logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

NILALANG SA DILIM

NILALANG SA DILIM

Manilyn Diolan


Chapter 1 BAGONG LIPAT

BAGONG LIPAT
NAGMAMADALI akong umuwi sa 'ming bahay nang malaman ko ang balitang may masamang nangyari kay nanay.
"Bunso, ano ba kasi ang nangyari kay nanay?" tanong ko kay Tobby habang ipinagpatuloy ang pagtakbo. Si Tobby ang bunso kong kapatid.
"Bigla na lang kasing bumagsak si nanay kanina sa sahig kuya Else. Sinubukan ko siyang gisingin ngunit hindi siya gumigising kaya pinuntahan na lang kita," bakas sa mukha niya ang pag-aalala habang nagkukuwento.
Mas lalo ko pang binilisan ang aking pagtakbo dahil sa sobrang pag-aalala. Hindi ko ininda ang mga nakausling matutulis na bato dahil sa pagmamadali. Hindi ko na rin magawang isuot ang aking tsinelas kanina. Pagdating namin sa bahay nakita kong inalalayan si nanay ni Judy. Si Judy ang pinsan ko. Nilapitan ko si nanay at niyakap.
"Nay, kumusta na ang pakiramdam mo? Ayos ka lang ba?" tanong ko sa kaniya.
"Pasensiya na anak, nahilo lang ako kanina kaya nawalan ako ng malay. Mabuti na lang at nandito si Judy, tinulungan niya 'ko." Hinawakan niya si Judy at nagpapasalamat dito.
Tumayo ako at kumuha ng tubig. Pagbalik ko binigay ko agad kay nanay ang baso na may lamang tubig.
"Salamat anak."
"Nay, 'wag po muna kayong magtrabaho rito sa bahay. Ako nang bahala sa mga gawain. Mamaya na lang ako babalik sa bukid natin kapag maayos na ang pakiramdam mo." sabi ko sa kaniya habang tinutulungan siyang makaupo ng maayos.
Patuloy lang kami sa pag-uusap nang biglang tumahol si Whitey, ang aso namin. Lumabas ako ng bahay at tiningnan kong sino ang dumating. Nakita ko ang isang babae na sa tingin ko'y nasa kuwarentay singko na. May dala itong mga bagahe. Naaawa ako sa kaniya kaya nilapitan ko siya at tinulungan.
"Ate, tulungan ko na po kayo. Saan po ba kayo galing? Kayo po ba 'yong sinasabi nila na bagong lipat diyan sa malaking bahay?" tanong ko sa kaniya habang tinutulungan ko siyang buhatin ang kaniyang mga gamit.
"Oo, ako ang bagong lipat diyan iho," sabi niya sa 'kin ngunit hindi man lang niya ako tinapunan ng tingin. Napansin ko rin na mahaba ang kaniyang kuko kagaya ng isang mangkukulam. Kulot din ang kaniyang mahabang buhok. Habang pinagmamasdan ko siya nagulat ako nang bigla siyang lumingon sa 'kin. Hindi ko maiwasang kabahan. Nabitawan ko ang gamit niya dahil sa takot.
"So-sorry ate." Kinuha ko ang isang garapon na nahulog mula sa loob ng bag. Mas lalo akong ginapangan ng takot nang makita ko kung ano ang laman ng garapon. "Hindi ako maaaring magkamali puso ito ng tao," anang ng aking isipan.
Mabilis hinablot ng babae ang garapon na hawak ko. Nanlilisik ang kaniyang mga matang nakatingin sa 'kin. Dahil sa takot at kilabot na aking nararamdaman iniwan ko siya at tumakbo ako patungo sa bahay namin. Pagdating ko sa bahay pasalampak akong napaupo sa sahig. Nilapitan ako ni Tobby at tinanong.
"Kuya, ano'ng nangyayari sa 'yo? Ba't ka namumutla?"
"Kuya!" Sinampal ako ni Tobby sa 'king mukha. Dahil sa ginawa niya do'n lang ako natauhan. Hindi ko namalayang nakatulala na pala ako.
"Ano'ng nangyayari sa 'yo kuya?" tanong niya ulit.
"Hah, ah, e wala bunso. May nakita lang akong ahas kanina sa daan," pagsisinungaling ko sa kaniya. Ayaw kong sabihin sa kaniya ang totoong nangyari.
Pumasok na lang ako sa loob ng bahay at nilapitan si nanay. Nakita ko siyang mahimbing na natutulog kaya pinabayaan ko na lang siya.
Hindi ko pa rin maalis sa isip ko ang nakita ko kanina. Puno ng katanungan ang aking isipan ngunit wala naman akong makuhang sagot.
Mabilis lumipas ang oras at sumapit na ang gabi. Wala na ring ingay ang maririning galing sa labas maliban na lang sa mga kuliglig. Mahimbing na ring natutulog ang aking kapatid at si nanay. Gustuhin ko mang matulog ngunit hindi ako dinadalaw ng antok dahil sa nangyari kaninang umaga. Patuloy lang ako sa pag-iisip nang may marinig akong ingay sa likod ng aming bahay. Umalulong rin si Whitey pero 'di nagtagal ay tumahimik din.
Tumayo ako at tiningnan kung ano'ng nangyari. Kinakabahan ako habang dahan-dahang binuksan ang pintuan. Inihanda ko ang aking itak at tuluyan ng lumabas ng bahay. Tanging liwanag lang ng buwan ang nagsilbing liwanag sa labas. Nakita ko si Whitey na pilit isiniksik ang kaniyang katawan sa ilalim ng aming silong na para bang may kinatatakutan. Mas lalong kumabog ng malakas ang aking dibdib nang makita ko ang isang nilalang na nilantakan ang aming mga alagang manok. Pinigilan ko ang aking sarili na hindi maduwal sa 'king nakikita.
Natataranta ako at hindi ko malaman kung ano ang aking gagawin kaya hindi ko namalayang nasagid ng mga paa ko ang kahoy na nasa gilid ng aming bahay. Lumikha ito ng ingay. Halos panawan na ako ng ulirat nang lumingon sa 'kin ang isang halimaw. Kagat-kagat pa rin niya ang leeg ng manok. Napasigaw ako dahil sa takot. Nagsilabasan naman ang aming mga kapitbahay at nagmamadaling lumapit sa 'kin.
Nang tingnan ko muli ang kinaroroonan ng halimaw kanina wala na ito.
"Else, bakit ka sumisigaw? At ano 'yong sinasabi mong halimaw?" tanong sa 'kin ni Tiyo Anton.
Hindi agad ako nakapagsalita dahil sa takot na bumabalot sa 'king buong sistema. Nangangatog ang aking tuhod habang pilit na pinapakalma ang aking sarili. Nakita kong lumabas ng bahay si nanay at si Tobby. Nilapitan ako ni nanay at niyakap.
"Anak, ano'ng nangyari?" tanong ni nanay sa 'kin.
Nagsilapitan sila sa 'kin at hinihintay ang aking sasabihin.
"Nay, may nakita akong halimaw kanina na kinain ang ating mga alagang manok. Hindi ko alam kung ano'ng klasing halimaw 'yon. Hindi ko masyadong maaninag ang kaniyang mukha basta napakapangit niya.
"Totoo ba 'yang sinasabi mo Else?" tanong ni Tiyo Anton sa 'kin.
"Opo, Tiyo. Tooto po ang sinasabi ko. Puntahan n'yo po ang mga alaga naming manok at nang maniwala kayo."
Naglakad si Tiyo Anton patungo sa kulungan ng mga manok at narinig kong dumuduwal siya. Siguro nakita na niya ang nangyari sa mga alaga namin. Mabilis naman siyang lumapit sa 'min at nagsalita.
"Else, mukhang kagagawan 'yan ng aswang. Walang ibang nilalang na p'wedeng gumawa ng ganiyang klasing pagpatay, kung 'di ang aswang lang."
Dahil sa sinabi niya umugong ang bulung-bulungan ng aming mga kapitbahay. Ang iba ay nagmamadali pang pumasok sa kani-kanilang mga bahay at ang iba naman ay napayakap sa kanilang sarili dahil sa takot.
Dahil sa pangyayaring 'yon tinawagan ni Tiyo ang mga kasamahan niyang opisyal sa barangay na hanapin ang sinasabi nilang aswang. Maya-maya pa'y nagsidatingan na ang mga kasamahan niya. May mga dala silang mga sulo at itak. Ang iba naman ay may dalang mga baril. Lumapit si Tiyo sa 'min at nagsalita.
"Else, pumasok na kayo sa loob ng inyong bahay at ikandado ng mabuti ang inyong pintuan."
"Sige po Tiyo. Nay, tayo na sa loob. Tobby halika na."
Bago ako tuluyang pumasok sa aming bahay nilapitan ko muna si Tiyo at kinausap.
"Tiyo, hindi ba p'wedeng sumama ako sa inyo?" tanong ko sa kaniya.
"Kung sasama ka sa 'min, sino ang magbabantay sa nanay at sa kapatid mo? Maiwan ka na lang dito at kami na ang bahala sa aswang."
"Sige, Tiyo. Mag-iingat kayo sa lakad n'yo."
Pagkaalis ni Tiyo Anton pumasok na ako sa loob ng aming bahay. Pinilit kong iwaksi sa 'king isipan ang nangyari kanina ngunit pabalik-balik lang ito sa 'king isipan. Humiga ako sa tabi ni Tobby at pinilit ang sarili kong matulog hanggang sa unti-unti na akong kinain ng antok.
Napabalikwas ako sa higaan nang may marinig akong nag-iiyakan sa labas ng aming bahay. Pagtingin ko sa 'king tabi wala na si nanay at si Tobby. Biglang kumabog nang malakas ang aking dibdib dahil sa kaba na aking nararamdaman. Mabilis akong tumayo at lumabas ng bahay. Pagdating ko sa labas nakita ko ang kumpulan ng mga tao malapit sa poste. May nag-iiyakan at ang iba naman ay mababakas mo sa kanilang mukha ang takot.
Habang papalapit ako nang papalapit hindi ko maintindihan ang aking nararamdaman. Para bang gusto kong umiyak. Nang malapit na ako sa kanila, unti-unting umaalis ang mga tao sa paligid at tumambad sa 'king harapan ang katawan ni Tobby na halos hindi na makilala.
Wakwak ang kaniyang tiyan at nawawala ang kaniyang mga lamang loob pati na ang kanyang puso. May maraming kalmot ang buo niyang katawan. Wala na rin ang kaniyang dalawang braso at paa. Bumuhos ang aking mga luha at nanghihina ang aking katawan. Nakita ko si nanay na umiiyak habang yakap-yakap ang katawan ng aking kapatid.
Napaluhod ako sa tabi ng aking kapatid at nagsisisigaw sa sakit na aking nararamdaman.
"Bunsooo! Ba-kit ikaw pa! Bakit?" umiiyak ako habang sumisigaw dahil sa halo-halong emosyon. Nasasaktan at nagagalit ako.
Niyakap ko si nanay at tinanong kung ano'ng nangyari.
"Nay, ano'ng nangyari kay bunso?" tanong ko sa kaniya habang patuloy na umiiyak.
"Anak, no'ng natutulog ka naalimpungatan ako dahil may naririnig akong ingay. Bumangon ako at nakita ko si Tobby na lumabas ng bahay. Sinundan ko siya at nakita ko ang aswang na galing sa malaking bahay pagkatapos ay bigla na lang niyang sinunggaban ang kapatid mo."
Mas lalong bumuhos ang kaniyang luha habang pilit na inaalala ang mga nangyari.
"Winakwak niya ang tiyan ni Tobby at kinain ang mga lamang loob," umiiyak na sabi ni nanay habang patuloy pa ring nakayakap sa kapatid kong wala ng buhay.
Nang marinig ko ang sinabi ni nanay muling rumehistro sa 'king isipan ang babaeng kalilipat lang sa malaking bahay na 'yon. Ang puso na nakita ko sa garapon, ang kumain sa mga alaga naming manok at ang walang awang pumatay sa kapatid ko ay kagagawan lahat ng aswang na 'yon.
KINABUKASAN maaga naming pinuntahan ang babae sa malaking bahay ngunit wala kaming nakita o naabutan. Pati mga gamit niya ay wala na rin. Tanging mga bakas lang ng dugo ang tanging naiwan sa sahig.
Isang linggo na rin ang lumipas simula nang mangyari ang karumal-dumal na pagpatay. Gusto kong magkaroon ng hustisya ang pagkamatay niya ngunit hindi ko alam kung saan ko hahanapin ang babaeng 'yon.
Kung makikita ko siya ay matatandaan ko agad dahil sariwa pa sa alaala ko ang kan'yang mukha. Kumalat na rin sa kabilang baryo ang nangyari kay Tobby. Marami ang natakot at ang iba'y naghahanda kung sakaling makita nila ang aswang.
May mga nagroronda na rin tuwing gabi rito sa baryo namin pati na sa kabila. Minsan din ay sumasama ako sa kanila. Alam na rin ng mga opisyal sa kabilang baryo na 'yong babaeng aswang ay kalilipat lang dito sa lugar namin. Kaya sinabi ko sa kanila na balitaan ako kapag may nasagap silang balita na may bagong lipat do'n sa baryo nila.
Sa sumunod na araw ay nanguha ako ng buho. P'wede raw itong panlaban sa mga aswang, 'yon ang sabi ng isa naming kapitbahay na may alam din kung paano patayin ang aswang.
Maliban sa buho ay p'wede rin daw 'yong buntot ng pagi ang kaso wala kaming gano'n kaya itong buho na lang ang gagamitin ko. Pagkatapos kong putulin ang mga buho ay naglakad na ako pauwi sa bahay.
Malapit na ako sa 'min nang makita ko si Tiyo Anton na papalapit sa 'kin na may hawak na itak.
"Tiyo, saan ka pupunta?" tanong ko sa kanya.
Sinabi niya sa 'kin na pupunta raw siya sa bukid upang manguha ng buho para gamitin nila mamayang gabi sa pagroronda. Tinanong ko si Tiyo kung p'wede ba akong sumama sa kanila at masaya ako dahil pinayagan niya ako.
Pagkatapos naming mag-usap ni Tiyo ay dumeritso na ako sa bahay. Ibinaba ko muna ang dala kong buho sa lupa at pumasok sa loob ng bahay. Nakita ko si Nanay na nagsasaing para sa aming hapunan. Lumapit ako sa kanya at nagmano.
"Nay, ayos lang po ba sa inyo kung sasama ako sa kanila ni Tiyo Anton mamaya? Magroronda raw sila Nay," pamamaalam ko kay Nanay.
Kinuha ko ang baso na may lamang tubig at ininom. Masaya ako dahil pinayagan ako ni Nanay na sumama ako sa kanila ni Tiyo mamayang gabi. Lumabas ako ng bahay at tinulisan ang mga buho na dala ko.
Habang patuloy kong tinutulisan ang buho napaisip ako bigla kung sino ang kasama ni Nanay mamaya pag-alis ko. Sumagi sa isip ko si Judy, siya na lang ang kakausapin ko para samahan si Nanay mamaya. Matapos kong tinulisan ang huling buho ay tumayo na ako't naglakad patungo sa bahay nila Judy.
Tinawag ko si Judy mula sa labas ng kanilang bahay. 'Di nagtagal bumukas ang pinto at lumabas siya. Sinabi ko sa kanya kung p'wede ba niyang samahan si Nanay mamaya. Hindi naman ako nabigo dahil pumayag siyang samahan muna si Nanay mamayang gabi.
Pagkatapos naming mag-usap ni Judy ay bumalik na ako sa 'ming bahay at saktong sakto dahil nakahanda na ang hapunan namin. Nagkukuwentuhan lang kami ni Nanay hanggang sa matapos kami sa pagkain.
Pumasok muna ako sa 'king kwarto at nagbihis . Pagkatapos ay kinuha ko ang aking itak at flashlight. Papalabas na sana ako ng pintuan nang marinig kong may mga tao sa labas. Binuksan ko ang pintuan at nakita ko sina Tiyo kasama ang mga opisyales ng barangay na may mga dalang sulo, itak, baril at matutulis na buho.
Ilang minuto lang ay dumating na rin si Judy. Binati mo na niya sina Tiyo at pagkatapos ay pumasok na sa loob ng bahay. Umalis na kami at sinimulan na namin ang pagroronda. Nilibot namin ang buong baryo ngunit nanatiling payapa ang paligid.
Habang nasa kalagitnaan kami ng daan patungo sa kapilya namin ay biglang nag-ring ang cellphone ni Tiyo Anton. Tumigil muna kami saglit at hinintay si Tiyo. Kinuha niya ang kanyang cellphone at sinabi niya sa 'min na ang kapitan ng kabilang baryo ang tumawag. Kinausap muna ni Tiyo sa kabilang linya ang kapitan.
Nakatingin lang kaming lahat sa kanya at nag-aabang ng balita. Sampung minuto rin silang nag-usap. Humarap sa 'min si Tiyo at nagsalita.
Ayon sa kapitan ng kabilang baryo may bagong lipat daw na babae sa kanila kaninang hapon lang dumating at ngayon may nakitang aswang ang isang residente roon na winakwak ang tiyan ng babaeng buntis malapit lang daw sa bahay ng biktima.
'Yong nakakita sa aswang ay isang pulis, binaril daw nito ang aswang at natamaan ito sa likod. Sa ngayon ay kasalukuyan pa nilang hinahabol ang aswang. Marami na rin daw'ng tama ang aswang kaya nakakasiguro sila na mahuhuli nila ang aswang.
"Tiyo, gusto kong ako ang pumatay sa aswang na 'yon dahil sa pagpatay niya sa kapatid ko." Hinigpitan ko ang pagkakahawak sa buho dahil sa nararamdaman kong galit.
Hindi na kami nagsayang pa ng panahon. Mabilis kaming umalis at nagtungo sa lugar kung saan nando'n ang aswang. Pagkarating namin sa lugar nakita ko ang maraming tao sa may unahan malapit sa sagingan na may dalang mga sulo.
Nilapitan namin sila at nakita kong hinabol nila ang aswang na papasok sa kakahuyan. Tumakbo ako ng mabilis at hinabol ko aswang. Hindi ako natatakot na mamatay ang akin lang kailangan ko ng hustisya. Hindi ko na inintindi ang matutulis na bato na aking naapakan.
Tatlong metro na lang ang pagitan namin ng aswang. Paika-ika itong tumakbo dahil sa sugat nito sa katawan. Buong pwersa kong ibinaon sa likod ng aswang ang matulis na buho. Bumagsak ito sa damuhan at pilit na tumayo. Dahil sa galit ko ibinaon ko pa lalo ang buho sa kanyang likuran at mabilis kong kinuha ang aking itak.
"Para ito sa kapatid ko! Kung hindi dahil sa 'yo buhay pa sana ang kapatid ko ngayon! Dahil 'sa 'yo kaya hindi ko na muling nakita pa ang mga ngiti ni Nanay. P*tang ina kang h*yup ka! Para ito sa mga taong biniktima at pinatay mo! Sa mga inosenteng bata na walang awa mong pinatay! Ngayon! Tikman mo ang bangis ng aking paghihiganti! Buhay ang iyong kinuha, buhay din ang kabayaran!" puno ng galit ang aking kalooban habang tinadtad ko ng saksak ang buong katawan ng aswang.
Nakita kong naliligo na ako sa dugo na tumalsik sa 'kin galing sa aswang. Humagulhol na ako habang patuloy na sinasak ang aswang.
Nilapitan ako ni Tiyo at tinulungang makatayo. Nanginginig ang buo kong katawan dahil sa naghahalong emosyon. Nakita kong pinugutan nila ng ulo ang aswang at sinindihan gamit ang dala nilang mga sulo.
Unti-unting lumaki ang apoy at nagliyab ang buong katawan ng aswang. Ilang minuto ang nagdaan ay tuluyan ng naging abo ang aswang.
Nagpapasalamat sila sa 'kin dahil sa katapangan na ipinakita ko at nakikiramay din sila sa pagkamatay ng kapatid ko. Napagdesisyunan ng lahat na umuwi na sa kani-kanilang mga bahay.
Puno ng kasiyahan ang aking kalooban dahil sa wakas ay nabigyan na rin ng hustisya ang bunso ko. Umuwi na kami sa aming lugar kasama sina Tiyo.
Pagkarating ko sa bahay ay nagulat sina Nanay at Judy nang makita nilang naliligo ako sa dugo kaya sinabi ko sa kanila ang buong pangyayari. At katulad ko, umiiyak na rin si Nanay dahil sa saya. Masaya sapagkat matatahimik na rin ang kaluluwa ng aking kapatid.
KINABUKASAN pumunta kami ni Nanay sa simbahan at nagpapasalamat sa lahat. Ipinagdasal rin namin ang katahimikan ng kaluluwa ni Tobby.
LUMIPAS ang maraming araw at buwan ay naging payapa na ang aming lugar. Bumalik na sa dati ang lahat. Kung dati alas sais pa lang ng hapon ay wala ng masyadong tao ang lumalabas ngayon naman kahit alas diyes na ng gabi ay nasa labas pa rin ang iba.
Simula no'ng mapaslang ko ang aswang ay nagkaroon na ulit ng buhay ang aming baryo. Maririnig mo ang kanilang mga tawanan at biruan kahit saan ka man magpunta.
Sa ngayon ay masaya na ako kahit wala na ang kapatid ko. Hindi man namin siya mayakap at makausap pero nandito pa rin siya sa puso't isipan namin ni Nanay.
Wakas.

Book Comment (375)

  • avatar
    Heidee_

    Ang ganda ng book na ito! Ang dami ko nalaman tungkol sa mga aswang tsaka favorite ko yung chapter na may Dinuguan😍💙

    26/08/2022

      0
  • avatar
    Nicachan

    Di ako nag sising basahin tong story na to. Nakakatindig balahibo sa bawat chapter. Keep up the good work author (^∇^)ノ♪

    24/08/2022

      0
  • avatar
    rhee027

    Speechless ako sa galing sa narration ni Author! Unang kwento pa lang, ramdam mo na hindi lang yung kilabot kung hindi pati yung linaw ng pagkakalarawan sa komunidad kung saan nagaganap ang mga hiwaga.

    09/08/2022

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters