logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 3

Nagcheck-in muna si Francesca sa isang mumurahing hotel para makatipid. Wala naman ng problema sa tuition niya dahil matagal na iyong binayaran ng daddy niya.
Ang problema na lang niya ay ang pang-araw-araw na gastusin at pambayad sa matitirahan para maka-survive. Alam niyang sa mga oras na ito ay pinaputol na ng kanyang ama lahat ng credit cards niya. At ngayong araw naisipan niyang maghanap ng trabaho.
Kahit wala siyang alam sa kahit na anong gawain ay susubok pa rin siya. Handa siyang matuto, huwag lang siyang bumalik sa kanila. Aayusin niya na lang ang schedule niya sa school kung sakaling makahanap na siya ng mapapasukan.
Desidido na siya sa kanyang pasya. Magtatrabaho siya sa umaga at mag-aaral sa gabi.
Una niyang naisip na mag-apply sa mga fast food chains. Pero ng matapos siyang interview-hin, naisip niyang hindi rin siya makakaipon sa ganitong paraan dahil uupa pa rin siya ng matitirahan at maliit lang ang sahod ng isang crew.
Wala sa sariling naglakad siya sa gilid ng daan. Hindi niya dinala ang scooter para menos-gastos. Kailangan niyang magtipid.
Habang naglalakad sa kahabaan ng Taft Avenue, napansin niyang may isang mahabang pila sa gilid nito. Nabasa niya ang karatula ng pinipilahan, isa iyong recruitment agency.
Lumapit siya doon. “Ano hong mayroon dito?” tanong niya sa babaeng nasa dulo ng pila. Tantya niya ay nasa trenta na ito.

Tiningnan muna siya ng babae mula ulo hanggang paa bago sumagot. “Aplayan yan ng mga kasambahay, katulong at yaya. Agency ba,” sabi nito.
Tumango-tango siya bago nagtanong ulit, “Ano ho bang requirements?”
“Biodata at valid I.D. Iyon lang naman ang hinihingi nila kalimitan sa mga ganyan. Bakit? Mag-a-apply ka rin ba?” nagtatakang tanong nito at tiningnan siyang muli.
Kahit nakasuot siya ng puting t-shirt at pantalong maong, kapansin-pansin pa rin ang makinis niyang kutis. Sa unang tingin hindi talaga maikakaila ang buhay na kinalakihan niya. Anak-mayaman pa rin ang itsura niya lalo na kung tititigang maigi.
Ngumiti siya dito. “Oho. Kailangan ho eh,” sagot niya dito. Buti na lang tuwid na tuwid pa rin siyang magtagalog kung hindi, baka talagang magtaka na ito.
Pumila siya sa likuran ng babaeng napagtanungan. Napag-isip-isip niyang mas makakatipid siya kung ganitong trabaho ang kukunin niya. Libre na ang tirahan pati na ang pagkain. Ang school allowance na lang at iba pang gastusin sa paaralan ang paglalaanan niya ng kanyang magiging sahod.
‘Di rin naman kasi biro ang kursong fine arts. Mahal pati ang mga gamit at ang sa kanya ay naiwan sa kanila, kaya kinakailangan niyang bumili ng panibago.
Matagal at kainip-inip ang bawat sandali para kay Chesca. Hindi niya alam na marami pala ang nag-a-apply para sa ganitong uri trabaho. At marami rin palang proseso ang pagpili nila sa mga kinukuhang aplikante. Kailangang may alam kang talaga sa gawaing bahay. Ang problema, wala rin siyang kaalam-alam sa ganoong bagay.
Bakit ba hindi ako nagpaturo noon kay Yaya Lomeng? Hay! Pero bahala na... nandito na ako eh, sa loob-loob niya.
Nang siya na ang ini-interview, nilakasan niya ang loob. Kahit walang kaalam-alam sa papasukan, confident naman ang mga naging sagot niya. Kahit pa nga ang iba doon ay kasinungalingan lang. Hindi naman na siguro iyon mahahalata kapag ipinadala na siya sa kanyang amo. Matalino naman siya at madaling umintindi. Mabilis naman siguro niyang matutunan ang mga kailangang gawin sa papasukan niya.
At laking pasasalamat niya ng pumasa siya kaagad-agad. At sinabi rin ng agency na ipapadala na rin daw siya ngayong araw sa pagtatrabahuhan niya. Urgent daw iyon at kinakailangang puntahan na niya kaagad-agad. Tuwang-tuwa naman siya. Sa wakas, wala na siyang problema.
Ibinigay ng taga-agency ang address ng papasukan niya at laking gulat niya ng makitang doon mismo ito sa kanila. Sa Emerald City. Isang exclusive subdivision sa San Juan. Mga mayayamang tao ang mga nakatira sa lugar nila. Mostly mga kilalang tao sa business industry at rich politicians.
Ngayon, nagdadalawang isip siya kung tutuloy pa ba siya o hindi. Baka kasi makita siya doon ng daddy niya at pauwiin bigla sa kanila. Nasa ibang block ang bahay ng magiging amo niya at malayo iyon sa bahay nila pero nangangamba pa rin siya.
Matagal na nag-isip si Francesca. Tinitimbang ang mga posibleng mangyari kung tatanggapin niya ang trabaho.
Hindi na rin naman masama kung doon ako magtatrabaho, sa isip-isip niya.
Malapit lang din iyon sa eskwelahan niya, kaya’t mas makakatipid siyang lalo. Isa pa, kilala na rin siya ng mga gwardiya doon, walang problema sa pagda-drive ng kanyang scooter. Alam din naman niya kung anong oras nagtatrabaho ang daddy niya, kaya’t madali niya itong maiiwasan kung saka-sakali.
Buo ang loob na nagligpit siya ng kanyang mga gamit at nag-check-out sa tinutuluyan. Kaagad siyang nag-drive pabalik sa kanila. Hindi naman siguro masamang may dala siyang scooter sa kanyang papasukan. Magdadahilan na lang siyang service niya iyon sa pagpasok.
Isa pa pala iyon sa ipakikiusap niya sa kanyang amo. Kung papayagan siyang mag-aral sa gabi. Hindi naman siguro iyon makakaapekto sa trabaho niya. At habang daan ay nananalangin siyang sana ay mabait ang magiging boss niya.
Iniba niya rin ang address niya sa biodata. Kung kanina ay San Juan sa interview, pinalitan niya iyon ng Batangas. Hindi naman na niya mapapalitan ang apelyido niya. Hindi naman na siguro iyon mahahalata. Marami namang may ganoong pangalan dito sa Pilipinas.
**
Alas-singko na ng makarating si Francesca sa Emerald City. Sunod-sunod ang ginawa niyang pag-doorbell ng marating ang bahay na kanyang pagtatrabahuhan.
Hindi niya napigilang humanga sa itsura noon. Malaki iyon at napakaganda niyon. Moderno ang pagkakadisenyo. At kung titingnan mo sa labas, para iyong isang napakalaking palasyo.
Hindi naman nalalayo ang itsura ng bahay nila dito. Maganda din naman iyon, kaso nga lang aalog-alog dahil sila lang naman ng daddy niya ang nakatira doon.
Maya-maya pa ay bumukas ang automatic na gate pang-tao. Pumasok siya roon at iniwan muna ang kanyang scooter sa labas.
Kung maganda sa labas ang bahay, mas maganda iyon sa loob. Napakaganda at napakalawak ng garden. Punong-puno iyon ng iba’t ibang klase ng bulaklak. Mukhang maayos ang pagmimintina doon dahil pantay na pantay ang kulay berdeng damong nakalatag sa lupa. May malaking swimming pool din sa gilid ng bahay. At may mini-playground din doon.
Siguro para sa anak ng may-ari, sa loob-loob niya.
Tuloy-tuloy siyang naglakad hanggang sa marating niya ang main door. Bumukas iyon at iniluwa ang isang may katandaang babae. Nakasuot ito ng uniporme ng kasambahay, kaya’t nahinuha niyang isa ito sa makakasama niya. Mukha naman itong mabait. Parang hindi nagkakalayo ang edad nila ng kanyang yaya.
Ngumiti siya dito. “Good evening po,” magalang niyang bati dito.
Magiliw naman siya nitong ngitian. “Magandang gabi din naman eneng. Ikaw ba ang ipinadala ng agency dito?” tanong nito sa kanya.
“Opo. Ako nga po.” Tumatango-tangong sabi niya. “Ako nga po pala si Francesca Quijano. Ikay na lang po ang itawag ninyo sa akin,” agad niyang sabi. Umembento pa talaga siya ng itatawag sa kanya na hindi magiging tunog mayaman.
Lumapad ang ngiti ng matanda. “Tuloy ka eneng,” sabi nito.
Dumeretso naman siya sa loob. Iginala niya ang mga mata sa paligid, at hindi maikakaila sa mga nakikita niyang mga kasangkapan at muebles kung gaano kayaman ang magiging amo niya.
Dahil fine arts ang kinuha niyang kurso, ang karamihan sa mga paintings na naka-display doon ay kilala niya. Mga guhit ito ng mga sikat na pintor sa iba’t ibang parte ng mundo.
Maaliwalas at malinis ding tingnan ang buong kabahayan. Puti at malamlam na dilaw ang kulay noon.
“Ako nga pala si Nanay Mercy, ang katiwala dito,” pakilala ng matandang babae sa kanya. “Pwede ko bang makita ang biodata mo?” tanong pa nito.
Agad naman niya iyong ibinigay dito. Binasa naman agad iyon ni Nanay Mercy. Mukhang ito na mismo ang mag-iinterview sa kanya. Wala kasing ibang tao roon.
Bakit kaya parang napakatahimik ng bahay? tanong niya sa sarili. Parang ganito rin sa amin, dugtong pa niya sa sinasabi ng kanyang isipan.
Nakita ni Francesca na tumango-tango si Nanay Mercy. Indikasyon na ba iyon na tanggap na ako? Isa pang tanong niya sa sarili.
“Ang bata mo pa pala eneng. Biente anyos ka pa lang,” anito maya-maya.
“Opo.” magalang niyang sagot.
Tinitigan siya ni Nanay Mercy. Kinabahan naman siya sa uri ng tingin nito. Parang may nais itong sabihin pero hindi naman nito masabi-sabi.
“Ikaw ba ay may karanasan na sa pag-aalaga ng bata,” pagkuwa’y tanong nito. Hindi pa rin siya nito hinihiwalayan ng tingin.
Umiling siya. Ayaw naman niyang ipagsinungaling ang bagay na iyon. “Pero mabilis naman po akong matuto at tsaka maaasahan din po ako. Hindi rin po ako basta-basta sumusuko.” Mabilis niyang sabi sa determinadong tinig para kahit paano ay ma-impress ang matanda sa kanya.
Tiningnan siya nito ng may pag-aalinlangan. “Sigurado ka ba sa sinasabi mo? Hindi basta-basta bata lang ang aalagaan mo,” makahulugan pang sabi nito.
Kumunot ang noo niya. “Eh, ano ho? Hindi naman ho siguro nangangagat iyon?” birong-tanong niya dito at ngumiti.
Pero nagsisimula na siyang kabahan. Kung bata rin lang naman ay walang problema sa kanya. Kahit nag-iisang anak siya, sa eskwelahan naman ay palakaibigan naman siya. Wala man siyang kapatid ngunit marunong naman siyang makisama at mabilis din siyang makapalagayan ng loob.
Napangiti naman si Nanay Mercy sa biro niya. “Hindi naman nangangagat ang aalagaan mo, pero may pagkapilyo iyon.” Sagot nito sa kanya.
Nakahinga naman siya ng maluwag. May pagkakatulad pa ‘ata sila ng aalagaan niya. Kung pilyo iyon ay may pagkapilya rin siya.
Napangiti siya. “Naku hindi ho iyon mananalo sa kapilya—“
Hindi na natapos ni Francesca ang kanyang sasabihin ng bigla na lang may bumato ng bola sa kung saan. At sapul na sapul ang dibdib niya.

Book Comment (60)

  • avatar
    22Aymee

    ❤️❤️❤️

    11/08

      0
  • avatar
    bansiljohn paul

    wow ganda

    16/06

      0
  • avatar
    ArielPlandiano

    yeah

    02/06

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters