logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

KABA: SABRINA 5

Puting kisame ang bumungad kay Sabrina sa pagmulat ng kanyang mga mata. Iginala niya ang paningin sa paligid at natiyak niyang naroon siya sa hospital base na rin sa amoy nito. Sinubukan niyang tumayo ngunit nakaramdam siya ng pananakit ng ulo. Medyo nahihilo na rin siya.
Agad siyang napahawak sa ulo at muling nahiga. Umiikot ang paningin niya sa paligid dala na rin ng sunod-sunod na puyat iyon rin siguro ang dahilan kaya nagha-hallucinate na siya.
"Sabrina, kumusta ang pakiramdam mo?" tanong ni Nickson. Napalingon siya sa binata, natuwa siya nang masilayan ito. Hindi siya iniwan ng lalaki kaya naman kahit paano ay gumaan ang pakiramdam niya. Bakas sa mukha ng binata ang labis na pag-aalala. Mahigpit niyang hinawakan ang mga kamay nito na tinugon naman ng marahang pagpisil ni Nickson sa palad niya.
"Nickson, maayos na ang pakiramdam ko. May taping pa tayo, hindi ba?" sambit niya at muling sinubukang bumangon. Ngayon pa lang nagsisimulang mamayagpag ang career niya kaya hindi siya papayag na masira agad iyon.
"Magpahinga ka raw muna sabi ng doctor." Pinigilan siya nitong bumangon at masuyong hinaplos ang kanyang buhok.
"Pe-pero..."
"Binigyan ka ng tatlong araw na pahinga kaya huwag ng matigas ang ulo mo. Hindi mo gugustuhing lumabas sa pintong iyan para pagkaguluhan ng press," sambit pa nito kaya naman hindi na siya nagpumilit pa.
"Si Erika–Nickson, nagpapakita sa akin si Erika," umiiyak na sumbong ng dalaga. Hindi na niya kayang itago pa dahil para na siyang mababaliw sa takot.
"Sab, bakit naman magpapakita sa 'yo si Erika?" nagtatakang tanong ni Nickson.
"Mahal ka ni Erika, Nickson. Gusto ka niyang bawiin sa akin," giit ni Sabrina ngunit napahalakhak ang binata.
"Masyado ka nang nadadala sa karakter mong si Katarina, ah? Pati si Matilda'y napagkakamalan mong si Erika," bulalas nito habang umiiling-iling. Hinila nito ang silya at naupo sa tabi ng kama ni Sabrina.
"Hindi nagpakamatay si Erika," mariing bigkas ng dalaga bago umilap ang mga mata.
"Bakit Sabrina? May nalalaman ka ba?" tanong nito at mariin siyang tinitigan sa mga mata. Sumikdo naman ang dibdib niya–sa takot o nerbiyos ay hindi niya alam.
"Wa-wala." Umiwas siya nang tingin dahil natatakot siyang salubungin ang titig nito. Hindi niya alam ngunit parang nawalan s'ya nang tiwala sa lalaki. May kakaiba sa tingin nito kaya kailangan niyang mag-ingat.
"Huwag kang mag-isip ng kung ano-ano, Sabrina." Masuyong hinaplos nito ang buhok niya. “Pagod lang ’yan kaya dapat ay magpahinga ka.” Naging masuyong muli ang boses nito. Bumalik ang pag-aalala habang nakatingin sa kanyang mukha.
"Minahal mo ba si Erika?" tanong ng dalaga na hindi tumitingin dito. Halos pabulong lamang iyon ngunit narinig pa rin ng binata.
"Sabrina, huwag na nating pag-usapan si Erika," sagot nito bago umiwas ng tingin.
'mahilig dumikit sa mga sikat para sumikat din.'
Muling nanariwa sa isip niya ang nabasa niyang comments sa facebook kaya hindi niya maiwasang mag-isip. Totoo kayang ginagamit lang siya ng lalaki? Pero nauna itong sumikat bago siya kaya imposible iyon.
Huminga siya ng malalim bago itinuon ang paningin sa binata. Bahagya siyang ngumiti ng magtama ang paningin nila.
"Matulog ka na," sabi nito bago siya halikan sa noo.
“Nickson, salamat. Huwag mo akong iiwan,”aniya bago mahigpit na hinawakan ang palad ng binata. Ngumiti ito at bahagyang tumango kaya napanatag ang loob niya. Ipinikit niya ang mga mata at hinayaan ang sariling tangayin sa karimlan.
Naalimpungatan siya nang may marinig na bumubulong. Kunot-noong bumangon siya, hinugot din niya ang karayom na nakakabit sa kamay niya. Sinundan niya ang naririnig niyang bulong hanggang sa makarating sa tapat ng isang pinto. Nag-aatubili man ay nilakasan niya ang loob. Marahan niyang pinihit ang pinto at unti-unti niya itong binuksan. Tumambad ang isang babae na siyang pinanggagalingan ng bulong.
Napalilibutan nang mga itim na kandila ang pabilog na guhit sa sahig at sa loob nito ay larawan ng bituin habang sa pinakagitna ay nakaluhod ang isang babae na bumubulong sa wikang latin. Nakatalikod ito kaya tanging ang mahabang buhok lamang nito ang nakikita niya. Unti-unting lumingon sa kanya ang babae, gusto niyang tumakbo paalis pero ayaw makisama ng kanyang mga paa.
Itinulos siya sa kinatatayuan habang nanlalaki ang mga matang napatitig dito.
"Hello Sabrina." nakangising wika ng babae habang nakatagilid ang ulo. Tumutulo ang masaganang dugo sa mga mata nito.
"E-erika!" Gimbal na sigaw niya habang tila itinulos sa kinatatayuan.
"Hindi ko hahayaang magtagumpay ka! Isasama kita sa hukay!" Sigaw nito at sobrang bilis na tumakbo palapit sa kanya.
Napasigaw siya sa labis na takot sabay pikit ng mga mata habang hinihintay ang kanyang katapusan.
"Sabrina, gising!" Napasinghap siya nang magmulat ng mga mata. Habol ang hininga na napabangon siya at sinapo ang dibdib. Napakalakas ng pagkabog nito kaya naman abot-abot ang pagsinghap niya. Tagaktak rin ang pawis sa kanyang noo pero nanunuot ang lamig sa katawan niya.
"Binabangungot ka." Nag-aalalang wika ni Nickson. Naroon pa rin siya sa hospital at nakakabit pa rin ang dextrose sa kamay niya.
“Nickson, si Erika!” aniya bago bumunghalit ng iyak. Mahigpit naman siyang niyakap ng lalaki.
“Nananaginip ka lang,” sambit nito habang marahang hinahagod ang likuran niya.
Umiyak lamang siya sa balikat nito. Hindi maaaring magpatangay siya sa pagmumulto ni Erika. Lalaban siya para sa karera sa showbiz.
"Maaari ka na raw lumabas ng hospital sabi ng doctor. Doon ka na lang magpahinga sa bahay mo,” masuyong sambit ng lalaki. Nakahinga naman siya ng maluwag dahil doon. Mas gusto niyang naroon siya sa bahay para mapanatag ang kalooban niya.
Sasakyan ni Nickson ang ginamit nila pauwi. Tinakasan lamang nila ang mga reporters na naghihintay sa labas ng hospital. Dumaan sila sa likod para walang makakita sa kanila. Ang inaasahan ng mga ito ay magtatagal pa siya sa hospital.
Tahimik lamang ang naging byahe nila ni Nickson. Abala sa pagmamaneho ang lalaki at pinakikiramdaman ang dalaga habang si Sabrina naman ay nakatanaw sa malayo. Abala ang isipan nito kung paano lulutasin ang pagmumulto ni Erika kung nagmumulto nga ba ito. Naaapektuhan na ang Career niya na matagal niyang pinakaaasam.
Itinuon niya ang pansin sa harap na daan. Malayo-layo pa ang subdibisyon kung saan siya nakatira kaya medyo nakakaramdam na siya ng inip. Idagdag pa ang trapiko kaya usad pagong ang takbo nila. Binalingan niya si Nickson na tahimik lamang na nagmamaneho. Seryoso ang mukha nito habang nakatutok sa daan ang buong pansin.

“Nickson,” agaw pansin niya rito. Hindi kumibo ang lalaki dahil sa lalim ng iniisip nito.
“Nickson!” mas nilakasan niya ang boses kaya napapitlag ang binata. Nagtatakang lumingon sa kanya ang lalaki. Matiim naman niyang pinag-aralan ang reaksiyon niyo. May kakaiba kay Nickson pero hindi niya matukoy kung ano.

Book Comment (34)

  • avatar
    Rome Azaiah

    goods

    05/08

      0
  • avatar
    GonzalesJeffrey

    Very nice

    03/07

      0
  • avatar
    Joezah

    amazing story 😀👋🏻

    28/06

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters