logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 4 Sakit Sa Ulo

"TISOY, tawag ka ni Mr. Ching."
Nilingon ni Ray si Melba na isa sa mga tindera ni Mr. Ching. Tumayo siya buhat sa pagkakaupo sa mahaba at yari sa makapal na plastik na upuan. "Sandali lang, tol," paalam niya sa kausap atsaka ito tinapik sa balikat.
"Bakit daw, Melbs?" tanong niya sa babae.
"Isang linggo ka na, `di ba? Baka susweldo ka na."
"Naks, ayos kung gano'n. Sige puntahan ko na."
"Manlibre ka, ah!"
"Oo ba!" Kinawayan niya ito bago tinungo ang puting pvc door at tatlong beses na kumatok.
"Pasok."
Pagkarinig niya sa matigas na pananagalog ng intsik na negosyante ay saka lang niya pinihit ang door handle at pumasok sa maliit nitong opisina.
Sa kaliwang banda, ilang hakbang mula sa pintuan ay ang monoblock table na nito ang makikita at maliit na electric fan na nakapatong doon. Naroon ang among intsik na nakaupo naman sa plastic na upuan. Sa paligid ay puro na kumpol ng mga stocks na naka-plastic.
"Boss, tawag mo daw ako?"
Tumango ito habang nasa tig-iisang daang papel na hawak ang atensiyon at binibilang iyon. Pagdaka'y kumuha ito ng pahabang brown envelop na pinaglalagyan ng pera kapag oras na ng sweldo.
"Ikaw husay tlabaho. Ako talaga tuwa iyo. Pati kostumel akin tuwa iyo," sabi nito sa bulol na pananagalog, bakas sa mukha ang tuwa.
Lumapad ang ngiti ni Ray at hinimas ang batok. Iba pala sa pakiramdam na nakakarinig ka ng papuri. Buong buhay yata kasi niya parang wala siyang nagawang maganda at puro sermon ang inaabot niya, hindi lang sa ama nilang palagi namang wala, maging sa dalawang nakatatandang kapatid.
"Masaya ho kasi ang trabaho ko rito. Marami akong nakikilala."
"Sana ikaw tagal pa dito."
"Kung pwede nga lang ho sana Mr. Ching, kaso magsisimula na rin ang pasukan sa susunod na linggo."
"Oke, oke, ako intindi ikaw." Itinuwid nito ang kanang braso na may hawak sa sobreng pinaglagyan nito ng tig-iisang daang perang papel. "Ito iyo sweldo. Dahil ako tuwa sa iyo, ako dagdag isa daan diyan."
Napangisi siya habang inaabot ang sobre. "Ayos, Mr. Ching. Maraming salamat." Ibinuka niya ang bibig ng sobre at binilang ang laman niyon. Sobra nga iyon ng isandaan. "Maraming salamat ulit, Mr. Ching. Alis na po ako," paalam niya rito.
Dumukot siya ng dalawang daan mula sa walong-daang laman niyang kita. Seven hundred para sa pitong araw na pagtatrabaho at isandaan bilang pa-bonus. Maliit iyon kung ikukumpara sa ten thousand monthly allowance na ibinibigay ng daddy niya. Pero kahit wala pa sa kalahati iyon, ang sarap sa pakiramdam na mahawakan ang perang bunga ng pawis niya.
"Ayiieee, ano sum'weldo ka na?" usisa ni Melba nang madatnan niya itong nag-aayos na ng paninda.
"Oo. O, bahala na kayo nila Tanya d'yan." Inabot niya ang dalawandaan dito.
"Ay! Hindi mo ako idi-date?"
"Hahaha! 'Wag kang ambisyosa, Melbs! Si Tisay ang type niyan hindi ikaw! Wala kang panama do'n!" Humahalakhak na pambabasag ng kasamahan nilang si Lando na nagbababa sa kalahating roller gate ng pwesto nila. Maging ang mga ibang tinderang nakarinig ay nakitawa na.
"Hoy, Lando! For your information, oo, maganda si Tisay pero mas masarap naman ako doon! Aba! Magaling yata ako sa kama! Iyong si Tisay? Menor de edad na, inosenteng-inosente pa!"
"Mas masarap naman ang bata at inosente, Melbs. Masarap kaya iyong tinuturuan pa sa ka—"
"Wala namang ganiyan, tol." Madilim ang mukhang awat ni Ray kay Lando. Kahit alam niyang biruan lang iyon, pero si Tisay ang pinag-uusapan at para sa kaniya pambabastos na iyon.
Kung hindi nga lang niya pinipigilan ang sarili, unang salita palang nito, nabigwasan na niya ito.
"Hala, Tol, pasensiya na, biruan lang naman."
"Iyan kasi, iyang bibig mo. Palibhasa ang manyak mo."
Tinanguan na lang niya ang mga ito at hindi na pinansin ang pagtuturuan kung sino ang may kasalanan.
Araw ng linggo ngayon at half day lang ang pasok nila. Naipasok na nila ang mga display na paninda at mga mannequin bago pa man siya ipatawag ni Mr. Ching kanina. Tinulungan na lang niya si Lando na ibaba ang iba pang roller gates atsaka siya nagpaalam sa mga kasama.
Dadaan muna siya sa shawarma-han nina Atoy para ibili si Tisay at ang nanay nito.
Habang naglalakad, sinipat-sipat niya ang sarili. Inamoy ang suot na itim na t-shirt na ipinampalit niya kanina. Oo, alam niyang gwapo siya, pero ayaw naman niyang amoy pawis at nanggigitata pagharap niya kay Tisay.
"Tol, limang shawarma large, dalawang gulaman at tatlong mineral." Sa isang linggo niyang pagkakakilala nang personal kay Tisay, mahilig itong kumain.
Sa totoo lang malakas itong kumain pero hindi halata sa katawan nito. Kaso ayaw na ayaw nitong nagpapalibre sa kaniya, kaya kailangan pa niyang kuntsabahin si Kakay. Kapag may magpapahatid sa kaniya sa sakayan at binibigyan siya ng tip, inaabot niya iyon dito para kunwari ito ang manlilibre sa kaibigan nito.
"Mukhang alam ko na kung para kanino ito," kantiyaw ni Atoy habang ginagawa ang order niya. Nginisihan lang niya ito.
"Langya, mawawalan na talaga ako ng pag-asa nito kay Tisay! Lintek, lamang ka ng sampung paligo sa akin, a!" bulalas na biro naman ni Berto.
"`Wag ka nang umasa, pre. May sabit ka na at ang bata pa ni Tisay. Ni hindi nga dumadayo iyon dito kung hindi pa hihilahin ni Kakay para ilibre. Atsaka, di hamak naman na mas bagay iyang dalawa. Tisoy at Tisay, `di ba, tol?"
"Iyan ang gusto ko sa `yo, tol!" Itinaas niya ang kanang kamay at nakipag-apir dito.
"Ano nililigawan mo na ba?"
Nagkibit-balikat siya. "Medyo mailap pa, tol."
"Nakaw! Baka hindi ka na pansinin no'n `pag nagkataon. Iyong mga binatilyo ditong sumubok manligaw kay Tisay, ay, ayon na-unknown zone."
"Mali lang siguro diskarte nila," natatawa niyang tugon. Pero sa totoo lang kinakabahan na siya. Ngayon pa nga lang, pinapansin lang siya nito kapag sinadya niya ang pwesto ng mga `to para batiin. Kung hindi pa nga niya ito babatiin, hindi rin siya nito papansinin. Kung hindi niya ito papansinin, hindi rin siya nito kikibuin.
Hindi naman ito masungit. Nakikipag-usap ito kapag kakausapin mo. Iyon nga lang, ikaw talaga ang dapat na unang mag-approach dito.
"Oh, tol. Goodluck sa panliligaw."
"Salamat, tol." Inabot niya kay Atoy ang dalawang plastic na naglalaman ng order niya.
Malalaki ang mga hakbang na tinungo niya ang labasan. "Magsasara na sila?" nagtatakang tanong niya sa sarili nang matanaw sa tapat ang pwesto nila Tisay at makita itong nagsasalansan ng mga paninda sa malaking sako bag.
Mas binilisan pa tuloy niya ang paglalakad, muntik pa siyang mabangga ng pedicab pagtawid niya.
"Hi, Pogi!" naunang bati sa kaniya ni Kakay na tumutulong sa pagliligpit.
"Hello, ganda," ganting bati niya rito bago binalingan ang dalagitang sadya. "Magsasara na kayo, Tisay?" tanong niya rito na tinanguan lang nito.
"Birthday kasi ni Mang Roberto ngayon, Tisoy! Oy, Tisay, imbitahin mo na rin si pogi. Tutal nandito na rin naman siya."
Tumayo nang tuwid si Tisay at sinulyapan siya bago ibinaling ang tingin sa nanay nitong nakaupo sa folding chair at nagpapaypay sa sarili.
Alam niyang tuwing linggo, si Tisay lang ang nagtitinda. Sinasamahan lang ito ni Kakay at iyon na rin ang naging routine niya nang ikalawang araw niya bilang boy na nataon na linggo.
"Nay, pwede po bang imbitahin si Ray?" tanong ni Tisay sa ina nito na nagpamaang sa kaniya.
"Bahala kayo sa buhay n'yo. Ikaw naman ang pasimuno. Lintek, nananahimik ako sa bahay pinagbantay mo ako rito!"
Napangiwi si Ray sa sagot ng ginang at napabungisngis naman si Kakay. "Siya kasi ang tumao dito dahil ipinagluto ni Tisay ang Tatay Roberto niya," bulong sa kaniya ni Kakay.
Nakaramdam ng init sa dibdib si Ray sa sinabi nito. Tinitigan na lang niya ang reaksiyon ni Tisay pero nakangiti lang ito nang muling bumaling sa kaniya.
"Makakasama ka ba?"
"Oo naman!" Mabilis pa sa alas kwatrong sang-ayon niya. "Tulungan ko na kayo. Oo nga pala, bumili ako ng shawarma at gulaman. Pangmeryenda sana natin pero half day lang din pala kayo." Ipinakita niya rito ang mga supot.
"Salamat. Idagdag na lang natin sa handa ni Tatay."
Ngiting-ngiting tinanguan niya ito. Mukhang swerte ang araw na `to para sa kaniya. Araw-araw naman niyang tinutulungan sa pagsasara ang mag-ina pero hanggang pagliligpit lang ang pinapayagan ni Tisay sa kaniya. At ngayong inimbitahan siya nito, ha! Ang saya-saya!
Siya na ang nagbuhat para itaas ang malaking lamesa na mas mukha pang papag at itinali iyon nang mahigpit sa magkabilang kanto ng abandonadong tindahan na pinagpupuwestuhan ng mga ito.
"Hindi pa ba kayo tapos diyan?! Aba'y gutom na gutom na ako!" pagtutungayaw ni Aling Mila.
"Tapos na po, `Nay. Pupuntahan ko lang po si Kuya Totoy," ani Tisay na ang tinutukoy ay ang magpe-pedicab na palaging inuupahan ng mga ito.
"Samahan na kita."
"Si Kakay na lang, Ray. Pakisamahan na lang si nanay dito, please?"
Hindi na nakatangging tumango na lamang siya at pinanood ang pag-alis ng magkaibigan. Nang mawala ang dalawa sa paningin ay saka niya isinalansan ang mga sako bag sa isang tabi para mas madali na lang hakutin.
Gusto sana niyang siya ang sumama rito dahil baka bastusin lang ang dalagita ng mga tambay sa daan. Kaso ayaw niyang sirain ang maganda nitong mood.
"Tisoy!" tawag sa kaniya ni Aling Mila. Umalis siya sa pagkakatayo sa tabi ng mga sako bag at lumapit dito.
"Aling Mila."
Tumayo si Aling Mila atsaka nito tinupi ang folding chair na inupuan at isiniksik iyon sa sulok, sa pagitan ng pader at kahoy na ginawang haligi at dingding para maging maliit na pahingahan.
"Nanliligaw ka kay Tisay?" tanong nito. Lumabas ito at itinali naman ang trapal na nagsisilbing panakip.
Nakagat niya ang pang-ibabang labi nang binundol ng kaba ang kaniyang dibdib. Magsasalita na sana siya nang magsalitang muli ang nanay ni Tisay.
"Wala akong pake kung nanliligaw ka kay Tisay. Kung gusto mo asawahin mo na nang mabawasan ang palamunin ko." Humarap ito sa kaniya nang nakakrus ang mga bisig. "Pupunta ka sa bahay namin. Makikita mo ang Anisa ko. Sayang magandang lalaki ka sana, pero kargador ka lang kasi. Mas bagay nga kayo ni Tisay. Iyong Anisa ko kasi sa mayamang lalaki nababagay."
Hindi na nga naiintindihan, hindi rin nagugustuhan ni Ray ang naririnig sa bibig ng nanay ni Tisay. Hindi niya alam na may kapatid si Tisay dahil ito at ang nanay lang nito ang palagi niyang nakikitang nagbabantay sa tindahang ito. Pero minsan na niyang narinig kay Kakay ang pangalang Anisa.
Pinagagalitan ni Kakay noon si Tisay dahil hiniram noong Anisa ang natitira sa ipon nito at ipinahiram naman nito.
"Sakit sa ulo ang batang iyan. Simula nang dumating sa buhay namin puro kamalasan na lang ang inabot namin." Nakapamaywang pang sabi nito.
Gusto niyang magsalita. Gusto niyang sabihing hindi gano'n ang nakikita niya sa anak nito. Ramdam niya ang kabaitan ni Tisay, ang senseridad nito sa lahat ng taong nakakausap nito kahit pa tulad ng nasabi niya na kailangang ang iba ang maunang makipag-usap dito.
Malakas kumain pero tinitipid ang sarili. Ilang beses na rin niyang nasaksihan kung paano nitong unahin ang ina bago ang sarili.
Kaya paano nasasabi ni Aling Mila ang hindi magagandang salita sa sarili nitong anak? Hindi ba nito nakikita ang mga ginagawa ni Tisay para gano'n na lang nito sabihing sakit sa ulo ang anak nito.
"Kung gusto mong asawahin si Tisay, asawahin mo. Pero siguraduhin mong hindi kayo sa bahay titira at baka dumagdag ka lang sa palalamunin ko."
Nagtatagis ang bagang na tinitigan niya ito. Ang walang kapakealam sa mukha, ang pagtaas ng isa nitong kilay. Gustong-gusto na lang niyang sakalin ang ginang.
"O bakit ganiyan ka makatingin?!" tanong ni Aling Mila nang malingunan siya nitong masama ang tingin dito.
Nag-iwas siya ng tingin at umiling na lang.

Book Comment (30)

  • avatar
    Marjun Masapol

    next po madam sobrang sobrang ganda po ng storys po promis

    1d

      0
  • avatar
    Sarah Eunice Solmayor

    ang ganda po

    20d

      1
  • avatar
    Flor C. Panugaling

    🥰🥰🥰

    20d

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters