logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 3

PINAPAPAK NA ni Bing ang tatlong piraso ng lumpiang shanghai sa kanyang plato. Habang ang mga kasamahan niyang editors sa table na iyon ay walang sawa sa pagkukuwentuhan. Sa paligid niya ay nagsisimula ng magkasiyahan ang mga panauhin na gaya niya sa kasal na iyon ni Vivi.
“Ito na yata ang pinaka-romantic na wedding na napuntahan ko,” wika ni Ami. “Nakita nyo ba kung paanong tingnan ng groom niya si Vivi habang nangangako sila sa isa’t isa na habambuhay na magmamahalan? Gosh! Parang gusto kong manghablot ng lalaki doon sa simbahan kanina at ora-mismo ay magpakasal na rin.”
“Halatang mahal na mahal siya nung lalaki,” dugtong ni Gracie na tila nangangarap pa rin hanggang ngayon. “Kailan kaya may darating na lalaki sa buhay ko na titingin din sa akin na parang ako lang ang nag-iisang babae sa mundo?”
“Maghintay ka ng mga…” Nagbilang pa si Bing sa mga daliri. “Mga forty thousand years.”
“Okay. Sandali lang naman pala iyon eh.” Kinikilig nitong tinapik ang magkabilang pisngi. “I can’t wait for that day to come.”
“Alam mo, ‘ne,” singit ni Agnes. “Hindi ko alam kung inosente ka o tanga.”
“Heh! Huwag mong kontrahin ang magandang prediction sa akin ni Bing. Hindi ka kasama sa mga pangarap ko.”
“Ilusyon kamo.”
“Naiinggit ka lang.”
“Saan? Sa iyo? E, bacteria ka na lang sa hangin pagdating ng taong hinihintay mo, ‘no? Ano naman ang dapat kong kainggitan dun?”
“Ah, basta. Alam ko, malakas ang pakiramdam kong hindi ko na kailangang maghintay ng forty thousand years para lang makita ang aking mahal na prinsipe. Ngayon pa lang, makikita ko na siya.”
“Hmm, goodluck,” aniya saka siniko si Ami na kanina pa walang imik. “Ikaw, anong problema mo?”
“Nagdarasal na lang ako ng lalaking gaya ng groom na dumating sa buhay ko. Kaysa mangarap ng gising gaya ni Grasing sa isang tabi.”
“Sige lang, pagtulungan lang ninyo ako,” wika uli ni Gracie. “Kapag nagdilang anghel ako, isasampal ko sa inyo ang aking Prince Charming.”
“Kung tukuyin mo ang Prince Charming mo, parang bangus lang na ginagawang tinapa, ah.” Tapos na si Bing sa panghuling piraso ng lumpiang shanghai sa kanyang plato. “Kung ako sa inyo, huwag na kayong umasa sa mga Prince Charming na iyan. Hindi iyan totoo. Sa mga nobela lang na ini-edit natin nag-e-exist ang mga iyan.”
“And how can you be so sure? Have you met one Prince Charming in real life?"
“Huwag mo akong paandaran ng pag-i-English-English mong iyan, Maria Gracia. Dahil oras na hindi ako matunawan, ipapakulam kita.”
“Hanggang ngayon ba e may hangover ka pa rin sa kabiguan mo roon sa ex-chatmate con ex-cyber boyfriend mo?”
Napatigil si Bing sa pagnguya. “Puwede ba, huwag nating pag-usapan ang walang kuwentang lalaking iyon? Mas lalo nyo lang pahihirapang magtrabaho ang digestive system ko.”
“O, sige,” singit ni Agnes na kahit mukhang laging seryoso, alam nilang lahat na nasa loob ang kulo nito. “Pag-usapan na lang natin ang guwapo at napakakisig na bestman.”
Sabay-sabay na impit na nagtilian ang mga ito. Mukhang sa unang pagkakataon ng araw na iyon ay nagkasundo-sundo ang mga ito.
“Napansin nyo rin pala iyon? Oh, my gosh! Super guwapo kung hindi man kasing guwapo siya ng groom!”
“Nakita nyo ba ‘yung mga mata niya kapag ngumingiti siya? Grabe! Pati yata mga buhok ko sa batok, kinikilig!”
“Mga buhok sa kilikili ko, nagpaparamdam na rin kiligin!”
Gusto nang sawayin ni Bing ang mga ito sa pinag-uusapan nila dahil talaga nga namang sex object na ang tingin ng mga ito sa lalaking tinutukoy nila. Ang kaso, baka sa kanya mabaling ang atensyon ng mga ito. Iniiwasan pa naman niya iyon lalo na at kilalang-kilala niya ang lalaking pinag-uusapan ng mga ito. As in kilalang-kilala.
“Kanina ko pa nga siya hinahanap dito sa reception,” patuloy ni Ami. “Mukhang doon lang siya sa simbahan um-attend. Hindi ko kasi siya makita rito sa reception.”
“Pansin ko rin,” segunda ni Agnes. “Masakit na nga ang leeg ko sa kakalingon sa lahat ng direksyon dito.”
“Puwede bang hindi siya um-attend dito?” tanong ni Gracie na ngayon ay nagkakandahaba na rin ang leeg sa paglingon. “Hindi ba’t may parusa sa mga bestman ng kasal kapag hindi nagpunta sa reception?”
“Nagpauso ka naman, Gracie.” Ops. Wrong timing ang hirit niya. Ngayon tuloy ay nasa kanya na ang pansin ng mga ito, lahat ay nakakunot ang noo. Dapat talaga ay itinikom na lang niya ang kanyang bibig. “Sorry na. Hindi na ako magsasalita. Sige, mag-usap na lang uli kayo. Kunyari na lang hindi ako nag-e-exist sa mundong ito.”
“Sinira mo na ang momentum namin, eh.”
“Oo nga. Panira ka talaga kahit kailan, Bing. Alam mo kung type mo rin ‘yung bestman, sabihin mo na."
"Okay lang naman sa amin mag-share-share ng blessing.”
“Yup, hindi kami maramot sa lalaki--”
"Hindi ko siya type!" gigil na sambit ni Bing.

Book Comment (20)

  • avatar
    AquaAroha Mitchie

    Love always

    31/05

      0
  • avatar
    Sheillamae Marqueses

    sobrang ganda🥹

    24/05

      0
  • avatar
    Jamela Ocang

    Hshdvdbfbd

    21/05

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters