logo text
Add to Library
logo
logo-text

Download this book within the app

Chapter 6


Napanganga na lang ako nang masilayan sa personal si Timoteo Castellana. Ngumiti siya sa akin at saka nakikita ko rin ang dalawang biloy na nasa kaniyang pisngi.
“Paumanhin lang binibini, ngunit parang may tumutulo galing sa iyong labi.” sabi niya pa sa akin. Mukhang nakakabalik na rin ako sa aking sarili at nagulat kung anong tumutulo ngayon sa aking bigbig. Naku, naman. Tumutulo na pala ang aking laway. Juskolord!
Napangiti na lang ako at saka tumalikod na sa kaniya. Agad ko namang pinunasan ang aking laway gamit ang tapis sa aking saya at saka humarap ulit sa kaniya. Ngumiti na lang ako na parang walang nangyari at ngumiti rin naman siya pabalik sa akin.
“Nais ko ulit tanungin ka binibini kung anong ginagawa mo rito sa loob?” tanong niya ulit sa akin gamit ang kalmado nitong tono.
“Uh, wala naman. Gusto ko lang naman tingnan ang mga magaganda mong obra, ginoo.” sagot ko naman habang nakakatitig sa kaniya. Hindi naman maalis-alis ang aking mga mata sa kaniyang mala-anghel na imahe. Parang isa siyang maamong tupa. Malumanay, mukhang mabait, at may maamong mukha.
“Malugod kong tinatanggap ang iyong papuri sa aking mga obra, binibini. Ngunit pinagbawalan ang sinuman na makapasok sa silid na ‘to.” sabi niya sa akin na may pangamba sa kaniyang mukha. Nagulat naman ako sa kaniyang pahayag.
Bigla niya ring hinawakan ang aking kamay at hinatid sa labas ng kwartong ‘yun. Nagulat naman ako sa kaniyang ginawa at ganun din sa kaniya. Hindi dapat basta-basta hinahawakan ng lalake ang kamay ng babae kung hindi niya pa ito kasintahan o asawa sa ganitong panahon. Bumitiw naman siya sa kaniyang pagkakahawak sa aking kamay at mabuti na lang dahil walang may nakakakita.
“Hindi ko sinasadya, binibini.” sabi niya sa akin. Mukhang nagkahiyaan kami sa mga oras na ‘yun. Namumula rin ang kaniyang mala-porcelanang pisngi at napa-iwas din ng tingin sa akin.
“Timoteo!” sigaw ng isang lalake na nasa aming likuran. Napatingin naman kami sa lalakeng ‘yun at laking gulat ko na lang dahil kasama niya sa mga oras na ‘yun ang aking pinsan na si Eleanor. Nagulat din si Eleanor nang makita ako at agad naman siya pumunta sa amin kasama ang lalaking ‘yun.
“Florentina! Mabuti nandito ka!” sabi niya sa akin habang nakangiti. Napangiti naman ako nang magkita ulit kami ni Eleanor. Sino kayang binata na kasama niya ngayon?
“Florentina, may ipapakilala pala ako sa’yo. Siya si ginoong Danilo Manejero. Isa siyang Insulares sa bayan na ito, ang aking nobyo.” pagpapakilala niya sa akin sa lalaking katabi niya ngayon. Ngumiti naman ang ginoo at nagbigay galang sa aking harapan.
“Malugod kong makilala ka, binibining Florentina.” sabi niya habang hinubad ang kaniyang sumbrero at itinapat ito sa kaniyang dibdib.
“Ako rin, ginoong Danilo.” sabi ko naman sa kaniya. Mukhang maswerte naman ang pinsan ni Florentina sa nobyo nito. Insulares kasi, ang ibig sabihin ‘nun isa siyang full-blooded spaniard. Kaya lang dito siya ipinanganak at lumaki sa Pilipinas. Napakaputi nito, matangos din ang ilong, at gwapo pa.
“Mukhang magkakilala kayo ni ginoong Timoteo, Florentina.” sabi naman ni Eleanor sa ‘kin na para bang may kasunod na panunukso. Siningkitan ko na lang siya ngunit siniko niya ako sa aking tagiliran sabay tawa.
“Kailan pa kayo, nagkakilala ni ginoong Timoteo, ha?” tanong niya sa akin sabay bungisngis.
“Bago ko lang siya nakilala, Eleanor. At saka teka nga, kanina pa ba kayo ng nobyo mo rito?” sabi ko. Ngunit imbes na sagutin ang aking tanong ay mas ngumiti naman siya nang mas malapad sa aking harapan.
“Huwag mo namang ibahin ang usapan, Florentina. Kailan ba kasi kayo nagkakilala ni ginoong Timoteo? Sabihin mo sa akin!” sabi pa niya. Talagang nagagalak siyang marinig ang kuwento mula sa akin.
Magsasalita na sana ako kaya lang biglang sumingit si ginoong Danilo sa aming likuran habang kasama niya si Timoteo na tahimik na tumitingin sa amin. “Paumanhin lang mga binibini, nais ko na sanang maunang umalis.” sabi niya at saka tumingin kay Eleanor.
“Aalis ka na, ginoong Danilo?” nag-aalalang tanong ni Eleanor sa kaniya. Napatango naman si ginoong Danilo sa amin at saka nagbigay galang sa aming harapan.
“Sandali lamang, ginoo. Aalis din kami ni Florentina.” nagmamadaling sinabi ni Eleanor habang nauna na siyang naglakad papunta kay Danilo. Mukhang napa-sobra ‘ata ang tama ni Eleanor sa Insulares na ‘yun. Napailing na lang ako sa kaniyang mga kinikilos.
Naiwan naman kami ni Timoteo sa aming kinatatayuan habang ang magkasintahan naman ay parang mga butiki. Magkakahawak pa ang kanilang mga kamay habang sabay na bumaba ng hagdan. Parang gusto ko na ring umalis sa aking kinatatayuan ngunit parang ayaw naman gumalaw ng aking mga paa. Ano bang nangyayari sa akin?
Nagkatinginan kami tuloy ng lalaking ‘to at muling ngumiti sa akin dahilan upang uminit ang aking mukha. Ang masayahin niyang mukha ang siya ring nagpapasingkit ng kaniyang mga mata. Mukhang isa siyang chinese mestizo na bihira ko lamang makikita.
“Nakalimutan ko pa lang magpakilala sa’yo, binibini.” panimula niya. Hinubad niya ang kaniyang sumbrero at saka itinapat niya ‘yun sa kaniyang dibdib. Nabigla naman ako sa kaniyang ginawa. Talagang ang mga lalaki noon ay sadyang napakagalang. Meron pa ba ngayon? Haha
“Ako nga pala si Timoteo Castellana. Ikaw binibini, ano ang iyong pangalan?” tanong niya sa akin habang nakatingin sa aking mga mata. Ngumiti naman ako at agad nagbigay galang din sa kaniya.
“Ako nga pala si Florab-----.” Naku, hindi na pala Florabelle ang pangalan ko ngayon. “Uh, ako nga pala si Florentina Morcillo, ginoong Timoteo.” sagot ko naman sa kaniya. Nasilayan ko na naman ang maganda niyang ngiti kaya agad akong napaiwas ng tingin sa kaniya.
“Ikaw pala ang kapatid na tinutukoy ni ginoong Angelo kamakailan nang magkita kami. Isang mabuting ginoo at doktor ang iyong kapatid, binibini.” kuwento niya sa akin habang nakaharap nang malapitan. Isang doktor ang kapatid ni Florentina? Napangiti naman ako sa kaniyang sinabi.
“Puwede bang magtanong, ginoo? Bakit bawal makapasok sa loob ng silid na ‘yun?” tanong ko sa kaniya habang nakaturo sa kwarto kung saan kami unang nagkita kanina. Napatingin naman si Timoteo kung saan ko tinuturo ang aking daliri. Medyo napatagal pa ang pagtitig niya sa silid na ‘yun.
“Ang ama ko mismo nagbigay ng utos na hindi maaring makapasok sinuman sa silid na ‘yan, binibini. Kahit mga kamag-anak ko pa ay hindi maaari. Hindi ko rin lubos na mauunawaan ang aking ama kung bakit pero bago siya mawala ay agad ko naman ‘yun sinunod. Kapag wala ako sa silid na ‘yan, pinababantayan ko iyon sa mga guardia sibil ng aming mansion.” kuwento niya.
“Pinangalan ko itong La casa de los aprendizajes de Castellana. Nagpagawa rin ako ng isang malaking silid-aklatan na dati ay silid aklatan lang ito ng aking yumaong ama. Maganda at tunay na kaibig-ibig ito sa mga estudyanteng mahilig mag-aral sapagkat malapit lamang ito sa Colegio de Santa Carolina.”
“Malapit lang dito ang Colegio de Santa Carolina?” gulat kong tanong sa kaniya. Napatango naman siya sa akin.
“Hindi ka ba riyan nag-aaral, binibini?” tanong niya.
“Bago lang ako rito, ginoo. Sa Maynila kasi ako lumaki.” sagot ko na lang sa kaniya.
“FLORENTINA!” sigaw naman ni Eleanor galing ibaba dahilan upang kami’y mapatingin na sa kaniya.
“Wala ka bang balak umalis? Naghihintay na sa atin si mamang kutsero sa labas.” sabi nito.
Agad naman akong napasampal ng mukha at saka napatingin ulit kay Timoteo na naghihintay sa aking sasabihin. Shocks. Oo nga pala, nakalimutan ko!
“Pasensiya na, ginoo. Mukhang hanggang dito na lamang. Kailangan ko nang umalis.” sabi ko naman sa kaniya na nakangiti. Ngunit bago pa ako umalis sa kaniyang harapan ay bigla na lang niya hinablot ang aking kamay at saka tumingin nang diretso sa akin. “Magkikita pa ba tayo ulit, binibini?” tanong niya.
Mukhang nag-iinit na naman ang aking mukha dahil bigla niyang nilapit ang kanyang labi sa aking tenga upang itanong ‘yun sa akin. Hindi ko naman alam kung ano ang magiging sagot ko sa kaniya. Mukhang lumalambot na ang aking mga tuhod at unti-unti ring kumakabog nang malakas ang aking puso dahil sa ginawa niyang ‘yun.
“Huwag kang mag-alala, ginoong Timoteo. Magkikita pa naman kayo ni Florentina!” sigaw naman ni Eleanor sa ibaba na hindi namin namamalayan na naririnig na pala niya ang aming pinag-usapan. Napatingin naman ako kay Timoteo at saka tumango na lang.
“Aasahan ko ‘yan, binibini.” ngiti niya at saka binitawan ang aking kamay. Agad naman akong lumakad papalayo sa kaniya at dali-daling bumaba ng hagdan.
Nang magkasalubong na kami ni Eleanor sa ibaba ay nasilayan ko ulit si Timoteo na nasa itaas habang nakatingin sa akin. Kitang-kita ko na naman ang masayahin niyang mukha na siyang muling nagpasingkit sa kaniyang mga mata at paglitaw ng dalawa niyang biloy sa pisngi. Ngumiti ako sa kaniya pabalik hanggang sa tuluyan na kaming nakalabas ni Eleanor ng mansion.
**********
“Florentina, dali ikuwento mo naman.” pagpupumilit pa ni Eleanor. Nandito kami ngayon sa loob ng kalesa kung saan patungo kami ngayon sa Sta. Rosita. Mukhang hindi siya titigil sa kaniyang pangungulit sa akin.
“Ano ba dapat ang aking ikukuwento, ha? Mukha namang narinig mo ang aming pinag-usapan kanina.” sabi ko naman sa kaniya. Mukhang mas lumapad pa ang kaniyang mga ngiti nang sinabi ko ‘yun sa kaniya. Ganun ba kalakas ang aming boses nang mag-usap kami kanina ni Timoteo?
“Isang tahimik na tao si ginoong Timoteo, Florentina. Bibihira lang siya lumalabas o di kaya’y makasama sa isang pagtitipon dahil sa kaniyang pagpipinta. Kakaunti rin ang kaniyang mga kaibigan dahil hindi naman siya masyadong palakaibigan. Alam mo ba maraming tao ang nagtatanong kung bakit pinagbawalan ang sinuman na makapunta sa silid na ‘yun? Ni isa wala siyang nasasagot sa mga tanong na ‘yun kahit ako mismo ay hindi niya rin sinasagot tungkol diyan, Florentina.” sabi niya. Medyo nagulat naman ako sa kaniyang sinabi.
“Kaya nagulat ako nang sinabi niya ang dahilan sa ‘yo.” dagdag pa niya. Mukhang hindi naman ako makapaniwala sa kaniyang sinabi. Naalala ko tuloy ang masayahin niyang mukha na hindi rin umaalis sa aking isipan. Ibig sabihin ako pala ang unang nakakaalam ng dahilang ‘yon?
Mukhang malapit na kami sa bahay ni Katrina at agad naman kaming nag-ayos ng aming sarili. Paano ba naman ‘yan mukha na kaming haggard sa aming kalahating oras na paglalakbay mula Arevalo. Nang makababa na kami ng kalesa ay agad na kaming tumungo sa loob ng mansion ni Katrina. Agad naman kaming nagtanong sa kanilang tagapagsilbi kung nasaan na sila.
“Nasaan na sina Katrina at Henrietta?” tanong ko. Agad naman nagbigay galang ang tagapagsilbi sa amin.
“Nasa hapagkainan na sila mga senyorita. Kayo na lang ang hinihintay.” sabi niya sa amin. Napatingin naman kami ni Eleanor sa isa’t isa sa kaniyang sinabi.
Nagtungo na rin kami ni Eleanor sa kanilang hapagkainan at mukhang masaya naman sina Katrina at Henrietta sa kanilang kinauupuan pero may kasama silang isang ginoo. At sino naman kaya siya?
“Naku, Florentina at Eleanor! Mabuti na lang dahil dumating na kayo agad. Dali, umupo na kayo rito.” alok ni Katrina sa amin na mukhang masayang-masaya kaya agad naman kaming umupo ni Eleanor sa mga bakanteng upuan ng hapag. Nang makaupo na ako ay napansin kong nakatingin sa akin ang lalake na katabi ni Katrina.
“Ikaw ba si binibining Florentina?” tanong niya sa akin. Napatigil naman ako sandali at saka tumingin sa kaniya.
“Ay, nakalimutan ko palang ipakilala siya sa’yo Florentina.” pagbasag naman ni Katrina. “Siya pala si ginoong Theodore Alfarez, ang aking nobyo.” ang pagpakilala niya sa lalaking katabi niya ngayon. Nagulat naman ako dahil sa sinabi niya.
Mukhang gwapo naman ang nobyo ni Katrina. Maputi siya, matangos din ang ilong, at may mala-rosas na labi. Ba’t ang gagwapo ng mga nobyo ng aking mga pinsan? Sa pagkakaalam ko, may sinabi si Eleanor dati na isang Peninsulares ang nobyo ni Katrina. Kaya pala parang full-blooded spaniard ang kaniyang imahe na katulad din sa nobyo ni Eleanor.
Napangiti naman ako at agad namang napayuko bilang pagbibigay galang sa ginoo. “Masaya akong makita ka, ginoo.” sabi ko.
“Ako rin, binibini. Masaya ako dahil sa wakas ay nakita rin kita sa personal. Palagi ka kasing ikinukuwento ni Katrina. Pupunta naman kami agad sa klinika ng iyong kuya baka gusto mong sumama?” ani niya. Napatahimik naman ako sa mga sandaling ‘yun.
“Hindi ako sigurado ginoo kung pupunta ba ang aking kapatid sa klinika niya ngayon.” sabi ko na lang sa kaniya.
“Hindi naman ang iyong kuya ang pupuntahan namin ‘dun, binibini. Pupuntahan namin ‘dun si ginoong Mateo dahil may pag-uusapan lang kami.” sabi niya at agad ding humigop ng kape sa kaniyang tasa.
“Tanong ko lang ginoong Theodore, isa ring doktor si ginoong Mateo Castellana ‘di ba? Minsan na kasing binanggit ni kuya ang kaniyang pangalan tungkol sa kanilang trabaho sa klinika.” tanong naman bigla ni Henrietta na nasa aking harapang kumakain. Mukhang nabulunan ako nang binanggit niya ang Castellana at agad naman akong uminon ng maraming tubig.
Nag-aalala naman silang lahat sa akin pero naging maayos naman ako ng ilang sandali at saka bumalik na sa aking pagkain. Nakita ko naman na parang bang natutuwa pa si Eleanor nang makita niya ang aking reaksyon kanina.
“Oo. Isang doktor si ginoong Mateo Castellana. Magkasama sila sa iisang klinika ng iyong kapatid, binibining Henrietta.” sagot naman ni Theodore.
“‘Di ba may pinsan si ginoong Mateo. Ano ba ‘yung pangalan niya?” tanong naman ni Katrina.
“Si ginoong Timoteo Castellana ba ang iyong tinutukoy?” ani ni Henrietta. Mukhang tumigil ang aking paghinga nang banggitin niya ang pangalan ng lalaking nakilala ko kanina. Hindi ko alam ngunit parang umiinit na naman ang aking pisngi.
“Oo. Si ginoong Timoteo Castellana nga. Isa siyang bantog na pintor na umaabot ang kaniyang mga obra sa iba’t ibang panig ng bansa. Isa rin siyang mahusay na negosyante. Sa pagkakaalam ko kasi, may malaki siyang puwesto na panciteria sa La Villa de Arevalo. Negosyo pa ito ng kaniyang ina na isang Sangley at nakapag-asawa ng isang Insulares na ama niya.” kuwento ni Eleanor sa amin.
“At kay sino mo naman ‘yan narinig, ha?” tanong naman ni Katrina sa kaniya.
“Kuwento lang sa akin ni ginoong Danilo. Matalik silang magkaibigan kasi ni ginoong Timoteo. Nagkita nga kami kanina sa La casa de los aprendizajes de Castellana ‘di ba, Florentina?” pagdidiin naman ni Eleanor at agad naman siyang napatingin sa akin. Nagulat naman silang lahat nang marinig nila iyon. Mukhang nilamon ko nang buo ang ninguya kong pagkain at saka namang napatingin din sa kanila.
“Uh, Oo.” tipid kong sagot. Uminom agad ako ng maraming tubig sa aking baso. Sana naman ay wala na silang itatanong tungkol kay Timoteo. Mukhang sasabog na ulit ang aking puso dahil sa kaba ko ngayon.
“Mabuti naman, binibini. Isang mabuting tao si ginoong Timoteo ganun din ang kanilang pamilya. Ang kaniyang tiyuhin ay isang gobernadorcillo sa bayan na ito kung kaya’y napakaimpluwensiya nito at makapangyarihan din. Sa pagkakaalam ko’y matalik din silang magkakaibigan ng iyong ama.” sabi ni Theodore sa akin.
Napalunok na lang ako at saka tumingin kay Henrietta. Napatango naman siya at saka ngumiti sa akin. Magtatapos na rin kami sa aming hapagkainan sa mga oras na ‘yun at saka na kaming umalis papuntang klinika kung saan makipagkita kami sa isang doktor na si ginoong Mateo Castellana.
**********
“Tanong ko lang, Eleanor. Nasaan ba ang klinika ng aking kapatid?” bulong ko sa kaniya. Mukhang nagulat naman si Eleanor sa aking tanong. Nandito kami ngayon sa loob ng kalesa kung saan kasama kong nakaupo sina Katrina, Eleanor, at Henrietta. Nasa labas namang nakaupo si Theodore katabi ang kutsero.
“Hindi mo ba alam? Kung sabagay bago ka pa lang dito, Florentina. Nandito rin sa bayan ng Sta. Rosita matatagpuan ang klinika ng iyong kapatid.” sagot niya sa akin. Napatingin na lang ako sa kalayuan at agad napaisip. Bakit naman hindi sa bayan ng Anillo nagpatayo ng klinika ang kapatid ni Florentina?
“Mukhang nandito na tayo!” bulalas ni Eleanor at agad natanaw mula sa bintana ang isang mansion sa ‘di kalayuan.
Nang nakalabas na kaming lahat mula sa sinasakyang kalesa ay agad namang kumatok si ginoong Theodore sa malaking pintuan ng mansion. Pagkabukas ng pintuan ay tumambad sa amin ang isang matandang lalake at agad naman siyang bumati sa amin.
“Magandang hapon ginoo at sa inyong mga binibini. May kailangan po ba kayo?” tanong niya sa amin. Agad namang nagbigay galang sa kaniya si Theodore at sinabing, “Gusto naming makausap si ginoong Mateo Castellana. Alam kong nandito siya sa mga oras na ito.”
“Oo. Nandito ngayon si senyor Mateo. Tumuloy muna kayo at umupo muna habang hinihintay niyo siya rito.” sabi ng matandang lalake sa amin at agad niya rin kaming pinatuloy sa loob ng mansion. Pinaupo niya kami sa salas at binigyan ng maiinom na tsaa. Mukhang mainit pa ito at ma-aroma ang amoy.
Habang umiinom ako nito ay bigla kong nabitawan ang tasa nang walang kamalay-malay. Anong nangyayari sa akin? Tumilapon ang aking tsaa sa sahig at mukhang nabasag din ang tasa na ginamit ko. Mukhang malalagot ako ngayon. Mabilis ko namang pinulot ang mga bubog na nakakalat sa sahig at walang anu-ano’y biglang nagkasugat ang aking daliri. Aray!
“Naku naman, Florentina. Ba’t mo ba kasing pinulot pa ang mga bubog diyan. Ayan tuloy nasugatan ka.” sabi na lang ni Katrina sa aking tabi. Parang wala ako sa aking sarili sa mga oras na ‘yun. Hindi ko nga rin alam kung bakit.
Nang tumayo na ako sa aking pagkakayuko ay bigla na lang may kumuha ng aking kamay at agad sinuri ang nadudurugo kong daliri. Dali-dali naman niyang tinakpan ang maliit kong sugat gamit ng puting tela. Napatingin naman ako sa lalaking ito. Sino naman kaya siya? Tumingin din siya sa akin at saka ngumiti.
“Sa susunod huwag mong pulutin ang mga bubog sa sahig upang hindi ka na masugatan, binibini.” sabi niya. Napatulala na lang ako sa kaniyang sinabi. Kilala ba ‘to ni Florentina?
“Konrad Garcia! Hindi ko akalaing magkikita tayo muli.” sabi naman ni Theodore sa aming likuran at agad naman nakipagkamay sa lalaking sinasabi niyang Konrad. Konrad? As in si Konrad na nobyo ni Florentina?! Agad naman akong napatingin sa kaniya.
“Isa ka pa lang doktor dito, ginoong Konrad. Naparito ka ba dahil kay Florentina?” panunukso naman ni Katrina sa amin. Agad naman akong napatingin kay Katrina na kinikilig na sa mga oras na ‘yun.
“Oo. Naparito ako ngayon sa Panay dahil sa kaniya. Pupuntahan ko siya kung saan man siya mapunta sa kadahilanang ako na ang kaniyang nobyo.” sabi niya sa akin habang nakahawak sa aking mga kamay. Nabigla naman ako sa kaniyang sinabi.
Nang mapatingin ako sa ikalawang palapag ng mansion ay nagulat ako nang muli kong makita ang imahe ni Timoteo Castellana. May kasama rin siyang isang ginoo na nasa kaniyang tabi at agad na silang pababa ng hagdan. Hindi ko alam kung sino ‘yun pero tiyak kong siya si ginoong Mateo. Mukhang hindi siya masaya nang muli niya akong makita. Tumitingin lang siya sa akin at malungkot na pinagmamasdan ang aking presensiya.
Walang umano’y bigla na lang ako nahilo nang walang dahilan kaya napahawak ako sa aking noo. Hindi ko alam kung bakit ngunit bigla ring dumidilim ang aking paningin dahilan upang ako’y napapikit at bumagsak na sa aking kinatatayuan.
Ilang sandali pa’y ibinuklat ko na rin ang aking mga mata at nagulat nang makita ang aking sarili na nakahiga na sa aking kama ng aming apartment. Napabuntong hininga na lang ako at saka napatulala sa kawalan.
Mukhang nakakabalik na ako sa kasalukuyan.

Book Comment (34)

  • avatar
    Fernandes MelgarEduardo

    bom

    17/01/2025

      0
  • avatar
    DimapilisJudyann

    5.0

    02/12/2024

      0
  • avatar
    LaugoJocel

    very nice ,, super , and it's can relieve my stress

    20/10/2024

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters