Ang Nakaraan, 1599 Maganda ang babae. May mahaba siyang buhok na kulay tsokolate at may matangos na ilong. Maputi siya, mahaba rin ang mga pilik-mata at mapupula ang labi. Nakasuot din siya ng kulay pula’t asul na baro’t saya. Teka, kung hindi ako nagkakamali parang nasa kapanahunan ako ng mga kastila. Napahilamos na lang ako ng aking mukha at saka napahiga muli sa kama. Napatulala ako sa kisame hanggang sa napaisip ako sandali. ‘Di ba nakatulog ako kanina? Mukhang nananaginip na naman ako. Huminga naman ako nang malalim at saka bumangon na sa kama. Mukhang nawala na ang aking pangamba subalit nang tiningnan ko muli ang singsing sa aking daliri ay nagulat na lamang ako dahil……. Wala na ito. Hinanap ko agad ang singsing sa aking higaan at saka sa sahig ngunit hindi ko ito nakita. Nakapagtataka naman. Napahinto ako sa paghahanap dahil may kumatok na naman sa labas ng pintuan. Agad naman akong umupo sa kama. “Magandang umaga, senyorita Florentina. Kailangan mo nang maligo at kumain ng iyong agahan dahil aalis na kayo ng iyong ama’t kapatid.” sabi sa akin ng isang babae. Nakasuot siya ng puting kamisa at kulay asul na saya. Mukhang siya ‘yung tagapagsilbi nila. Tinawag niya ba akong Florentina? “Bakit? Saan kami tutungo ngayong araw?” tanong ko naman sa kaniya na akin namang ikinagulat bigla. Teka, ba’t nagsasalita ako ng malalalim na tagalog? Napatakip na lang ako ng aking bibig. Kumunot naman ang mukha ng babae. “Di ba po aalis na kayo patungong Panay?” Base sa sinabi ng babae ay mukhang wala ako ngayon sa Iloilo. Kaya agad akong napatayo at binuksan ang bintana malapit sa akin. Napapikit ako dahil sa lakas ng simoy ng hangin na nakasalubong ko at naaamoy ko rin ang hangin galing sa dalampasigan. Pagkamulat ng aking mata, kitang-kita ko ang isang malawak na dalampasigan sa aking harapan. Maraming mga galleon ang nagsidatingan sa daungan at maraming kalalakihang tumutulong na buhatin ang mga dalang produkto galing Acapulco. First time kong makakita sa aktual ang hitsura ng galleon kaya napamangha ako. Kung hindi ako nagkakamali, ito ‘yung dating Maynila sa kapanahunan ng espanyol. Pero agad namang nagtapos ang aking kasiyahan nang may isang malalim na boses na bumasag mula sa aking likuran dahilan upang lumingon ako. “Florentina, kailangan mo nang maligo at magbihis dahil magtatanghali na.” sabi niya sa akin. Malaki ang lalake. Mukhang nasa 50’s na siya at medyo may mga wrinkles na sa kaniyang mukha. May mga balbas din siya at makakapal na bigote. Nakatingin lang siya sa akin at parang naghihintay sa aking sasabihin. “Uh, opo ama. Maliligo na po ako.” sabi ko na lang at saka umalis papalabas ng silid. Hindi ko talaga alam kung ano ang aking gagawin sa mga oras na ‘yun. “At saan ka naman pupunta Florentina?” tanong niya sa akin. Napahinto naman ako saglit. “Uh, maliligo po?” Napabuntong hininga lang ang matandang lalake at nakatingin nang seryoso sa akin. Naku, anong gagawin ko? “Ako na lang po ang bahala kay senyorita Florentina, Don Samuel.” sabi ng tagapagsilbi dahilan upang tumango ang don. “Matapos mong magbihis ay agad ka nang bababa para sabay na tayong kumain ng agahan.” Iyan lang ang sinabi ng don bago siya umalis ng silid. Don Samuel pala ang pangalan ng matandang lalake na ‘yun. “Ano ka ba naman, senyorita. Kailangan mo nang maligo. Mukhang nagmamadali ang iyong ama.” ani niya habang ginuguyod ako papunta sa aking paliguan sa silid. So, nandito lang pala ang paliguan. Nakakahiya pala ako kanina. Pagkatapos kong maligo ay nagbihis agad ako at sinuot ang baro’t saya na kulay rosas na ibinigay ng tagapagsilbi sa ‘kin. First time ko ring magsuot ng ganitong kasuotan kaya parang hindi ako komportable. Nakaupo ako ngayon sa harapan ng salamin at hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko nang makita ang aking sarili. Hindi ko maitatangging kaparehong-kapareho talaga ang pagkakahulma ng aming hitsura kaya lang mas maganda itong si Florentina kaysa akin. In short, ako ang Ugly Duckling version ni Florentina. Nang titigan ko ang aking mukha sa salamin ay talagang may dugong kastila si Florentina dahil sa tinataglay nitong kaputian at mala-tsokolate na mata’t buhok. Ang buhok ko ngayon ay mahaba na kaya parang hindi ako komportable na makita ang aking sarili sa salamin. May mga mahahaba ring pilik-mata at mapupulang labi si Florentina. Mukhang gustong-gusto ko ang mukha ko ngayon. Ngumiti na lang ako at saka napansing may malalim na biloy sa kaliwa kong pisngi. “Mukhang may naiisip kayo senyorita.” Pagbasag naman ng tagapagsilbi habang sinusuklay ang mahaba kong buhok. Nawala naman bigla ang aking ngiti. “Naku naman. Aminin mo na kasi sa akin.” sabi niya pa. “Ang ano naman po?” Mukhang napangiti siya lalo. “Kahit hindi mo aaminin sa ‘kin senyorita, alam kong may namamagitan sa inyo ni ginoong Konrad.” dagdag pa niya. Ano raw? At sino naman si Konrad? Nang patapos na kong magbihis ay agad na akong bumaba ng hagdan at sinalubong ang ama’t kapatid ni Florentina. “Ang ganda naman ng ate ko.” Napangiti naman ako ng ako’y sinalubong ng babaeng una kong nakita sa panaginip ko ngayon. Bigla na lang niya ako hinatak papunta sa hapagkainan kung saan nakaupo na ngayon ang aming ama na si Don Samuel. “Huwag mong hatakin nang ganyan ang iyong ate, Henrietta.” suway naman ni Don Samuel sa babaeng ‘to. So, Henrietta pala ang pangalan ng kapatid ni Florentina. “Patawad po, ama.” sabi na lang ni Henrietta habang nakapuwesto sa tabi ni Don Samuel sa hapagkainan habang ako naman ay nakapuwesto na rin sa kaniyang tapat. Sana man lang walang question and answer portion ngayong magaganap. Habang kami’y kumakain ay napatanong na lang bigla si Don Samuel sa ‘kin na akin namang ikinabigla. “Saan mo gustong mag-aral pagdating natin sa isla ng Panay, Florentina?” Napalunok na lang ako sa kaniyang tanong. “Baka gusto mong tumuloy sa aking paaralan, ate.” sabi ni Henrietta sa aking tapat. “Sa Colegio de Santa Carolina? Ano sa tingin mo, Florentina?” tanong naman ni Don Samuel sa akin. Napatingin na lang ako sa kaniya at saka lumunok. Mukhang tango lang ang aking maibigay na kasagutan. “Mabuti naman kung ganun. Tapusin niyo na ang inyong agahan at agad na tayong humayo papuntang daungan.” sabi ng don at agad uminom ng kaniyang mainit na kape. Nagkatinginan naman kami ni Henrietta sa mga oras na ‘yun. ********** “Ikaw na po ang bahala rito sa pamamahay, Manang Adel.” sabi ni Don Samuel sa matandang babae na nasa aming harapan. Siya siguro ang mayor doma ng pamilya ni Florentina. “Huwag kang mag-alala, Don Samuel.” sabi ng matanda at saka tumingin sa ‘kin. Mukhang malungkot siya sa mga oras na ‘yun at agad yumakap sa akin. “Hindi ko kailan maisip na magkakalayo tayo, Florentina. Palagi mong tatandaan ang aking mga bilin at mag-iingat ka palagi ng iyong kapatid.” sabi niya sa akin. Tiningnan ko siya at agad akong ngumiti. “Huwag kayo mag-alala. Lagi kong iingatan ang aking sarili.” Narito kami ngayon sa daungan kung saan maraming tao ang nag-aabang sa pagdaong ng mga barko galing sa iba’t ibang panig ng isla. Naghihintay din kami rito sa pagdating ng aming barko papuntang Panay. Habang nag-aabang ay nagsalita na lang bigla si Don Samuel na nasa aming tabi. “Alam kong mahirap sa inyo na iwanan ang ating pamamahay dito sa Maynila lalong-lalo na sa ‘yo, Florentina.” at agad akong napatingin sa kaniya. “Alam kong napamahal ka na sa mga kaibigan mo rito sa Maynila pero kailangan ka rin ng iyong pamilya.” dagdag pa niya. “Bilang gobernadorcillo ng Anillo ay obligasyon kong tulungan ang ating nasasakupan kung kaya’y wala na akong panahon na bumalik ulit dito sa Maynila. Ang iba nating negosyo rito ay ibinenta ko na at napagdesisyunang magpatayo ng ibang negosyo roon sa ating bayan. Hindi na kayo magtataka kung bakit tuluyan na nating nilisan ang kamaynilaan.” “Ibig po sabihin ama, hinding-hindi na tayo ulit babalik dito?” tanong ni Henrietta. Napatango naman ang don. Kitang kita ko naman ang pagkadismaya sa kaniyang mukha at bigla na lang siya nalungkot. Nilapitan ko naman si Henrietta at saka ngumiti. “Huwag kang mag-alala. Kahit hindi na tayo makakabalik dito, sigurado naman akong magiging masaya naman ang pagdating natin ‘dun kasama ang ating pamilya.” sabi ko sa kaniya. “Kung makapagsalita ka akala mo naman nakapunta ka na roon, ate.” sabi niya na may kaunting tawa sa kaniyang tono. Mukhang nabigla naman ako sa kaniyang sinabi. Bakit? Hindi pa ba nakakapunta si Florentina sa bayan ng Anillo? “Naalala ko noon na dapat sabay ka ring mag-aral sa akin sa Colegio de Santa Carolina pero ayaw mo namang sumama kaya dito ka na lang nag-aaral sa Maynila.” dagdag niya habang nakatingin sa akin. Talagang hindi pa nga nakakapunta si Florentina sa bayan ng Anillo. May sasabihin sana ako kaya lang biglang nagsalita ulit ang don. “Mukhang nandito na ang ating barko. Tayo na’t humayo.” Agad naman kaming sumakay ng barko papuntang Panay at agad nagpaalam sa aming mayor doma na ngayon ay umiiyak habang papaalis na ang sinasakyan naming barko. Mukhang napamahal nga ang pamilyang ito kay Manang Adel kaya labis din ang kalungkutan ni Henrietta habang tinatanaw siya sa malayo. Nagpalipas kami ng tatlong araw sa pagbiyahe kaya talagang natutuwa ako habang tinatanaw ang karagatan at namnamin ang mapreskong hangin na sumasalubong sa aking mukha. Magaalas-tres na ng hapon pero nandito pa rin kami ni Henrietta sa labas ng kubyerta habang si Don Samuel naman ay nagsi-siesta sa aming tinutuluyang silid. Walang katao-tao sa labas kaya talagang nag-eenjoy kaming dalawa. “Tanong ko lang ate, kayo na ba ulit ni ginoong Konrad?” Napaubo naman ako sa kaniyang tanong at saka tumingin sa kaniya. “Anong ibig mong sabihin?” “Ate, huwag mo nang itago. Alam ko ang lahat. Kitang-kita ko nga kayo na magkasama noong nakaraang araw.” sabi pa niya. So ibig sabihin, boyfriend nga ni Florentina si Konrad? Iniwas ko na lang ang aking paningin kay Henrietta at agad napapikit dahil mukhang hindi ako titigilan ng babaeng ‘to. “Kung mahal mo naman si ginoong Konrad ay bakit bumitiw ka pa sa inyong pag-iisang dibdib noong nakaraang taon?” tanong niya ulit. Mukhang wala na akong maihaharap sa kaniya na kasagutan. Kasi unang-una, hindi ko kilala si Konrad at pangalawa, wala akong ideya kung ano ang namamagitan sa kanila ni Florentina. Kaya, kailangan ko ng matinding pag-iisip kung paano ko masasagot ang kaniyang katanungan. Magsasalita na sana ako kaya lang biglang may sumingit na dalawang babae sa aming tabi. Tumawa na lang ang dalawang babae sa aming matinding pagkabigla at agad niyakap kami ni Henrietta. “Katrina Bustamante! Eleanor Carvajal! Anong ginagawa niyo rito?” tanong sa kanila ni Henrietta habang niyayakap din sila. Agad namang kumalas mula sa pagkakayakap ang dalawang babae at saka ngumiti sa amin. “Ano ka ba naman, Henrietta. Siyempre ang mga magaganda mong pinsan ay babalik na rin sa Anillo.” sabi ng isang babae na nakasuot ng baro’t saya na kulay berde. “Kahit kailan ay palabiro ka Eleanor. Nasaan pala ang inyong mga ama ngayon?” tanong ni Henrietta sa kaniya. “Nasa Maynila pa ang aming mga ama ni Katrina. Kasama namin ngayon ang aming tiyahing madre na nagsi-siesta rin sa mga oras na ito.” sabi niya sa amin. Kung ilalarawan ko ang mga pinsan nila, si Eleanor Carvajal ay mukha ring may dugong kastila. Maputi rin siya at may mapupungay na mga mata. May magagandang ngiti rin ito na tiyak na magugustuhan ng mga kalalakihan. Nakasuot siya ngayon ng berdeng baro’t saya. Sa tabi naman niya ay si Katrina Bustamante. May dugong kastila rin. Maputi, may magagandang mata, at mapupulang labi. Nakasuot naman siya ng baro’t saya na kulay kahel. Nakaayos ang mga buhok nila ngayon na napapalibutan ng iba’t ibang disenyo na mas nadadagdagan pa ang kanilang kagandahan. Nasa dugo talaga nila ang pagiging maganda. “Akala ko’y sa susunod na araw pa kayo uuwi ng Anillo?” tanong ni Henrietta sa kanila. “Hindi. Kasalukuyang nasa importanteng pagtitipon ang aming ama sa Maynila kaya nauna na kaming umuwi at saka patapos naman ang ating bakasyon kaya babalik na naman tayo sa Colegio de Santa Carolina.” ani ni Katrina. “Nabalitaan din namin sa aming ama na hindi na kayo babalik pa ng Maynila. Ikaw Florentina, saan ka na magpapatuloy ngayon ng iyong pag-aaral?” tanong naman sa akin ni Eleanor. Napa-isip din ako sa mga sandaling ‘yun. “Siyempre sa Colegio de Santa Carolina, saan pa ba?” sabi ko na lang sa kanila. Kitang-kita ko naman ang kasiyahan sa kanilang mga mata at agad naman silang yumakap sa akin. Mukhang close na close talaga si Florentina sa mga pinsan nito. “Nagagalak talaga akong marinig ‘yan Florentina. Mukhang magiging masaya ang pasukan natin.” sabi ni Katrina habang nakangiti. “Siya nga pala. May gagawin ba kayo pagdating natin sa Panay?” tanong ni Henrietta sa kanila. Napa-isip naman ang dalawa. “Pupunta pa kami ng aking tiyahin sa kumbento para kamustahin ang aking kapatid na madre.” sagot ni Eleanor. “Eh, ikaw naman Katrina?” tanong naman sa kaniya ni Henrietta. Bigla na lang ngumiti nang nakakaloka si Katrina at agad naman naiintindihan ito nina Henrietta at Eleanor. “Pupuntahan ko agad si ginoong Theodore Alfarez.” sabi niya habang kinikilig sa aming harapan. Kinikilig naman sina Henrietta at Eleanor na nasa aking tabi habang ako naman ay nakatunganga sa kanila. “Mukhang mapusok ka na ngayon Katrina. Hindi ‘yan magandang tingnan sa katulad nating mga binibini.” paalala sa kaniya ni Henrietta. “Paano ba naman ‘yan mukhang masyadong tinamaan ang ating pinsan sa peninsulares na ‘yun.” ani naman ni Eleanor. Napatakip na lang ng mukha si Katrina gamit ang dala nitong abaniko. “Eh, ikaw Eleanor kamusta naman kayo ni ginoong Danilo Manejero?” tanong naman ni Henrietta sa kaniya. Bigla namang namula ang mga pisngi ni Eleanor nang banggitin ang pangalan ng nobyo. “Heto, masaya naman kami ni ginoong Danilo. Mag tatatlong taon na ang aming relasyon.” sabi niya habang nakatitig sa mapayapang karagatan. “Alam ba ‘yan ng ama mo tungkol sa itinatago ninyong relasyon?” tanong ulit ni Henrietta. “Hindi pa nga. Hindi pa ito ang tamang panahon upang sabihin kay ama ang aming relasyon. Pero napagdesisyunan namin ni ginoong Danilo na kapag nakapagtapos na kami ng pag-aral ay agad na naming sasabihin kay ama at magpapakasal na rin kami.” sabi niya na nakangiti. Mukhang masaya naman kami sa naging desisyon ni Eleanor. “Eh ikaw, Henrietta? Kailan na kayo ikakasal ni ginoong Esteban Gomez, ha?” tanong sa kaniya ni Katrina. Mukhang nabigla naman ako sa kaniyang sinabi. “Ikakasal ka na?!” “Si ate naman, o. ‘Di ba alam mong ikakasal ako kay ginoong Esteban?” sabi niya sa akin. Mukhang napako ako sa aking kinatatayuan. Uh, oh! Wrong move, Florabelle. Sana tumahimik na lang ako. “Sa susunod pang taon kami ikakasal ni ginoong Esteban. Babalik siya ulit dito sa bansa upang pag-usapan ang aming pagpapakasal.” “Mukhang maswerte ka sa mapapangasawa mo, Henrietta. ‘Di ba abogado si ginoong Esteban?” tanong ni Eleanor sa kaniya. Tumango naman si Henrietta at saka ngumiti. Mukhang nagagalak na siyang makita muli ang kaniyang nobyo galing Espanya. Masaya naman ako para kay Henrietta. “Ikaw naman Florentina.” tanong bigla sa akin ni Katrina. Tumingin agad ako sa kaniya. “Kailan mong balak sabihin sa iyong ama ang itinatago ninyong relasyon ni ginoong Konrad Garcia, ha?” nagulat naman ako sa kaniyang tanong. “Huwag mo na kasing itago pa, Florentina. Ang swerte mo nga dahil mahal na mahal ka ni ginoong Konrad. Kahit na nadismaya siya sa pagputol mo ng inyong kasal nung nakaraang taon, talagang hinintay ka niya at nagbabasakaling tanggapin mo ulit ang kaniyang pag-ibig.” dagdag pa niya. “Kung nagmamahalan naman kayo ni ginoong Konrad, ba’t hindi mo pa sabihin sa iyong ama para matuloy na ulit ang inyong pag-iisang dibdib?” tanong ni Eleanor sa akin. Talagang wala na akong maisasagot pa sa kanilang tanong. Parang gusto ko nang magising sa panaginip na ‘to. Magsasalita pa sana si Eleanor ngunit may narinig kaming malalim na boses mula sa likuran na aming ikinagulat bigla. “Nandito pala kayo Katrina, Eleanor.” sabi ni Don Samuel. Agad naman nagbigay galang ang dalawang binibini at saka ngumiti. “ Magandang hapon po, Tiyo Samuel.” sabay nilang bati. ********** Mula sa malayong paglalakbay ay narating na rin namin sa wakas ang isla ng Panay. Agad na kaming nakapagbihis at tinipon ang aming mga gamit dahil ilang minuto na lang ay agad na kaming bababa sa daungan. Mag aalas-sais na ng umaga nang dumating na kami sa nasabing isla. Mukhang masayang-masaya si Henrietta dahil nakabalik na siya ulit dito. “Ate, maligayang pagdating sa isla ng Panay!” sabi niya sa akin. Ngumiti na lang ako at napamangha nang masilayan ang kagandahan sa simpleng isla na ito. Nang pababa na kami sa daungan ay maraming tao ang nakaabang sa pagdating ng mga barko. Iba ang isla kumpara sa Maynila. Medyo hindi pa sibilisado ang lugar na ito kung kaya’y makikita ang malawakang puno sa tabi ng daungan. Ang mga kababaihan dito lalo na ang mga nasa mababang lipunan ay nakasuot ng kimona at patadyong. Sa kalalakihan naman ay nakasuot lang sila ng simpleng camisa de chino. Pinagmamasdan ko lang sila habang nagpapagod para sa kanilang kabuhayan. “Florentina, Henrietta, Tiyo Samuel. Mauuna na po kami.” paalam ni Eleanor sa amin. “Ako rin.” dagdag pa ni Katrina. “Sige, mag-iingat kayo.” sabi namin ni Henrietta habang tumatango lang sa kanila si Don Samuel. Agad naman silang nagbigay galang at agad na ring umalis. Sumakay na sila sa kani-kanilang kalesa at tuluyan nang nilisan ang daungan. “Mukhang nandito na rin ang ating kalesa.” sabi ni Don Samuel habang nakatitig sa paparating na kalesa. Nagkatinginan muna kami ni Henrietta at agad namang binitbit ang aming mga dalang gamit. Huminto na rin ang kalesa sa aming harapan at agad bumaba ang kutsero para tulungan kami. Habang tumatakbo ang kalesa papunta sa aming tahanan sa Anillo ay muli akong napamangha sa nakikita kong mga kabukiran sa tapat ng bintana. Ang buhay talaga sa bukid ay kakaiba at masaya dahil sa likas nitong yaman galing kapaligiran. May mga taong nagtatrabaho sa palayan, maisan, at sa malawak na taniman ng mga tubo na ito rin ang pangunahing hanapbuhay ng mga taga-bisaya. Talagang masisipag ang mga tao rito. “Florentina, masasanay ka rin dito sa ating bayan.” sabi na lang ni Don Samuel sa akin. Nang makarating na kami sa aming tahanan sa Anillo ay tumambad sa amin ang malawakang taniman ng mga tubo. Nakikita ko ring may nakasulat pa sa itaas ng pasukang daan at saka binasa ito.
Hacienda de Morcillo. Ito na ’yung hacienda na pagmamay-ari ng pamilya ni Florentina. Mukhang makapangyarihan talaga si Don Samuel. Nang bumaba na ako mula sa kalesa ay agad tumambad sa amin ang malaking mansion. Woah! Napamangha ulit ako sa aking nakikita. Malaki at malawak ang mansion at napapalibutan din ito ng malalaking gate na kulay ginto. May mga taniman din sila rito na mga halaman at mga iba’t ibang bulaklak. Masayang-masaya ako ngayon sa aking nakikita at napa-isip na rin na talagang maganda ang pamumuhay noon ni Florentina Morcillo rito sa bayan ng Anillo.
Thank you
Support the author to bring you wonderful stories
Cost 74 diamonds
Balance: 0 Diamond ∣ 0 Points
Book Comment (34)
Fernandes MelgarEduardo
bom
17/01/2025
0
DimapilisJudyann
5.0
02/12/2024
0
LaugoJocel
very nice ,, super , and it's can relieve my stress
bom
17/01/2025
05.0
02/12/2024
0very nice ,, super , and it's can relieve my stress
20/10/2024
0View All