sa 'min dahil sa sinapit ng kanyang mga magulang.
Napabuntong hininga na lang ako habang patuloy na pinagmamasdan ang mga batang naghahabulan. Pinili naming gawing tambayan ang treehouse na 'to na malapit sa palaruan ng mga bata dahil kay Alyana.
Gustong-gusto ni Alyana no'n pagmasdan ang mga batang masayang naglalaro at naghahabulan. Tatlong taon na kaming magkaibigan ngunit hindi namin inaasahan na isa pa lang abwak si Alyana.
Natatakot man ako sa kanya pero sa kabilang banda ay naaawa at nalulungkot ako para kay Alyana. Alam kong hindi niya rin siguro gusto ang nangyari sa buhay niya.
Doon lang ako natauhan nang tapikin ako ni Alex sa braso, hindi ko namalayang nakatulala na pala ako habang nakatingin sa baba.
"Tol, pasensya na, naalala ko lang ang mga kulitan at asaran natin ni Alyana. Nalulungkot lang ako sa nangyari sa kanya. Alam kong hindi niya rin gusto na magkagano'n siya. Alam kong hindi siya masama dahil kung masama siya, sana noon pa man sinaktan na niya tayo pero hindi niya 'yon ginawa. Naiintindihan ko si Alyana kung maghiganti man siya sa 'tin pero, hindi ko hahayaang may masaktan man ni kahit isa sa 'tin." Tumayo ako at dahan-dahang inihakbang ang aking mga paa sa hagdan pababa ng treehouse. Sumang ayon naman si Alex sa sinabi ko at sumunod na rin siya pababa ng treehouse.
Inaya ko si Alex na puntahan namin ang kainan kung saan kami palaging kumakain. Nag-order na kami ng pagkain at pagkatapos ay umupo kami sa paborito naming pwesto malapit sa bintana.
Habang patuloy kaming kumakain naramdaman kong parang may nakatingin sa 'kin. Tumingin ako sa bintana at inilibot ang aking paningin sa palaruan ng mga bata.
Wala naman akong nakitang nakatingin ng diretso sa 'kin maliban sa isang taong balot na balot ang buong katawan na nakaupo sa isang bangko paharap sa 'min. Hindi ko maklaro ang kanyang mukha dahil nakasuot siya ng malaking itim na dyaket at nakatalukbong pa ito sa kanyang ulo.
Pinabayaan ko na lang siya at ipinagpatuloy na lang ang pagkain. Nang matapos na kami sa pagkain sabay na kaming lumabas ni Alex sa kainan.
Tinapunan ko ng tingin ang nakaupo kanina sa bangko at nakita kong wala na siya roon sa kinauupuan niya. Inilibot ko ang aking paningin sa kabuuan ng palarauan at nakita ko siyang nakatingala sa treehouse na tinatambayan namin. Huminto ako sa paglalakad at kinausap si Alex.
"Tol, nakikita mo ba 'yong nakatingala sa treehouse natin? Kanina ko pa 'yan napapansin, Tol," mahinang sabi ko sa kanya.
Tiningnan naman ito ni Alex at sinabi niya sa 'kin na baka raw si Alyana 'yon. Nang marinig ko ang pangalan ni Alyana, bigla akong kinabahan.
Napagkasunduan namin ni Alex na lapitan at alamin kung sino ang nakita namin. Patungo na kami sa treehouse nang lumingon siya sa 'min at 'di sinadyang natanggal ang talukbong niya. Hindi ko maklaro ang kanyang mukha dahil natatabunan ito ng kanyang mataas na buhok.
Nang makita niya kami ay mabilis siyang naglakad palayo sa 'min. Nakapagtataka lang kung bakit siya umalis kung wala namang dahilan. Sinundan namin siya ni Alex kung saan man siya magpunta.
Nakita kong patungo siya sa likurang bahagi ng isang lumang bahay kung saan may maraming nagtataasang mga puno. Binilisan namin ang aming mga hakbang nang biglang tumakbo ang babae papasok sa loob ng kakahuyan.
Pagdating namin sa bungad ng kakahuyan biglang nawala ang babae na sinundan namin. Pumasok kami sa kakahuyan at nagulat na lang ako nang marinig kong sumigaw si Alex. Paglingon ko sakal-sakal na siya ng babae.
Nilipad ng hangin ang kanyang buhok kaya lumantad sa akin kung sino ang babae na hinabol namin kanina.
"Alyana! Bitawan mo si Alex! Wala siyang kasalanan! Ako ang pumatay sa mga magulang mo!" sigaw ko kay Alyana at dahan-dahang lumapit sa kanila.
Kitang-kita ko kung paano nagbago ng anyo si Alyana. Ang maamo niyang mukha ay naging pangit at kulubot, nanlilisik ang kanyang mapupulang mga mata na nakatingin sa 'kin.
Kinalmot niya si Alex sa dibdib gamit ang kanyang matutulis na kuko at pagkatapos ay ibinalibag niya si Alex sa isang malaking puno. Lalapitan ko na sana si Alex ngunit napakabilis ng mga pangyayari.
Hindi ko namalayang nasa harapan ko na si Alyana at galit na galit siyang nakatingin sa 'kin. Mabilis niya akong sinunggaban dahilan upang bumagsak ako sa damuhan. Pinagkakalmot niya ang aking dibdib. Napasigaw ako sa sakit at dumaloy ang masaganang dugo galing sa balat ko na natuklap dahil sa pagkalmot niya.
"Alyana! Patawarin mo ako kung napatay ko ang mga magulang mo! Ipinagtanggol lang namin ang aming mga sarili," malakas kong sabi sa kanya habang patuloy na isinangga ang aking mga braso sa mga atake niya.
Hindi ako pinakinggan ni Alyana, para bang wala na siya sa kanyang katinuan. Patuloy lang siya sa pag atake sa 'kin nang mahagip ng mga mata ko si Alex na may bitbit na isang sanga ng kahoy at buong pwersa niya itong hinampas sa likod ni Alyana.
Sumigaw si Alyana sa sakit at mabilis na binalingan niya si Alex. Kinagat niya ang kanang braso ni Alex at pagkatapos ay pinagkakalmot niya ang dibdib nito.
Kahit masakit ang dibdib ko dahil sa mga kalmot ni Alyana ay pinilit kong tumayo at kinuha ang malaking bato malapit sa 'kin. Hindi ako napansin ni Alyana na papalapit sa kanya dahil nakatalikod siya sa 'kin habang patuloy niyang inaatake si Alex.
Nakita kong naliligo na si Alex sa kanyang sariling dugo kaya mabilis kong nilapitan si Alyana at ibinuhos ko ang natitira kong lakas. Pinukpok ko ng paulit-ulit ang ulo ni Alyana ng hawak kong bato.
Umiiyak ako habang patuloy kong pinukpok ang ulo niya hanggang sa maligo na siya sa kanyang sariling dugo at nangingisay ang katawan na bumagsak sa lupa.
Napahiga ako sa tabi ng katawan ni Alyana dahil sa pagod habang patuloy na umiiyak.
"Maraming salamat sa pagligtas mo sa 'kin, tol," mahinang sabi sa 'kin ni Alex.
Tumango lang ako sa kanya bilang tugon.
"Patawarin mo ako, Alyana." Pinunasan ko ang mga luhang kanina pa nag-uunahan sa pagdaloy. Sinabi sa 'kin ni Alex na tama lang daw ang ginawa ko dahil kung hindi ko ginawa 'yon, malamang daw ay parehas kaming paglalamayan at ang mas malala pa'y, baka raw maaaring marami pa ang mamamatay kapag nagpatuloy si Alyana na mabuhay.
Sinubukan naming tumayo at paika-ikang naglakad palabas ng kakahuyan. Naramdaman kong nanlalabo na ang paningin ko. Pinilit naming makalabas at nagtungo sa harapan ng lumang bahay kung saan may maraming mga tao.
Pagdating namin sa harapan ay nakita kami ng mga tao. Nakita kong nawalan na ng malay tao si Alex. Tutulungan ko sana siya nang tuluyan na ring nagdilim ang aking paningin. Bago ako panawan ng ulirat, nakita ko ang mga taong papalapit sa 'min.
ISANG LINGGO rin bago kami nagkamalay dahil sa dami ng sugat na natamo namin ni Alex.
Nang makalabas na kami ng ospital ay pumunta kami ni Alex sa simbahan at nagpapasalamat dahil binigyan niya pa kami ng pangalawang buhay at ipinagdasal na rin namin ang katahimikan ng kaluluwa ni Alyana. Humingi rin ako ng kapatawaran dahil sa aking nagawa.
LUMIPAS ang maraming araw, linggo at buwan ay unti-unti kong kinalimutan ang nangyari sa nakaraan. Ipinagpatuloy ko ang aking buhay at 'yong mga batang pulubi na naglalaro noon sa palaruan malapit sa tambayan namin noon ni Alyana ay tinutulungan ko sila.
Binihisan at pinaaral ko ang mga batang paslit na 'yon bilang alaala na rin kay Alyana. Palaging tinutulungan ni Alyana ang mga batang paslit noon kaya ginawa ko ito para na rin kahit papaano ay makatulong ako sa kanila.
Magaan sa pakiramdam kapag nakagawa ka ng kabutihan sa 'yong kapwa. Naniniwala kasi ako sa kasabihang... "Aanhin mo ang iyong kayamanan kung hindi mo naman ito gagamitin sa kabutihan."
Wakas.

Book Comment (375)

  • avatar
    Heidee_

    Ang ganda ng book na ito! Ang dami ko nalaman tungkol sa mga aswang tsaka favorite ko yung chapter na may Dinuguan😍💙

    26/08/2022

      0
  • avatar
    Nicachan

    Di ako nag sising basahin tong story na to. Nakakatindig balahibo sa bawat chapter. Keep up the good work author (^∇^)ノ♪

    24/08/2022

      0
  • avatar
    rhee027

    Speechless ako sa galing sa narration ni Author! Unang kwento pa lang, ramdam mo na hindi lang yung kilabot kung hindi pati yung linaw ng pagkakalarawan sa komunidad kung saan nagaganap ang mga hiwaga.

    09/08/2022

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters